Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man. Juan 14:27 BN 77.1
Mayroon lamang dalawang uri ng tao sa mundo, mula noon hanggang ngayon—iyong mga nananampalataya kay Jesus, at iyong tumatanggi sa Kanya. Ang mga makasalanan, gaano man kasama, karimarimarim, at karumi ay, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, maaaring gawing dalisay at malinis sa pagsunod sa Kanyang salita.... Iyong tumatanggi kay Cristo at ayaw manampalataya sa katotohanan ay mapupuno ng kapaitan laban doon sa mga tumatanggap kay Jesus bilang personal na Tagapagligtas. Ngunit iyong mga tumatanggap kay Cristo ay natutunaw at napapaamo ng pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at Kanyang pagpapakababa, paghihirap, at kamatayan para sa kanila.... BN 77.2
Ang kapayapaang ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga alagad, at atin ding hinihingi, ay ang kapayapaang nagmumula sa katotohanan, isang kapayapaang hindi namamatay dahil sa pagkakahiwalay. BN 77.3
Maaaring ang mga digmaan, pag-aaway, pagseselos, pagka-inggit, pagkamuhi, kaguluhan ay nasa labas; ngunit ang kapayapaan ni Cristo ay hindi ibinibigay o maaagaw ng sanlibutan. Maaari itong manatili sa gitna ng paghahanap ng mga espiya at pinakamatinding paniniil ng Kanyang mga kaaway.... Ni isang saglit ay hindi nagsikap si Cristo na bilhin ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagtataksil sa banal na pagtitiwala. Ang kapayapaan ay hindi makakamtan sa pamamagitan ng pagkokompromiso ng mga prinsipyo. ... Napakalaking pagkakamali ngmga anak ng Diyos ang sikaping pag-ugnayin ang naghihiwalay sa mga anak ng'kaliwanagan mula sa mga anak ng kadiliman sa pamamagitan ng pagsuko ng prinsipyo, ng pagkokompromiso ng katotohanan. Ito'y gaya ng pagsuko ng kapayapaan ni Cristo upang makipagkasundo sa sanlibutan. Masyadong malaki ang sakripisyong gagawin ng mga anak ng Diyos para makipagkasundo sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagsuko ng mga prinsipyo ng katotohanan.... Hayaang panatilihin sa kanilang isipan ng mga tagasunod ni Cristo na hindi nila ipagpapalit ang katotohanan, na hindi isusuko ang isa mang maliit na bahagi ng prinsipyo para sa pagtanggap ng sanlibutan. Panghawakan nila ang kapayapaan ni Cristo. BN 77.4