Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Huling Liham ni Pablo

    Mula sa bulwagan ng katarungan ng Ceasar, si Pablo ay ibinalik sa kanyang selda, at nadama niyang ang tagumpay na natamo ay pansamantala lamang. Alam niyang hindi titigil ang kanyang mga kaaway hanggang siya ay hindi maipapatay. Ngunit alam din niyang sa oras na yaon ang katotohanan ay nagwagi. Ang ihayag ang Tagapagligtas na ipinako at muling nabuhay sa karamihang taong iyon ay isang tagumpay. Nang araw na iyon ay nasimulan ang isang gawaing lalago at lalakas, na kahit na ano pa ang gawin ni Nero at mga kaaway ay hindi nila mapipigil.AGA 377.1

    Sa paglakad ng mga araw sa madilim niyang bilangguan, sa pagkaalam na isang salita o tango lamang ng ulo ni Nero ay magiging hudyat ng kanyang kamatayan, naisip ni Pablo si Timoteo, at nagpasiyang ipasundo ito. Ipinagkatiwala kay Timoteo ang pangangalaga ng iglesia sa Efeso, at hindi na ito nakasama pa sa huling pagtungo ni Pablo sa Roma. Si Pablo at Timoteo ay pinagtali ng pagmamahalang malalim at matibay. Mula nang siya’y mahikayat, si Timoteo ay nakabahagi sa paggawa at paghihirap, at ang pagkakaibigan nila ay lumagong malakas, malalim, at banal, hanggang si Timoteo ay naging lahat ng mananais ng isang ama sa isang anak, at si Pablo naman ay amang iginagalang at pinararangalan. Hindi nakapagtatakang sa oras ng kalungkutan at pag-iisa, ay nanabik si Pablo na makita ito.AGA 377.2

    Sa ilalim ng pinakamabuting panahon, ilang buwan din ang lilipas bago makarating si Timoteo sa Roma mula sa Asia Minor. Alam ni Pablo na walang katiyakan ang kanyang buhay, at nangangamba siyang maging huli na ang pagdating ni Timoteo. May mahalagang payo at tagubilin siyang nais ipabatid sa kabataang ito, na pinagkatiwalaan ng mabigat na kapanagutan; at bagama’t pinagmamadali itong makarating, kasabay ay idinikta niya ang mga huling pangungusap na maaaring hindi na niya masabi pang personal. May pusong puspos ng mapagmahal na malasakit sa kanyang anak sa ebanghelyo at sa iglesiang inaalagaan nito, sinikap ni Pablo na idiin kay Timoteo ang kahalagahan ng pagtatapat sa banal na pagkakatiwala.AGA 377.3

    Sinimulan ni Pablo ang liham sa pagbati: “Kay Timoteo, na aking minamahal na anak: Biyaya, kaawaan, kapayapaan nawang mula sa Dios Ama at kay Kristo Jesus na Panginoon natin. Nagpapasalamat ako sa Dios, na mula sa aking kanununuan ay aking pinaglingkuran sa budhing malinis, na walang patid na inaalaala kita sa aking mga daing, gabi’t araw.”AGA 378.1

    Ipinayo ng apostol kay Timoteo ang pangangailangan ng katatagan sa pananampalataya. “Dahil dito ay ipinaalaala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Dios na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay. Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan, at ng pag-ibig, at ng kahusayan. Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginon, ni ako na bilanggo Niya: kundi magtiis ka ng kahirapan dahil sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Dios.” Ipinaalaala ni Pablo kay Timoteo na ito ay tinawag ng “isang banal na pagkatawag” upang ipangaral ang kapangyarihan Niyang “nagdala sa liwanag ng buhay at ng walang pagkasira sa pamamagitan ng ebanghelyo: na sa bagay na ito,” kanyang pinahayag, “ako’y itinalaga na tagapangaral, at apostol, at guro sa mga Gentil. Dahil dito’y nagtiis din ako ng mga bagay na ito: gayunma’y hindi ako nahihiya: sapagkat nakikilala ko yaong aking sinampalatayanan, at lubos na makapag-iingat ng aking ipinagkatiwala sa Kanya hanggang sa araw na yaon.”AGA 378.2

    Sa mahabang panahon ng kanyang paglilingkod, si Pablo ay hindi man lamang nanghina sa kanyang katapatan sa Tagapagligtas. Saan man siyang matungo—sa harapan man ng mga nakaismid na Pariseo, o mga pinuno ng Roma; sa galit na karamihan sa Lystra, o kasama ng mga salarin sa bilangguan ng Macedonia; nakikipagkatuwiranan sa mga takot na marino ng nabagbag na barko, o nakatayong nag-iisa sa harapan ni Nero para sa kanyang buhay—kailanman ay hindi siya nahiyang ipagtanggol ang gawain. Ang nag-iisang dakilang adhikain ng kanyang buhay ay maglingkod sa Kanyang ang pangalan ay dati niyang kinamuhian; at mula sa adhikaing ito ay walang pagsalungat o pag-uusig mang makapagpapahina sa kanya. Ang kanyang pananampalataya, na pinalakas ng pagsisikap at dinalisay ng sakripisyo, ang nagtaas at nagpalakas sa kanya.AGA 378.3

    “Ikaw nga, anak ko,” ipinagpatuloy ni Pablo, “magpakalakas ka sa biyayang nasa kay Kristo Jesus. At ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa gitna ng maraming saksi, ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat, na makapagtuturo naman sa iba. Makipagtiis ka sa akin ng mga kahirapan, na gaya ng isang mabuting kawal ni Kristo Jesus.”AGA 378.4

    Ang tunay na ministro ng Dios ay hindi iiwas sa kapanagutan. Mula sa Bukal na hindi nagkukulang, siyang taimtim na naghahanap ng banal na kapangyarihan, ay makasasalok ng kalakasang magiging kapangyarihan laban sa mga tukso, at lakas sa pagganap ng mga tungkuling nakababaw sa kanya. Ang biyayang kanyang tatanggapin ay magpapalawak ng kanyang pagkakilala sa Dios at sa Kanyang Anak. Ang kanyang kaluluwa ay mananabik na gumawa ng angkop na paglilingkod sa Panginoon. Sa pagsulong niya sa landas-Kristiano, siya ay nagiging “malakas sa biyaya ni Jesu-Cristo.” Ang biyayang ito ay magkakaloob ng tapat na pagsaksi sa mga bagay na kanyang narinig. Hindi niya itatakwil o pababayaan ang kaalamang tinanggap niya mula sa Dios, kundi ibabahagi ang kaalamang ito sa mga tao, na sila namang magbabahagi rin sa iba.AGA 379.1

    Sa huling liham niya kay Timoteo, itinaas ni Pablo sa kabataang manggagawa ang isang mataas na pamantayan, at itinuro dito ang mga kapanagutan ng isang ministro ni Kristo. “Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios,” isinulat ng apostol, “manggagawang walang anumang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan.” “Layuan mo ang masasamang pita ng kabinataan, at sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang kapayapaan, kasama ng mga nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis. Ngunit tanggihan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ng mga pagtatalo. At ang alipin ng Panginoon ay hindi nararapat na makipagtalo; kundi maamo sa lahat, sapat na makapagturo, matiisin, na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila’y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi, sa ikaaalam ng katotohanan.”AGA 379.2

    Nagbabala ang apostol tungkol sa mga bulaang guro na magsisikap makapasok sa iglesia. “Alamin mo ito,” kanyang ipinahayag, “na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. Sapagkat ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,...na may anyo ng kabanalan, datapuwat tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.”AGA 379.3

    “Datapuwat ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama,” kanyang ipinagpatuloy, “na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya. Datapuwat manatiii ka sa mga bagay na iyong pinag-aralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan; at mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang inga Banal na Kasulatan, na makapag-padunong sa iyo sa ikaliligtas Lahat ng mga Kasulatan na lanasihan ng Dios, ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: upang ang tao ng Dios, ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.” Ang Dios ay naglaan ng saganang paraan sa matagumpay na pakikibaka sa kasamaang nasa sanlibutan. Ang Biblia ang pagkukunan ng mga sandata sa pakikibaka. Ang ating baywang ay dapat nabibigkisan ng katotohanan. Ang ating baluti ay katuwiran. Ang kalasag ng pananampalataya ay dapat na sa ating kamay; ang turbante ng kaligtasan sa ating ulo; at ang tabak ng Espiritu, na salita ng Dios, ang siyang hahalibas sa mga balakid at sagabal ng kasalanan.AGA 380.1

    Alam ni Pablo ang panganib na haharapin ng iglesia. Alam niyang kailangan ang tapat, at maningas na paggawa nilang mga nangangasiwa sa iglesia; at isinulat niya kay Timoteo, “Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios, at ni Kristo Jesus, na siyang huhukom sa mga buhay at sa mga patay sa pamamagitan ng Kanyang pagpapalata at sa Kanyang kaharian: Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo.”AGA 380.2

    Ang banal na tagubiling ito sa isang tapat at masigasig na tulad ni Timoteo ay isang matibay na patotoo sa kahalagahan at kapanagutan ng gawain ng isang ministro ng ebanghelyo. Sa harapan ng Dios, tinawagan ni Pablo si Timoteo na ipangaral ang salita, hindi ang mga salawikain at kaugalian ng tao; na maging handang sumaksi para sa Dios saanman mayroong pagkakataon—sa harapan ng malalaking kongregasyon o pribadong usapan, sa tabi ng painitan o sa lansangan, sa mga kaibigan, o kaaway man, sa kapanatagan o panganib at kahirapan, sa kahihiyan at kawalan.AGA 380.3

    Sa pangambang ang likas ni Timoteo na maamo, banayad at mapagpahinuhod ay maging dahilan ng pag-iwas sa ilang maha- halagang sangkap ng gawain, nagpayo si Pablo ukol sa katapatan sa pagsansala sa kasalanan at pagbatikos na matalas sa kanilang hayagang nagkakasala. Gayunman ay dapat itong gawing “may pagpapahinuhod at pagtuturo.” Siya ay dapat maghayag ng pagtitiis at pag-ibig ni Kristo, nagpapaliwanag at nagbibigay ng sansala ayon sa mga katotohanan ng salita.AGA 380.4

    Ang mamuhi at magsansala sa kasalanan, at kasabay nito ay maghayag ng habag at pagmamahal sa makasalanan, ay mahirap gawin. Habang lalong masikap tayo sa pagtatamo ng kabanalan ng puso at buhay, lalo namang magiging matalas ang ating pandama sa kasalanan, at lalong maging pasiyahan ang ating pagbatikos sa anumang hiwalay sa matuwid. Dapat tayong magbantay laban sa hindi marapat na higpit sa nagkakamali, ngunit dapat tayong maging maingat na hindi naman mawala sa atin ang pananaw sa lubos na kasamaan ng kasalanan. Kailangang ihayag ang pagtitiis at pag-ibig ni Kristo sa nagkakasala, ngunit may panganib namang magkaroon ng pagpapabaya sa kanyang kasalanan anupa’t maiisip ng nagkasalang hindi siya dapat parusahan at ituturing nitong ang parusa ay malupit at walang katarungan.AGA 381.1

    Ang mga ministro ng ebanghelyo kung minsan ay nakagagawa ng malaking pinsala sa pagpapabayang ang makasalanan ay lalong malulong sa mga kasalanan, o kaya ay pakikibahagi dito. Sa ganito ay naaakay silang pabayaan at bigyang dahilan ang kasalanang kinamumuhian ng Dios; at pagkaraan ng ilang panahon sila ay nabubulagang bigyan pang parangal silang inuutos ng Dios na kanilang batikusin. Siyang nagpamanhid ng espirituwal na pananaw sa pagpapahintulot sa mga kasalanang kinamumuhian ng Dios, di magtatagal ay gagawa ng lalong dakilang kasalanan sa pagiging marahas at mahigpit sa mga taong sinasang-ayunan ng Dios.AGA 381.2

    Sa pagmamataas ng karunungan ng tao, sa pag-aglahi sa impluwensya ng Banal na Espiritu, at sa kawalan ng interes sa mga katotohanan ng salita ng Dios, maraming nagpapanggap na mga Kristiano, at mga nag-aakalang may kakayahang magturo sa iba, ang maaakay palayo sa mga kahilingan ng Dios. Inihayag ni Pablo kay Timoteo, “Sapagkat darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang mga sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita, at ihihiwalay sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at mga ibabaling sa katha.”AGA 381.3

    Hindi tinutukoy ng apostol dito ang mga hayagang hindi relihiyoso, kundi sa mga nagpapanggap na Kristiano na sumusunod sa sariling hilig, at nagiging alipin ng sarili. Ang mga ito ay laang makinig sa mga doktrinang hindi sumasansala sa kanilang mga kasalanan o humahatol sa kanilang hilig sa kalayawan. Sila ay nasasaktan sa malinaw na salita ng mga tapat na lingkod ni Kristo, at pumipili ng mga gurong pupuri at mag-aangat sa kanila. At kabilang sa mga ministro ay mga nangangaral ng mga kuro-kuro ng tao sa halip ng salita ng Dios. Hindi tapat sa kanilang pagkakatiwala, inaakay nila sa kapahamakan ang mga nakatingin sa kanila sa espirituwal na patnubay.AGA 382.1

    Sa banal na kautusan, ang Dios ay nagkaloob ng sakdal na patakaran ng buhay; at Kanyang inihayag na hanggang sa wakas ng panahon ang kautusang ito ay di magbabago isa mang tuldok o kudlit, at siyang pag-aangkin ng Dios sa tao. Naparito si Kristo upang palawakin at parangalan ang kautusan. Ipinakita Niyang ito ay nakasalig sa malawak na pundasyon ng pag-ibig ng Dios at pag-ibig sa tao, at ang pagsunod sa mga sangkap nito ang buong katungkulan ng tao. Sa Sermon sa Bundok, ipinakita Niya kung paanong ang mga kahilingan nito ay sumasaklaw sa kabila ng panlabas na gawa at tumutukoy sa mga pag-iisip at haka ng puso.AGA 382.2

    Ang kautusan, kapag nasunod, ay aakay sa taong tanggihan ang “kawalang kabanalan at mga pita ng sanlibutan,” at “aakayin siyang mabuhay na mahinahon, matuwid, at banal sa sanlibutang ito.” Tito 2:12. Ngunit binihag ng kaaway ng lahat ng katuwiran ang mundo at inakay ang mga lalaki at babae upang lumabag sa kautusan. Tulad ng nakita ni Pablo, ang karamihan ay bumaling mula sa malinaw, at sumasaliksik na katotohanan ng salita ng Dios, at pumili ng mga gurong maghaharap sa kanila ng mga kathang isip na nakahahalina. Marami sa mga kaanib at ministro ang yumuyurak sa mga utos ng Dios. Sa ganito ay naiinsulto ang Manlalalang, at si Satanas ay humahalakhak sa tagumpay ng kanyang mga pakana.AGA 382.3

    Sa patuloy na pag-aglahi sa utos ng Dios, may paglaganap naman ng kawalang hilig sa relihiyon, dagdag na pagmamataas, pag-ibig sa kalayawan, pagsuway sa magulang, at pagmamalabis sa sarili; at ang mga mapag-isip sa lahat ng dako ay nagtatanong, Ano ang magagawa upang mapigil ang nakababahalang kasamaang ito? Ang tugon ay nasa payo ni Pablo kay Timoteo, “Ipangaral mo ang salita.” Sa Biblia masusumpungan ang mga panatag na simulain ng pagkilos. Ito ang salin ng kalooban ng Dios, pagpapahayag ng banal na karunungan. Nagbubukas ito ng pagkaunawa sa mga dakilang problema ng buhay; at sa lahat ng susunod sa mga tagubilin nito, ito ay magiging hindi nagkakamaling patnubay, na mag-iingat sa kanila sa pagwawasak ng buhay sa paggawang walang direksyon.AGA 382.4

    Ipinahayag ng Dios ang Kanyang kalooban, at kahangalan para sa taong mag-alinlangan sa mga lumabas sa Kanyang bibig. Matapos makapangusap ang Karunungang Walang Hanggan, wala nang alinlangan pang taglayin ang tao, walang pag-aatubili sa pagsunod. Lahat ng kahilingan ay nabubuo sa payak, at lubos na pagsunod sa Kanyang kalooban. Ang pagsunod ang pinakamataas na dikta ng isipan at ng konsyensya.AGA 383.1

    Patuloy si Pablo sa tagubilin: “Ngunit ikaw ay magpigil sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gawin mo ang gawa ng ebanghelista, ganapin mo ang iyong ministeryo.” Malapit nang matapos ni Pablo ang kanyang takbuhin, at nais niyang si Timoteo ang kumuha ng kanyang lugar, sa pagsasanggalang sa iglesia sa mga katha at erehe na sa iba’t ibang paraan ay ipapasok ng kaaway upang ilayo ang tao sa simpleng ebanghelyo. Nagpayo siyang layuan ang lahat ng mga pagsisikap na temporal at mga balakid na hahadlang sa kanya upang di lubusang maihandog ang sarili sa paglilingkod sa Dios; na batahing may kagalakan ang pagsalungat, kahihiyan, at paguusig na masasagupa dahilan sa kanyang pagtatapat; na ganaping buo ang kanyang ministeryo sa paggamit ng mga paraang naaabot niya sa paggawa ng kabutihan sa mga kinamatayan ni Kristo.AGA 383.2

    Ang buhay ni Pablo ay halimbawa ng mga katotohanang kanyang itinuro; at dito nasalig ang kanyang tagumpay. Ang kanyang puso ay puspos ng malalim, at nananatiling pagkadama ng kanyang kapanagutan; at siya’y gumawang may malapitang kaugnayan sa Kanya na Siyang bukal ng katarungan, habag, at katotohanan. Nanghawakan siya sa krus ni Kristo bilang tanging garantiya ng tagumpay. Ang pag-ibig ng Tagapagligtas ang di namamatay na motibong nagpanatili sa kanya sa mga pakikipagpunyagi sa sarili, at sa pakikibaka laban sa kasamaan habang patuloy siya sa paglilingkod kay Kristo sa sanlibutang itong hindi makipagkaibigan at sa pagsalungat ng kanyang mga kaaway.AGA 383.3

    Ang kailangan ng iglesia sa mga panahon ng panganib ay mga manggagawang tulad ni Pablo, na naturuan sa pagiging kapakipakinabang, may malalim na karanasan sa mga bagay ng Dios, at puno ng sigasig at ningas. Mga lalaking pinabanal, at mapagsakripisyo; mga lalaking hindi iiwas sa pagsubok at kapanagutan; mga lalaking matapang at tunay; mga lalaking sa puso ay nakatanghal si Kristo bilang “pag-asa ng kaluwalhatian,” at may mga labing nadampian ng banal na apoy ay “mangangaral ng salita.” Sa kakulangan ng ganitong mga manggagawa ang gawain ay nagdurusa, habang ang mga kamaliang nakamamatay tulad ng lason, ay nakamantsa sa moral at nagpapadilim ng pag-asa ng kalakhang bahagi ng lahi ng tao.AGA 383.4

    Habang ang mga tapat at pagal nang tagapagdala ng bandila ay nag-aalay ng kanilang mga buhay para sa katotohanan, sino naman kaya ang lalapit upang kumuha ng kanilang lugar? Ang mga kabataan ba natin ay tatanggap sa banal na pagkakatiwalang naibigay sa kanilang mga magulang? Naghahanda ba silang pumuno sa kawalang malilikha ng kamatayan ng mga banal? Diringgin kaya ang hamon ng apostol, ang panawagan sa tungkulin, sa gitna ng mga pang-akit sa kasakiman at ambisyong nakaaakit sa mga kabataan?AGA 384.1

    Tinapos ni Pablo ang liham sa mga personal na pabalita, at muling inulit ang kahilingang si Timoteo ay pumaroon agad sa kanya, kung maaari ay bago dumating ang taglamig. Sinabi niya ang tungkol sa kanyang kalungkutan dahilan sa paglisan ng ilang mga kaibigan at kinailangang pag-alis ng iba; at baka sakaling si Timoteo ay magatubili pa dahilan sa pangangailangan ng iglesia sa Efeso, sinabi niyang isinugo na si Tichico na papalit muna sa kanya habang siya ay wala roon.AGA 384.2

    Matapos ibalita ang tanawin ng paglilitis sa harapan ni Nero, ang pagtalikod ng mga kapatid, at ang nagpapanatiling biyaya ng Dios na nag-iingat ng tipan, isinara ni Pablo ang liham sa pagtatalaga kay Timoteo sa pag-iingat ng Punong Pastor, na bagama’t ang mga katulong na pastor Niya ay malugmok na, ay patuloy pa ring mangangalaga sa Kanyang kawan.AGA 384.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents