Di ba nasa harapan mo ang buong lupain? Humiwalay ka sa akin. Kapag kinuha mo ang nasa kaliwa, ako ay pupunta sa kanan; o kapag kinuha mo ang nasa kanan, ako ay pupunta sa kaliwa. Genesis 13:9. LBD 319.1
Binubuo ang sambahayan ni Abraham ng humigit isang libong kaluluwa. Nakasumpong ng tahanan sa kanyang kampamento iyong mga naakay ng kanyang mga pagtuturo na sambahin ang tunay na Diyos; at para ring sa paaralan, nakatanggap sila dito ng gayong pagtuturo na maghahanda sa kanila para maging mga kinatawan ng pananampalataya. Ang pagmamahal ni Abraham sa kanyang mga anak at sa kanyang sambahayan ang umakay sa kanya na bantayan ang kanilang pananampalataya sa relihiyon, na ibahagi sa kanila ang kaalaman sa mga batas ng Diyos, bilang pinakamahalagang pamana na maisasalin niya sa kanila, at maililipat sa sanlibutan sa pamamagitan nila. Tinuruan lahat na nasa ilalim sila ng pamumuno ng Diyos ng kalangitan. Hindi dapat manggipit ang mga magulang, at hindi naman dapat sumuway ang mga anak. Itinakda ng kautusan ng Diyos sa bawat isa ang kanyang mga tungkulin, at tanging sa pagsunod lamang makakamit ng sinuman ang kaligayahan at tagumpay. LBD 319.2
Ang sarili niyang halimbawa, ang tahimik na impluwensya ng araw-araw niyang buhay, ay tuluy-tuloy na liksyon. Ang di-natitinag na karangalan, ang pagkakawanggawa at di-makasariling kabutihang-loob na ikinamangha ng mga hari, ay nakikita sa tahanan. May bango ang kanyang buhay, isang pagkamarangal at kagandahan ng karakter, na nagpapakita sa lahat na konektado siya sa langit. Hindi niya kinaligtaan ang kaluluwa ng pinakahamak niyang alila. Walang ibang kautusan para sa amo sa kanyang sambahayan, at iba naman para sa mga alila; walang makaharing pamamaraan para sa mayayaman, at iba naman para sa mga mahihirap. Pinakikitunguhan ang lahat nang may katarungan at kahabagan. — Manuscript 22, 1904. LBD 319.3
Isang tao siyang may pananampalataya, na laging sumusunod sa mga prinsipyo nang may pinakaistriktong integridad. Magalang at kagalang-galang siya sa lahat niyang transaksyon sa negosyo. Kontrolado ang kanyang buhay ng Cristianong kagandahang-asal, at inuuna niya ang paglilingkod sa Panginoon bago ang lahat ng iba pa. Ayaw niyang kumilo ng kahit gahibla ng buhok mula sa mga dalisay na prinsipyong Cristiano.— Letter 203, 1903. LBD 319.4
Nasa kamay ng bawat isa ang magsakabuhayan ng tunay na kabutihang-loob na gaya ng kay Cristo.— Manuscript 19, 1892. LBD 319.5