Kapitulo 12—May Kabuluhan ang Humingi
PATULOY na tumatanggap si Kristo sa Ama upang Siya'y makapagbigay sa atin. “Ang salitang inyong narinig,” wika Niya, “ay hindi Akin, kundi sa Amang nagsugo sa Akin.” “Ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.” Siya'y nabuhay at nag-isip at nanalangin, hindi para sa Kanyang sarili, kundi para sa iba. Sa mga oras na ginugol Niyang kasama ng Diyos ay lumabas Siya tuwing umaga, upang dalhin ang liwanag ng langit sa mga tao. Araw-araw ay tumanggap siya ng bagong bautismo ng Banal na Espiritu. Sa maaagang oras ng panibagong araw ay ginising Siya ng Panginoon sa Kanyang pagkakatulog, at ang Kanyang mga labi ay pinahiran ng biyaya, upang Siya'y makapagbigay sa iba. Ang mga salita Niya'y ibinigay sa Kanya na sariwa mula sa mga korte sa langit, mga salitang mabibigkas Niya sa mga napapagal at naaapi sa kaukulang panahon. “Binigyan Ako ng Panginoong Diyos,” wika Niya, “ng dila ng nangaturuan, upang Aking maalaman kung paanong aaliwin ng mga salita siyang nanlulupaypay: Siya'y nagigising tuwing umaga, ginigising Niya ang Aking pakinig upang makinig na gaya ng mga natuturuan.”MP 132.1
Labis na nakilos ang mga alagad ni Kristo ng Kanyang mga panalangin at ng Kanyang kinaugaliang pa- kikipagniig o pakikipag-usap sa Diyos. Isang araw pagkatapos ng isang maikling panahon ng pagkawalay sa kanilang Panginoon, ay kanilang natagpuan Siya na buhos na buhos ang diwa at kalooban sa pananalangin. Wari manding di-namamalayan na sila'y naroroon, Siya'y nagpatuloy sa malakas na pananalangin. Ang mga puso ng mga alagad ay labis na naantig. Nang Siya'y matapos sa pananalangin, ay sila'y nagsipagsabi, “Panginoon, turuan Mo kaming manalangin.”MP 132.2
Bilang kasagutan, inulit ni Kristo ang panalangin ng Panginoon, gaya ng pagkakabigay Niya sa sermon sa bundok. Pagkatapos sa isang talinhaga ay inilarawan Niya ang liksiyong ninasa Niyang ituro sa kanila.MP 133.1
“Sino sa inyo,” sinabi Niya, “ang magkakaroon ng isang kaibigan, at paroroon sa kanya sa hatinggabi, at sa kanya'y sasabihin, Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay; sapagka't dumarating sa akin na galing sa paglalakbay ang isa kong kaibigan, at wala akong maihain sa kanya? At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, Huwag mo akong bagabagin; nalalapat na ang pinto, at kasama ko sa hihigan ang aking mga anak: hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo. Sinasabi Ko sa inyo, Kahit siya'y hindi bumangon at magbigay sa kanya dahil sa siya'y kaibigan niya, gayunma'y dahil sa kanyang pagbagabag ay siya'y magbabangon at ibibigay gaanuman ang kinakailangan niya.”MP 133.2
Inilalarawan dito ni Kristo ang humihiling bilang humihingi upang ito'y muling makapagbigay. Dapat itong magkaroon ng tinapay, at kung hindi'y hindi nito mabibigyan ng mga pangangailangan ang isang napapagod at ginabing manlalakbay. Bagama't ang kapitbahay nito ay ayaw pabagabag, ay hindi ito tumitigil sa pakikiusap; ang kaibigan nito ay dapat tulungan; at sa wakas ang pambabagabag nito ay ginantimpalaan; ang mga pangangailangan nito ay natustusan.MP 133.3
Sa ganito ring paraan dapat humingi ng mga pag- papala sa Diyos ang mga alagad. Sa pagpapakain sa karamihan at sa sermon ukol sa tinapay na galing sa langit, ay inihayag ni Kristo sa kanila ang kanilang gawain bilang Kanyang mga kinatawan. Dapat nilang ibigay sa mga tao ang tinapay ng buhay. Siya na nagtakda ng kanilang gawain, ay nakakita kung gaano kadalas susubukin ang kanilang pananampalataya. Madalas na sila'y mapapasadlak sa mga di-inaasahang kalagayan, at kanilang madarama ang kanilang kawalang-kaya bilang mga tao. Ang mga kaluluwang nangagugutom sa tinapay ng buhay ay mangagsisilapit sa kanila, at sila na rin ay makadarama ng kanilang karukhaan at kawalangmagagawa. Dapat silang tumanggap ng pagkaing ukol sa espiritu, sapagka't kung hindi ay wala silang maibibigay. Nguni't isa mang kaluluwa ay hindi nila dapat paalisin nang di-napakakain. Sila'y itinuturo ni Kristo sa pinagmumulan ng pagkain. Ang lalaking nilapitan ng kaibigan upang maistima, kahit na sa oras ng hating-gabi, ay hindi nito siya itinaboy. Wala itong maihain sa kanya, gayunma'y pumunta ito sa isa na may pagkain, at ipinaggiitan ang kahilingan nito, hanggang sa bigyan ng kapitbahay ang pangangailangan nito. At hindi ba tutustusan ng Diyos, na nagsugo ng Kanyang mga lingkod upang pakanin ang mga nagugutom, ang kanilang pangangailangan para sa Kanyang sariling gawain?MP 133.4
Datapwa't ang sakim na kapitbahay sa talinhaga ay hindi kumakatawan sa karakter ng Diyos. Ang aral o liksiyon ay inilalarawan, hindi sa pamamagitan ng paghahambing, kundi sa pamamagitan ng pagkakaiba. Ipagkakaloob ng isang sakim na tao ang isang mahalagang kahilingan, upang mawala na ang isang umaabala sa kanyang pamamahinga. Subali't ang Diyos ay nalulugod na magbigay. Siya'y puspos ng kahabagan, at kinasasabikan Niyang ipagkaloob ang mga kahilingan niyaong mga nagsisilapit sa Kanya sa pananampalataya. Siya'y nagbi- bigay sa atin, upang tayo'y makapaglingkod sa iba, at sa gayo'y maging katulad tayo ng Kanyang sarili.MP 134.1
Sinasabi ni Kristo, “Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakakasumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan. Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.”MP 135.1
Patuloy na sinasabi ng Tagapagligtas: “Aling ama sa inyo na kung humingi ang kanyang anak ng isang tinapay, ay bibigyan niya ng isang bato? o ng isang isda kaya, at hindi isda ang ibibigay kundi isang ahas? o kung siya'y humingi ng isang itlog, kanyang bibigyan kaya siya ng alakdan? Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng Espiritu Santo sa nagsisihingi sa Kanya?”MP 135.2
Upang mapatibay ang ating pagtitiwala sa Diyos, tinuturuan tayo ni Kristo na tawagin Siya sa pamamagitan ng isang bagong pangalan, isang pangalang nakahabi sa pinakamamahal na mga pagsasamahan ng puso ng tao. Binibigyan Niya tayo ng karapatan na tawagin ang walang-hanggang Diyos na ating Ama. Ang pangalang ito, na sinasalita sa Kanya at tungkol sa Kanya, ay isang tanda ng ating pag-ibig at pagtitiwala sa Kanya, at isang pangako ng Kanyang pagtingin at pagkakaugnay sa atin. Ang pagbigkas nito sa sandaling hinihingi natin ang Kanyang paglingap o pagpapala, ay nagiging parang tugtugin sa Kanyang mga pakinig. Upang huwag nating isipin na kapangahasan ang pagtawag sa Kanya sa ganitong pangalan, ito'y muli Niyang inulitulit. Nais Niyang mabihasa tayo sa pagtawag sa pangalang ito.MP 135.3
Tayo'y itinuturing ng Diyos na Kanyang mga anak. Kanyang tinubos tayo mula sa bulagsak na sanlibutan, at pinili tayong maging mga kaanib ng makaharing sam- bahayan, mga anak na lalaki at mga anak na babae ng Hari sa langit. Inaanyayahan Niya tayong magtiwala sa Kanya taglay ang isang pagtitiwalang higit na malalim at matibay kaysa pagtitiwala ng isang anak sa kanyang ama sa lupa. Iniibig ng mga magulang ang kanilang mga anak, subali't ang pag-ibig ng Diyos ay higit na malawak, at higit na mataimtim kaysa maaaring pag-ibig ng tao. Iyon ay di-matingkala. Kung ang mga magulang nga sa lupa ay marurunong magbigay ng mabubuting kaloob sa kanilang mga anak, gaano pa kaya ang ating Ama sa kalangitan na magbibigay ng Espiritu Santo sa kanila na nagsisihingi sa Kanya?MP 135.4
Ang mga aral ni Kristo tungkol sa panalangin ay dapat buong ingat na isaalang-alang. May banal na karunungan sa panalangin, at sa Kanyang paglalarawan ay nalalantad ang mga simulaing kailangang maunawaan ng lahat. Ipinakikilala Niya kung ano ang tunay na diwa ng panalangin. Kanyang itinuturo ang pangangailangan ng pagtitiyaga sa paghaharap ng ating mga kahilingan sa Diyos, at tinitiyak sa atin ang tungkol sa Kanyang pagiging-handa na pakinggan at sagutin ang panalangin.MP 136.1
Ang ating mga dalangin ay hindi dapat maging makasariling paghingi, na para lamang sa ating sariling kapakinabangan. Dapat tayong humingi upang makapagbigay. Ang simulain ng buhay ni Kristo ay dapat maging simulain ng ating mga buhay. “Dahil sa kanila,” wika Niya, na nagsasalita tungkol sa Kanyang mga alagad, “ay pinabanal Ko ang Aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal.” Ang gayunding pagsasakit o pagbabanal, ang gayunding pagsasakripisyo ng sarili, ang gayunding pagpapasakop sa mga inaangkin ng salita ng Diyos, na nahayag kay Kristo, ay dapat makita sa Kanyang mga lingkod. Ang ating misyon sa sanlibutan ay hindi upang paglingkuran o bigyang-kaluguran ang ating mga sarili; dapat nating luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Kanya sa paglilig- tas ng mga makasalanan. Dapat tayong humingi ng mga pagpapala sa Diyos upang tayo'y makapagbigay sa iba. Ang kakayahang ukol sa pagtanggap ay naiingatan lamang sa pamamagitan ng pagbibigay. Hindi tayo makapagpapatuloy na tumanggap ng kayamanan ng langit nang hindi nagbibigay sa mga nasa palibot natin.MP 136.2
Sa talinhaga ang humihingi ay paulit-ulit na itinaboy, gayunma'y hindi niya tinalikdan ang kanyang hangarin. Ganyan din ang ating mga panalangin na tila mandin hindi palagi nang tumatanggap ng kagyat na kasagutan; nguni't tinuturuan tayo ni Kristo na hindi tayo dapat tumigil sa pananalangin. Ang panalangin ay hindi gagawa ng anumang pagbabago sa Diyos; ito ay upang tayo'y ipakipagkaisa sa Diyos. Kapag tayo'y gumagawa ng kahilingan sa Kanya, maaaring nakikita Niyang kailangan nating magsaliksik ng ating mga puso at magsisi ng kasalanan. Dahil dito Kanya tayong sinusulit at sinusubok, Kanya tayong pinararanas ng pagpapakumbaba, upang ating makita kung ano ang nakahahadlang sa paggawa ng Kanyang Banal na Espiritu sa atin.MP 137.1
May mga kondisyon sa ikatutupad ng mga pangako ng Diyos, at ang panalangin ay hindi kailanman makakukuha sa lugar ng tungkulin. “Kung Ako'y inyong iniibig,” wika ni Kristo, “ay tutuparin ninyo ang Aking mga utos.” “Ang mayroon ng Aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa Akin; at ang umiibig sa Akin ay iibigin ng Aking Ama, at siya'y iibigin Ko, at Ako'y magpapakahayag sa kanya.” Ang mga nagdadala ng kanilang mga kahilingan sa Diyos, na nagsisiangkin ng Kanyang pangako samantalang hindi naman sila umaalinsunod sa mga kondisyon, ay umaalipusta kay Jehoba. Dinadala-dala nila ang pangalan ni Kristo bilang kanilang kapangyarihan sa ikatutupad ng pangako, subali't di naman nila ginagawa ang mga ba- gay na magpapakilala ng kanilang pananampalataya kay Kristo at pag-ibig sa Kanya.MP 137.2
Marami ang kumakaligta sa kondisyon ng pagtanggap sa Ama. Kailangan nating masusing siyasatin ang gawang pagtitiwala na sa pamamagitan nito tayo'y lumalapit sa Diyos. Kung tayo'y mga masuwayin, ating dinadala sa Panginoon ang isang papel de bankong ipapapalit gayong hindi naman natin natutupad ang mga kondisyong magiging daan upang iyon ay palitan at bayaran sa atin. Ating inihaharap sa Diyos ang Kanyang mga pangako, at hinihiling natin sa Kanya na tuparin ang mga ito, gayong sa paggawa nito ay malalapastangan ang Kanyang sariling pangalan.MP 138.1
Ang pangako ay, “Kung kayo'y magsipanatili sa Akin, at ang mga salita Ko'y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anumang inyong ibigin, at gagawin sa inyo.” At ipinahahayag ni Juan: “Sa ganito'y nalalaman natin na Siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang Kanyang mga utos. Ang nagsasabing, Nakikilala ko Siya, at hindi tumutupad ng Kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. Datapwa't ang sinumang tumutupad ng Kanyang salita, tunay na sa kanya ay naging sakdal ang pag-ibig ng Diyos.”MP 138.2
Ang isa sa mga katapusang utos ni Kristo sa Kanyang mga alagad ay, “Kayo'y mangag-ibigan sa isa't isa na kung paanong inibig Ko kayo.” Sinusunod ba natin ang utos na ito, o tayo'y napahihinuhod sa matatalim na katangian ng likas na di-gaya-ng-kay-Kristo? Kung sa anumang paraan ay nakapighati o nakasugat tayo sa iba, ay tungkulin nating ipahayag o ikumpisal ang ating pagkakamali, at sikaping makipagkasundo. Ito ay isang kailangang paghahanda upang tayo'y makalapit sa harapan ng Diyos nang may pananampalataya, upang hingin ang Kanyang pagpapala.MP 138.3
May isa pang bagay na napakadalas makaligtaan o mapabayaan ng mga nagsisihanap sa Panginoon sa pa- mamagitan ng panalangin. Naging matapat ba kayo sa Diyos? Sa pamamagitan ng propeta Malakias ay sinasabi ng Panginoon, “Mula nang mga kaarawan ng inyong mga magulang kayo'y nangagpakaligaw sa Aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinalima. Manumbalik kayo sa Akin, at Ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Nguni't inyong sinasabi, Sa ano kami manunumbalik? Nanakawan baga ng tao ang Diyos? Ga-yunma'y ninanakawan ninyo Ako. Nguni't inyong sinasabi, Sa ano Ka namin ninanakawan? Sa mga ikasampung-bahagi at sa mga handog.”MP 138.4
Bilang Tagapagbigay ng bawa't pagpapala, ay inaangkin ng Diyos ang isang tiyak na bahagi ng lahat nating tinatangkilik. Ito ang Kanyang panlaan upang maitaguyod ang pangangaral ng ebanghelyo. At sa paggawa ng ganitong panunumbalik sa Diyos, ay dapat nating ipakilala ang ating pagpapahalaga sa Kanyang mga kaloob. Datapwa't kung inililingid natin sa Kanya ang sariling Kanya, paano natin maaangkin ang Kanyang pagpapala? Kung tayo'y mga di-tapat na katiwala ng mga bagay sa lupa, paano natin Siya maaasahang magtiwala sa atin ng mga bagay sa langit? Maaaring narito ang lihim ng di-sinasagot na panalangin.MP 139.1
Gayunman ang Panginoon sa Kanyang malaking kahabagan ay handang magpatawad, at Kanyang sinasabi, “Dalhin ninyo ang buong ikasampung-bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa Aking bahay, at subukin ninyo Ako ngayon sa bagay na ito, . . . kung hindi Ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog Ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan. At Aking sasawayin ang mananakmal dahil sa inyo, at hindi niya sisirain ang mga bunga sa inyong lupa; ni malalagasan man ng bunga sa di panahon ang inyong puno ng ubas sa parang. . . . At tatawagin kayo ng lahat na bansa na mapalad; sapagka't kayo'y magigiing maligayang lupain, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”MP 139.2
Ganyan din sa bawa't iba pa sa mga kahilingan ng Diyos. Ang lahat ng Kanyang mga kaloob ay ipinangangako batay sa kondisyon ng pagtalima. Ang Diyos ay may kalangitang puno ng mga pagpapala para sa mga makikipagtulungan sa Kanya. Lahat ng mga nagsisitalima sa Kanya ay maaaring buong pagtitiwalang umangkin sa katuparan ng Kanyang mga pangako.MP 140.1
Subali't dapat tayong magpakita ng isang matibay at di-lumilihis na pagtitiwala sa Diyos. Madalas na binabalam Niya ang pagtugon sa atin, upang subukin ang ating pananampalataya o kaya'y subukin ang pagiging-tunay ng ating ninanasa. Yamang humihingi nang ayon sa Kanyang salita, dapat nating sampalatayanan ang Kanyang pangako, at igiit ang ating mga kahilingang taglay ang kapasiyahang hindi matatanggihan.MP 140.2
Hindi sinasabi ng Diyos, Humingi kang minsan, at ikaw ay tatanggap. Inaatasan Niya tayong magsihingi. Walang-pagod na magpilit sa pananalangin. Ang mapilit na paghingi ay naghahatid sa humihingi sa lalong masigasig na pananayuan, at nagbibigay sa kanya ng karagdagang pagnanais na matamo ang mga bagay na kanyang hinihingi. Sa libingan ni Lazaro ay sinabi ni Kristo kay Marta, “Kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos.”MP 140.3
Datapwa't marami ang walang buhay na pananampalataya. Ito ang dahilan kung bakit hindi nila nakikita ang higit na kapangyarihan ng Diyos. Ang kanilang kahinaan ay bunga ng kanilang di-paniniwala. Mayroon silang higit na pananampalataya sa kanilang sariling paggawa kaysa paggawa ng Diyos sa kanila. Ipinagkakatiwala nila ang kanilang mga sarili sa kanilang sariling pag-iingat. Sila'y nagpapanukala at nagbabalak, subali't nananalangin nang kaunti, at may maliit na tunay na pagtitiwala sa Diyos. Akala nila'y mayroon silang pana- nampalataya, nguni't iyon ay pansumandaling bugso lamang ng damdamin. Sa di-pagkadama ng kanilang sariling pangangailangan, o ng pagiging-handa ng Diyos na magbigay, ay hindi sila nagsisipagtiyaga na mapanatili ang kanilang mga kahilingan sa harapan ng Panginoon.MP 140.4
Ang ating mga panalangin ay dapat maging kasingalab at kasinsigasig ng kahilingan ng nangangailangang kaibigan na humihingi ng tinapay sa hatinggabi. Lalong maningas at matibay ang ating paghingi, lalo namang magiging malapit ang ating espirituwal na pakikipagkaisa kay Kristo. Tatanggap tayo ng naragdagang mga pagpapala sapagka't dinagdagan natin ang ating pananampalataya.MP 141.1
Ang ating bahagi ay ang manalangin at sumampalataya. Magpuyat sa pananalangin. Magpuyat, at makipagtulungan sa Diyos na dumirinig ng panalangin. Laging isaisip na “tayo ay mga kamanggagawa ng Diyos.” Kayo'y magsalita at gumawa na katugma ng inyong mga panalangin. Gagawa ng walang-hanggang kaibahan sa inyo kung ang pagsubok ay magpapatotoong ang inyong pananampalataya ay tunay, o magpapakilalang ang inyong mga panalangin ay isa lamang porma o anyo.MP 141.2
Kapag bumabangon ang mga kagulumihanan, at nahaharap sa inyo ang mga kahirapan, ay huwag kayong humingi ng tulong sa mga tao. Ipagkatiwala ninyo ang lahat sa Diyos. Ang ginagawang pagsasabi sa iba ng ating mga kahirapan, ay nagpapahina lamang sa atin, at hindi nagdudulot ng kalakasan sa kanila. Napapaatang sa kanila ang pasan ng ating mga sakit na ukol sa espiritu, na hindi nila malulunasan. Hinahanap natin ang kalakasan ng nagkakamali't namaniatay na tao, gayong maaari namang mapasaatin ang kalakasan ng di-nagkakamali at walang-hanggang Diyos.MP 141.3
Hindi ninyo kailangang magtungo sa mga wakas ng lupa para sa karunungan, sapagka't ang Diyos ay malapit. Hindi ang mga kakayahang angkin o taglay ninyo ngayon, o ang kailanma'y mapapasainyo, ang magbibigay sa inyo ng tagumpay. Ito ay yaong bagay na magagawa ng Panginoon para sa inyo. Kailangan nating higit na bawasan ang pagtitiwala sa magagawa ng tao, at higit na dagdagan ang pagtitiwala sa magagawa ng Diyos para sa bawa't sumasampalatayang kaluluwa. Pinakahahangad Niyang kayo'y makaabot sa Kanya sa pananampalataya. Pinakahahangad Niyang kayo'y umasam o maghintay ng mga dakilang bagay mula sa Kanya. Pinakahahangad Niyang pagkalooban kayo ng pagkaunawa sa mga bagay na ukol sa buhay na ito at ng ukol sa espiritu. Mapatatalas Niya ang diwa. Makapagbibigay Siya ng katalinuhan at kadalubhasaan. Gamitin ninyo ang inyong mga talento sa gawain, humingi kayo ng karunungan sa Diyos, at ito'y ibibigay sa inyo.MP 141.4
Tanggapin ninyo ang salita ni Kristo bilang inyong kapanatagan. Hindi ba Niya kayo inaanyayahang lumapit sa Kanya? Kailanma'y huwag ninyong pahihintulutan ang inyong sarili na magsalita sa isang walang-pag-asa't nanlulupaypay na paraan. Kung ganito ang inyong ginagawa, malaki ang mawawala sa inyo. Sa pamamagitan ng pagtingin sa mga kaanyuan, at pagdaing kapag dumarating ang mga kahirapan at kapighatian, ay nagbibigay lamang kayo ng katunayan na kayo'y may masasaktin at mahinang pananampalataya. Kayo'y magsalita at kumilos na parang ang inyong pananampalataya ay di-mapasusuko. Ang Panginoon ay sagana sa mga kaya-manan; Kanya ang sanlibutan. Sa pananampalataya'y tumingin kayo sa langit. Tumingin kayo sa Kanya, Siya na may liwanag at kapangyarihan at kahusayan.MP 143.1
Nasa tunay na pananampalataya ang kasiglahan, ang katatagan ng simulain, at ang di-pagbabago ng hangarin, na hindi mapanghihina ng panahon ni ng paggawa man. “Pati ng mga kabinataan ay manlalata at mapapagod, at ang mga binata ay lubos na mangabubuwal: nguni't silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila'y paiilanlang na may mga pakpak na parang mga agila; sila'y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila'y magsisilakad, at hindi manganghihina.”MP 143.2
Marami ang may nais na tumulong sa iba, nguni't nadarama nilang sila'y walang espirituwal na kalakasan o liwanag na maibibigay. Bayaang iharap nila ang kanilang mga kahilingan sa luklukan ng biyaya. Ipakiusap ang Banal na Espiritu. Nakatayo ang Diyos sa likod ng bawa't pangakong Kanyang ginagawa. Taglay ang inyong Biblia sa inyong mga kamay na inyong sabihin, “Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakakasumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan.”MP 144.1
Tayo'y hindi lamang dapat manalangin sa pangalan ni Kristo, kundi sa pamamagitan din naman ng pagkasi ng Banal na Espiritu. Ito ang nagpapaliwanag kung ano ang kahulugan nang sabihing ang Espiritu ay “namamagitan dahil sa atin, (sa pamamagitan) ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita.” Ang ganitong panalangin ay kinalulugurang sagutin ng Diyos. Kapag may kasigasigan at kasidhiang tayo'y bumulong ng isang dalangin sa pangalan ni Kristo, doon mismo sa kasidhiang yaon ay naroon ang pangako ng Diyos na halos ay Kanya nang tutugunin ang ating dalangin “nang lubhang sagana nang higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip,“MP 144.2
Sinabi ni Kristo, “Ang lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin.” “Ang anumang inyong hingin sa Aking pangalan, ay yaon ang Aking gagawin, upang ang Ama ay lumuwalhati sa Anak.” At ang iniibig na si Juan, sa ilalim ng pagkasi ng Banal na Espiritu, ay nagsasalita nang may lubhang kaliwanagan at katiyakan: “Kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa Kanyang kalooban, ay dinidinig Niya tayo: at kung ating nalalaman na tayo'y dinidinig Niya, sa anumang ating hingin, ay nalalaman natin na nasa atin ang mga kahilingang sa Kanya'y ating hiningi.” Ipaggiitan nga ang inyong kahilingan sa Ama sa pangalan ni Jesus. Pararangalan ng Diyos ang pangalang yaon.MP 144.3
Ang bahaghari sa palibot ng luklukan ay isang katiyakan na ang Diyos ay tunay, na sa Kanya ay walang pagbabago, ni kahit anino man ng pag-iiba. Tayo'y nagkasala laban sa Kanya, at mga di-karapat-dapat sa Kanyang paglingap; gayunma'y Siya na rin ang naglagay sa ating mga labi ng pinakakahanga-hanga sa mga pamanhik, “Huwag Mo kaming kayamutan, alang-alang sa Iyong pangalan; huwag Mong hamakin ang luklukan ng Iyong kaluwalhatian; Iyong alalahanin, huwag Mong sirain ang Iyong tipan sa amin.” Kapag tayo'y lumalapit sa Kanya na ipinahahayag ang ating pagkakasala at di-pagigingkarapat-dapat, Siya mismo ay nangangakong Kanyang didinggin ang ating daing. Ang karangalan ng Kanyang trono o luklukan ay nakataya sa ikatutupad ng Kanyang salita sa atin.MP 145.1
Katulad ni Aaron, na sumasagisag kay Kristo, taglay ng ating Tagapagligtas sa Kanyang puso sa dakong banal ang mga pangalan ng lahat ng Kanyang bayan. Naaalaala ng ating lubhang Dakilang Saserdote ang lahat ng mga salitang sa pamamagitan niyon ay Kanyang pinalakas ang ating loob upang magtiwala. Laging nasa isip Niya ang Kanyang tipan.MP 145.2
Lahat ng naghahanap sa Kanya ay makakasumpong. Lahat ng tumutuktok ay bubuksan ang pinto sa kanila. Hindi gagawin ang pagdadahilang, Huwag mo Akong bagabagin; pinid na ang pinto; ayaw Ko nang ito'y buksan. Ang isa ay hindi kailanman pagsasabihang, Hindi kita matutulungan. Ang mga nagsisihingi ng mga tinapay sa hatinggabi upang pakanin ang mga nagugutom na kaluluwa ay magsisipagtagumpay.MP 145.3
Sa talinhaga, ang humihingi ng tinapay para sa pa- nauhin, ay tumatanggap “gaanuman ang kinakailangan niya.” At sa anong sukat magbibigay ang Diyos sa atin upang tayo nama'y makapagbigay sa iba?—”Ayon sa sukat na kaloob ni Kristo.” Ang mga anghel ay nagmamasid nang may masidhing pananabik upang tingnan kung paano pinakikitunguhan ng tao ang kanyang mga kapwa-tao. Kapag sila'y nakakakita ng isang nagpapamalas ng tulad-ng-kay-Kristong pakikiramay sa nagkakamali, agad silang sumasapiling niya, at ipinaaalaala sa kanya ang mga salitang dapat sabihin na magiging parang tinapay ng buhay sa kaluluwa. Ganyan “pupunan ng Diyos ang bawa't kailangan ninyo ayon sa Kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Kristo Jesus.” Ang inyong patotoo sa pagiging-tunay at katotohanan nito ay Kanyang gagawing makapangyarihan sa kapangyarihan ng buhay na darating. Ang salita ng Panginoon ay mapapasainyong bibig bilang katotohanan at katwiran.MP 145.4
Ang personal na paggawa sa iba ay dapat pangunahan ng maraming lihim na pananalangin; sapagka't kinakailangan ang malaking karunungan upang maunawaan ang siyensiya ng pagliligtas ng mga kaluluwa. Bago makipag-usap sa mga tao, makipag-usap muna kay Kristo. Sa luklukan ng biyaya sa langit ay kumuha kayo ng paghahanda para sa paglilingkod sa mga tao.MP 146.1
Bayaang mawasak ang inyong puso sa taglay nitong paglulunggati sa Diyos, sa buhay na Diyos. Ipinakita ng buhay ni Kristo kung ano ang magagawa ng mga tao sa pamamagitan ng pagiging kabahagi ng likas ng Diyos. Lahat ng tinanggap ni Kristo sa Diyos ay maaari rin namang mapasaatin. Magsihingi nga kayo at magsitanggap. Taglay ang matiyagang pananampalataya ni Jacob, taglay ang matibay na pamimilit ni Elias, angkinin ninyo sa inyong sarili ang lahat na ipinangako ng Diyos.MP 146.2
Bayaang ang maluwalhating kaisipan ng Diyos ay umangkin sa inyong pag-iisip. Bayaang ang inyong buhay ay mapakatnig sa buhay ni Jesus sa pamamagitan ng nakatagong mga kawing. Siya na nag-utos sa liwanag na magliwanag sa kadiliman ay handang sumilang sa inyong puso, upang ibigay ang liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesukristo. Kukunin ng Banal na Espiritu ang mga bagay ng Diyos at ipakikita sa inyo ang mga ito, na inihahatid ang mga ito sa masunuring puso bilang isang buhay na kapangyarihan. Aakayin kayo ni Kristo sa pinto ng Walanghanggan. Maaari ninyong mamasdan ang kaluwalhatian sa kabila ng tabing, at ipahayag sa mga tao ang kasaganaan Niya na laging nabubuhay upang gumawa ng pamamagitan para sa atin.MP 146.3