Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang Kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng Kanyang Ama; at Kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa. Mateo 16:27. PnL
Hindi ipinagpapaumanhin ni Jesus ang kanilang mga kasalanan, kundi ipinakikita Niya ang kanilang pagsisisi at pananampalataya, at, sa paghingi Niya ng kapatawaran para sa kanila, ay itinataas Niya ang Kanyang mga nasugatang kamay sa harap ng Ama at ng mga banal na anghel, na sinasabing, “Kilala Ko sila at ang kanilang pangalan. Iniukit Ko sila sa mga palad ng Aking mga kamay.” PnL
Ang gawaing masiyasat na paghuhukom at ang pagpawi ng mga kasalanan ay tatapusin bago pumarito ng ikalawa ang Panginoon. Sapagkat ang mga patay ay hahatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ay hindi mangyayari na mapawi ang mga kasalanan ng mga tao hanggang sa matapos ang paghuhukom na sa panahong ito’y sisiyasatin ang kanilang mga kaso. Datapwat malinaw na ipinahahayag ni apostol Pedro na ang mga kasalanan ng nananampalataya ay papawiin “Kung magsidating ang mga panahon ng kaginhawahan mula sa harapan ng Panginoon; at Kanyang susuguin si Cristo.” (Gawa 3:19, 20.) Pagkatapos ng masiyasat na paghuhukom ay paririto si Cristo, at dadalhin Niya ang gantimpala ng bawat tao ayon sa kanyang gawa. PnL
Sa sumasagisag na paglilingkod, kapag nagawa na ng punong saserdote ang pagtubos sa Israel, ay lumalabas siya at pinagpapala ang buong kapulungan. Gayundin naman si Cristo, pagkatapos ng gawain Niyang pamamagitan, ay mahahayag Siya, na “hiwalay sa kasalanan sa ikaliligtas,” (Hebreo 9:28) upang pagpalain ng buhay na walang-hanggan ang Kanyang mga taong nagsisipaghintay. Kung paanong ipinahahayag ng saserdote ang kasalanang inalis sa santuwaryo sa ulo ng kambing na pawawalan, gayunding ilalagay ni Cristo ang lahat ng mga kasalanang ito sa ulo ni Satanas, na siyang pasimuno at tagapag-udyok ng kasalanan. Ang kambing na may dalang lahat ng kasalanan ng Israel, ay pawawalan “sa isang lupaing hindi tinatahanan,” (Levitico 16:22); gayundin naman si Satanas, dala ang lahat ng kasalanang dahil sa kanya’y ipinagkasala ng bayan ng Diyos, ay kukulungin sa loob ng isang libong taon sa lupa na magiging wasak, at walang tao, at sa wakas ay daranasin niya ang buong kabayaran ng kasalanan sa apoy na siyang pupuksa sa lahat ng masama. Sa gayo’y ang dakilang panukala ng pagtubos sa sangkatauhan ay matutupad kung matapos na ang kasalanan, at maganap na ang pagliligtas sa lahat ng handang tumalikod sa kasamaan. PnL
Sa panahong itinakda sa paghuhukom—ang katapusan ng 2,300 araw noong 1844ay nagpasimula ang gawain ng pagsisiyasat at pagpawi ng mga kasalanan. Ang lahat ng tumanggap sa kanilang sarili ng pangalan ni Cristo ay dapat dumaan sa masuring pagsisiyasat na ito. Ang mga nabubuhay at ang mga patay ay kapwa hahatulan “ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kani-kanilang mga gawa.”— The Great Controversy, pp. 484-486. PnL