Huwag kang gagawa para sa iyong sarili ng inukit na larawan o ng anumang kawangis ng anumang nasa langit sa itaas, o ng nasa lupa sa ibaba o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mo silang yuyukuran, o paglilingkuran man sila. Exodo 20:4, 5. LBD 55.1
Humihingi ang ating Manlalalang ng pinakamataas nating pagtatangi, ng una nating katapatan. Nagiging isang diyus-diyosan ang anumang bagay na nakababawas sa ating pag-ibig sa Diyos, o humahadlang sa ating paglilingkod sa Kanya. Sa iba ay mga diyus-diyosan ang kanilang mga lupain, mga tahanan, ang kanilang mga paninda. Isinasagawa ang mga gawaing pangangalakal na may kasiglahan at buong lakas, samantalang hindi gaanong pinahahalagahan ang paglilingkod sa Diyos. Nakaliligtaan ang pagsamba sa sambahayan at lihim na panalangin. Marami ang nag-aangkin ng matuwid na pakikitungo sa kanilang kapwa, at tila iniisip na nagagampanan nila ang kanilang buong tungkulin sa pagsasagawa nito. Ngunit hindi sapat na ang huling anim na utos lamang ang sundin sa kautusan. Dapat nating ibigin ang Panginoon nating Diyos ng buong puso. Tanging ang pagsunod sa bawat utos lamang . . . ang makapagbibigay-kaluguran sa mga hinihingi ng banal na kautusan. LBD 55.2
Maraming damdamin ang labis na tumigas dahil sa kayamanan na anupa’t nalimutan nila ang Diyos, at gayundin ang mga pangangailangan ng kanilang kapwa. Pinalalamutian ng mga nag-aangking Cristiano ang kanilang mga sarili ng mga hiyas, puntas, at mamahaling mga kasuotan samantalang nagkukulang ang mga dukha ng Panginoon sa mga pangangailangan ng buhay. May mga lalaki at babaeng nag-aangkin ng pagtubos sa pamamagitan ng dugo ng Tagapagligtas habang winawaldas ang mga kayamanang ipinagkatiwala sa kanila para sa ikaliligtas ng iba pang mga kaluluwa, at pilit na nagbibigay ng kanilang mga handog dahil sa relihiyon pagkatapos nito, na nagbibigay lamang ng malugod kapag makapagdudulot ito ng karangalan sa kanilang sarili. Mananamba sa diyus-diyosan ang mga ito.— The Signs of the Times, January 26, 1882. LBD 55.3
Nagiging isang diyus-diyosan ang anumang bagay na nagbabaling ng pag-iisip mula sa pagsamba sa Diyos, at ito ang dahilan kung bakit napakakakaunti ng kapangyarihan sa iglesia ngayon.— Manuscript 2, 1893. LBD 55.4
Nagbabawal ang ikalawang utos sa pagsamba sa tunay na Diyos sa pamamagitan ng mga larawan o bagay na inanyuan. . . . Mahuhumaling sa nilalang kaysa Maylalang ang pag-iisip kapag nahiwalay sa walang-hanggang kasakdalan ni Jehovah.— Patriarchs and Prophets, p. 306. LBD 55.5
Nagsasaliksik ng mga puso ang Diyos. Pinag-iiba Niya ang tunay na paglilingkod ng puso at ang pagsamba sa diyus-diyosan.— Manuscript 126, 1901. LBD 55.6