Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
Masayang Pamumuhay - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kapitulo 3—Ano ang Nagpapatubo Nito?

    ANG talinhaga ng manghahasik ay nakakilos ng maraming pagtatanong. Mula rito ay hinulaan ng ilang nakarinig na si Kristo'y hindi magtatatag ng isang kaharian sa lupa, at marami ang naging mausisa at nagulumihanan. Pagkamalas ng kanilang kagulumihanan, si Kristo'y gumamit ng ibang mga halimbawa o paglalarawan, na patuloy pa ring pinagsisikapang ang kanilang mga isipan ay maiwalay sa pag-asa sa isang pansanlibutang kaharian at maibaling sa gawain ng biyaya ng Diyos sa kaluluwa.MP 55.1

    “At sinabi Niya, Ganyan ang kaharian ng Diyos, na gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa; at natutulog at nagbabangon sa gabi at araw, at sumisibol at lumalaki ang binhi na di niya nalalaman kung paano. Sa kanyang sarili ay nagbubunga ang lupa; una-una'y usbong, saka uhay, pagkatapos ay butil na humihitik sa uhay. Datapwa't pagka hinog na ang bunga, ay ginagamit agad ang panggapas, sapagka't dumating na ang pagaani.”MP 55.2

    Ang magsasaka na “ginagamit agad ang panggapas, sapagka't dumating na ang pag-aani,” ay wala nang iba kundi si Kristo. Siya ang sa huling dakilang araw ay gagapas ng aanihin sa lupa. Datapwa't ang manghahasik ng binhi ay kumakatawan sa mga nagsipagpagal sa lugar ni Kristo. Ang binhi ay sinasabing “sumisibol at lumalaki na di niya nalalaman kung paano,” at ito'y hindi tunay sa Anak ng Diyos. Hindi natutulog si Kristo sa Kanyang tungkulin o sa ipinagkatiwala sa Kanya, manapa'y pinagpupuyatan ito araw at gabi. Siya'y hindi walang-malay tungkol sa kung paano tumutubo ang binhi.MP 55.3

    Ang talinhaga tungkol sa binhi ay naghahayag na ang Diyos ay gumagawa sa katalagahan o kalikasan. Ang binhi sa sarili nito ay nagtataglay ng simulaing ukol sa pagsibol o pagtubo, isang simulaing Diyos na rin ang nagkaloob; gayunman kung pababayaan sa sarili nito ay walang kapangyarihan ang binhi upang makasibol. Ang tao ay may bahaging dapat gampanan sa pagtataguyod ng pagtubo ng butil. Dapat niyang ihanda at patabaan ang lupa at ihasik ang binhi. Dapat niyang linangin ang bukid. Gayunma'y may bahaging sa kabila niyon ay wala na siyang magagawa. Walang kapangyarihan o karunungan ang tao na pasibulin sa binhi ang buhay na halaman. Ibuhos man ng tao ang kanyang buong kaya at pagsisikap, ay patuloy pa rin siyang dapat umasa sa Isa na nag-ugnay sa paghahasik at pag-aani sa pamamagitan ng kahanga-hangang mga kawing ng Kanyang sariling dinatatakdaang kapangyarihan.MP 56.1

    May buhay sa binhi, may kapangyarihan sa lupa; gayunma'y malibang may isang walang-hanggang kapangyarihang gumagawa araw at gabi, ang binhi ay walang ibubungang anuman. Ang mga patak ng ulan ay kailangang isugo upang magbigay ng halumigmig sa uhaw na kabukiran, ang araw ay dapat magkaloob ng init, ang dagitab ay dapat dumaloy sa natatabunang binhi. Ang buhay na ipinagkaloob ng Lumikha, ay Siya lamang ang makakukuhang muli. Ang bawa't binhi ay sumisibol, ang bawa't halaman ay tumutubo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.MP 56.2

    “Kung paanong ang lupa'y nagsisibol ng pananim, at kung paanong ang halamanan ay nagsisibol ng mga bagay na natanim sa kanya, gayon pasisibulin ng Panginoong Diyos ang katwiran at kapurihan.”1Is. 61:11. Kung paano sa natural na paghahasik, gayundin sa espirituwal; ang tagapagturo ng katotohanan ay dapat magsikap na ihanda ang lupa ng puso; dapat niyang ihasik ang binhi; subali't ang kapangyarihan na siya lamang makapagdudulot ng buhay ay mula sa Diyos. May isang bahaging sa kabila niyon ang pagsisikap ng tao ay nawawalang-saysay. Bagama't dapat nating ipangaral ang salita, ay hindi naman tayo makapaggagawad ng kapangyarihang makapagbibigay-buhay sa kaluluwa, at makapagpapasibol sa katwiran at kapurihan. Sa pangangaral ng salita ay dapat magkaroon ng paggawa ng isang kapangyarihang wala sa kapangyarihan ng sinumang tao. Sa pamamagitan lamang ng Espiritu ng Diyos magiging buhay at makapangyarihan ang salita upang makabagong muli ng kaluluwa sa walang-hanggang buhay. Ito ang pinagsikapan ni Kristong maikintal sa Kanyang mga alagad. Kanyang itinuro na hindi ang bagay na angkin nila ang makapagbibigay ng tagumpay sa kanilang mga paggawa, kundi ang gumagawa-ng-kababalaghang kapangyarihan ng Diyos ang nagbibigay ng bisa sa Kanyang sariling salita.MP 56.3

    Ang gawain ng manghahasik ay isang gawain ng pagsampalataya. Ang hiwaga ng pagsibol at pagtubo ng binhi ay hindi niya maaaring maunawaan. Gayunma'y mayroon siyang pananalig sa mga kinakasangkapan o ginagamit ng Diyos na siyang nagpapalago at nagpapayabong ng mga pananim. Sa kanyang pagsasabog ng binhi sa lupa, sa malas ay itinatapon niya ang mahalagang butil na makapagbibigay ng tinapay sa kanyang pamilya. Gayunma'y isinusuko lamang niya ang isang pangkasalukuyang kabutihan para sa higit na malaking ibabalik nito. Inihahagis niya ang binhi, na umaasang makatitipon siya rito nang marami sa isang masaganang pag-aani. Ganyan dapat gumawa o magpagal ang mga lingkod ni Kris- to, na umaasa ng aanihin sa binhing kanilang inihasik.MP 57.1

    Ang mabuting binhi ay maaaring sa loob ng isang panahon ay manatiling di-napapansin sa isang malamig at makasarili at makasanlibutang puso, na walang ibinibigay na katunayan na ito'y nagkakaugat; datapwa't pagkatapos, kapag huminga na sa kaluluwa ang Espiritu ng Diyos, ang natatabunang binhi ay sumisibol, at sa wakas ay nagbubunga sa ikaluluwalhati ng Diyos. Sa ating habang-buhay na paggawa ay hindi natin nalalaman kung alin ang magtatagumpay, kung ito o yaon. Ito'y isang suliraning hindi tayo ang makalulutas. Dapat nating gawin ang ating gawain, at ipaubaya na sa Diyos ang mga ibubunga. “Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi, at huwag mong iurong ang iyong kamay sa hapon.”1Ec. 11:6. Ang dakilang tipan ng Diyos ay nagpapahayag na “samantalang ang lupa ay lumalagi, ay hindi maglilikat ang paghahasik at pag-aani.”2Gen. 8:22. Sa pananalig sa pangakong ito naglilinang at naghahasik ang magsasaka. Hindi tayo kulang sa pananalig sa gawain ng espirituwal na paghahasik, na nagtitiwala sa Kanyang ibinigay na katiyakang, “Magiging gayon ang Aking salita na lumalabas sa bibig Ko; hindi babalik sa Akin na walang bunga, kundi gaganap ng kinalulugdan Ko, at giginhawa sa bagay na Aking pinagsuguan.” “Siyang lumalabas at umiiyak, na nagdadala ng binhing itatanim, siya'y di sasalang babalik na may kagalakan, na dala ang kanyang mga tangkas.”3Is. 55:11; Awit 126:6.MP 58.1

    Ang pagsibol ng binhi ay kumakatawan sa pagsisimula ng kabuhayang espirituwal, at ang paglaki ng halaman ay isang magandang larawan ng paglagong Kristiyano. Kung paano sa kalikasan, ay gayundin sa biyaya; hindi magkakaroon ng buhay nang walang pagtubo o paglaki. Ang halaman ay dapat lumaki o mamatay. Kung paanong ang paglaki nito ay tahimik at di-malurok, gayunma'y patuloy, ay gayundin ang paglago ng kabuhayang Kristiyano. Sa bawa't yugto ng paglago ay maaaring maging sakdal ang ating buhay; gayunman kung natutupad ang panukala ng Diyos sa atin, ay magkakaroon ng patuloy na pagsulong. Ang pagpapakabanal ay gawaing panghabang-buhay. Habang dumarami ang ating mga pagkakataon, ay lalawak ang ating karanasan, at mararagdagan ang ating kaalaman. Tayo'y magiging malakas sa pagdadala ng kapanagutan, at ang ating paggulang ay magiging kasukat ng ating mga pribilehiyo o mga tanging karapatan.MP 58.2

    Ang halaman o pananim ay lumalaki sa pamamagitan ng pagtanggap niyaong inilaan ng Diyos na pansustini sa buhay nito. Pinapaglalagos nito sa ilalim ng lupa ang mga ugat nito. Iniinom nito ang sikat ng araw, ang hamog, at ang ulan. Tumatanggap ito ng mga nagbibigay-buhay na bisa mula sa hangin. Kaya ang Kristiyano ay dapat lumaki o lumago sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga kinakasangkapan ng Diyos. Nadarama ang ating kawalang-kakayahan, dapat nating pagbutihin ang lahat ng mga pagkakataong ipinagkakaloob sa atin upang makapagtamo ng lalong lubos na karanasan. Kung paanong ang halaman ay nagkakaugat sa lupa, gayon tayo dapat magkaugat kay Kristo. Kung paanong ang halaman ay tumatanggap ng sikat ng araw, ng hamog, at ng ulan, gayon dapat nating buksan ang ating mga puso sa Banal na Espiritu. Ang gawain ay dapat gampanan, “hindi sa pamamagitan ng kalakasan, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng Aking Espiritu, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”1Zac. 4:6. Kung pananatilihin nating nakapako kay Kristo ang ating mga isipan, Siya'y lalapit sa atin “na parang ulan, na parang huling ulan na dumidilig ng lupa.” Bilang Araw ng Katwiran, Siya'y sisikat sa atin “na may kagalingan sa Kanyang mga pakpak.” Tayo'y “bubukang parang lila.” Ta-yo'y “mangabubuhay uling gaya ng trigo, at mangamumulaklak (tutubo) na gaya ng puno ng ubas.”2Os. 6:3; Mal. 4:2; Os. 14:5, 7. Sa pamamagitan ng patuloy na pagsandig kay Kristo bilang ating personal na Tagapagligtas, tayo'y lalago sa Kanya sa lahat ng mga bagay na siyang ating puno.MP 59.1

    Ang trigo'y tumutubo, “una-una'y usbong, saka uhay, pagkatapus ay butil na humihitik sa uhay.” Ang layon ng magsasaka sa paghahasik ng binhi at sa paglilinang ng tumutubong halaman ay ang magpabunga ng butil. Nais niyang magkaroon ng tinapay para sa nagugutom, at ng binhi para sa panghinaharap na mga pag-aani. Kaya ang banal na Magsasaka ay naghihintay ng isang aanihin bilang gantimpala sa Kanyang pagpapagal at pagpapakasakit. Pinagsisikapan ni Kristong ang Kanyang sarili ay maisalin o mailarawan sa mga puso ng mga tao; at isinasagawa Niya ito sa pamamagitan niyaong mga nagsisisampalataya sa Kanya. Ang pakay ng kabuhayang Kristiyano ay ang pagbubunga,—ang pagsasalin ng karakter ni Kristo sa sumasampalataya, upang ito nama'y maisaling-muli sa iba.MP 60.1

    Ang halaman o pananim ay hindi sumisibol, tumutubo, o namumunga sa sarili nito, kundi “nagbibigay ng binhi sa manghahasik, at pagkain sa mangangain.”1Is. 55:10. Kaya walang taong dapat mabuhay sa kanyang sarili. Ang Kristiyano ay nasa sanlibutan bilang kinatawan ni Kristo, para sa ikaliligtas ng ibang mga kaluluwa.MP 60.2

    Hindi magkakaroon ng paglaki o pamumunga sa buhay na nakasentro sa sarili. Kung tinanggap na ninyo si Kristo bilang personal na Tagapagligtas, dapat ninyong kalimutan ang inyong sarili, at pagsikapang tulungan ang iba. Magsalita kayo ng tungkol sa pag-ibig ni Kristo, sabihin ang tungkol sa Kanyang kabutihan. Gampanan ang bawa't tungkuling kusang humaharap. Dalhin ang pasanin ng mga kaluluwa sa inyong puso, at sa pamamagitan ng bawa't paraang nasa inyong kapangyarihan ay inyong sikaping iligtas ang nawawala. Sa inyong pagtanggap ng Espiritu ni Kristo,—ang espiritu ng di-makasariling pag-ibig at pagpapagal para sa iba,—ay kayo'y lalaki at mamumunga. Ang mga biyaya ng Espiritu ay mahihinog sa inyong karakter. Mararagdagan ang inyong pananampalataya, lalalim ang inyong mga paniniwala o kombiksiyon, at magiging sakdal ang inyong pag-ibig. Lalo at lalong masasalamin sa inyo ang wangis ni Kristo sa lahat na malinis, marangal, at kaibig-ibig.MP 60.3

    “Ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, pagpipigil.”1Gal. 5:22, 23. Ang bungang ito ay hindi kailanman mapapawi, kundi magbubunga ayon sa kanya-kanyang uri ng isang pag-aani sa walang-hanggang buhay.MP 61.1

    “Pagka hinog na ang bunga, ay (kanyang) ginagamit agad ang panggapas, sapagka't dumating na ang pag-aani.” Hinihintay ni Kristo nang may nananabik na pagnanasa ang pagpapakahayag ng Kanyang sarili sa Kanyang iglesya. Kapag ang karakter ni Kristo ay buong kasakdalang naisalin na sa Kanyang bayan, kung magkagayo'y darating Siya upang angkinin sila bilang Kanyang sarili.MP 61.2

    Karapatan ng bawa't Kristiyano, na hindi lamang hintayin, kundi padaliin din naman ang pagdating ng ating Panginoong Jesukristo.22 Ped. 3:12. Kung lahat lamang ng nagpapanggap ng Kanyang pangalan ay nagsisipagbunga sa Kanyang ikaluluwalhati, gaano nga kadali mahahasikan ng binhi ng ebanghelyo ang buong sanlibutan. Mabilis na mahihinog ang huling dakilang aanihin, at si Kristo'y darating upang tipunin ang mahalagang butil.MP 61.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents