Aking susundin ang daang matuwid. . . . Ako’y lalakad sa loob ng aking bahay na may tapat na puso. Awit 101:2. LBD 314.1
Walang sinumang dapat maging pangahas o pakialamero, kundi kailangan nating ipamuhay nang tahimik ang ating pananampalataya, nang nakatuon lamang sa kaluwalhatian ng Diyos. . . . Kung gayon ay magliliwanag tayong parang mga ilaw sa sanlibutan, nang walang ingay o sigalot. Walang dapat mabigo; sapagkat kasama nila ang Isang matalinong magpayo, napakahusay sa paggawa, at makapangyarihan para isagawa ang Kanyang mga panukala. Gumagawa Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga instrumento, nakikita at di-nakikita, makalupa at makalangit. Isang dakilang gawain ang gawaing ito, at maisusulong para sa ikaluluwalhati ng Diyos, kung gagawing katugon ng kanilang mga gawa ng lahat ng kaugnay nito ang kanilang pagpapahayag ng pananampalataya. Kailangang pakaingatan ang kadalisayan ng isipan bilang kailangang-kailangan sa gawain ng pag-impluwensya sa iba. Dapat mapalibutan ang kaluluwa ng dalisay at banal na atmospera, isang atmosperang magpapasigla sa espirituwal na buhay ng lahat ng lalanghap nito. LBD 314.2
Napararangalan o nabibigyang-kasiraan si Jesus ng mga salita at pag-uugali ng mga nagsasabing tagasunod Niya. Dapat mapanatiling matibay at banal ang puso, sapagkat mula rito dumadaloy ang mga bukal ng buhay (Kawikaan 4:23). Kung nalinis ang puso sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan, hindi magkakaroon ng makasariling kagustuhan, walang masasamang motibo. Hindi magkakaroon ng pagkiling, walang pagkukunwari. . . . LBD 314.3
Sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan, na maluwag ang moralidad hindi lamang ng mga kabataan kundi ng mga matatanda na at makaranasan, may malaking panganib na maging walang-ingat, at magbigay ng espesyal na pansin sa mga paborito, at lumilikha sa gayon ng inggitan, pananaghili, at pag-iisip ng masama. Pero iilan lamang ang nakatatantong itinataboy nila ang Espiritu ng Diyos dahil sa mga makasarili nilang iniisip at pakiramdam, sa kalokohan at walang-kuwenta nilang pagsasalita. . . . Kung naitanim ang biyaya ni Cristo sa kanilang mga puso, at ibinaon ang mga ugat nito palalim sa magandang lupa, sila ay magbubunga ng talagang naiibang karakter. . . . Ang humihikayat na kapangyarihan ng Diyos ay siyang tanging sapat na magtatag ng mga dalisay na prinsipyo sa puso, upang walang makitang sasalakayin ang diyablo. . . . Ang kadalisayan sa pagsasalita, at tunay na Cristianong paggalang ay dapat laging pakasanayin.— Letter 74, 1896, 91. LBD 314.4