Ang mga anak ng Diyos ay tinatawagan upang maging mga kinatawan ni Kristo, na naghahayag ng kabutihan at kahabagan ng Panginoon. Kung paanong inihayag sa atin ni Jesus ang tunay na likas ng Ama, ay gayon ding ihahayag natin si Kristo sa isang sanlibutang hindi nakakaalam ng Kanyang masintahin at mahabaging pag-ibig. “Kung paanong Ako’y Iyong sinugo sa sanlibutan,” ani Jesus, “sila’y gayon din sinusugo Ko sa sanlibutan.” “Ako’y sa kanila, at Ikaw ay sa Akin, ... upang makilala ng sanlibutan, na Ikaw ang sa Akin ay nagsugo.” Juan 17:18,23. Ganito ang sinasabi ni apostol Pablo sa mga alagad ni Jesus: “Nahahayag na kayo’y sulat ni Kristo,” “na nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao.” 2 Corinto 3:3, 2. Bawa’t isa sa Kanyang mga anak ay isang liham na ipinadadala ni Jesus sa sanlibutan. Kung kayo ay alagad ni Kristo, kayo ay liham Niya sa mag-anakan, sa nayon, sa lansangan, at sa inyong tahanan. Si Jesus, na tumatahan sa inyo, ay nagnanasang magsalita sa mga puso ng mga hindi nakakikilala sa Kanya. Marahil ay hindi sila bumabasa ng Biblia o di nila naririnig man ang tinig na nagsasalita sa pamamagitan ng mga dahon nito; hindi nila nakikita ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Datapuwa’t kung kayo’y isang tunay na kinatawan ni Jesus ay mangyayaring sa pamamagitan ninyo’y mapapaniwala sila sa Kanyang ka- butihan, at mangahikayat na umibig at maglingkod sa Kanya. PK 159.1
Ang mga Kristiyano ay ilinalagay na mga tagapagdala ng ilaw sa daang patungo sa kalangitan. Dapat nilang ipasinag sa sanlibutan ang liwanag na sa kanila’y sumisilang na buhat kay Kristo. Ang kanilang kabuhayan at likas ay dapat maging nasa isang kaayusan upang sa pamamagitan nila’y magkaroon ang ibang mga tao ng isang matuwid na pagkakilala tungkol kay Kristo at sa paglilingkod sa Kanya. PK 161.1