Ang magtagumpay ay siya Kong pakakainin sa punungkahoy ng buhay na nasa paraiso ng Diyos. Apocalipsis 2:7. LBD 363.1
Sa liwanag ng nalalapit na pagdating ng Panginoon, gaano dapat tayo kasikap sa paghubog ng mga ugaling kaayon ng banal na wangis. . . . “Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Mapapalad ang mga tumutupad ng Kanyang mga utos, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan” (Apocalipsis 21:6; 22:14). Hindi ba ito karapat-dapat pagsikapan? Kapag hindi natin nakamtan ang langit, nawala na rin sa atin ang lahat, at walang sinuman sa atin ang makapapayag na gawin iyan. Kung pananatilihin natin sa paningin ang mga walang-hanggang kagalakan na naghihintay sa magtatagumpay, at magtitiwala tayo kay Cristo habang tayo ay nagsisikap para sa perpeksyon ng karakter, sa palagay mo kaya ay hindi tayo magiging masaya? Hindi ba tayo magiging masaya sa pagtulad sa halimbawa ng pagtanggi sa sarili at paglilingkod ni Cristo? . . . LBD 363.2
Buhay na kasinghaba ng buhay ng Diyos ang pinagsisikapan nating matamo; kung kaya’t ang ating mga likas ay dapat maiayon sa kalooban ng Diyos. Dapat nating pangasiwaan nang maigi ang gawain ng ating buhay anupa’t makalalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at mabubuksan ang ating mga puso sa Kanya, na sinasabi sa Kanya ang ating mga pangangailangan at naniniwalang naririnig Niya at bibigyan tayo ng biyaya at kalakasan para maisagawa ang mga prinsipyo ng Salita ng Diyos. Langit ang gusto natin, ang korona ng nagtagumpay, ang makapasok sa mga pintuan ng lunsod ng Diyos, ang karapatang makakain mula sa puno ng buhay sa gitna ng Paraiso ng Diyos. Gusto nating makita ang Hari sa Kanyang kagandahan. Kaya’t panatilihin natin araw-araw na nakapako ang ating mga mata kay Cristo, ang perpeksyon ng karakter ng tao, at magkakaroon tayo sa panghahawak sa Kanyang pagka-Diyos ng kalakasan ng Diyos na tutulong sa atin na mapagtagumpayan ang bawat masamang hilig at kagustuhan.—Manuscript 87, 1909. Pinasasalamatan ko ang Diyos dahil sa aking buhay. . . . Tumatanaw akong may pananampalatayang sa hinaharap, at nakikita ang puno ng buhay. May mahahalagang itong bunga, at para sa pagpapagaling sa mga bansa ang mga dahon(Apocalipsis 22:2). Wala nang pusong wasak, wala nang kalungkutan, wala nang kasalanan, wala nang pagdadalamhati, wala nang pagdurusa, sa kahariang iyon ng kaluwalhatian.— The Review and Herald, December 23, 1884. LBD 363.3