Ang malaking tunggalian ni Kristo at ni Satanas, na halos anim na libong taon na ngayong nagpapatuloy, ay malapit nang mawakasan; at pinapag-iibayo ng isang masama ang kanyang mga pagsisikap upang gapiin ang ginagawa ni Kristo sa kapakanan ng tao, at upang huwag makawala ang mga kaluluwa sa kanyang mga silo. Ang panatilihin ang mga tao sa kadiliman at di-pagsisisi hanggang sa matapos ang pamamagitan ng Tagapagligtas, at mawalan na ng haing patungkol sa kasalanan, ay siyang layuning sinisikap niyang maganap. MT 429.1
Kapag walang ginagawang tanging pagsisikap upang paglabanan ang kanyang kapangyarihan, kapag naghahari ang kawalang bahala sa loob ng iglesya at sa sanlibutan, hindi nababagabag si Satanas; sapagka't walang panganib na makawawala pa sa kanya yaong mga inaakay niyang bihag ayon sa kanyang loobin. Datapuwa't pagka natatawag ang pansin sa mga bagay na walanghanggan, at nangagtatanong ang mga kaluluwa, “Ano ang dapat kong gawin upang ako'y maligtas?” ay tumitindig agad siya na isinusukat ang kanyang kapangyarihan sa kapangyarihan ni Kristo, at sinasalungat ang paggawa ng Banal na Espiritu. MT 429.2
Sinasabi ng Kasulatan na minsan, nang magsidating ang mga anghel ng Diyos upang humarap sa Panginoon, ay dumating din naman si Satanas na kasama nila1Job 1:6. hindi upang yumuko sa harap ng Walang-hanggang Hari, kundi upang itaguyod ang kanyang may kapootang pakana laban sa mga matuwid. Taglay ang ganyan ding adhika ay nakikiharap siya kapag nagtitipon ang mga tao upang sumamba sa Diyos. Bagaman siya'y di makita, gumagawa din siya ng buong kasipagan upang mapamahalaan ang mga pag-iisip ng mga nagsisisamba. Gaya ng isang sanay na heneral ay pauna niyang inaayos ang kanyang mga panukala. Pagka nakikita niya ang lingkod ng Diyos na nagsasaliksik ng mga Banal na Kasulatan, minamatyagan niya ang paksang ihaharap nito sa mga tao. Saka niya gagamitin ang buo niyang katusuhan at karayaan upang pamahalaan ang lahat ng pangyayari at sa gayo'y ang pabalita'y huwag umabot sa mga dinaraya niya sa bahaging iyon. Ang isang lubhang nangangailangan na makarinig ng babala ay aakitin niya sa usapang ukol sa pangangalakal na dapat niyang daluhan, o kaya'y sa pamamagitan ng iba pang pamamaraa'y hahadlangan siya mula sa pagdinig ng mga salitang sa kanya'y magiging samyo ng buhay sa ikabubuhay. MT 429.3
Muling nakikita ni Satanas ang dalahin ng mga lingkod ng Panginoon dahil sa kadilimang ukol sa espiritu na lumulukob sa mga tao. Naririnig niya ang kanilang mataimtim na dalanging ukol sa banal na biyaya at lakas na gigising mula sa pagwawalang bahala, kawalang ingat, at katamaran. Kung magkagayon, taglay ang panibagong sigla ay ginagamit niyang may kasipagan ang kanyang mga pakana. Tutuksuhin niya ang mga tao upang magpakagumon sa katakawan o sa ibang anyo ng pagbibigay lugod sa sarili, at sa gayo'y pinapatay niya ang kanilang mga pakiramdam, anupa't hindi nila naririnig ang mga bagay na totoong kailangan nilang matutuhan. MT 431.1
