Ngunit sa mga araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, magaganap ang hiwaga ng Diyos, ayon sa kanyang ipinahayag sa kanyang mga lingkod na propeta. Apocalipsis 10:7. PnL
May mataimtim na pakikipaglaban sa harapan ng lahat ng handang magpasuko sa masasamang hilig na nagpupumilit na manaig. Ang gawang maghanda ay gawang pangsarilinan. Tayo’y hindi maliligtas ng pulu-pulutong. Ang kalinisan at pagkamatapat ng isa ay hindi makapupuno sa kawalan ng mga likas na ito sa iba. Bagaman ang lahat ng bansa ay haharap sa Diyos sa paghuhukom, susuriin Niya ang kaso ng bawat isa ng napakasinop na pagsisiyasat na wari baga ay wala nang iba pang tao sa ibabaw ng lupa. Ang bawat isa ay dapat subukin, at dapat masumpungang walang dungis o kulubot man o anumang ganyang bagay. PnL
Solemne ang mga panooring nauugnay sa pangwakas na gawain ng pagtubos. Mahalaga ang mga kapakanang nasasaklaw nito. Ang paghuhukom ay ginaganap ngayon sa santuwaryo sa itaas. Sa loob ng maraming taon ay ipinagpapatuloy ang gawaing ito. Sandali na lang—walang nakaaalam na sinuman kung kailan—at ito’y darating sa mga kabuhayan ng mga nabubuhay. Sa kagalang-galang na harapan ng Diyos ay mapapaharap ang ating mga kabuhayan. Sa panahong ito, higit sa lahat ng ibang panahong nakaraan, ay nararapat na dinggin ang payo ng Tagapagligtas: “Kayo’y magingat, kayo’y magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang panahon.” (Marcos 13:33.) “Kaya’t alalahanin mo kung paano mo ito tinanggap at narinig; tuparin mo ito at magsisi ka. Kaya’t kung hindi ka gigising, darating Akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong oras Ako darating sa iyo.” (Apocalipsis 3:3.) PnL
Kapag natapos na ang gawain ng masiyasat na paghuhukom, ang kahihinatnan ng lahat ay pasisiyahan sa kabuhayan o sa kamatayan. Ang panahon ng biyaya ay matatapos sa sandaling panahon bago mahayag ang Panginoon sa mga alapaap ng langit. Sa Apocalipsis, nang tanawin ni Cristo ang panahong iyan, ay ganito ang Kanyang ipinahayag: “Ang masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa. Ako’y malapit nang dumating at dala Ko ang Aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa. (Apocalipsis 22:11, 12.) PnL
Ang mga matuwid at ang mga makasalanan ay mananatili pa ring buhay sa lupa sa kanilang dating kalagayan—ang mga tao ay magtatanim at magtatayo ng bahay, kakain at iinom, na pawang hindi nakaaalam na ang pangwakas at hindi mababagong pasya ay nabigkas na sa santuwaryo sa itaas. Bago dumating ang baha, nang makapasok na si Noe sa daong, ay sinarhan siya ng Diyos sa loob, at ang masasama ay sa labas; datapwat pitong araw na nagpatuloy ang mga tao sa kanilang mapagpabaya at makakalayawang pamumuhay, at inuyam ang mga babala ng dumarating na paghatol, na hindi nila nauunawang napasiyahan na ang kanilang kapahamakan. “Gayon din naman,” ang sabi nga ng Tagapagligtas, “ang pagparito ng Anak ng tao.” (Mateo 24:39.)— The Great Controversy, pp. 490, 491. PnL