Inihahayag ng Apocalipsis 14:6-11 ang mga mensahe ng tatlong anghel, kung saan nasumpungan ng mga Seventh-day Adventist ang kanilang komisyon. Nakatutulong ang talatang 12 para magbigay ng kanilang pagkakakilanlan: “Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak ng matatag sa pananampalataya ni Jesus.” Kara-karaka pagkatapos, kasama sa mismong kasunod na talata ang pagpapalang ito: ” ‘Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon’ . . . ‘Sila’y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila’ ” (talatang 13). Si Ellen G. White, ang isa sa mga nagtatag ng kilusan ng Seventhday Adventist, na tumulong na ipahayag ang tatlong mensaheng iyon at humimok sa pagtupad sa kautusan at paghawak nang matatag sa pananampalataya ni Jesus, ay namatay noong 1915. Sumunod sa kanya ang kanyang mga ginawa, lalo na sa mga sulat na iniwan niya sa atin. PnL
Ang mga sulat na iyon ay nagbigay ng inspirasyon at nagturo sa iglesya mula sa simula nito. Nagbigay ang mga ito sa atin ng mga mahalagang kaalaman sa Kasulatan, na nagpapayaman ng ating pagkaunawa sa Biblia. Nakapag-ambag ang mga ito ng makabuluhang tagubilin sa organisasyon, edukasyon, palimbagan, at iba pang mga bagay na kaugnay sa istruktura ng iglesya. Nagpahayag ang mga ito ng mga pangunahing prinsipyo tungkol sa pagkain, kalusugan, paglagong espirituwal, at iba pang mga paksang may personal na pakinabang sa mga tagasunod ni Cristo. Kung saan seryosong isinasaalang-alang ng iglesya ang mga sulating ito, pinagpapala ang mga miyembro at organisasyon. PnL
Sa mga huling bahagi ng buhay ni Ellen White, madalas siyang nagsasama ng isang awtograp na tala sa mga kopya ng kanyang mga aklat na kanyang ipinamigay (tingnan ang isa sa kanyang mga isinulat sa huling bahagi ng paunang salitang ito.) Ang pambukas na mga salita sa talang ito’y “Pauwi na Tayo.” Ang dinatitinag na pananalig na ito sa pagbabalik ni Cristo at sa pangako ng langit ang naging pagkakakilanlan ng kanyang buhay at ministeryo. Kaya nga waring naaangkop na ang pamagat at pokus ng koleksiyong ito na may pang-araw-araw na kaisipan sa pagninilaynilay, na nailabas noong ika-100 taong anibersaryo ng kanyang kamatayan, ay Pauwi na sa Langit. PnL
Sa ating pagmarka sa paglipas ng isang dantaon mula nang pagkamatay ni Ellen G. White, naaangkop lang na maglaan ang Pauwi na sa Langit ng isang pagbabalik-tanaw tungkol sa ilan sa mahahalagang temang kanyang hinarap sa mga sulat na iyon. Ang mga babasahin sa bawat buwan ay tatalakay ng isa sa mga temang ito. Sa paggawa nito, maaaring maiba ang aklat na ito sa ilang mga aspekto mula sa karaniwang disenyo ng aklat na pangdebosyon. Ang mga babasahin ay hindi lang nakatuon sa pagkakaloob ng pag-unlad sa inspirasyon, kundi sa paglalahad ng mga bagay na itinuturing na mahalaga ni Ellen White. Ang mga ito minsan ay mananawagan sa mga mambabasa na gawin o iwasan ang ilang mga bagay bilang bahagi ng kanilang tapat na paglilingkod sa Panginoon. Itinatampok ng mga ito minsan ang ilang natatanging mga aspekto ng mga turo at pagkaunawa sa Biblia ng Seventh-day Adventist, gaya ng kapalaran ni Satanas sa panahon ng isang libong taon (milenyo) at sa pagtatapos nito. Kasama rito ang mga bagay na gaya nito dahil bahagi sila ng pagbibigay-diin ni Ellen White sa ibinigay na tema. PnL
Sa pagpapanatili ng nakalipas na nakasanayan sa mga aklat na pangdebosyon, binawasan ng mga babasahin dito ang karaniwan niyang ginagamit na mga salita gaya ng lalaki, mga lalaki, mga kapatid, siya, at kanya, na malawakang ginagamit sa panahon ni Ellen White upang tukuyin ang mga lalaki at babae sa pangkalahatan, subalit hindi na masyadong ginagamit ngayon. Habang hindi binabago ang pakahulugan ni Ellen White, ang mga pagbabagong ito sa mga salita ay makaiiwas sa paggambala sa mambabasa mula sa mensahe ng aklat. PnL
Bantog na isinulat ni Ellen G. White ang, “Wala tayong dapat katakutan sa hinaharap, malibang makalimutan natin kung paano tayo pinatnubayan ng Panginoon, at ang Kanyang turo sa nakaraan nating kasaysayan” (Life Sketches of Ellen G. White, pp. 196). Dalangin namin na ang tomong ito’y magpaalala nawa sa atin hindi lang tungkol sa kung paano tayo pinangunahan ng Panginoon kundi sa Kanyang turo sa pamamagitan ng Kanyang lingkod na si Ellen G. White. PnL
—The Ellen G. White Estate Board of Trustees
Pauwi na tayo. Kaunting panahon pa, at matatapos na ang kaguluhan. Nawa tayong tumatayo sa silakbo ng alitan, ay laging panatilihin sa harap natin ang isang pangitain ng mga bagay na di-nakikita—ng panahong iyon kung kailan ang mundo ay mapupuno ng liwanag ng langit, kapag nagpatuloy ang mga taon sa kagalakan, kapag magkakasamang umawit sa tanawin ang mga bituin ng umaga, at humiyaw sa kagalakan ang mga anak ng Diyos, samantalang nagkakaisa ang Diyos Ama at si Cristo sa paghahayag na, “Wala nang pagkakasala, o magkakaroon man ng kamatayan.” “Nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,” tayo’y “magpatuloy sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagkatawag ng Diyos kay Cristo Jesus.” PnL
—Ellen G. White