Hatinggabi nang piliin ng Diyos na iligtas ang Kanyang bayan. Habang nanlilibak ang mga masasama sa palibot nila, biglang nagpakita ang araw, na nagliliwanag sa tindi nito, at ang buwan ay tumigil. Namamanghang tinunghayan ng mga makasalanan ang tagpong iyon, samantalang sa banal na kagalakan, nakita ng mga banal ang mga unang tanda ng kanilang kaligtasan. Ang mga tanda’t kababalaghan ay mabilis na nagsunud-sunod. Ang lahat ay waring lumihis sa kanilang karaniwang takbo. Tumigil ang mga batis sa pagdaloy. Pumailanglang at nagbanggaan ang maiitim at makakapal na ulap. Subalit sa gitna ay may isang maaliwalas na siwang ng lubos na kaluwalhatian. Mula rito'y narinig ang tinig ng Diyos na tulad sa maraming tubig, na yumanig sa kalangitan at sa lupa. Nagkaroon ng napakalakas na lindol. Ang mga libingan ay nangabuksan, at ang mga namatay sa pananampalataya sa ilalim ng mensahe ng ikatlong anghel, na nangilin ng Sabbath, ay nagsilabas na naluwalhati sa mga himlayan nilang alabok upang marinig ang tipan ng kapayapaan na gagawin ng Diyos sa mga tumutupad sa Kanyang kautusan. KP 110.1
Ang kalawakan ay nagbukas-sara at nagkagulo. Umugoy ang mga bundok gaya ng halamang tambo sa hihip ng hangin, at nagkalat sa buong paligid ang magagaspang na mga bato. Kumukulo ang dagat na gaya ng kaldero at naghagis ng malalaking bato sa lupa. At habang inihahatid ng Diyos ang walang-hanggang tipan sa Kanyang bayan, nagsalita Siya ng isang pangungusap, pagkatapos ay tumigil, habang dumadagundong ang mga salita sa buong lupa. Nakatayo ang Israel ng Diyos na ang mga mata’y nakatutok sa itaas, nakikinig sa mga salita habang ito’y lumalabas sa bibig ni Jehova at umuugong sa buong lupa na gaya ng mga dagundong ng pinakamalakas na kulog. Kakila-kilabot ang kataimtiman niyon. Pagkatapos ng bawat pangungusap, ang mga banal ay sumigaw, “Luwalhati! Aleluia!” Ang kanilang mga mukha ay nagliwanag sa kaluwalhatian ng Diyos, nagniningning sa kaluwalhatian gaya ng mukha ni Moises pagkababa niya sa Sinai. Hindi makatingin sa kanila ang masasama dahil sa kaluwalhatian. At nang bigkasin ng Diyos ang walang- hanggang pagpapala sa mga nagparangal sa Kanya sa pangingilin ng Kanyang Sabbath, bumulalas sila ng isang malakas na sigaw ng pagtatagumpay sa hayop at sa kanyang larawan. KP 110.2
Ikalawang Pagdating ni Cristo—Lumitaw na ang malaking puting ulap na kinauupuan ng Anak ng Tao. Nang una itong makita sa malayo, ang ulap na ito ay parang napakaliit. Habang ito'y papalapit sa lupa, nakikita na ng bawat isa ang napakagandang kaluwalhatian at kamahalan ni Jesus habang Siya'y nakasakay pasulong para manlupig. Isang hukbo ng mga abay na banal na anghel na nakasuot ng maningning at kumikinang na mga korona sa kanilang mga ulo ang sumunod sa Kanya sa Kanyang paglalakbay. KP 111.1
Walang pangungusap na makapaglalarawan sa kaluwalhatian ng tagpong iyon. Ang buhay na ulap ng kadakilaan at di-mapantayang kaluwalhatian ay palapit nang palapit pa rin, na kinauupuan ng kaibig-ibig na katauhan ni Jesus, na hindi na koronang tinik ang nakasuot sa Kanyang banal na noo kundi korona ng kaluwalhatian. Sa Kanyang damit at hita, may pangalang nakasulat, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon (Apocalipsis 19:16). Ang Kanyang mukha ay kasinliwanag ng araw sa katanghaliang-tapat, ang Kanyang mga mata ay parang ningas ng apoy, at ang hitsura ng Kanyang mga paa ay parang purong tanso (Apocalipsis 1:15, 16). Katunog ang Kanyang tinig ng maraming instrumento ng musika. Yumanig ang lupa sa Kanyang presensya. Tumakas ang kalangitan gaya ng balumbon kapag ito'y nilulon. Nawala ang bawat bundok at isla sa kanilang kinalalagyan. “Ang mga hari sa lupa, ang mga prinsipe, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang malalakas, at ang bawat alipin at ang bawat malaya, ay nagtago sa mga yungib, sa mga bato at sa mga bundok; at sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, ‘Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at mula sa galit ng Kordero; sapagkat dumating na ang dakilang araw ng Kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?’” Apocalipsis 6:15-17. KP 111.2
Nasaksihan ngayon ng mga taong kani-kanina lang ay papatayin na sana ang mga tapat na anak ng Diyos sa lupa ang kaluwalhatian ng Diyos na sumasakanila. At sa gitna ng lahat nilang kilabot, narinig nila ang tinig ng mga banal sa masayang ingay, na nagsasabi, “Ito’y ating Diyos; hinintay natin Siya at ililigtas Niya tayo.” Isaias 25:9. KP 111.3
Unang Pagkabuhay na Muli—Buong lakas na yumanig ang lupa habang tinatawag ng tinig ng Anak ng Diyos ang natutulog na mga banal sa kanilang mga libingan. Tumugon sila at bumangong nararamtan ng maluwalhating kawalang-kamatayan, na sumi- sigaw, “Tagumpay, tagumpay, sa kamatayan at sa libingan! O kamatayan, nasaan ang iyong tibo? O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?” (Tingnan ang 1 Corinto 15:55). At pagkatapos, inilakas ng mga buhay at ng muling binuhay na mga banal ang kanilang mga tinig sa isang matagal at tuwang-tuwang sigaw ng pagtatagumpay Bumangon ang mga katawang humimlay sa libingan dala ang mga tanda ng sakit at kamatayan, sa walang-maliw na kalusugan at kalakasan. Binago sa isang sandali, sa isang kisap- mata ang buhay na mga banal, at inagaw kasama ng mga muling binuhay, at sama-sama nilang sinalubong ang kanilang Panginoon sa papawirin. O, anong maluwalhating pagkikita! Nagkasama na ang mga magkakaibigang pinaghiwalay ng kamatayan at di na muling maghihiwalay pa. KP 112.1
May mga pakpak sa bawat gilid ng karwaheng ulap, at sa ilalim nito’y may mga buhay na gulong. Sumigaw ang mga banal mula rito, “Luwalhati! Aleluia!” At ang karwahe'y gumulong paitaas sa Banal na Siyudad. Bago pumasok sa lunsod, inayos sila nang pakuwadrado, at si Jesus ang nasa gitna. Siya'y nakatayong mas matangkad sa mga banal at sa mga anghel. Lahat ng nasa parisukat ay nakikita ang Kanyang marangal na anyo at kaakit-akit na mukha. KP 112.2