Ang magtagumpay ay gagawin Kong haligi sa templo ng Aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa roon, at isusulat Ko sa kanya ang pangalan ng Aking Diyos, at ang pangalan ng lunsod ng Aking Diyos, ang Bagong Jerusalem, na bumababa buhat sa langit, mula sa Aking Diyos, at ang sarili Kong bagong pangalan. Apocalipsis 3:12. LBD 368.1
Nakasalalay ang tanging pag-asa ng sinumang tao sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. . . . Hindi inihanda ang malilinis at banal na kasuotan para suotin ng sinuman pagkapasok niya sa pintuan ng lunsod. Nakasuot na talaga ng damit ng katuwiran ni Cristo ang lahat ng papasok doon, at makikita sa kanilang mga noo ang pangalan ng Diyos. Ang simbolong nakita ng apostol sa pangitain ang pangalang ito, at nagpapahiwatig ng pagsusuko ng isipan sa matalino at tapat na pagsunod sa lahat ng mga utos ng Diyos.— The Youth’s Instructor, August 18, 1886. LBD 368.2
Ang labanang dinaraanan natin ay siyang huling mararanasan natin sa sanlibutang ito. nasa gitna tayo nito ngayon. Dalawang panig ang nagpupunyaging mangibabaw. Hindi tayo puwedeng maging neyutral sa labanang ito. Kailangan nating manindigan alinman sa panig na ito o sa kabila. Kung maninindigan tayo sa panig ni Cristo, kung kinikilala natin Siya sa sanlibutan sa salita at gawa, nagbibigay tayo ng buhay na patotoo kung sino ang pinili nating paglingkuran at parangalan. Sa mahalagang yugtong ito ng kasaysayan ng mundo, hindi natin magagawang bayaan ang sinuman sa kawalang-kasiguruhan kung kaninong panig tayo naroroon. . . . LBD 368.3
Para matamo ang tagumpay sa bawat paglusob ng kaaway, kailangang manghawak tayo sa kapangyarihang nasa labas natin at lampas pa sa sarili natin. Dapat nating panatilihin ang isang tuluy-tuloy at buhay na koneksyon kay Cristo, na may kapangyarihang magbigay ng tagumpay sa bawat kaluluwang magpapanatili ng saloobin ng pananampalataya at pagpapakumbaba. LBD 368.4
. . . Bilang mga umaasang makatatanggap ng gantimpala ng nagtagumpay, kailangang magpilit tayo na sumulong sa pakikidigmang Cristiano, kahit na nakararanas tayo ng pagsalungat sa bawat pagsulong. . . . Bilang mga mananagumpay, maghahari tayong kasama ni Cristo sa mga bulwagan ng langit, at magtatagumpay tayo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa salita ng ating patotoo (Apocalipsis 12:11). “Ang magtagumpay ay gagawin Kong haligi sa templo ng Aking Diyos.”— The Review and Herald, July 9, 1908. LBD 368.5