O hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at kayo ay hindi sa inyong sarili? Sapagkat kayo'y binili sa isang halaga, kaya't luwalhatiin ninyo ang Diyos ng inyong katawan, at espiritu, na pawang pag-aari ng Diyos, 1 Corinto 6:19,20, TKK 41.1
Dapat gumawa sa tao ang isang kapangyarihang higit sa kanya at nasa labas niya, upang magamit ang matitigas na kahoy sa paghubog ng kanyang karakter. Ang presensiya ng Diyos ay dapat manahan sa loobang santuwaryo ng kaluluwa. “Anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo'y templo ng Diyos na buhay; gaya ng sinabi ng Diyos, ‘Ako'y mananahan sa kanila, at lalakad sa gitna nila, Ako'y magiging kanilang Diyos, at sila'y magiging Aking bayan’ ” (2 Corinto 6:16). “Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito'y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo” (1 Corinto 3:16, 17) “Sapagkat sa pamamagitan Niya, kapwa tayong makakalapit sa isang Espiritu patungo sa Ama. Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo'y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos, na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok. Sa Kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon; na sa Kanya kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu” (Efeso 2:18-22). TKK 41.2
Hindi itinatayo ng tao ang kanyang sarili na tahanan para sa Espiritu, pero malibang magkaroon ng pakikipagtulungan ang kalooban ng tao sa kalooban ng Diyos, walang magagawa ang Panginoon para sa kanya. Ang Panginoon ang dakilang Punong Manggagawa, ngunit kailangan pa ring makipagtulungan ang tao sa Banal na Manggagawa, kung hindi'y hindi mabubuo ang makalangit na gusali. Ang lahat ng kapangyarihan ay sa Diyos, at ang lahat ng kaluwalhatian ay dapat na bumalik sa Diyos, gayunma'y lahat ng responsibilidad ay sa taong instrumento; sapagkat walang magagawa ang Diyos kung walang pakikipagtulungan ang tao.— REVIEW AND HERALD, October 25,1892 . TKK 41.3