Anak ko, kung ikaw ay akitin ng mga makasalanan, huwag kang pumayag. . . . Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas. Kawikaan 1:10-15 BN 124.1
Wala nang higit na nakahahadlang sa paggawa ng Banal na Espiritu kaysa mga kaaliwan, at ang Panginoon ay nalulumbay. BN 124.2
Silang nagtataglay ng mababaw na karakter at karanasang relihiyoso ay napakadaling magtipon para sa kalayawan at kaaliwan, at ang kanilang impluwensya ay nakabibighani sa iba. Kung minsan, ang mga kabataang lalaki at babaing nagsisikap na maging mga Cristianong sumusunod sa Biblia ay napipilit na makisama sa piging. Dahil hindi sila nakahandang pag-isipan na naiiba sila, at nagtataglay ng likas na madaling sumunod sa halimbawa ng iba, inilalagay nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng impluwensya nilang marahil ay hindi pa nakadarama ng banal na paghipo sa kanilang isip at puso. Kung sila ay nagtanong lamang na may pananalangin tungkol sa banal na pamantayan, para matuto kung ano ang sinabi ni Cristo tungkol sa mga bungang kailangang makita sa punong Cristiano, sana ay nalaman nilang ang mga libangang ito ay mga piging na inihanda para pigilan ang mga kaluluwang tanggapin ang paanyaya sa piging sa kasalan ng Kordero. BN 124.3
Kung minsan ay nangyayaring sa pagpunta sa mga lugar ng kaaliwan, ang mga kabataang maingat na naturuan tungkol sa landas ng Panginoon ay natatangay ng pang-aakit ng impluwensya ng tao, at sila ay bumubuo ng pakikipagrelasyon sa kanilang ang edukasyon at pagsasanay ay may makasanlibutang hubog. Ipinagbibili nila ang kanilang mga sarili sa habambuhay na pagkaalipin sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga taong hindi nagtataglay ng hiyas ng espiritung kagaya nang kay Cristo. BN 124.4
Ikaw ay maaanyayahang dumalo sa mga lugar ng kaaliwan. . . . Kung ikaw ay magpapakatotoo kay Cristo, hindi ka magsisikap na bumuo ng mga paumanhin para sa iyong pagtanggi, kundi malinaw at mapagpakumbaba mong sasabihing ikaw ay anak ng Diyos, at ang iyong mga prinsipyo ay hindi magpapahintulot sa iyong pumunta sa lugar na iyon kung saan hindi maaanyayahan ang presensya ng iyong Panginoon, maging sa minsang pagkakataon. BN 124.5
Nagnanasa ang Diyos na ang Kanyang bayan ay magpakita sa pamamagitan ng kanilang mga buhay ng kapakinabangan ng Cristianismo kaysa pagkamakasanlibutan; na ipakitang sila ay gumagawa sa mataas at banal na antas. BN 124.6