Ipinalalagay ba ninyo na napakalaking pagsasakripisiyo ang ipakupkop ninyo kay Kristo ang lahat ng bagay? Itanong ninyo ito sa inyong sarili: “Ano ang ibinigay ni Kristo dahil sa akin?” Lahat ay ibinigay ng Anak ng Diyos—ang buhay at pag-ibig at pagbabata—sa ating ikatutubos. Maaatim ba nating ikait ang ating mga puso sa Kanya, tayong mga hindi karapat-dapat sa ganyang napakalaking pag-ibig. Sa tuwi-tuwina ay tumatanggap tayo ng mga pagpapala ng Kanyang biyaya, at dahil dito’y hindi natin ganap na nakikilala ang lalim ng kamangmangan at kadustaang pinaghanguan sa atin. Matitingnan baga natin Siyang inulos ng ating mga kasalanan, at gayon man ay hamakin pa ang buo Niyang pag-ibig at paghahandog ng Kanyang sarili? Sa harap ng walang kapantay na pagpapakababa ng Panginoon ng kaluwalhatian, ay magbubulungbulungan baga tayo, sapagka’t sa pamamagitan lamang ng pakikilaban at pagpapakumbaba maaaring makapasok tayo sa buhay? PK 62.1
Ang katanungan ng maraming mapagmataas na puso ay ito: “Bakit pa ba kailangang magpenitensiya ako at mangayupapa bago ko kamtin ang pangakong ako’y tatanggapin ng Diyos?” Itinuturo ko sa inyo si Kristo. Siya’y walang kasalanan, at, higit pa sa rito’y Siya ang Pangulo ng sangkalangitan; datapuwa’t inari Siyang salarin dahil sa sangkatauhan. Siya’y “ibinilang na kasama ng mga mananalansang, ... dinala Niya ang kasalanan ng marami, at namagitan sa mga mananalansang.” Isaias 53:12. PK 62.2
Nguni’t ano ang ibinibigay natin, kung ipagkaloob natin ang lahat?—Isang pusong dinumhan ng kasalanan, upang dalisayin ni Jesus, upang linisin ng Kanyang dugo, at iligtas ng Kanyang walang kahambing na pag-ibig. At gayon may inaakala ng mga tao na mahirap talikdan ang lahat! Ikinahihiya kong ito’y mapakinggan, ikinahihiya kong ito’y isulat. PK 63.1