Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Mga Araw ng Paggawa at Pagsubok

    Sa loob ng mahigit sa tatlong taon ang Efeso ang naging sentro ng paggawa ni Pablo. Isang malagong iglesia ang natatag doon, at mula sa siyudad na ito ay lumaganap ang ebanghelyo sa buong probinsya ng Asia, sa mga Judio at Gentil man.AGA 222.1

    Sa panahong ito ay iniisip na ng apostol ang magsagawa ng bagong paglalakbay misyonero. “Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ay ipinasiya ni Pablo sa espiritu, nang matahak na niya ang Macedonia at ang Acaya, na pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko naman ang Roma.” “At nang maisugo ang dalawa na nagsisipaglingkod sa kanya, na si Timoteo at si Erastom;” ngunit sa pagkadama na kailangan pa rin siya sa Efeso, pinanukala niyang manatili doon hanggang matapos ang Pentecostes. Ngunit isang pangyayari ang naganap na nagpadali sa kanyang pagalis.AGA 222.2

    Minsan sa isang taon, mga tanging seremonya sa karangalan ni diyosa Diana ay ginaganap sa Efeso. Ito ay umaakit ng maraming tao mula sa lahat ng bahagi ng probinsya. Sa buong panahong ito, ang mga pagdiriwang ay buong karangyaan at kagandahan.AGA 222.3

    Ang tanging panahong ito ay tunay na pagsubok sa mga bagong hikayat. Ang pulutong ng mananampalatayang nagtitipon sa paaralan ni Tirano ay kakaibang nota sa tugtugin ng pagdiriwang, at malayang tuya, paglibak, at alimura ang ipinukol sa kanila. Ang mga paggawa ni Pablo ay nagbigay ng matinding dagok sa pagsambang pagano, at bilang bunga ay napansin na nababawasan ng mga dumadalo sa mga pagdiriwang, at sa sigasig ng mga sumasamba. Ang impluwensya ng kanyang pagtuturo ay naglagos sa kabila ng mga nahikayat na. Maraming palihim na tumanggap sa mga doktrina ay naliwanagan upang mawalan ng tiwala sa kanilang mga diyos na pagano.AGA 222.4

    Mayroon pang isang dahilan ng kawalang kasiyahan. Isang malawakan at pagkakakitaang negosyo ay naitatag sa Efeso mula sa paggawa at pagbibili ng maliliit na imahen at groto, na modelo ng templo at larawan ni Diana. Silang kasangkot sa industriyang ito ay nakasumpong ng pagliit ng kanilang kita, at lahat ay nagkakaisa sa isipang ang dahilan nito ay ang paggawa ni Pablo.AGA 222.5

    Si Demetrio, tagagawa ng mga pilak na groto, ay tumawag ng lahat ng mga katulad niya, at nagwika: “Mga ginoo, alam ninyo kung paanong sa pamamagitan ng ating gawain ay kumikita tayo. Gayundin ay inyong napakinggan at nakita na hindi lamang dito sa Efeso kundi halos sa buong Asia, na ang Pablong ito ay humikayat at naglayo ng maraming tao, sa pagsasabing sa katutubo ay hindi diyos ang mga gawa ng kamay. Hindi lamang nanganganib ang hanapbuhay na ito, kundi ang templo ng dakilang diyosang Diana ay mawawalan ng halaga, hanggang mailugso ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong Asia at ng sanlibutan.” Ang mga salitang ito ay nagpasiklab sa bayan. “At nangapuno sila ng galit, at nangagsigawan, na nagsipagsabi, Dakila ang Diana ng mga taga Efeso.”AGA 223.1

    Ang ulat ng pagsasalitang ito ay mabilis na kumalat. “Ang buong bayan ay nagkagulo.” Hinanap si Pablo, ngunit hindi ito matagpuan. Ang kapatiran, sa pagkadama ng panganib ay mabilis siyang pinaalis. Mga anghel ng Dios ay isinugo upang magbantay sa apostol; ang kanyang oras upang maging martir ay hindi pa dumarating.AGA 223.2

    Nang hindi matagpuan ang kanilang kinagagalitan, ang karamihan ay “sinunggaban si Gaio at Aristarco, mga lalaki ng Macedonia, mga kasama ni Pablo sa paglalakbay,” at kasama ang mga ito ay “nagmadali silang nagtungo sa dulaan.”AGA 223.3

    Ang pinagtaguan ni Pablo ay hindi kalayuan, at naalaman niya ang panganib ng kanyang mga mahal na kapatid. Hindi inalintana ang sariling panganib, ninais niyang agad magtungo sa dulaan upang magsalita sa mga karamihang nagkakagulo. Ngunit “hindi siya pinahintulutan ng mga alagad.” Si Gaio at Aristarco ay hindi siyang nais dakpin ng mga tao; walang iniisip na pinsala sa kanila. Ngunit kapag nakita ang maputla at bagabag na mukha ng apostol, ito ay magbabangon ng pinakamasamang damdamin at walang posibilidad na maililigtas ang kanyang buhay.AGA 223.4

    Si Pablo ay masigasig pa ring ipagtanggol ang katotohanan sa karamihan; ngunit sa wakas ay napahinuhod ng isang balitang babala mula sa dulaan. “At ang ilan din naman sa mga puno sa Asia, palibhasa’y kanyang mga kaibigan, ay nagpasugo sa kanya at siya’y pinakiusapang huwag siyang pumaroon sa dulaan.”AGA 223.5

    Ang kaguluhan sa dulaan ay lumalala. “At ang iba nga’y sumisigaw ng isang bagay, at ang iba’y iba naman: sapagkat ang pulong ay nasa kaguluhan; at hindi maalaman ng karamihan kung bakit sila nagkakatipon.” Ang katunayang si Pablo at mga kasama ay mga Hebreo, ang mga Judio ay masigasig na ipakilalang hindi sila kaayon nila at ng kanilang gawain. Kung kaya’t pinaharap nila ang isa sa kanila upang maglahad ng bagay na ito sa bayan. Pinili nila si Alejandro, isang panday-tanso, na binanggit ni Pablo na gumawa sa kanya ng malaking kasamaan. 2 Timoteo 4:14. Si Alejandro ay lalaking may kakayahan, at ginamit niya ang buong lakas upang itulak ang galit ng bayan laban kay Pablo at mga kasama niya. Ngunit nang maalaman ng bayang ito na si Alejandro ay isa ring Judio ay hindi ito pinansin; at sa “loob ng dalawang oras ay nagsigawan ang bayan, Dakila si Diana ng mga taga Efeso.”AGA 224.1

    Sa wakas, dala ng pagod, sila ay tumigil, at pansamantalang nagkaroon ng katahimikan. At ang kalihim-bayan, sa bisa ng kanyang tungkulin ay nangasiwa sa isang pag-uusapan. Hinarap niya ang’bayan at sinabing walang dahilan upang magkagulo. Nanawagan siya sa kanilang katinuan. “Kayong mga lalaking taga Efeso,” kanyang sinabi, “sino sa mga tao ang hindi nakaaalam na ang bayan ng mga Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang Diana, at ng larawang nahulog mula kay Jupiter? Yamang hindi nga inaikakaila ang bagay na ito, ay dapat kayong magsitahimik, at huwag magsigawa ng anumang bagay na madalian. Sapagkat dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga manloloob sa templo, ni mga mamumusong man sa ating diyosa. Kung si Demetrio nga, at ang mga panday na kasama niya, ay mayroong anumang sakdal laban sa kaninuman, ay bukas ang mga hukuman, at may mga prokonsul: bayaan ninyong mangagsakdal ang isa’t isa. Datapuwat kung may inuusig kayo sa ano pa mang ibang bagay, ay mahahatulan sa karaniwang kapulungan. Sapagkat totoong nanganganib tayo na mangasakdal tungkol sa pagkakagulo sa araw na ito, palibhasa’y walang anumang kadahilanan, at tungkol dito ay hindi tayo makapagbibigay sulit tungkol sa pagkakatipong ito. At nang siya’y makapagsalitang gayon, ay pinaalis niya ang kapulungan.” Sa kanyang pagsasalita ay binanggit ni Demetrio na “Ang ating hanapbuhay ay nanganganib.” Ito ang naglantad ng tunay na dahilan ng kaguluhan sa Efeso, at dahilan din ng pag-uusig na sumunod sa paggawa ng mga apostol. Nakita ni Demetrio at mga kasama na sa pagtuturo at paglaganap ng pabalita ng ebanghelyo ang negosyo ng paggawa ng mga rebulto at imahen ay nanganganib. Ang kita ng mga paganong saserdote at mga pintor ay nanganganib; at dahilan dito ay ibinangon nila ang pinakamahigpit na pagsalungat laban kay Pablo.AGA 224.2

    Ang pasiya ng kalihim-bayan at ng iba pang may tungkulin sa siyudad ay nagpakita sa bayang si Pablo ay walang nilalabag na batas. Ito ay isa pang tagumpay ng Kristianismo sa kamalian at pamahiin. Ang Dios ay nagbangon ng isang dakilang mahistrado upang ibangon ang puri ng apostol at pigilan ang karamihan sa walang katarungang kaguluhan. Ang puso ni Pablo ay napuno ng pagpapasalamat sa Dios na ang kanyang buhay ay naingatan, at ang Kristianismo ay di nalagay sa kahihiyan sa Efeso.AGA 225.1

    “At pagkatapos na mapatigil ang kaguluhan, nang maipatawag na ni Pablo ang mga alagad, at sila’y mapangaralan, ay nagpaalam sa kanila, at umalis upang pumaroon sa Macedonia.” Sa paglalakbay na ito ay sinamahan sila ng dalawang matapat na kaanib sa Efeso, si Tiquico at Trofimo.AGA 225.2

    Ang paggawa ni Pablo sa Efeso ay nagwakas. Ang paglilingkod niya roon ay panahon ng walang patid na paggawa, ng maraming pagsubok, ng malalim na bagabag. Tinuruan niya ang mga tao sa publiko at sa mga bahay, at kasama ng maraming luha ay nagturo siya at nagbigay babala. Patuloy na siya ay kinalaban ng mga Judio, na hindi nagpalagpas ng pagkakataong gumawa ng kaguluhan laban sa kanila.AGA 225.3

    Habang nakikipaglaban, nagpapatuloy sa walang pagod na sigasig sa gawain ng ebanghelyo, at nagbabantay sa kapakanan ng batang iglesia sa pananampalataya, si Pablo ay nagtaglay sa kanyang puso ng mabigat na pasanin para sa lahat ng iglesia.AGA 225.4

    Mga balita ng pagtalikod sa ilang iglesiang itinatag niya ay nagbigay ng matinding kapanglawan. Nangamba siyang ang mga pagsisikap niya ay mawalang kabuluhan. Maraming gabing hindi mapagkatulog ay ginugol niya sa pananalangin at masikap na pag-iisip ng mga paraang ginagamit upang labanan ang kanyang paggawa. Sa pagkakataong kaloob sa kanya at ayon sa pangangailangan, sumulat siya sa mga iglesia, nagbigay sansala, payo, pakiusap, at pampasigla. Sa mga liham na ito ang apostol ay hindi naglumagi sa kanyang mga sariling paghihirap, gayunman ay mga paminsan-minsang pagbanggit tungkol sa pagdurusa niya sa gawain ni Kristo. Mga latay at pagkabilanggo, lamig at uhaw at gutom, panganib sa lupa at dagat, sa siyudad at sa ilang, mula sa sariling kababayan, mula sa mga Gentil, at mga huwad na kapatid—lahat ng ito ay tiniis niya alang-alang sa ebanghelyo. Siya ay “pinahiya,” “inalisan ng karangalan,” “nilibak at itinatwa,” “nagulumihanan,” “pinag-usig,” “binagabag sa lahat ng dako,” “nasa lahat ng uri ng panganib sa bawat oras,” “laging nasa banta ng kamatayan alang-alang kay Jesus.”AGA 225.5

    Sa gitna ng patuloy na bagyo ng pagsalungat, ng mga ligalig ng mga kaaway, at paglayo ng mga kaibigan ang apostol na hindi kayang sindakin ay halos mabagbag ang puso. Ngunit sa pagbalik tingin sa Kalbaryo ay may bagong siglang nagpatuloy siya upang ikalat ang pagkakilala sa Ipinako sa krus. Dinadaanan lamang niya ang landas na inagusan ng dugo ni Kristo na nauna sa kanya. Hindi niya hinangad ang makaalis sa pakikidigma hanggang sa maialay niya ang kanyang baluti sa paanan ng kanyang Manunubos.AGA 226.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents