Sa wakas ay namahinga na si Jesus. Natapos na ang mahabang maghapon ng pagdusta at pahirap sa Kaniya. Samantalang namamaalam na ang mga huling silahis ng araw at pumapasok naman ang banal na Sabbath, ang Anak ng Diyos ay tahimik na namamahinga sa libingan ni Jose. Palibhasa'y tapos na ang Kaniyang gawain, at nangakatiklop na ang Kaniyang mga kamay sa kapayapaan, ay namahinga Siya sa buong mga banal na oras ng araw ng Sabbath. BB 1120.1
Noong pasimula ang Ama at ang Anak ay nagpahinga sa Sabbath pagkatapos ng Kanilang gawain ng paglalang. Nang “nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat na natatanaw sa mga iyon” (Genesis 2:1), ang Manlalalang at ang lahat ng mga kinapal sa langit ay nangagkatuwa sa pagninilay-nilay sa maluwalhating tanawin. “Nagsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay naghiyawan sa kagalakan.” Job 38:7. Ngayo'y nagpahinga si Jesus sa gawain ng pagtubos; at bagaman nagsisipagdalamhati ang mga umiibig sa Kaniya sa lupa, gayunma'y nagkakatuwaan naman sa langit. Maluwalhati sa paningin ng mga nilalang na tagalangit ang pangako tungkol sa hinaharap. Isang nasauling nilalang, isang lahing natubos, na nagwagi sa kasalanan at hindi na magkakasala pa—ito ang nakita ng Diyos at ng mga anghel na bunga ng natapos na gawain ni Kristo. Sa tanawing ito laging nauugnay ang araw na ipinagpahinga ni Jesus. Sapagka't “ang Kaniyang gawa ay sakdal;” at “anumang ginagawa ng Diyos, magiging magpakailan pa man.” Deuteronomio 32:4; Ecclesiastes 3:14. Pagka nangyari na ang “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng Kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang pasimula ng sanlibutan” (Mga Gawa 3:21), ang Sabbath ng paglalang, ang araw na ipinagpahinga ni Jesus sa libingan ni Jose, ay mananatili pa ring isang araw ng kapahingahan at pagkakatuwaan. Ang langit at ang lupa ay magkakaisa sa pagpupuri, kapag “mula sa isang Sabbath hanggang sa panibago” (Isaias 66:23) ang mga ligtas na bansa ay magsisiyukod sa masayang pagsamba sa Diyos at sa Kordero. BB 1120.2
Sa mga huling pangyayari nang araw na mabayubay si Kristo sa krus, ay nagbigay ng sariwang katibayan tungkol sa pagkatupad ng hula, at may bagong saksing nagpatunay sa pagka-Diyos ni Kristo. Nang mapawi na ang kadilimang lumukob sa krus, at mabigkas na ang namamaalam na sigaw ng Tagapagligtas, ay karaka-rakang narinig ang ibang tinig, na nagsasabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.” Mateo 27:54. BB 1121.1
Ang mga salitang ito ay hindi binigkas nang pabulong. Lahat ng paningin ay nangapabaling sa pinanggalingan ng salita. Sino ang nagsalita? Ang senturyon, ang kawal na Romano. Ang banal na pagtitiis ng Tagapagligtas, at ang biglang pagkalagot ng Kaniyang hininga, na may sigaw na pananagumpay sa Kaniyang mga labi, ay naka-tawag ng pansin ng paganong ito. Sa pasa-pasaan at sugatang katawan na nakabitin sa krus, ay nakilala ng senturyon ang anyo ng Anak ng Diyos. Hindi niya napigilan ang pagpapahayag ng kaniyang pananampalataya. Kaya nga isa na namang katibayan ang ibinigay na makikita ng ating Manunubos ang pagdaramdam ng Kaniyang kaluluwa. Nang araw ding iyon ng Kaniyang kamatayan, ay tatlong taong lubhang magkakaiba, ang nagsipagpahayag ng kanilang pananampalataya—ang isa ay ang kapitan ng bantay na Romano, ang ikalawa ay ang nagpasan ng krus ng Tagapagligtas, at ang ikatlo ay ang namatay sa krus sa Kaniyang tabi. BB 1121.2
Nang gumagabi na, isang kakatwang katahimikan ang naghari sa Kalbaryo. Naghiwa-hiwalay na ang karamihan, at marami ang nagbalik sa Jerusalem na iba nang lubha ang diwa kaysa tinataglay nila noong umaga. Marami ang nagdagsaan sa pinagpakuang krus upang magusyoso lamang, at hindi dahil sa galit kay Kristo. Gayunma'y pinaniniwalaan pa rin nila ang mga paratang ng mga saserdote, at tinitingnan nila si Kristong gaya ng isang masamang tao. Palibhasa'y natangay ng di-pangka-raniwang alingasngas ay nakisama sila sa magulong pulutong sa pag-alipusta sa Kaniya. Nguni't nang mabalot na ng kadiliman ang lupa, at sila'y magsitindig na binabagabag ng sarili nilang mga budhi, ay naramdaman nila ang malaki nilang pagkakasala. Walang narinig na anumang pagbibiro o nanlilibak na pagtatawa sa gitna ng nakapangingilabot na kadilimang yaon; at nang ito'y mapawi na, ay nagsiuwi sila sa kani-kanilang mga tahanan nang walang imikan. Sila'y kumbinsidong ang mga paratang ng mga saserdote ay kabulaanan lamang, at si Jesus ay hindi isang mapagkunwari; kaya pagkaraan ng mga ilang linggo, nang si Pedro ay mangaral sa araw ng Pentekostes, ay kabilang sila sa libu-libong nangahikayat kay Kristo. BB 1122.1
Datapwa't ang mga pinunong Hudyo ay hindi napagbago ng mga.pangyayaring kanilang nasaksihan. Ang kanilang pagkapoot kay Jesus ay hindi nagbawa. Ang kadilimang bumalot sa lupa nang ipako si Jesus sa krus ay hindi higit na makapal kaysa bumalot pa rin sa mga kaisipan ng mga saserdote at mga pinuno. Nang Siya'y ipanganak ay nakilala ng bituin si Kristo, at pinatnubayan ang mga pantas na lalaki hanggang sa sabsabang Kaniyang kinahihigan. Nakilala Siya ng mga hukbo sa langit, at nagsiawit ang mga ito ng papuri sa Kaniya sa mga kapatagan ng Bethlehem. Nakilala ng dagat ang Kaniyang tinig, at tinalima ang Kaniyang utos. Kinilala ng sakit at ng kamatayan ang Kaniyang kapangyarihan, at isinuko sa Kaniya ang kanilang bihag. Nakilala Siya ng araw, at kaya nga nang makita nito ang naghihingalo Niyang paghihirap, ay nagkubli ng liwanag nito. Nakilala Siya ng malalaking bato, kaya't nagkadurug-durog ang mga ito nang Siya ay sumigaw. Ang katalagahang walang-buhay ay nakakilala kay Kristo, at nagbigay patotoo sa Kaniyang pagka-Diyos. Nguni't ang mga saserdote at mga pinuno ng Israel ay hindi nakakilala sa Anak ng Diyos. BB 1122.2
Gayunma'y hindi mapalagay ang mga saserdote at mga pinuno. Naisakatuparan nila ang kanilang layuning si Kristo ay maipapatay; nguni't hindi nila maramdaman ang pagkadama ng tagumpay na gaya ng kanilang inaasahan. Maging sa oras ng sa malas ay pananagumpay nila, ay binabagabag sila ng mga pag-aalinlangan tungkol sa kung ano kaya ang susunod na mangyayari. Narinig nila ang sigaw na, “Naganap na.” “Ama, sa mga kamay Mo ay ipinagtatagubilin Ko ang Aking espiritu.” Juan 19:30; Lukas 23:46 Nakita nilang nangatibag ang malalaking bato, at naramdaman nila ang malakas na lindol, at sila'y di-mapalagay at kinakabahan. BB 1123.1
Nag-aalaala sila sa impluwensiya ni Kristo sa mga tao nang Siya'y nabubuhay pa; nag-aalaala pa rin sila kahit Siya'y patay na. Kinatakutan nila ang patay na Kristo nang higit, at higit pa, kaysa naging pagkatakot nila sa buhay na Kristo. Kinatakutan nilang ang pansin ng mga tao ay mapatuon sa mga nangyari nang Siya ay ipako sa krus. Kinatakutan nila ang mga ibubunga ng mga ginawa nila nang araw na yaon. Kahit na anong mangyari ay hindi nila mapababayaang manatili ang Kaniyang bangkay doon sa krus sa panahon ng Sabbath. Nalalapit na ngayon ang Sabbath, at magiging isang paglabag sa kabanalan nito kung pababayaang manatili sa krus ang mga bangkay. Kaya, ito ang ginamit na dahilan ng mga pinunong Hudyo kay Pilato, upang mapadali ang pagkamatay ng mga biktima, at upang ang kanilang mga bangkay ay maalis na bago lumubog ang araw. BB 1123.2
Tulad nila ay hindi rin naman ibig ni Pilatong manatili roon sa krus ang bangkay ni Jesus. Kaya't nang siya'y pumayag na, ang mga hita o mga paa ng dalawang mag nanakaw ay binali o inumog upang mapadali ang kanilang pagkamatay; nguni't si Jesus ay natagpuang patay na. Ang mga walang-pakundangang kawal ay nangaglubag na ang loob dahil sa kanilang nangarinig at nangakita tungkol kay Kristo, at hindi na nila binali o inumog ang Kaniyang mga kamay at paa. Kaya nang ialay na ang Kordero ng Diyos ay natupad ang kautusan tungkol sa Paskuwa, “Wala silang ititira niyaon hanggang sa kinaumagahan, ni sisira ng buto niyaon; ayon sa buong palatuntunan ng Paskuwa ay kanilang ipagdiriwang.” Mga Bilang 9:12. BB 1124.1
Nangagtaka ang mga saserdote at. mga pinuno nang matagpuan nilang patay na si Kristo. Ang pagkamatay sa krus ay matagal; mahirap matiyak kung kailan malalagot ang hininga. Ang isang tao na namatay sa loob ng anim na oras na pagkakapako sa krus ay isang bagay na hindi pa naririnig. Ibig ng mga saserdoteng matiyak na si Jesus ay patay na, at kaya nga sa utos nila ay inulos ng isang kawal ang tagiliran ng Tagapagligtas. Mula sa nalikhang sugat, ay dumaloy ang dalawang masagana at magkaibang agos, ang isa ay agos ng dugo, at ang ikalawa ay agos ng tubig. Ito ay napansin ng lahat ng mga nangakatingin, at tiyak na tiyak ang pagkakalahad ni Juan tungkol sa nangyari. Sinasabi niya, “Pinalagpasan ang Kaniyang tagiliran ng isang sibat ng isa sa mga kawal, at pagdaka'y lumabas ang dugo at tubig. At ang nakakita ay nagpatotoo, at ang kaniyang patotoo ay totoo: at nalalaman niyang siya'y nagsasabi nang totoo, upang kayo naman ay magsisampalataya. Sapagka't ang mga bagay na ito ay nangyari, upang matupad ang kasulatan, Ni isa mang buto Niya'y hindi mababali. At sinabi naman sa ibang kasulatan, Magsisitingin sila sa Kaniya na kanilang pinag-ulusanan.” Juan 19:34-37. BB 1124.2
Pagkatapos na si Kristo'y mabuhay na mag-uli ay pinalaganap ng mga saserdote at mga pinuno ang balita na Siya ay hindi namatay sa krus, na Siya ay hinimatay lamang, at pagkatapos ay muling nabuhay. May isa pang balita na ang dinala at inilagak sa libingan ay hindi ang tunay na katawang may laman at may buto, kundi ang kawangis lamang nito. Ang ginawa ng mga kawal na Romano ay nagpapabulaan sa mga kasinungalingang ito. Hindi nila binali ang Kaniyang mga paa, sapagka't Siya ay patay na. Upang masiyahan ang mga saserdote, ay inulos nila ang Kaniyang tagiliran. Kung talagang hindi pa Siya patay, ang sugat na ito'y sapat nang maging sanhi ng Kaniyang kagyat na kamatayan. BB 1125.1
Nguni't hindi ang ulos ng sibat, hindi ang hirap sa krus, ang pumatay kay Jesus. Ang sigaw na yaon, na binigkas “nang malakas na tinig” (Mateo 27:50; Lukas 23: 46), sa sandali ng kamatayan, ang agos ng dugo at tubig na dumaloy mula sa Kaniyang tagiliran, ay nagpahayag na Siya ay namatay nang may wasak na puso. Winasak ang Kaniyang puso ng matinding hirap na tiniis ng Kaniyang pag-iisip. Siya'y pinatay ng kasalanan ng sanlibutan. BB 1125.2
Kasamang namatay ni Kristo ang mga pag-asa ng Kaniyang mga alagad. Minasdan nila ang nakapikit Niyang mga mata at nakayukayok na ulo, ang buhok Niyang tigmak sa dugo, ang Kaniyang mga kamay at mga paang binutasan ng mga pako, at ang kanilang kadalamhatian ay di-mailarawan. Hanggang sa huling sandali ay hindi sila makapaniwalang Siya ay mamamatay; at hindi halos nila mapaniwalaang Siya'y patay na nga. Dahil sa labis nilang kalungkutan, ay hindi nila naalaala ang mga salita Niya na paunang-nagsasabi ng pangyayaring ito. Hindi nakapagbigay ngayon ng kaaliwan sa kanila ang anumang mga sinabi Niya. Ang nakita lamang nila ay ang krus at ang dugu-duguang Biktima niyon. Ang hinaharap ay waring madilim sa kawalang-pag-asa. Naglaho ang kanilang pananampalataya kay Jesus; nguni't higit kailanman ay ngayon lalong napamahal sa kanila ang kanilang Panginoon. Di-kailanman nila naramdaman nang una ang Kaniyang kahalagahan, at ang pangangailangan nila ng Kaniyang pakikiharap. BB 1126.1
Kahit na patay, ang bangkay ni Kristo ay naging mahalagang-mahalaga sa mga alagad Niya. Hinangad nilang bigyan Siya ng isang marangal na paglilibing, nguni't hindi nila alam kung paano nila ito maisasagawa. Pagtataksil sa pamahalaang Romano ang kasalanang dahil dito hinatulan si Jesus, at ang mga taong hinahatulan ng kamatayan dahil sa kasalanang ito ay nakalaan sa isang libingang tangi nang inihanda para sa mga ganitong kriminal. Ang alagad na si Juan at ang mga babaeng buhat sa Galilea ay nagpaiwan sa tabi ng krus. Hindi nila mapabayaan ang bangkay ng kanilang Panginoon na hawakan ng walang-pakundangang mga kawal, at ilibing sa isang hamak na libingan. Gayunma'y wala naman silang magawa upang ito'y mahadlangan. Hindi sila makahingi ng tulong sa mga maykapangyarihang Hudyo, at wala naman silang impluwensiya kay Pilato. BB 1126.2
Sa kagipitang ito, ay dumating si Jose na taga-Arimathea, at si Nicodemo upang tumulong sa mga alagad. Ang dalawang lalaking ito ay kapuwa mga kagawad ng Sanedrin, at kakilala ni Pilato. Kapwa sila mayaman at maimpluwensiya. Ipinasiya nilang ang bangkay ni Jesus ay dapat bigyan ng isang marangal na paglilibing. BB 1127.1
Buong tapang na lumapit si Jose kay Pilato, at nakiusap na ibigay sa kaniya ang bangkay ni Jesus. Ngayon lamang sa pagkakataong ito, naalaman ni Pilato na si Jesus ay patay na nga. Nagkakasalungatan ang mga balitang dumating sa kaniya tungkol sa mga pangyayaring naganap sa pagpapako sa krus, nguni't ang pagkamatay ni Kristo ay sadyang inilihim sa kaniya. Si Pilato ay binabalaan na ng mga saserdote at mga pinuno na baka siya'y dayain ng mga alagad ni Kristo tungkol sa Kaniyang katawan o bangkay. Nang marinig niya ang kahilingan o pakiusap ni Jose, ay ipinatawag nga niya ang senturyon na nangangasiwa sa krus, at dito niya nalamang patay na nga si Jesus. Dito rin niya natamo ang ulat tungkol sa mga nangyari sa Kalbaryo, na nagpapatibay sa patotoo ni Jose. BB 1127.2
Ipinagkaloob ang kahilingan ni Jose. Samantalang si Juan ay nagaalaala tungkol sa paglilibingan ng kaniyang Panginoon, dumating naman si Jose na dala ang pahintulot ni Pilato tungkol sa bangkay ni Kristo; at dumating din si Nicodemo na may dalang mamahaling ungguwento na pinaghalong mira at aloe, na sandaang libra ang timbang, upang gamitin sa pag-eembalsama kay Jesus. Ang pinakadakila sa buong Jerusalem ay hindi higit na naparangalan nang gayon sa kaniyang kamatayan. Nagtaka ang mga alagad na makita ang mayayamang pinunong ito ng bayan na may malaking hangad na maparangalan ang libing ng kanilang Panginoon na tulad din naman nila. BB 1127.3
Sinuman kay Jose at kay Nicodemo ay hindi lanta- rang tumanggap sa Tagapagligtas nang Siya ay nabubuhay pa. Batid nilang ang gayong hakbang ay magiging daan ng pagkatiwalag nila sa Sanedrin, at hangad nilang maipagsanggalang Siya sa pamamagitan ng kanilang impluwensiya sa mga pagpupulong nito. May isang panahong wari'y nagtatagumpay sila; nguni't nang makita ng mga tusong saserdote na may pagtingin sila kay Kristo, ay sinalungat ng mga ito ang kanilang mga panukala. Nang sila'y wala sa kapulungan ay hinatulan ng mga ito si Jesus at ibinigay upang ipako sa krus. Ngayong Siya ay patay na, ay hindi na nila ikinubli pa ang kanilang pagkakaugnay sa Kaniya. Samantalang nangingilag ang mga alagad na hayagang magpakilalang sila'y mga tagasunod Niya, buong tapang namang dumating sina Jose at Nicodemo upang tumulong sa kanila. Ang tulong ng maya-yaman at mararangal na lalaking ito ay lubhang kailangan sa panahong ito. Nakagawa sila sa kanilang patay na Panginoon ng bagay na hinding-hindi magagawa ng mga aba't dukhang alagad; at sa isang malaking sukat, ay naipagsanggalang ng kanilang kayamanan at impluwensiya ang mga alagad sa galit ng mga saserdote at mga pinuno. BB 1127.4
Marahan at magalang na ibinaba nila mula sa krus ang bangkay ni Jesus. Nangag-unahang pumatak ang mga luha ng kanilang pagmamahal at pakikiramay nang makita nila ang sugatan at bugbog Niyang katawan. Si Jose ay may isang bagong libingang hinukay sa isang malaking bato. Ito'y itinaan niya para sa kaniyang sarili; nguni't ito'y malapit sa Kalbaryo, kaya't ito ang inihanda niya ngayon para kay Jesus. Ang bangkay ng Manunubos, kasama ang mga espesyang dala ni Nicodemo, ay maingat na binalot sa isang kayong lino, at dinala sa libingan. Doo'y inayos at inunat ng tatlong alagad ang mga paang sugatan, at ang bugbog na mga kamay ay kanilang ipinatong sa ibabaw ng di-tumitibok na dibdib. Nagdatingan naman ang mga babaeng taga-Galilea upang gawin ang lahat nilang dapat gawin sa malamig nang bangkay ng minamahal nilang Guro. Pagkatapos ay iginulong nila sa bunganga ng libingan ang isang malaking bato, at iniwan nilang namamahinga ang Tagapagligtas. Mga babae ang huling naiwan sa krus, at sila rin ang huling naiwan sa libingan ni Kristo. Bagama't lumalaganap na ang dilim ng gabi, si Maria Magdalena at ang iba pang Maria ay matagal-tagal pa ring nanatili sa dakong pinagpapahingahan ng kanilang Panginoon, na buong kalumbayang nagsisitangis dahil sa sinapit na kapalaran Niyaong kanilang minamahal. “At sila'y nagsiuwi, ... at nang araw ng Sabbath sila'y nangagpahinga ayon sa utos.” Lukas 23:56. BB 1129.1
Ang Sabbath na yaon ay di-kailanman malilimutan sa ganang nagdadalamhating mga alagad, ay gayundin naman sa ganang mga saserdote, mga pinuno, mga eskriba, at mga tao. Paglubog ng araw noong gabi ng araw ng paghahanda ay hinipan ang mga pakakak, na ipinahihi-watig na nagsimula na ang Sabbath. Ipinagdiwang ang Paskuwa gaya ng ginawa na sa mga dantaong nakaraan, samantalang Siya na itinuturo nito ay pinatay ng tampalasang mga kamay, at namamahinga sa libingan ni Jose. Nang araw ng Sabbath ay napuno ang mga patyo ng templo ng mga magsisisamba. Naroon ang dakilang saserdote buhat sa Golgotha, na buong karilagang nararamtan ng mga damit saserdote. Naroon din ang mga saserdote ng natuturbantihan ng puti, lipos ng kasiglahan, at gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Nguni't ang ilang naroon ay hindi mapalagay nang inihahain na patungkol sa kasalanan ang dugo ng mga baka at kam bing. Hindi nila nalalaman na nagkatagpo na ang anino at ang inaaninuhan, na nagawa na ang walang-hanggang hain para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Hindi nila batid na wala nang halaga ang pagsasagawa ng serbisyo ng paghahain. Datapwa't di-kailanman nasaksihan nang una ang gayong serbisyo na may nagkakalaban-labang mga damdamin. Ang mga pakakak at ang mga instrumentong panugtog at ang mga tinig ng mga mang-aawit ay malakas at malinaw na gaya ng dati. Nguni't may kakatwang pakiramdam na naghahari sa lahat. Isa't isa'y nagtatanong tungkol sa kakatwang pangyayaring naganap. Dati-rati ang kabanal-banalang dako ay buong kabanalang iningatang huwag mapasok ng sinuman. Subali't ngayo'y lantad na Jantad ito sa lahat ng mata. Ang makapal at malapad na tabing, na yari sa dalisay na lino, at buong kariktang nilagyan ng ginto, eskarlata, at ku-lay-ubi, ay nahapak buhat sa itaas hanggang sa ibaba. Ang dakong doon nakipagtagpo si Jehoba sa dakilang saserdote, upang magbahagi ng Kaniyang kaluwalhatian, ang dakong dati'y banal na silid na doon nakikipagusap ang Diyos, ay nalantad na sa paningin ng lahat— isang dakong hindi na kinikilala ng Panginoon. Taglay ang malungkot na pag-aalapaap ng kaloobang nagsipag-lingkod ang mga saserdote sa harap ng dambana. Ang pagkakalantad ng banal na hiwaga ng kabanal-banalang dako ay lumipos sa kanila ng pagkasindak sa dumarating na kapahamakan. BB 1130.1
Maraming diwa ang nagsipag-isip na mabuti dahil sa mga tagpong nasaksihan sa Kalbaryo. Buhat sa pag-papako sa krus hanggang sa pagkabuhay na mag-uli ay maraming matang nagsipagpuyat ang walang-lagot na nagsipagsaliksik ng mga hula, ang ilan ay upang maalaman ang ganap na kahulugan ng kapistahang kanila noong ipinagdiriwang, aug ilan naman ay upang humanap ng katibayan na si Jesus ay hindi ang gaya ng ina-angkin Niya; at ang iba pa ay malungkot na naghahanap ng mga katibayan na Siya nga ang tunay na Mesiyas. Bagama't sila'y nagsisipagsaliksik na may magkakaibang mga layunin, lahat naman sila'y nagsipaniwala sa iisang katotohanan—na ang hula ay natupad sa mga nangyari ng nakaraang ilang araw, at ang Isang Ipinako sa krus ay siya ngang Manunubos ng sanlibutan. Ang maraming nakisama sa serbisyo ng paskuwang iyon ay hindi na muli pang nakisama kailanman. Maging sa mga saserdote ay marami ang namwala sa tunay na likas ni Jesus. Hindi nasayang ang pagsasaliksik nila sa mga hula, at nang Siya'y mabuhay nang mag-uli ay kinilala nilang Siya nga ang Anak ng Diyos. BB 1131.1
Nang makita ni Nicodemo si Jesus na nakabayubay sa krus, ay naalaala niya ang mga salitang binigkas Nito isang gabi sa Bundok ng mga Olibo: “Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, ay gayon kinakaila ngang itaas ang Anak ng tao: upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Juan 3:14, 15. Nang Sabbath na iyon, nang si Kristo'y nakahiga sa libingan, ay, nagkaroon si Nieodemo ng pagkakataong makapagbulay-bulay. Ngayon lalong naliwanagan ang kaniyang isip, at ang mga salitang sinabi ni Jesus sa kaniya ay hindi na naging mahiwaga pa. Naramdaman niyang malaki ang nawala sa kaniya sa di niya pakikisama sa Tagapagligtas noong Ito'y nabubuhay pa. Ngayo'y naalaala niya ang mga nangyari sa Kalbaryo. Ang panalangin ni Kristo sa mga nagsipatay sa Kaniya at ang sagot Niya sa kahilingan ng magnanakaw na malapit nang mamatay ay nagsalita sa puso ng marunong na kagawad ng Sanedrin. Muli niyang pinagmasdan ang Tagapagligtas sa paghihirap Nito; muli niyang narinig ang huling sigaw na yaon, “Naganap na,” na binigkas ng tulad sa mga salita ng isang mananagumpay. Muli niyang minasdan ang gumigiray na lupa, ang nagdilim na kalangitan, ang nahapak na tabing, ang natibag na mga bato, at ang pananampalataya niya ay nagtibay na magpaka-ilanman. Ang pangyayari mismo na nagwasak sa mga pag-asa ng mga alagad ay siyang nakakumbinsi naman kay Jose at kay Nicodemo sa pagka-Diyos ni Jesus. Ang kanilang mga pag-aalaala o mga pangamba ay dinaig ng tapang ng isang matibay at di-nag-uulik-ulik na pananam-palataya. BB 1132.1
Di-kailanman nakaakit si Kristo ng pansin ng karamihan nang gayon na lamang na di gaya ngayong Siya'y namamahinga na sa libingan. Ayon sa kanilang kinagawiang gawin, dinala ng mga tao sa mga patyo ng templo ang kanilang mga maysakit at mga nahihirapan, na nagtatanong, Sino ang makapagsasabi sa amin kung saan naroon si Jesus na taga-Nazareth? Marami ang nagsi-panggaling pa sa malalayo upang hanapin Siya na nag-pagaling ng mga maysakit at bumuhay ng mga patay. Sa magkabi-kabila ay naririnig ang sigaw, Kailangan namin si Kristong Manggagamot! Sa pagkakataong ito ang mga inaakalang may mga tanda ng ketong ay sinuri ng mga saserdote. Marami ang napilitang pakinggan ang pahayag na ang kanilang mga asawa o mga anak ay mga ketongin, at kailangang umalis ng kanilang mga tahanan at iwan ang pag-aalaga ng kanilang mga kaibigan, upang babalaan ang ibang tao sa pamamagitan ng nakahahapis na sigaw na, “Marumi, marumi!” Ang maibiging mga kamay ni Jesus na taga-Nazareth, na di-kai-lanman tumangging hipuin ang nakaririmarim na ketong na taglay ang pagpapagaling, ay nakatiklop na nga yon sa ibabaw ng Kaniyang dibdib. Tahimik na rin ngayon ang mga labing tumugon sa kaniyang kahilingan sa pamamagitan ng nakaaaliw na mga salitang, “Ibig Ko; luminis ka” (Mateo 8:3). Marami ang nakiusap sa mga punong saserdote at mga pinuno na sila'y damayan at lunasan, nguni't walang nangyari. Maliwanag na sila'y nagpipilit na mapasagitna nilang muli ang buhay na Kristo. Taglay ang masigasig na pagpipilit na hiningi nila Siya. Hindi sila mapaalis-alis. Gayunma'y naipagtabuyan din sila mula sa mga patyo ng templo, at naglagay ng mga kawal sa mga pintuan upang mahadlangan at mapigil ang pagpasok ng karamihang may mga kasamang maysakit at mga naghihingalo. BB 1133.1
Ang mga may karamdamang nagsiparoon upang pagalingin ng Tagapagligtas ay nanlumo sa kanilang pagkabigo. Napuno ang mga lansangan ng mga nagsisitangis. Nangamamatay ang mga maysakit dahil sa wala ang nagpapagaling na hipo ni Jesus. Nawalan ng kabuluhan ang pagsangguni sa mga manggagamot; walang dalubhasang tulad Niyaong nakahimlay sa libingan ni Jose. BB 1134.1
Ang mga sigaw ng panangis at daing ng mga maysakit ay naghatid sa mga pag-iisip ng mga libu-libo ng paniniwala ng isang dakilang liwanag ang nawala sa sanlibutan. Kung wala si Kristo, ang lupa ay panay na itim at dilim. Marami sa mga tinig na sumigaw ng “Ipako Siya sa krus, ipako Siya sa krus,” ay nangakadama ngayon sa kapahamakan na sumapit sa kanila, at buong sigasig na nanaisin nilang sumigaw ng, Ibigay ninyo sa amin si Jesus! Kung Siya lamang ay buhay pa sana. BB 1134.2
Nang maalaman ng mga taong si Jesus ay ipinapatay ng mga saserdote, ay inusisa nila ang tungkol sa Kaniyang pagkamatay. Ang mga bagay na ginawa sa paglilitis sa Kaniya ay pinagsikapang mailihim; nguni't sa loob ng panahong Siya'y nasa libingan, ay nagpalipat-lipat sa libu-libong mga labi ang Kaniyang pangalan, at ang mga balita tungkol sa pakunwaring paglilitis na ginawa sa Kaniya, at ang di-makataong inasal ng mga saserdote at mga pinuno, ay lumaganap sa lahat ng dako. Ipinatawag ng matatalinong tao ang mga saserdote at mga pinunong ito upang ipaliwanag sa kanila ang mga hula ng Matandang Tipan tungkol sa Mesiyas, at samantalang sila'y nagsisikap na bumalangkas ng kabulaanan sa kanilang pagsagot, ay sila'y naging tulad sa mga taong baliw. Ang mga hulang nakaturo sa mga paghihirap at pagkamatay ni Kristo ay hindi nila naipaliwanag, at marami sa mga nagtatanong ang nagsipaniwalang natupad nga ang mga Kasulatan. BB 1134.3
Ang paghihiganting ang akala ng mga saserdote ay magiging lubhang matamis ay mapait na sa kanila ngayon. Batid nilang nasasagupa nila ang mahigpit na pula ng bayan; batid nilang ang mga taong inimpluwensiyahan nila upang magalit kay Jesus ay sindak na sindak ngayon dahil sa kahiya-hiya nilang ginawa. Pinagsikapan ng mga saserdote na paniwalaang si Jesus ay isang magdaraya; nguni't walang nangyari. Ilan sa mga ito ang nagsitayo sa may libingan ni Lazaro, at naka-kita sa patay na muling binuhay. Nanginig sila dahil sa takot na baka si Kristo'y magbangon mula sa mga patay, at muling pakita sa harap nila. Narinig nila ang sinabi Niyang Siya ay may kapangyarihang magbigay sa Kaniyang buhay at may kapangyarihan ding kunin ito uli. Nagunita nila na sinabi Niya, “Igiba ninyo ang templong ito, at Aking itatayo sa tatlong araw.” Juan 2:19. Sinabi sa kanila ni Judas ang mga pangungusap na sinalita ni Jesus sa mga alagad nang sila'y nasa huli nilang paglalakbay patungong Jerusalem: “Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at kanilang hahatulang Siya'y patayin, at ibibigay Siya sa mga Hentil upang Siya'y kanilang alimurahin, at upang hampasin, at upang Siya ay ipako sa krus: at sa ikatlong araw ay Siya'y magbabangong muli.” Mateo 20:18, 19. Nang marinig nila ang mga salitang ito, sila'y nanlibak at nanuya. Datapwa't ngayon ay naalaala nila na ang mga hula ni Kristo ay nangatupad na. Sinabi Niyang Siya'y magbabangon sa ikatlong araw, at sino ang makapagsasabing ito'y hindi rin mangyayari? Hinangad nilang iwaksi ang mga isipang ito, nguni't hindi nila magawa. Sila'y katulad ng kanilang amang diyablo, na nagsisampalataya at nagsipanginig. BB 1135.1
Ngayong lumipas na ang sidhi ng alingasngas, bigla na lamang sumusulpot sa kanilang mga isip ang larawan ni Kristo. Parang nakikita nila Siya na nakatayong tahimik at di-dumaraing sa harap ng Kaniyang mga kaaway, na nagbabata nang hindi man lamang nagbubuka ng bibig sa kanilang mga pangungutya at pagmamalabis. Lahat ng mga nangyari sa paglilitis sa Kaniya at pag-papako sa Kaniya sa krus ay nagbalik sa kanilang ala-ala nang may nakapangyayaring paniniwala na Siya ay Anak nga ng Diyos. Nadama nilang sa anumang oras o panahon ay maaaring tumayo Siya sa harap nila, upang Siya na isinakdal ay maging siyang tagapagsakdal, Siya na hinatulan ay siya namang hahatol, at Siya na pinatay ay hihingi ng katarungan na patayin ang mga nagsipatay sa Kaniya. BB 1136.1
Bahagya na silang nakapamahinga sa araw ng Sabbath. Bagama't ayaw nilang lumakdaw sa nasasakupan ng isang Hentil dahil sa pangambang sila ay marumhan, gayunma'y nagdaos pa rin sila ng pulong tungkol sa katawan ni Kristo. Siya na kanilang ipinako sa krus ay dapat mapigil ng kamatayan at ng libingan. “Nangag-katipon kay Pilato ang mga pangulong saserdote at ang mga Pariseo, na nagsisipagsabi, Ginoo, naaalaala namin na sinabi ng magdarayang yaon nang Siya'y nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon Akong muli. Ipag-utos mo nga na ingatan ang libingan hang-gang sa ikatlong araw, baka sakaling magsiparoon ang Kamyang mga alagad sa gabi at Siya'y nakawin, at sabihin sa bayan, Siya'y nagbangon mula sa mga patay: sa gayo'y lalong sasama ang huling kamalian kaysa una. Sinabi sa kanila ni Pilato, Mayroon kayong bantay: Magsiparoon kayo, inyong ingatan ayon sa inyong makaka-ya.” Mateo BB 1136.2
Nagbigay ng mga tagubilin ang mga saserdote upang maingatan ang libingan. Isang malaking bato ang inilagay sa bunganga nito. Pabalagbag sa batong ito ay naglagay sila ng mga lubid, na ang mga dulo'y itinali nila sa solidong bato, at tinatakan nila ang mga ito ng tatak ng Roma. Ang bato ay hindi magagalaw nang hindi masisira ang tatak. Pagkatapos nito'y naglagay sila ng bantay na sandaang kawal sa palibot ng libingan upang ito'y huwag mapakialaman o magalaw. Ginawa ng mga saserdote ang buong makakaya nila upang mapanatili ang katawan o bangkay ni Kristo sa lugar na kinalalagyan nito. BB 1137.1
Ganyan kung magsanggunian at magpanukala ang mahihinang mga tao. Bahagya nang nadama ng mga mamamatay-taong ito ang kawalang-saysay ng kanilang mga pagsisikap. Nguni't sa kanilang ginawa ay naluwalhati ang Diyos. Ang mga pagsisikap na ginawa nila upang mahadlangan ang pagkabuhay na mag-uli ni Kristo ay siyang lalong kapani-paniwalang mga argumento na nagpa-patunay dito. Kapag lalong marami ang bilang na inilagay sa palibot ng libingan, lalo namang lumalakas o tumitibay ang patotoo na Siya ay nabuhay na mag-uli. Mga daang taon pa bago namatay si Kristo, ay sinabi na ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng mang-aawit ang ganito, “Bakit ang mga bansa ay nangagugulo, at ang mga bayan ay nangag-aakala ng walang-kabuluhang bagay? Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda, at ang mga pinuno ay nagsasanggunian, laban sa Panginoon, at laban sa Kaniyang pinahiran ng langis. ... Siyang nau-upo sa kalangitan ay tatawa: ilalagay sila ng Panginoon sa kakutyaan.” Awit 2:1-4. Walang kapangyarihan ang mga bantay na Romano at ang mga sandata ng Roma upang mapanatili sa loob ng libingan ang Panginoon ng buhay. Malapit na ang oras ng Kaniyang paglaya. BB 1137.2