Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
Masayang Pamumuhay - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Ibinalik ang mga Talento

    “Pagkatapos nga ng mahabang panahon ay dumating ang panginoon ng mga aliping yaon, at nakipaghusay sa kanila.” Sa panahong hinihingi na ng Panginoon na magsipagsulit ang Kanyang mga alipin, ay sisiyasatin o susuriin ang pinakinabang ng bawa't talento. Ang gawaing ginawa ay naghahayag ng likas ng manggagawa.MP 386.2

    Ang mga nagsitanggap ng lima at dalawang talento ay nagsauli sa Panginoon ng mga ipinagkatiwalang kaloob na kasama ang pinakinabang ng mga ito. Sa paggawa nito ay hindi sila humingi ng gantimpala para sa kanilang sarili. Ang mga talento nila ay yaong mga ibinigay sa kanila; nakinabang sila ng iba pang mga talento, subali't wala naman silang pakikinabangin kung walang ibinigay sa kanila. Nauunawaan nila na ginawa lamang nila ang kanilang tungkulin. Ang puhunan ay sa Panginoon; ang naparagdag ay sa Kanya rin. Kung hindi sila pinagkalooban ng Tagapagligtas ng Kanyang pagibig at biyaya, sana'y magpasawalang-hanggan na silang hikahos o salat.MP 386.3

    Nguni't pagka tinatanggap na ng Panginoon ang mga talento, ay minamabuti at ginagantimpalaan Niya ang mga manggagawa na para bagang ang gantimpala ay talagang sa kanila. Nalilipos ng katuwaan at kasiyahan ang Kanyang mukha. Ikinalulugod Niya na Siya'y nakapagdudulot ng mga pagpapala sa kanila. Sa bawa't paglilingkod at bawa't pagpapakasakit nila ay Kanyang binabayaran sila, hindi dahil sa iyon ay utang Niya sa kanila, kundi dahil sa nag-uumapaw ang Kanyang puso sa taglay na pag-ibig at pagmamahal.MP 387.1

    “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin,” sinasabi Niya; “nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon.”MP 387.2

    Ang pagtatapat at maibiging paglilingkod sa Diyos, ay siyang sinasang-ayunan Niya. Ang bawa't udyok ng Banal na Espiritu na umaakay sa mga tao patungo sa kabutihan at sa Diyos, ay itinatala sa mga aklat sa langit, at sa araw ng Diyos ay Kanyang pupurihin ang mga manggagawang sa pamamagitan nila Siya ay gumawa.MP 387.3

    Sila'y magsisipasok sa kagalakan ng Panginoon sapagka't nakikita nila sa Kanyang kaharian ang mga nangatubos sa pamamagitan ng pagkakagamit sa kanila. At sila'y may karapatang makibahagi sa Kanyang gawain doon, sapagka't natamo nila ang pagiging-karapat-dapat para doon sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain Niya rito. Kung magiging ano tayo sa langit ay siyang maaaninag sa kung ano tayo ngayon sa taglay na likas at sa banal na paglilingkod. Tungkol sa Kanyang sarili ay ganito ang sinabi ni Kristo, “Ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.”1Mat. 20:28. Ito, na gawain Niya sa lupa, ay Kanyang ga- wain sa langit. At ang gantimpala natin sa paggawang kasama ni Kristo sa sanlibutang ito ay ang pagkakaroon ng lalong malaking kapangyarihan at lalong malawak na karapatan na gumawang kasama Niya sa sanlibutang darating.MP 387.4

    “Nang magkagayo'y lumapit naman ang tumanggap ng isang talento at sinabi, Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay taong mapagmatigas, na gumagapas ka doon sa hindi mo hinasikan, at nag-aani ka doon sa hindi mo sinabugan; at ako'y natakot, at ako'y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo; narito, nasa iyo ang iyong sarili.”MP 388.1

    Sa ganyang paraan nagdadahilan ang mga tao sa pagpapabaya nila sa mga kaloob ng Diyos. Ang tingin nila sa Diyos ay mabagsik at malupit, na nagmamatyag upang tiktikan ang kanilang mga pagkakamali at upang pasapitan sila ng mga kahatulan. Kanilang pinararatangan Siya na humihingi ng hindi Niya kailanman ibinigay, at nag-aani sa hindi Niya hinasikan.MP 388.2

    Sa puso ng marami ay pinararatangan nila ang Diyos na isang mapagmatigas na panginoon dahil sa inaangkin Niya ang kanilang mga tinatangkilik at ang kanilang paglilingkod. Nguni't wala tayong madadala sa Diyos na hindi pa Kanya. “Ang lahat ng mga bagay ay nangagmumula sa Iyo,” wika ng Haring David; “at ang Iyong sarili ay aming ibinigay sa Iyo.”11 Cron. 29:14. Lahat ng mga bagay ay sa Diyos, hindi lamang dahil sa Kanyang pagkakalalang sa mga ito, kundi dahil din naman sa Kanyang pagkakatubos. Lahat ng mga pagpapala sa buhay na ito at sa buhay na darating ay idinudulot sa atin na natatatakan ng krus ng Kalbaryo. Dahil dito, ang paratang na ang Diyos ay isang mapagmatigas at mahigpit na panginoon, na nag-aani sa hindi Niya hinasikan, ay hindi totoo.MP 388.3

    Hindi itinatatwa ng panginoon ang paratang ng masamang alipin, kahit na iyon ay di-makatwiran; inamin nito ang kanyang sinabi subali't ipinakilala din nito na ang inasal niya ay hindi mapagpapaumanhinan. Ang mga paraan at mga sistema ay inihanda na upang sa pamamagitan niyon ay maragdagan ang talento at makinabang naman ang may-ari. “Ibinigay mo sana,” sabi nito, “ang aking salapi sa nagsisipangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay tinanggap ko sana ang ganang akin pati ng pakinabang.”MP 388.4

    Humihingi ang ating Amang nasa Langit nang walang labis ni walang kulang sa Kanyang ipinagkaloob sa ating kakayahan sa paggawa. Hindi Niya inaatangan ang Kanyang mga alipin ng mga pasaning hindi nila kayang dalhin. “Nalalaman Niya ang ating anyo; Kanyang inaalaala na tayo'y alabok.”1Awit 103:14. Lahat ng hinihingi Niya sa atin ay maibibigay natin sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.MP 389.1

    “Sa sinumang binigyan ng marami, ay marami ang hihingin sa kanya.”2Lu.12:48. Isa-isa tayong mananagot sa pag-gawa nang kulang kaysa kaya nating gawin. Hustong sinusukat ng Panginoon ang bawa't maaaring magawang paglilingkod. Ang mga di-ginamit na mga kakayahan ay ipagsusulit ding gaya niyaong mga ginamit. Pinapanagot tayo ng Diyos sa lahat ng dapat sanang magawa sa atin sa pamamagitan ng wastong paggamit ng ating mga talento. Hahatulan tayo ayon sa dapat sana'y nagawa natin, nguni't hindi natin nagawa dahil sa hindi natin ginamit ang ating mga kakayahan upang maluwalhati ang Diyos. Kahit na hindi mawaglit ang ating mga kaluluwa, ay madarama natin sa walang-hanggan ang bunga ng ating di-ginamit na mga talento. Sa lahat ng karunungan at kakayahang dapat sana'y natamo natin nguni't hindi natin natamo, ay magkakaroon ng walang-hanggang kalugihan o kawalan.MP 389.2

    Nguni't kapag ibinibigay natin nang lubusan sa Diyos ang ating mga sarili, at sa ating paggawa ay sinusunod natin ang Kanyang mga tagubilin, ay inaako Niya ang kapanagutan sa ikatatapos nito. Hindi Niya ibig na maghahaka tayo tungkol sa ikapagtatagumpay ng ating tapat na mga pagsisikap at paggawa. Kahit na nga minsan ay hindi natin dapat isipin ang tungkol sa pagkabigo. Dapat tayong makipagtulungan sa Isa na walang nakikilalang kabiguan.MP 389.3

    Hindi natin dapat pagusapan ang tungkol sa ating sariling kahinaan at kawalang-kakayahan. Ito'y pagpapamalas ng kawalang-pagtitiwala sa Diyos, isang pagtanggi sa Kanyang salita. Kapag bubulung-bulong tayo dahil sa mga pasanin natin, o kapag tayo'y tumatanggi sa mga kapanagutang ipinapapasan Niya sa atin, ay para na ring sinasabi nating Siya ay isang mahigpit na panginoon, na humihingi Siya ng bagay na hindi Niya ibinibigay sa atin na kakayahan sa paggawa.MP 390.1

    Ang diwa ng tamad na alipin ay madalas na nakakahiligan nating tawagin na kapakumbabaan. Nguni't napakalaki ang pagkakaiba ng tunay na kapakumbabaan. Ang maging mapagpakumbaba ay hindi nangangahulugang dapat tayong maging mga kapos sa katalinuhan, salat sa hangarin, at duwag sa ating mga kabuhayan, na iniiwasan ang mga pasanin baka hindi natin maipagtagumpay ang mga ito. Ang tunay na kapakumbabaan ay tumutupad ng mga panukala ng Diyos sa pamamagitan ng pag-asa o pagsandig sa Kanyang lakas.MP 390.2

    Gumagawa ang Diyos sa pamamagitan niyong ibig Niya. Kung minsa'y pinipili Niya ang pinakaabang kasangkapan upang siyang gumawa ng pinakamalaking gawain; sapagka't nahahayag ang Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng kahinaan ng mga tao. Mayroon tayong pamantayan, at sa pamamagitan niyon ay sinasabi nating malaki ang isang bagay at maliit ang ikalawa; subali't ang Diyos ay hindi naghahalaga nang ayon sa ating sukatan. Hindi natin dapat isipin na ang malaki sa atin ay dapat ding maging malaki sa Diyos, o kaya'y ang maliit sa atin ay dapat ding maging maliit sa Kanya. Hindi tayo ang dapat humatol tungkol sa ating mga talento o pumili ng ating gawain. Dapat nating gampanan ang gawaing itinatakda ng Diyos, na pinapasan ang mga ito alang-alang sa Kanya, at laging lumalapit sa Kanya upang magpahinga. Anuman ang ating gawain, ay napararangalan ang Diyos kung ginagawa natin ang paglilingkod nang buong-puso at nang masaya. Siya'y nalulugod kapag ginagampanan natin ang ating mga tungkulin nang may pagpapasalamat, at nagagalak na tayo'y naging karapat-dapat na maging mga kamanggagawa Niya.MP 390.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents