Ang kabanatang ito ay batay sa Deuteronomio 4 hanggang 6; 28.
Ipinahayag ng Panginoon kay Moises na ang itinakdang panahon para sa pagsakop sa Canaan ay malapit na; at samantalang ang matandang propeta ay nakatayo sa mga tugatog na kung saan ay natatanaw niya ang ilog ng Jordan at ang Lupang Pangako, siya ay tumingin na may matinding pananabik sa mamanahin ng kanyang bayan. Maaari kayang ang hatol na ipinataw sa kanya dahil sa kanyang kasalanan sa Cades ay mapawalang saysay? May malalim na kataimtimang nakiusap siya, “Oh Panginoong Dios, Iyong minulang ipinakilala sa Iyong lingkod ang Iyong kadakilaan at ang Iyong kamay na makapangyarihan: ano ngang Dios sa langit o sa lupa ang maka- gagawa ng ayon sa Iyong mga gawa, at ayon sa Iyong mga makapangyarihang kilos? Paraanin mo nga ako, isinasamo ko sa Iyo, at aking makita ang mabuting lupain na nasa dako roon ng Jordan, yaong mainam na bundok, at ang Libano.” Deuteronomio 3:24-27. MPMP 545.1
Ang sagot ay, “Siya na; huwag ka nang magsalita pa sa Akin ng tungkol sa bagay na ito. Sumampa ka sa taluktok ng Pisga at ilingap mo ang iyong mga mata sa dakong kanluran, at sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at masdan mo ng iyong mga mata; sapagkat hindi ka makatatawid sa Jordang ito.” MPMP 545.2
Wala ni isang reklamo, si Moises ay sumang-ayon sa ipinag-utos ng Dios. At ngayon ang malaki niyang ikinababahala ay ang Israel. Sino ang makadadama ng kanyang pangangalaga sa kanilang kapa- kanan na kanyang nadama? Mula sa isang umaapaw na puso ay ibinuhos niya ang dalangin, “Maghalal ang Panginoon, ang Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, ng isang lalaki sa kapisanan, na makalalabas sa harap nila, at makapapasok sa harap nila, at makapaglalabas sa kanila, at makapagpapasok sa kanila; upang ang kapisanan ng Panginoon ay huwag maging parang mga tupa na walang pastor.” Mga Bilang 27:16-17. MPMP 545.3
At dininig ng Panginoon ang dalangin ng Kanyang lingkod at tumugon, “Ipagsama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalaki na kinasihan ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya; at iharap mo siya kay Eleazar na saserdote, at sa buong kapisanan; at pagbilinan mo siya sa kanilang paningin. At lalagyan mo siya ng iyong karangalan upang sundin siya ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel.” Talatang 18-20. Si Josue ay matagal na nakasama ni Moises; at sapagkat siya ay isang lalaking may karunungan, kakayanan, at pananampalataya, siya ay napili upang humalili sa kanya. MPMP 545.4
Sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ni Moises, na sinaliwan ng solemneng tagubilin, si Josue ay solemneng itinalaga bilang lider ng Israel. Siya rin ay tinanggap sa pakikibahagi sa pamamahala ng Panginoon. Ang mga salita ng Panginoon tungkol kay Josue ay dumating sa kanya sa pamamagitan ni Moises para sa kapulungan. “Siya'y tatayo sa harapan ni Eleazar na saserdote na hihingi ng payo para sa kanya sang-ayon sa hatol ng Urim sa harap ng Panginoon. Sa Kanyang salita sila'y lalabas at sa Kanyang salita siya at ang lahat ng anak ng Israel na kasama niya kasama ng lahat ng kapulungan.” Talatang 21-23. MPMP 546.1
Bago iniwan ang kanyang tungkulin bilang nakikitang pinuno ng Israel, si Moises ay inutusang isalaysay sa kanila ang kasaysayan ng pagkaligtas sa kanila mula sa Ehipto at ang kanilang mga paglalakbay sa ilang, at upang banggitin ring muli ang kautusan na binanggit sa Sinai. Nang ang kautusan ay ibigay, kakaunti lamang sa nasa kasalukuyang kapisanan ang may edad na upang maunawaan ang dakilang kabanalan ng okasyong iyon. Samantalang sila ay malapit nang tumawid sa Jordan at manahin ang lupang ipinangako, ihahayag ng Dios sa kanila ang ipinag-uutos ng kanyang kautusan, at pagsabihan silang sumunod bilang kundisyon ng kanilang pag-unlad. MPMP 546.2
Si Moises ay tumayo sa harap ng bayan upang banggitin muli ang huli niyang mga babala at mga hamon. Ang kanyang mukha ay may ningning ng banal na liwanag. Ang kanyang buhok ay maputi na dahil sa katandaan; subalit ang kanyang tindig ay matuwid, ang kanyang anyo ay naghahayag ng hindi nababawasang lakas ng kalusugan, at ang kanyang mata ay malinaw. Iyon ay isang mahalagang okasyon, at may malalim na pangdama na inilarawan niya ang pag- ibig at kaawaan ng kanilang Tagapagsanggalang na Makapangyarihan sa lahat: MPMP 546.3
“Ipagtanong mo nga sa mga araw na nagdaan, na nangauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Dios ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng gaya ng dakilang bagay na ito, o may narinig na gaya nito? Narinig ba kaya kailan man ng mga tao ang tinig ng Dios na nagsali- ta sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabuhat? O may Dios kaya na nagsikap na yumaon at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa, sa pamamagitan ng mga tukso, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan, at ng pagbabaka, at ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng mga malaking kakilabutan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Dios sa iyo sa Ehipto, sa harap ng iyong mga mata? Sa iyo ipinakita ito, upang iyong makilala na ang Panginoon ay Siyang Dios; wala nang iba liban sa Kanya.” MPMP 546.4
“Hindi kayo inibig ng Panginoon, ni pinili kayo ng dahil sa kayo'y marami sa bilang kay sa alin mang bayan, sapagkat kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan: kundi dahil sa inibig kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Ehipto. Talastasin mo nga, na ang Panginoon mong Dios, ay siyang Dios: ang tapat na Dios, na nag-iingat ng tipan at naggagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa Kanya, at tumutupad ng Kanyang mga utos, hanggang sa isang libong salin ng lahi.” Deuteronomio 7:7-9. MPMP 547.1
Ang bayan ng Israel ay naging handa upang sisihin si Moises sa lahat ng kanilang suliranin; subalit ngayon ang kanilang hinala na siya ay kinikilos ng kapalaluan, ambisyon, o pagkamakasarili, ay napawi, at sila ay nakinig na may pagtitiwala sa kanyang mga salita. Matapat na inihayag ni Moises sa kanila ang kanilang mga pagkakamali, at ang mga pagsalangsang ng kanilang mga magulang. Maraming beses silang nakadama ng kawalan ng pagpapasensya at panghihimagsik dahil sa mahaba nilang paglalagalag sa ilang; subalit ang Panginoon ay hindi masisisi sa pagkaantalang ito sa pagsakop sa Canaan; Siya ay higit na nalungkot kaysa sa kanila sapagkat hindi Niya sila kaagad nadala sa pagsakop sa lupang ipinangako, at nang sa gano'n ay maipahayag sa lahat ng mga bansa ang Kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa kanyang bayan. Sa kanilang hindi pagtitiwala sa Dios, sa kanilang kapalaluan at hindi paniniwala, sila ay naging hindi handa upang pumasok sa Canaan. Hindi nila sa anumang paraan maihahayag ang isang bayan na ang Dios ang Panginoon; sapagkat wala sa kanila ang Kanyang likas ng kadalisayan, kabutihan, at pagkamapagbigay. Kung ang kanilang mga magulang lamang ay sumampalataya sa ipinag-uutos ng Dios, na pinangungu- nahan ng Kanyang kahatulan, at lumalakad sa Kanyang mga pala- tuntunan, matagal na sana silang nanirahan sa Canaan, na isang maunlad, banal, at masayang bayan. Ang kanilang pagkaantala sa pagpasok sa mabuting lupain ay nakalapastangan sa Dios, at naka- paghiwalay ng Kanyang kaluwalhatian sa paningin ng mga kalapit na mga bansa. MPMP 547.2
Si Moises na nakakaunawa ng likas at kahalagahan ng kautusan ng Dios, ay naniyak sa bayan na walang ibang bansa ang mayroong ganoong matalino, matuwid, at mahabaging mga patakaran na tulad sa ibinigay sa mga Hebreo. “Narito,” wika niya, “aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Dios upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagkat ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan.” MPMP 548.1
Tinawag ni Moises ang kanilang pansin sa “araw na sila ay tumayo sa harap ng Panginoon nilang Dios sa Horeb.” At hinamon niya ang hukbo ng mga Hebreo: “Anong dakilang bansa nga ang may Dios na napakamalapit sa kanila na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo'y tumawag sa Kanya? At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napakamatuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilagda sa harap ninyo sa araw na ito?” Ngayon ang hamon sa Israel ay maaaring ulitin. Ang mga kautusan na ibinigay ng Dios sa Kanyang bayan noong una ay higit na matalino, mabuti, at higit na makatao kaysa sa karamihan sa mga sibilisadong bansa sa lupa. Ang mga batas ng mga bansa ay nagtataglay ng mga tanda ng mga sakit at ng kinahihiligan ng hindi pa nababagong puso; subalit ang kautusan ng Dios ay nagtataglay ng tatak ng Dios. MPMP 548.2
“Kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal,” pahayag ni Moises, “upang kayo'y maging sa Kanya'y isang bayang mana.” Ang lupain na sa madaling panahon ay kanilang papasukin, at magiging kanila sa kundisyon ng pagiging masunurin sa kautusan ng Dios, ay inilarawan sa kanila ng gano'n—at kinakailangang tunay ngang kinilos ng mga salitang iyon ang mga puso ng Israel, samantalang kanilang inaalaala na siya ng nagniningning na naglalarawan sa kanila sa mabuting lupain, ay, dahil sa kanilang kasalanan, ay hindi makakabahagi sa mana ng kanyang bayan: MPMP 548.3
“Dinala ka ng Panginoon mong Dios sa isang mabuting lupain,” “hindi gaya ng lupain ng Ehipto, na inyong pinanggalingan, na doo'y nagtatanim ka ng iyong binhi, at iyong dinidilig ng iyong paa, na parang taniman ng mga gulay: kundi ang lupain na inyong tatawirin upang ariin, ay lupaing maburol at malibis, at dinidilig ng tubig ng ulan sa langit;” “lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok; lupain ng trigo at ng sebada at ng puno ng ubas at ng mga puno ng igos, at ng mga granada; lupain na ang mga bato ay bakal, at ang kanyang mga burol ay makukunan mo ng tanso;” “lupaing inaalagaan ng Panginoon mong Dios, at ang mga mata ng Panginoong mong Dios ay nandoong lagi, mula sa pasimula ng taon hanggang sa katapusan ng taon.” Deuteronomio 8:7-9; 11:10-12. MPMP 549.1
“At mangyayari, pagka ipapasok ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na Kanyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, upang ibigay sa iyo; na may malalaki at mabubuting bayan na hindi mo itinayo, at mga bahay na puno ng lahat na rnabubuting bagay, na hindi mo pinuno, at mga balong hukay na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo, na hindi mo itinanim, at iyong kakanin at ikaw ay mabubusog; at mag- ingat ka nga, baka iyong malimutan ang Panginoon.” “Mangag- ingat nga kayo, baka inyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Dios.... Sapagkat ang Panginoon mong Dios ay isang apoy na mamumugnaw, mapanibughuing Dios nga.” Kung sila ay gagawa ng kasamaan sa harap ng Panginoon, kung magkagayon, wika ni Moises, “Kayo'y malilipol na madali na walang pagsala sa lupain na inyong tinutungo ng pagdaraan sa Jordan, upang ariin.” MPMP 549.2
Matapos ang pangmadlang pagbasa ng kautusan, tinapos ni Moises ang gawain ng pagsulat sa lahat ng mga kautusan, mga tuntunin, at mga kahatulan na ibinigay ng Dios sa kanya, at lahat ng mga patakaran tungkol sa paraan ng paghahain. Ang aklat na naglalaman ng mga ito ay ipinagkatiwala sa mga angkop na manunungkulan, at upang maingatan ay inilagay sa tabi ng kaban. MPMP 549.3
Natatakot pa rin ang dakilang pinuno na baka humiwalay ang bayan ng Dios. Sa isang pinakamahusay at nakapanginginig na pananalita ay inilahad niya sa kanila ang mga pagpapala na mapapasa kanila batay sa pagsunod, at ang mga sumpa na darating batay sa pagsalangsang: MPMP 549.4
“Kung iyong didingging masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang isagawa ang lahat Niyang utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito,” “magiging mapalad ka sa bayan, at magiging mapal- akad ka sa parang. Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, at ang bunga ng iyong mga hayop.... Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong palayok. Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok, at magiging mapalad ka sa iyong paglabas. Pasasaktan ng Panginoon sa harap mo ang iyong mga kaaway na nagbabangon laban sa iyo. Igagawad sa iyo ng Panginoon ang Kanyang pagpapala sa iyong mga kamalig, at sa lahat ng pagpa- tungan mo ng iyong kamay.” MPMP 550.1
“Ngunit mangyayari, na kung hindi mo didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isasagawa ang lahat ng Kanyang mga utos at ang Kanyang palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo,” “at ikaw ay magiging isang kamanghaan, isang kawikaan, at isang kabiruan sa lahat ng bayang pagdadalhan sa iyo ng Panginoon.” “At pangangalatin ka ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga diyos, na hindi mo nakilala, ninyo ng inyong mga magulang, sa makatuwid baga'y sa mga diyos na kahoy at bato. At sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng inyong paa: kundi bibigyan ka ng Panginoon doon ng sikdo ng puso, at pangangalumata, at panglalambot ng kaluluwa: at ang iyong buhay ay mabibitin sa pag-aalinlangan sa harap mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiwalaan ang iyong buhay. Sa kinaumagahan iyong sasabihin, kahimanawari ay gumabi na! at sa kinagabihan iyong sasa- bihin, kahimanawari ay umaga na! dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa paningin ng iyong mga mata na iyong ikakikita.” MPMP 550.2
Sa pamamagitan ng Espiritu ng Inspirasyon, sa pagtingin sa darating na mga panahon, inilarawan ni Moises ang kakilakilabot na mga magaganap sa huling pagpapabagsak sa Israel bilang isang bansa, at ang pagkawasak ng Jerusalem sa pamamagitan ng mga hukbo ng Roma: “Magdadala ang Panginoon ng isang bansang laban sa iyo mula sa malayo, mula sa katapusan ng lupa, na gaya ng lumilipad na agila; isang bansang ang wika'y hindi mo nababatid; bansang mukhang mabangis, na hindi igagalang ang pagkatao ng matanda, ni magpapa- kundangan sa bata.” MPMP 550.3
Ang lubos na pagkawasak ng lupain, at ang kakilakilabot na paghihirap ng bayan sa pagkubkub sa Jerusalem sa pangunguna ni Titus, makalipas ang ilang daang taon, ay malinaw na inilarawan: “Kanyang kakanin ang anak ng iyong hayop at ang bunga ng iyong lupa, hanggang sa maibubuwal ka.... At kanyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga pintuang daan, hanggang sa ang mataas at nakababakod na kuta ay malagpak, na siyang iyong sariling katawan, ng laman ng iyong mga anak na lalaki at babae, na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, sa pagkakubkob at sa gipitan, na igigipit sa iyo ng iyong kaaway.” “Ang mahabagin at maramdaming babae sa gitna mo, na hindi pa natitikmang itungtong ang talampakan ng kanyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagkamahabagin, ay magiging masama ang kanyang mata sa asawa ng kanyang sinapupunan,...at sa kanyang mga anak na kanyang ipanganganak: sapagkat kanyang kakanin ng lihim sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kagipitan, na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga pintuang bayan.” MPMP 551.1
Si Moises ay nagtapos sa pamamagitan ng mga salitang ito na nakakapukaw ng damdamin: “Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilalagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya't piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi; na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang Kanyang tinig, at lumakip sa Kanya: sapagkat Siya ang iyong buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw; upang matahanan mo ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.” Deuteronomio 30:19, 20. MPMP 551.2
Upang higit pang maidiin ang mga katotohanang ito sa bawat isa, ay inilagay ng dakilang pinuno ang mga iyon sa isang banal na tala. Ang awit na ito ay hindi lamang tungkol sa kasaysayan, kundi tungkol sa hula. Samantalang inaalala noon ang kahanga-hangang pakikitungo ng Dios sa Kanyang bayan sa nakaraan, inihahayag din noon ang dakilang magaganap sa hinaharap, ang pagtatagumpay sa wakas ng mga tapat sa ikalawang pagdating ni Kristo sa kapangyarihan at kaluwalhatian. Ipinag-utos sa bayan na sauluhin ang patulang kasaysayan, at ituro iyon sa kanilang mga anak at mga inanak. Iyon ay aawitin ng kapisanan kapag sila ay natitipon sa pagsamba, at uulit-ulitin ng mga tao samantalang kanilang isinasagawa ang kanilang gawain sa araw- araw. Tungkulin ng mga magulang ang itanim ang mga salitang ito sa murang mga isip ng kanilang mga anak upang ang mga iyon ay di kailan man malimutan. MPMP 551.3
Sapagkat ang mga Israelita, sa isang natatanging paraan, ay magiging tagapag-ingat ng kautusan ng Dios, ang kahulugan ng mga ipinag- uutos noon at ang kahalagahan ng pagsunod ay bukod tanging kinakailangang maitanim sa kanila, at sa pamamagitan nila, sa kanilang mga anak at mga inanak. Ipinag-utos ng Panginoon tungkol sa Kanyang mga tuntunin: “At iyong ituturo ng buong sikap sa iyong mga anak, at sa iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumalakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.... At iyong isusulat sa itaas ng pintuan ng iyong bahay at sa iyong mga pintuan- daan.” MPMP 552.1
Kung ang mga anak ay mangagtatanong sa mga panahong darating, “Anong kahulugan ng mga patotoo, at ng mga palatuntunan, at ng mga kahatulan, na iniutos sa inyo ng Panginoon nating Dios?” ay isasaysay ng mga magulang ang kasaysayan ng mabiyayang pakiki- tungo ng Dios sa kanila—kung paanong ang Panginoon ay gumawa upang sila ay mailigtas upang sila ay makasunod sa Kanyang kautusan—at sa kanila'y sasabihin, “Iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga palatuntunang ito, na matakot sa Panginoon nating Dios, sa ikakabuti natin kailan man, upang ingatan Niya tayong buhay, gaya sa araw na ito. At siya'y magiging katuwiran sa atin, kung ating isagawa ang buong utos na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, gaya ng iniutos Niya sa atin.” MPMP 552.2