Go to full page →

Kabanata 23—ANG TEMPLO NG SANTINAKPAN MT 343

Ang paksang tungkol sa santuaryo ay siyang susing nagbukas ng hiwaga ng pagkabigo noong 1844. Ito ang nagpakita ng isang buong ayos ng katotohanang magkakaugnay at magkakaisa, na nagpapakilalang ang kamay ng Diyos ang siyang nanguna sa malaking kilusang Adventismo, at naghahayag ng kasalukuyang tungkulin sa pamamagitan ng pagpapahayag nito sa kalagayan at gawain ng Kanyang bayan. MT 343.1

Kung paanong ang mga alagad ni Jesus, pagkatapos ng kakila-kilabot na gabi ng kanilang kapighatian at pagkabigo, ay “nangagalak nang makita nila ang Panginoon,” gayon ding nangagalak ngayon yaong sa pamamagitan ng pananampalataya ay umaasa sa Kanyang ikalawang pagparito. Inasahan nilang pakikita Siya sa kaluwalhatian upang bigyang kagantihan ang Kanyang mga lingkod. Sa pagkabigo ng kanilang mga pag-asa, ay nawala si Jesus sa kanilang paningin. MT 343.2

Ngayon, sa kabanal-banalang dako ay nakita na naman nila Siya, na kanilang mahabaging Dakilang Saserdote, na hindi magluluwat at mahahayag na kanilang Hari at Tagapagligtas. MT 343.3

Tinanglawan ng liwanag na galing sa santuaryo ang panahong nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Naalaman nilang inakay sila ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang hindi nagkakamaling banal na kalooban. Bagaman hindi nila naunawa ang pabalitang kanilang inilaganap, katulad ng mga alagad, gayon ma'y sa lahat ng kaparaanan, ang pabalitang yao'y tumpak. Sa kanilang pagpapahayag nito ay tinupad nila ang adhika ng Diyos, at ang kanilang gawain ay hindi walang kabuluhan sa Panginoon. Yamang “ipinanganak na muli . . . sa isang buhay na pag-asa,’ sila'y nangatutuwang taglay ang kagalakang “di-masayod at puspos ng kaluwalhatian.’11 Pedro 1:3, 8. MT 343.4

Ang hula sa Daniel 8:14, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; kung magkagayo'y malilinis ang santuaryo,” at ang pabalita ng unang anghel: MT 344.1

“Matakot kayo sa Diyos at magbigay luwalhati sa Kanya; sapagka't dumating na ang oras ng Kanyang paghuhukom,” ay kapuwa tumukoy sa pangangasiwa ni Kristo sa kabanal-banalang dako, sa pagsusuri ng kabuhayan ng tao o paghuhukom, at hindi sa pagdating ni Kristo upang tubusin ang Kanyang bayan at lipulin ang mga makasalanan. Ang kamalian ay wala sa pagbilang ng mga panahon ng hula, kundi sa pangyayaring magaganap sa katapusan ng 2300 araw. Dahil sa kamaliang ito, ay nagbata ng pagkabigo ang mga nananampalataya, datapuwa't ang lahat ng ipinagpauna ng hula at lahat ng pinatutunayan ng Kasulatan na inaasahan nila ay pawang nangyari. MT 344.2

Noong mga sandaling sila'y nahahapis dahil sa pagkabigo ng kanilang mga pag-asa, ay natupad naman ang pangyayaring ipinagpauna ng pabalita, na kinakailangang matupad bago mahayag ang Panginoon upang magbigay ng gantimpala sa Kanyang mga lingkod. MT 344.3

Si Kristo ay dumating, hindi sa lupa, na gaya ng kanilang inaasahan, kundi alinsunod sa inilarawan ng sagisag ay sa kabanal-banalang dako ng templo ng Diyos sa langit. Inilarawan siya ni propeta Daniel na lumalapit, sa panahong ito, sa Matanda sa mga Araw: “Ako'y nakakita sa pangitain sa gabi, at, narito, lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng Anak ng tao, at naparoon,”—hindi sa lupa, kundi—“sa Matanda sa mga Araw, at inilapit nila Siya sa harap Niya.”2Daniel 7:13. MT 344.4

Ang pagparoong ito ay ipinagpauna rin naman m propeta Malakias: ' Ang Panginoon na inyong hinahanap, ay biglang paroroon sa Kanyang templo; at ang sugo ng tipan na inyong kinaliligayahan, narito Siya'y dumarating sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”3Malakias 3:1. Ang pagparoon ng Panginoon sa Kanyang templo ay bigla at hindi inaakala ng Kanyang bayan. Hindi nila tinitingnan Siya roon. Ang pag-asa nila'y Siya'y paririto sa lupa, “na nasa nagniningas na apoy, na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Diyos. At sa kanila na hindi nagsisitalima sa ebanghelyo.”42 Tesalonica 1:8. MT 345.1

Ang pagparoon ni Kristo sa tungkuling dakilang saserdote sa kabanal-banalang dako upang linisin ang santuaryo, na ipinakikilala sa Daniel 8:14, ang paglapit ng Anak ng tao sa Matanda sa mga araw, gaya ng ipinakikilala ng Daniel 7:13; at ang pagparoon ng Panginoon sa Kanyang templo na ipinagpauna ni Malakias, ay pawang naglalarawan ng iisang pangyayari: at iya'y ipinakikilala rin naman ng pagpasok ng kasintahang lalaki sa kasalan, na inilarawan ni Kristo sa talinghaga tungkol sa sampung dalaga, sa Mateo 25. MT 345.2

Sa talinghaga sa Mateo 22 ay iyang larawan ding iyan ang ipinakikilala, at ang paghuhukom ay malinaw na ipinakikilalang nangyari muna bago nangyari ang kasalan. Bago ginawa ang kasal ay pumasok ang hari upang tingnan ang mga inanyayahan, upang tingnan kung ang lahat ay nararamtan ng damit kasalan, na siyang walang dungis na damit ng likas na hinugasan at pinaputi sa dugo ng Kordero. Ang natagpuang walang damit kasalan ay inihagis sa labas, datapuwa't ang lahat na nasumpungang, sa pagsisiyasat, na nararamtan ng damit kasalan ay tinatanggap ng Diyos at ibinilang na marapat na magkaroon ng bahagi sa Kanyang kaharian, at sa Kanyang luklukan. MT 345.3

Ang gawaing ito ng pagsusuri sa likas, ng pagpapasiya kung sino ang handa sa kaharian ng Diyos, ay tinatawag na masiyasat na paghuhukom na siyang kahuli-hulihang gawain sa santuaryo sa itaas. MT 345.4

Kung matapos na ang gawain ng pagsisiyasat, kung masuri na at mapasiyahan ang kabuhayan ng lahat na nagbabansag na sumusunod kay Kristo sa lahat ng kapanahunan, saka pa lamang masasarhan ang panahon ng biyaya at ipipinid naman ang pinto ng awa. Kayat sa isang maikling pangungusap, na “ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama Niya sa piging ng kasalan at inilapat ang pintuan,” ay dinadala tayo sa pangwakas na pangangasiwa ng Tagapagligtas, hanggang sa panahong ikatatapos ng dakilang gawain ng pagliligtas sa mga tao. MT 346.1

Sa paglilingkod sa santuaryo sa lupa, na, ayon sa pagkakita natin, ay isang larawan ng paglilingkod sa santuaryo sa langit, pagpasok ng dakilang saserdote sa kabanal-banalang dako kung araw ng pagtubos, ay tapos na ang pangangasiwa sa unang dako. Ipinag-utos ng Diyos: “Huwag magkakaroon ng sinumang tao sa tabernakulo pagka siya'y papasok upang itubos sa loob ng dakong banal hanggang sa lumabas siya.”5Levitico 16:17. Kaya't nang pumasok si Kristo sa kabanal-banalang dako upang gawin ang pangwakas na gawain ng pagtubos, ay natapos na Niya ang pangangasiwa sa unang dako. Datapuwa't nang matapos na ang pangangasiwa sa unang dako, ay nagpasimula naman ang pangangasiwa sa ikalawang dako. Sa pangangasiwa sa santuaryo sa lupa, kapag ang dakilang saserdote ay umalis sa banal na dako sa kaarawan ng pagtubos, ay naparoroon siya sa harapan ng Diyos upang iharap ang dugo ng handog na patungkol sa kasalanan ng buong Israel na buong tapat na nagsipagsisi sa kanilang mga kasalanan. MT 346.2

Kaya't bahagi lamang ng gawain ang natapos ni Kristo sa pagkatagapamagitan Niya nang pumasok Siya sa ikalawang bahagi ng Kanyang gawain, at iniharap rin Niya ang Kanyang dugo sa Ama alang-alang sa makasalanan. MT 346.3

Ngayon nila napagkita ang katuparan ng pangungusap na iyon ni Kristo sa Apokalipsis, na ipinahayag sa iglesya sa panahong ito. “Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Banal, niyaong totoo, niyaong may susi ni David, niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinuman, at naglalapat at di maibubukas ng sinuman; nalalaman Ko ang iyong mga gawa (narito, inilagay Ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di-mailalapat ng sinuman).”6Apocalipsis 3:7, 8. MT 347.1

Ang kalagayan ng mga Hudyong walang pananampalataya ay naghahalimbawa sa mga walang ingat at ayaw manampalatayang mga tao na nagbabansag na Kristiyano, na kusang nagpapakamangmang tungkol sa gawain ng ating maawaing Dakilang Saserdote. Sa sumasagisag na paglilingkod kapag pumapasok ang dakilang saserdote sa kabanal-banalang dako, ang buong Israel ay kailangang magtipon sa palibot ng santuaryo, at sa pinakataimtim na paraan ay papagpakumbabain ang kapilang mga puso sa harapan ng Diyos upang tanggapin nila ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at huwag silang mawalay sa kapulungan. Gaano pa nga ang lalong kahalagahan ngayon sa tunay na kaarawang ito ng pagtubos na ating maunawa ang gawain ng ating dakilang saserdote, at makilala ang mga tungkuling sa ati'y hinihiling. MT 347.2

Hindi walang kaparusahang matatanggihan ng tao ang babala ng kaawaang ipinadadala sa kanila ng Diyos. Isang pabalita ang ipinadala ng Diyos sa sanlibutan noong kaarawan ni Noe, at ang kaligtasan nila ay nasalig sa paraan ng kanilang pagtanggap sa pabalitang yaon. Sapagka't tinanggihan nila ang pabalita, ay inalis ang Espiritu ng Diyos sa kanila, at nangapahamak sila sa tubig ng baha. Noong panahon ni Abraham, ang kaawaan ay tumigil sa pamamanhik sa mga masamang taga- Sodoma, at lahat, maliban kay Lot at sa kanyang asawa at dalawang anak na babae, ay nasunog sa apoy na pinababa mula sa langit. Gayon din naman sa panahon ni Kristo. Ipinahayag ng Anak ng Diyos sa mga Hudyo na nang panahong yaon ay hindi nanampalataya, na “ang inyong bahay ay iniwan sa inyong wasak.”7Mateo 23:38. Nang tunghayan ng Diyos ang mga huling araw, ay ganito ang Kanyang sinabi hinggil doon sa mga hindi tumanggap “ng pag-ibig sa katotohanan upang sila'y mangaligtas,” “Dahil dito'y ipinadala sa kanila ng Diyos ang paggawa ng kamalian, upang magsipaniwala sila sa kasinungalingan; upang mangahatulan silang lahat na hindi nagsisisampalataya sa katotohanan kundi nangalugod sa kalikuan.”82 Tesalonica 2:10-12. Nang tanggihan nila ang mga iniaaral ng salita ng Diyos ay inalis Niya ang kanyang Espiritu at pinabayaan sila sa mga karayaang iniibig nila. MT 347.3

Ang pagdaraan ng panahon noong 1844 ay sinundan ng isang panahon ng napakalaking pagsubok sa mga nanatili sa pananampalatayang Adventismo. Ang pinakaaliw lamang nila, sa pagkatiyak ng kanilang tunay na kalagayan, ay ang liwanag na umakay sa kanilang mga pagiisip sa santuaryo sa langit. Itinakwil ng ilan ang kanilang pananampalataya sa una nilang pagbilang ng mga panahon ng hula, at ikinapit nila sa tao o kay Satanas ang malakas na kapangyarihan ng Banal na Espiritu na siyang umakbay sa Kilusang Adventismo. Ang mga iba naman ay matibay na nanghawak sa paniwalang ang Panginoon ang siyang sa kanila'y umakay sa nakaraan ndang karanasan; at sa kanilang paghihintay, pagpupuyat, at pananalangin, upang makikilala ang kalooban ng Diyos, ay nakita nila na ang Dakilang Saserdote ay pumasok sa ibang pangangasiwa, at sa pagsunod nila sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya, ay natagpuan nila ang pangwakas na gawain ng iglesya. Nagkaroon sila ng lalong malinaw na kaunawaan sa pabalita ng una't ikalawang anghel, at nangahanda silang tumanggap at magbigay sa sanlibutan ng mahalagang babala ng ikatlong anghel sa Apokalipsis 14. MT 348.1