Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba. Santiago 4:6. PnL
Ang buong kalawakan ay waring puno ng maluluwalhating anyo—“milyunmilyon at libu-libo.” Walang panitik ng tao na makapaglalarawan ng panooring iyon, hindi pumasok sa puso ng tao ang karilagan niyon. “Ang Kanyang kaluwalhatia’y tumakip sa mga langit, at ang lupa’y puno ng Kanyang kapurihan.” (Habakuk 3:3, 4.) Samantalang napapalapit ang buhay na alapaap, nakikita ng bawat mata ang Prinsipe ng buhay. Wala nang putong na tinik na dumurungis sa Knayang banal na noo, kundi isang diyadema ng kaluwalhatian ang doon ay nabababaw. Ang kanyang mukha ay maliwanag pa kaysa nakasisilaw na liwanag ng araw kung katanghaliang tapat. “At Siya’y mayroong isang pangalang nakasulat sa Kanyang damit at sa Kanyang hita, ‘Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.’ ” (Apocalipsis 19:16.) PnL
Sa harap Niya, “ang bawat mukha ay namumutla”; sa mga nagsisitanggi sa habag ng Diyos ay dadapo ang hilakbot ng walang hanggang kawalang pag-asa. “Ang mga puso ay nanghihina, at ang mga tuhod ay nanginginig, . . . ang lahat ng mga balakang ay nanginginig, ang lahat ng mga mukha ay namumutla.” (Jeremias 30:6; Nahum 2:10.) Ang mga matuwid ay sumisigaw na nanginginig: “Sino ang makatatagal?” Tumigil ang awitan ng mga anghel, at nagkaroon ng dakilang katahimikan. Nang magkagayon ay narinig ang tinig ni Jesus na nagsasabing: “Ang Aking biyaya ay sapat na sa iyo.” Nagliwanag ang mukha ng matutuwid, at napuspus ng katuwaan ang kanilang mga puso. Kinalabit ng mga anghel ang mas mataas na nota at sila’y muling nagsiawit habang sila’y napapalapit sa lupa. PnL
Ang Hari ng mga hari ay bumababang nakasakay sa alapaap, at nababalot ng nagliliyab na apoy. Ang langit ay nalululong tulad sa isang lulong aklat, at ang lupa ay nayayanig sa harap Niya, at ang bawat bundok at pulo ay nagsisitakas. “Ang aming Diyos ay dumarating at hindi Siya tatahimik; nasa harapan Niya ang apoy na tumutupok, at malakas na bagyo sa kanyang palibot. Siya’y tumatawag sa langit sa kaitaasan, at sa lupa upang hatulan Niya ang Kanyang bayan.” (Awit 50:3, 4.) . . . PnL
Ang pauyam na mga pagbibiro ay napatigil. Ang mga sinungaling na labi ay nanahimik. Ang pagpipingkian ng sandata, ang alingasngas ng digmaan, “sa kaguluhan at ang mga kasuotang tigmak ng dugo” (Isaias 9:5), ay nagsitahan. Walang napapakinggan ngayon kundi tinig ng panalangin at tinig ng iyakan at taghuyan. Ang tangis ay namutawi sa mga labi nilang kanina lang ay nagsisipanuya: “Sapagkat duamting na ang dakilang araw ng Kanyang kagalitan; at sino ang makatatayo?” Idinadalangin ng masasama na sila’y tabunan ng malalaking bato at mga bundok, kaysa makita ang mukha Niyang kanilang inuyam at tinanggihan.— The Great Controversy , pp. 641, 642. PnL