Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 11—Ang Pagkatawag kay Abraham

    Ang kabanatang ito ay batay sa Genesis 12.

    Matapos ang pangangalat ng tao mula sa Babel ang pagsamba sa diyus-diyusan ay lubos na naman muling lumaganap, at sa wakas ay iniwan na ng Panginoon ang nangagmamatigas na mananalansang upang sundan- ang kanilang masasamang hakbang, samantalang pinili niya si Abraham, mula sa linya ni Sem, at ginawa siyang tagapag- ingat ng Kanyang kautusan para sa mga darating na mga kapanahunan. Si Abraham ay lumaki sa gitna ng mga sabi-sabi at pagsamba sa diyus-diyusan. Maging ang sambahayan ng kanyang ama, na sa pamamagitan noon ang pagkakilala sa Dios ay naingatan, ay sumasang- ayon na sa nakaaakit na impluwensya ng mga nasa paligid nila, at “sila'y naglingkod sa ibang mga diyus”, bukod kay Jehova. Subalit ang tunay na pananampalataya ay hindi dapat mawala. Ang Dios ay palaging nag-iingat ng nalabi upang maglingkod sa Kanya. Si Adan, si Set, si Enoc, si Matusalem, si Noe, si Sem sa isang walang patid na hanay, ay nag-ingat sa mahahalagang pagpapahayag ng Kanyang kalooban sa paglipas ng mga panahon. Ang anak ni Thare ang naging tagapagmana ng banal na kaloob na ito. Ang pagsamba sa diyus- diyusan ay nag-anyaya sa kanya sa lahat ng dako, subalit winalang halaga. Tapat sa kalagitnaan ng walang pananampalataya, hindi narumihan ng lumalaganap na pagtalikod sa Dios, siya ay matatag na nanatili sa pagsamba sa kaisa-isang Dios na totoo. “Ang Panginoon ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa Kanya, sa lahat na nagsisitawag sa Kanya sa katotohanan.” Awit 145:18. Iniugnay Niya ang Kanyang kalooban kay Abraham, at binigyan siya ng isang malinaw na kaalaman tungkol sa mga hinihiling ng Kanyang kautusan at tungkol sa pagliligtas na maisasakatuparan sa pamamagitan ni Kristo.MPMP 143.1

    Ibinigay kay Abraham ang pangako, na napakamahalaga para sa mga tao noong mga kapanahunang iyon, tungkol sa pagkakaroon ng maraming mga anak at pagiging dakila ng bansa: “Gagawin kitang isang malaking bansa, at ikaw ay Aking pagpapalain, at padadakilain Ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang kapalaran.” At dito ay inihayag ang isang katiyakang, pinakamahalaga sa lahat ng magmamana ng pananampalataya, na sa kanyang hanay darating ang Tagatubos ng sanlibutan: “At pagpapalain sa iyo ang lahat ng angkan sa lupa.” Gano'n pa man bilang una ng kundisyon ng katuparan, kinakailangang magkaroon ng isang pagsubok ng pananampalataya; kailangan ang isang pagsasakripisyo.MPMP 143.2

    Ang pahayag ay dumating kay Abraham, “Umalis ka sa iyong lupain, at sa iyong mga kamag-anak, at sa bahay ng iyong ama, na ikaw ay pasa lupaing ituturo ko sa iyo.” Upang siya ay maihanda ng Dios sa dakilang gawain bilang tagapag-ingat ng Kanyang mga salita, si Abraham ay kinakailangang maihiwalay mula sa dati niyang mga kasamahan sa buhay. Ang impluwensya ng mga kamag-anak at mga kaibigan ay makakahadlang sa pagsasanay na pinanukala ng Dios na ipagkaloob sa Kanyang lingkod. Ng anyong si Abraham, sa isang kaisipang natatangi, ay kaugnay ng langit, siya ay kinakailangang manahan sa kalagitnaan ng mga di-kilala. Ang kanyang likas ay kinakailangang maging kakaiba, di tulad ng lahat ng nagmula sa sanlibutan. Ni hindi niya maipapaliwanag ang kanyang ginagawa upang maunawaan ng kanyang mga kaibigan. Ang espirituwal na mga bagay ay espirituwal na mauunawaan, at ang kanilang mga layunin at isinasagawa ay hindi maunawaan ng kanilang mga kalahing sumasamba sa diyus-diyusan.MPMP 144.1

    “Sa pananampalataya si Abraham ng tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dakong kanyang tatanggaping mana; at siya'y yumaon na di nalalaman kung saan siya paroroon.” Hebreo 11:8. Ang pagiging masunurin ni Abraham na walang pagtatanong ay isa sa mga matinding katibayan ng pananampalatayang masusumpungan sa Banal na Kasulatan. Para sa kanya, ang pananampalataya ang “kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.” Talatang 1. Nagtitiwala sa banal na pangako, na walang kahit maliit man lamang na katiyakan ng katuparan, iniwan niya ang tahanan, at mga kamag-anak, at lupang sinilangan, at humayo, upang sumunod saan man patnubayan ng Dios. “Sa pananampalataya siya'y naging manlalakbay sa lupaing pangako, na gava sa hindi niya sariling lupa, at tumahan sa mga tolda na kasama ni Isaac at si Jacob, na mga tagapagmana ng isang pangako na kasama niya.” Hebreo 11:9.MPMP 144.2

    Hindi isang magaang pagsubok ang pinarating na iyon kay Abraham, hindi isang maliit na pagsasakripisyo ay kinakailangan mula sa kanya. Mayroong matitibay na makapagtatali sa kanya at sa kanyang bayan, mga kamag-anak, at tahanan. Subalit hindi siya nag-atubiling sumunod sa panawagan. Wala siyang anumang itinanong tungkol sa lupang pangako—kung ang lupa ay mataba at ang kapaligiran ay makapagpapalusog; kung ang lugar ay may magandang kapaligiran at kalagayan upang kumamkam ng maraming kayamanan. Ang Dios ay nagsalita, at ang Kanyang lingkod ay kinakailangang sumunod; ang pinakamasayang lugar sa lupa para sa kanya ay ang lugar na ninais ng Dios ukol sa kanya.MPMP 144.3

    Marami pa ang sinusubok tulad ni Abraham. Hindi nila naririnig ang tinig ng Dios na nagsasalita mula sa langit, subalit tinatawagan Niya sila sa pamamagitan ng mga aral ng Kanyang salita at ng mga nangyayari na Kanyang ipinapahintulot. Maaaring kakailanganin nila ang iwanan ang isang gawain na maaaring maghatid sa kanila ng kayamanan at karangalan, upang iwan ang mga kinagigiliwan at kapakipakinabang na mga samahan, at humiwalay mula sa mga kasamahan, upang pumasok sa isang wari'y landas ng pagtanggi sa sarili, paghihirap, at pagsasakripisyo. Ang Dios ay may gawain para sa kanila upang gampanan; subalit ang isang buhay na maginhawa at ang impluwensya ng mga kaibigan at mga kamag-anak ay maaaring makahadlang sa pagpapalago ng mga likas na kailangan upang maisakatuparan. Tinatawagan Niya sila mula sa impluwensya at tulong ng tao, at inaakay sila upang madama ang pangangailangan ng Kanyang tulong, at upang sa Kanya lamang umasa, upang maipakita Niya ang Kanyang sarili sa kanila. Sino ang handa upang sa pagtawag ng Dios ay iwan ang mga minamahal na panukala at mga nakasanayang mga kasamahan? Sino ang tatanggap ng mga bagong tungkulin at papasok sa mga di pa nasusubok na mga gawain, upang isagawa ang gawain ng Dios na may matatag at nahahandang puso, alang-alang kay Kristo na ibinibilang ang kanyang mga naiwawala bilang mga pakinabang? Siya na gagawa ng ganito ay may pananampalataya ni Abraham, at makakabahagi niya sa “lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan,” na doon “ang pagtitis sa panahong ito'y hindi karapat-dapat maitumbas.” 2 Corinto 4:17; Roma 8:18.MPMP 145.1

    Ang tawag mula sa langit ay unang dumating kay Abraham samantalang siya ay naninirahan sa “Ur ng mga Caldeo” at sa pagsunod doon siya ay nagtungo sa Haran. Hanggang doon ang sambahayan ng kanyang ama ay sumama sa kanya, sapagkat sa kanilang pagsamba sa diyus-diyusan ay iniuugnay nila ang pagsamba sa Dios na totoo. Si Abraham ay nanatili dito hanggang sa pagkamatay ni Thare. Subalit mula sa libingan ng kanyang ama ay pinagsabihan siya ng banal na Tinig upang sumulong. Ang kanyang kapatid na si Nahor at ang kanyang sambahayan ay nanatili sa kanilang tahanan at kanilang mga diyus-diyusan. Liban kay Sarai, na asawa ni Abraham. Si Lot lamang, ang anak ng matagal nang namatay na si Haran, ang pumili upang makasama sa buhay manlalakbay ng patriarka. Gano'n pa man isa iyong malaking grupo na umalis mula sa Mesopotamia. Si Abraham ay marami nang alagang mga ibon at hayop, mga kayamanan ng Silangan, at siya ay napapaligiran ng maraming bilang ng mga katulong at mga tagasunod. Siya ay umaalis mula sa lupain ng kanyang mga magulang, di na kailan man magbabalik, at dinala ang lahat ng ari-arian niya, “lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran.” Kabilang dito ang maraming pinangungunahan ng higit sa makasariling interes at paglilingkod. Sa panahon ng kanilang paninirahan sa Haran, kapwa si Abraham at si Sara; ay may mga naakay upang sumamba at maglingkod sa tunay na Dios. Iniugnay ng mga ito ang kanilang sarili sa sambahayan ni Abraham, at sinamahan siya tungo sa lupang pangako. “At nagsialis upang pasa lupain ng Canaan at dumating sa lupain ng Canaan.”MPMP 145.2

    Ang lugar na una nilang tinigilan ay Sichem sa lilim ng mga encina ng More, sa isang malapad, na madamong lambak, na may tanim na mga olibo at lumalagaslas na mga batis, sa pagitan ng Bundok Ebal sa isang panig at bundok ng Gerizim sa kabilang panig, inilagay ni Abraham ang kanilang kampamento. Yaon ay isang mainam at magandang lugar na napasok ng patriarka—“lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal ng kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok; lupain ng trigo at ng sebada at ng puno ng ubas at ng mga puno ng igos, at ng mga granada; lupain ng mga puno ng olibo at ng pulot.” Deuteronomio 8:7, 8. Subalit sa sumasamba kay Jehova, ay may isang mabigat na aninong nakakadilim sa mga kakahuyan at mabungang kapatagan. “At noo'y nasa lupaing yaon ang Cananeo.” Narating ni Abraham ang mithiin ng kanyang pag-asang makita ng isang lugar na tinitirahan ng di kilalang lahi at may laganap na pagsamba sa diyus-diyusan. Sa mga kakahuyan ay may mga altar ng mga huwad na diyos, at ang mga taong hain ay iniaalay sa mga kalapit na mga bundok. Samantalang siya ay nanghahawak sa banal na pangako, di nawalan ng mga nakasisindak na babala na itinayo niya na ang kanyang tolda. “At napakita ang Panginoon kay Abram at nagsabi, Sa iyong lahi ay ibibigay ko ang lupaing ito.” Ang kanyang pananampalataya ay pinatibay ng kasiguruhang ito na ang banal na pakikisama ay kasama niya, siya ay hindi iniwanan sa habag ng mga masasama. “At siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na nagpakita sa kanya.” Isa pa ring manlalakbay, pagdaka ay lumipat siya sa isang lugar na malapit sa Bethel, at muli ay nagtayo ng altar, at tumawag sa pangalan ng Panginoon.MPMP 146.1

    Si Abraham, ang “kaibigan ng Dios,” ay naglahad sa atin ng isang magandang halimbawa. Nasa kanya ang isang buhay na mapa- nalanginin. Saan man siya magtayo ng kanyang tolda, sa malapit doon ay itinatayo ang isang altar, tinatawagan ang lahat ng nasa kanyang kampamento sa umaga at sa gabi sa pag-aalay ng hain. Sa pag-aalis ng kanyang tolda, ang altar ay naiiwan. Sa mga sumunod na mga taon, mayroong lumilibot na mga Cananeo na tumanggap ng aral mula kay Abraham; at sa tuwing ang sinuman sa mga ito ay makarating sa altar na iyon, alam niya kung sino ang nanggaling doon na nauna sa kanya; at kapag siya ay nakapagtayo na ng kanyang tolda, inaayos niya ang altar, at doon ay sumasamba sa Dios na buhay.MPMP 147.1

    Si Abraham ay patuloy na naglakbay tungo sa timog, at muli ang kanyang pananampalataya ay sinubok. Kinimkim ng mga langit ang kanilang ulan. Ang mga batis ay tumigil sa pag-agos sa mga libis, at ang mga damo sa mga kapatagan ay nangatuyo. Ang mga ibon at mga alagang hayop ay walang masumpungang lugar na mapag- papastulan, at ang pagkagutom ay nagbabanta sa buong kampamento. Hindi ba tinanong na ngayon ng patriarka ang pagpatnubay ng Dios? Hindi ba niya ninasang tumingin sa kasaganaan ng mga kapatagan ng mga Caldeo? Ang lahat ay matamang naghihintay kung ano ang gagawin ni Abraham, samantalang ang suliranin sa suliranin ay nag- dadatingan sa kanya. Samantalang ang kanyang pagtitiwala ay di nakikilos, kanilang nadadama na mayroong pag-asa; sila ay nakatitiyak na ang Dios ay kanyang Kaibigan, at Siya ay pumapatnubay pa rin sa kanya.MPMP 147.2

    Hindi maipaliwanag ni Abraham ang pagpatnubay ng Dios; hindi niya nakamtan ang kanyang inaasahan; subalit siya ay nanghawak sa pangako, “Ikaw ay Aking pagpapalain, at padadakilain Ko ang iyong pangalan; at ikaw ay magiging isang kapalaran.” May taimtim na pananalangin na pinag-isipan niya kung papaano maiingatan ang buhay ng kanyang mga tao at mga alagang hayop, subalit hindi niya pahihintulutang ang mga pangyayari'y makayanig sa kanyang pananampalataya sa salita ng Dios. Upang maiwasan ang taggutom siya ay bumaba sa Ehipto. Hindi niya iwinaksi ang Canaan, o sa kagipitan man ay bumalik sa lupain ng mga Caldeo na kanilang pinanggalingan, na kung saan ay walang kakulangan sa pagkain; subalit siya ay humanap ng isang pansamantalang mapagkukublihan na hangga't maaari ay malapit sa Lupang Pangako, na pinapanukalang bumalik kung saan siya inilagay ng Dios.MPMP 147.3

    Sa banal na pagpatnubay ng Panginoon ang pagsubok na ito ay pinarating kay Abraham upang siya ay turuan ng pagpapasakop, pagtitiis, at pananampalataya—mga liksiong maitatala para sa kapa- kinabangan ng mga matatawagan upang magtiis sa kalungkutan. Inaakay ng Dios ang Kanyang mga anak sa isang daan na hindi nila nalalaman, subalit hindi Niya kinalilimutan o iwinawaksi yaong mga naglalagay ng kanilang pagtitiwala sa Kanya. Pinahintulutan Niyang dumating ang kalungkutan kay Job, subalit hindi Niya siya pinabayaan. Pinahintulutan Niyang ang minamahal na si Juan ay mapatapon sa malungkot na Patmos, subalit ang Anak ng Dios ay nakipagtagpo sa kanya doon, at ang kanyang mga pangitain ay napuno ng mga larawan ng walang hanggang kaluwalhatian. Pinahihintulutan ng Dios na ang mga pagsubok ay dumating sa Kanyang bayan, upang sa pamamagitan ng kanilang pagtatapat at pagiging masunurin sila rin ay lumago sa espirituwalidad, at upang ang kanilang halimbawa ay maging halimbawa ng lakas para sa iba. “Nalalaman ko ang mga pag-iisip na Aking iniisip sa inyo, sabi ng Panginoon, mga pag-iisip tungkol sa kapayapaan, at hindi tungkol sa kasamaan.” Jeremias 29:11. Yaon ding mga pagsubok na lubos na nagpapabigat sa ating pananampalataya at nagagawang tila iniwan na tayo ng Dios, ang kinakailangang mag-akay sa atin sa higit na paglapit kay Kristo, upang ating mailagak ang ating mga pasanin sa Kanyang paanan at danasin ang kapayapaan na ibinibigay Niya sa atin kapalit noon.MPMP 148.1

    Palaging sinusubok ng Dios ang Kanyang bayan sa apoy ng kahirapan. Sa init ng apoy inihihiwalay ang dumi mula sa tunay na ginto ng likas ng isang Kristiano. Tinitingnan ni Jesus ang pagsubok; alam Niya kung ano ang kailangan upang dalisayin ang mahalagang hiyas, upang maisinag noon ang ningning ng Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng mahigpit, na pagsubok dinidisiplina ng Dios ang Kanyang mga lingkod. Nakikita Niyang ang iba ay mayroong mga kapangyarihang maaaring magamit sa pagpapasulong ng Kanyang gawain, at inilalagay Niya ang mga taong ito sa pagsubok; sa Kanyang pagpatnubay inilalagay Niya sila sa katayuang makasusubok sa kanilang likas at makapagpapahayag ng kanilang pagkukulang at mga kahinaan na nakakubli mula sa sarili nilang kaalaman. Binibigyan Niya sila ng pagkakataong mabago ang mga kasiraang ito at upang mahanda sila sa paglilingkod sa Kanya. Ipinakikita Niya sa kanila ang sarili nilang kahinaan, at tinuturuan sila upang manalig sa Kanya; sapagkat Siya lamang ang tangi nilang saklolo at pananggalang. Sa gano'ng paraan ang kanyang layunin ay nakakamit. Sila ay natuturuan, nasasanay, at nadidisiplina, inihanda upang gampanan ang dakilang layunin ng pagkakabigay sa kanila ng kanilang mga kapangyarihan. Sa pagtawag sa kanila ng Dios upang kumilos, sila ay handa, at ang mga makalangit na mga anghel ay maaaring makasama nila sa gawaing kinakailangang magampanan sa lupa.MPMP 148.2

    Sa panahon ng kanyang paninirahan sa Ehipto, si Abraham ay nagbigay ng katdbayan na siya ay hindi ligtas mula sa kahinaan at pagkukulang ng tao. Sa di pagpapahayag na si Sara ay kanyang asawa, ay naghayag siya ng di pagtitiwala sa banal na pangangalaga, isang kakulangan ng gano'n katayog na pananampalataya at lakas ng loob na malimit at marangal na nabibigyang halimbawa sa kanyang buhay. Si Sara ay maganda, at hindi siya nawalan ng agam-agam na ang mga Ehipcio ay magkakagusto sa magandang dayuhan, at upang siya lamang ay makuha, sila ay hindi mag-aatubiling patayin ang kanyang asawa. Inisip niyang siya ay di nagsisinungaling sa pagsasabing si Sara ay kanyang kapatid, sapagkat siya ay anak ng kanyang ama, bagaman hindi ng kanyang ina. Subalit ang ganitong pagkukubli ng tunay na relasyon nilang dalawa ay isang panlilinlang. Walang anomang paghiwalay sa ganap na katotohanan ang maaaring sang- ayunan ng Dios. Dahilan sa kakulangan ni Abraham ng pananampalataya, si Sara ay nalagay sa isang malaking panganib. Ang hari ng Ehipto, na nabigyan ng kaalaman tungkol sa kanyang kagandahan, ay ipinakuha siya upang madala sa kanyang palasyo, upang maging asawa niya. Subalit ang Panginoon, sa kadakilaan ng Kanyang awa, ay iningatan si Sara sa pamamagitan ng pagpapadala ng salot sa sambahayan ng hari. Sa pamamagitan nito ay nalaman ng hari ang katotohanan ng mga pangyayari, at, sa galit sa panlilinlang sa kanya, ay sinumbatan niya si Abraham at ibinalik ang kanyang asawa, na sinasabi, “Ano itong ginawa mo sa akin?.... Bakit sinabi mong, Siya'y iyong kapatid? na ano pa't siya'y aking kinuha upang maging asawa. Ngayon nga'y nariyan ang iyong asawa; siya'y kunin mo at yumaon ka.”MPMP 149.1

    Si Abraham ay lubos na kinaluguran ng hari; hanggang sa mga sandaling ito ay hindi maipapahintulot ni Paraon na siya o ang kanyang kasamahan ay masaktan, subalit nagsugo ng isang taga- pagbantay upang ligtas na maihatid sila papalabas sa kanyang nasasakupan. Sa panahong ito ay may ginawang mga batas na nagbabawal sa mga Ehipcio upang makisalamuha sa mga dayuhang pastol sa anomang paraang makakasanayan tulad ng pagkain o pag- inom na kasama nila. Ang pagpapaalis ni Paraon kay Abraham ay may kabaitan, subalit pinaalis niya siya mula sa Ehipto, sapagkat hindi niya maipapahintulot na siya ay manatili. Walang halos kamalayang sinaktan na niya siya ng lubha, subalit ang Dios ay namagitan, at iniligtas ang hari mula sa paggawa ng isang gano'ng kalaking kasalanan. Nakita ni Paraon sa dayuhang ito ang isang taong pinararangalan ng Dios ng langit, at kinatakutan niya ang pagkakaroon sa kanyang kaharian ng isang gano'n na lamang ang pagpapahayag ng kaluguran ng Dios. Kung si Abraham ay mananatili sa Ehipto, ang kanyang lumalagong kayamanan at karangalan ay maaaring maging sanhi ng inggit o pang-aangkin ng mga Ehipcio, at siya ay saktan, na doon ang hari ay maaaring managot, na sa pamamagitan noon ay muling magkaroon ng salot sa palasyo.MPMP 150.1

    Ang babalang ibinigay kay Paraon ay patunay na naging sanggalang ni Abraham pagkalipas ng naging pakikitungo ni Abraham sa mga di kumikilala Dios; sapagkat ang gano'n ay di maaaring maging lihim, at nahayag ang Dios na sinasamba ni Abraham ay nag-iingat sa Kanyang lingkod, at anumang gawing pananakit sa kanya ay ga- gantihan. Isang mapanganib na bagay ay gawan ng mali ang isa sa mga anak ng Hari ng kalangitan. Binigyang pansin ng mang-aawit ang yugtong ito ng karanasan ni Abraham ng kanyang sabihin, sa pagsasalita tungkol sa piniling bayan ng Dios, “Kanyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila; na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran Ko ng langis, at huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta Ko.” Awit 105:14, 15.MPMP 150.2

    May isang kapana-panabik na paghalintulad ng karanasan ni Abraham sa Ehipto at ng kanyang lahi, pagkalipas ng ilang siglong darating. Kapwa nagtungo sa Ehipto dahil sa tag-gutom, at kapwa nanirahan doon. Sa pagpapahayag ng kahatulan ng Dios para sa kapakanan nila, ang takot sa kanila ay napasa mga taga Ehipto; at, dala ang mga maraming kaloob ng mga hindi naniniwala sa Dios, sila ay lumabas na may saganang kayamanan.MPMP 151.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents