Papag-aalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kanyang binhi: ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”1Genesis 3:15. Ang hatol ng langit na inilapat kay Satanas pagkatapos na magkasala ang tao, ay isang hula rin naman, na sumasaklaw sa lahat ng kapanahunan hanggang sa dulo ng panahon, at naglalarawan ng malaking paglalabanan ng lahi ng tao na mabubuhay sa ibabaw ng lupa. MT 413.1
Ipinahahayag ng Diyos, “Papag-aalitin Ko.” Ang pakikialit na ito ay hindi katutubong iniimpok. Nang salansangin ng tao ang banal na kautusan, ang kalikasan niya ay naging masama, naging kasang-ayon siya at hindi na kalaban, ni Satanas. Katutubong walang pagkakaalit ang taong makasalanan at ang pasimuno ng kasalanan. Kapuwa sila sumama dahil sa pagtaliwakas. Ang tumalikod ay hindi nagtitigil, malibang siya'y makakuha ng daramay at kakatig sa kanya sa pamamagitan ng paghikayat sa iba na sumunod sa kanyang halimbawa. Dahil dito, ang mga anghel na nagkasala at ang mga masamang tao ay magkakabigkis-bigkis sa pangatawanang pagsasama. Kung hindi tanging namagitan ang Diyos, si Satanas at ang sangkatauhan ay nagkampi sana ng paglaban sa langit; at sa halip na mag-impok ng pakikipaglaban kay Satanas, ang buong sangkatauhan ay nagkaisa sana sa pagsalungat sa Diyos. MT 413.2
Ang tao ay tinukso ni Satanas upang magkasala, katulad ng pag-uudyok niya sa mga anghel upang inaghimagsik, sa gayo'y may makatulong siya sa pakikidigma niya laban sa langit. Walang pagsasalungatan siya at ang kanyang mga anghel hinggil sa kanilang pagkapoot kay Kristo; bagaman sa lahat ng ibang bagay ay mayroon silang dipagkakaisa, ay mahigpit silang nagkakalakip sa pagsalansang sa kapamahalaan ng Puno ng santinakpan. Nguni't nang marinig ni Satanas ang pahayag na magkakaroon ng pagkakaalit siya at ang babae, at ang kanyang binhi at ang binhi ng babae, ay napag-alaman niya na ang kanyang mga pagsisikap na pasamain ng pasamain ang kalikasan ng tao ay mapapatigil; at sa pamamagitan ng ilang kaparaana'y makalalaban ang tao sa kanyang kapangyarihan. MT 413.3
Ang poot ni Satanas sa sangkatauhan ay nagningas, sapagka't sa pamamagitan ni Kristo, ay sila ang layunin ng pag-ibig ng Diyos at ng Kanyang kahabagan. Ninasa niyang tumbalikin ang banal na panukala sa pagtubos sa tao, di-parangalan ang Diyos, sa pamamagitan ng pagsira at pagdungis sa ginawa ng Kanyang kamay; papagkakaroonin niya ng kalumbayan sa langit, at pupunuin niya ang lupa ng kahirapan at kasiraan. At itinuturo “niya ang lahat ng kasamaang ito bilang bunga ng ginawa ng Diyos sa kanyang paglikha sa tao. MT 414.1
Ang biyayang itinatanim ni Kristo sa kaluluwa ay siyang lumilikha sa tao ng pakikialit laban kay Satanas. Kung wala ang humihikayat na ito at bumabagong kapangyarihan ang tao ay mamamalaging bihag ni Satanas, isang alipin na laging handang gumawa ng kanyang ipag-uutos. Datapuwa't ang bagong simulain sa kaluluwa ay lumilikha ng labanan sa dati-dati'y kinaroroonan ng kapayapaan. Ang kapangyarihang ibinigay ni Kristo ay nakatulong sa tao na lumaban sa malupit at mapanggaga. Sinumang nakikitang nasusuklam sa kasalanan sa halip na umibig dito, sinumang lumaban at nanagumpay sa mga pusok ng damdaming naghahari sa kalooban, ay nagpapakilala ng paggawa ng isang simulaing ganap na mula sa itaas. MT 414.2
Ang paglalabanang naghahari sa espiritu ni Kristo at sa espiritu ni Satanas ay nahayag sa kapuna-punang paraan sa ginawang pagtanggap ng sanlibutan kay Jesus. Hindi gaanong dahilan ang pagkahayag niyang walang yaman sa sanlibutan, walang gilas, ni karangalan, kung kaya itinakwil Siya ng mga Hudyo. Nakita nilang mayroon Siyang kapangyarihang higit na makapagpupuno sa kakulangang itong mga panglabas na kalamangan. Datapuwa't ang kadalisayan at kabanalan ni Kristo ay siyang naging dahil ng ikinapoot ng mga makasalanan sa Kanya. Ang kanyang kabuhayan ng pagtanggi sa sarili at pagtatalagang walang bahid kasalanan, ay isang namamalaging pagsaway sa isang palalo't mahalay na bayan. Ito ang kumilos ng kanilang pagkapoot laban sa anak ng Diyos. Si Satanas at ang masasamang anghel ay nakisama sa masasamang tao. Ang lakas ng buong hukbong tumalikod ay nagbangon ng paghihimagsik laban sa Tagapagtanggol ng katotohanan. MT 414.3
Ang pakikipag-alit ding iyan ay nahahayag laban sa mga sumusunod kay Kristo, katulad ng pagkahayag laban sa kanilang Panginoon. Ang sinumang nakakikita ng kasuklam-suklam na likas ng kasalanan, at sa pamamagitan ng lakas na mula sa itaas ay nakikipag-laban sa tukso, ay walang pagsalang makagigising sa pagkapoot ni Satanas at ng kanyang mga kampon. Ang pagkapoot sa malilinis na simulan ng katotohanan, at ang paghamak at pag-uusig sa mga nagsisipagtanggol dito, ay mananatili habang nananatili ang kasalanan at makasalanan. Ang mga alagad ni Kristo at ang mga alipin ni Satanas ay hindi magkakaisa. Ang kinatitisuran sa krus ay nananatili pa. Ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Kristo Jesus ay mangagbabata ng pag-uusig.”22 Timoteo 3:12. MT 415.1
Tinatawag ni Satanas ang lahat niyang hukbo, at ginagamit niya ang buo niyang kapangyarihan sa pakikipaglaban. Bakit nga hindi siya nakasasagupa ng malaking pagsalungat? Bakit nangag-aantok at nagwawalang bahala ng gayon na lamang ang mga kawal ni Kristo? Sapagka't napakaliit ang kanilang tunay na pakikiugnay kay Kristo; sapagka't salat na salat sila sa Kanyang Espiritu. Sa kanila, ay hindi kamuhi-muhi at hindi kasuklam-suklam ang kasalanan, na kinamuhian at kinasuklaman ng Kanilang Panginoon. Hindi nila ito sinasagupa ng gaya ng pagsagupa ni Kristo, na taglay ang itinalaga at pinasiyahang paglaban. Hindi nila nababatid ang higit na kasamaan at kabuktutan ng kasalanan, at hindi nila makita ang likas at kapangyarihan ng prinsipe ng kadiliman. Napakaliit ang pakikialit laban kay Satanas at sa kanyang mga ginagawa, sapagka't napakalaki ang di pagkaalam hinggil sa kanyang kapangyarihan at pagkapoot, at sa malawak na pakikibaka niya laban kay Kristo at sa kanyang iglesya. Dito nadadaya ang karamihan. Hindi nila natatalos na ang kanilang kaaway ay isang makapangyarihang heneral na namamahala sa mga pag-iisip ng mga masasamang anghel, at sa pamamagitan ng may kaganapang panukala at may kasanayang pagkilos ay nakikipagtunggali kay Kristo upang mapigil ang pagliligtas sa mga kaluluwa. Sa mga nagbabansag na Kristiyano, at maging sa mga nangangaral ng ebanghelyo ay bibihirang marinig na mabanggit si Satanas, maliban na lamang sa manaka-nakang pagkabanggit sa pulpito. Hindi nila tinitingnan ang mga katunayan ng kanyang patuloy na paggawa at pananagumpay; winawalang-bahala nila ang maraming babala ng kanyang pagkamagdaraya, waring di nila pansin ang kanyang pagka-Satanas. MT 415.2
Walang tigil na pinagsisikapan ni Satanas na madaig niya ang bayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsira sa mga bakod na naghihiwalay sa kanila sa sanlibutan. Ang Israel ng una ay narahuyong magkasala noong pangahasan nila ang ipinagbabawal na pakikisalamuha sa mga pagano. Sa paraan ding iyan ay naililigaw ang Israel ngayon. “Binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang mga pag-iisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila'y huwag su- milang ang kaliwanagan ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Kristo na siyang larawan ng Diyos.”32 Corinto 4:4. MT 416.1
Ang pakikibagay sa mga ugaling makasanlibutan ay siyang humihikayat sa iglesya para sa sanlibutan; hindi ito makahihikayat sa sanlibutan ukol kay Kristo. Ang pamimihasa sa kasalanan ay walang pagsalang siyang magiging dahil upang ito'y huwag kasuklaman. Siya na pumiling makisalamuha sa mga alipin ni Satanas ay hindi magluluwat at di na matatakot sa kanilang panginoon. Kung sa paggawa ng tungkulin ay dalhin tayo sa pagsubok, gaya ni Daniel noong siya'y nasa palasyo ng hari, matitiyak nating ipagtatanggol tayo ng Diyos; datapuwa't kung sinasadya nating isubo ang ating sarili sa tukso, ay babagsak tayong walang pagsala, malao't madali. MT 417.1
Ang manunukso ay malimit na gumawang may malaking tagumpay sa pamamagitan ng mga hindi sinasapantahang sumasailalim ng kanyang kapangyarihan. Ang mga may talento at dunong ay kinalulugdan at pinararangalan, na wari bagang makatutubos ang mga katangiang ito sa kawalan ng pagkatakot sa Diyos, o magpapaging-dapat sa mga tao sa kanyang paglingap. Ang talento at kalinangan, sa kanilang sarili, ay mga kaloob ng Diyos; datapuwa't kapag ito'y inihahalili sa kabanalan, na sa balip na maglapit ng kaluluwa sa Diyos, ay bagkus naglalayo, kung magkagayon, ang mga ito'y nagiging isang sumpa at silo. Sa maraming tao ay naghahari ang pagaakala na ang lahat ng wari pagkamagalang o kahinhinan ay mula kay Kristo, sa ilang pagpapalagay. Kailan man ay hindi nagkaroon ng kamaliang malaki kaysa riyan. Ang mga katangiang ito ay dapat maging palamuti sa likas ng bawa't Kristiyano, sapagka't magbibigay ito ng malaking impluensya sa tunay na relihiyon; datapuwa't kinakailangang ang mga ito'y matalaga sa Diyos, kung hindi ay magiging isang kapangyarihang ukol sa kasamaan. MT 417.2
Samantalang palaging sinisikap ni Satanas, na bulagin ang mga pag-iisip ng mga Kristiyano sa tunay na nangyayari, ay hindi nila dapat limutin na sila'y nakikipagbaka “hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanlibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.”4Efeso 6:12. Ang kinasihang babala ay tumataginting sa lahat ng panahon hangga ngayon: “Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kaaway na diyablo na gaya ng liyong umuungal ay gumagalang humahanap ng masisila niya.”51 Pedro 5:8. “Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Diyos upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diyablo.”6Efeso 6:11. MT 418.1
Mula nang mga kaarawan ni Adan hanggang sa panahon natin, ang ating malakas na kalaban ay gumagamit ng kanyang kapangyarihan upang magpahirap at lumipol. Naghahanda siya ngayon para sa kahuli-hulihan niyang paggawa laban sa iglesya. Ang lahat ng sumusunod kay Jesus ay mapapasubo sa pakikilaban sa walang habag na kalabang ito. Sa lalo at lalong pagtulad ng Kristiyano sa banal ng Huwaran, lalo namang hindi sasalang siya'y magiging tudlaan ng mga pagsalakay ni Satanas. Ang lahat ng masiglang gumagawa sa gawain ng Diyos, na nagsisikap alisan ng tabing ang mga pandaya ng isang masama at iharap si Kristo sa mga tao, ay makapagpapatotoong gaya ni Pablo, nang sabihin niya ang tungkol sa paglilingkod sa Panginoon ng buong kaamuan ng pag-iisip, na may pagluha at mga tukso. MT 418.2
Si Kristo ay sinalakay ni Satanas ng kanyang pinakamabagsik at pinakamarayang mga tukso; datapuwa't dinaig siya sa bawa't paghahamok. Isinagawa ang mga pagbabakang iyon alang-alang sa atin; ang mga tagumpay na iyon ay nagpaaring tayo'y managumpay. Si Kristo'y nagbibigay ng lakas sa lahat ng humahanap ng lakas. Sinuman ay hindi madadaig ni Satanas kung hindi siya papayag. Ang manunukso ay walang kapangyarihang maghari sa kalooban o pilitin kaya ang tao na magkasala. Maaaring siya'y pumighati datapuwa't hindi siya maaaring dumungis. Maaaring magbigay dalamhati siya, nguni't hindi karumihan. Ang katunayan na si Kristo ay nanagumpay ay dapat magpasigla sa kanyang mga alagad na makipagbakang may pagkalalaki sa kasalanan at sa kay Satanas. MT 418.3