Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon, na aking hahanapin; na ako ay makapanirahan sa bahay ng Panginoon, sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon, at sumangguni sa Kanyang templo. Awit 27:4. LBD 316.1
Abot-kamay ng bawat isa ang mararangal na kapangyarihan. Sa ilalim ng pangangasiwa ng Diyos, maaaring magkaroon ang isang tao ng di-sumasama, napabanal, mataas, at pinarangal na isipan. LBD 316.2
Sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo, ang isipan ng tao ay nagiging marapat mahalin at luwalhatiin ang Diyos, ang Maylikha. LBD 316.3
Dumating ang Panginoong Jesus sa ating daigdig upang katawanin ang Ama. . . . Si Cristo ang tunay na larawan ng katauhan ng Kanyang Ama; at naparito Siya sa ating sanlibutan upang ibalik sa tao ang larawang moral ng Diyos, upang bagama’t nagkasala, ang tao ay maaaring mabakasan ng banal na larawan at karakter sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos.— Manuscript 24, 1891. LBD 316.4
Gusto ng Diyos na maging magaganda ang mga bata, hindi sa artipisyal na kagayakan, kundi sa kagandahan ng karakter, sa panghalina ng kabaitan at pagmamahal, na magbibigkis sa kanilang mga puso ng kagalakan at kaligayahan.—The Signs of the Times, December 6, 1877. LBD 316.5
Dapat maturuan ang mga batang babae na hindi lamang sa kagandahan ng hubog o hitsura ang tunay na halina ng pagkababae, ni sa pagkakaroon ng mga nakamit; kundi sa isang mahinhin at maamong espiritu, sa pagtitiis, pagkamapagbigay, kabaitan, at kahandaang gumawa at magdusa para sa iba. Kailangan silang turuang magtrabaho, mag-aral nang may layunin, mamuhay nang may hangarin, magtiwala sa Diyos at matakot sa Kanya, at igalang ang kanilang mga magulang. At habang nadaragdagan ang kanilang mga taon, lalaki sila nang mas dalisay ang isipan, mas nakapamumuhay nang mag-isa, at mas minamahal. Magiging imposibleng hamakin ang ganyang babae. Matatakasan niya ang mga tukso at pagsubok na ikinawasak ng napakaraming tao.— Child Guidance, p. 140. LBD 316.6
Isinugo si Cristo bilang huwaran natin at hindi ba natin ipapakita na nasa atin ang lahat Niyang pag-ibig at kabaitan at . . . panghalina? At sasakupin ng pag-ibig ni Jesu-Cristo ang ating mga karakter at ang ating mga buhay, at magiging banal ang pakikipag-usap natin at ang mga makalangit na bagay ang pag-uusapan natin.— Manuscript 7, 1888. LBD 316.7