Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Nag-apila si Pablo Kay Ceasar

    “Nang makapasok na nga si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw ay umahon sa Jerusalem mula sa Cesarea. At ang mga pangulong saserdote at ang mga maginoo sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa kanya laban kay Pablo, at siya’y kanilang pinamanhikan na humihingi ng lingap sa kanya, na siya’y ipahatid sa Jerusalem.” Sa paghiling ng bagay na ito, adhikain nilang tambangan si Pablo sa pagtungo sa Jerusalem, at patayin ito. Ngunit si Festo ay may mataas na uri ng pagkadama sa kapanagutan ng kanyang katungkulan, at magalang na tumangging ibigay si Pablo sa kanila. “Hindi ugali ng mga Romano na ibigay ang isang tao upang mamatay, bago siya makaharap sa mga nagpaparatang sa kanya, at mabigyang layang magtanggol sa sarili sa krimeng ipinaparatang sa kanya.” Sinabi niyang siya ay tutulak patungong Cesarea, at “sinuman sa inyong nais na sumama sa akin, at kung may anumang pagkakasala ang taong ito, ay isakdal nila siya.”AGA 323.1

    Hindi ito ang nais ng mga Judio. Hindi pa nila nakakalimutan ang pagkatalo nila sa Cesarea. Taliwas sa payapang kalagayan at makapangyarihang argumento ng apostol, ang kanilang masamang espiritu at walang batayang paratang ay lalabas na napakasama. Muli ay hiniling nilang si Pablo ay madala sa Jerusalem upang litisin, ngunit si Festo ay matatag sa pagkakaloob kay Pablo ng makatarungang paglilitis sa Cesarea. Ang Dios sa Kanyang kapangyarihan ang humahawak sa mga desisyon ni Festo, upang ang buhay ng apostol ay mapahaba pa.AGA 323.2

    Sa pagkatalo ng kanilang mga adhikain, ang mga pinuno ng Judio ay naghanda agad na sumaksi laban kay Pablo sa korte ng prokurador. Pagbalik sa Cesarea, matapos ang ilang araw na pananatili sa Jerusalem, si Festo “na nanguna sa paglilitis ay nag-utos na si Pablo ay iharap sa hukuman.” “Ang mga Judiong nagmula sa Jerusalem ay nakapalibot at naglahad ng maraming mabibigat na paratang laban kay Pablo, na hindi naman nila mapatunayan.” Sapagkat wala namang abogado sa pagkakataong ito, ang mga Judio na rin ang nagtaguyod ng kanilang mga paratang. Sa pagpapatuloy ng paglilitis, ang akusadong panatag at tapat ay malinaw na nagpabulaan sa kanilang mga paratang.AGA 323.3

    Nakita ni Festo na ang pinag-uusapan ay lubos na nasa ilalim ng mga doktrina ng mga Judio, at kung matuwid na uunawain, ay wala naman anumang bahagi sa paratang kahit na mapatunayan, na marapat sa parusang kamatayan o pagkabilanggo man. Ngunit nakita niya ang parang bagyong galit na malilikha kung si Pablo ay di mahahatulan o maibibigay sa kanilang mga kamay. Kung kaya’t, “upang mapaluguran ang mga Judio,” si Festo ay bumaling at nagtanong kay Pablo kung ito ay laang magtungo sa Jerusalem sa ilalim ng kanyang pag-iingat, upang litisin sa Sanhendrin.AGA 324.1

    Alam ng apostol na hindi siya makaaasa ng katarungan sa bayan dahil sa kanilang mga krimen ay hinahatak nila sa kanilang sarili ang galit ng Dios. Alam niyang, tulad ng propeta Elias, siya ay lalong panatag sa kamay ng mga pagano kaysa kanilang gayong naka’aalam ng katotohanan ay nagpatigas ng kanilang mga puso laban sa ebanghelyo. Pagal na sa sigalot na ito, ang kanyang masigla pang diwa ay di na makatatagal sa mga paulit-ulit na antala at nakakagupong paglilitis at pagkabilanggo. Sa ganito ay nagpasya siyang hilingin ang isang karapatan bilang mamamayan ng Roma, ang umapila sa Ceasar.AGA 324.2

    Bilang tugon sa tanong ng gobernador, sinabi ni Pablo: “Ako ay nakatayo sa hukuman ni Ceasar, na doon ay dapat akong hatulan: sa mga Judio ay wala akong masamang nagawa, katulad ng iyong alam. Sapagkat kung ako ay nagkasala, at may nagawang anumang bagay na marapat sa kamatayan, hindi ako tatangging mamatay: datapuwat kung wala akong nagawang anuman sa mga paratang na ito sa akin, walang sinumang taong makahahatol sa akin. Ako ay umaapila kay Ceasar.”AGA 324.3

    Walang alam si Festo tungkol sa pakana ng mga Judio na patayin si Pablo, at siya ay nagulat sa apilang ito kay Ceasar. Gayunman, ang mga salita ng apostol ang nagpatigil sa usapan. “At si Festo, matapos na sumangguni sa konsilyo, ay sumagot, Umapila ka ba kay Ceasar? Sa gayon ay kay Ceasar ka tutungo.”AGA 324.4

    Kung kaya’t muli pa, dahilan sa muhing dulot ng maling akala at pagmamatuwid sa sarili, ang lingkod ng Dios ay napilitang bumaling sa pag-iingat ng mga pagano. Ang katulad na muhi ang pumilit kay propeta Elias na tumakas upang hingin ang tulong ng babaeng balo ng Sarepta; at pumilit din sa mga tagapagbalita ng ebanghelyo upang iwanan ang mga Judio at magdala ng balita sa mga Gentil. Ang ganitong uri din ng muhi ang kailangang harapin ng bayan ng Dios. Marami sa mga nagpapanggap na mga alagad ni Kristo ang nagtataglay ng katulad na pagmamataas, pormalismo, at pagkamakasarili, ng katulad na diwa ng paniniil,. na nakitang malawakan sa mga Judio. Sa hinaharap, ang mga lalaking nagaangking mga kinatawan ni Kristo ay lalakad sa landas na tinahak ng mga saserdote at pinuno sa kanilang naging pakikitungo kay Kristo at Kanyang mga apostol. Sa dakilang krisis na kanilang haharapin, ang mga tapat na lingkod ng Dios ay makasasagupa ng katulad na katigasan ng puso, ng katulad na malupit na kapasyahan, at ng katulad na di matinag na muhi.AGA 324.5

    Ang lahat na sa araw na iyon ay walang takot na maglilingkod sa Dios ayon sa dikta ng konsyensya, ay mangangailangan ng tapang, tatag, at pagkakilala sa Dios at Kanyang salita; sapagkat silang tapat sa Dios ay pag-uusigin, ang kanilang mga motibo ay pasasamain, ang pinakamabuting pagsisikap ay bibigyang maling kahulugan, at ang kanilang mga pangalan ay aaglahiin. Si Satanas ay gagawang lubos sa kasamaan upang maimpluwensyahan ang puso at mapaulap ang pagkaunawa, upang ang masama ay balutan ng kabutihan, at ang mabuti ng kasamaan. Habang lalong malakas at dalisay ang pananampalataya ng bayan ng Dios, at lalong matatag ang kanilang pananayuang sumunod sa Kanya, ay lalo namang mahigpit ang pagsisikap ni Satanas na magbangon ng galit nilang gayong nagpapanggap na matuwid, ay yumuyurak naman sa kautusan ng Dios. Kakailanganin ang lalong matatag na pagtitiwala, ang pinakabayaning adhikain, upang makapanghawakang matibay sa pananampalatayang naipagkatiwala sa mga banal.AGA 325.1

    Ninanais ng Dios na ang Kanyang bayan ay mahanda sa papalapit na krisis. Handa o hindi handa, lahat ay mapapaharap dito; at tanging sila lamang na nagtugma ng kanilang mga buhay sa banal na pamantayan, ang makatatayong matatag sa panahon ng pagsubok at subukan. Kapag ang mga pinunong sekular ay makipagsanib na sa mga ministro ng relihiyon upang magtakda ng mga bagay na may kinalaman sa konsyensya, dito ay makikita na kung sino ang tunay na natatakot at naglilingkod sa Dios. Kapag ang dilim ay pinakamalalim, ang ningning ng likas na makadiyos ay sisilang na pinakamaliwanag. Kapag ang iba pang pagtitiwala ay magkulang, makikita kung sino ang tunay na nananatili kay Jehova. At habang ang mga kaaway ng katotohanan ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa mga lingkod ng Panginoon sa kasamaan, ang Dios ang magbabantay sa kanila sa kabutihan. Siya ay magiging lilim ng malaking bato sa isang pagod na lupain.AGA 325.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents