Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon. Apocalipsis 14:13. PnL
Ang dakilang Babilonia ay naalaala ng Diyos, “binigyan niya ito ng kopa ng alak ng kabagsikan ng knayang poot.” Ang malalaking graniso na ang bawat isa ay “kasinlaki ng isang talento,” ay nagsiganap ng kanilang gawain ng pagkawasak. (Apocalipsis 16:19, 21.) Ang pinakapalalong mga bayan sa sangkalupaan ay naaaba. Ang mga palasyong pinagbuhusan ng kayamanan ng mga dakilang tao ng sanlibutan upang itanyag ang kanilang sarili, nagsiguho sa kanilang harapan. Ang mga kuta ng bilangguan ay nangabagsak, at ang mga tao ng Diyos, na binusabos dahil sa kanilang pananampalataya, ay napalaya. PnL
Ang mga libingan ay nabuksan, at “marami sa mga natutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba’y tungo sa buhay na walang hanggan, at ang iba’y tungo sa kahihiyan at sa walang hanggang paghamak.” (Daniel 12:2.) Ang lahat ng namatay sa pananampalataya sa pabalita ng ikatlong anghel ay labas sa kani-kanilang libingan na mga niluwalhati, upang pakinggan ang tipan kapayapaan ng Diyos para sa mga nag-iingat ng Kanyang kautusan. “At ng mga umulos sa Kanya” (Apocalipsis 1:7), mga tumuya at nang-iinsulto sa mga pahimakas na daing ni Cristo, at iyong mga pinakamarahas na sumalungat sa Kanyang katotohanan, at sa Kanyang bayan, ay pawang ibangon upang makita ang Kanyang kaluwalhatian, at upang mamalas ang karangalang ipuputong sa mga tapat at masunurin. PnL
Ang langit ay natakpan pa rin ng makakapal na ulap; datapwat manaka-nakang nagpakita ang araw, na tila gaya ng naghihiganting mata ni Yahweh mababalasik na kidlat ay nagsisilukso mula sa langit, at binabalot ang lupa sa isang sapin ng apoy. Nangingibabaw sa nakapanghihilakbot na dagundong ng kulog, ang mga tinig, na mahiwaga at nakatatakot, ay nagpapahayag ng kapahamakan ng masasama. Ang mga salitang binibigkas ay hindi maiintindihan ng kalahatan; datapwat malinaw sa mga mandarayang tagapagturo. Silang kanina lang ay walang habas, palalo, at nanlalaban, at nagagalak sa kabagsikan sa bayan ng Diyos na nagsisitupad ng Kanyang mga utos, ang ngayon ay nilalamon ng pagkataranta, at nanginginig sa takot. Ang mga panaghoy nila’y naririnig na nangingibabaw sa ugong ng mga elemento. Ang mga demonyo ay nagpapahayag ng kanilang pagkilala sa pagka-Diyos ni Cristo, at nanginginig sa harap ng Kanyang kapangyarihan, samantalang ang mga tao ay nagsusumamo upang sila’y kahabagan at nagpapatirapa sa sukdulang pagkasindak. PnL
Sinabi ng mga propeta noon, habang nakikita nila sa banal na pangitain ang araw ng Diyos: “Manangis kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na; ito’y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!” (Isaias 13:6.) “Pumasok ka sa malaking bato, at magkubli ka sa alabok, mula sa pagkatakot sa Panginoon at sa karangalan ng kanyang kamahalan.” (Isaias 2:10.)— The Great Controversy, pp. 637, 638. PnL