Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Sa Roma

    Nagpatuloy ang senturyon at mga bilanggo sa paglalakbay patungong Roma. Isang barkong Alexandria, na may pangalang “Castor at Pollux,” ang namahinga sa Melita, sa patungo sa kanluran, at dito sila sumakay. Bagama’t pinabagal ng hanging nasagupa, ang paglalakbay ay natapos, at ang barko ay dumaong sa magandang pantalan ng Puteoli, sa baybayin ng Italia.AGA 338.1

    Sa dakong ito ay mayroong ilang Kristiano, at nakiusap sila sa apostol na mamalagi doon ng pitong araw man lamang, isang karapatang pinagbigyan naman ng senturyon. Mula nang tanggapin nila ang sulat ni Pablo sa mga taga Roma, ang mga Kristiano sa Italia ay nanabik na sa pagdalaw ng apostol. Hindi nila inisip na ito ay darating sa kanila na isang bilanggo, ngunit ang kanyang mga pagdurusa ay lalo lamang nagpamahal sa kanya sa kanila. Ang layo ng Puteoli sa Roma ay mga isandaan at apatnapung milya, at sapagkat may patalastasan mula sa pantalan at sa siyudad, ang mga Kristiano sa Roma ay madaling nakabalita ng kanyang pagdating, at ang ilan ay sumalubong sa kanya.AGA 338.2

    Walong araw matapos na sila’y makadaong, ang senturyon at mga bilanggo ay naglakbay patungong Roma. Maginhawang ipinagkaloob ni Julio sa apostol ang anumang kahilingang kaya niyang ipagkaloob; datapuwat hindi niya mabago ang kalagayan nito bilang isang bilanggo, o pakawalan ito mula sa pagkakatanikala sa isang kawal. Mabigat ang pusong ang apostol ay nagpatuloy sa paglalakbay sa matagal nang naising makadalaw sa malaking siyudad na ito na ito. Gaano kaiba sa mga pangyayaring kanyang inaasahan! Paano niya maipangangaral ang ebanghelyo gayong nakatanikala at nasa kahihiyan? Ang pag-asa niyang makaakit ng maraming tao sa katotohanan sa Roma ay parang mabibigo.AGA 338.3

    Sa wakas ay nakarating ang mga manlalakbay sa Appii Forum, apatnapung milya mula sa Roma. Sa pagdaan nila sa karamihangAGA 338.4

    Ang kabanatang ito ay batay sa Gawa 28:11-31 at Sulat kav Filemon. taong nakahanay sa malaking lansangan, ang matandang apostol na abuhin ang kulay ng buhok, nakataling kasama ng mga matitigas na kriminal, ay nakatanggap ng libak at pag-alimura.AGA 338.5

    Bigla ay may nadinig na sigaw ng kagalakan, isang lalaki ang paragasang lumapit at yumakap sa leeg ng bilanggo, niyakap itong may luha at nagdiriwang, tulad ng isang anak na nakita ang matagal nang pinananabikang ama. Muli at muli ay naulit ang tanawing ito habang sa mga matang taglay ang mapagmahal na pag-asam ay nakilala nila sa nakatanikalang bilanggo siyang nangaral sa kanila ng salita ng buhay sa Corinto, sa Filipos, at Efeso.AGA 339.1

    Nang palibutan ng mga nagmamahal na alagad na ito ang ama nila sa ebanghelyo, ang buong pulutong ay natigil. Ang mga sundalo ay nainip sa abala, ngunit hindi nila maatim na putulin ang masayang pagtatagpong ito; sapagkat sila man ay natutong magmahal at gumalang sa kanilang bilanggo. Sa pagal at naghihirap na mukha ng apostol ay nabanaag ng mga alagad ang larawan ni Kristo. Pinasigla nila si Pablo ng mga salitang hindi nila siya nakakalimutan o tumigil man sa pagmamahal sa kanya; na sila ay may pagkakautang sa kanya sa kagalakang nagbibigay buhay sa kanila at sa kapayapaang mayroon sila sa Dios. Sa init ng kanilang pagmamahal ay kakargahin sana nila siya kung maaari lamang.AGA 339.2

    Ilan lamang ang nakadadama ng kahalagahan ng mga salita ni Lucas, na nang makita ni Pablo ang mga kapatid, “nagpasalamat siya sa Dios, at napalakas ang loob.” Sa gitna ng pagtangis at pagmamalasakit ng mga mananampalataya, na hindi ikinahiya ang kanyang mga tanikala, ang apostol ay nagpasalamat sa Dios sa malakas na tinig. Ang ulap ng kalungkutang nakalambong sa kanya ay napalis. Ang kanyang buhay Kristiano ay mga magkakasunod na pagsubok, pagdurusa, at kabiguan, ngunit sa oras na iyon ay nadama niya ang sapat at saganang kabayaran. May lalong matatag na hakbang na nagpatuloy siya sa paglakad. Hindi na siya makapagrereklamo sa nakaraan, o matatakot man sa hinaharap. Alam niyang naghihintay ang bilangguan at paghihirap; datapuwat alam din niyang sa kanya ang tungkuling iligtas ang mga kaluluwa sa pagkabilanggong higit na kalunos-lunos, at siya ay nagdiwang sa mga paghihirap na ito alangalang kay Kristo.AGA 339.3

    Sa Roma ay inihatid ni Julio na senturyon ang mga bilanggo sa kapitan ng mga guwardiya ng emperador. Ang mabuting ulat na ibinigay niya tungkol kay Pablo, kasama ng liham ni Festo, ay naging dahilan ng mainam na pakikitungo ng punong kapitan, at sa halip na siya’y dalhin sa bilangguan, ay pinahintulutan siyang tumira sa isang bahay na inupahan. Bagama’t patuloy na nakatanikala sa isang kawal, may laya naman siyang tumanggap ng mga kaibigan at gumawa sa ikasusulong ng gawain ni Kristo.AGA 339.4

    Maraming mga Judio na sa mga nakaraang panahon ay itinaboy mula sa Roma ang nakabalik na, at isang malaking bilang ang natagpuan doon. Sa kanila una sa lahat, ay ninais ni Pablo na maglahad ng mga katunayan ng kanyang sarili at paggawa, bago makagawa ang mga kaaway na siraan siya sa kanila. Tatlong araw pagkatapos na makarating sa Roma, tinawagan ni Pablo ang kanilang mga pangunahing lalaki, at sa isang simple at tuwirang paraan ay inilahad niya ang dahilan ng kanyang pagiging isang bilanggo sa Roma.AGA 340.1

    “Mga kapatid,” sinabi niya, “wala akong nagawang anumang bagay laban sa bayan, o tradisyon ng ating mga magulang, gayunman ay dinala akong bihag mula sa sa Jerusalem sa kamay ng mga Romano. Nang ako ay siyasatin nila, ay wala silang masumpungan laban sa akin na marapat sa kamatayan at ako ay pinalaya. Datapuwat nang ang mga Judio ay nagsalita laban dito, ako’y napilitang maghabol kay Ceasar; hindi sapagkat mayroon akong laban sa bayan. Dahilan dito ay ipinatawag ko kayo upang kayo’y makita, at makausap: sapagkat alang-alang sa pag-asa ng Israel ako ay nakatanikala.”AGA 340.2

    Wala siyang sinabi tungkol sa abusong kanyang naranasan sa kamay ng mga Judio, o ng paulit-ulit na pagtatangkang siya ay patayin. Ang kanyang mga salita ay, maingat at magandang-loob. Hindi siya nagnanais makakuha ng personal na pagtingin o simpatiya, kundi nais niyang ipagtanggol ang katotohanan at mapanatili ang karangalan ng ebanghelyo.AGA 340.3

    Bilang tugon, ang mga tagapakinig ay nagsabing wala silang natatanggap na paratang laban sa kanya sa liham na publiko o palihim, at walang isa mang Judio na nakabalik sa Roma ang magpaparatang sa kanya ng anumang krimen. Naglahad din sila ng malakas na naising makarinig ng tungkol sa mga dahilan ng kanyang pananampalataya kay Kristo. “Tungkol sa sektang ito,” wika nila, “alam naming sa lahat ng dako ay mayroong sinasabi laban sa kanila.”AGA 340.4

    Sapagkat sila na rin ang nagnanais nito, hiniling ni Pablo na magtakda ng isang araw upang mailahad niya sa kanila ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Sa araw na itinakda, marami ang nagkatipon, at sa “kanila ay inilahad niya at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Dios, na inaamuki sila tungkol kay Jesus, mula sa kautusan ni Moises at sa mga propeta, mula umaga hanggang sa gabi.” Isinaysay niya ang mga sariling karanasan, at nagharap ng mga argumento mula sa Lumang Tipan na simple, taimtim, at may kapangyarihan.AGA 340.5

    Ipinakita ng apostol na ang relihiyon ay wala sa mga ritwal at seremonya, mga paniniwala at teoriya. Kung gayon, ang taong laman ay makakaunawa nito sa pamamagitan ng pagsasaliksik, tulad ng pag-unawa sa mga bagay ng sanlibutan. Itinuro ni Pablo na ang relihiyon ay isang praktikal, at nagliligtas na lakas, isang prinsipyong lubos na sa Dios, isang personal na karanasan sa nagpapabagong kapangyarihan ng Dios sa kaluluwa.AGA 341.1

    Ipinakita rin niya kung paanong itinuro ni Moises ang Israel kay Kristo bilang Propetang kanilang diringgin; kung paanong ang lahat ng mga propeta ay nagpatotoo tungkol sa Kanya bilang gamot ng Dios para sa kasalanan, ang Walang Kasalanang magdadala ng mga kasalanan ng tao. Hindi niya tinuligsa ang kanilang mga ritwal at seremonya, ngunit ipinakitang habang sila ay mahigpit na sumusunod sa mga ito, ay tinatanggihan naman nila Siyang katawan ng mga anino ng lahat ng mga seremonya.AGA 341.2

    Inihayag ni Pablo na sa kanyang kalagayang hindi hikayat ay hindi niya kilala si Kristo, sa personal, kundi sa isipan lamang tulad din ng maraming nagmamahal sa likas at gawain ng Mesiyas na darating. Tinanggihan niya si Jesus ng Nasaret bilang isang impostor, sapagkat hindi naman ito nakasasapat sa kanyang iniisip tungkol sa Mesiyas. Ngunit ngayon ang pananaw ni Pablo tungkol kay Kristo at sa Kanyang misyon ay higit na espirituwal at mataas, sapagkat siya ay nahikayat na. Tiniyak ni Pablo na hindi niya inihaharap sa kanila ang Kristo na laman. Nakita ni Herodes si Kristo bilang tao; gayundin ni Anas; ni Pilato at mga saserdote at mga pinuno; nakita rin Siya ng mga kawal Romano. Ngunit hindi nila Siya nakita bilang niluwalharing Manunubos. Ang makilala si Kristo sa pananampalataya, ang magkaroon ng espirimwal na kaalaman sa Kanya, ay higit na dapat naisin kaysa personal na pagkakilala sa Kanya nang Siya ay nabuhay sa lupa. Ang komunyon kay Kristo na ngayon ay nararanasan ng apostol ay higit na malapitan, higit na matatag sa alin mang makatao at makalupang pagsasamahan.AGA 341.3

    Habang si Pablo ay nagsasalita tungkol sa lahat niyang nalalaman, at nagpatotoo tungkol sa kanyang nakita tungkol kay Jesus ng Nasaret bilang pag-asa ng Israel, silang taimtim na naghahanap ng katotohanan ay nahikayat. Sa ilang mga isipan naman, ang kanyang mga salita ay nadiing hindi na maaalis pa. Ngunit ang iba ay matigas na tumangging tanggapin ang malinaw na patotoo ng Kasulatan kahit na ito’y iniharap sa kanila ng isang may tanging liwanag ng Banal na Espiritu. Hindi nila malabanan ang mga argumento, ngunit tinanggihan naman nila ang kanyang paniniwala.AGA 342.1

    Maraming buwan ang lumipas matapos na dumating si Pablo sa Roma, bago nakarating sa Roma ang mga Judio na galing sa Jerusalem upang iharap na personal ang kanilang mga paratang laban sa bilanggo. Paulit-ulit na nahadlangan sila sa kanilang mga pakana; at ngayon si Pablo ay lilitisin sa harap ng pinakamataas na tribunal ng emperyo ng Roma; at wala silang naising dito ay mabigo pa. Si Lysia, Felix, Festo, at Agrippa ay naghayag ng kanilang paniniwala sa kanyang kawalang sala. Ang pag-asa na lamang ng kanyang mga kaaway ay daanin sa intriga ang bagay na ito upang makuha ang pabor ng emperador. Ang antala ay pabor sa kanila, sapagkat may panahon silang pagbutihin at isagawa ang kanilang mga piano, kung kaya’t naghintay pa silang matagal bago maglahad ng mga paratang laban sa apostol.AGA 342.2

    Sa paglalaan ng Dios, ang antala namang ito ay naging panahon ng pagpapasulong ng ebanghelyo. Sa pahintulot ng mga bantay ni Pablo, siya ay binigyang layang tumira sa isang malaking bahay, na doo’y malaya siyang madadalaw at makatatagpo ng mga kaibigan, at sa bawat araw ay mailalahad ang katotohanan sa sinumang tutungo roon. Sa loob ng dalawang taon ay nagpatuloy siya sa ganitong paggawa, “na nangangaral ng kaharian ng Dios, at nagtuturo ng mga bagay na tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo, na may buong pagtitiwala, at walang sinumang taong pumipigil sa kanya.”AGA 342.3

    Sa panahong ito, ang mga iglesia na kanyang naitatag sa maraming lupain ay hindi nakalimutan. Sa pagkadama ng mga panganib na nakakaharap ng mga bagong hikayat sa pananampalataya, sinikap ng apostol na sa pamamagitan ng liham ay mabigyan silang babala at praktikal na turo. At mula sa Roma ay nagsugo siya ng mga natatalagang manggagawa upang maglingkod hindi lamang sa mga iglesiang ito, kundi gayundin sa mga bukirang hindi niya napuntahan. Ang mga manggagawang ito, bilang mga matalinong pastor, ay pinalakas na mainam ang gawaing pinasimulan ni Pablo; ang mga manggagawang ito ay lagi siyang binalitaan sa mga kalagayan ang mga panganib sa mga iglesia, at sa pamamagitan nito ay matalinong napangasiwaan niya sila.AGA 342.4

    Kung kaya’t, bagama’t hiwalay sa aktibong paggawa para sa kanila, si Pablo ay nagkaroon ng lalong malawak at nagtatagal na impluwensya sa kanila kaysa kung siya ay malayang naglalakbay sa mga iglesiang ito na kanyang dating pinaglingkuran. Bilang isang bilanggo sa Panginoon, may mas mahigpit siyang hawak sa mga pagmamahal ng mga kapatid; at ang kanyang mga salita, na nasulat habang isang bilanggo para kay Kristo, ay tumanggap ng lalong pansin at paggalang kaysa kung siya ay personal na kasama nila. Nang si Pablo ay wala na sa kanila, saka lamang higit na nadama ng mga kapatid kung gaano kabigat ang pasaning tinaglay niya para sa kanila. Dati ay umiiwas sila sa mga kapanagutan at pasanin sapagkat wala silang karunungan, talino, at lakas; ngunit ngayong naiwang nag-iisa sa kawalang karanasan, ay napilitan silang matutuhan ang mga liksyong kanilang iniwasan, at ngayon ay pinahalagahan nila ang kanyang mga babala, payo, kung paanong hindi nila pinahalagahan ang kanyang turo at personal na paggawa. At sa pagkadinig nila tungkol sa kanyang personal na tapang at pananampalataya sa panahon ng mahabang pagkabilanggo, sila ay napakilos sa lalong pagtatapat at sigasig sa gawain ni Kristo.AGA 343.1

    Kabilang sa mga kawaksi ni Pablo sa Roma ay karamihan sa kanyang mga dating kasama at kamanggagawa. Si Lucas, “ang minamahal na manggagamot,” na naglingkod sa kanya sa paglalakbay mula Jerusalem, sa dalawang taong pagkabilanggo sa Cesarea, at sa mapanganib na paglalakbay patungong Roma, ay kasama pa rin niya. Si Timoteo ay naglingkod din sa kanyang ikagiginhawa. Si Tichico, “isang tapat na kapatid, isang tapat na ministro at kapwa lingkod sa Panginoon,” ay marangal na tumayo sa tabi ng apostol. Si Demas at Marcos ay kasama din. Si Aristarco at Epaphras ay “mga kapwa bilanggo.” Colosas 4:7-14.AGA 343.2

    Mula sa mga unang taon ng kanyang pananampalataya, si Marcos ay napalalim sa karanasang Kristiano. Sa lalong masinop na pagaaral ng buhay at kamatayan ni Kristo, ay nakatanggap siya ng mas malinaw na pananaw sa misyon ng Tagapagligtas, ang mga pagggawa at tunggalian nito. Si Marcos ay naging masunuring lingkod ng Panginoon sa landas ng pagsasakripisyo matapos na mabasa sa pilat ng Kanyang palad at paa ang mga marka ng paglilingkod sa sangkatauhan at ang maaabot ng pagtanggi sa sarili upang maakay at mailigtas ang waglit. At ngayong kabahagi ng kalagayan ni Pablo na bilanggo, higit niyang naunawaan ang walang sukat na pakinabang sa pagtatamo kay Kristo, at ang walang sukat na kawalan ng pagtatamo ng sanlibutan ngunit mapahamak naman ang kaluluwang dahil dito ay dumanak ang dugo ni Kristo. Sa harap ng mahigpit na pag-uusig at kahirapan, si Marcos ay nagpatuloy na matatag, isang matalino at minamahal na katulong ng apostol.AGA 343.3

    Si Demas, na sa isang panaho’y matatag, di nagtagal ay humiwalay sa gawain ni Kristo. Sa pagbanggit nito, sumulat si Pablo, “si Demas ay tumalikod sa akin, na higit na inibig ang sanlinbutang ito.” 2 Timoteo 4:10. Sa pakinabang na materyal, ipinagpalit ni Demas ang bawat mataas at marangal na bagay. Gaano kailding pananaw! Sa pagtataglay ng mga materyal na bagay lamang ng sanlibutan, tunay na dukha, gaano man ang yamang maaari niyang maangkin; samantalang si Marcos, na piniling magdusa para kay Kristo, ay nagtataglay ng walang hanggang kayamanan, bilang isang tagapagmana ng Dios ay kasamang tagapagmana ng Anak ng Dios.AGA 344.1

    Kabilang sa mga nagkaloob ng puso sa Dios sa paggawa ni Pablo sa Roma, ay si Onesimo, isang paganong alipin na nagkasala sa kanyang panginoong si Filemon, isang Kristianong mananampalataya sa Colosas, at ito’y tumakas sa Roma. Sa kagandahang-loob, sinikap ni Pablo na tulungan ang takas na ito sa kanyang paghihirap, at gayundin, ay bigyang liwanag ng katotohanan ang kanyang nadidimlang pag-iisip. Si Onesimo ay nakinig sa mga salita ng buhay, nagkumpisal ng mga kasalanan, at nahikayat sa pananampalataya ni Kristo.AGA 344.2

    Si Onesimo ay napamahal kay Pablo dahilan sa kanyang kabanalan at kataimtiman, sa pagmamalasakit nito sa kaginhawahan ng apostol, at sa sigasig na pasulungin ang gawain ng ebanghelyo. Nakita ni Pablo sa kanya ang mga katangian ng likas na maaaring puhunan sa pagiging mahusay na katulong sa gawaing misyonero, at pinayuhan niya itong magbalik agad kay Filemon, humingi dito ng patawad at magpanukala para sa hinaharap. Nangako ang apostol na siyang sasagot sa halagang ninakaw niya kay Filemon. Sapagkat si Tichico ay kanyang isusugo sa mga iba’t ibang iglesia sa Asia Minor taglay ang ilang mga liham, pinasama niya si Onesimo dito. Isang malaking pagsubok para sa aliping ito na humarap sa kanyang panginoong pinagkasalahan; ngunit siya ay tunay na nahikayat, at hindi siya tumalikod sa tungkulin.AGA 344.3

    Ipinadala ni Pablo kay Onesimo ang isang liham para kay Filemon, na dito, sa katutubong talino at kagandahang-loob, ay nakiusap ang apostol para sa nagsising alipin, at naglahad ng hangaring ito ay mapakinabangan sa hinaharap. Ang liham ay binuksan ng mapagmahal na pagbati kay Filemon bilang isang kaibigan at kamanggagawa:AGA 345.1

    “Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios, na ikaw ay binabanggit ko sa aking mga panalangin, sa pagkabalita ko ng iyong pag-ibig at ng pananampalataya mo sa Panginoong Jesus, at sa lahat ng mga banal; upang ang pakikipagkaisa ng iyong pananampalataya ay maging mabisa sa pagkaalam ng bawat mabuting bagay na nasa iyo sa kay Kristo Jesus.” Ipinaalaala ng apostol kay Filemon na ang bawat mabuting adhikain at mabuting likas ay dahilan sa biyaya ni Kristo; at ito ang nagbibigay pagkakaiba sa mga masama at makasalanan. Ang katulad na biyaya ay siya ring lilikha sa isang masamang kriminal na isang anak ng Dios at mabisang kamanggagawa sa ebanghelyo.AGA 345.2

    Maaari sanang imungkahi ni Pablo kay Filemon na gampanan nito ang tungkulin bilang isang Kristiano; ngunit sa halip ay nakiusap siya: “Ipinamamanhik ko sa iyo ang aking anak, na aking ipinanganak sa aking mga tanikala, si Onesimo, na nang unang panahon ay hindi mo pinakinabangan, datapuwat ngayon ay may pakikinabangan ka at ako man.”AGA 345.3

    Hiniling ng apostol kay Filemon, dahilan sa pagkahikayat ni Onesimo, na tanggapin ang nagsising alipin bilang sariling anak, na ipakita dito ang pagmamahal anupa’t nanaisin nitong manatiii sa kanya, “hindi bilang isang alipin, ngunit higit sa isang alipin, isang minamahal na kapatid.” Ipinahayag niyang nais niyang si Onesimo ay makapaglingkod sa kanya sa pagkakabilanggo, tulad din naman ng nanaisin ni Filemon na magawa bagama’t hindi niya ito hahangarin maliban munang sa kusang loob ay palayain muna niya ang alipin.AGA 345.4

    Alam ng apostol ang kabagsikan ng mga panginoon sa kanilang alipin, at alam din niyang si Filemon ay tunay na galit sa ginawa ng kanyang alipin. Sinulatan niya ito sa paraang gigising ng pinakamalalim at pinakamapagmahal na damdamin bilang isang Kristiano. Ang pagkahikayat ni Onesimo ay nagpabago ng kanyang kalagayan upang ngayon ay maging kapatid sa pananampalataya, at anumang parusang igagawad sa bagong hikayat na ito ay ituturing ni Pablo na sa kanya na rin iginawad.AGA 345.5

    Kusang iminungkahi ni Pablo na siya na ang sasagot sa pagkakautang ni Onesimo upang ang nagkasalang ito ay hindi na maparusahan, at muli ay makatanggap ng mga karapatang nawala sa kanya. “Kung ako nga ay inaari mong kasama,” isinulat niya kay Filemon, “ay tangapin mo siyang tila ako rin.” Ngunit kung siya’y nagkasala sa iyo ng anuman, ay ibilang mo sa akin; Akong si Pablo na sumusulat nito sa aking sariling kamay, ay siyang magbabayad sa iyo.”AGA 346.1

    Gaano nga kaangkop na ilustrasyon ng pag-ibig ni Kristo sa nagsisising makasalanan! Ang aliping nagnakaw sa kanyang panginoon ay walang magagawa upang makabayad. Ang makasalanang nagnakaw sa Dios ng mga taon ng paglilingkod ay walang magagawa upang mawala ang pagkakautang. Si Jesus ay namamagitan sa makasalanan at sa Dios, na nagsasabi, Babayaran Ko ang pagkakautang. Palayain ang makasalanan; Ako ang magdurusa para sa kanya.AGA 346.2

    Matapos mag-alok ng pag-ako sa utang ni Onesimo, ipinaalaala ni Pablo kay Filemon kung paano namang siya ay may malaking pagkakautang sa apostol. Ang sarili ay utang niya sa kanya, sapagkat ginawa ng Dios si Pablo na kasangkapan sa kanyang pagkahikayat. At sa mapagmahal at maningas na pagsamo, hiniling niya kay Felimon na kung paanong siya ay naging mapagbigay sa mga banal, ay mapasasaya niya ang apostol sa pagkakaloob sa kanya ng dahilang magdiwang. Kita’y sinulatan sa pagkakatiwala sa iyong pagtalima, palibhasa’y aking nalalaman na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.”AGA 346.3

    Ang liham ni Pablo kay Filemon ay naghahayag ng impluwensya ng ebanghelyo sa ugnayan ng panginoon at alipin. Ang pagkakaroon ng mga alipin ay isang tatag na institusyon sa buong emperyo ng Roma, at ang mga panginoon at alipin ay kapwa natatagpuan sa karamihan ng mga iglesiang ginawan ni Pablo. Sa mga siyudad, na mas marami ang mga alipin kaysa mamamayang laya, ang mga mahihigpit na batas ay kailangan upang ang mga ito ay masupil. Ang isang mayamang Romano kadalasan ay nag-aari ng daan-daang alipin, sa bawat ranggo, mula sa maraming bansa, at sa maraming kakayahan. Maaari niyang saktan ang mga ito palibhasa’y lubos ang kontrol sa kanilang mga katawan at kaluluwa. Kung sinuman sa mga ito ay magtangkang magtaas ng kamay laban sa panginoon dahilan sa pagganti o pagtatanggol sa sarili, ang buong pamilya ng alipin ay maaaring isakripisyong hindi makatao. Ang pinakamaliit na pagkakamali, aksidente, o kawalang ingat ay madalas na pinarurusahang walang awa.AGA 346.4

    Ang ilang panginoon, na mas makatao sa iba, ay mas mapagtiis sa kanilang mga alipin; datapuwat ang karamihan ng mga mayayaman at mararangal, na lango sa layaw, pita, at gana, ay madalas na ginagawa ang kanilang mga alipin bilang biktima ng kapritso at kalupitan. Ang takbo ng buong sistema ay walang pag-asang nagpapababa ng pagkatao.AGA 347.1

    Hindi tungkulin ng apostol na baguhin ang sistemang ito ng lipunan. Ang subukin ito ay magiging hadlang sa tagumpay ng ebanghelyo. Ngunit nagturo siya ng mga simulaing nakatuon sa pinakapundasyon ng pagkaalipin na kung isasagawa ay tunay na magpapahina sa buong sistema. “Kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon, mayroong kalayaan.” 2 Corinto 3:17. Kapag nahikayat, ang alipin ay nagiging kaanib ng katawan ni Kristo, at sa ganito ay mamahalin at ituturing bilang isang kapatid, kapwa tagapagmana katulad ng kanyang panginoon sa mga pagpapala ng Dios at mga karapatan ng ebanghelyo. Sa kabilang dako, ang mga alipin ay dapat tumupad ng kanilang mga tungkulin, “hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao; kundi bagkus gaya ng mga alipin ni Kristo, na ginagawa mula sa puso ang kalooban ng Dios.” Efeso 6:6.AGA 347.2

    Ang Kristianismo ay nagtatatag ng matibay na ugnayan ng pangi-noon at alipin, hari at mamamayan, ng ministro ng ebanghelyo at ng makasalanang nakasumpong ng paglilinis ng kasalanan kay Kristo. Sila ay nahugasan sa iisang dugo, binuhay ng iisang Espiritu; at sila ay pinagkaisa kay Jesu-Cristo.AGA 347.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents