Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Binago ng Biyaya

    Sa kabuhayan ng alagad na si Juan ang tunay na pagpapakabanal ay nahayag. Sa mga taon ng kanyang malapitang pakikisama kay Kristo, madalas na siya ay binigyang babala at pinayuhan ng Taga-pagligtas; at ang mga sumbat na ito ay kanyaijg tinanggap. Habang ang likas ng Banal ay nalantad sa kanya, nakita ni Juan ang mga sariling kahinaan, at siya’y napaamo ng ganitong pagpapahayag. Sa bawat araw, nakita niya ang pagkakaiba ng kanyang marahas na diwa sa pagmamahal at pagpapahinuhod ni Jesus, at kanyang narinig ang mga liksyon tungkol sa pagpapakababa at pagtitiis. Sa bawat araw ang kanyang puso ay nahubog kay Kristo, hanggang mawala sa kanya ang pagtingin sa sarili sa kanyang pag-ibig sa Panginoon. Ang kapangyarihan at pagmamahal, ang kamahalan at kaamuan, ang kalakasan at pagtitiis, na nakita niya sa buhay ng Anak ng Dios, ang pumuno ng paghanga sa kanyang kaluluwa. Isinuko niya ang kanyang mainipin, at ambisyosong diwa sa paghuhubog ni Kristo, at ang banal na pag-ibig ang naghulma sa pagpapabago ng kanyang likas.AGA 422.1

    Kabaligtaran sa ganitong pagpapakabanal na nahayag sa buhay ni Juan ay ang naging karanasan ng kapwa niya alagad na si Judas. Tulad ng iba pa, nagpanggap si Judas na alagad ni Kristo, ngunit ang sa kanya ay anyo lamang ng kabanalan. Matigas siya at hindi matanggap ang kagandahan ng likas ni Kristo; at madalas na sa kanyang pakikinig sa mga salita ng Tagapagligtas, ang kombiksyon ay nadama niya, gayunman ay hindi niya isinuko ang puso o ikinumpisal man ang kanyang mga kasalanan. Sa paglaban sa banal na impluwensya, hindi niya naparangalan ang Panginoong sinasabi niyang kanyang minamahal. Si Juan ay palagiang bumabaka sa kanyang mga kahinaan; ngunit si Judas ay hindi tumugon sa kanyang budhi at sa halip ay sumuko sa tukso, at lalo pang nangunyapit sa kanyang mga masasamang ugali. Ang mga pagsasakabuhayan ng katotohanang iniaral ni Kristo ay naging labag sa kanyang mga naisin at adhikain, at hindi niya maipasakop ang kanyang mga isipan upang makatanggap ng karunungan ng langit. Sa halip na lumakad sa liwanag, pinili niyang lumakad sa dilim. Mga masasamang naisin, pag-iimbot, mapaghiganting damdamin, at madidilim na isipan, ay kanyang minahal hanggang si Satanas ay lubusang pumigil sa kanya.AGA 422.2

    Si Juan at si Judas ay kumakatawan sa mga nagpapanggap na mga alagad ni Kristo. Kapwa sila tumanggap ng katulad na mga pagkakataong mapag-aralan at makasunod sa banal na Huwaran. Kapwa sila malapit ang kaugnayan kay Jesus, at nagkaroon ng karapatang makapakinig sa Kanyang mga turo. Kapwa sila nagtaglay ng mga malalang depekto ng likas; at kapwa sila may karapatang makatanggap ng banal na biyayang magpapabago ng likas. Ngunit habang ang isa ay nag-aaral kay Jesus sa kababaan ng diwa, ang isa naman ay naghayag na siya ay hindi tagaganap ng salita, kundi isang tagapakinig lamang. Ang isa, sa bawat araw ay namatay sa sarili at nagtagumpay sa kasalanan at pinabanal ng katotohanan; ang isa naman, ay tumanggi sa kapangyarihan ng biyayang magbago ng likas at nagpatuloy sa mga makasariling hangarin, at naakay sa pagkaalipin kay Satanas.AGA 423.1

    Ang pagbabago ng likas na nahayag kay Juan ay laging bunga ng komunyon kay Kristo. Maaaring may mga lantad na depekto sa likas ng tao, gayunman, kapag siya ay naging tunay na alagad ni Kristo, ang kapangyarihan ng banal na likas ang magbabago at magpapabanal sa kanya. Tulad ng pagtingin sa salamin, siya ay nababago mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, hanggang sa siya ay makatulad sa Kanya na kanyang minamahal.AGA 423.2

    Si Juan ay isang guro ng kabanalan, at sa mga sulat niya sa mga iglesia ay inilahad niya ang hindi nagkakamaling patakaran ng pagkilos Kristiano. “Ang sinumang may pag-asang ito sa kanya,” kanyang sinulat, “ay naglilinis sa kanyang sarili, tulad din naman Niyang malinis.” “Ang nagsasabing siya’y nananahan sa Kanya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad Niya.” 1 Juan 3:3; 2:6. Itinuro niyang ang Kristiano ay marapat na maging malinis sa puso at kabuhayan. Kailanman ay di siya dapat masiyahan sa hungkag na pagpapanggap. Kung paanong ang Dios ay banal sa Kanyang kalagayan, gayundin ang taong nagkasala, sa pananampalataya kay Kristo, ay magiging banal sa kanyang katayuan.AGA 423.3

    “Ito ang kalooban ng Dios,” wika ni apostol Pablo, “samakatuwid baga’y ang inyong pagpapakabanal.” 1 Tesalonica 4:3. Ang pag- papakabanal ng iglesia ang adhikain ng Dios sa lahat ng Kanyang pakikitungo sa Kanyang bayan. Mula pa sa walang hanggan ay pinili na Niya sila. Ipinagkaloob ang Bugtong na Anak upang mamatay para sa kanila, upang sila ay mapabanal sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan. At mula sa kanila ay urnaasa ang Dios ng personal at walang pasubaling pagpapasakop. Ang Dios ay mapararangalan sa pamamagitan nilang nagpapanggap na nananampalataya sa Kanya kung sila ay kaayon sa Kanyang wangis at pinangangasiwaan ng Kanyang Espiritu. Pagkatapos, bilang mga saksi para sa Tagapagligtas, maihahayag nila kung ano ang nagawa para sa kanila ng banal na biyaya.AGA 423.4

    Ang tunay na pagpapakabanal ay natatamo sa pagsasakabuhayan ng simulain ng pag-ibig. “Ang Dios ay pag-ibig; at siyang nananahan sa pag-ibig ay nananahan sa Dios, at ang Dios sa kanya.” 1 Juan 4:16. Ang kabuhayan ng taong si Kristo ang nananahanan sa puso ay naghahayag ng tunay na kabanalan. Ang likas ay madadalisay, matataas, mapararangal at maluluwalhati. Ang dalisay na aral ay sasanib sa mga gawa ng katuwiran; mga utos ng langit ay sasanib sa mga banal na gawain.AGA 424.1

    Silang magnanais makatamo ng pagpapala ng pagpapakabanal ay dapat munang matutuhan ang kahulugan ng pagsasakripisyo sa sarili. Ang krus ni Kristo ang sentrong haligi na dito ay nakaugnay ang “lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.” “Kung ang sinumang tao’y ibig sumunod sa Akin,” wika ni Kristo, “ay tumanggi sa kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Akin.” 2 Corinto 4:17; Mateo 16:24. Ang halimuyak ng ating pag-ibig sa kapwa ang naghahayag ng ating pag-ibig sa Dios. Ang pagtitiis sa paglilingkod ang naghahatid ng kapahingahan sa tao. Sa pamamagitan ng maamo, masipag, tapat na paggawa na ang kapakanan ng Israel ay napalago. Ang Dios ang nagtataas at nagpapalakas ng taong laang sumunod sa paraan ni Kristo.AGA 424.2

    Ang pagpapakabanal ay hindi gawaing pansumandali, isang oras, o isang araw, kundi panghabang buhay. Hindi ito natatamo sa magandang pakiramdam, kundi bunga ng palagiang kamatayan sa kasalanan, at patuluyang buhay kay Kristo. Ang mga kamalian ay hindi maitutuwid o ang repormasyon ay magaganap sa likas sa mahina at pabugso-bugsong pagsisikap. Sa pamamagitan lamang ng matagalan, masikap, disiplinado, at pasyahang pakikibaka, na tayo ay magwawagi. Hindi natin alam kung gaano magiging kahigpit ang pakikibaka ngayon o bukas. Hangga’t si Satanas ay namamayani sa mundong ito, kailangang masupil natin ang mga nakasagabal na kasalanan; hanggang may buhay, walang dakong maaaring tigilan, walang puntong mararating natin na doon ay ating sasabihing, natapos ko na. Ang pagpapakabanal ay bunga ng habang buhay na pagsunod.AGA 424.3

    Walang sinuman sa mga apostol at mga propeta ang nag-angking sila ay walang kasalanan. Mga lalaking nabuhay na pinakamalapit sa Dios, mga lalaking magsasakripisyo ng buhay kaysa gumawa ng kasamaan, mga lalaking pinarangalan ng Dios sa pagkakaloob ng kapangyarihan at liwanag, ay nagkumpisal ng kanilang pagiging makasalanan. Hindi sila nagtiwala sa laman, o sa katuwiran ng sarili, kundi nagtiwalang lubusan sa katuwiran ni Kristo.AGA 425.1

    Gayundin sa lahat na titingin kay Kristo. Habang mas malapit tayo kay Jesus, at lalong mas malinaw ang ating pananaw sa kadalisayan ng Kanyang likas, lalo namang malinaw nating makikita ang kasamaan ng kasalanan, at lalong hindi tayo mag-aangat ng ating mga sarili. Magkakaroon ng patuluyang pag-abot sa Dios ang kaluluwa, isang palagian, maningas, bagbag sa pusong pagkukumpisal ng kasalanan at pagpapakababa ng puso sa harapan Niya. Sa bawat hakbang na pasulong sa karanasang Kristiano ang ating pagsisisi ay lalalim. Malalaman natin ang ating kasapatan ay kay Kristo lamang at aangkinin natin ang pagkukumpisal ng apostol: “Nalalaman kong sa akin (sa aking laman,) ay walang anumang kabutihan.” “Huwag nawang tulutan ng Dios na ako ay magmapuri, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niyao’y ang sanlibutan ay ipinako sa krus sa ganang akin, at ako’y sa sanlibutan.” Roma 7:18; Galacia 6:14.AGA 425.2

    Bayaan nating ang anghel na tagapagtala ay mag-ulat ng kasaysayan ng mga banal na pakikibaka ng bayan ng Dios; bayaan silang magtala ng kanilang mga panalangin at pagluha; datapuwat huwag nawang madungisan ang karangalan ng Dios sa pagsasabi ng tao, “Ako’y walang kasalanan; ako’y banal.” Ang mga labing pinabanal kailanma’y hindi magpapanggap na ganito.AGA 425.3

    Ang apostol Pablo ay dinala sa ikatlong langit at nakita at narinig ang mga bagay na hindi masambit ng bibig, gayunman ang kanyang maamong pangungusap ay: “Hindi sa ako’y nagtamo na, o ako’y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako.” Filipos 3:12. Bayaang ang mga anghel ay magtala ng mga tagumpay ni Pablo sa mabubuting pakikipagbaka ng pananampalataya. Bayaang ang langit ay magdiwang sa kanyang pagtitiwalang matatag sa paglakad patungo sa langit, at habang nakamasid sa gantimpala, ay itinuturing na ang bawat ibang bagay ay walang kabuluhan. Mga anghel ay nagagalak na magbalita ng kanyang mga tagumpay, ngunit si Pablo ay tahimik lamang. Ang isipang ito ni Pablo ang dapat na maging isipan ng bawat tunay na alagad ni Kristo sa kanyang patuloy na paldkipagbaka ukol sa walang hanggang korona.AGA 425.4

    Silang nag-iisip na magpanggap ng kabanalan ay marapat tumingin sa salamin ng kautusan ng Dios. Habang nakikita nila ang malayuang pag-aangkin nito, at nauunawaan ang gawain nito bilang tagapagmasid sa mga isipan at layunin ng puso, matitigil silang magmayabang pa ng kawalang kasalanan. “Kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan,” wika ni Juan, “ay ating dinadaya ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin.” “Kung sinasabi nating tayo’y hindi nagkakasala, ay ating ginagawang sinungaling Siya, at ang Kanyang salita ay wala sa atin.” “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal Siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” 1 Juan 1:8, 10, 9.AGA 426.1

    Mayroong nagpapanggap ng kabanalan, na nagsasabing sila ay lubusang sa Panginoon, na nagpapanggap ng karapatan sa mga pangako ng Dios, gayong tumatanggi namang magkaloob ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Ang mga lumalabag na ito ng kautusan ay nag-aangkin ng lahat na ipinapangako sa mga anak ng Dios; datapuwat ito ay pag-aangking kanila lamang, sapagkat sinasabi ni Juan na ang tunay na pag-ibig sa Dios ay mahahayag sa pagsunod sa lahat Niyang mga utos. Hindi sapat na maniwala sa teoriya ng katotohanan, o magpanggap ng pananampalataya kay Kristo, ang maniwalang si Jesus ay hindi isang impostor, at ang relihiyon ng Biblia ay hindi matalinong kathang isip lamang. “Ang nagsasabing nakikilala ko Siya, at hindi tumutupad ng Kanyang mga utos,” sinulat ni Juan, “ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. Datapuwat ang sinumang tumutupad ng Kanyang salita, tunay na sa kanya ay naging sakdal ang pag-ibig ng Dios: dahil dito’y nalalaman nating tayo’y nasa Kanya.” “Ang tumutupad ng Kanyang mga utos ay mananahan sa Kanya, at Siya ay sa kanya.” 1 Juan 2:4, 5; 3:24.AGA 426.2

    Hindi itinuro ni Juan na ang kaligtasan ay natatamo sa pagsunod; kundi ang pagsunod ay bunga ng pananampalataya at pag-ibig. “At nalalaman ninyo na Siya’y nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan,” kanyang sinabi, “at sa Kanya’y walang kasalanan. Ang sinumang nananahan sa Kanya ay hindi nagkakasala: sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa Kanya, ni hindi man nakakilala sa Kanya.” 1 Juan 3:5, 6. Kung tayo ay mananahan kay Kristo, kung ang pag-ibig ng Dios ay nasa ating mga puso, ang ating mga damdamin, mga isipan, mga kilos, ay magiging katugma ng mga sangkap ng kautusan ng Dios.AGA 426.3

    Marami ang sa pagsisikap na makasunod sa kautusan ng Dios, ay hindi makasumpong ng kapayapaan o kagalakan. Ang ganitong kakulangan ay bunga ng kawalang pananampalataya. Lumalakad sila sa isang lupaing parang tigang at maasin. Kakarampot ang kanilang inaangkin, gayong maaari silang mag-angkin ng malaki sapagkat walang hangganan ang mga pangako ng Dios. Ang mga ito ay hindi matuwid na kumakatawan sa pagpapakabanal na bunga ng pagsunod sa katotohanan. Nais ng Panginoon na ang lahat ng anak Niya ay maging maligaya, payapa, at masunurin. Sa pagsasakabuhayan ng pananampalataya ang tao ay tumatanggap ng mga pagpapalang ito. Sa pananampalataya, ang bawat pagkukulang ng likas ay magagamot, bawat karamihan ay malilinis, bawat kahinaan ay maitutuwid, bawat kagalingan ay mapalalago.AGA 427.1

    Ang panalangin ay paraan ng langit sa pagtatagumpay sa pakikipagtunggali sa kasalanan at sa pagpapalago ng likas Kristiano. Ang mga banal na impluwensyang dulot ng panalangin ng pananampalataya ay gagawa sa kaluluwa ng lahat na kanyang hinihiling. Sa pagpapatawad ng kasalanan, sa pagtanggap ng Banal na Espiritu, sa kalakasan at karunungang kailangan sa pagganap ng Kanyang gawain, sa ugaling tulad kay Kristo, sa anumang kaloob na pangako Niya, maaari tayong humiling; at ang pangako ay, “Inyong tatanggapin.”AGA 427.2

    Sa bundok kasama ang Dios nakita ni Moises ang huwaran ng kahanga-hangang gusaling magiging tirahan ng Kanyang kaluwal-hatian. Sa bundok kasama ng Dios—sa lihim na dako ng komunyon sa Kanya—tayo ay dapat magbulay-bulay sa Kanyang maluwalhating hangarin sa tao. Sa lahat ng panahon, sa pamamagitan ng pakikipagugnayan sa langit, isinagawa ng Dios ang Kanyang adhikain sa Kanyang bayan, sa pagpapahayag sa kanila ng mga doktrina ng biyaya. Ang paraan ng Kanyang pagbabahagi ng katotohanan ay inilalarawan sa mga salitang, “Ang kanyang paglabas ay tunay na parang umaga.” Oseas 6:3. Ang taong nasa dakong doon ay maaari siyang liwanagan ng Dios, ay sumusulong tulad ng isang nasa kulimlim ng bukang liwayway tungo sa kaliwanagan ng katanghaliang tapat.AGA 427.3

    Ang tunay na pagpapakabanal ay nangangahulugan ng sakdal na pag-ibig, sakdal na pagsunod, sakdal na pagkakatugma sa kalooban ng Dios. Tayo ay napapabanal sa Dios sa pagsunod sa katotohanan. Ang ating mga konsyensya ay dapat malinis mula sa mga patay na gawa upang maglingkod sa buhay na Dios. Hindi pa tayo sakdal; datapuwat karapatan nating lumagot sa mga tanikala ng sarili at kasalanan, at sumulong tungo sa kasakdalan. Mga dakilang bagay na maaaring mangyari, matataas at banal na hangarin, ay inilalagay sa harapan ng lahat.AGA 428.1

    Ang dahilan kung baldt sa panahong ito ay marami ang hindi sumusulong sa kabuhayang banal ay sapagkat iniisip nilang ang kalooban ng Dios ay yaong nais lamang nilang gawin. Sa pagsunod sa sariling mga naisin, tinatapik nila ang sarili na sila ay kaayon ng kalooban ng Dios. Wala silang pakikipag-alit sa sarili. Mayroong sa isang panahon ay naging matagumpay sa pakikibaka sa mga makasariling naisin sa kalayawan at ginhawa. Sila ay taimtim at matapat, datapuwat nahahapo sa matagalang pagsisikap, sa pang-araw-araw na kamatayan, sa walang tigil na kaguluhan. Ang katamaran ay kaakitakit, ang kamatayan sa bawat araw sa kasalanan ay nakaririmarim; at ipipikit nila ang mga matang malamlam at magpapatihulog sa kapangyarihan ng tukso sa halip na labanan ito.AGA 428.2

    Ang mga tagubiling inilahad ng salita ng Dios ay walang lugar sa pakikipagkompromiso sa kasamaan. Ang Anak ng Dios ay nahayag upang akitin Niya sa sarili ang lahat ng tao. Naparito Siya hindi upang ipaghele ang sanlibutan sa pagkakatulog, kundi upang ituro sa tao ang makitid na daang dapat lakaran ng lahat na magnanais na makasapit sa mga pintuan ng siyudad ng Dios. Ang mga anak ng Dios ay dapat sumunod sa daang Kanyang pinangunahan; at sa anumang pagsasakripisyo ng ginhawa at makasariling layaw, at sa anumang halaga ng paggawa at pagdurusa, kailangang magpanatili ng palagiang pakikipagbaka sa sarili.AGA 428.3

    Ang pinakadakilang papuring maibibigay ng tao sa Dios ay ang maging natatalagang daluyan ng Kanyang paggawa. Ang panahon ay mabilis na lumilipas sa walang hanggan. Huwag nating agawin sa Dios ang ganang bahagi Niya. Huwag nating itanggi sa Kanya ang bagay na bagama’t ibinibigay na walang bayad, ay hindi naman maikakait na hindi mapapahamak. Hinihiling Niya ay buong puso; ipagkaloob ito sa Kanya; ito ay sa Kanya, sa paglalang at pagtubos. Hinihiling Niya ang iyong katalinuhan; ibigay ito sa Kanya; sapagkat ito ay Kanya rin. Hinihiling Niya ang iyong salapi; ibigay ito sa Kanya; ito ay Kanya. “Hindi kayo sa inyong sarili; sapagkat kayo ay binili sa halaga.” 1 Corinto 6:19, 20. Ninanais ng Dios ang pagsamba ng kaluluwang pinabanal, na naghanda ng sarili sa pagsasakabuhayan ng pananampalataya na gumagawa sa pag-ibig, sa paglilingkod sa Kanya. Inihaharap Niya sa atin ang pinakamataas na pamantayan, kahit na ang kasakdalan. Hinihiling Niya sa atin na tayo’y maging lubos at ganap na para sa Kanya sa sanlibutang ito kung paanong Siya ay lubos at ganap na para sa atin sa harapan ng Dios.AGA 428.4

    “Ito ang kalooban ng Dios,” tungkol sa iyo, “ang inyong pagpapakabanal.” 1 Tesalonica 4:3. Ito rin ba ang iyong kalooban? Ang mga kasalanan mo ay maaaring gabundok sa harapan mo; ngunit kung magpapakababa ka ng puso at magkukumpisal ng mga kasalanan, na nagtitiwala sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na ipinako at muling nabuhay, Siya ay magpapatawad at maglilinis sa lahat ng iyong kalikuan. Hinihingi ng Dios sa iyo ang lubusang pakikiayon sa Kanyang utos. Ang utos na ito ang alingawngaw ng Kanyang tinig sa iyo na nagsasabing, Magpakabanal kang higit, oo, lalong banal pa. Hangarin mo ang kaganapan ng biyaya ni Kristo. Punuin mo ang iyong puso ng marubdob na pananabik sa Kanyang katuwiran, na ang gawain ayon sa salita ng Dios ay kapayapaan, at ang bunga ay kapanatagan at kasiguruhan magpakailanman.AGA 429.1

    Habang ang iyong kaluluwa ay nananabik sa Dios, makasusumpong ka ng higit at higit pang kayamanan ng Kanyang biyaya. Habang nagbubulay-bulay ka sa mga kayamanang ito, ang mga ito ay matatanggap mo at ito ang maghahayag sa iyo ng mga kabutihan ng sakripisyo ng Tagapagligtas, ng pag-iingat ng Kanyang katuwiran, ng kaganapan ng Kanyang karunungan, at ng kapangyarihang ikaw ay maiharap Niya sa Ama na “walang batik, at walang kapintasan.” 2 Pedro 3:14.AGA 429.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents