Subalit sinabi niya sa akin, “Ang Aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang Aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan,” Ako'y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin, 2 Corinto 12:9, TKK 136.1
Maaari kayong mabigo, at tanggihan ang inyong kalooban at ang inyong landas; ngunit makatitiyak kayo na minamahal kayo ng Panginoon. Maaaring magningas sa inyo ang apoy ng hurno, hindi para mawasak kayo, kundi upang tupukin ang dumi, upang lumabas kayo na parang ginto na dinalisay ng pitong beses. Isaisip ninyo na bibigyan kayo ng Diyos ng mga awitin sa gabi. Maaaring tila matatabunan na kayo ng kadiliman, ngunit hindi kayo dapat tumingin sa mga ulap. Sa kabila ng pinakamadilim na ulap naroon ang liwanag na palaging nagniningning. May liwanag ang Panginoon para sa bawat kaluluwa. Buksan ninyo ang pintuan ng puso sa pag-asa, kapayapaan, at kasiyahan. Sinasabi ni Jesus, “Ang mga bagay na ito ay sinabi Ko sa inyo upang ang Aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos” (Juan 15:11). TKK 136.2
May natatanging gawain ang Diyos para gawin ng bawat isa, at maaaring magawa nang mabuti ng bawat isa sa atin ang gawaing itinalaga ng Diyos. Ang tanging bagay na kailangan nating katakutan sa ating bahagi ay kung hindi natin panatilihin ang ating paningin kay Jesus, na hindi tayo magkakaroon ng paninging nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, na anupa't kapag tayo'y tinawagan na ibaba ang ating kalasag at matulog sa kamatayan ay hindi tayo handang magsulit doon sa ipinagkatiwala sa atin. Huwag kalimutan ni isang sandali na kayo'y pag-aari ni Cristo, na binili sa walang hanggang halaga, at kailangan ninyong luwalhatiin Siya sa inyong espiritu, at sa inyong katawan, na pag-aari Niya.... TKK 136.3
Naglaan ang Diyos ng kagamutan para sa bawat sugat. Mayroong Gamot sa Gilead, doo'y mayroong Manggagamot. Hindi mo ba pag-aaralan ngayon ang kasulatan na hindi katulad nang dati? Lumapit kayo sa Panginoon para sa karunungan sa bawat pangangailangan. Sa bawat pagsubok, magsumamo kayo kay Jesus na magpakita sa inyo ng daan palabas sa inyong mga suliranin, kung gayo'y mabubuksan ang inyong mga mata upang makita ang gamot at iangkop sa inyong kalagayan ang mga pangakong nakakagamot na nakatala sa Kanyang Salita. Sa ganitong paraan, hindi makakahanap ang kaaway ng lugar upang dalhin kayo sa pamimighati at kawalang paniniwala, kundi magkakaroon kayo ng pananampalataya at pag-asa at tapang sa Panginoon. Bibigyan kayo ng Banal na Espiritu ng malinaw na pag-unawa upang inyong makita at gamitin ang bawat pagpapala na magsisilbing panlaban sa pagkahapis, isang sangang pampagaling sa bawat patak ng kapaitan na inilagay sa inyong mga labi.— SELECTED MESSAGES, vol. 2, pp. 272-274 . TKK 136.4