Kapag ang pagsasanggalang ng mga batas ng tao ay binawi na sa mga nagpaparangal sa kautusan ng Diyos, magkakaroon, sa iba't ibang lupain, ng sabaysabay na kilusan upang sila'y ipahamak. Pagka lumalapit na ang takdang panahon ayon sa kapasiyahan, magsasang-usapan ang mga tao na pawiing lubusan ang sektang kinapopootan. Ipapasiyang gagawin sa gabi ang isang pangwakas na dagok na siyang magpapatahimik sa tinig ng pagtutol at pagsansala. MT 553.1
Ang mga tao ng Diyos—ang ilan ay nasa bilangguan, at ang mga ibang nagkukubli sa mga ilang na dako ng kagubatan at mga kabundukan—ay namamanhik pa rin sa Diyos na sila'y ipagtanggol, samantala'y sa lahat ng dako ay pulu-pulutong na mga taong sandatahan, na hinihila ng mga hukbo ng mga masamang anghel, ang naghahanda sa gawang pagpatay. Sa oras na yaon ng sukdol na kahirapan ay mamamagitan ang Diyos ng Israel sa ikaliligtas ng Kanyang hirang na bayan. MT 553.2
Taglay ang sigaw ng tagumpay, na nagsisiuyam at nagsisihamak, ang isang pulutong ng masasamang tao ay halos dumaluhong na sa kanilang mga talunan, nang, narito, isang makapal na kadiliman, na lalong makapal kaysa kadiliman ng gabi ang bumalot sa lupa. At ang isang bahaghari, na nagniningning sa kaluwalhatiang nagmumula sa luklukan ng Diyos, ay nakabalantok sa mga langit at wari'y nakapaligid sa bawa't pulutong na nananalangin. Biglang nangatigilan ang nagagalit na karamihan. Ang kanilang mga sigawan ng pag-uyam ay nangaparam. Nalimutan nila ang layunin ng kanilang ka- galitang may tangkang pumatay. Tiningnan nilang may katakutan ang tanda ng tipan ng Diyos, at nais nilang makanlong sa makapangyarihang liwanag nito. MT 553.3
Ang mga tao ng Diyos ay nakarinig ng isang malinaw at malamig na tinig, na nagsasabi: “Kayo'y tumingala, at sa pagtingala nila sa langit ay nakita nila ang bahaghari ng pangako. Ang maitim at nagngangalit na ulap na kumukubong sa buong kalawakan ay nawahi at gaya ni Esteban ay tumingala sila sa langit, at kanilang nakita ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang Anak ng tao na nakaupo sa Kanyang luklukan. Sa Kanyang banal na anyo ay natanaw nila ang mga bakas ng Kanyang kapakumbabaan at mula sa Kanyang mga labi ay narinig nilang iniharap Niya ang samo sa Ama at sa Kanyang mga banal na anghel: “Ama, yaong mga ibinigay Mo sa Akin, ay ibig Kong kung saan Ako naroon, sila naman ay dumoong kasama Ko.”1Juan 17:24. Muling narinig ang isang tinig, na may himig at tagumpay, na nagsasabi: “Sila'y dumarating! banal, walang kasamaan, at walang dungis. Iningatan nila ang salita ng Aking pagtitiis kaya't sila'y lalakad sa gitna ng mga anghel;” at ang namumutla at nanginginig na mga labi niyaong matibay na nanghawak sa kanilang pananampalataya ay sisigaw ng tagumpay. MT 555.1
Hatinggabi ang paghahayag ng Diyos ng Kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa Kanyang bayan. Pakikita ang araw na sumisikat sa kaliwanagan nito. Madaling magsusunud-sunod ang mga tanda at kababalaghan. Ang mga makasalanan ay may pangingilabot at pagkamangha na nakatingala sa panoorin, samantalang minamasdan ng mga matuwid na may banal na katuwaan ang mga tanda ng kanilang pagkaligtas. Ang bawa't bagay sa kalikasan ay waring lisya sa kanyang daan. Tumigil ng pagdaloy ang mga batis. Maitim at makakapal na ulap ang tumaas at nagbubungguan sa isa't isa. Sa gitna ng nagngangalit na langit ay may isang puwang na hindi sukat mailarawan ang karilagan, na mula roo'y lumalabas ang tinig ng Diyos na tulad sa lagaslas ng maraming tubig, na nagsasabi: “Nagawa na.”2Apocalipsis 16:17. MT 555.2
Ang tinig na iya'y yumayanig sa langit at sa lupa. Nagkaroon ng isang malakas na lindol, na “di nangyari kailan man mula ng magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakila-kilabot.”3Apocalipsis 16:18. Ang kalawakan ay waring nahahawi at nagdadaop. Ang kaluwalhatiang nagmumula sa luklukan ng Diyos ay kumikislap na mandin. Ang mga bundok ay umuugang gaya ng tambong hinahampas ng hangin, at putul-putol na bato ay napapahagis sa lahat ng dako. May naririnig na ugong na dumarating na tulad sa ugong ng bagyo. Ang dagat ay umaalimbukay. May naririnig na dagundong ng unos, na katulad ng tinig ng mga demonyong patungo sa kanilang gawaing paglipol. Ang buong lupa ay tataas at bababa gaya ng mga alon ng dagat. Ang kanyang balat ay bumubuka. Ang mga patibayan ay nangangalog mandin. Nagsisilubog ang kabit-kabit na mga bundok. Ang mga daungang naging katulad ng Sodoma sa katampalasanan ay nilalaman ng galit ng tubig. MT 556.1
Ang dakilang Babilonya ay naalaala ng Diyos, “upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kanyang kagalitan.”4Apocalipsis 16:19, 21. Malalaking graniso na ang bawa't isa'y “kasinlaki ng isang talento,” ay gumagawa ng kawasakan. Ang pinakapalalong mga bayan sa sangkalupaan ay nabababa. Ang mga palasyong pinagbubuntunan ng mga kayamanan ng mga dakilang tao ng sanlibutan sa kanilang pagpapakalayaw, ay gumuguho sa harap ng kanilang paningin. Ang mga kuta ng bilangguan ay nangababagsak, at ang mga tao ng Diyos, na binusabos dahil sa kanilang pananampalataya, ay napalalaya. MT 556.2
Mabubuksan ang mga libingan at “marami sa kanila na nangatulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba'y sa walang-hanggang pagkapahamak.”5Daniel 12:2. Ang lahat ng namatay sa pananampalataya sa pabalita ng ikatlong anghel ay lalabas sa kani-kanilang libingan na mga niluwalhati upang pakinggan ang tipan ng Diyos tungkol sa kapayapaan para sa mga nag-iingat ng Kanyang kautusan. “At ang nangag-siulos sa Kanya,”6Apocalipsis 1:7. iyong mga tumuya at umupasala sa mga pahimakas na daing ni Kristo, at yaong mga pinakahigpit na sumalansang sa Kanyang katotohanan, at sa Kanyang bayan, ay pawang ibabangon upang makita ang Kanyang kaluwalhatian, at upang mamalas ang karangalang ilalagay sa mga tapat at masunurin. MT 556.3
Ang langit ay natatakpan pa rin ng makakapal na ulap; datapuwa't manakanaka'y nakikita ang araw, na kung tingnan ay tulad sa naghihiganting mata ni Heoba. Mababalasik na kidlat ang nagbubuhat sa langit, at binabalut ang lupa sa isang kumot na apoy. Nangingibabaw sa nakapanghihilakbot na dagundong ng kulog, ang mga tinig, na mahiwaga at nakatatakot, ay nagpapahayag ng kapahamakan ng masasama. Ang binibigkas na mga pangungusap ay hindi mawawatasan ng kalahatan; datapuwa't malinaw sa mga magdarayang tagapagturo. Yaong nang mga ilang sandaling nakaraan ay mapagpabaya, palalo, nanglalaban, at napakabagsik sa mga tao ng Diyos na nagsisitupad ng Kanyang mga utos, ngayo'y pinanaiggan ng kahinaan ng loob, at nanginginig sa katakutan. Ang mga panaghoy nila ay naririnig na nangingibabaw sa ugong ng mga elemento. Ang mga demonyo ay nangagpapahayag ng kanilang pagkilala sa pagka-Diyos ni Kristo, at nanginginig sa harap ng Kanyang kapangyarihan, samantalang ang mga tao'y tumatawag upang sila'y kahabagan at nangagpapatirapang taglay ang makabusabos na katakutan. MT 557.1
Sa siwang ng mga alapaap ay lumalagos ang kislap ng isang bituin na ang kakinangan ay nag-aapat na ibayo dahil sa kadiliman. Ito'y nagpapahayag ng pag-asa at katuwaan sa mga tapat, datapuwa't kabagsikan at poot sa mga sumasalansang sa kautusan ng Diyos. Ang mga nagsakripisyo ng lahat alang-alang kay Kristo ay panatag na ngayon at nakukubli sa kulandong ng Panginoon. Sila'y sinubok, at sa harap ng sanlibutan at ng mga humahamak sa katotohanan ay ipinakilala nila ang kanilang pagkamatapat sa Kanya na namatay dahil sa kanila. Isang kagila-gilalas na pagbabago ang nangyari sa nanatiling matibay sa kanilang kalinisang-budhi maging sa harap ng kamatayan. Sila'y biglang iniligtas sa madilim at nakatatakot na pagduhagi ng mga tao na naging mga demonyo. Ang kanilang mga mukha, na hindi pa nalalauna'y mapuputla, nagugulumihanan, at nangangayayat, ngayo'y nagliliwanag sa paghanga, sa pananampalataya, at sa pag-ibig. Ang kanilang mga tinig ay pumapailanglang sa awit ng tagumpay: “Ang Diyos ay ating ampunan at kalakasan, saklolo sa kabagabagan. Kaya't hindi tayo matatakot bagaman ang lupa ay mabago, at bagaman ang mga bundok ay mangapalipat sa kagitnaan ng mga dagat; bagaman ang mga tubig niyaon ay magsiugong at mabagabag, bagaman ang mga bundok ay mangauga dahil sa unos niyaon.”7Mga Awit 46:1-3. MT 557.2
Habang pumapaitaas sa Diyos ang mga pangungusap na ito ng banal na pagtitiwala, ang mga ulap naman ay nangahahawi, at ang langit na mabituin ay natanaw, na ang kaluwalhatian ay di mabigkas kung itutulad sa maiitim at inaalimbukay na himpapawid sa magkabi-kabila. Ang kaluwalhatian ng banal na lunsod ay lumalabas sa mga pintuang nakabukas. Pagkatapos ay lumitaw sa langit ang isang kamay na may hawak na dalawang tapyas na bato na magkataklob. Ang sabi ng propeta: “Ipapahayag ng langit ang Kanyang katuwiran; sapagka't ang Diyos ay siyang hukom.”8Mga Awit 50:6. Ang banal na kautusang yaon, ang katu- wiran ng Diyos, na sa gitna ng kulog at lingas ay ipinahayag sa Sinai na pinaka patnubay sa kabuhayan, ay ipinahahayag sa mga tao bilang batayan ng paghukom. Binuksan ng kamay ang magkataklob na mga tapyas na bato at doo'y nakikita ang mga utos ng dekalogo na itinitik ng gaya ng isang panitik na apoy. Gayon na lamang kalinaw ang mga pangungusap, na anupa't mababasa ng lahat. Magigising ang alaala, ang kadiliman ng pamahiin at erehiya ay maaalis sa bawa't pag-iisip at ang sampung pangungusap ng Diyos, maikli, malawak at makapangyarihan ay ihaharap sa paningin ng lahat ng tumatahan sa lupa. MT 558.1
Hindi mailalarawan ang pagkatakot at kawalang pag-asa niyaong yumuyurak sa mga banal na kautusan ng Diyos. Ibinigay sa kanila ng Panginoon ang Kanyang kautusan; maaaring inihambing nila dito ang kanilang mga likas, at naalaman ang kanilang mga kakulangan samantalang may panahon sa pagsisisi at pagbabago; datapuwa't upang sila'y matanghal sa sanlibutan ay winalan nila ng kabuluhan ang mga utos na ito at itinuro nila sa mga iba na ito'y salansangin. Sinikap nilang pilitin ang mga tao ng Diyos na lapastanganin ang Kanyang Sabado. Ngayo'y hinahatulan sila ng kautusang yaon na kanilang hinamak. Nakasisindak at napakalinaw nilang nakikita na wala nga silang madadahilan. Pinili nila ang ibig nilang paglingkuran at sambahin. “Kung magkagayo'y manunumbalik kayo at makikilala ninyo ang matuwid at ang masama, yaong naglilingkod sa Diyos at yaong hindi naglilingkod sa Kanya.”9Malakias 3:18. MT 559.1
Ang mga kalaban ng kautusan ng Diyos, mula sa mga ministro hanggang sa kaliit-liitan sa kanila, ay magkakaron ng isang bagong pagkakilala tungkol sa katotohanan at sa kanilang tungkulin. Huling huli na ang pagkakita nila na ang Sabado ng ikaapat na utos ay siyang tatak ng Diyos na buhay. Totoong huli na ang pagka- kita nila sa tunay na likas ng huwad na kapangilinan, at sa buhanginang patibayan na kanilang pinagtatayuan. Nakita nilang nilabanan nila ang Diyos. Ang mga tao ay inakay sa kapahamakan ng mga guro sa relihiyon, samantalang ipinagpapanggap nilang sa mga pintuan ng Paraiso sila inaakay. Malalaman sa araw lamang ng kahuli-hulihang pagsusulit ang laki ng kapanagutan ng mga taong nasa banal na tungkulin, at ang kakila-kilabot na mga ibubunga ng kanilang kawalang pagtatapat. Doon lamang sa panahong walang-hanggan tumpak na matataya ang bigat ng pagkawaglit ng isang kaluluwa. Kakila-kilabot ang magiging kapahamakan niyaong pagsasabihan ng Diyos: Lumayo ka, ikaw na masamang alipin. MT 559.2
Maririnig mula sa langit ang tinig ng Diyos na nagsasabi ng araw at oras ng pagdating ni Jesus, at ipahahayag ang walang-hanggang tipan sa Kanyang bayan. Tulad sa napakalakas na dagundong ng kulog, ang Kanyang mga salita ay uugong sa buong lupa. Ang Israel ng Diyos ay nangakatayong nakikinig, na nangakatitig sa itaas. Ang Kanilang mga mukha ay nagliliwanag sa kaluwalhatian ng Diyos at nagniningning na gaya ng mukha ni Moises nang siya'y bumaba sa Sinai. Hindi makatitingin sa kanila ang masasama. At nang mabigkas na ang pagpapala doon sa mga nagpaparangal sa Diyos sa pangingilin ng Kanyang Sabado, ay nagkaroon ng isang malakas na sigaw ng tagumpay. MT 560.1
Hindi nalauna't nakita sa silangan ang isang maliit na ulap na ang laki ay kalahati ng palad ng tao. Iyon ang ulap na nakapaligid sa Tagapagligtas, at sa malayo'y tila napapaloob sa kadiliman. Nalalaman ng bayan ng Diyos na ito'y tanda ng Anak ng tao. Taglay ang banal na katahimikan ay tinititigan nila ito habang napapalapit sa lupa, na nagiging lalong maliwanag at lalong maluwalhati, hanggang sa naging isang malaking ulap na maputi, na ang ibaba'y isang kaluwalhatiang katulad ng namumugnaw na apoy, at sa itaas ay ang bahaghari ng tipan. MT 560.2
Si Jesus ay nakasakay na isang makapangyarihang mananakop. Hindi na “isang taong sa kapanglawan,” upang uminom sa mapait na saro ng kahihiyan at kahirapan, kundi siya'y pariritong mapagtagumpay sa langit at sa lupa, upang humatol sa mga nabubuhay at sa mga patay. “Tapat at totoo,” “sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagbaka.” At “ang mga hukbong nasa langit”10Apocalipsis 19:11, 14. ay sumusunod sa kanya. Ang mga banal na anghel na hindi mabilang sa karamihan ay aabay sa Kanya na inaawit ang awit ng langit. Ang buong kalawakan ay waring puno ng maluluwalhating anyo—“sampung libong tigsasampung libo at libu-libo.” MT 561.1
Walang panitik ng tao na makapaglalarawan ng panooring yaon, hindi nasok sa pag-iisip ng tao ang karilagan niyaon. “Ang Kanyang kaluwalhatia'y tumakip sa langit, at ang lupa'y napuno ng Kanyang kapurihan. At ang Kanyang ningning ay parang liwanag.”11Habacue 3:3, 4. Samantalang napapalapit ang buhay na alapaap, nakikita ng bawa't mata ang prinsipe ng buhay. Wala nang putong na tinik na dumurungis sa banal na ulo Niya, kundi isang diyadema ng kaluwalhatian ang doo'y nabababaw. Ang kanyang mukha ay maliwanag pa kaysa nakasisilaw na liwanag ng araw kung katanghaliang tapat. “At Siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa Kanyang damit at sa Kanyang hita, HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.”12Apocalipsis 19:12. MT 561.2
Sa harap Niya, “ang lahat ng mukha'y mangamumutla;” sa mga nagsisitanggi sa habag ng Diyos ay babagsak ang kakilabutan ng di-mahahanggahang kawalang pag-asa. “Ang puso ay natutunaw, at ang mga tuhod ay nagkakaumpugan,” “at ang mga mukha nilang lahat ay nangamumutla”13Jeremias 30:6; Nahum 2:10. Ang mga matuwid ay sumisigaw na nanginginig: “Sino ang makatatayo?” MT 561.3
Tumigil ang awitan ng mga anghel, at nagkakaroon ng dakilang katahimikan. Nang magkagayo'y narinig ang tinig ni Jesus na nagsasabi: “Ang aking biyaya ay sukat na sa iyo.” Nagliwanag ang mukha ng mga matuwid, at napuspus ng katuwaan ang kanilang mga puso. Kinalabit ng mga anghel ang mataas-taas na nota at sila'y muling nagsiawit habang sila'y napapalapit sa lupa. MT 561.4
Ang Hari ng mga hari ay bumababang nakasakay sa alapaap, at nabibilot ng nagliliyab na apoy. Ang langit ay nalululong tulad sa isang lulong aklat, at ang lupa'y nayayanig sa harap Niya, at ang bawa't bundok at pulo ay nagsisitakas. “Ang aming Diyos ay darating at hindi tatahimik: Isang apoy na mamumugnaw sa harap Niya, at magiging totoong malaking bagyo sa palibot Niya. Siya'y tatawag sa langit sa itaas, at sa lupa upang mahatulan Niya ang Kanyang bayan.”14Mga Awit 50:3, 4. MT 562.1
“At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok; at sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, Mahulog kayo sa amin, at kami inyong itago sa mukha noong nakaupo sa luklukan, at sa galit ng Kordero: sapagka't dumating na ang dakilang araw ng Kanilang kagalitan; at sino ang makatatayo?”15Apocalipsis 6:15-17. MT 562.2
Ang pauyam na mga pagbibiro ay nangapatigil. Ang mga sinungaling na labi ay nanahimik. Ang pagpipingkian ng sandata, ang alingasngas ng pagdidigma, “sa kaguluhan at sa kasuutang puno ng dugo.”16Isaias 9:5. ay nagsitahan. Walang napapakinggan ngayon kundi tinig ng panalangin at tinig ng iyakan at taghuyan. Ang sigaw ay namumulas sa mga labi niyong mga nang sandaling nakaraan ay nagsisipanuya: “Ang dakilang araw ng Kanyang kagalitan ay dumating na; at sino ang makatatayo?”15Apocalipsis 6:15-17. Idinadalangin ng mga masama na sila'y tabunan ng malalaking bato at mga bundok, huwag na lamang nilang matanaw ang mukha niyaong inuyam at tinanggihan nila. MT 562.3
Yaong tinig na nanunuot sa pakinig ng mga patay ay kilala nila. Gaano kalimit na sila'y tinawagan sa pagsisisi ng malilinaw at mabibiyayang mga pangungusap na yaon. Gaano kalimit nila itong napakinggan sa malulumanay na mga pamanhik ng isang kaibigan, ng isang kapatid, at ng isang Manunubos. Sa nangagsitanggi sa Kanyang biyaya ay wala nang tinig pang lalong masakit na gaya ng tinig na yaon na malaong namanhik, “Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad, sapagka't bakit kayo mangamamatay.”17Ezekiel 33:11. Oh, naging tinig na sana yaon ng isang taong hindi nila nakikilala! Ang sabi ni Jesus: “Ako'y tumawag at kayo'y tumanggi: Aking iniunat ang Aking kamay, at walang makinig; kundi inyong iniuwi sa wala ang buo Kong payo, at hindi ninyo inibig ang Aking saway.”18Mga Kawikaan 1:24, 25. Ang tinig na yaon ay gigising sa kanilang mga gunita ng mga alaala na nanaisin nilang mangapawi na sana—mga babalang hinamak, paanyayang tinanggihan, at mga karapatang sinira. MT 563.1
Doroon din naman yaong mga kumutya kay Kristo noong siya'y nagdurusa. Taglay ng nakapangingilabot na kapangyarihan ay dumating sa kanilang alaala ang mga pangungusap ng Nagbata, noong pasumpain ng punong saserdote, ay nagpahayag: “Buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos, at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.”19Mateo 26:64. Ngayo'y nakikita nila Siya sa Kanyang kaluwalhatian, at makikita rin nila Siya sa kanang kamay ng kapangyarihan. MT 563.2
Napipi ngayon yaong mga nagsiuyam sa pag-angkin Niyang siya'y Anak ng Diyos. Doroon ang mayabang na si Herodes na kumutya sa Kanyang pagkahari, at nagutos sa nanunuyang mga kawal na putungan siyang tu- lad sa hari. Doroon iyong mga tampalasang kamay na nagsuot sa Kanya ng damit na kulay ube, nagputong sa Kanyang banal na noo ng putong na tinik, at nagpahawak sa kanyang kamay ng kunwa'y setro, at nagsiyukod sa kanya sa kapusungang pagtuya. Ang mga taong tumampal at lumura sa Prinsipe ng buhay, ay ngayo'y nagsisitakas sa Kanyang lumalagos na titig at nagsisikap na lumayo sa hindi nila matagalang kaluwalhatian ng Kanyang pakikiharap. Yaong mga nagbaon ng pako sa Kanyang kamay at paa, yaong kawal na umulos sa Kanyang tagiliran, ay titingin sa mga bakas na ito na taglay ang pangingilabot at pagbibigay-sala sa sarili. MT 563.3
Sa kabuhayan ng lahat na nagsitanggi sa katotohanan, ay may mga sandali na nagigising ang budhi, na naghaharap ang alaala ng masasakit na gunita ng isang mapagpaimbabaw na kabuhayan, at ang kaluluwa ay napapagal dahil sa walang kabuluhang pagbibigay-sisi. Datapuwa't gaano na ito kung itutulad sa pagbibigay-sala sa sarili sa araw na yaon pagka ang “takot ay dumarating na parang bagyo,” pagka ang “kasakunaan ay dumarating na parang ipuipo.”20Mga Kawikaan 1:27. Yaong mga nagsikap na ipahamak si Kristo at ang Kanyang bayan, ay mga saksi ngayon sa kaluwalhatiang sumasa kanila. Sa kalagitnaan ng kanilang pangangamba ay nakaririnig sila ng mga tinig ng mga banal na masayang nag-aawitan, na nagsisipagsabi: “Narito ito'y ating Diyos; hinihintay natin Siya, at ililigtas Niya tayo.”21Isaias 25:9. MT 564.1
Sa gitna ng pagiray-giray ng lupa, ng pagliliwanag ng kidlat, at ng dagundong ng kulog, ay tinatawag ng tinig ng Anak ng Diyos ang nangatutulog na banal. Tinutunghayan Niya ang mga libingan ng mga matuwid, at sa pagtataas Niya ng Kanyang mga kamay sa langit ay sinasabi Niya: “Kayo'y gumising, kayo'y gumising, kayo'y gumising, kayong nangatutulog sa alabok, at kayo'y magsibangon!” Sa linapad-lapad at hinaba-haba ng lupa ay mari- rinig ng mga patay ang Kanyang tinig; at ang mga dirinig ay mangabubuhay. At ang buong lupa ay uugong dahil sa yabag ng napakalaking hukbo na mula sa bawa't bansa, lipi, wika, at bayan. Mula sa bahay bilangguan ng kamatayan ay magsisilabas sila, na nararamtan ng kaluwalhatiang walang paglipas, na nagsisipagsabi: “Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? saan naroon, Oh, kamatayan ang iyong tibo?”221 Corinto 15:55. At ang tinig ng mga nabubuhay na matuwid pati ng sa mga binuhay na banal ay maglalagum sa isang mahaba at masayang sigaw ng tagumpay. MT 564.2
Lahat ay lalabas sa kani-kanilang libingan na ang laki nila ay gaya rin noong sila'y nasok sa libingan. Si Adan, na nakatayo sa gitna ng karamihan ng mga binuhay, ay mataas at marangal ang katawan, nguni't mababa ng kaunti sa Anak ng Diyos. Siya ang magpapakilala ng kapunapunang ipinag-iba ng mga tao ng huling salin ng lahi; sa bagay na ito ay mapagkikilala ang malaking ikinababa ng uri ng sangkatauhan. Datapuwa't ang lahat ay babangong taglay ang kasariwaan at kalakasan ng walang-hanggang kabataan. Sa pasimula ay nilalang ang tao ayon sa wangis ng Diyos, hindi lamang sa likas, kundi sa anyo at hugis din naman. Ang banal na larawan ay halos pinawi ng kasalanan; nguni't si Kristo'y naparito upang isauli ang nawala. Babaguhin Niya ang ating mga hamak na katawan, at huhugisin Niya ayon sa Kanyang maluwalhating katawan. Ang may kamatayan at nasisirang anyo na walang kagandahan, narumhan ng kasalanan, ay magiging sakdal, maganda, at walang kamatayan. Lahat ng kapintasan at kapinsalaan ay maiiwan sa libingan. Pagka naisauli na ang mga tinubos sa punong-kahoy ng buhay na nasa malaong nawalang Eden, sila'y “magsisilaki”23Malakias 4:2, talatang Hebreo. sa hustong taas ng lahi noong ito'y nasa unang kaluwalhatian. Ang mga nalalabing bakas ng sumpa ng kasalanan ay maaalis, at ang mga tapat na tao ni Kristo ay mangagkakaroon ng “kagandahan ng Panginoon aming Diyos,”24Salmos 90:17. sa pag-iisip at kaluluwa at katawan, at mahahayag ang sakdal na larawan ng kanilang Panginoon. Oh, kahanga-hangang pagtubos! malaong sinasambit-sambit, malaong inaasahan, hinihintay na may maningas na pananabik, datapuwa't hindi ganap na napag-unawa! MT 565.1
Ang buhay na mga banal ay babaguhin “sa isang sandali, sa isang kisap mata.”251 Corinto 15:52. Sa tinig ng Diyos sila'y naluwalhati; ngayon nama'y bibigyan sila ng kawalang kamatayan, at kasama ng mga banal na nagsibangon sa kani-kanilang libingan ay aagawin sila upang salubungin ang Panginoon sa hangin. Ang mga hinirang ay titipunin ng mga anghel sa “apat na panig ng sanlibutan mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.”26Mateo 24:31. Ang maliliit na bata ay dala ng mga anghel sa kani-kanilang ina. Ang magkakaibigang malaong nagkahiwalay dahil sa kamatayan ay muling nagkakasama upang huwag nang magkalayo magpakailan man, at nagsisiakyat sa bayan ng Diyos na nag-aawitan ng awit ng kagalakan. MT 566.1
Bago pumasok sa bayan ng Diyos, ang tagapagligtas ay magkakaloob sa Kanyang mga alagad ng tanda ng kanilang pananagumpay, at igagawad Niya sa kanila ang sagisag ng kanilang makaharing kalagayan. Ang nagkikislapang mga hanay ay inayos sa isang parisukat sa palibot ng kanilang Hari, na ang anyo ay lalong mataas kaysa alin mang anghel, at ang Kanyang mukha'y nagliliwanag sa kanila na puno ng mabiyayang pag-ibig. Ang mga mata ng hindi mabilang na hukbo ng mga tinubos ay nakatitig sa Kanya, at namamalas ng bawa't mata ang Kanyang kaluwalhatian na “ang Kanyang mukha ay [pinapaging] napakakatuwa kaysa kanino mang lalaki, at ang Kanyang anyo ay higit na kumatuwa kaysa mga anak ng mga tao.”27Isaias 52:14. Sa ulo ng mga nagtagumpay ay ipapatong ni Jesus ng Kanyang sariling kamay ang putong na kaluwalhatian. Ang bawa't isa ay may putong na roo'y nakasulat ang kanyang “bagong pangalan,”28Apocalipsis 2:17. at ang pangungusap na “Banal sa Panginoon.” Sa bawa't kamay ng nagtagumpay ay ilalagay ang palma at ang kumikinang na alpa. At sa pagkalabit ng mga nangungulong anghel sa nota, ang bawa't kamay ay may kasanayang tutugtog ng kanyang alpa, na siyang magdudulot ng matamis na tugtugin sa pamamagitan ng masasarap at maiinam na himig. Ang bawa't puso ay sisidlan ng di-mabigkas na katuwaan, at bawa't tinig ay magpapailanglang ng pagpupuri: “Doon sa umiibig sa atin, at sa nagkalag sa atin sa ating mga kasalanan, sa pamamagitan ng Kanyang dugo; at ginawa tayong kaharian, mga saserdote sa Kanyang Diyos at Ama, suma Kanya nawa ang kaluwalhatian at ang kaharian magpakailan man.”29Apocalipsis 1:5, 6. MT 566.2
Nasa harapan ng karamihang mga tinubos ang banal na lunsod. Bubuksan ni Jesus ng maluwang ang mga pinerlasang pintuan, at magsisipasok ang mga bansa na nangag-iingat ng katotohanan. Doo'y makikita nila ang Paraiso ng Diyos, ang tahanan ni Adan noong hindi pa siya nagkakasala. Kung magkagayon ang isang tinig, na kawili-wiling pakinggan kaysa alin mang awit na narinig na ng pakinig ng tao, ay mapapakinggang magsasabi: “Ganap na ang inyong pakikipagpunyagi.” “Pumarito kayo mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat ng itatag ang sanlibutan.”30Mateo 25:34. MT 567.1
Taglay ang di-mabigkas na pag-ibig ay aanyayahan ni Jesus ang mga matapatin sa “galak ng kanilang Panginoon.” Ang galak ng Panginoon ay nasa pagkakita Niya, doon sa kaharian ng kaluwalhatian, sa mga kaluluwang naligtas sa pamamagitan ng Kanyang pagdadalamhati at pagkaalipusta. At ang mga natubos ay mangakakabahagi sa Kanyang galak, kung makita nila, sa gitna ng mga pinagpala yaong mga nailapit kay Kristo sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin, ng kanilang mga pagpapagal, at ng kanilang maibiging pagsasakripisyo. Sa pagtitipon nila sa palibot ng malaking luklukang maputi, ay hindi masabing katuwaan ang aapaw sa kanilang mga puso sa pagkatanaw nila sa mga nailapit nila kay Kristo, at sa pagkatalos nila na ang isang iyon ay nakapaglapit ng isa pa, at ang mga ito'y ng iba pa rin, at silang lahat ay nangapasa payapang pahingahan, upang doon sa paanan ni Jesus ay ibaba nila ang kanilang mga putong at magpuri sa Kanya sa buong panahong walang katapusan. MT 567.2
Samantalang magalak na tinatanggap sa bayan ng Diyos ang mga natubos, ay umalingawngaw sa buong himpapawid ang isang masayang sigaw ng pagsamba. Magtatagpo na ang dalawang Adan.31Paliwanag: Ang unang Adan ay siyang ama n gating lahi, sa kanya'y nawala ang buhay at kaharian dahil sa kasalanana; ang ikalawang Adan ay si Kristo, na siyang tumubos sa lahi sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at kaniyang ibinalik ang nawalang nasasakupan. Ang Anak ng Diyos ay nakatayo na nakaunat ang mga kamay upang tanggapin ang ama ng ating lahi—ang tao na Kanyang nilikha, na nagkasala sa Maylalang sa kanya, at dahil sa kanyang kasalanan ay dala pa ng Tagapagligtas ang mga bakas ng pagpapako sa krus sa Kanyang katawan. Sa pagkakita ni Adan ng mga bakas ng malupit na pako, hindi niya yinayakap ang kanyang Panginoon, kundi sa pagpapakumbaba ay nagpapatirapa siya sa Kanyang paanan, na nagsasabi ng “karapat-dapat, karapat-dapat ang Kordero na pinatay!”32Apocalipsis 5:12. Buong giliw siyang itinatayo ng Tagapagligtas, at minsan pang pinatitingnan sa kanya ang tahanang Eden na malaong panahon niyang kinalayuan. MT 568.1
Dala ng di-gagaanong katuwaan, ay nakita niya ang mga punong-kahoy na mga kinalugdan niya noong una—iyon ding mga puno, na ang mga bunga ay kanyang tinipon, noong kaarawan ng kanyang kalinisan at kaligayahan. Nakita niya iyong mga dating baging na kanyang inayos, iyong niga dating bulaklak na kinalugdan niyang alagaan. Naunawa ng kanyang pag-iisip ang katunayan ng kanyang napapanood; nabatid niyang ito nga ang Eden na isinauli, lalong kaibig-ibig ngayon kaysa noong siya'y paalisin doon. Isinama siya ng Tagapagligtas sa punong-kahoy ng buhay. Pumitas Siya ng maluwalhating bunga at ipinakain Niya kay Adan. MT 568.2
Tumingin siya sa kanyang palibut-libot, at nakita niya ang isang karamihan ng kanyang mga inanak na natubos, na nangakatayo sa Paraiso ng Diyos, inilapag niya ang kanyang nagniningning na putong sa paanan ni Jesus, at sa pagkalapit niya sa kanyang dibdib ay yinakap niya ang Manunubos. Kinalabit niya ang gintong alpa, at ang nakabalantok na langit ay umalingawngaw sa awit ng tagumpay: “Karapatdapat, karapat-dapat ang Kordero na pinatay at muling nabuhay!” Inawit din ng mga anak ni Adan ang himig na ito, at inilapag ang kanilang mga putong sa paanan ng Tagapagligtas samantalang sila'y yumuyukod na sumasamba sa harapan Niya. MT 569.1
Ang pagtitipong ito ay sinasaksihan niyaong mga anghel na tumatangis noong magkasala si Adan, at nangatuwa noong si Jesus ay umakyat sa langit, pagkatapos na Siya'y mabuhay na mag-uli, at mabuksan Niya ang libingan para sa lahat ng sasampalataya sa Kanyang pangalan. Ngayo'y nakikita nilang ganap na ang gawain ng pagtubos, at isinasama nila ang kanilang tinig sa awit ng pagpupuri. MT 569.2
Sa ibabaw niyaong dagat na bubog na parang may halong apoy, na nasa harapan ng luklukan na gayon na lamang kaliwanag dahil sa kaluwalhatian ng Diyos—ay magkakatipon ang karamihan na “nangagtagumpay sa hayop, at sa kanyang larawan, at sa bilang ng kanyang pangalan.’33Apocalipsis 15:2. “Kayat sila'y nasa harapan ng luklukan ng Diyos at naglilingkod sa Kanya araw at gabi sa Kanyang templo; at Siyang nakaupo sa luklukan ay lulukuban sila ng Kanyang tabernakulo.”34Apocalipsis 7:15-17. Nakita nilang ang lupa ay nasalanta sa gutom at salot. ang araw ay nagkaroon ng kapangyarihang sumupok sa mga tao ng matinding init, at sila man ay nagbata rin ng hirap, gutom, at uhaw. Datapuwa't sa araw na yao'y “sila'y hindi na magugutom pa ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang init. Sapagka't ang Kordero na nasa gitna ng luklukan, ay siyang magiging pastor nila; at sila'y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: papahirin ng Diyos ang bawa't luha ng kanilang mga mata.”34Apocalipsis 7:15-17. MT 569.3
Sa lahat ng kapanahunan, ang mga taong hirang ng Tagapagligtas ay tinuruan at sinanay sa paaralan ng pagsubok. Sila'y nagsilakad sa makipot na daan sa lupa; sila'y dinalisay sa hurno ng kapighatian. Alang-alang kay Jesus ay nagbata sila ng mga pagsalansang, poot at paratang. Nagsisunod sila sa Kanya sa mahihigpit na labanan; nagdanas sila ng pagbabawa sa kanilang sarili at ng mapapait na pagkabigo. Sa pamamagitan ng kanilang sariling mahapding karanasan ay nangatutuhan nila ang kasamaan ng kasalanan, ang kapangyarihan nito, ang pagkamakasalanan nito, at ang kaabaan nito; at kanila itong kinasusuklaman. Ang pagkakilala nila sa walang katumbas na paghahain na ginawa upang dito'y lumunas, ay siyang nagbaba sa kanila sa sarili nilang paningin, at pumuno sa kanilang puso ng pagpapasalamat at pagpupuri, na hindi mapahahalagahan kailan man noong mga hindi nagkakasala. Umiibig sila ng malaki, sapagka't malaki ang sa kanila'y ipinatawad. Palibhasa'y mga kasama sila sa mga pagbabata ni Kristo, ay karapat-dapat naman silang maging kabahagi sa Kanyang kaluwalhatian. MT 570.1
Ang mga tagapagmana ng Diyos ay magsisipanggaling sa mga taguan sa itaas ng bahay, sa mga hamak na dampa. sa mga bilangguan, sa mga bibitayan, sa mga bundok, sa mga ilang, sa mga yungib, at sa mga lungga ng dagat. Dito sa lupa sila'y mga “salat, pinighati, at pinahirapan.” Angaw-angaw ang nagsitungo sa libingan na taglay ang kadustaan, sapagka't matibay silang tumangging pasakop sa magdarayang pag-aangkin ni Satanas. Sila'y hinatulan ng mga hukuman sa lupa na mga kasama-samaan sa lahat ng kriminal. Nguni't ngayo'y ang “Diyos ay siyang hukom.”35Mga Awit 50:6. Ngayo'y nabaligtad ang mga kapasiyahan ng lupa. “Ang kakutyaan ng Kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa.”36Isaias 25:8. “Tatawagin nila sila: Ang banal na bayan, ang tinubos ng Panginoon.”37Isaias 62:12; 61:3. Kanyang ipag-uutos na “bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob.”37Apocalipsis 7:10, 12. Hindi na sila mahihina, ni naghihirap, ni nagkakawatakwatak, ni napipighati. Sasa Panginoon na sila magpakailan man. Nakatayo sila sa harap ng luklukan na nangararamtan ng lalong mahal na damit na hindi naisuot kailan man ng mga pinakamarangal na tao sa lupa. Pinutungan sila ng mga diyadema na lalong maringal kaysa naiputong na sa mga ulo ng mga hari dito sa lupa. Ang mga panahon ng paghihirap at pagtangis ay wala na. Pinahid na ng Hari ng kaluwalhatian ang luha sa lahat ng mukha; ang bawa't magiging dahil ng kalumbayan ay inalis na. Sa kalagitnaan ng mga pagwawagayway ng mga sanga ng mga palma ay namumulas sa kanilang mga labi ang awit ng pagpupuri, malinaw, matamis, at nagkakatugma, sumama sa pag-awit ang bawa't tinig hanggang sa ang awitan ay makarating sa pagkakabalantok ng kalangitan. “Ang pagliligtas ay sumaaming Diyos na nakaupo sa luklukan at sa Kordero.” MT 570.2
At lahat ng tumatahan sa langit ay tumugon sa pagpupuri: “Siya nawa: Pagpapala, at kaluwalhatian, at karunungan. at pagpapasalamat, at karangalan, at kapangyarihan, at kalakasan, nawa ang suma aming Diyos magpakailan man.38Apocalipsis 7:10, 12. MT 571.1
Sa buhay na ito ay mapasisimulan lamang natin ang pag-unawa sa kahanga-hangang suliranin ng pagtubos. Sa pamamagitan ng maiigsi nating pag-iisip ay mapag-aaralan natin ng buong sikap ang kahihiyan at ang kaluwalhatian, ang buhay at ang kamatayan, ang katuwiran at ang kahabagan, na nagtatagpo sa krus; datapuwa't sa lubusan mang pagkabanat ng mga kapangyarihan ng ating pag-iisip ay hindi natin matatarok ang lubos na kahulugan nito. Ang haba at ang luwang, ang lalim at ang taas, ng tumutubos na pag-ibig ay bahagya lamang maunawaan. MT 572.1
Ang panukala ng pagtubos ay hindi ganap na mauunawa, kahi't na sa panahong makakita ang mga tinubos gaya ng pagkakita sa kanilang sarili at makaalam gaya ng pagkaalam sa kanila, datapuwa't sa buong kapanahunang walang katapusan, ay bago't bagong katotohanan ang malalahad sa nanggigilalas at nangatutuwang pagiisip. Bagaman matatapos ang mga kapighatian, at kaharian at kahirapan at mga tukso sa lupa, at maaalis na rin ang pinanggagalingan ng mga ito, ay magkakaroon pa rin ang mga tao ng Diyos ng isang tiyak at malinaw na pagkaunawa sa naging halaga ng kanilang kaligtasan. MT 572.2
Ang krus ni Kristo ay siyang magiging siyensiya at awit sa buong panahong walang-hanggan ng mga natubos. Sa kay Kristong niluwalhati ay makikita nila si Kristong napako. Kailan ma'y di malilimutan, na Siya na makapangyarihang lumikha at umalalay sa di mabilang na sanlibutan sa malaking kalawakan, Siya na pinakaiibig ng Diyos, na Hari ng sangkalangitan, Siya na kinalulugdang sambahin ng mga kerubin at mga serapin—ay nagpakababa upang angatin ang nagkasalang sangkatauhan; na Kanyang dinala ang pagkamakasalanan at hiya ng pagkakasala, at ang pagkukubli ng mukha ng Kanyang Ama, hanggang sa dinurog ang Kanyang puso ng mga katampalasanan ng isang sanlibutang makasalanan, at kitilin nito ang Kanyang hininga doon sa krus ng Kal- baryo. Na ang May-gawa ng lahat ng daigdig, ang Tagapagpasiya ng lahat ng hantungan, ay mag-iiwan ng Kanyang kaluwalhatian, at magpapakababa dahil sa pagibig Niya sa tao, ay siyang lagi nang gigising ng paghanga at pagsamba ng santinakpan. MT 572.3
Sa pagtingin ng bansang nangaligtas sa kanilang Manunubos, at pagkakita nila sa walang-hanggang kaluwalhatiang nagliliwanag sa Kanyang mukha; sa pagkakita nila sa Kanyang luklukan na mula sa walang pasimula at hanggang sa walang-hanggan, at pagkaalam nila na ang Kanyang kaharian ay hindi magkakaroon ng wakas, bubulalas ang kanilang tinig sa kawili-wiling awitan: “Karapat-dapat, karapat-dapat, ang korderong pinatay, at tinubos tayo sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang napakamahalagang dugo.” MT 573.1
Ipinaliliwanag ng hiwaga ng krus ang lahat ng ibang hiwaga. Sa liwanag na nagmumula sa Kalbaryo, ang mga likas ng Diyos na pumuno sa atin ng takot at paggalang ay lilitaw na maganda at kahali-halina. Ang kahabagan, kagandahang loob, at pag-ibig magulang ay makikitang nalalagum sa kabanalan, katarungan, at kapangyarihan. Samantalang minamasdan natin ang karangalan ng Kanyang luklukang matayog at mataas, ay makikita natin ang Kanyang likas sa mga mabiyayang pagkakahayag, at mauunawaan natin, ng pagkaunawang kailan ma'y di pa sumaatin, ang kahalagahan ng kaibig-ibig na tawag na “Ama Namin.” MT 573.2
Doo'y mapagkikilala, na Siyang walang-hanggan sa karunungan, ay walang ibang panukalang maaayos sa ikaliligtas natin kundi ang ialay ang Kanyang anak. Ang gantimpala sa pag-aalay na ito ay ang kaligayahan sa pagkakita sa lupa na tinatahanan ng mga taong natubos; mga banal, masaya, at hindi na mamamatay. Ang bunga ng pakikipagpunyagi ng Tagapagligtas sa mga kapangyarihan ng kadiliman ay ang kaligayahan ng mga tinubos, na umaapaw sa pagluwalhati sa Diyos sa buong panahong walang katapusan. At gayon na lamang ang halaga ng isang kaluluwa, na anupa't ikasisiya ng Ama ang naging kabayaran; at si Kristo na rin sa pagkakita Niya sa mga bunga ng Kanyang dakilang paghahain, ay nagkaroon ng kasiyahan. MT 573.3