Dakila at kamanghamangha ang iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa. Apocalipsis 15:3. PnL
Ang mga tagapagmana ng Diyos ay nanggaling sa mga kisame, sa mga dampa, sa mga bilangguan, sa mga bibitayan, sa mga bundok, sa mga ilang, sa mga yungib, at sa mga lungga ng dagat. Dito sa lupa sila’y mga “salat, pinighati, at pinahirapan.” Milyun-milyon ang nagsitungo sa libingang taglay ang kadustaan sapagkat matibay silang tumangging pasakop sa madadayang pag-aangkin ni Satanas. Sila’y hinatulan ng mga hukuman ng tao bilang pinakamasama sa lahat ng kriminal. Ngunit ngayon ang “Diyos ay siyang hukom.” (Awit 50:6.) Ngayon ay nabaligtad ang mga kapasyahan ng lupa. “Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa.” (Isaias 25:8.) “At sila’y tatawaging ‘Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon.’ ” Kanyang ipag-uutos na “bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo, sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan, sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan.” (Isaias 62:12; 61:3.) Hindi na sila mahihina, ni naghihirap, ni nagkakawatak-watak, ni inaapi. Mula ngayon, makakasama magpakailanman. Nakatayo sila sa harap ng trono na nakasuot ng mas mamahaling damit kaysa naisuot ng pinakamarangal na tao sa lupa. Pinutungan sila ng mga diyademang mas maringal kaysa naiputong sa ulo ng mga hari sa lupa. Ang mga araw ng pasakit at pagtangis ay tuluyan nang nagwakas. Pinahid na ng Hari ng kaluwalhatian ang luha sa lahat ng mukha; ang bawat dahilan ng kalumbayan ay inalis na. Sa gitna ng mga pagwawagayway ng mga sanga ng palma ay aawit ng papuri, malinaw, matamis, at malamyos; sumama sa pag-awit ang bawat tinig hanggang sa ang awitan ay bumalong sa mga arko ng kalangitan. “Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” At ang lahat ng nananahan sa langit ay tutugon ng pagdakilang: “Amen: Biyaya, at kaluwalhatian, at karunungan, at pasasalamat, at karangalan, at kapangyarihan, at kalakasan, ang sumasa Diyos magpakailanman.” (Apocalipsis 7:10, 12.) PnL
Sa buhay na ito, sisimulan pa lang natin unawain ang kahanga-hangang tema ng pagtubos. Sa pamamagitan ng ating limitadong pag-iisip mapag-aaralan natin nang buong sikap ang kahihiyan at ang kaluwalhatian, ang buhay at ang kamatayan, ang katuwiran at ang kahabagan, na nagtatagpo sa krus; datapwat lubusan man nating banatin ang kakayahan ng ating pag-iisip, hindi pa rin natin matatarok ang lubos na kahulugan nito. Ang haba at ang luwang, ang lalim at ang taas, ng tumutubos na pagibig ay bahagya lamang maunawaan.— The Great Controversy, pp. 650, 651. PnL