Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 16:13-28; Marcos 8:27-38; Lukas 19:18-27.
Matuling nagwawakas ang gawain ni Kristo sa lupa. Buhay na buhay na nakalatag sa harap Niya ang mga tanawing Kaniyang daraanan. Noon pa mang bago Siya nagkatawang-tao, ay nakita na Niya ang buong hinaba-haba ng landas na Kaniyang lalakbayin upang mailigtas ang mga nawawala. Bawa't subyang na nagpakirot ng Kaniyang puso, bawa't paghamak na ipinataw sa Kaniyang ulo, bawa't kawalang ipinabata sa Kaniya, ay inilantad na sa Kaniyang paningin bago pa man Niya isaisantabi ang Kaniyang putong at ang kagayakang-hari, at nanaog buhat sa trono, upang ibihis ang pagkatao sa Kaniyang pagkaDiyos. Ang landas mula sa pasabsaban hanggang sa Kalbaryo ay inilantad sa harap Niya. Batid Niya ang paghihirap na sasapitin Niya. Alam Niyang lahat ito, at gayon pa man ay sinabi Niya, “Narito, dumarating Ako: sa balumbon ng aklat ay nakasulat tungkol sa Akin, Aking kinalulugurang sundin ang Iyong kalooban, Oh Diyos Ko: oo, ang Iyong kautusan ay nasa loob ng Aking puso.” Awit 40:7, 8. BB 585.1
Laging buhay sa paningin Niya ang bunga ng Kaniyang misyon. Ang buhay Niya sa lupa, na puno ng paggawa at pagpapakasakit, ay pinaligaya ng pag-asa na hindi mawawalan ng kabuluhan ang lahat Niyang paghihirap na ito. Sa pagbibigay Niya ng Kaniyang buhay sa ikatutubos ng buhay ng mga tao, ay mapababalik Niya ang sanlibutan sa pagtatapat nito sa Diyos. Bagama't dapat muna Niyang tanggapin ang bautismo ng dugo; bagama't ang mga kasalanan ng sanlibutan ay ipapapasan sa Kaniyang di-nagkasalang kaluluwa; at bagama't ang anino o lambong ng dimaipahayag na kapighatian ay nakalukob sa Kaniya; gayon pa man dahil sa kagalakang inilagay sa harapan Niya, ay pinili Niya ang magtiis ng krus, at hamakin ang kahihiyan. BB 585.2
Sa mga pinili Niyang kasama sa ministeryo ay nalilihim pa ang mga tanawing nakikita na Niya; nguni't malapit na ang panahong makikita na rin nila ang Kaniyang paghihirap. Makikita nila Siya na kanilang iniibig at pinagtiwalaan, na nabigay sa mga kamay ng Kaniyang mga kaaway, at ibinayubay sa krus ng Kalbaryo. Hindi na magtatagal at iiwan Niya sila upang sila naman ang makitalad sa sanlibutan nang wala ang umaaliw Niyang nakikitang pakikisama. Batid Niya kung paano sila uusigin ng matinding poot at di-paniniwala, at kaya nga nais Niyang ihanda sila sa mga pagsubok na sasapit sa kanila. BB 586.1
Dumating na ngayon si Jesus at ang mga alagad Niya sa isa sa mga bayang malapit sa Cesarea Filipo. Sila'y lampas na sa mga hangganan ng Galilea, sa isang pook na laganap ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Dito'y malayo na ang mga alagad sa sumusupil na impluwensiya ng Hudaismo, at nadala sa lalong malapit na pagkakaugnay sa pagsambang pagano. Nililigid sila ng mga anyo at ayos ng mga pamahiing laganap sa lahat ng dako ng sanlibutan. Ninais ni Jesus na ipakita sa kanila ang mga bagay na ito upang madama nila ang kanilang kapanagutan sa mga pagano o sa mga sumasamba sa di-tunay na diyos. Sa panahong itinigil Niya sa pook na ito, pinagsikapan Niyang itigil ang pagtuturo sa mga tao, at iukol ang buo Niyang panahon sa Kaniyang mga alagad. BB 586.2
Sasabihin na sana Niya ang sasapitin Niyang paghihirap. Subali't inuna Niya muna ang umalis nang nag-iisa, at Siya'y nanalanging sana'y mahanda ang kanilang mga puso na tanggapin ang Kaniyang mga salita. Nang magbalik Siya sa kanila, hindi Niya agad sinabi ang ibig Niyang sabihin. Bago Niya gawin ito, binigyan Niya sila ng pagkakataong maipahayag ang kanilang pananampalataya sa Kaniya upang sila'y mapalakas at mapatibay sa dumarating na pagsubok. Siya'y nagtanong, “Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino Ako na Anak ng tao?” BB 586.3
Buong kalungkutang napilitang aminin ng mga alagad na hindi nakilala ng Israel ang kanilang Mesiyas. Ang ilan ay tunay na nagsabing Siya ang Anak ni David, nang makita nila ang Kaniyang mga kababalaghang gawa. Ang karamihang pinakain sa Bethsaida ay naghangad na itanyag Siyang hari ng Israel. Marami naman ang handang tanggapin Siya bilang isang propeta; subali't hindi sila naniwalang Siya ang Mesiyas. BB 587.1
Ngayo'y iniukol naman ni Jesus ang ikalawang tanong sa mga alagad mismo: “Datapwa't ano ang sabi ninyo kung sino Ako?” Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” BB 587.2
Buhat pa sa pasimula, naniwala na si Pedro na si Jesus ay siyang Mesiyas. Ang marami sa mga ibang naniwala sa pangangaral ni Juan Bautista, at tumanggap kay Kristo, ay nagpasimulang mag-alinlangan sa misyon ni Juan nang ito'y mabilanggo at pugutan ng ulo; at sila ngayo'y nagaalinlangan na ring si Jesus ay siyang Mesiyas, na napakaluwat na nilang hinihintay-hintay. Ang marami sa mga alagad na buong tuwang umasa na Siya ang uupo sa trono ni David ay iniwan Siya nang mahalata nilang wala Siyang gayong hangarin. Nguni't si Pedro at ang mga kasamahan niya ay hindi nagbago sa kanilang paniniwala. Ang pabagu-bagong paniniwala ng mga nagsipuri kahapon at nagsihatol ngayon ay hindi nakapagwasak sa pananampalataya ng tunay na tagasunod ng Tagapagligtas. Sinabi ni Pedro, “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Hindi niya hinintay na ang Panginoon niya ay putungan ng mga karangalang ukol sa hari, kundi tinanggap niya Siya sa Kaniyang pagpapakumbaba. BB 587.3
Ipinahayag ni Pedro ang pananampalataya ng Labindalawa. Gayon pa ma'y hinding-hindi pa rin maabot ng unawa ng mga alagad ang layunin ni Kristo. Ang pagsalungat at maling-pagpapaliwanag ng mga saserdote at mga pinunongbayan, kung hindi man nakapagpahiwalay sa kanila kay Kristo, ay nakagulo naman sa kanilang isip. Hindi nila nakitang malinaw ang kanilang lakad. Ang impluwensiya ng kanilang natutuhan sapul sa pagkabata, ang turo ng mga rabi, at ang kapangyarihan ng mga sali't saling sabi, ay nakakasagabal pa rin sa pagtingin nila sa katotohanan. Sa pana-panahon ay lumiwanag sa kanila ang mahahalagang sinag ng liwanag na nagbubuhat kay Jesus, gayunman ay madalas na natutulad pa rin sila sa mga taong kumakapa sa dilim. Nguni't nang araw na ito, ay namahinga sa kanila ang Espiritu Santo na may kapangyarihan, bago sila napaharap sa malaking pagsubok sa kanilang pananampalataya. Sandaling panahong nahiwalay ang kanilang mga mata sa “mga bagay na nangakikita,” upang makita “ang mga bagay na hindi nangakikita.” 2 Corinto 4:18. Sa ilalim ng bihis na pagkatao ay nakita nila ang kaluwalhatian ng Anak ng Diyos. BB 588.1
Sinagot ni Jesus si Pedro, na sinasabi, “Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka't hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at dugo, kundi ng Aking Ama na nasa langit.” BB 588.2
Ang katotohanang ipinagtapat ni Pedro ay siyang kinasasaligan ng pananampalataya ng tao. Ito yaong sinabi ni Kristo na rin na siyang buhay na walang-hangan. Nguni't ang pagkakaroon ng ganitong pagkakilala ay hindi dahilan upang magmapuri ang sarili. Ito'y inihayag kay Pedro hindi dahil sa siya'y marunong o mabuti kaysa iba. Sa sarili ng tao, ay di-kailanman niya magagawang makilala ang Diyos. “Mataas na gaya ng langit; anong iyong magagawa? malalim kaysa Sheol; anong iyong malalaman?” Job 11:8. Espiritu ng pagkukupkop lamang ang makapaghahayag sa atin ng malalalim na bagay ng Diyos, na “hindi nakita ng mata, ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao.” “Ang mga ito ay ipinahayag sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu: sapagka't nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalalim na mga bagay ng Diyos.” 1 Corinto 2:9, 10. “Ang lihim ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa Kaniya;” at ang pangyayaring nakilala ni Pedro ang kaluwalhatian ni Kristo ay isang katunayan na siya'y “tinuruan ng Diyos.” Awit 25: 14; Juan 6:45. Ah, tunay, “mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka't hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at dugo.” Nagpatuloy si Jesus: “Sinasabi Ko naman sa iyo, Na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo Ko ang Aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.” Ang salitang Pedro ay nangahulugang isang bato-isang gumugulong na batong maliit. Si Pedro ay hindi siyang malaking batong kinasasaligan ng iglesya. Ang mga pintuan ng Hades o impiyerno ay nanaig laban sa kaniya nang ikaila niya ang kaniyang Panginoon nang may kasamang panunumpa at panunungayaw. Ang iglesya ay itinayo sa ibabaw ng Isa na hinding-hindi mapananagumpayan ng mga pintuan ng impiyerno. BB 588.3
Mga dantaon pa bago isinilang ang Tagapagligtas ay dinaliri na ni Moises ang “Bato ng kaligtasan ng Israel.” Inawit ng mang-aawit ang “Bato ng aking kalakasan.” Sumulat naman si Isaias, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Narito, Aking inilagay sa Siyon na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok, na may matibay na patibayan.” Deuteronomio 32:4; Awit 62:7; Isaias 28:16. Si Pedro na rin, nang sumulat siya sa udyok ng Espiritu, ay ikinapit ang hulang ito kay Jesus. Sinasabi niya, “Kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya: na kayo'y magsilapit sa Kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana'y itinakwil ng mga tao, datapuwa't sa Diyos ay hirang, mahalaga, kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu.” 1 Pedro 2:3-5. BB 589.1
“Sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan kundi ang nalalagay na, na ito'y si Kristo Jesus.” 1 Corinto 3:11. “Sa ibabaw ng batong ito,” wika ni Jesus, “ay itatayo Ko ang Aking iglesya.” Sa harapan ng Diyos at ng lahat ng mga anghel sa langit, sa harap ng di-nakikitang hukbo ng impiyerno, ay itinayo ni Kristo ang Kaniyang iglesya sa ibabaw ng Batong buhay. Ang Batong iyon ay Siya na rin—ang sarili Niyang katawan, na dahil sa atin ay nasugatan at nabugbog. Laban sa iglesyang itinayo sa ibabaw ng ganitong pinagsasaligan, ay hindi makapananaig ang mga pintuan ng impiyerno. BB 590.1
Sa malas ay kayhina ng iglesya nang salitain ni Kristo ang mga katagang ito! Iilan pa lamang ang mga sumasampalataya, at laban sa mga ito itutuon ang buong kapangyarihan ng mga demonyo at ng masasamang tao; gayunman ay hindi sila dapat na mangatakot. Palibhasa'y nakatayo sa ibabaw ng Batong kanilang kalakasan, ay hindi sila magagapi. BB 590.2
Sa loob ng anim na libong taon, ay nagtibay kay Kristo ang pananampalataya. Sa loob ng anim na libong taon ay hinahampas ng mga baha at mga unos ng galit ni Satanas ang Bato ng ating kaligtasan; nguni't nakatayo pa rin ito na di-natitinag. BB 590.3
Ipinahayag ni Pedro ang katotohanan na siyang pinagsasaligan ng pananampalataya ng iglesya, at ngayo'y pinararangalan siya ni Jesus bilang kinatawan ng buong kapulungan ng mga sumasampalataya. Sinabi Niya, “Ibibigay Ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit: at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.” BB 590.4
“Ang mga susi ng kaharian ng langit” ay ang mga salita ni Kristo. Lahat ng mga salita ng Banal na Kasulatan ay sa Kaniya, at pawang kasama rito. Ang mga salitang ito ay may kapangyarihang magbukas at magsara ng langit. Sinasabi ng mga ito ang mga kondisyon na doon nakabatay ang pagtanggap o pagtanggi sa mga tao. Sa ganitong paraan ang gawain ng mga nangangaral ng salita ng Diyos ay nagiging isang samyo ng buhay sa ikabubuhay o kaya'y samyo ng kamatayan sa ikamamatay. Ang misyon nila ay nagbubunga nang walang-katapusan. BB 590.5
Ang gawain ng ebanghelyo ay hindi inihabilin ng Tagapagligtas kay Pedro lamang. Nang dakong huli, ang mga salitang sinabi kay Pedro, ay tuwiran Niyang inulit sa iglesya. At ganyan din ang diwa ng sinabi sa Labindalawa bilang kinatawan sila ng kapulungan ng mga sumasampalataya. Kung si Jesus ay nag-iwan ng anumang tanging kapangyarihan sa isa sa mga alagad nang higit sa mga iba, hindi sana natin sila madalas na matatagpuang nagtatalo tungkol sa kung sino ang pinakadakila. Kaipala'y napailalim na sila sa ninanais ng kanilang Panginoon, at iginalang ang isa na Kaniyang pinili. BB 591.1
Sa halip na si Kristo'y pumili ng isang magiging pangulo nila, ay ganito ang sinabi Niya sa mga alagad, “Kayo'y huwag patawag na Rabi;” “ni huwag kayong patawag na mga panginoon: sapagka't Iisa ang inyong Panginoon, samakatwid baga'y ang Kristo.” Mateo 23:8, 10. BB 591.2
“Ang pangulo ng bawa't lalaki ay si Kristo.” Ang Diyos, na naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim ng talampakan ng Tagapagligtas, “ay pinagkalooban Siya na maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya, na siyang katawan Niya, na kapuspusan Niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.” 1 Corinto 11:3; Efeso 1:22, 23. Ang iglesya ay nakatayo kay Kristo bilang siyang patibayan nito; dapat itong sumunod kay Kristo bilang pangulo nito. Ito'y hindi dapat umasa sa tao, o dapat makontrol ng tao. Sinasabi ng marami na ang pagkakaroon ng mataas na katungkulan sa iglesya ay nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang mag-utos sa mga iba kung ano ang kanilang paniniwalaan at kung ano ang kanilang gagawin. Ang ganitong pahayag ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Sinasabi ng Tagapagligtas, “Kayong lahat ay magkakapatid.” Lahat ay nalantad sa tukso, at malamang na magkamali. Walang taong maaasahan nating patnubay. Ang Bato ng pananampalataya ay siyang buhay na pakikisama ni Kristo sa iglesya. Dito maaaring umasa ang pinakamahina, at yaon namang nag-aakalang sila ang pinakamalakas ay mapatutunayang sila ang pinakamahihina, malibang gawin nila si Kristo na sapat sa kanila. “Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig.” Ang Panginoon ay “Siya ang Bato, ang Kaniyang gawa ay sakdal.” “Mapalad ang nagtitiwala sa Kaniya.” Jeremias 17:6; Deuteronomio 32:4; Awit 2:12. BB 591.3
Pagkatapos ng pahayag na ito ni Pedro, pinagbilinan ni Jesus ang mga alagad na huwag sabihin kanino man na Siya nga ang Kristo. Ibinigay ang ganitong bilin dahil sa mahigpit na banta ng mga eskriba at mga Pariseo. Bukod sa rito, ang mga tao, at pati na ang mga alagad, ay may dati nang maling pagkakilala sa Mesiyas na anupa't ang hayagang pagtatanyag o pagpapakilala sa Kaniya ay walang ibibigay na tunay na pagkaunawa sa Kaniyang likas o sa Kaniyang gawain. BB 592.1
Inasahan pa rin ng mga alagad na si Kristo ay maghahari bilang isang prinsipe sa lupa. Bagama't napakaIuwat na Niyang inililihim ang Kaniyang panukala, naniniwala naman silang hindi Siya laging mananatiling nasa kahirapan at di-kilala; hindi magtatagal at darating din ang panahong itatayo Niya ang Kaniyang kaharian. Na ang pagkamuhi ng mga saserdote at ng mga rabi ay di-kailanman magbabawa, na si Kristo ay itatakwil ng sarili Niyang bayan, na hahatulan bilang isang magdaraya, at ipapako sa krus na tulad sa isang tampalasan— ang ganitong isipan ay di-kailanman pumasok sa guniguni ng mga alagad. Nguni't nalalapit na ang oras ng kapangyarihan ng kadiliman, at kailangan nang ihayag ni Jesus sa Kaniyang mga alagad ang labanang nasa unahan nila. Nalumbay Siya sa pagkagunita Niya sa darating na pagsubok. BB 592.2
Hanggang ngayon ay hindi pa Niya ipinaaalam sa kanila ang Kaniyang sasapiting mga paghihirap at kamatayan. Sa Kaniyang pakikipag-usap kay Nicodemo ay sinabi Niya, “Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, ay gayon kinakailangang itaas ang Anak ng tao; upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Juan 3:14, 15. Nguni't hindi narinig ng mga alagad ang pangungusap na ito, at narinig man nila, maaaring hindi rin nila maunawaan. Datapuwa't ngayo'y nakasama na sila ni Jesus, na pinakikinggan ang Kaniyang mga salita, minamasdan ang Kaniyang mga ginagawa, hanggang, sa kabila ng kaabaan ng Kaniyang kapaligiran, at ng pagsalungat ng mga saserdote at mga tao, ay makiisa na sila sa pagpapatotoo ni Pedro na, “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Ngayo'y dumating na ang panahong dapat nang hawiin ang tabing na tumatakip sa hinaharap. “Mula nang panahong yaon ay nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa Kaniyang mga alagad, na kinakailangang Siya'y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at Siya'y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.” BB 593.1
Umid palibhasa dahil sa lungkot at panggigilalas, nakinig ang mga alagad. Tinanggap ni Kristo ang pagkilala ni Pedro sa Kaniya na Siya nga ang Anak ng Diyos; at ngayon ang mga salita Niyang Siya'y magbabata at mamamatay ay waring hindi nila maunawaan. Hindi mapalagay si Pedro. Pinigilan niya ang kaniyang Panginoon, na para bagang pinauurong Ito sa nagbabantang kapahamakan Nito, at bumulalas, “Panginoon, malayo ito sa Iyo: kailanman ay hindi mangyayari ito sa Iyo.” BB 593.2
Mahal ni Pedro ang kaniyang Panginoon; nguni't hindi pinaunlakan ni Jesus ang ipinamalas nitong malasakit na Siya'y huwag nang magbata. Ang mga pangungusap ni Pedro ay hindi nakapagdudulot ng tulong at aliw kay Jesus sa malaking pagsubok na nahaharap sa Kaniya. Ang mga iyon ay hindi naaayon sa panukala ng Diyos na biyaya sa isang nawaglit na sanlibutan, ni sa aral man ng pagpapakasakit sa sarili na siyang ipinarito ni Jesus upang ituro sa pamamagitan ng sarili Niyang halimbawa. Hindi ibig ni Pedrong makita ang krus sa gawain ni Kristo. Ang impresyong magagawa ng mga salita niya ay tuwirang laban sa nais ni Kristong maikintal sa pag-iisip ng Kaniyang mga tagasunod, at dahil dito'y napilitan ang Tagapagligtas na magsalita ng pinakamatinding pagsuwat na hindi pa kailanman namutawi sa Kaniyang mga labi nang una: “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas: ikaw ay tisod sa Akin: sapagka't hindi mo pinag-iisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng mga tao.” BB 594.1
Pinagsisikapan ni Satanas na papanghinain ang loob ni Jesus, at mapatalikod Siya sa Kaniyang misyon; at si Pedro, palibhasa'y binubulag ng pag-ibig, ay nagpahayag ng tinig ng tukso. Ang maygawa ng tukso ay ang prinsipe ng kasamaan. Ito ang nasa likod ng mapusok na pakiusap na yaon. Doon sa ilang, inialok ni Satanas kay Kristo ang pagpupuno sa buong sanlibutan sa kondisyong iiwan Niya ang landas ng pagpapakaaba at pagpapasakit. Ngayo'y iyan din ang tuksong inihaharap nito sa alagad ni Kristo. Sinisikap nitong maituon ang paningin ni Pedro sa kaluwalhatian ng buong lupa, upang hindi niya makita ang krus na siya namang nais ni Jesus na kanyang makita. At sa pamamagitan ni Pedro, muli na namang iginigiit at ipinagpipilitan ni Satanas kay Jesus ang tukso. Nguni't hindi ito pinansin ng Tagapagligtas; ang iniisip Niya ay ang ikabubuti ng Kaniyang alagad. Si Satanas ang lumagay sa pagitan ni Pedro at ng kaniyang Panginoon, upang ang puso ng alagad ay huwag maantig sa pangitain ng pagpapakahirap at pagpapakumbaba ni Kristo dahil sa kaniya. Ang mga salitang binigkas ni Kristo ay hindi iniukol kay Pedro, kundi sa isa na nagsisikap maihiwalay siya sa kaniyang Manunubos. “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas.” Huwag ka nang lumagay sa pagitan Ko at ng Aking namamaling alagad. Bayaan mong magkaharap kami ni Pedro nang mukhaan, upang Aking maipakita sa kaniya ang hiwaga ng Aking pag-ibig. BB 594.2
Isang masaklap na aral iyon sa ganang kay Pedro, at isa na matagal bago niya natutuhan, na ang landas ni Kristo sa lupa ay nalalatagan ng paghihirap at pagpapakababa. Nangunti si Pedro na makiisa o makisama sa paghihirap ng kaniyang Panginoon. Nguni't ang pagpapala nito ay matututuhan niya sa init ng apoy ng hurno. Pagkaraan ng mahabang panahon, nang hukot na siya sa katandaan at kapagalan, ay sumulat siya, “Mga minamahal, huwag kayong mangagtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo na dumarating upang kayo'y subukin, na waring ang nangyayari sa inyo ay di-karaniwang bagay: kundi kayo'y mangagalak, sapagka't kayo'y mga karamay sa mga hirap ni Kristo; upang, sa pagkahayag ng Kaniyang kaluwalhatian, ay mangagalak kayo ng malabis na galak.” 1 Pedro 4:12, 13. BB 595.1
Ipinaliwanag ngayon ni Jesus sa Kaniyang mga alagad na ang sarili Niyang kabuhayan ng pagpapakasakit ay isang halimbawa ng magiging kabuhayan nila. Pinalapit Niya sa palibot Niya ang mga alagad, at ang mga taong aali-aligid sa malapit, at Kaniyang sinabi, “Kung ang sinumang tao ay ibig sumunod sa Akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa araw-araw ang kaniyang krus, at sumunod sa Akin.” Ang krus ay kakambal ng kapangyarihan ng Roma. Ito ang kasangkapan sa pinakamalupit at pinakanakahihiyang anyo ng pagkamatay. Ang lalong hamak sa mga salarin ay pinagpapasan ng krus hanggang sa dakong patayan; at madalas na pagka ipapasan na ito sa kanilang balikat, ay nanlalaban sila nang buong karahasan, hanggang sa sila'y mapasuko, at ang kasangkapan sa pagpapahirap ay itinatali sa kanila. Datapwa't ngayo'y inaatasan ni Jesus ang mga sumusunod sa Kaniya na dalhin ang krus at ito'y pasaning kasunod Niya. Sa ganang mga alagad ang mga salita Niya, bagama't bahagya na nilang mapag-unawa, ay tumutukoy sa pagpapailalim nila sa pinakamapait na pagpapakababa— pagpapailalim hanggang sa kamatayan alang-alang kay Kristo. Wala nang lubos na pagpapasakop ng sarili na mailalarawan pa ang Tagapagligtas. Gayunman lahat ng ito ay tinanggap Niya dahil sa kanila. Ang langit ay hindi itinuring ni Jesus na kanais-nais samantalang tayo ay mga waglit. Ipinagpalit Niya ang mga palasyo sa langit sa isang kabuhayang kinukutya at hinahamak, at sa isang kahiya-hiyang kamatayan. Siya na mayaman sa walang-katumbas na kayamanan ng langit, ay nagpakadukha, upang sa pamamagitan ng Kaniyang karukhaan ay magsiyaman tayo. Dapat tayong sumunod sa landas na Kaniyang tinalunton. BB 595.2
Ang pag-ibig sa mga kaluluwang pinagkamatayan ni Kristo ay nangangahulugang pagpapako ng sarili sa krus. Dapat kilalanin mula ngayon ng isang anak ng Diyos na siya'y tulad sa isang kawing ng tanikala na inilawit upang iligtas ang sanlibutan, kaisa ni Kristo sa Kaniyang maawaing panukala, at lumalakad na kasama Niya upang hanapin at iligtas ang mga nawawala. Dapat laging madama ng Kristiyano na itinalaga na niya ang kaniyang sarili sa Diyos, at sa kaniyang likas ay dapat niyang ihayag o ipakita si Kristo sa sanlibutan. Ang pagpapakasakit sa sarili, ang pakikiramay, at ang pag-ibig, na nakita sa buhay ni Kristo ay siya ring dapat makita sa kabuhayan ng manggagawa ng Diyos. BB 596.1
“Ang sinumang mag-ibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito; nguni't ang sinumang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa Akin at sa ebanghelyo, ay maililigtas yaon.” Ang pagkamakasarili ay kamatayan. Walang sangkap ng katawang mabubuhay kung sarili lamang nito ang paglilingkuran. Ang puso ay madaling manghihina pagka hindi na nagpadala ng dugo ng buhay sa kamay at sa ulo. Bilang ating dugo ng buhay, ay ganyan din ang pag-ibig ni Kristo na dumadaloy sa buong lahat na baha-gi ng Kaniyang mahiwagang katawan. Tayo'y magkakasamang mga sangkap sa isa't isa, at ang kaluluwang tumatangging mamahagi o mamigay ay mamamatay. At “ano ang pakikinabangin ng tao,” wika ni Jesus, “kung makamtan niya ang buong sanlibutan, at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” BB 597.1
Sa kabila ng karukhaan at kaabaan ng kasalukuyang panahon, ay itinuro Niya sa mga alagad ang Kaniyang pagdating sa kaluwalhatian, hindi sa kaluwalhatian o karilagan ng trono sa lupa, kundi sa kaluwalhatian ng Diyos at ng mga hukbo ng mga anghel sa langit. At nang magkagayo'y, sinabi Niya, “Kaniyang gagantimpalaan ang bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa.” Pagkatapos upang lumakas ang kanilang loob ay nagbigay Siya ng pangako, “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anumang paraan ang kamatayan, hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa Kaniyang kaharian.” Nguni't hindi napag-unawa ng mga alagad ang Kaniyang mga sinalita. Ang kaluwalhatian ay waring napakalayo pa. Ang nakikita nila ay ang lalong malapit na tanawin, ang maralitang buhay sa lupa, ang kadustaan, at ang paghiharap. Iiwan na ba nila ang matatayog nilang inaasahan sa kaharian ng Mesiyas? Hindi ba nila makikita ang pagkabunyi ng kanilang Panginoon sa luklukan ni David? Mananatili na lamang ba si Kristo na nabubuhay na aba, walang bahay-tirahan, hinahamak, itinatakwil, at papatayin? Piniyapis ng kalungkutan ang kanilang mga puso, sapagka't mahal nila ang kanilang Panginoon. Pinahirapan din ng pag-aalinlangan ang mga isip nila, sapagka't waring hindi nila madalumat kung bakit ang Anak ng Diyos ay kailangan pang pailalim sa gayong malupit na pagkadusta. Tinanong nila ang sarili nila kung bakit kaya kailangan pang Siya'y pumunta sa Jerusalem upang doo'y tampalasaning gaya ng sinabi Niya sa kanila. Ano't papayag Siya sa gayong kapalaran, at iiwan sila sa lalong makapal na kadiliman kaysa kinasasadlakan nila nang unang bago Niya inihayag sa kanila ang kaniyang sarili? BB 597.2
Sa pook ng Cesarea Filipo, si Kristo ay hindi abot ni Herodes at ni Caifas, ang katwiran ng mga alagad. Wala Siyang dapat pangambahang poot ng mga Hudyo o kaya'y kapangyarihan ng mga Romano. Bakit hindi Siya roon gumawa, na malayo sa mga Pariseo? Bakit Niya isusubo ang sarili Niya sa kamatayan? Kung Siya'y mamamatay, paano matatayong matibay ang Kaniyang kaharian na hindi pananaigan ng mga pintuan ng impiyerno? Sa ganang mga alagad ito ay tunay na isang hiwaga. BB 598.1
Ngayon pa man ay naglalakad na sila sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea patungo sa siyudad na kadudurugan ng lahat nilang mga pag-asa. Hindi nila mapangahasang tumutol kay Kristo, nguni't paanas at malungkot silang nag-usap-usap tungkol sa kung ano kaya ang mangyayari sa hinaharap. Maging sa gitna ng kanilang pagtatanung-tanungan ay mahigpit pa rin silang umasa na may di-inaasahang pangyayari na pipigil sa kapahamakang wari'y nakaabang sa kanilang Panginoon. Ganito sila nalungkot at nag-alinlangan, umasa at nangamba, sa loob ng anim na mahahaba't malulungkot na mga araw. BB 598.2