Tiyakin ninyo na ang sinuman ay huwag gumanti ng masama sa masama, kundi lagi ninyong naisin ang mabuti para sa isa't isa at sa lahat. 1 Tesalonica 5:15. PnL
May kagalingang higit pang makapangyarihan kaysa kagalingang magsalita sa isang tahimik, di-nagbabagong buhay ng isang malinis at totoong Cristiano. Kung ano tayo ay higit na may impluwensya kaysa ating sinasalita. PnL
Ang mga opisyal na pinadala kay Jesus ay bumalik na may ulat na walang nakapagsasalitang gaya Niya magsalita. Ngunit ang dahilan nito’y walang taong nabubuhay na gaya ng sa Kanya. Kung ang buhay Niya ay hindi ganito, hindi Siya makapagsasalitang gaya ng ginawa Niya. Ang salita Niya’y nagtataglay ng kapangyarihang humikayat, dahil nanggagaling ito sa pusong malinis at banal, puno ng pag-ibig at simpatya, kabaitan at katotohanan. PnL
Ang ating sariling karakter at karanasan ang nagpapasya ng ating impluwensya sa iba. Para mahikayat ang iba ng kapangyarihan ng biyaya ni Cristo, dapat nating malaman ang kapangyarihan nito sa ating sariling mga puso at mga buhay. Ang ebanghelyong ating ipinapahayag para sa kaligtasan ng iba ay siyang dapat na ebanghelyong sa atin ay nagligtas. Tanging sa pamamagitan ng buhay na pananampalataya kay Cristo bilang personal na Tagapagligtas nagiging posibleng maparamdam natin ang ating impluwensya sa isang nagdududang sanlibutan. Kung ating palalapitin ang mga makasalanan mula sa takbo ng mabilis na pagdaloy, ang ating mga paa ay dapat matatag na nakatuntong sa Bato, si Cristo Jesus. PnL
Ang tsapa ng Cristianismo ay hindi isang panlabas na tanda, hindi ang pagsusuot ng krus o ng korona, sa halip ay iyong nagpapahayag ng ating ugnayan sa Diyos. Sa kapangyarihan ng biyayang nahayag sa pamamagitan ng pagbabago ng karakter mahihikayat ang sanlibutan na sinugo ng Diyos ang Kanyang Anak bilang Tagapagligtas nito. Walang impluwensyang maaaring bumalot sa kaluluwa ng isang tao ang may gayong kapangyarihan kundi ang impluwensya ng di-makasariling buhay. Ang pinakamalakas na argumentong pabor sa ebanghelyo ay ang mapagmahal at kaibig-ibig na Cristiano. PnL
Ang mabuhay nang gayon, ang pagsikapan ang gayong impluwensya, ay nangangailangan ng pagsisikap sa bawat hakbang, sakripisyo ng sarili, at disiplina. Dahil sa hindi nila nauunawaan ito na madaling nanghihina ang marami sa buhay Cristiano. Maraming nagtalaga ng sariling buhay sa gawain ng Diyos ang nasosorpresa at nabibigong matagpuan ang kanilang mga sarili, na hindi gaya ng dati, na humaharap sa mga hadlang at napaliligiran ng pagsubok at kabalisahan. Nanalangin sila ng karakter na gaya ng kay Cristo, para maging marapat sa gawain ng Panginoon, at inilalagay sila sa sitwasyon na parang tumatawag sa lahat ng kasamaan ng kanilang likas. Nahahayag ang mga kakulangan na kailanman ay hindi nila inisip na umiiral.— The Ministry Of Healing, pp. 469, 470. PnL