Alam na alam ni Satanas na ang lahat ng maaakay niyang magpabaya sa pananalangin at sa pagsasaliksik ng Banal na Kasulatan, ay madadaig ng kanyang mga pagsalakay. Dahil dito'y kumakatha siya ng lahat nang maaaring pakana upang pumuno sa isipan. Kailan mang panahon ay may mga taong may anyo ng kabanalan, na sa halip na sumunod upang maunawaan ang katotohanan, ay ginagawang kanilang relihiyon ang humanap ng kakulangan o kamalian kaya sa pananampalataya ng hindi nila nakakasang-ayon. Sila'y mga kanang kamay na m,ga katulong ni Satanas. Hindi iilan ang mga mapagparatang sa mga kapatid; at walang humpay silang gumagawa kapag gumagawa ang Diyos, at ang mga lingkod Niya ay nagbibigay sa Kanya ng tunay na paggalang. Lalagyan nila ng maling kulay ang mga pangungusap at mga gawa ng umiibig at tumatalima sa katotohanan. Kanilang sasabihin na nangadaya o magdaraya ang mga pinakamasipag, tapat, at tumatanggi sa sarili na mga lingkod ni Kristo. Gawain nila ang maling pagpapakilala ng mga layunin ng bawa't tunay at marangal na gawa, ang magsilid sa isipan, at papaghinalain ang mga wala pang karanasan sa buhay. Sa lahat ng paraang kanilang makukuro ay pagsusumikapan nila na iyong mga malinis at matuwid ay maturingang marumi at magdaraya. MT 431.2
Datapuwa't hindi dapat madaya ang sinuman tungkol sa kanila. Madaling makikilala kung kanino silang mga anak, kung kaninong halimbawa ang kanilang sinusunod, at kung kaninong gawain ang kanilang ginagawa. “Sa kanilang mga bunga ay inyong makikilala sila.”2Mateo 7:16. Ang kanilang gawa ay gaya ng kay Satanas, sila'y makamandag na sinungaling, mga “tagapagsumbong sa ating mga kapatid.”3Apocalipsis 12:10. MT 432.1
Yaong bantog na magdaraya ay may maraming ahente na handang magharap ng anuman at ng lahat ng uri ng kamaliang makasisilo sa mga kaluluwa—mga erehiyang sadyang inihanda upang makaayon ng mga hilig at kakayahan ng kanyang ipapahamak. Ang kanyang panukala ay ang magpasok sa iglesya ng mga hindi tapat, at hindi nagbabago na siyang magbabangon ng pagaalinlangan at kawalan ng pananampalataya, at pipigil sa lahat ng may nasang sumulong ang gawain ng Diyos, at sila'y sumulong na kasama nito. Ang maraming walang pananampalataya sa Diyos o sa Kanyang salita ay umaayon sa ilang simulain ng katotohanan at mga itinuturing silang mga Kristiyano; at sa ganito'y naipapasok nila ang kanilang mga kamalian na waring mga aral ng Kasulatan. MT 432.2
Ang palagay na maging anuman ang paniniwala ng tao ay walang kailangan, ay isa sa mga pinakamabisang pandaya ni Satanas. Talastas niya na ang katotohanan, kung tinanggap dahil sa talagang iniibig ay nagpapabanal sa kaluluwa ng tumatanggap; kaya nga't palagi niyang sinisikap na dito'y ihalili ang mga sinungaling na hakahaka, mga katha at ibang ebanghelyo. Sapul sa pasimula ay nakibaka na ang mga lingkod ng Diyos sa mga magdarayang tagapagturo, hindi lamang bilang mga lalaking gumon sa mahahalay na kaugalian, kundi mga tagapagturo rin ng kasinungalingang kapanga-panganib sa kaluluwa. Si Elias, si Jeremias, at si Pablo, ay buong tibay at walang takot na sumalansang sa mga nag-uudyok sa mga tao na tumalikod sa salita ng Diyos. Ang pagkaliberal na nagpapalagay na walang kahalagahan ang tumpak na pananampalataya ng isang relihiyon, ay hindi sinang-ayunan ng mga banal na tagapagsanggalang na ito ng katotohanan. MT 433.1
Ang malabo at haka-hakang mga pagpapaliwanag sa Kasulatan, at ang maraming salu-salungat na mga paniniwala hinggil sa pananampalataya sa relihiyon, ay gawa ng bantog na kaaway upang lituhin niya ang pag-iisip ng mga tao at nang sa gayo'y huwag nilang makilala ang katotohanan. At ang di-pagkakaayun-ayon at ang pagkakahating naghahari sa mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan, sa kalakhang bahagi, ay dahil sa laganap na kaugalian na pilipitin ang Kasulatan upang matangkilik lamang ang isang pinanghahawakang katuwiran. Sa halip na maingat na pag-aralan ang salita ng Diyos na may mapagpakumbabang puso upang makilala ang Kanyang kalooban, ang pinagsisikapan lamang ng marami ay ang makakita ng naiiba o bagay na tuklas ng kanilang isipan. Upang maipagtanggol ng ilan ang mga maling aral o mga gawaing hindi ukol sa Kristiyano, ay kukuha sila sa Kasulatan ng pangungusap na hiwalay sa isipang ipinakikilala ng talata, marahil ay sisipiin ang kalahati lamang ng isang talata upang patibayan ang kanilang pagmamatuwid, samantala'y ang nalalabing bahagi ng talata ring iyon ay nagpapakilala na ang kahulugan ay kalaban ng kanilang pinatutunayan. Taglay ang katusuhan ng ahas, ay ipinagsasanggalang nila ang kanilang sarili sa kabila ng mga putul-putol na mga pangungusap na kanilang inayos upang mabagay sa mga pita ng kanilang laman. Sa ganya'y sinasadyang binabaligtad ng marami ang salita ng Diyos. Kinukuha naman ng mga iba, na may matalas na pagkukuro, ang mga sagisag ng Banal na Kasulatan, at ipinaliliwanag ang mga yaon upang iangkop sa kanilang paniniwala, na hindi isinasaalang-alang ang patotoo ng Kasulatan na siyang tagapagpaliwanag sa kanya rin, at pagkatapos ay inilalabas nila ang kanilang mga sariling haka-haka na tulad sa mga aral ng Biblia. MT 433.2
Kapag ang Banal na Aklat ay hindi pinag-aaralang taglay ang diwang mapanalanginin, mapagpakumbaba, at maaamo, ang pinakamaliwanag at pinakasimple, pati ng pinakamahirap na talata ay nailalayo sa talagang kahulugan. Pinipili ng mga pinunong makapapa ang gayong mga bahagi ng Kasulatan na makatutulong ng malaki sa kanilang layunin, ipinaliliwanag nila ang mga ito upang makasang-ayon nila, at saka inihaharap sa mga tao, samantala'y ikinakait nila sa mga taong iyon ang karapatang mag-aral ng Biblia at maunawa ang mga banal na katotohanan nito para sa kanila. Ang buong Biblia ay dapat ituro sa mga tao ayon sa nababasa rito. Mabuti pa ang huwag nang ituro sa kanila ang Biblia kaysa napakamaling ipakilala ang iniaaral nito. MT 434.1
Sa pamamagitan ng sigaw na, Liberalidad, ang tao'y nabubulag at di nakikita ang mga pakana ng kanilang kalaban, samantala'y walang tigil siyang gumagaga sa ika- gaganap ng kanyang adhika. Sa kanyang pananaig na halinhan ang Biblia ng mga katha-katha ng mga tao, ang kautusan ng Diyos ay napapatabi, at ang mga iglesya ay sumasa ilalim ng pagkaalipin sa kasalanan, samantalang sa kabila nito'y inaangkin nila ang paglaya. MT 434.2
Ang pagsasaliksik ng siyensiya ay naging isang sumpa sa marami. Pinahintulutan ng Diyos na ang sanlibutan ay apawan ng isang baha ng liwanag tungkol sa mga siyensiya at sining; datapuwa't ang mga dakilang pag-iisip man pagka hindi inaakay ng salita ng Diyos sa kanilang pagsasaliksik ay nagugulumihanan sa mga pagsisikap nilang masiyasat ang pagkakaugnay ng siyensiya at ng banal na pahayag. MT 435.1
Babahagya at di-ganap ang kaalaman ng tao tungkol sa mga bagay na ukol sa sanlibutan at ukol sa espiritu; dahil dito'y hindi maitugma ng marami ang kanilang nalalaman sa siyensiya sa mga pangungusap ng Banal na Kasulatan. Marami ang tumatanggap ng mga palagay lamang at katha-katha na bilang mga katunayan ng siyensiya at inaakala nila na ang salita ng Diyos ay kailangang subukin sa pamamagitan ng mga iniaaral ng “maling tinatawag na siyensiya.”41 Timoteo 6:20, talatang Griego. Ang Maykapal at ang Kanyang gawa ay hindi abot ng kanilang unawa; at palibhasa'y hindi maipaliwanag ang mga ito sa pamamagitan ng mga batas ng kalikasan ay ipinalalagay nila na ang kasaysayan ng Biblia ay di-mapananaligan. Ang mga nag-aalinglangang manalig sa mga ulat ng Matanda at Bagong Tipan ay malimit na lumalampas ang paghakbang, pinagaalinlanganan nila ang pamamalagi ng Diyos at ang kapangyarihang walang-hanggan ay ibinibilang na sa kalikasan. Sapagka't bumitaw sila sa kanilang sinepete, ay naiwan silang inihahampas ng mga alon sa malalaking bato ng kawalang pananampalataya. MT 435.2
Sa ganito'y marami ang namamali sa pananampalataya at nadadaya ng diyablo. Pinagsikapan ng mga tao na maging matalino pa kaysa Maylalang sa kanila; sinubok ng pilosopiya ng mga tao na saliksikin at ipaliwanag ang mga hiwaga na hindi mahahayag kailan man, sa buong panahong walang-katapusan. Kung hahanapin at uunawain lamang ng mga tao kung ano ang ipinakikilala ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili at sa Kanyang mga adhika, ay magkakaroon sila ng malaking pagkakilala tungkol sa kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan ni Heoba na anupa't makikita nila ang kanilang kaliitan at mangasisiyahan sila sa inihayag para sa kanila at sa kanilang mga anak. MT 435.3
Ang lahat ng nagpapabaya sa salita ng Diyos upang pag-aralan ang mga ikagiginhawa at pamamalakad, at sa gayo'y huwag silang maging kasalungat ng sanlibutan, ay magsisitanggap ng kasumpa-sumpang erehiya sa halip ng katotohanang ukol sa relihiyon. Lahat ng anyo ng kamalian na maaaring isipin ay tatanggapin noong mga sadyang tumatanggi sa katotohanan. Ang nangingilabot sa isang daya ay madaling tatanggap ng iba. Nang banggitin ni apostol Pablo ang tungkol sa isang uri ng mga tao na hindi tumanggap “ng pagibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas,” ay ganito ang kanyang sinabi: “Dahil dito'y ipinadadala sa kanila ng Diyos ang paggawa ng kamalian, upang magsipaniwala sila sa kasinungalingan; upang mangahatulan silang lahat na hindi nagsisampalataya sa katotohanan, kundi nangalugod sa kalikuan.”52 Tesalonica 2:10-12. Yamang nahaharap sa atin ang ganyang babala, marapat na tayo'y mag-ingat kung anong mga aral ang ating tinatanggap. MT 436.1
Kabilang sa mga mapagtagumpay na kasangkapan ng bantog na magdaraya, ay ang mga mapanghibong aral at mga kahanga-hangang kasinungalingan ng Espiritismo. Sa pagkukunwa niyang anghel ng kaliwanagan, ay inilatag niya ang kanyang mga lambat doon sa hindi sinasapantahang paglalatagan. Kung pag-aaralan lamang ng mga tao ang Aklat ng Diyos na kalakip ang mataos na panalangin upang ito'y kanilang maunawa, hindi sila maiiwan sa kadiliman upang tumanggap ng mga magdarayang aral. Datapuwa't sa pagtanggi nila sa katotohanan, ay nahuhuli sila ng daya. MT 436.2
Ang isa pang mapanganib na kamalian ay ang aral na tumatanggi sa pagka-Diyos ni Kristo, na nagsasabing Siya'y di-namamalagi bago Siya naparito sa sanlibutang ito. Ang palagay na ito ay tinanggap na may pagsangayon ng maraming nagsasabing nanampalataya sa Biblia; datapuwa't mga sumasalungat sa pinakamaliwanag na mga pahayag ng ating Tagapagligtas hinggil sa Kanyang pakikiugnay sa Ama, sa Kanyang banal na likas, at sa Kanyang pagka-Diyos mula pa nang panahong walanghanggan. Iya'y hindi mapaniniwalaan ng hindi babaligtarin ang banal na Kasulatan. Hindi lamang iyan nagpapaliit ng kaalaman ng tao tungkol sa gawang pagtubos kundi sumisira rin naman sa pananampalataya na ang Biblia ay pahayag na buhat sa Diyos. Bukod pa sa ito'y nagiging lalong mapanganib, ito ay nagiging lalong mahirap na sagupain. Pagka tinatanggihan ng mga tao ang patotoo ng mga kinasihang Kasulatan tungkol sa pagka-Diyos ni Kristo, ay wala ng kabuluhang ipakipagtalo pa ang puntong ito sa kanila; sapagka't walang pangangatuwiran gaano man kaliwanag ang makahihikayat sa kanila. “Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos; sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kanya; at hindi niya nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa Espiritu.”61 Corinto 2:14. Walang sinumang nanghahawak sa kamaliang ito ang magkakaroon ng isang tunay na pagkakilala tungkol sa likas o layunin ni Kristo, o tungkol sa dakilang panukala ng Diyos sa ikatutubos ng tao. MT 437.1
Ang isa pang maraya at tusong kamalian ay ang mabilis na lumalaganap na paniniwala na si Satanas ay wa- lang anyong gaya ng tao; na ang pangalan niya ay ginagamit sa Kasulatan upang kumatawan lamang sa masasamang iniisip at pagnanasa ng mga tao. MT 437.2
Ang aral na napakadalas marinig sa mga popular na pulpito, na ang ikalawang pagparito ni Kristo ay ang pagdating Niya sa bawa't tao sa kanyang kamatayan, ay isang pakana upang ilihis ang isipan ng mga tao mula sa personal na pagparito Niya sa mga alapaap ng langit. Marami nang panahon na ganito ang sinasabi ni Satanas: “Narito siya'y nasa mga silid.”7Mateo 24:23-26. At maraming kaluluwa ang nawaglit dahil sa pagtanggap sa dayang ito. MT 438.1
Muli pa, itinuturo ng karunungan ng sanlibutan na ang pananalangin ay hindi kinakailangan. Ipinahahayag ng mga siyentipiko na hindi magkakaroon ng tunay na tugon sa panalangin; na ito'y magiging isang paglabag sa batas, isang kababalaghan, at kailan ma'y di nagkaroon ng mga kababalaghan. Ang santinakpan, anila, ay pinalalakad ng hindi nagbabagong mga batas, at ang Diyos na rin ay hindi gumagawa ng anumang laban sa mga batas na ito. Sa ganito'y isinasaad nila na ang Diyos ay sinasaklaw ng Kanyang sariling mga batas—na wari bagang ang pagpapairal ng mga batas ng Diyos ay makapag-aalis ng Kanyang sariling kalayaan. Ang ganyang aral ay laban sa patotoo ng mga Kasulatan. Hindi baga gumawa ng kababalaghan si Kristo at ang Kanyang mga apostol? Yaon ding maawaing Tagapagligtas na iyon ay nabubuhay ngayon, at handa siyang duminig sa panalanging may pananampalataya gaya noong unang siya'y nakitang lumalakad sa gitna ng mga tao. Ang katulubo ay gumagawang kasama ng higit sa katutubo. Isang bahagi ng panukala ng Diyos ang gantihin ang panalanging may kalakip na pananampalataya, at ipagkaloob sa atin yaong hindi niya ipagkakaloob kung hindi natin hinihingi sa ganitong paraan. MT 438.2
Napakarami ang mga maling aral at katha-kathang paniwala na pumasok sa mga iglesya ng Sangkakristiya- nuhan. Hindi matataya ang masasamang ibubunga kung maalis ang isa sa mga palatandaang itinatag ng salita ng Diyos. Iilan sa mga nangangahas gumawa nito ang humihinto pagkatapos na maitakwil niya ang isang katotohanan. Ang karamihan ay patuloy sa sunud-sunod na pagtanggi sa mga simulain ng katotohanan, hanggang sa sila'y mawalan ng pananampalataya. MT 438.3
Inihahatid ng mga kamalian ng popular na teolohiya ang maraming tao sa pag-aalinlangan na kung hindi dahil dito'y mananampalataya sana sa mga Kasulatan. Hindi niya mangyayaring matanggap ang mga aral na makasisira sa kanyang pagkakilala sa katuwiran, kahabagan, at kagandahang-loob; at sapagka't ipinakikilala na ang mga ito'y iniaaral ng Biblia, aayaw niyang tanggaping ito'y salita ng Diyos. MT 439.1
At ito ang layuning sinisikap ni Satanas na maganap. Wala siyang ibang ninanais kundi ang sirain ang pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang salita. Si Satanas ay nangunguna sa malaking hukbo ng mga mapag-aalinlangan, at ginagawa niya ang buo niyang kapangyarihan na paglalangan ang mga tao upang makipanig sa kanya. Nagiging karaniwan ang mag-alinlangan. May isang malaking pangkatin ng mga tao na walang tiwala sa salita ng Diyos gaya ng hindi nila pagtitiwala sa May-gawa nito—sapagka't ito'y sumasaway at humahatol sa kasalanan. Yaong mga ayaw tumupad sa mga kahingian nito, ay nagsisikap upang ibagsak ang kapangyarihan nito. Binabasa nila ang Biblia, o nakikinig kaya sa mga iniaaral nito ayon sa pagkapaliwanag mula sa pulpito, upang hanapan lamang nila ng kamalian ang mga Kasulatan o ang sermon. Hindi iilan ang mga nawawalan ng pananampalataya upang pangatuwiranan at ipagbigay dahilan ang kanilang sarili sa pagpapabaya nila sa kanilang tungkulin. Ang mga iba naman ay gumagamit ng mga may pag-aalinlangang simulain dahil sa kapalaluan at katamaran. Totoong maibigin sa kaginhawahan upang itanghal ang kanilang sarili sa pagga- wa ng anumang nararapat parangalan, na nangangailangan ng pagsisikap at pagtanggi sa sarili, ay inadhika nilang matanghal ang nakatataas na karunungan nila sa pamamagitan ng pagtuligsa sa Biblia. MT 439.2
Ang Diyos ay nagbigay ng sapat na katibayan sa Kanyang salita tungkol sa banal na likas nito. Ang mga dakilang katotohanan na may kinalaman sa ating katubusan ay maliwanag ditong inihahayag. Sa pamamagitan ng tulong ng Banal na Espiritu, na ipinangako sa lahat ng matapat na hahanap sa Kanya, ang bawa't tao ay makauunawa ng mga katotohanang ito sa ganang kanyang sarili. Ang Diyos ay nagbibigay sa mga tao ng isang matibay na saligan na pagsasandigan ng kanilang pananampalataya. MT 440.1
Bagaman ang Diyos ay nagbigay ng sapat na katibayan ukol sa pananampalataya, ay hindi Niya aalisin kailan man ang lahat ng dinadahilan sa hindi pananampalataya. Ang lahat ng humahanap ng mga kawit na mapagsasabitan ng kanilang mga pag-aalinglangan, ay makasusumpong. Ang mga ayaw tumanggap at sumunod sa salita ng Diyos hanggang sa maaalis ang lahat ng sagwil ng sa gayon ay wala na silang maidadahilan upang mag-alinglangan pa, ay hindi lalapit sa liwanag kailan man. MT 440.2
Iisa lamang ang daang dapat lakaran ng mga tapat na nagnanasang makalaya sa mga alinlangan. Sa halip na pag-alinlanganan at hanapan ng kamalian yaong hindi naaabot ng kanilang unawa, ay dapat nilang tanggapin ang liwanag na nagliliwanag na sa kanila at tatanggap pa sila ng lalong malaking liwanag. Gawin sana nila ang bawa't tungkuling ipinaliwanag sa kanilang pangunawa, at kanilang mauunawa at magaganap yaong pinag-aalinlanganan nila ngayon. MT 440.3
Si Satanas ay makapaghaharap ng isang huwad na napakalapit ang pagkakawangki sa katotohanan, na anupa't madadaya nito ang lahat ng payag padaya, at nag- nanasang umilag sa pagtanggi sa sarili at pagsakripisyo na hinihiling ng katotohanan; datapuwa't hindi niya mailalagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang isang kaluluwa na taos ang pagnanasang makaalam ng katotohanan, anuman ang maging halaga. Si Kristo ang katotohanan, at ang “ilaw, na lumiliwanag sa bawa't tao na pumaparito sa sanlibutan.’8Juan 1:9. Ang Espiritu ng katotohanan ay ipinadala upang akayin ang mga tao sa boong katotohanan. At sa kapangyarihan ng Anak ng Diyos ay ipinahayag na “Magsihanap kayo at kayo'y mangakasusumpong.” “Kung ang sinumang tao ay nag-iibig gumawa ng Kanyang kalooban ay makikilala niya ang turo.”9Mateo 7:7; Juan 7:17. MT 440.4
Ang masasamang tao at ang mga diyablo man ay hindi makapipigil sa gawain ng Diyos, ni makahahadlang sa pakikiharap Niya sa Kanyang bayan, kung kanilang ipahahayag at iwawaksi ang kanilang mga kasalanan, na taglay ang sumusuko at bagbag na puso, at sa pamamagitan ng pananampalataya'y aangkinin nila ang Kanyang mga pangako. Bawa't pagtukso, bawa't sumasalungat na impluensya, maging lihim o hayag man ay matagumpay na mapaglalabanan, “hindi sa pamamagitan ng kalakasan, ni ng kapangyarihan kundi sa pamamagitan ng Aking Espiritu, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”10Zakarias 4:6. MT 441.1
“Tunay na walang engkanto laban sa Jakob, ni panghuhula laban sa Israel, ngayo'y sasabihin tungkol sa Jakob at sa Israel: Anong ginawa ng Diyos!”11Mga Bilang 23:23. MT 441.2
Naaalamang lubos ni Satanas na ang pinakamahinang kaluluwa na nananatili kay Kristo ay lalong malakas kaysa mga hukbo ng kadiliman, at kung ipakilala niya ng hayagan ang kanyang sarili ay sasagupain at lalabanan siya. Dahil dito'y pinagsisikapan niyang mailayo ang mga kawal ng krus sa kanilang matibay na muog samantala nama'y nag-aabang siyang kasama ang kanyang mga hukbo, na handang magpahamak sa lahat ng mangangahas na pu- masok sa kanyang lugar. Sa pamamagitan lamang ng mapagpakumbabang pagtitiwala sa Diyos, at pagtalima sa lahat Niyang ipinag-uutos mangyayaring tayo'y maging panatag. MT 441.3
Walang sinumang tao ang mapanatag sa isang araw o sa isang oras man na hindi nananalangin. Lalo nang dapat nating hingin sa Panginoon ang kaalaman upang maunawaan ang Kanyang salita. Dito'y ipinahahayag ang silo ng manunukso, at ang mga pamamaraan na sa pamamagitan ng mga ito'y maaaring siya'y matagumpay na mapaglabanan. Si Satanas ay may kasanayan sa pagsipi ng Kasulatan, na binibigyan niya ang mga talata ng sarili niyang kakahulugan, at sa pamamagitan nito'y umaasa siyang tayo'y mangatitisod. Dapat nating pagaralan ang Biblia na may mapagpakumbabang puso, na kailan ma'y di-nawawala ang pananalig sa Diyos. Bagaman lagi nang dapat tayong mag-ingat laban sa mga pakana ni Satanas, ay dapat din naman tayong lagi nang manalanging may pananampalataya, “Huwag Mo kaming ihatid sa tukso.”12Mateo 6:13. MT 442.1