Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kaligtasan sa mga Judio

    Matapos ang hindi maiiwasang antala, sa wakas ay dumating si Pablo sa Corinto, ang dako ng maraming bagabag na paggawa sa nakaraan, at sa isang panahon ay pinagmulan ng malalim na pangungulila. Nasumpungan niyang ang marami sa mga unang mananampalataya ay mahal pa rin siya at pinahahalagahan bilang siyang unang nagdala sa kanila ng liwanag ng ebanghelyo. Sa pagbati niya sa mga alagad na ito ay nakita ang katibayan ng kanilang katapatan at sigasig at nagalak siyang ang kanyang unang paggawa sa Corinto ay hindi nawalang kabuluhan.AGA 281.1

    Ang mga mananampalataya sa Corinto, na dati ay madaling mailayo sa mataas na pagkatawag kay Kristo, ay lumago sa kalakasan ng likas Kristiano. Ang kanilang mga salita at gawa ay naghayag ng nagpapabagong kapangyarihan ng biyaya ng Dios, at ngayon sila ay isang puwersa ukol sa kabutihan sa sentrong iyon ng paganismo at pamahiin. Sa palibot ng mga kasama sa gawain at mga tapat na nahikayat na ito, nakasumpong ng kapanatagan ang bagabag at pagod na diwa ng apostol.AGA 281.2

    Sa panahon ng pananatili sa Corinto, nakatagpo si Pablo ng pagkakataong tumanaw sa lalong malawak at bagong bukiran ng paglilingkod. Ang naising maglakbay patungong Roma ang higit na pumuno sa kanyang isipan. Ang makitang ang pananampalatayang Kristiano ay matatag sa dakilang sentrong ito ng kilalang sanlibutan ang pinakamamahal niyang lunggati at panukala. May iglesia nang natatag sa Roma, at hangarin ng apostol na makipagtulungan sa mananampalataya doon ukol sa gawaing dapat magampanan sa Italia at iba pang lupain. Upang ihanda ang daan sa paggawa niyang kasama ang mga kapatid doon, na ang karamihan ay hindi niya kilala, nagpadala siya ng liham na nagbabalita ng kanyang adhikain sa pagdalaw sa Roma, at ng pag-asa niyang makapagtanim ng pamanatayan ng krus sa Espanya.AGA 281.3

    Sa liham niya sa mga taga Roma, inilahad ni Pablo ang mga dakilang simulain ng ebanghelyo. Isinaad niya ang kanyang pananayuan sa mga katanungang nagpapagulo sa mga Judio at Gentil na iglesia, at ipinakitang ang pag-asang dati ay para sa mga Judio lamang ngayon ay iniaalok na rin sa mga Gentil.AGA 282.1

    May dakilang linaw’ at kapangyarihang inilahad ng apostol ang doktrina ng pag-aaring ganap sa pananampalataya kay Kristo. Umasa siyang ang ibang mga iglesia ay matulungan din ng aral na ipadadala niya sa mga Kristiano sa Roma; ngunit gaano nga kalabo na nakita niya ang magiging malayuang impluwensya ng kanyang mga salita! Sa buong kapanahunan, ang dakilang katotohanan ng pag-aaring ganap sa pananampalataya ay tumayong isang malakas na tanglaw upang patnubayan ang mga nagsisising makasalanan sa landas ng buhay. Ang liwanag ding ito ang nagpalayas ng dilim na lumagom sa isipan ni Luther, at naghayag sa kanya ng kapangyarihan ng dugo ni Kristo na maglinis sa kasalanan. Ang liwanag ding ito ang pumatnubay sa libu-libong makasalanan sa tunay na Bukal ng pagpapatawad at kapayapaan. Dahilan sa liham sa mga taga Roma, ang bawat Kristiano ay may dahilang magpasalamat sa Dios.AGA 282.2

    Sa kanyang liham si Pablo ay malayang naghayag ng kanyang pasanin para sa mga Judio. Mula sa kanyang pagkahikayat, nanabik na siyang makatulong sa mga kapatid na Judio upang sila’y magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa pabalita ng ebanghelyo. “Ang naisin ng aking puso at panalangin sa Dios para sa Israel ay,” kanyang pinahayag, “upang sila ay mangaligtas.”AGA 282.3

    Hindi pangkaraniwang naisin ito ng apostol. Palagiang sumasamo siya sa Dios na gumawa sa kapakanan ng mga Israelitang hindi nakilala si Jesus ng Nasaret bilang ipinangakong Mesias. “Sinasabi ko ang katotohanan kay Kristo,” tiniyak niya sa mga mananampalataya sa Roma, “ang aking konsiyensya din naman ay nagpapatotoo sa Banal na Espiritu, na ako’y may kabigatan ang kapanglawan ng puso. Sapagkat ako’y makapapagnasa na ako man ay itakwil mula kay Kristo dahil sa aking mga kapatid, na aking mga kamag-anak dahil sa laman: na pawang mga Israelita; na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at ang paglilingkod sa Dios, at ang mga kapangakuan; na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Kristo ayon sa laman, na siyang lalo sa lahat, Dios na maluwalhati magpakailanman.”AGA 282.4

    Ang mga Judio ang piling bayan ng Dios, at sa kanila ay pinanukalang ang buong lahi ng tao ay pagpapalain. Mula sa kanila ay ibinangon ng Dios ang maraming propeta. Ang mga ito ay nagbigay ng propesiya sa pagdating ng Manunubos na tatanggihan at papatayin nilang dapat sana’y sila muna ang makakilala sa Kanya bilang Siyang Ipinangako.AGA 283.1

    Ang propeta Isaias, sa pagtingin sa mga daantaong nasa harapan at pagsaksi sa pagtanggi sa mga propeta at sa wakas ay sa Anak ng Dios, ay kinasihang sumulat sa pagtanggap naman sa Manunubos nilang kailanman ay di napabilang sa mga anak ng Israel. Tungkol sa propesiya, ay sinabi ni Pablo: “At si Isaias ay buong tapang na nagsasabi, Ako’y nasumpungan nilang mga hindi nagsisihanap sa Akin; nahayag Ako sa kanilang mga hindi nagsisipagtanong tungkol sa Akin. Datapuwat tungkol sa Israel ay sinasabi Niya, Sa buong araw ay iniunat Ko ang Aking mga kamay sa isang bayang suwail at matutol.”AGA 283.2

    Bagama’t tinanggihan ng Israel ang Kanyang Anak, hindi naman sila itinanggi ng Dios. Patuloy si Pablo sa kanyang argumento: “Sinasabi ko nga, itinakwil baga ng Dios ang Kanyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagkat ako man ay Israelita, sa binhi ni Abraham, sa angkan ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Dios ang Kanyang bayan na nang una pa’y kinilala Niya. O hindi baga ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? kung paanong namamagitan siya sa Dios laban sa Israel, na sinabi, Panginoon, pinatay nila ang Iyong mga propeta, giniba nila ang Iyong mga dambana; at ako’y naiwang nag-iisa, at hinahanap nila ang aking bahay. Datapuwat ano ang sinasabi ng kasagutan ng Dios sa kanya? Nagtira Ako sa Akin ng pitong libong lalaki 11a hindi nangagsiluhod kay Baal. Gayundin nga sa panahong itong kasalukuyan ay may isang nalalabi ayon sa pagkahirang ng biyaya.”AGA 283.3

    Ang Israel ay nadapa at nahulog, ngunit hindi naging imposible para sa kanilang muling makabangon. Sa tanong na, “Sila ba ay nadapa upang di na makapabangon pa?” ang apostol ay tumugon: “Huwag nawang mangyari: datapuwat sa pagkahulog nila’y dumating ang pagkaligtas sa mga Gentil, upang ipamungkahi sila sa paninibugho. Ngayon kung ang pagkahulog nga nila ay siyang kayamanan ng sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Gentil; gaano pa ang kapunuan nila? Datapuwat nagsasalita ako sa inyong mga Gentil. Palibhasa’y ako nga’y apostol sa mga Gentil, ay niluluwalhati ko ang aking ministeryo; baka sa anumang paraan ay maipamungkahi ko sa paninibugho yaong aking mga kaalaman, at maligtas ang ilan sa kanila. Sapagkat kung ang pagkatakwil sa kanila ay siyang palakipagkasundo ng sanlibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay?”AGA 283.4

    Adhikain ng Dios na ang Kanyang biyaya ay mahayag sa mga Gentil gayundin sa mga Israelita. Ito ay malinaw na inihanay ng mga propesiya sa Lumang Tipan. Ang apostol ay gumamit ng ilan sa mga propesiyang ito sa kanyang argumento. “O wala bagang kapangyarihan sa putik ang magpapalyok,” kanyang sinabi, “upang gawin sa isang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa’y sa ikahihiya? Ano kung ang Dios ay inibig na ihayag ang Kanyang kagalitan, at ipakilala ang Kanyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira: at upang maipaldlala ang kayamanan ng Kanyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na Kanyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian, maging sa atin, na Kanya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil? Gaya naman ng sinasabi Niya sa aklat ng Oseas, Tatawagin Kong Aking bayan ang hindi Ko dating bayan; at iniibig, na hindi dating iniibig. At mangyayari, na sa dakong pinagsabihan sa kanila, Kayo’y hindi Ko bayan, ay diyan sila tatawaging mga anak ng Dios na buhay.” Tingnan ang Oseas 1:10.AGA 284.1

    Sa kabila ng kabiguan ng Israel bilang isang bansa, may natira pa ring mabuting nalabi na maliligtas. Sa panahon ng pagparito ng Tagapagligtas, mayroong mga tapat na lalaki at babaeng tumanggap sa kagalakan ng pabalita ni Juan na Tagapagbautismo, at naakay na muling pag-aralan ang mga propesiya tungkol sa Mesias. Nang itatag ang unang iglesia Kristiana, ito ay binuo ng mga tapat na Judiong ito na kumilala kay Jesus ng Nasaret bilang siyang pinananabikan nilang dumating. Ito ang nalabing tinutukoy ni Pablo sa kanyang pagsulat, “At kung ang pangunahing bunga ay banal, ay gayundin ang lahat: at kung ang ugat ay banal, ay gayundin ang mga sanga.”AGA 284.2

    Inihalintulad ni Pablo ang nalabi sa Israel sa isang marangal na puno ng olibo, na ang ilang sanga nito ay pinutol. Inihambing niya ang mga Gentil sa mga sanga ng ligaw na puno ng olibo, na idinugtong sa puno. “Datapuwat kung ang ilang mga sanga’y nangabali,” kanyang sinulat sa mga mananampalatayang Gentil, “at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib ka sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo; huwag kang magpalalo sa mga sanga. Datapuwat kung magpalalo ka, ay hindi ikaw ang nagkakandili sa ugat, kundi ang ugat ang nagkakandili sa iyo. Sasabihin m0 nga, Ang mga sanga ay nangabali upang ako ay makasanib. Mabuti; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nangabali sila, at sa iyong pananampalataya’y nakatayo ka. Huwag kang magpalalo, kundi matakot ka: sapagkat kung hindi nga pinatawad ng Dios ang mga talagang sanga, ikaw man ay hindi patatawarin. Masdan mo nga ang kabutihan at ang kabagsikan ng Dios: ang kabagsikan ay sa nangahulog, datapuwat ang kabutihan ng Dios ay sa iyo, kung mamamalagi ka sa Kanyang kabutihan: at sa ibang paraan ay ikaw man av puputulin.”AGA 284.3

    Sa kawalang pananampalataya at pagtanggi sa adhikain ng Langit sa kanya, ang Israel bilang bansa ay nawalan ng kaugnayan sa Dios. Ngunit ang mga sangang naputol sa puno ay muling naikabit ng Dios sa tunay na puno ng Israel—ang nalabing nanatiling tapat sa Dios ng kanilang mga magulang. “At sila naman,” pahayag ng apostol tungkol sa mga sangang ito na nabali, “kung di magsisilagi sa di pananampalataya, ay mangasasanib: sapagkat makapangyarihan ang Dios upang sila’y isanib na muli.” “Sapagkat kung ikaw,” kanyang sinulat sa mga Gentil, “ay pinutol doon sa talagang olibong ligaw, at laban sa kaugalian ay isinanib ka sa mabuting punong olibo: gaano pa nga ang mga ito, na mga talagang sanga, na mangasasanib sa kanilang sariling punong olibo? Sapagkat hindi ko ibig, mga kapatid, na hindi ninyo maalaman ang hiwagang ito, baka kayo’y mangagmarunong sa inyong sariling mga haka, na ang katigasan ng isang bahagi ay nangyari sa Israel, hanggang sa pumasok ang kapunuan ng mga Gentil.AGA 285.1

    “At sa ganito’y ang buong Israel ay maliligtas: gaya ng nasusulat, Magbubuhat sa Sion ang Tagapagligtas, Siya ang maghihiwalay sa Jacob ng kalikuan: at ito ang Aking tipan sa kanila, pagka aalisin Ko ang kanilang mga kasalanan. Tungkol sa ebanghelyo, ay mga kaaway sila dahil sa inyo: datapuwat tungkol sa pagkahirang, ay mga pinakaiibig dahil sa mga magulang. Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Dios ay hindi nagbabago. Sapagkat kung paanong kayo nang nakaraang panahon ay mga masuwayin sa Dios, datapuwat ngayon kayo’y nangagkamit ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway: gayundin naman ang mga ito ay naging mga masuwayin ngayon, upang sa pamamagitan ng habag na ipinagkaloob sa inyo, sila nama’y magkamit ng habag. Sapagkat ang lahat ay kinulong ng Dios sa kasuwayan, upang Siya’y mahabag sa lahat.AGA 285.2

    “O kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Dios! O di matingkalang mga hatol Niya, at hindi malirip na Kanyang mga daan! Sapagkat sino ang nakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? o sino ang Kanyang naging kasangguni? o sino ang nagbigay na una sa Kanya, at Siya’y babayarang muli? Sapagkat Kanya, at sa pamamagitan Niya, at sa Kanya, ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman.”AGA 286.1

    Sa ganito ay ipinakita ni Pablo na ang Dios ay masaganang nagpapabago ng puso ng mga Judio at Gentil man, at nagkakaloob sa bawat mananampalataya kay Kristo ng mga pagpapalang pangako sa Israel. Inulit niya ang paghahayag ni Isaias tungkol sa bayan ng Dios: “Kung ang bilang man ng mga anak ng Israel ay maging tulad sa buhangin sa dagat, ay ang nalalabi lamang ang maliligtas: sapagkat isasagawa ng Panginoon ang Kanyang salita sa lupa, na tatapusin at paiikliin. At gaya ng sinabi nang una ni Isaias, Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo, tayo’y naging katulad sana ng Sodoma at naging gaya ng Gomorra.”AGA 286.2

    Sa panahong ang Jerusalem ay mawasak at ang templo ay naging guho, libu-libo sa mga Judio ang ipinagbiling mga alipin sa mga lupaing pagano. Sila ay naging tulad ng wasak na bayang nangalat sa mga bansa. Sa loob ng isanlibo at walong daang taon ang mga Judio ay naglagalag sa mga lupain ng mundo, at walang dakong ibinigay sa kanila upang doon ay muling maitatag ang kanilang karangalan bilang isang bansa. Kinamuhian, inalimura, pinag-usig sa paglakad ng mga daantaon, ang kanilang pamana ay pagdurusa.AGA 286.3

    Sa kabila ng kalunos-lunos na hatol sa mga Judio bilang isang bansa sa panahon ng kanilang pagtanggi kay Jesus ng Nasaret, mayroon namang nabuhay sa bawat panahon na mga mararangal na Judiong lalaki at babae na nagdusang tahimik. Ang Dios ang nagbigay sa kanila ng kaaliwan sa harap ng malaking kapighatian. Dininig Niya ang mga dalanging naghihirap ng mga humanap sa Kanya sa taimtim na puso at matuwid na pagkaunawa sa Kanyang salita. Mayroong natutong makita sa abang Nazarenong tinanggihan at ipinako ng kanilang mga magulang, ang tunay na Mesiyas ng Israel. Sa pagtanggap ng kanilang isipan sa mga propesiyang matagal na natago at mali ang naging pakahulugan, ang kanilang mga puso ay napuspos ng pagpapasalamat sa Dios sa hindi mapapantayang kaloob sa bawat tao na pipiliing tanggapin ang Kristo bilang personal na Tagapagligtas niya.AGA 286.4

    Ang uri ding ito ang tinukoy ni Isaias sa propesiya na, “Isang nalabi ay maliligtas.” Mula sa kaarawan ni Pablo hanggang ngayon, ang Dios sa Kanyang Banal na Espiritu ay nananawagan sa bawat Judio o Gentil man. “Sapagkat ang Dios ay hindi magtatangi ng tao,” pahayag ni Pablo. Ipinalagay ng apostol ang sarili na may utang sa mga Griyego, at gayundin naman sa mga barbaro,” gano’n din sa mga Judio; ngunit hindi niya nakalimutan ang mga katangian ng mga Judio na higit sa iba, “mga natatangi, sapagkat sa kanila naitalaga ang mga orakulo ng Dios.” “Ang ebanghelyo,” kanyang pinahayag, ” ang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya: una’y sa Judio, at gayundin sa Griyego. Sapagkat dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Ngunit ang ganap ay mabubuhay sa papamagitan ng pananampalataya.” Ang ebanghelyong ito ni Kristo na may bisa sa Judio at Gentil, ang inihayag ni Pablo sa mga taga Roma na hindi niya ikinahihiya.AGA 287.1

    Kapag ang ebanghelyong ito ay mailalahad sa kanyang kaganapan sa mga Judio, marami ang tatanggap kay Kristo bilang Mesiyas. Sa mga Kristianong ministro iilan lamang ang nakadadamang sila’y tinawagan upang gumawa para sa mga Judio, datapuwat sa kanila na madalas na nilalagpasan at sa iba pa, ang pabalita ng pag-asa at habag kay Kristo ay darating.AGA 287.2

    Sa pagtatapos ng pagpapahayag ng ebanghelyo, kapag ang tanging pagsisikap ay gagawin sa mga uri ng taong dati’y nakaligtaan, inaasahan ng Dios na ang Kanyang mga mensahero ay mag-uukol ng tanging interes sa mga Judio na nakakalat sa lahat ng bahagi ng lupa. Sa pagsasanib ng Luma at Bagong Tipan sa pagpapaliwanag ng walang hanggang adhikain ni Jehova, sa maraming mga Judio ay matutulad ito sa bukang liwayway ng bagong paglalang, ang muling pagkabuhay ng kaluluwa. Sa pagmalas nila sa Kristo ng ebanghelyo na inilalarawan sa mga pahina ng Lumang Tipan, at makitang malinaw kung paanong ang Bagong Tipan ay nagpapaliwanag ng Luma, ang kanilang mga tulog na katalinuhan ay magigising, at makikilala nila ang Kristo bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Marami sa pamamagitan ng pananampalataya ang tatanggap kay Kristo bilang Manunubos. Sa kanila ay matutupad ang mga salitang, “Datapuwat ang lahat ng sa Kanya’y nagsitanggap, ay pinagkalooban Niya sila ng kapangyarihang maging mga anak ng Dios, samakatuwid baga’y sa mga nagsisampalataya sa Kanyang pangalan.” Juan 1:12.AGA 287.3

    Kabilang sa mga Judio ay ilang tulad ni Saulo ng Tarsus, makapangyarihan sa Kasulatan, at ang mga ito ang maghahayag sa kahanga-hangang kapangyarihan sa hindi nagbabagong kautusan ng Dios. Ang Dios ng Israel ang magsasagawa nito sa ating kapanahunan. Ang Kanyang bisig ay hindi napakaigsi upang hindi ito makapagligtas. Sa paggawa sa pananampalataya ng Kanyang mga lingkod para sa kanilang napabayaan at kinamuhian, ang Kanyang pagliligtas ay mahahayag.AGA 288.1

    “Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sambahayan ni Jacob, si Jacob nga ay hindi mapapahiya, o mamumula pa man ang kanyang mukha. Ngunit pagka kanyang nakikita ang kanyang mga anak, ang gawa ng Aking mga kamay, sa gitna niya, ay kanilang aariing banal ang Aking pangalan; oo, kanilang aariing banal ang Banal ni Jacob, at magsisitayong may takot sa Dios ng Israel. Sila namang nangamamali sa diwa ay darating sa pagkaunawa, at silang mga mapag-upasala ay mangatututo ng aral.” Isaias 29:22-24.AGA 288.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents