Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Ang Sambahayan ni Ceasar

    Ang ebanghelyo ay higit na matagumpay sa mga mababang uri ng tao. “Hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag.” 1 Corinto 1:26. Hindi maaasahang si Pablo, isang hamak at walang kaibigang bilanggo, ang makakakuha ng pansin ng mayayaman at may titulong mga Romano. Sa kanila ang mga bisyo ay kaaldt-aldt at sila ay mga kusang-loob na bihag. Ngunit marami sa mga pinighati at pinagmalupitang biktima, pati na sa mga alipin, ang magalak na nakinig sa mga salita ni Pablo, at nakasumpong sa pananampalataya ni Kristo ng isang pag-asa at kapayapaang nagpasigla sa kanila sa ilalim ng mga kahirapan.AGA 348.1

    Gayunman, habang ang apostol ay nagsisimula ng gawain sa mababang uring ito, ang impluwensya nito ay lumawak hanggang sa makarating sa palasyo ng emperador.AGA 348.2

    Sa panahong ito ang Roma ang pangunahing lunsod ng sanlibutan. Ang mayayabang na Ceasar ay nagbibigay ng mga batas sa halos bawat bansa sa lupa. Ang hari at tauhan sa korte ay walang nalalaman tungkol sa hamak na Nazareno, o pinakikitunguhan Siyang may muhi at aglahi. Gayunman, sa loob ng dalawang taon ang ebanghelyo ay nakarating sa palasyo ng hari mula sa abang tirahan ng bilanggo. Si Pablo ay nakatanikala bilang manggagawa ng kasamaan; ngunit “ang salita ng Dios ay hindi natatanikalaan.” 2 Timoteo 2:9.AGA 348.3

    Sa mga nakaraang taon ang apostol ay naghayag sa publiko ng pananampalataya ni Kristo taglay ang kapangyarihang umakit; at sa mga tanda at kababalaghan ay nagbigay ng hindi mapagkakamaliang katibayan ng makalangit na likas nito. May katatagang siya ay tumayo sa harapan ng mga pantas ng Grecia, at sa kanyang kaalaman at husay sa pagsasalita ay pinatahimik ang mga argumento ng mayayabang na pilosopiya. Sa hindi natitinag na tapang siya ay tumayo sa harapan ng mga hari at gobernador, at nakipagkatuwiranan tungkol sa katuwiran, pagtitimpi, at paghuhukom na darating, hanggang sa ang mapagmataas na mga pinunong ito ay nanginig na parang namamasdan nila ang mga kakila-kilabot na araw ng Dios.AGA 348.4

    Wala nang ganitong mga pagkakataong nabigay pa sa apostol na nakakulong sa tinitirahan, at nakakapagbahagi na lamang siya ng katotohanan sa kanilang nakadadalaw sa kanyang tirahan. Wala siyang utos mula sa langit, tulad ni Moises at Aaron, upang humarap sa masamang hari sa pangalan ng dakilang AKO NGA upang tuligsain ang kanyang kalupitan at pang-aapi. Gayunman, sa panahong ito na ang pinakadakilang tagapagtanggol ay parang hiwalay sa karamihan at publikong paggawa, na ang pinakadakilang tagumpay ay naganap para sa ebanghelyo; sapagkat mula sa sambahayan ng hari, ay may naparagdag sa iglesia.AGA 349.1

    Wala nang kapaligirang makikita na walang malasakit sa Kristianismo liban sa korte sa Roma. Parang binura na ni Nero sa kanyang kaluluwa ang pinakahuling bahid ng langit, kahit na ng tao, upang malantad sa kanya ang larawan ni Satanas. Ang mga naglilingkod sa kanya at mga kawaksi sa pangkalahatan ay nagaya na sa kanya—mabangis, mababa, at masama. Sa paningin ng lahat ay parang imposible para sa Kristianong makatapak man lamang sa korte at palasyo ni Nero.AGA 349.2

    Gayunman sa pangyayaring ito, tulad din sa marami pa, ay napatunayan ang sinabi ni Pablo na ang mga sandata ng kanyang pakikipagbaka ay “makapangyarihan sa pamanagitan ng Dios sa pagwawasak ng mga tanggulan.” 2 Corinto 10:4. Kahit na sa sam-bahayan ni Nero, mga tropeo ng krus ay nakamtan. Mula sa masasamang tagapaglingkod ng lalong masamang hari ay nagkaroon ng mga nahikayat at naging mga anak ng Dios. Ang mga ito ay naging mga Kristiano hindi palihim, kundi hayagan. Hindi nila ikinahiya ang kanilang pananampalataya.AGA 349.3

    Sa paanong paraan ang ebanghelyo ay nagkaroon ng matatag na pagpasok gayong parang imposible? Sa kanyang pagliham sa mga taga Filipos, itinuring ni Pablo ang kanyang pagkabilanggo bilang dahilan ng pagkahikayat ng marami mula sa sambahayan ni Nero. Sa pangambang baka isipin nilang ang pagkabilanggong ito ay hadlang sa pagsulong ng ebanghelyo, sumulat siya: “Nais kong maunawaan ninyo mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay naganap sa ikasusulong ng ebanghelyo.” Filipos 1:12.AGA 349.4

    Nang unang mabalitaan ng mga iglesiang Kristiano ang pagdalaw ni Pablo sa Roma, tumingin silang may pananabik sa magiging tagumpay ng ebanghelyo sa siyudad. Nadala na ni Pablo ang katotohanan sa maraming lupain; inihayag niya ito sa malalaking siyudad. Hindi baga magtatagumpay din ang kampiyong ito ng pananampalataya sa pangunahing lunsod ng sanlibutan? Ngunit ang pag-asa nila ay napalis nang madinig ang balitang si Pablo ay nakarating sa Roma bilang isang bilanggo. May tiwala silang tumingin sa pagtatatag ng ebanghelyo sa dakilang sentrong ito, at kakalat sa lahat ng mga bansa at magiging namamayaning kapangyarihan sa buong lupa. Gaano nga ang kanilang kabiguan! Nabigo ang pag-asa ng tao, ngunit hindi ang adhikain ng Dios.AGA 350.1

    Hindi sa mga sermon ni Pablo, kundi sa kanyang tanikala, nahikayat ang korte ng hari sa Kristianismo. Bilang isang bilanggo na kanyang nilagot ang kadena na nakagapos sa maraming kaluluwang alipin ng kasalanan. At hindi lamang ganito. Inihayag niya: “Marami sa mga kapatid sa Panginoon, na nakasumpong ng kalakasan sa aking mga tanikala, ang higit na naging matapang sa paglalahad ng salita na walang takot.” Filipos 1:14.AGA 350.2

    Ang pagtitiyaga at kasiglahan ni Pablo sa mahabang panahon ng walang katarungang pagkabilanggo, ang kanyang tapang at pana-nampalataya, ay palagiang sermon. Ang kanyang diwa, hindi katulad ng diwa ng sanlibutan, ay naging saksi sa isang kapangyarihang taglay niya na higit na mataas kaysa lahat sa lupa. At sa kanyang halimbawa, ang mga Kristiano ay naitulak taglay ang higit na lakas upang maging mga tagapagtanggol ng gawain sa publiko na hindi na magawa ni Pablo. Sa mga paraang ito ang mga tanikala ng apostol ay naging mabisa, anupa’t nang ang kanyang kapangyarihan at bisa sa paggawa ay parang naputol na, at sa tingin ng lahat siya ay wala nang magagawa pa, na sa panahong ito ay nakapagtipon siya ng maraming uhay sa bukiran para kay Kristo gayong sa tingin siya ay di na kabilang pa.AGA 350.3

    Bago magwakas ang dalawang taong pagkabilanggo, nasabi ni Pablo, “Ang aking mga tanikala kay Kristo ay nahayag sa lahat sa palasyo, at sa lahat ng ibang dako;” at kabilang sa mga nagpadala ng pagbati sa mga taga Filipos ay binanggit niyang pangunahin silang “sa sambahayan ni Ceasar.” Filipos 1:13; 4:22.AGA 350.4

    Ang pagtitiis at tapang ay may kanyang tagumpay. Sa kaamuan sa harap ng paglilitis, sa tapang sa paggawa, ang mga kaluluwa ay maaakit kay Kristo. Ang Kristianong maghahayag ng pagtitiis at kasiglahan sa gitna ng pighati at paghihirap, na hinaharap pati ang kamatayan na payapa at panatag sa isang pananampalatayang di natitinag, ay maaaring makagawang higit kaysa buong buhay niya ng tapat na paggawa. Madalas na kapag ang lingkod ng Dios ay nawawala sa aktibong paggawa, ang mahiwagang paglalaan ng Dios naman ang gumagawa upang tabunan ang ating kalumbayan sa gawaing hindi na magagampanan pa.AGA 350.5

    Huwag isipin ng alagad ni Kristo, na kapag siya ay hindi na makagawang pampubliko at aktibo para sa Dios at sa Kanyang katotohanan, na wala na nga siyang paglilingkod pang maihahandog, wala nang gantimpala pang matatamo. Ang mga tunay na saksi ni Kristo kailanman ay hindi naisasantabi. Sa kalusugan o karamdaman, sa buhay o kamatayan, ginagamit pa rin sila ng Dios. Kung sa pamamagitan ng masamang pakana ni Satanas ang mga lingkod ni Kristo ay pinaguusig, ang kanilang aktibong paggawa ay nahahadlangan, kapag sila ay nabibilanggo, o kinakaladkad sa pahirapan o sunugan, ito ay upang ang katotohanan ay higit na magtagumpay. Habang ang mga tapat na ito ay tinatatakan ng sariling dugo ang kanilang katapatan, ang mga kaluluwang sana’y nag-aalinlangan pa ay nakukumbinse sa pana-nampalataya kay Kristo, at tatayong matapang para sa Kanya. Mula sa abo ng mga martir ay sisibol ang saganang ani para sa Dios.AGA 351.1

    Ang sigasig at katapatan ni Pablo at mga kasama sa paggawa, gayundin ang pananampalataya at pagsunod ng mga nahikayat sa Kristianismo, sa ilalim ng mga pangyayaring napakahirap, ay tuligsa sa katamaran at kakulangan ng pananampalataya sa ministro ni Kristo. Ang apostol at mga kasama ay maaari sanang nagdahilang walang kabuluhan pang tawagan sa pagsisisi at pananampalataya kay Kristo ang mga alipin ni Nero, sapagkat sila ay nasa ilalim ng mahihigpit na tukso, napapalibutan ng mga malalaking sagabal at lantad sa matinding pagsalungat. Kahit na kung ang mga ito ay makumbinse sa katotohanan, paano naman sila makasusunod? Ngunit si Pablo ay hindi nagdahilan ng ganito; sa pananampalataya ay inihayag niya ang ebanghelyo sa mga kaluluwang ito, at sa mga nakapakinig ay may ilang sumunod anuman ang kabayaran nito. Sa kabila ng mga hadlang at panganib, tatanggapin nila ang liwanag, at magtitiwala sa Dios upang tumulong sa kanila na ang liwanag ay kanilang maibahagi sa ibaAGA 351.2

    Hindi lamang nakahikayat sa katotohanan sa sambahayan ni Ceasar, ang mga ito ay nanatili pa sa paglilingkod. Hindi nila inisip na malayang iwanan ang kanilang tungkulin sa kabila ng kapaligirang hindi na mainam para sa kanila. Doon sila nasumpungan ng katotohanan, at doon sila mananatili, at sa pamamagitan ng kanilang mga buhay na nabago at bagong likas ay magpapatotoo sila sa nagpapabagong kapangyarihan ng kanilang bagong pananampalataya.AGA 352.1

    Mayroon bang natutuksong idahilan ang mga pangyayaring nakapalibot sa kanila upang hindi sumaksi para kay Kristo? Bigyang pansin ang kalagayan ng mga alagad sa sambahayan ni Ceasar—ang kasamaan ng emperador, ang kalaswaan ng korte. Wala na tayong maiisip pang mga pangyayaring higit na pangit para sa kabuhayang relihiyon, na higit na nangangailangan ng sakripisyo kaysa kapaligirang nasumpungan ng mga bagong hikayat na ito. Gayunman, sa gitna ng malaking kahirapan at panganib ay nanatili sila sa pagtatapat. Dahilan sa mga sagabal na parang hindi malalagpasan, ang Kristiano ay maaaring magdahilan sa pagsunod sa katotohanang na kay Jesus; ngunit wala siyang maidadahilan na papasa sa paghuhukom. ‘Kung mangyayari ito, mapatutunayan niyang ang Dios ay walang katarungan sa pagpapahintulot sa Kanyang mga anak ng mga kondisyong sa kaligtasang hindi nila masusunod.AGA 352.2

    Siyang ang puso ay nakalagak sa paglilingkod sa Dios ay makasusumpong ng mga pagkakataong makasaksi para sa Kanya. Ang mga kahirapan ay walang kapangyarihang pigilin siyang ang kaharian ng Dios at ang Kanyang katuwiran muna ang iniisip. Sa kalakasang natatamo sa pananalangin at pag-aaral ng Salita, hahanapin niya ang kabutihan at itatakwil ang bisyo. Sa pagtingi:kay Jesus, na may-akda at tagapagtapos ng pananampalataya, na nagtiis ng pag-upasala ng mga makasalanan, ang mananampalataya ay magtitiis ng libak at pagtuya. Ang tulong at biyayang sapat sa bawat pangyayari ay ipinangako Niyang ang salita ay katotohanan. Ang Kanyang walang hanggang bisig ay nakayakap sa kaluluwang lumalapit sa Kanya. Sa Kanyang kandili ay maaari tayong mapanatag, at magsabi, “Sa panahong ako ay natatakot, ako ay magtitiwala sa Kanya.” Awit 56:3. Sa lahat ng magtitiwala sa Kanya, ang Dios ay hindi magkukulang sa pagtupad sa mga pangako.AGA 352.3

    Sa Kanyang sariling halimbawa ang Tagapagligtas ay nagpakitang ang Kanyang mga alagad ay maaaring nasa lupang ito, datapuwat hindi ukol sa lupang ito. Naparito Siya hindi upang makibahagi sa mga madayang kalayawan nito, upang mapaanod sa kanyang mga ugali, o sumunod sa kanyang mga gawi, kundi upang ganapin ang kalooban ng Kanyang Ama, upang hanapin at iligtas ang waglit. Taglay ang ganitong adhikain, ang Kristiano naman ay maaaring makatayong hindi nahahawahan ng kanyang kapaligiran. Anuman ang kanyang kalagayan, hamak man o mataas, ihahayag niya ang kapangyarihan ng tunay na relihiyon sa kanyang tapat na pagtupad ng tungkulin.AGA 352.4

    Hindi malayo sa pagsubok, kundi sa gitna nito, na ang likas Kristiano ay napapalago. Ang pagiging lantad sa upasala at pagsalungat ang umaakay sa alagad ni Kristo sa lalong dakilang pagbabantay at lalong maningas na panalangin. Ang mahigpit na pagsubok ay natatagalan sa biyaya ng Dios na nagpapalago ng pagtitiis, pagbabantay, at katatagan, at ng isang malalim at nananatiling pagtitiwala sa Dios. Ang ganitong pagtatagumpay ng pananampalatayang Kristiano ang nagbibigay lakas sa alagad na magdusa at magpakalakas; magpasakop, at magtagumpay; ang harapin ang kamatayan, gayunman ay mabuhay; ang magbata ng krus, at sa ganito ay matamo ang putong ng kaluwalhatian.AGA 353.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents