Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Pagtalikod sa Galacia

    Habang nagtatagal sa Corinto, si Pablo ay may dahilang magkaroon ng maselang pasanin para sa mga iglesiang naitatag na. Sa impluwensya ng mga bulaang gurong nagmumula sa mga mananampalataya sa Jerusalem, nagkaroon ng pagkakabahagi, erehe, at kalaswaan na mabilis na kumakalat sa mga mananampalataya sa Galacia. Inihahalo ng mga bulaang gurong ito ang mga tradisyong Judio sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Hindi pinansin ang mga desisyon ng pangkalahatang konsilyo sa Jerusalem, kanilang ipinipilit sa mga nahikayat na Gentil ang pagsunod sa mga batas na seremonyal.AGA 289.1

    Ang kalagayan ay maselan. Ang mga kasamaang ipinasok ay mabilis na nagbabantang magwasak sa mga iglesia sa Galacia.AGA 289.2

    Nagdurugo ang puso ni Pablo at ang kanyang sarili ay nakilos ng hayagang pagtalikod ng mga matapat na naturuan ng mga simulain ng ebanghelyo. Agad-agad ay sumulat siya sa mga nadadayang mananampalatayang ito, na inilantad ang mga maling teoriya na kanilang tinanggap, at mabigat na sinansala silang tumalikod sa pananampalataya. Matapos batiin ang mga taga Galacia sa mga pangungusap na ito, “Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na Ama, at sa ating Panginoong Jesu-Cristo,” ibinigay niya sa kanila ang ganitong matalas na sansala:AGA 289.3

    “Ako’y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa ibang ebanghelyo buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Kristo; na ito’y hindi ibang ebanghelyo; kundi mayroong ilan sa inyo’y nagsisiligalig, na nangag-iibig na pasamain ang ebanghelyo ni Kristo. Datapuwat kahit na kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anumang ebanghelyo na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakwil.” Ang mga turo ni Pablo ay katugma ng mga Kasulatan, at ang Banal na Espiritu ang sumaksi sa kanyang mga paggawa; kung kaya’t nagbabala siya sa mga kapatid na huwag makinig sa anumang bagay na taliwas sa mga katotohanang naituro na sa kanila Nag-anyaya ang apostol na suriing maingat ang kanilang karanasan sa buhay Kristiano. “O mga mangmang na taga Galacia,” kanyang pahayag, “sino ang nagsigayuma sa inyo, na sa harapan ng inyong mga mata’y si Jesu-Cristo, na napako sa krus, ay maliwanag na inihayag? Ito lamang ang nais kong maalaman sa inyo, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig ng tungkol sa pananampalataya? Napakamangmang na baga kayo? kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayo’y nangagpapakasakdal kayo sa laman? Tiniis baga ninyong walang kabuluhan ang lubhang maraming mga bagay? kung tunay na walang kabuluhan? Siya na nagbibigay sa inyo ng Espiritu, at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo, ginagawa baga sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pakikinig ng tungkol sa pananampalataya?”AGA 289.4

    Sa ganito ay dinala ni Pablo ang mga mananampalataya sa tribunal ng sariling konsiyensya, at sinikap na pigilin sila sa kanilang landas. Sa pag-asa sa kapangyarihan ng Dios upang magligtas, at sa pagtangging kilalanin ang mga doktrina ng mga tumalikod na mga guro, sinikap ng apostol na akayin ang mga hikayat na maldtang sila ay lubos na nadaya, at sa kanilang panunumbalik sa dating pananampalataya sa ebanghelyo ay maaari pa nilang gapiin ang adhikain ni Satanas. Tumayo siyang matatag sa panig ng katotohanan at katuwiran; at ang kanyang lubos na pananampalataya at pagtitiwala sa pabalitang taglay ang tumulong sa maraming ang pananampalataya ay nagkulang upang magbalik-loob sa pagtatapat sa Tagapagligtas.AGA 290.1

    Gaano kaiba ang naging pakikitungo ni Pablo sa mga taga Corinto sa kanyang pagsulat sa mga taga Galacia! Sa una ay naging maingat at malumanay sa pagsansala; sa ikalawa ay matigas at walang pasubaling salita. Ang mga taga Corinto ay nadala ng tukso. Sila ay nadaya sa tusong pagpapanggap ng nagharap ng mga kamalian sa ilalim ng kunwaring katotohanan, at sila ay naguluhan at nagulumihanan. Upang maturuan silang makita ang mali sa totoo, kinailangan ang ingat at pagtitiis. Ang marahas o walang ingat na hatol sa bahagi ni Pablo ay nagwasak sana ng kanyang impluwensya sa maraming nais niyang matulungan.AGA 290.2

    Sa mga iglesia sa Galacia, ang lantad at hayagang kamalian ang pumalit sa ebanghelyo. Si Kristo na tunay na pundasyon ng katotohanan ay halos itinakwil ng mga lumipas na mga seremonya ng Judaismo. Nakita ng apostol na kung ang mga mananampalataya sa Galacia ay maililigtas sa mapanganib na impluwensyang nagbabanta sa kanila, ang pinakatiyak na hakbang ang dapat kunin, ang pinakamatalas na babala ay dapat ibigay.AGA 290.3

    Isang mahalagang liksyong marapat matutuhan ng isang ministro ni Kristo ay ang pag-aangkop ng kanyang paggawa sa kalagayan ng mga ninanais niyang makinabang. Ang kagandahang-loob, pagtitiis, pasiya, at katatagan ay kailangang lahat; ngunit ang mga ito ay iaangkop sa wastong pagkakataon. Ang makitungong matalino sa iba’t ibang isipan, sa ilalim ng iba’t ibang pangyayari at kondisyon, ay isang gawaing nangangailangan ng karunungan at pagpapasyang tinanglawan at pinabanal ng Espiritu ng Dios.AGA 291.1

    Sa kanyang liham sa mga mananampalataya sa Galacia, maikling nirepaso ni Pablo ang mga pangyayaring kaugnay ng kanyang sariling pagkahikayat at maagang karanasang Kristiano. Sa pamamagitan nito ay sinikap niyang ipakita na sa tanging pagpapahayag ng banal na kapangyarihan, siya ay naakay na makita at mahawakan ang mga dakilang katotohanan ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng tagubiling ang Dios ang nagkaloob, si Pablo ay inakay na magbabala at magpayo sa mga taga Galacia sa paraang maselan at positibo. Sumulat siya, hindi sa pag-aatubili o alinlangan, kundi sa isang tiyak na paniniwala at lubos na kaalaman. Malinaw na inihanay niya ang pagkakaiba ng itinuturo ng tao at ng pagtanggap ng tiyak na tagubilin mula kay Kristo.AGA 291.2

    Pinasigla ng apostol ang mga taga Galacia na iwanan ang mga bulaang guro na umakay sa kanila sa kamalian, at manumbalik sa pananampalatayang sinamahan ng pagsang-ayon ng langit. Ang mga lalaking umakay sa kanilang palayo sa paniniwala ay mga mapagpaimbabaw, walang kabanalan sa puso at masama ang kabuhayan. Ang kanilang relihiyon ay binubuo ng mga seremonya, sa paggawa ng mga bagay sa pag-asang tumanggap ng pagtingin ng Dios. Wala silang naisin sa isang ebanghelyong nananawagan sa pagsunod sa salitang, “Malibang ang tao ay ipanganak na muli, hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios.” Juan 3:3. Sa akala nila ang ganitong uri ng relihiyon ay naghahanap ng mabibigat na sakripisyo, at sila ay nanghawakan sa kanilang mga kamalian, at nandaya pa sa sarili at sa iba.AGA 291.3

    Ang ipalit ang mga panlabas na anyo ng relihiyon sa kabanalan ng puso at buhay, ay kaakit-akit pa rin sa likas na hindi nabago tulad ng sa mga araw ng mga gurong Judio. Ngayon, tulad noon, may mga gurong bulaan pa rin na nais pakinggan ng mga tao. Pinag-aralang paraan ni Satanas na ilayo ang isipan mula sa pag-asa ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo at pagsunod sa kautusan ng Dios. Sa bawat panahon ang kaaway ay iniaangkop ang mga tukso sa mga maling akala at hilig ng mga nais niyang dayain. Sa panahon ng mga apostol, inakay niya ang mga Judio na itaas ang mga batas seremonyal at tanggihan si Kristo; sa panahon natin ngayon ay inaakay niya ang maraming nagpapanggap na Kristiano, sa pagkukunwaring pinararangalan si Kristo, upang aglahiin ang kautusang moral at sa pagtuturong maaring labaging walang pakundangan ang mga bahagi nito. Tungkulin ng bawat lingkod ng Dios na labanang matatag at tiyak ang mga nagpapasamang ito ng pananampalataya at sa salita ng katotohanan ay walang takot na ilantad ang mga kamaliang ito.AGA 291.4

    Sa pagsisikap na muling makuha ang pagtitiwala ng kanyang mga kapatid sa Galacia, ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang katayuan bilang apostol ni Kristo. Inihayag niya ang sarili bilang isang apostol, “hindi mula sa tao, ni sa pamamagitan ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, at ng Dios Ama, na Siyang sa Kanya’y muling bumuhay.” Hindi mula sa tao, kundi mula sa pinakamataas na Kapangyarihan ng kalangitan tinanggap niya ang kanyang pagiging apostol. Ang kanyang kalagayang ito ay kinilala ng pangkalahatang konsilyo sa Jerusalem, na ang mga pasiyang nabuo doon ay tinupad ni Pablo sa kanyang mga paggawa sa mga Gentil.AGA 292.1

    Hindi upang itaas ang sarili, kundi upang dakilain ang biyaya ng Dios, na iniharap ni Pablo ang bagay na ito sa kanilang ayaw kumilala sa kanyang pagiging apostol, katibayang siya “ay hindi huli sa mga dakilang apostol.” 2 Corinto 11:5. Silang nagsikap na maliitin ang kanyang pagkatawag at paggawa ay lumalaban kay Kristo, na ang biyaya at kapangyarihan ay nahayag kay Pablo. Ang apostol ay napilitang tumayong matatag sa kanyang paniniwala at kapangyarihan laban sa kanyang mga kaaway.AGA 292.2

    Si Pablo ay nagsumamo sa mga nakakilala sa kanilang mga buhay ng kapangyarihan ng Dios na magbalik-loob sa kanilang unang pagibig sa ebanghelyo ng katotohanan. Sa mga argumentong hindi mapapasubalian ay inilahad niya sa kanila ang karapatan ng pagiging malaya kay Kristo, na sa Kanyang biyayang tumutubos lahat ng lubusang magpapasakop ay mabibihisan ng damit ng Kanyang kabanalan. Idiniin niyang ang magnanais maligtas ay mararapat lamang na magtaglay ng tunay at personal na karanasan sa mga bagay ng Dios. Ang taimtim at maningas na salita ng apostol ay nagbunga. Ang Banal na Espiritu ay gumawang makapangyarihan, at maraming ang mga paa ay naligaw sa mga ibang landas ang nagbalik sa kanilang dating pananampalataya sa ebanghelyo. Mula noon ay naging matatag sila sa kalayaang na kay Kristo. Sa kanilang mga buhay ay nahayag ang mga bunga ng Espiritu—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pananampalataya, kaamuan, pagpipigil.” Ang pangalan ng Dios ay naluwalhati, at malaking bilang ang naparagdag sa mga mananampalataya sa buong rehiyon.AGA 292.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents