Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Pagsasanay sa Labindalawa

    Upang maisagawa ang Kanyang gawain, hindi pinili ni Kristo ang kaalaman o husay sa pagsasalita ng Sanhedrin ng mga Judio o ang kapangyarihan ng Roma. Nilagpasan ang mga mapagmatuwid sa sariling mga guro ng mga Judio, pinili ng Punong Manggagawa ang mga hamak, walang pinag-aralang tao upang siyang maghayag ng mga katotohanang magpapakilos sa sanlibutan. Ang mga lalaking ito ang Kanyang sasanayin at tuturuang maging lider ng Kanyang iglesia. Sila naman ay magtuturo sa iba at sila’y susuguing taglay ang pabalita ng ebanghelyo. Upang sila ay magtagumpay sa paggawa ay pagkakalooban sila ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Hindi sa lakas ng tao o karunungan man niya ipahahayag ang ebanghelyo, kundi sa kapangyarihan ng Dios.AGA 15.1

    Sa tatlo at kalahating taon ang mga alagad ay nasa ilalim ng pagtuturo ng pinakadakilang Guro na nakilala ng sanlibutan. Sa personal na pakikisama sa kanila, sinanay sila ni Kristo sa paglilingkod sa Kanyang gawain. Sa bawat araw ay lumakad at nakipag-usap sila sa Kanya, nadidinig ang Kanyang mga salita ng kasiglahan para sa pagal at nabibigatan, at nakikita ang pagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan para sa mga may sakit at bagabag. Minsan ay Kanyang tinuruan sila, magkakasamang nakaupo sa mga burol; kung minsan ay sa tabing-dagat o sa paglalakad sa mga daan, inihayag Niya ang mga hiwaga ng kaharian ng Dios. Saanmang dakong may mga pusong bukas sa pagtanggap ng pabalita ng langit, inihayag Niya ang mga katotohanan ng daan ng kaligtasan. Hindi Niya sinabi sa mga alagad na gawin ninyo ito, gawin ninyo iyan, kundi sinabi Niya, “Sumunod kayo sa Akin.” Sa Kanyang mga paglalakbay sa mga bayan at siyudad, isinama Niya sila upang makita kung paano Siya magturo sa mga tao. Sa bawat dako ay kasama sila sa paglalakbay. Nagsalo sila sa kaunting pagkain, at tulad Niya, kung minsan ang mga alagad ay gutom at pagod. Sa masisikip na lansangan, sa tabing-dagat, at sa mapanglaw na disyerto, ay kanilang kasama Siya. Sa bawat bahagi ng buhay ay kanilang namasdan Siya.AGA 15.2

    Sa ordinasyon ng Labindalawa nakita ang unang hakbang sa pagtatatag ng iglesia na matapos umalis si Kristo ay siyang magpapatuloy ng gawain Niya sa lupa. Sa ordinasyong ito ay sinasabi ng tala, “At Siya’y umahon sa bundok, at tinawag Niya ang balang Kanyang maibigan: at nagsilapit sila sa Kanya. At naghalal Siya ng labindalawa, upang sila’y makisama sa Kanya, at upang sila’y suguin Niyang magsipangaral.” Marcos 3:13, 14.AGA 16.1

    Masdan ang tanawing ito. Masdan ang Kamahalan ng langit na napapalibutan ng labindalawang Kanyang pinili. Sila’y handa nang ibukod para sa kanilang gawain. Sa pamamagitan ng mahihinang lalaldng ito, sa Kanyang Salita at Espiritu, ipinanukala Niyang ilahad ang kaligtasan sa abot-kamay ng lahat.AGA 16.2

    May kagalakan at pagdiriwang, minasdan ng Dios at mga anghel ang tanawing ito. Alam ng Ama na sa mga lalaking ito ay magniningning ang liwanag ng langit; na ang mga salitang sasalitain nila sa pagsaksi sa Kanyang Anak, ay aalingawngaw sa paglakad ng mga saling lahi hanggang sa katapusan ng panahon.AGA 16.3

    Ang mga alagad ay hahayo bilang mga saksi kay Kristo, na magpapahayag sa sanlibutan ng kanilang nakita at narinig sa Kanya. Ang kanilang tungkulin ay pinakamahalaga sa maaaring tawagan sa tao, ikalawa lamang sa naging gawain ni Kristo. Sila ay magiging kamanggagawa ng Dios sa pagliligtas ng tao. Tulad sa Lumang Tipan na ang labindalawang patriarka ay tumayo bilang mga kinatawan ng Israel, ang labindalawang apostol ay tatayong mga kinatawan ng iglesia ng ebanghelyo.AGA 16.4

    Sa pasimula ng Kanyang gawain, sinikap ni Jesus na buwagin ang pader sa pagitan ng mga Judio at Gentil at mangaral tungkol sa kaligtasan sa lahat ng tao. Bagaman isang Judio, Siya’y nakisalamuhang malaya sa mga taga Samaria, at niwalang kabuluhan ang mga kaugalian ng mga Pariseo tungkol sa lahing ito na kanilang inaglahi. Natulog Siya sa ilalim ng kanilang mga bubong, kumain sa kanilang mga dulang, at nagturo sa kanilang mga lansangan.AGA 16.5

    Ang Tagapagligtas ay nanabik na ilahad sa Kanyang mga alagad ang katotohanan tungkol sa pagbubuwag ng pader na nakapagitan sa Israel at ibang mga bansa—ang katotohanang “ang mga Gentil ay kapwa tapagmana” kasama ng mga Judio at “kabahagi sa Kanyang pangako kay Kristo sa pamamagitan ng ebanghelyo.” Efeso 2:14; 3:6. Ang bahagi ng katotohanang ito ay nahayag nang Kanyang parangalan ang pananampalataya ng senturyon sa Capernaum, at gayon din nang Siya ay nangaral sa mga nananahan sa Sichar. Higit itong nahayag sa Kanyang pagdalaw sa Phoenicia, nang Kanyang pagalingin ang anak na babae ng babaeng Canaaneo. Ang mga karanasang ito ay nakatulong sa mga alagad na maunawaan na kabilang sa mga itinuturing nilang hindi karapat-dapat sa kaligtasan, ay may mga kaluluwang nagugutom sa liwanag ng katotohanan.AGA 16.6

    Sa ganito ay sinikap ni Kristo na ituro sa mga alagad ang katotohanang sa kaharian ng Dios ay walang linya ng teritoryo, walang lipi, walang aristokrasya; sila ay dapat humayo sa lahat ng bansa at dadalhin sa kanila ang pabalita ng pag-ibig ng Tagapagligtas. Ngunit nagtagal pa bago nila nakuha ang buong isipan na “ginawa Niya sa isa ang bawat bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, at itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan, at ang mga hangganan ng kanilang tahanan; upang kanilang hanapin ang Panginoon, baka sakaling maapuhap nila Siya, at Siya’y masumpungan, bagaman hindi Siya malayo sa bawat isa sa atin.” Gawa 17:26, 27.AGA 17.1

    Sa mga unang alagad na ito ay iniharap ang malinaw na pagkakaiba. Sila ay magiging mga guro sa sanlibutan, at sila ay kumakatawan sa iba’t ibang uri ng likas. Upang matagumpay na mapalago ang gawaing doon ay tinawagan sila, ang mga lalaldng ito, nagkakaiba sa mga natural na katangian at mga ugali ng buhay, ay kailangang dumating sa pagkakaisa ng damdamin, isipan, at pagkilos. Ang pagkakaisang ito ang naging layunin ni Kristo. Sa ganito ay sinikap Niyang ang mga alagad ay maging kaisa sa Kanya. Ang pasanin ng Kanyang paggawa para sa kanila ay nakita sa Kanyang dalangin sa Kanyang Ama, “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya Mo, Ama, sa Akin, at Ako’y sa Iyo, na sila nama’y suma Atin;” “upang ang sanlibutan ay sumampalataya na Ako’y sinugo Mo, at sila’y Iyong inibig, na gaya Ko na inibig Mo.” Juan 17:21, 23. Ang palagiang panalangin Niya para sa kanila ay yaong mapabanal sila ng katotohanan; at Siya ay dumalanging may kasiguruhan, sa pagkaalam na ang utos ng Makapangyarihan ay nabigay na bago pa lalangin ang mundo. Alam Niya na ang ebanghelyo ng kaharian ay ipangangaral sa mga bansa bilang saksi; alam Niya na ang katotohanan ay may lakas ng Banal na Espiritu, ay magwawagi sa pakikidigma sa kasamaan, at ang bandilang duguan balang araw ay iwawagayway na may tagumpay ng Kanyang mga tagasunod.AGA 17.2

    Habang nagtatapos ang gawain ni Kristo sa lupa, at nadama Niyang di magtatagal ay lilisanin na Niya ang Kanyang mga alagad upang ipagpatuloy nila ang gawain na wala na ang Kanyang personal na pangangasiwa, sinikap Niyang palakasin sila at ihanda sa hinaharap. Hindi Niya sila dinaya ng mga maling pag-asa. Bilang isang aklat na bukas ay inilahad Niya sa kanila ang mga bagay na magaganap. Alam Niya na Siya ay malapit nang mahiwalay sa kanila, na iiwanan silang parang mga tupa sa harap ng mga lobo. Alam Niyang sila ay daranas ng mga pag-uusig, na sila ay itataboy mula sa mga sinagoga, at ibibilanggo. Alam Niya na sa kanilang pagsaksi sa Kanya na Mesias, ilan sa kanila ay papatayin. At ito ay inilahad Niya sa kanila. Tungkol sa hinaharap, maliwanag at tiyakan ang Kanyang paglalahad, upang sa darating na pagsubok ay maalaala nila ang Kanyang mga salita at mapalakas sa pananampalataya sa Kanya bilang Manunubos.AGA 18.1

    Nagsalita rin Siya sa kanila ng pag-asa at pampalakas loob. “Huwag magulumihanan ang inyong puso,” Kanyang sinabi; “magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa Akin. Sa bahay ng Aking Ama ay maraming tahanan: kung di gayon, ay sinabi Ko sana sa inyo. Sapagkat Ako’y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon. At kung saan Ako paroroon, ay nalalaman ninyo ang daan.” Juan 14:1-4. Para sa inyo Ako ay naparito sa lupa; para sa inyo Ako ay gumagawa. Pag-alis Ko ay patuloy pa rin Akong gagawa para sa inyo. Naparito Ako sa lupa upang ihayag ang Aking sarili sa inyo, upang kayo ay sumampalataya. Paroroon Ako sa Aking Ama na inyo ring Ama upang makipagtulungan sa Kanya para sa inyo.AGA 18.2

    “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang sa Akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang Aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya; sapagkat Ako’y paroroon sa Aking Ama.” Juan 14:12. Dito, ay hindi ibig sabihin ni Jesus na ang mga alagad ay higit pa ang magagawa kaysa nagawa Niya, kundi ang gawain ay magiging lalong malawak. Hindi lamang sa paggawa ng milagro, kundi sa lahat ng magagampanan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. “Datapuwat pagparito ng Mang-aaliw,” Kanyang sinabi, “na Aking susuguin sa inyo mula sa Ama, samakatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay Siyang magpapatotoo sa Akin: At kayo naman ay magpapatotoo, sapagkat kayo’y nangakasama Ko buhat pa nang una.” Juan 15:26,27.AGA 18.3

    Ang mga salitang ito ay naganap na kahanga-hanga. Matapos bumaba ang Banal na Espiritu, ang mga alagad ay napuspos ng pagibig sa Kanya at para doon sa kinamatayan Niya, anupa’t ang mga puso ay napalambot ng kanilang pagsasalita at sa mga panalanging kanilang sinambitla. Nangusap sila sa kapangyarihan ng Espiritu; at sa ilalim ng kapangyarihan nito ay libu-libo ang nahikayat.AGA 19.1

    Bilang mga kinatawan ni Kristo ang mga alagad ay dapat gumawa ng tiyak na impresyon sa sanlibutan. Ang katunayang sila ay mga hamak na tao lamang ay di makakabawas ng kanilang impluwensya, kundi magdaragdag pa nito; sapagkat ang isipan ng makikinig ay dadalhin nila tungo sa Tagapagligtas na bagama’t hindi nila nakikita, ay patuloy pa ring gumagawa na kasama nila. Ang kahanga-hangang turo ng mga apostol, ang kanilang mga salitang may tapang at pagtitiwala, ay magbibigay kasiguruhan sa lahat na hindi ang kanilang kapangyarihan ang gagawa, kundi ang kapangyarihan ni Kristo. Sa pagpapakababa sa sarili, ihahayag nilang ang ipinako sa krus ng mga Judio ay siyang Prinsipe ng buhay, ang Anak ng Dios na buhay, at sa Kanyang pangalan ay ginawa nila ang mga gawang Kanyang ginampanan.AGA 19.2

    Sa Kanyang pamamaalam na pakikipag-usap sa Kanyang mga alagad sa bisperas ng pagkapako ang Tagapagligtas ay hindi bumanggit tungkol sa pagdurusang Kanyang mararanasan at naranasan na. Hindi Siya nagsalita tungkol sa kahihiyang Kanyang haharapin, kundi sinikap na dalhin sa kanilang mga isipan ang siyang magpapalakas ng kanilang pananampalataya, na mag-aakay sa kanila sa mga kagalakang naghihintay sa magtatagumpay. Nagdiwang Siya sa isipang makagagawa Siya ngayon ng higit sa Kanyang naipangako; na mula sa Kanya ay dadaloy ang pag-ibig at kahabagan, maglilinis ng templong katawan, at gagawing ang mga tao ay katulad Niya sa likas; na ang Kanyang katotohanan, may lakas ng Espiritu, ay hahayong nagtatagumpay at magtatagumpay.AGA 19.3

    “Ang mga bagay na ito ay sinalita Ko sa inyo,” Kanyang sinabi, “upang kayo ay magkaroon ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay magkakaroon kayo ng bagabag; ngunit mangagagalak kayo; nagtagumpay Ako sa sanlibutan.” Juan 16:33. Si Kristo ay hindi nabigo, o Siya’y nanlupaypay man; at ang mga alagad ay dapat maghayag ng isang pananampalatayang may katulad na pananatili. Sila ay gagawang katulad ng Kanyang paggawa, na umaasa sa Kanya sa kalakasan. Bagama’t ang kanilang landas ay hahadlangan ng mga imposibilidad, gayunman ang Kanyang biyaya ang maghahatid sa kanila sa patuloy na paggawa na hindi manlulupaypay o magkukulang man.AGA 19.4

    Natapos ni Kristo ang gawaing nabigay sa Kanya. Natipon Niya ang mga lalaldng magpapatuloy ng Kanyang gawain sa mga tao. At sinabi Niya: “Ako’y lumuluwalhati sa kanila. At wala na Ako sa sanlibutan, at ang mga ito ay nasa sanlibutan, at Ako’y paririyan sa Iyo. Amang Banal, ingatan Mo sila sa Iyong pangalan yaong mga ibinigay Mo sa Akin, upang sila’y maging isa, na gaya naman Natin.” “Hindi lamang sila ang idinadalangin Ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa Akin sa pamamagitan ng kanilang salita; upang silang lahat ay maging isa;...Ako’y sa kanila, at Ikaw ay sa Akin, upang sila’y malubos sa pagkakaisa, upang makilala ng sanlibutan na Ikaw ang sa Akin ay nagsugo, at sila’y Iyong inibig, na gaya Ko na inibig Mo.’’Juan 17:10, 11,20-23.AGA 20.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents