Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Isang Pabalita ng Babala at Pakiusap

    Ang unang liham sa iglesia sa Corinto ay isinulat ni Pablo sa huling bahagi ng kanyang pananatili sa Efeso. Wala nang higit pang malalim na malasakit at walang pagod na pagsisikap para sa mga mananampalataya na ginawa si Pablo liban sa mga taga Corinto. Sa loob ng isang taon at kalahati ay gumawa siyang kasama nila, na itinuro sila sa isang Tagapagligtas na ipinako at nabuhay na muli bilang tanging paraan ng kaligtasan, at pinasigla silang lubusan at tiyakang umasa sa kapangyarihan ng Kanyang biyayang nagpapabago. Bago tanggapin sa kapadran ng iglesia silang nag-aangkin ng pagiging Kristiano, naging maingat siyang bigyan sila ng tanging instruksyon tungkol sa mga karapatan at kapanagutan ng mananampalatayang Kristiano; at masikap na gumawa siya upang tulungan silang maging tapat sa panata ng bautismo.AGA 227.1

    Si Pablo ay may matalas na pagkaalam sa mga pakikibakang kakaharapin ng mananampalataya laban sa mga ahensya ng kasamaan na patuloy na gagawa upang mandaya at magpatibong, at walang pagod siyang gumawa upang mapalakas at mapagtibay silang mga bata pa sa pananampalataya. Nagsumamo siya sa lubusang pagpapasakop ng sarili sa Dios; sapagkat alam niyang kapag ang tao ay hindi nakaranas nito, ang kasalanan ay di tunay na naiwawaksi, ang mga panlasa at mga damdamin ay mangingibabaw pa rin, at mga tukso ay babagabag sa konsiyensya.AGA 227.2

    Ang pagpapasakop ay dapat na maging ganap. Bawat mahina, nagaalinlangan, at nakikipagpunyaging kaluluwang lubusang susuko sa Panginoon, ay nalalagay sa tuwirang kaugnayan sa mga ahensyang magbibigay kakayahan sa kanya upang managumpay. Ang langit ay malapit sa kanya, at nasa kanya ang suporta at tulong ng mga anghel ng kahabagan sa bawat pagsubok at pangangailangan.AGA 227.3

    Ang mga kaanib ng iglesia sa Corinto ay napapalibutan ng idolatriya at kalaswaan sa pinakakaakit-akit na porma. Nang ang apostol ay kasama pa nila, ang mga impluwensyang ito ay halos walang kapangyarihan sa kanila. Ang matatag na pananampalataya ni Pablo, ang kanyang maningas na panalangin at masikap na mga salita ng turo, at higit sa lahat, ang banal na kabuhayan ang tumulong sa kanila na tanggihan ang sarili para kay Kristo, sa halip na magtamasa ng mga kalayawan ng kasalanan.AGA 227.4

    Ngunit nang makaalis na si Pablo, bumangon ang mga kalagayang hindi mainam; ang mga panirang damong itinanim ng kaaway ay lumagong kasama ng trigo, at di nagtagal ay nagkaroon ito ng mga bunga. Ito ay naging panahon ng mahigpit na pagsubok sa iglesia sa Corinto. Ang apostol ay hindi na nila kasama upang magbigay buhay sa kanilang sigasig at tumulong sa kanilang mabuhay katugma ng Dios, at unti-unti na marami ang naging walang ingat at walang bahala, at pinabayaang ang mga katutubong panlasa at hilig ang makapangyari sa kanila. Siya na madalas magpayo sa kanila ukol sa mataas na pamantayan ng kadalisayan at pagiging matuwid, ay hindi na nila kasama. Hindi kakaunti ang sa panahon ng pagkahiyat ay nagwaksi ng kanilang mga masasamang ugali ang nagbalik sa mga nagpapababang gawa ng paganismo.AGA 228.1

    Si Pablo ay lumiham sa iglesia, sa pagpapayong “huwag makisama” sa kanilang magpapatuloy sa masamang kabuhayan; ngunit marami sa mananampalataya ang nagpasama sa payo ng apostol, pinilipit ang kanyang mga salita, at nagdahilan sa sarili sa hindi pagpansin sa turo.AGA 228.2

    Isang liham ang ipinadala ng iglesia kay Pablo na humihingi ng payo tungkol sa iba’t ibang bagay, ngunit hindi nagbanggit ng mga malalang kasalanang natatagpuan sa gitna nila. Ngunit ang apostol ay malakas na inudyukan ng Banal na Espiritu tungkol sa tunay na kalagayan ng iglesia na kanilang inilihim, at ang liham nila ay pagsisikap upang makakuha sa kanya ng mga pangungusap na magagamit nila sa sariling adhikain.AGA 228.3

    Sa panahong ito ay dumating sa Efeso ang sambahayan ni Cloe, isang pamilyang mataas ang karangalan sa Corinto. Nagtanong si Pablo sa kanila tungkol sa kalagayan ng mga bagay-bagay, at dito ay nalaman ni Pablo ang pagkakabahagi ng iglesia. Ang mga alitang namayani sa panahon ni Apolos ay lumala. Mga bulaang guro ang nangunguna sa mga kaanib na aglahiin ang mga turo ni Pablo. Ang mga doktrina at ordinansa ng ebanghelyo ay pinasama. Pagmamataas, idolatriya, at kalaswaan ay patuloy na lumalaganap sa gitna nilang dati ay masigasig sa buhay Kristiano.AGA 228.4

    Sa paglalarawan kay Pablo ng mga bagay na ito, ang pinakamasaklap na pangamba niya ay napatotohanan. Ngunit hindi niya inisip na naging bigo na ang kanyang gawain dahilan dito. “May paghihirap ng puso” at “maraming luha” na humingi siya ng payo mula sa Dios. Sana ay magalak na nais niyang dalawing muli ang Corinto, kung ito ang pinakamabuting gawin. Ngunit alam niyang ang kasalukuyang kalagayan ng mga kapatid ay hindi magpapahintulot nito, at sa halip ay isinugo niya si Tito upang ihanda ang daan sa muling pagdalaw niya dito. At sa paglalagay sa isang tabi ng kanyang mga personal na damdamin sa mga masamang pangyayaring naganap, at sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa Dios, ang apostol ay nagpadala sa iglesia ng Corinto ng isa sa pinakamayaman, puno ng aral, pinakamakapangyarihang liham na kanyang naisulat.AGA 229.1

    May kahanga-hangang linaw na kanyang tinugon ang mga katanungang galing sa iglesia, at inilahad ang mga pangkalahatang simulaing, kung, susundin, ay aakay sa lalong mataas na kalagayang espirituwal. Sila ay nasa panganib, at hindi niya matagalan ang isipang siya ay magkulang sa maselan na panahong ito na maabot ang kanilang mga puso. Matapat na nagbabala siya sa kanila sa mga panganib at nagsansala sa kanilang mga kasalanan. Muli ay itinuro niya sila kay Kristo at sinikap na muling sindihan ang ningas ng kanilang unang pagtatalaga.AGA 229.2

    Ang dakilang pag-ibig ni Pablo sa mga mananampalataya sa Corinto ay nahayag sa kanyang mairuging pagbati sa iglesia. Binanggit niya ang kanilang karanasan ng pagtalikod sa mga diyus-diyusan upang sumamba at maglingkod sa tunay na Dios. Pinaalalahanan niya sila tungkol sa mga kaloob ng Banal na Espiritu na kanilang tinanggap, at ipinakita ang karapatan nila upang patuloy na magpalago sa karanasang Kristiano hanggang sa makamtan nila ang kadalisayan at kabanalan ni Kristo. “Sa lahat ng bagay ay pinayaman kayo sa Kanya,” kanyang sinulat, “sa pananalita, at kaalaman; upang ang patotoo ni Kristo ay mapatibay sa inyo: upang kayo ay di magkulang sa anumang kaloob; sa paghihintay sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo: na Siyang magpapatibay sa inyo hanggang sa wakas, upang kayo ay maging walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.”AGA 229.3

    Malinaw na binanggit ni Pablo ang alitang bumangon sa iglesia sa Corinto, at nakiusap sa mga kaanib na tumigil na sa pag-aaway. “Ipinamamanhik ko sa inyo,” kanyang sinulat, “sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magsalita kayong lahat ng iisang bagay lamang, upang maalis ang pagkakabahagi sa gitna ninyo; kundi kayo ay maging sakdal na magkakasama sa isang isipan at sa isang paghatol.” Naisip ng apostol na banggitin kung paano at kanino niya naalaman ang mga alitan sa iglesia. “Naipahayag sa akin mga kapatid, nilang sambahayan ni Cloe, na mayroong pagkakabahagi sa gitna ninyo.”AGA 229.4

    Si Pablo ay kinasihang apostol. Ang mga katotohanang itinuro niya sa iba ay kanyang tinanggap sa pamamagitan ng “pagpapahayag;” datapuwat hindi laging inihahayag sa kanya ng Dios ang kalagayan ng Kanyang bayan. Sa pagkakataong ito, silang may malasakit sa kasaganaan ng iglesia sa Corinto, at nakakita ng kasamaang pagapang na pumapasok, ang naghayag nito sa apostol, at mula sa mga banal na pagpapahayag na kanya nang tinanggap noong una ay handa siyang makitungo sa kalagayan ng ganitong mga pangyayari. Bagama’t hindi siya binigyan ng Panginoon ng bagong pagpapahayag sa tanging panahong iyon, silang tunay na naghahanap ng liwanag ay tumanggap ng kanyang pabalita bilang pagpapahayag ng isipan ni Kristo. Ipinakita sa kanya ng Panginoon ang mga kahirapan at panganib na babangon sa mga iglesia, at sa paglagong ito ng kasamaan, nakita ng apostol ang kahalagahan ng mga iyon. Nagpasiya siyang ipagtanggol ang kapakanan ng iglesia. Magbabantay siya sa mga tao katulad ng isang magsusulit sa Dios, at hindi baga marapat lamang na bigyan niyang pansin ang mga hidwaan at anarkiyang nasa gitna nila? Tunay; at ang mga sansalang ipinadala niya sa inspirasyon ng Espiritu ng Dios ay tulad ng iba niyang mga sulat.AGA 230.1

    Hindi binanggit ni Pablo ang mga bulaang guro na naghahangad na wasakin ang bunga ng kanyang paggawa. Dahilan sa kadiliman at pagkakabahagi sa iglesia, matalinong iniwasan niyang huwag silang pagalitin, upang ang ilan ay di lubos na maitaboy sa katotohanan. Binigyan niyang pansin ang sariling gawain bilang katulad ng isang “matalinong tagapagtayo,” na naglagay ng pundasyong pinagtayuan naman ng iba. Ngunit hindi niya itinaas ang sarili dahilan dito; sapagkat kanyang sinabi, “Tayo ay mga kamanggagawa ng Dios.” Hindi niya inangkin ang karunungang pansarili, kundi kinilala niyang ang karunungan ng Dios lamang ang nagbigay sa kanya ng kakayahang maituro ang katotohanan sa paraang nakalulugod sa Dios. Kaisa ni Kristo, ang pinakadakila sa lahat ng guro, si Pablo ay nakapagharap ng mga liksyong angkop sa lahat ng uri ng tao, sa lahat ng panahon, sa lahat ng dako, at lahat ng mga kondisyon.AGA 230.2

    Kabilang sa lalong malalang kasamaang lumaganap sa mga mananampalatayang taga Corinto, ay ang pagbalik nila sa nagpapababang gawa ng paganismo. May isang nahikayat na lubhang nagbalik sa malaswang buhay anupa’t kahit na sa sanlibutan ng mga Gentil ay hindi ito marapat. Namanhik ang apostol sa iglesia na ihiwalay sa gitna nila ang “masamang taong ito.” “Hindi baga ninyo alam,” wika niya, “na ang kaunting lebadura ay nagpapamaga sa buong limpak? Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo’y maging bagong limpak, na tulad sa kayo’y walang lebadura.”AGA 231.1

    Isa pang kasamaang bumangon sa iglesia ay ang paghahabla ng kapatid sa kapatid sa mga hukuman. May sapat na pamamaraang nailaan upang mag-ayos ng sigalutan ng magkakapatid. Si Kristo na rin ang nag-iwan ng maliwanag na tagubilin kung paanong ang mga ganitong bagay ay dapat ayusin. “Kung ang iyong kapatid ay magkasala laban sa iyo,” ang Tagapagligtas ay nagpayo, “lapitan mo siya at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakasala: kung pakikinggan ka niya, nailigtas mo ang iyong kapatid. Ngunit kung hindi siya makikinig sa iyo, magsama ka ng isa o dalawa pa, upang sa labi ng dalawa o tatlong saksi ang bawat salita ay matatag. At kung hindi siya makikinig sa kanila, dalhin ito sa iglesia: at kung hindi niya pakikinggan ang iglesia, ituring siyang isang Gentil at isang Publicano. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Anuman ang inyong talian dito sa lupa ay tatalian din naman sa langit: at anuman ang inyong pawalan dito sa lupa ay pawawalan din sa langit.” Mateo 18:15-18.AGA 231.2

    Sa mga mananampalataya sa Corinto na nakalimot sa payak na payong ito, si Pablo ay sumulat na tiyakan sa pagsansala at payo. “Nangangahas baga ang sinuman sa inyo,” kanyang sinabi, “kung mayroong anumang bagay laban sa iba, na siya’y magsakdal sa harapan ng mga liko, at hindi sa harapan ng mga banal? O hindi baga ninyo nalalamang ang mga banal ay magsisihatol sa sanlibutan? at kung ang sanlibutan ay hahatulan ninyo, hindi kaya dapat magsihatol kayo sa mga bagay na maliliit? Hindi baga ninyo nalalamang hahatulan natin ang mga anghel? gaano pa kaya ang mga bagay na nauukol sa buhay na ito? Kung kayo’y mayroong usapin sa mga bagay na nauukol sa buhay na ito, ilalagay baga ninyo upang magsihatol ang mga taong walang halaga sa iglesia? Sinasabi ko ito upang mangahiya kayo. Ano, diyata’t wala baga sa inyo na isa mang marunong na makapagpapayo sa kanyang mga kapatid? Kundi ang kapatid ay nakikipag-usapin laban sa kapatid, at ito’y sa harapan ng mga hindi nagsisisampalataya? Ngayon nga tunay na isang pagkukulang sa inyo ang kayo-kayo’y, magkaroon ng mga usapin. Bakit hindi bagkus ninyong tiisin ang mga kalikuan?.... Ngunit kayo rin ang nagsisigawa ng kalikuan, at nangagdaraya, at ito’y sa mga kapatid ninyo. Hindi baga ninyo nalalaman na ang liko ay hindi magmamana ng kaharian ng Dios?”AGA 231.3

    Si Satanas ay patuloy na nagpapasok ng kawalang tiwala, paglayo, at masamang hangad sa gitna ng bayan ng Dios. Madalas na tayo’y matutuksong ang ating mga karapatan ay pinanghihimasukan, bagama’t wala namang tunay na dahilan ukol dito. Silang ang pagibig sa sarili ay higit sa pag-ibig kay Kristo at sa Kanyang gawain, ay naglalagay ng mga sariling interes sa unahan at gagawa ng anumang kailangan upang ang mga ito ay mapangalagaan at mapanatili. Maging sa marami sa tingin ay matinong Kristiano ang nahahadlangan ng pagmamataas at pagpapahalaga sa sarili upang lapitan ang kapatid na nagkakamali, upang makausap sila sa diwa ni Kristo, at makapanalanging kasama nila. Kung mayroong kapatid na nasasaktan, sa halip na sundin ang patakaran ni Kristo, ang ilan ay nagtutungo sa mga hukuman.AGA 232.1

    Ang mga Kristiano ay di dapat humarap sa mga hukumang sibil upang mag-ayos ng hidwaan ng magkakapatid sa iglesia. Ang mga alitang ito ay maaaring sila na rin ang mag-ayos, o ang iglesia, ayon sa mga tagubilin ni Kristo. Kahit na iisiping may nagawang walang katarungan, ang tagasunod ng maamo at mababang Jesus ay magtitiis na “siya’y nadaya” sa halip na buksan sa sanlibutan ang mga kasalanan ng kapatid sa iglesia.AGA 232.2

    Ang demandahan sa pagitan ng magkakapatid ay kahihiyan sa gawain ng katotohanan. Ang mga Kristiano na tutungo sa mga hukuman laban sa kapatid ay naglalantad sa iglesia sa pagtuya ng mga kaaway at nagbibigay tagumpay sa kapangyarihan ng kadiliman. Panibagong sinusugatan nila si Kristo, at inilalantad Siya sa kahihiyan. Sa pagwawalang bahala sa otoridad ng iglesia, kanilang iniismiran ang Dios, na Siyang nagbigay ng otoridad sa iglesia.AGA 232.3

    Sa kanyang pagsulat sa Corinto, sinikap ni Pablo na ipakita sa kanila ang kapangyarihan ni Kristo na mag-ingat sa kanila sa kasamaan. Alam niyang kung sila lamang ay susunod sa mga kondisyong nailahad, sila ay magiging malakas sa Makapangyarihan. Bilang paraan ng pagpapalaya sa kanila sa pagkaalipin ng kasalanan at tungo sa kasak-dalan ng kabanalan sa pagkatakot sa Panginoon, si Pablo ay nagmungkahi sa kanila ng pag-aangkin Niya sa kanilang mga buhay na natatalaga sa panahon ng kanilang pagkahikayat. “Kayo ay kay Kristo.... Kayo ay binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ang Dios sa inyong katawan, at sa inyong espiritu, na pag-aari ng Dios.” Malinaw na inihanay ng apostol ang bunga ng pagtalikod sa buhay ng kadalisayan at kabanalan tungo sa masasamang gawa ng paganismo. “Huwag kayong padaya,” kanyang sinulat; “kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya,...ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manlalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manlulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios.” Nakiusap siya na kanilang supilin ang mabababang damdamin at panlasa. “Hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay templo ng Banal na Espiritu na nasa inyo, at ito’y sa Dios?”AGA 232.4

    Bagama’t si Pablo ay nagtataglay ng mataas na katalinuhan, ang kanyang buhay ay naghayag ng lalong mataas na karunungan, na nagbigay sa kanya ng bilis ng pagkaunawa at simpatiya ng puso, at naglapit sa kanya sa iba, upang makilos ang kanilang mas mainam na likas at mapasigla silang hangarin ang lalong mataas na pamumuhay. Ang kanyang puso ay puspos ng maningas na pag-ibig sa mga mananampalataya sa Corinto. Nanabik siyang makita silang naghahayag ng kabanalang panloob na magpapalakas sa kanila laban sa tukso. Alam niyang sa bawat hakbang sa landas Kristiano sila ay kakalabanin ng sinagoga ni Satanas at sa bawat araw ay makikipagbaka sila. Dapat na sila’y maging listo sa palihim na paglapit ng kaaway, magtaboy ng mga dating gawa at likas na hilig, at laging nagbabantay sa pananalangin. Alam ni Pablo ang higit na matataas na maaabot ng Kristiano sa pamamagitan ng maraming dalangin at laging pagbabantay, at ito ay lagi niyang idinidiin sa kanilang mga isipan. At alam din niyang kay Kristo na ipinako sila ay may sapat na kapangyarihan na ang tao ay mahikayat at maiangkop na banal upang malabanan ang lahat ng tukso ng kasamaan. May pananampalataya sa Dios na kanilang baluti, at ang Kanyang salita bilang sandata sa pakikipagbaka, sila ay pagkakalooban ng panloob na kapangyarihang gapiin ang pagsalakay ng kaaway.AGA 233.1

    Ang mga mananampalataya sa Corinto ay nangailangan ng lalong malalim na karanasan sa mga bagay ng Dios. Hindi nila lubos na nalalaman ang kahulugan ng masdan ang Kanyang kaluwalhatian, at mabago sa likas. Ang nakita lamang nila ay ang mga unang sinag ng bukang liwayway ng kaluwalhatiang iyon. Ang hangarin ni Pablo ay mapuspos sila ng kaganapan ng Dios, at sumusunod sa Kanyang ang pagsikat ay tulad ng sa umaga at patuloy na mag-aral sa Kanya hanggang sa marating nila ang katanghaliang tapat ng sakdal na pananampalataya ng ebanghelyo.AGA 234.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents