Ang gawaing pagbabago ng kapangilinan na isasa katuparan sa mga huling araw ay ipinagpauna sa hula ni Isaias: “Ganito ang sabi ng Panginoon: Kayo'y mangag-ingat ng kahatulan, at magsigawa ng katuwiran; sapagka't ang aking pagliligtas ay malapit nang darating, at ang aking katuwiran ay mahahayag. Mapalad ang taong gumagawa nito, at ang anak ng tao na nanghahawak dito; na nangingilin ng Sabado upang huwag lapastanganin, at nag-iingat ng kanyang kamay sa paggawa ng anumang kasamaan.” “Gayon din naman ang mga taga ibang lupa, na nakikilakip sa Panginoon, upang magsipangasiwa sa Kanya, at magsiibig sa pangalan ng Panginoon, upang maging Kanyang mga lingkod, bawa't nangingilin ng Sabado upang huwag lapastanganin at nag-iingat ng aking tipan; sila ay dadalhin Ko sa Aking banal na bundok, at papagkakatuwain Ko sila sa Aking bahay na dalanginan.”1Isaias 56:1, 2, 6, 7, talatang Hebreo. MT 371.1
Ang mga pangungusap na ito ay naaangkop sa panahong Kristiyano, gaya ng ipinakikilala ng nilalaman: “Ang Panginoong Diyos na pumipisan ng mga itinapon sa Israel ay nagsasabi: Magpipisan pa Ako ng mga iba sa kanya, bukod sa kanyang sarili na nangapisan.”2Isaias 56:8. Dito'y paunang inaninuhan ang pagtitipon ng mga Hentil sa pamamagitan ng ebanghelyo. At sa mga magpaparangal sa Sabado ay binibigkas ang isang pagpapala. Sa gayo'y ang kahingian ng ikaapat na utos ay lumalampas sa panahon ng pagpapako, pagkabuhay na mag-uli at pag-akyat ni Kristo sa langit, at umaabot sa kapanahunan na ipangangaral ng Kanyang mga lingkod ang masasayang balita sa lahat ng bansa. MT 371.2
Ang Panginoon ay nag-uutos sa pamamagitan ng propeta ring yaon: “Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang kautusan sa gitna ng aking mga alagad.”3Isaias 8:16. Ang tatak ng kautusan ng Diyos ay nasusumpungan sa ikaapat na utos. Ito lamang, sa buong sampu, ang naghahayag ng pangalan at titulo ng Tagapagbigay ng kautusan. Inihahayag nito na Siya ang Manglalalang ng langit at ng lupa, at sa gayo'y ipinakikita ang Kanyang pag-angkin sa paggalang at pagsamba sa Kanya ng higit kaysa lahat ng iba. Maliban sa utos na ito, ay wala nang anuman sa sampung utos ang magpapakita kung sa pamamagitan ng kaninong kapangyarihan ibinigay ang kautusan. Nang palitan ng kapapahan, ang kapangilinan ang tatak ay naalis sa kautusan. Ang mga alagad ni Jesus ay tinatawagan upang ito'y isauli, sa pamamagitan ng pagtatampok sa Sabado na ikaapat na utos sa matuwid na dapat kalagyan nito bilang tagapagpaalaala ng Manglalalang at tanda ng Kanyang kapamahalaan. MT 372.1
“Sa kautusan at sa patotoo.” Bagaman lumilipana ang mga nagkakalabang aral at pala-palagay, ang kautusan naman ng Diyos ay siyang tanging hindi nagkakamaling tuntunin na pagsusubukan sa lahat ng kuru-kuro, aral, at pala-palagay. Sinabi ng propeta: “Kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila.”4Isaias 8:20. MT 372.2
Muling nag-utos, “Humiyaw ka ng malakas, huwag kang magpigil, ilakas mo ang iyong tinig na parang pakakak, at iyong ipahayag sa Aking bayan ang kanilang pagsalansang, at sa angkan ni Jakob ang kanilang kasalanan.” Hindi ang sanlibutang makasalanan ang sasawayin sa kanilang mga pagsalansang kundi yaong mga tinawag ng Panginoon na “Aking bayan.” Ganito ang Kan- yang patuloy: “Gayon ma'y hinahanap nila Ako arawaraw; at kinalulugdan nilang maalaman ang Aking mga daan na gaya ng bansa na gumawang matuwid at hindi lumimot ng alituntunin ng kanilang Diyos.”5Isaias 58:1, 2. Dito'y ipinakikilala ang isang uri ng mga tao na nag-aakalang matuwid na sila, at nagkukunwaring may malaking interes sa paglilingkod sa Diyos; datapuwa't ang matigas at taimtin na pagsaway ng Tagasaliksik ng mga puso ay nagpapakilalang niyuyurakan nila ang mga banal na utos. MT 372.3
Sa gayo'y tinutukoy ng propeta ang utos na tinalikdan: “Ikaw ay magbabangon ng mga patibayan ng maraming sali't saling lahi, at ikaw ay tatawaging, Ang tagapaghusay ng sira, Ang tagapagsauli ng mga landas na matatahanan. Kung iyong iurong ang iyong paa sa Sabado, sa paggawa ng iyang kalayawan sa Aking banal na kaarawan, at iyong tawagin ang Sabado na kaluguran, at ang banal ng Panginoon na marangal at iyong pararangalan, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan, ni magsasalita ng iyong mga sariling salita; kung magkagayo'y malulugod ka nga sa Panginoon.”6Isaias 58:12-14, talatang Hebreo. Ang hulang ito ay nakakapit din naman sa ating kapanahunan. Ginawa ang kasiraan sa kautusan ng Diyos nang palitan ng kapangyarihan ng Roma ang araw na Sabado. Datapuwa't dumating na ang panahon upang isauli ang itinatag na ito ng Diyos. Ang nasira ay huhusayin, at ang pinagtitibayan ng maraming sali't saling lahi ay dapat ibangon. MT 373.1
Ang Sabado na pinabanal sa pamamagitan ng pagpapahinga at pagpapala ng Maylalang, ay ipinangilin ni Adan noong wala pa siyang kasalanan sa loob ng banal na Eden; ipinangilin ni Adan na nagkasala nga datapuwa't nagsisi naman, nang siya'y palayasin sa kanyang maligayang tahanan. Ito'y ipinangilin ng lahat ng patiarka mula kay Abel hanggang kay Noe na matuwid, hanggang kay Abraham, at kay Jakob. Noong nasa pagkaalipin sa Egipto ang bayang hinirang ang marami sa kanila, sa gitna ng naglipanang pagsamba sa diyus-diyusan, ay nangakalimot sa kautusan ng Diyos; datapuwa't nang iligtas na ng Panginoon ang Israel, ay ipinahayag Niya na may dakilang karilagan ang Kanyang kautusan sa nagkakatipong karamihan, upang kanilang maalaman ang kanyang kalooban at sa gayo'y mangatakot at tumalima sa Kanya magpakailan man. MT 373.2
Sapul sa araw na yaon hanggang sa panahong ito, ay napanatili sa lupa ang pagkakilala sa kautusan ng Diyos, at ang Sabado ng ikaapat na utos ay ipinangilin. Bagaman nanaig yaong “taong makasalanan” sa pagyurak sa banal na kaarawan ng Diyos, sa panahon pa man ng kanyang pangingibabaw ay nagkaroon, sa mga lihim na dako, ng mga tapat na kaluluwa na nagpaparangal dito. Mula noong panahon ng Reporma, ay nagkaroon ng ilang tao sa bawa't salin ng lahi na nanatili sa pangingilin nito. Bagaman palaging nasa gitna sila ng pagtuya at paguusig, patuloy silang sumasaksi sa pamamalagi ng kautusan ng Diyos, at sa banal na tungkulin sa Sabado ng paglalang. MT 374.1
Ang mga katotohanang ito, ayon sa ipinakikilala sa Apokalipsis 14, kaugnay ng “mabubuting balita na walanghanggan,” ay siyang pagkakakilanlan sa iglesya ni Kristo sa panahon ng pagpapakita Niya. Sapagka't bilang bunga ng tatlong magkakalakip na pabalita ay ipinahahayag: “Narito ang mga nagsisitupad ng mga utos ng Diyos at ng pananampalataya ni Jesus.” At ang pabalitang ito ay siyang kahuli-hulihang pabalita na ilalaganap bago dumating ang Panginoon. Kapagkarakang maipahayag na ito, ay nakita ng propeta ang Anak ng tao na pumaparito sa kaluwalhatian upang anihin ang aanihin sa lupa. MT 374.2
Yaong nagsitanggap ng liwanag tungkol sa santuaryo at nagsikilala sa di pagbabago ng kautusan ng Diyos, ay nangapuspos ng tuwa at pagtataka, nang makita nila ang ganda at pagtutugma ng pagkakaayos ng katotohanang nabuksan sa kanilang pang-unawa. Ninasa nilang maipamahagi sa lahat ng Kristiyano ang liwanag na napakamahalaga sa ganang kanila; at hindi nila mapigil na paniwalaang yao'y buong ligayang tatanggapin. Nguni't hindi tinanggap ng maraming nangagpapangap na alagad ni Kristo ang mga katotohanang nagpapaging iba sa kanila sa sanlibutan. Ang pagsunod sa ikaapat na utos ay nangangailangan ng isang pagsasakripisyo na inurungan ng marami. MT 374.3
Sa paghaharap ng mga pag-angkin ng Sabado, ang marami ay gumamit ng katuwirang makasanlibutan. Sinabi nila: “Ipinangilin na namin ang Linggo mula't mula pa; at ito'y ipinangilin ng aming mga magulang, at maraming mabuti at banal na tao ang nangamatay na natutuwang ito'y ipinangilin. Kung matuwid ang ginawa nila, ay matuwid din ang ginagawa namin. Ang pangingilin ng bagong kapangilinang ito ay maglalayo sa amin sa pakikiisa sa sanlibutan, at mawawalan kami ng impluensya sa kanila. Anong maaasahang magagawa ng isang maliit na pangkat na nangingilin ng ikapitong araw laban sa buong sanlibutan na nangingilin ng Linggo?” Sa ganyan ding mga pangangatuwiran ay sinikap ng mga Hudyo na ariing matuwid ang pagkatakwil nila kay Kristo. Ang kanilang mga magulang ay nilingap ng Diyos nang kanilang ihandog ang kanilang hain, at bakit nga hindi rin maliligtas ang mga anak sa paggawa ng gayon din? Gayon din, noong panahon ni Lutero, nangatuwiran ang mga makapapa na ang tapat na mga Kristiyano ay nangamatay sa pananampalatayang Katoliko, kaya't ang relihiyong iyan ay sapat na sa ikaliligtas. Ang ganyang pangangatuwiran ay magiging isang mabisang sagabal sa lahat ng pagsulong sa pananampalataya o sa pagsasagawa ng itinuturo ng relihiyon. MT 375.1
Marami ang nangatuwiran na ang pangingilin ng Linggo ay isang doktrinang naitatag na at isang malaganap na ugali ng iglesya sa marami nang dantaon. Laban sa katuwirang ito ay ipinakilala na ang Sabado at ang pangingilin nito, ay lalong matanda at lalong malaganap, at kasintanda ng sanlibutan na rin, at may taglay na patotoo ng mga anghel at ng Diyos. Nang ilagay ang mga batong panulok ng lupa, nang magsiawit na magkakasama ang mga bituing pang-umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay naghihiyawan sa kagalakan ay inilagay din ang patibayan ng Sabado.7Job 38:6, 7; Genesis 2:1-3. Matuwid na hingin ng tatag na ito ang ating paggalang. Ito'y hindi itinalaga ng kapangyarihang tao; at hindi ito nabababaw sa mga sali't saling sabi ng mga tao; ito'y itinatag ng Matanda sa mga araw, at ipinag-utos ng Kanyang walang-hanggang salita. MT 375.2
Nang ang pansin ng mga tao ay matawagan sa suliraning tungkol sa pagbabago ng kapangilinan, ay binaligtad ng mga tanyag na ministro ang salita ng Diyos, at ang patotoo nito ay binigyan nila ng mga paliwanag na lalong makapagpapatahimik sa pag-iisip ng nangagtatanong. At yaong hindi nangagsaliksik ng Kasulatan sa ganang kanilang sarili, ay nasiyahan nang tumanggap ng kapasiyahang naaayon sa kanilang ninanasa. Sa pamamagitan ng katuwiran, ng daya, ng sali't-saling sabi ng mga Padre, at ng kapamahalaan ng iglesya, ay nagsikap ang marami na ibagsak ang katotohanan. Ang mga nagtatanyag nito ay nangapataboy sa kanilang mga Banal na Kasulatan upang ipagtanggol ang katibayan ng ikaapat na utos. Ang mga hamak na tao, na nasasakbatan ng Salita ng katotohanan lamang, ay sumagupa sa mga pagsalakay ng mga nagsipag-aral. Taglay ang pagka-mangha at pagkapoot, natuklasan ng mga nagsipag-aral naito na ang kanilang mabubuting panglinlang ay walang kapangyarihan laban sa simple, at tapatang pangangatuwiran ng mga taong sanay sa mga Banal na Kasulatan at hindi sa mga katusuhan ng mga paaralan. MT 376.1
Sa kawalan ng patotoo ng Biblia na kasang-ayon nila, ay walang pagod na iginigiit ng marami—sa pagkalimot nilang gayon ding pangangatuwiran ang ginamit laban kay Kristo at sa Kanyang mga alagad—“Bakit hindi naaalaman ng ating mga dakilang tao ang suliraning ito tungkol sa Sabado? Datapuwa't iilan ang nangananampalatayang gaya ninyo. Hindi mangyayaring kayo ang matuwid, at mali na ang lahat na may pinag-aralan sa sanlibutan.” MT 377.1
Upang mapasinungalingan ang ganyang mga katuwiran ay kailangan lamang na banggitin ang mga aral ng Kasulatan at ang kasaysayan ng pakikitungo ng Panginoon sa Kanyang bayan sa lahat ng panahon. Ang Diyos ay gumagawa sa pamamagitan ng mga dumirinig at tumatalima sa Kanyang tinig; sa pamamagitan ng mga magsasalita, kung kakailanganin, ng hindi kalugud-lukod na katotohanan; ng mga hindi natatakot sumaway sa mga laganap na kasalanan. Ang dahilan ng hindi malimit na pagpili sa mga taong may pinag-aralan at may mataas na katungkulan upang manguna sa mga kilusan ng pagbabago, ay sapagka't nagtitiwala ang mga taong iyan sa kanilang mga aral, hakahaka, at teolohiya, at hindi nila nararamdaman na kailangang sila'y maturuan ng Diyos. Yaon lamang mga mayroong pakikipag-ugnay sa Bukal ng kaalaman ang makauunawa o makapagpapaliwanag ng mga Kasulatan. Ang mga taong kakaunti ang karunungang mula sa mga paaralan ay tinatawagang maminsan-minsan upang magpahayag ng katotohanan, hindi sapagka't wala silang kaalaman, kundi sapagka't wala silang gaanong kasiyahan sa sarili upang maturuan ng Diyos. Nagsipag-aral sila sa paaralan ni Kristo, at ang kanilang kapakumbabaan at pagkamasunurin ay siyang sa kanila'y nagpadakila. Sa pagbibigay sa kanila ng Diyos ng pagkakilala sa Kanyang katotohanan, ay binigyan din naman sila ng karangalan, na ang karangalang makalupa, kung itutulad dito, ay nawawalan ng kabuluhan. MT 377.2
Ngayon, kagaya ng mga unang kapanahunan, ang pagpapakilala ng isang katotohanan na sumasaway sa mga kasalanan at kamalian ng panahon, ay pagbubuhatan ng pagsalungat. “Bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kanyang mga gawa.”8Juan 3:20. Sa pagkakita ng mga tao na hindi nila mapatitibay ang kanilang pananayuan sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, ay ipinasisiya ng marami na tangkilikin ang kanilang pananayuan sa kabila ng lahat ng panganib, at taglay ang isang masamang diwa ay sinasalakay nila ang likas at hangarin ng mga nagsasanggalang ng hindi tanyag na katotohanan. Ganyan din ang pamamalakad na sinunod sa lahat ng kapanahunan. Si Elias ay pinagsabihang isang manggugulo sa Israel, si Jeremias ay taksil, si Pablo ay nagpaparumi ng templo. Mula nang araw na yaon hanggang sa panahon ito, yaong ibig magtapat sa katotohanan ay pinararatangang mapanghimagsik, erehe, o mapaggawa ng pagbabaha-bahagi. MT 378.1
Dahil dito'y ano ang tungkulin ng sugo ng katotohanan? Ipasisiya ba niyang hindi na dapat ipakilala ang katotohanan, yayamang ang malimit na ibinubunga lamang nito ay ang gisingin ang mga tao upang iwasan o labanan ang mga paga-angkin nito? Hindi; wala siyang katuwirang pumigil sa patotoo ng salita ng Diyos, sa dahilang lumilikha ito ng pagsalansang ng mga tao, gaya ng mga unang Repormador na wala ring katuwiran. Ang pagpapahayag ng pananampalataya na ginawa ng mga banal at ng mga martir ay natala sa kapakinabangan ng mga susunod na salin ng lahi. Yaong mga buhay na halimbawa ng kabanalan at matibay na katapatan, ay umabot sa atin upang magbigay tapang sa mga tinatawagan ngayon na tumayong saksi para sa Diyos. Tumanggap sila ng biyaya at katotohanan hindi lamang para sa kanilang sarili, kundi upang sa pamamagitan nila, ay lumiwanag sa lupa ang pagkakilala sa Diyos. Binigyan baga ng Diyos ng liwa- nag ang Kanyang mga lingkod sa salin ng lahing ito? Kung gayo'y dapat nilang ito'y papagliwanagin sa sanlibutan! MT 378.2
Noong unang panahon ay ganito ang sinabi ng Panginoon sa isang nagsalita sa Kanyang pangalan: “Hindi ka diringgin ng sambahayan ni Israel; sapagka't hindi nila Ako diringgin.” Gayon ma'y Kanyang sinabi: “Iyong sasalitain ang Aking mga salita sa kanila, sa diringgin o sa itatakwil man.”9Ezekiel 3:7; 2:7. Ang lingkod ng Diyos sa panahong ito ay pinag-uutusan: “Ilakas mo ang iyong tinig na parang pakakak, at iyong ipahayag sa Aking bayan ang kanilang pagsalansang, at sa angkan ni Jakob ang kanilang mga kasalanan.”10Isaias 58:1. MT 379.1
Ang sinumang tumanggap ng liwanag ng katotohanan, alinsunod sa abot ng kanyang pagkakataon, ay nasa ilalim ng banal at nakapangingilabot na kapanagutan ng propeta sa Israel na dinatnan ng salita ng Panginoon, na nagsabi: “Ikaw anak ng tao, ay inilagay Ko na bantay sa sambahayan ni Israel; kaya't dinggin mo ang salita sa Aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila sa ganang Akin. Pagka Aking sinabi sa masama: Oh masamang tao, ikaw ay walang pagsalang mamamatay, at ikaw ay hindi nagsalita upang magbigay alam sa masama ng kanyang lakad; ang masamang yaon ay mamamatay sa kanyang kasamaan, nguni't ang kanyang dugo ay sisiyasatin Ko sa iyong kamay. Gayon ma'y kung iyong pagbigyang alam ang masama ng kanyang lakad upang humiwalay, at hindi niya hiniwalayan ang kanyang lakad, mamamatay siya sa kanyang kasamaan, nguni't iniligtas mo ang iyong kaluluwa.”11Ezekiel 33:7-9. MT 379.2
Ang malaking sagabal sa pagtanggap at paglalaganap ng katotohanan, ay ang katunayang nakakalangkap nito ang kahirapan at pagkutya. Ito lamang ang tutol sa katotohanan na hindi mapasinungalingan ng mga nagtatanyag nito. Datapuwa't hindi ito nakapipigil sa mga tunay na alagad ni Kristo. Hindi nila inaantabayanang matanyag ang katotohanan. Sa pagkakilala nila sa kanilang tungkulin, kusa nilang tinatanggap ang krus, at kasama ni apostol Pablo ay itinuturing nila na “aming magaang kapighatian na sa isang sandali lamang ay siyang gumagawa sa amin ng lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang-hanggan;” kasaina ng isa nang unang kapanahunan, ay “inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Kristo, kaysa mga kayainanan ng Ehipto.”122 Corinto 4:17. MT 379.3
Yaon lamang naglilingkod sa sanlibutan ng buong puso, anuman ang kanilang pagpapanggap, ang kumikilos ayon sa pamamalakad at hindi ayon sa simulain ng mga bagay ng relihiyon. Dapat nating piliin ang matuwid sapagka't yao'y matuwid, at ipabahala natin sa Diyos ang anumang ibubunga nito. Sa mga taong may simulain, pananampalataya, at katapangan, ay utang ng sanlibutan ang malalaki niyang pagbabago. Sa painamagitan ng ganyang mga tao ang gawain ng pagbabago sa panahong ito ay kailangang sumulong. MT 380.1
Ganito ang wika ng Panginoon: “Inyong pakinggan Ako, ninyong nakaaalam ng katuwiran, bayan na ang puso ay kinaroroonan ng Aking kautusan; huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait. Sapagka't sila'y lalamunin ng tanga na parang bihisan at kakanin sila ng uod na parang bihisang balahibo ng tupa; nguni't ang Aking katuwiran ay magiging magpakailan man, at ang Aking pagliligtas ay sa lahat ng salit-saling lahi.”13Isaias 51:7, 8. MT 380.2