Ang kabanatang ito ay batay sa Mga Bilang 16 at 17.
Ang kahatulan na pinarating sa Israel ay nakatulong upang sa ilang panahon ay mapigilan ang kanilang pagreklamo at hindi pagpapasa- kop, subalit ang espiritu ng paglaban ay nasa puso pa rin at pagdaka'y maghahatid ng pinakamapait na mga bunga noon. Ang dating mga panghihimagsik ay pawang mga pangkaraniwang pagkakagulo, nag- mumula sa biglang bugso ng damdamin ng karamihan; subalit ngayon isang malalim ang ugat sa paglaban ay nabuo, bunga ng isang matibay na layuning ibagsak ang awtoridad ng mga pinunong ang Dios mismo ang pumili. MPMP 466.1
Si Core, ang nangunguna sa kilusan, ay isang Levita, sa angkan ni Coath, at isang pinsan ni Moises; siya ay isang lalaking may kakaya- nan at impluwensya. Bagaman pinili upang maglingkod sa tabernakulo, siya ay hindi nasiyahan sa kanyang posisyon at nagnasa sa karangalan ng pagkasaserdote. Ang pagbibigay kay Aaron at sa kanyang sambahayan ng tungkulin ng pagkasaserdote na dati'y nakaukol sa bawat panganay na anak na lalaki ng bawat sambahayan, ay nag- hatid ng paninibugho at hindi pagkasiya, at sa ilang panahon si Core ay lihim na lumaban sa awtoridad ni Moises at ni Aaron, bagaman hindi siya nangahas sa anomang hayag na paghihimagsik. Hanggang sa nagkaroon siya ng mapangahas na panukalang ibagsak kapwa ang civil at ang pangrelihiyong awtoridad. Hindi siya nabigo sa paghanap ng makikiramay. Malapit sa mga tolda ni Core at ng mga inanak ni Coath, sa gawing timog ng tabernakulo, ay ang kampamento ng lipi ni Ruben, ang mga tolda nila Dathan at ni Abiram, dalawa sa mga prinsipe ng liping ito, sa pagiging malapit kay Core. Ang mga prin- sipeng ito ay madaling sumang-ayon sa kanyang ambisyosong panukala. Bilang mga inanak mula sa pinakapanganay na anak ni Jacob, kanilang inaangkin na ang kapamahalang civil ay ukol sa kanila, at kanilang ipinasyang ibabahagi kay Core ang pagkasaserdote. MPMP 466.2
Ang kalagayan ng damdamin ng bayan ay sang-ayon sa mga panukala ni Core. Sa kapaitan ng kanilang pagkabigo, ang kanilang dating mga pag-aalinlangan, paninibugho, at galit ay nanumbalik, at muli silang nagreklamo laban sa kanilang mapagpasensyang pinuno. Ang mga Israelita ay patuloy na nawawalan ng pagkilala sa katotohanan na sila ay nasa ilalim ng pagpatnubay ng Dios. Kanilang kinalimutan na ang Anghel ng tipan ang kanilang hindi nakikitang pinuno, na, natatakluban ng maulap na haligi, ang presensya ni Kristo ay nasa harap nila, at si Moises ay tumatanggap ng lahat ng Kanyang ipinag- uutos. MPMP 466.3
Hindi sila handa upang sumang-ayon sa kilabot na kahatulan na silang lahat ay mamatay sa ilang, kaya't handa silang tanggapin ang anomang mungkahi na hindi ang Dios kundi si Moises ang nangu- nguna sa kanila at bumigkas ng kanilang kamatayan. Ang pinakama- buting pagsusumikap ng pinakamaamong lalaki sa balat ng lupa ay walang magawa upang pigilin ang hindi pagpapasakop ng bayang ito; at bagaman ang mga bakas ng galit ng Dios sa kanilang kasamaan ay nasa kanila pa ring harapan sa kanilang mga nasirang hanay at nangawalang bilang, hindi nila isinapuso ang aral. Muli silang nadaig ng tukso. MPMP 467.1
Ang payak na buhay ng isang pastol ay higit na naging mapayapa at masaya kaysa sa kasalukuyan niyang katayuan bilang lider ng isang malaking kapisanan ng mga magugulo. Gano'n pa man si Moises ay di nangahas pumili. Kapalit ng isang baston ng pastol ay binigyan siya ng isang tungkod ng kapangyarihan, na hindi niya maaaring ibaba hanggang hindi siya binibitiwan ng Dios. MPMP 467.2
Siya na bumabasa ng lihim ng lahat ng puso ay binakas ang mga layunin ni Core at ng kanyang mga kasamahan at nagbigay ng babala at mga tagubilin na makakatulong sa kanila upang makaiwas sa mga panlilinlang ng mga lalaking ito. Nakita nila ang hatol ng Dios ng iginawad kay Miriam dahil sa kanyang paninibugho at pagreklamo laban kay Moises. Inihayag ng Dios na si Moises ay higit pa sa isang propeta. “Sa kanya'y makikipag-usap Ako ng bibig, sa bibig.” “Bakit nga,” dagdag Niya, “hindi kayo natakot na magsalita laban sa Aking lingkod, laban kay Moises?” Mga Bilang 12:8. Ang mga pa- hayag na ito ay hindi lamang para kay Aaron at kay Miriam, kundi para sa buong Israel. MPMP 467.3
Si Core at ang kanyang mga kasabwatan ay mga lalaking biniya- yaan ng Dios ng natatanging pagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kadakilaan. Sila ay kabilang doon sa mga pumanhik na kasama ni Moises sa bundok at nakita ng kaluwalhatian ng Dios. Subalit mula noon ay may isang pagbabagong nangyari. Isang tukso, na sa simula'y maliit lamang, ang kinalinga, at lumakas dahil sa pagpa- pasigla, hanggang sa ang kanilang mga kaisipan ay napailalim sa pangangasiwa ni Satanas, at sila ay humayo sa kanilang gawain tungkol sa kawalan ng kasiyahan. Sa pagpapanggap na may malaking pagmamalasakit sa ikauunlad ng bayan, kanila muling ibinulong sa isa't-isa ang kanilang kawalan ng kasiyahan at sunod ay sa mga na- ngungunang mga lalaki ng Israel. Ang kanilang mga pagpapahiwatig ay kaagad tinanggap kaya't sila ay gumawa ng higit pa doon, at sa wakas ay tunay na silang naniniwala na sila'y kinikilos ng kasigasigan para sa Dios. MPMP 467.4
Sila ay naging matagumpay sa paghihiwalay ng dalawang daan at limampung mga prinsipe, mga lalaking kilala sa kapisanan. Dahil sa malalakas at may impluwensyang mga alalay na ito sila ay nakadama ng katiyakan na makagagawa sila ng isang malaking pagbabago sa pamahalaan at higit na mapabubuti ang pangangasiwa ni Moises at ni Aaron. MPMP 468.1
Ang paninibugho ay nagbigay daan sa pagkainggit, at ang pag- kainggit sa panghihimagsik. Kanilang tinalakay ang tungkol sa kara- patan ni Moises sa gano'n kadakilang awtoridad at karangalan, hanggang sa itinuring nila siya na mayroong isang nakakainggit na kalagayan na maaaring gampanan ng sinoman sa kanila. At kanilang nilinlang ang kanilang mga sarili at ang isa't-isa sa kanila upang isipin na inangkin ni Moises at ni Aaron ang posisyon na kanilang hawak. Ang mga hindi nasisiyahan ay nagsabi na ang mga pinunong ito ay nagtataas ng kanilang mga sarili sa kapisanan ng Panginoon, sa paghawak sa pagkasaserdote at sa pamahalaan, subalit ang kanilang sambahayan ay di karapat-dapat sa pagiging higit kaysa sa iba sa Israel; sila'y walang higit na kabanalan sa bayan, at sapat lamang para sa kanila ang maging kapantay ng kanilang mga kapatid, na biniya- yaan ding pareho nila ng natatanging presensya at pag-iingat ng Dios. MPMP 468.2
Ang sunod na gawain ng sabwatan ay sa bayan. Para doon sa mga nasa mali at kinakailangang masumbatan, ay walang higit na kaaya- aya kaysa sa tumanggap ng pakikiramay at papuri. Sa gano'ng paraan kinuha ni Core at ng kanyang mga kasama ang pansin at suporta ng kapisanan. Ang paratang na ang pagreklamo ng bayan ang naghatid sa kanila ng galit ng Dios ay ipinahayag na hindi totoo. Sinabi nila na ang kapisanan ay walang kasalanan, sapagkat ninais lamang nila ang kanilang mga karapatan; kundi si Moises ay isang malupit na pinuno; na kanyang sinabi na ang bayan ay mga makasalanan, samantalang sila'y isang banal na bayan at ang Panginoon ay sumasakanila. MPMP 468.3
Binaybay ni Core ang kasaysayan ng kanilang paglalakbay sa ilang, kung saan sila ay dinala sa mga gipit na lugar, at marami ang nangamatay dahil sa kanilang pagreklamo at pagsuway. Inisip ng kanyang mga tagapakinig na malinaw na hindi sana sila nagkaroon ng kanilang mga suliranin kung si Moises ay pumili ng ibang daan. Kanilang ipinasya na ang lahat ng kanilang kaguluhan ay dahil sa kanya, at ang kanilang hindi pagpasok sa Canaan ay bunga ng hindi tamang pangangasiwa ni Moises at ni Aaron; na kung si Core ang kanilang magiging pinuno, at sila'y pasisiglahin sa kanilang mabubuting gawa sa halip na sumbatan sila sa kanilang mga kasalanan, sila ay magkaka- roon ng isang higit na mapayapa, at maunlad na paglalakbay; sa halip na maglagalag ng paroo't-parito sa ilang, sila ay tutuloy sa Lupang Pangako. MPMP 469.1
Sa gawaing ito ng kawalang kasiyahan ay nagkaroon ng higit na pagkakaisa at kaayusan ang mga magulong elemento ng kapisanan kaysa dati. Ang tagumpay ni Core sa bayan ay nakapagdagdag sa kanyang lakas ng loob at pinagtibay siya sa kanyang paniniwala na ang pang-aangkin ni Moises ng awtoridad, kung hindi masusupil, ay ikamamatay ng mga kalayaan ng Israel; kanya ring sinabi na binuk- san sa kanya ng Dios ang bagay na iyon, at binigyan siya ng pahin- tulot na gumawa ng pagbabago sa pamahalaan bago mahuli ang lahat. Subalit marami ang hindi handang tumanggap sa mga para- tang ni Core kay Moises. Ang alaala ng kanyang pagiging mapag- paumanhin, at mapagsakripisyong paggawa ay bumangon sa harap nila, at ang kanilang konsensya ay nabagabag. Kaya't kinakailangang magmungkahi ng makasariling motibo sa kanyang malalim na pagtingin sa kapakanan ng Israel; at ang dating paratang ay inulit, na kanya silang inilabas upang mangamatay sa ilang, upang kanyang makuha ang kanilang mga pag-aari. MPMP 469.2
Sa ilang panahon ay isinagawa ng lihim ang gawaing ito. Pagdaka, nang ang sabwatan ay nagkaroon ng sapat na lakas upang magpahin- tulot ng isang hayag na katuparan, si Core ay lumabas na pinakaulo ng pangkat, at hayagang pinaratangan si Moises at si Aaron ng pag- aangkin ng kapamahalaan na marapat pakibahagihan din ni Core at ng kanyang mga kasama. Ipinaratang, higit pa doon, na ang bayan ay pinagkakaitan ng kanilang kalayaan at pagsasarili. “Kayo'y kumuku- ha ng malabis sa inyo,” wika ng sabwatan, “dangang ang buong kapisanan ay banal, bawat isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila: bakit nga kayo'y magmamataas sa kapisanan ng Panginoon?” MPMP 469.3
Hindi ni Moises inakalang mangyayari ang panukalang ito, at nang ang kilabot na kasaysayan nito ay humampas sa kanya, siya ay nag- patirapa sa isang tahimik na pakikipag-usap sa Dios. Bumangon siyang tunay na malungkot, subalit payapa at malakas. Ang patnugot ng Dios ay ipinagkaloob sa kanya. “Sa kinaumagahan,” wika niya, “ay ipakikilala ng Panginoon kung sino ang Kanya, at kung sino ang banal, at kung sino ang palalapitin Niya sa Kanya: sa makatuwid baga'y ang piliin ay siyang Kanyang palalapitin sa Kanya.” Ang su- bukan ay ipinagpaliban hanggang sa kinabukasan upang ang lahat ay maaaring magkaroon ng panahon upang magmuni-muni. At ang lahat ng nagmimithi sa pagkasaserdote ay magdadala bawat isa ng isang suuban, at maghahandog ng kamangyan sa tabernakulo sa harap ng kapisanan. Maliwanag ang kautusan na iyon lamang itinalaga sa banal na tungkulin ang maaaring maglingkod sa santuwaryo. At maging ang mga saserdote, na sina Nadab at Abihu, ay pinatay dahil sa pangangahas na maghandog ng “ibang apoy,” at di pagsunod sa utos ng Dios. Gano'n pa man ay hinamon ni Moises ang mga nagpapara- tang sa kanya, kung sila ay mangangahas na pumasok sa gano'ng mapanganib na pagtawag sa Dios. MPMP 470.1
Sa pagbubukod kay Core at sa kanyang mga kasamang Levita, wika ni Moises, “Minumunting bagay pa ba ninyo na kayo'y ibinu- kod ng Dios ng Israel sa kapisanan ng Israel, upang ilapit Niya kayo sa Kanya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng Panginoon, at upang kayo'y tumayo sa harap ng kapisanan na ma- ngasiwa sa kanila; at inilapit ka Niya sampu ng iyong mga kapatid na mga anak ni Levi? at hangarin din naman ninyo ang pagkasaserdote? Kaya't ikaw at ang iyong buong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon: at si Aaron, ano nga't siya'y inyong inupasala?” MPMP 470.2
Si Dathan at si Abiram ay hindi pa lubos na nagpapahayag ng kanilang paninindigan gaya ni Core; at si Moises, na umaasang sila'y nasangkot sa sabwatan na hindi lubos na narurumihan, ay tinawag sila upang humarap sa kanya, upang kanyang marinig ang mga paratang sa kanya. Subalit ayaw nilang lumapit, at tumanggi silang kilalanin ang kanyang pangangasiwa. Ang kanyang tugon, na binanggit sa pakinig ng kapisanan, ay, “Munting bagay pa ba na kami ay iyong pinasampa sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang, kundi napapanginoon ka pa man din sa amin? Bukod dito'y hindi mo kami dinala sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, ni binigyan mo kami ng manang bukid at mga ubasan: dudukutin mo ba ang mga mata ng mga taong ito? hindi kami sasampa.” MPMP 470.3
Sa gano'ng paraan ay ginamit nila sa lupain ng kanilang pagkaali- pin ang mga salitang naglalarawan sa ipinangakong mana. Pinara- tangan nila si Moises na nagkukunwaring kumikilos sa ilalim ng pagpatnubay ng Dios, upang itatag ang kanyang pamahalaan; at kanilang ipinahayag na hindi na sila magpapasakop upang mapanguna- han na parang mga bulag, na ngayon ay patungo sa Canaan, at ngayon ay patungo sa ilang, ayon sa ikabubuti ng kanyang ambis- yosong mga panukala. Kaya't siya na naging mapagmahal na ama, isang mapagpaumanhing pastor ay inihayag sa pinakamaitim na pag- katao ng isang pinunong malupit at mang-aangkin ng kapangyarihan. Ang di pagpasok sa Canaan, na parusa sa kanilang mga kasalanan, ay ibinintang sa kanya. MPMP 471.1
Malinaw na ang pakikiramay ng bayan ay sumasa pulutong na hindi nasisiyahan; subalit si Moises ay hindi nangatuwiran. Mata- himik siyang nakipag-usap sa Dios, sa harap ng kapisanan, bilang isang patotoo sa kadalisayan ng kanyang mga layunin at pagiging matuwid ng kanyang mga ginawa, at humiling na Siya ang kanyang maging tagapaghatol. MPMP 471.2
Nang kinaumagahan, ang dalawang daan at limampung mga prin- sipe na pinangungunahan ni Core, ay lumabas, dala ang kanilang mga suuban. Sila ay dinala sa patio ng tabernakulo, samantalang ang bayan ay natipon sa labas, upang alamin kung ano ang mangyayari. Hindi si Moises ang nagtipon sa kapisanan upang panoorin ang pagkatalo ni Core at ng kanyang mga kasama, kundi ang mga rebel- de, sa kanilang bulag na paglalakas ng loob, ay tinipon sila upang panoorin ang kanilang pagtatagumpay. Isang malaking bahagi ng kapisanan ay pumanig kay Core, na ang pag-asa ay gano'n na lamang na kanyang mapapatunayan ang kanyang sinasabi tungkol kay Aaron. MPMP 471.3
Samantalang sila'y gano'ng natipon sa harap ng Dios, “ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa buong kapisanan.” Ang babala ng Dios ay pinarating kay Moises at kay Aaron, “humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sandali.” Subalit sila ay nagpatirapa, na may dalangin, “Oh Dios, na Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapisanan?” MPMP 472.1
Si Core ay humiwalay sa kapisanan upang samahan si Dathan at si Abiram nang si Moises, kasama ng pitumpung matatanda, ay bumaba na may huling babala sa mga lalaking tumanggi na lumapit sa kanya. Ang karamihan ay nagsisunod, at bago pinarating ang kanyang pabalita, si Moises, sa utos ng Dios, ay nagsabi sa bayan, “Mag- silayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag kayong humipo ng anomang bagay nila, baka kayo'y mamatay sa lahat nilang kasalanan.” Ang babala ay sinunod, sapagkat ang lahat ay nangangambang mahatulan. Ang mga punong rebelde ay iniwan ng kanilang mga nilinlang, subalit ang kanilang katigasan ay di natinag. Sila'y tumindig kasama ng kanilang mga pamilya sa pintuan ng kanilang mga tolda, na tila paglaban sa babala ng Dios. MPMP 472.2
Sa ngalan ng Dios ng Israel, si Moises ngayon ay nagpahayag sa pakinig ng kapisanan: “Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito; sapagkat hindi kinatha ng aking sariling pag-iisip. Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o kung sila'y dalawin sa karaniwang pagdalaw sa lahat ng tao; ay hindi nga ako sinugo ng Panginoon. Ngunit kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, na anopa't ibuka ng lupa ang kanyang bibig, at sila'y lamunin, sampu ng buong nauukol sa kanila, at sila'y ibabang mga buhay sa Sheol; ay inyo ngang mapagkikilala na minungkahi ng taong ito ang Panginoon.” MPMP 472.3
Ang mata ng buong Israel ay nakatingin kay Moises, sa takot at pakikiramdam, naghihintay kung ano ang mangyayari. Samantalang siya'y tumitigil ng pagsasalita, ang buong lupa ay naghiwalay, at ang mga rebelde ay nahulog na buhay sa hukay, at lahat ng nauukol sa kanila, at “sila'y nalipol mula sa gitna ng kapisanan.” Ang bayan ay nagsitakas na sinumbatan ang mga sarili bilang kabahagi sa kasalanan. MPMP 472.4
Subalit ang mga kahatulan ay hindi natapos doon. May apoy na bumuga mula sa ulap at sinunog ang dalawang daan at limampung mga prinsipe na naghandog ng kamangyan. Ang mga lalaking ito, sapagkat hindi pangunahin sa panghihimagsik, ay hindi kasama ng pinatay kasama ng mga pangunahin sa sabwatan. Sila ay pinahintu- lutang makita ang kanilang kahihinatnan, at magkaroon ng pag- kakataon upang magsisi; subalit ang kanilang pakikiramay ay sumasa panig ng mga rebelde, kaya't nakibahagi sila sa kanyang kawakasan. MPMP 473.1
Nang si Moises ay nakikiusap sa kapisanan na tumakas mula sa dumarating na kapahamakan, nangyari sanang ang kahatulan ng Dios ay hindi itinuloy, kung si Core at ang kanyang mga kasamahan ay nagsisi at humingi ng patawad. Subalit ang kanilang wala sa wastong pagmamatigas ang nagtakda sa kanilang kapahamakan. Ang buong kapisanan ay nakibahagi sa kanilang kasalanan, sapagkat ang lahat, may maliit mang bahagi o malaki, ay nakiramay sa kanila. Subalit ang Dios sa Kanyang dakilang kaawaan ay naglagay ng pagkakaiba sa mga pinuno ng panghihimagsik at doon sa mga naakay lamang nila. Ang mga taong pinahintulutan na ang kanilang mga sarili ay malin- lang dinagdagan pa ng pagkakataon upang magsisi. Labis-labis ang mga katibayang ibinigay na sila ay mali, at si Moises ang tama. Ang mga kapansin-pansing pagpapahayag ng Dios ng kapangyarihan ay nag-alis sa lahat ng pag-aalinlangan. MPMP 473.2
Si Jesus, ang Anghel na nangunguna sa mga Hebreo, ay nagsikap na iligtas sila mula sa pagkapahamak. Ang pagpapatawad ay umali- aligid para sa kanila. Ang mga kahatulan ng Dios ay naging lubhang napakalapit, at nakiusap na sila'y magsisi. Isang natatangi, at hindi matanggihang pamamagitan ang sumupil sa kanilang panghihimagsik. Ngayon, kung sila'y tutugon sa pagpapahayag ng kalooban ng Dios sila ay maaaring maligtas. Subalit samantalang sila'y tumatakas mula sa mga kahatulan, dahil sa takot mamatay, ang kanilang panghihimagsik ay hindi nagamot. Sila ay bumalik sa kanilang mga tolda nang gabing yaon na takot, subalit hindi nagsisisi. MPMP 473.3
Sila ay nalinlang ni Core at ng kanyang mga kasama na kanilang pinaniwalaan ang kanilang mga sarili na sila'y tunay na isang mabu- ting bayan, at sila'y ginawan ng masama at inabuso ni Moises. Kung kanilang aaminin na si Core at ang kanyang mga kasamahan ay mali, at si Moises ay tama, kung magkagayon sila'y mapipilitang tanggapin ang pahayag ng Dios na sila'y mangamamatay sa ilang. Hindi sila handang sumang-ayon dito, at sinikap nilang paniwalaan na sila'y nilinlang ni Moises. Lubos na ikinasiya ang pag-asa sa isang bagong kaayusan ng mga bagay ang magaganap, kung saan ang pagpuri ay ipapalit sa pagsansala, at kaginhawahan sa kahirapan at pakikipagla- ban. Ang mga taong namatay ay nakapagsalita ng mga mabangis na mga salita, at nagpahayag ng malaking pagtingin sa kanilang kapa- kanan at ng pag-ibig sa kanila, at ipinasya ng bayan na si Core at ang kanyang mga kasama ay mabubuting mga tao, at si Moises sa ibang kaparaanan ang sanhi ng kanilang pagkapahamak. MPMP 473.4
Mahirap na para sa tao ang magbigay ng malaking pang-iinsulto sa Dios ng higit sa pagbabaliwala at pagtanggi sa mga kasangkapang ginagamit Niya para sa kanilang ikaliligtas. Hindi lamang ito ang ginawa ng mga Israelita, kundi pinanukalang si Moises at si Aaron ay patayin. Gano'n pa man hindi nila nadama ang pangangailangan upang humingi ng pagpapatawad ng Dios para sa malaki nilang kasalanan. Ang gabing iyon ng awa ay hindi pinalipas sa pamamagitan ng pagsisisi at pag-amin ng kasalanan, kundi sa paghahanda ng mga panukala upang labanan ang mga katibayang nagpapahayag na sila'y lubhang makasalanan. Kanila pa ring kinikimkim ang galit sa mga lalaking pinili ng Dios. At pinagtibay ang kanilang mga sarili sa paglaban sa kanilang awtoridad. Si Satanas ay nasa kanilang piling upang sirain ang kanilang kaisipan at sila'y akaying nakapiring tungo sa kanilang kapahamakan. MPMP 474.1
Ang buong Israel ay nagsitakas na may pangamba sa iyak noong mga namatay na makasalanan na nahulog sa hukay, sapagkat kanilang sinabi, “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.” “Datapwa't sa kinabu- kasan ay inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron, na sinasabi, Inyong pinatay ang bayan ng Panginoon.” At sila'y nakagayak nang gumawa ng dahas laban sa kanilang mga tapat, at mapagsakripisyong mga pinuno. MPMP 474.2
Isang pagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios ang nakita sa ulap sa itaas ng tabernakulo, at isang tinig ang nagsalita mula sa ulap kay Moises at kay Aaron, “Lumayo kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sandali.” MPMP 474.3
Ang paggawa ng kasalanan ay hindi nananahan kay Moises, kaya't hindi siya natatakot at hindi siya nagmadaling umalis at iwan ang kapisanan upang mamatay. Si Moises ay nanatili, sa nakakatakot na krisis na ito nagpapahayag ng pagtingin ng isang tunay na pastor sa kapakanan ng kanyang mga tupang inaalagaan. Siya ay humiling na huwag mamatay sa galit ng Dios ang buong bayan na kanyang pinili. Sa kanyang pamamagitan ay napigil ang bisig ng paghihiganti, u- pang hindi lubos na mapuksa ang masuwayin, at mapanghimagsik na Israel. MPMP 474.4
Subalit ang lingkod ng galit ay nakahayo na; ang salot ay gumaga- nap na sa kanyang gawain ng pagpatay. Sa utos ng kanyang kapatid, si Aaron ay kumuha ng isang suuban at nagmadaling pumunta sa kalagitnaan ng kapisanan “at itinubos sa bayan.” “At siya'y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buhay.” Samantalang ang usok ng kamangyan ay umaakyat, ang mga dalangin ni Moises sa Tabernakulo ay umakyat sa Dios; at ang salot ay nasupil; subalit hindi hanggang sa labing apat na libo ng Israel ang namatay, isang katibayan ng kasalanan ng pagreklamo at panghihimagsik. MPMP 475.1
Subalit ibayo pang katibayan ang ibinigay upang ang pagkasaserdote ay matatag sa sambahayan ni Aaron. Sa utos ng Dios ang bawat lipi ay naghanda ng isang tungkod at isinulat doon ang pangalan ng lipi. Ang pangalan ni Aaron ay nakasulat para doon sa lipi ni Levi. Ang mga tungkod ay inilagay sa tabernakulo, “sa harap ng patotoo.” Ang pamumulaklak ng kanino mang tungkod ay isang tanda na pinili ng Panginoon ang liping iyon para sa pagkasaserdote. Nang kinabu- kasan, “Narito, na ang tungkod ni Aaron sa sambahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.” Iyon ay ipinakita sa bayan, at pagkatapos ay inilagay sa tabernakulo bilang isang patotoo sa mga sumusunod na lahi. Ang kababalaghang ito ang mahusay na lumutas sa suliranin tungkol sa pagkasaserdote. MPMP 475.2
Ngayon ay ganap nang matatag na si Moises at si Aaron ay nagsalita sa pamamagitan ng awtoridad ng Dios, at ang bayan ay napili- tang mapaniwala sa di nila matanggap na katotohanan na sila'y ma- ngamamatay sa ilang. “Narito,” ang kanilang pahayag, “kami ay mga patay, kami ay napahamak, kaming lahat ay napahamak.” Kanilang inamin na sila'y nagkasala sa paglaban sa kanilang mga pinuno, at si Core at ang kanyang mga kasama ay nagdusa ng matuwid na kahatulan ng Dios. MPMP 475.3
Sa panghihimagsik ni Core ay makikita ang pagkilos, sa isang maliit na pagtatanghal, ng espiritu na umakay sa panghihimagsik ni Satanas sa langit. Ang pagmamataas at ambisyon ang kumilos kay Lucifer upang magreklamo sa pamamahala ng Dios, at sikaping ibag- sak ang kaayusang itinatag sa langit. Mula nang siya'y mahulog naging layunin niya ang umudyok ng gano'n ding espiritu ng paninibugho at kawalan ng kasiyahan, gano'n ding ambisyon para sa posisyon at karangalan, sa isip ng tao. Kaya't gano'n ang ginawa niya sa kaisipan ni Core, ni Dathan, at ni Abiram, upang pukawin ang pagnanasa sa pagtataas sa sarili, at pukawin ang paninibugho, kawalan ng pagtitiwala, at panghihimagsik. Ginawa ni Satanas na kanilang tanggihan ang Dios bilang kanilang pinuno, sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga lalaking pinili ng Dios. Gano'n pa man sa kanilang pagreklamo laban kay Moises at kay Aaron ay kanilang nilalapasta- ngan ang Dios, sila'y lubhang nagkaroon ng pagkabulag sa pag-iisip na sila'y matuwid, at ituring yaong mga tapat na sumasansala sa kanilang mga kasalanan na kinikilos ni Satanas. MPMP 475.4
Hindi ba't ang gano'n ding kasamaan na naging pundasyon ng pagkapahamak ni Core ay nananatili pa rin. Ang pagmamataas at ambisyon ay laganap; at kapag ang mga ito ay tinangkilik, kanilang binubuksan ang daan tungo sa paninibugho, at sa pagsisikap na maitaas ang sarili; ang kaluluwa ay nawawalay sa Dios, at di namamalayang napapasapanig ni Satanas. Tulad ni Core at ng kanyang mga kasama, marami, maging sa mga nag-aangking tagasunod ni Kristo, ang nag- iisip, nagpapanukala, at gumagawa ng ganoon na lamang upang maitaas ang sarili at upang magkaroon ng pakikiramay at tulong ng mga tao sila ay handang sirain ang katotohanan, ginagawan ng kasinu- ngalingan at maling pagpapahayag ang mga lingkod ng Dios, at hanggang sa pinaparatangan sila ng mababa at makasariling layuning kumikilos sa sarili nilang mga puso. Sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagpapahayag ng kasinungaligan, bagaman di sang-ayon sa lahat ng katibayan, sila'y dumarating sa paniniwala na iyon ang katotohanan. Samantalang sinisira ang pagtitiwala ng mga tao sa mga lalaking pinili ng Dios, sila'y tunay na naniniwala na sila ay gumagawa ng isang mabuting gawain, at tunay na gumagawa ng gawain ng Dios. MPMP 476.1
Ang mga Hebreo ay hindi handa upang mapailalim sa mga ipinag- uutos at ipinagbabawal ng Panginoon. Sila ay hindi mapalagay sa pamimigil, at ayaw tumanggap ng pagsaway. Ito ang lihim ng kanilang pagreklamo laban kay Moises. Kung sila lamang ay iniwang malaya upang gawin ano man ang kanilang naisin, ay hindi nagkaroon ng maraming reklamo laban sa kanilang pinuno. Sa buong kasaysayan ng iglesia ang mga lingkod ng Dios ay may nakatagpong gano'n ang espiritu. MPMP 476.2
Sa pamamagitan ng makasalanang pagpapalaya si Satanas ay nag- kakaroon ng lugar sa kanilang kaisipan, at sila ay nagtutungo mula sa isang antas ng kasamaan tungo sa isa. Ang pagtanggi sa liwanag ay nagpapadilim ng kaisipan at nagpapatigas ng puso, kaya't nagiging mas madali para sa kanila ang magtungo sa sunod na hakbang ng pagkakasala at tumanggi sa higit pang kaliwanagan, hanggang sa wakas ang kanilang kaugalian ng paggawa ng hindi tama ay naging matibay na. Ang kasalanan ay hindi na nagiging mukhang kasalanan para sa kanila. Siya na tapat na nagpapahayag ng salita ng Dios, na sa gano'ng paraan ay sinusumbatan ang kanilang kasalanan, ay malimit kinatutuunan ng kanilang galit. Hindi handa upang pagtiisan ang sakit at pagsasakripisyo ng kinakailangang pagbabago, sila'y pumipi- hit sa lingkod ng Panginoon at tinutuligsa ang kanilang mga pag- sansala. Tulad ni Core, kanilang sinasabi na ang mga tao ay walang kasalanan; yaong nagsasansala ang sanhi ng lahat ng kaguluhan. At pinahuhupa ang kanilang mga konsensya sa pamamagitan ng kasi- nungalingang ito, ang naninibugho at walang pagkasiya ay nagsasa- ma upang maghasik ng hindi pagkakaisa sa iglesia at pinapanghihina ang mga kamay noong mga gumagawa upang itayo iyon. MPMP 477.1
Lahat ng pagsulong noong mga tinawagan ng Dios upang mangu- na sa Kanyang gawain ay pumupukaw ng paghihinala; bawat kilos ay pinagangahulugan ng masama sa pamamagitan ng paninibugho at pagiging mapaghanap ng kamalian. Gano'n din naman noong panahon ni Lutero, ng mga Wesley at ng iba pang mga repormador. At gano'n din ngayon. MPMP 477.2
Hindi sana ni Core tinahak ang landas na kanyang tinahak kung nalaman lamang niya sana ang lahat ng mga tagubilin at pagsaway na pinarating sa Israel ay mula sa Dios. Subalit nalaman sana niya ito. Ang Dios ay nagbigay ng labis na katibayan na Siya ang nangu- nguna sa Israel. Subalit si Core at ang kanyang mga kasama ay tumanggi sa liwanag hanggang sa sila ay naging bulag na upang maging ang pinakakapansin-pansin na pagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan ay hindi sapat upang sila ay makumbinse; kanila iyong itinuring na lahat ay dala lamang ng kakayanan ng tao o ng tulong ni Satanas. Gano'n din ang ginawa ng bayan, na makalipas ang araw ng pagkamatay ni Core at ng kanyang mga kasama ay lumapit kay Moises at kay Aaron, na nagsasabi, “Inyong pinatay ang bayan ng Panginoon.” Sa kabila ng pinakamatibay na katibayan ng galit ng Dios sa kanilang ginawa, sa pagpatay sa mga lalaki na nanlinlang sa kanila, pinangahasan nilang ituring ang Kanyang mga kahatulan na gawa ni Satanas, sinasabi na sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas, ay pinapangyari ni Moises at ni Aaron na mamatay ang mabubuti at banal na mga lalaki. Ang ginawa nilang ito ang nagtatak sa kanilang kapahamakan. Sila ay nakagawa ng kasalanan laban sa Banal na Espiritu, isang kasalanan na bunga noon ang puso ng tao ay tumitigas laban sa mga impluwensya ng biyaya ng Dios. “Ang si- nomang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao,” wika ni Kristo, “ay ipatatawad sa kanya; datapwat ang sinomang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kanya” Mateo 12:32. Ang mga salitang ito ay binigkas ng Tagapagligtas nang ang mga mabiyaya Niyang mga ginawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios ay sinabi ng Hudyo na gawa ni Beelzebub. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu nakikipag-usap ang Dios sa tao; at yaong mga tumatanggi sa paglilingkod na ito at sinasabing ito ay kay Satanas, ay wala nang ahensya ng pagkakaroon ng kaugnayan ang kaluluwa sa langit. MPMP 477.3
Ang Dios ay gumagawa sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang Espiritu upang sumbatan at hatulan ang makasalanan; at kung ang gawain ng Banal na Espiritu ay tanggihan sa wakas, ay wala nang magagawa ang Dios para sa kaluluwa. Ang huling tulong ng kahabagan ng Dios ay nagamit na. Ang makasalanan ay wala nang anu pa mang kaugnayan sa Dios, at ang kasalanan ay wala nang lunas upang mapagaling pa. Wala nang iba pang nakatabing kapangyarihan upang sumbatan at hikayatin ang makasalanan. “Pabayaan siya” (Oseas 4:17) ang ipinag-uutos ng Dios. At “wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, kundi isang kakila-kilabot na paghihin- tay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.” Hebreo 10:26, 27. MPMP 478.1