Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
Masayang Pamumuhay - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kapitulo 14—Ang Balo at ang Hukom

    SINASALITA noon ni Kristo ang tungkol sa panahong bago sumapit ang Kanyang ikalawang pagdating, at ang tungkol sa mga panganib na kasusuungan ng Kanyang mga tagasunod. May tanging pagbanggit o pagtukoy sa panahong yaon na isinalaysay Niya ang talinhaga “na sila'y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganlupaypay.”MP 165.1

    “May isang hukom sa isang bayan,” sinabi Niya, “na hindi natatakot sa Diyos, at walang taong pinagpipitaganan; at sa bayang yaon ay may isang babaing bao; at siya'y naparoroong madalas sa kanya, na sinasabi, Iganti mo ako sa aking kaalit. At may ilang panahon na siya'y tumatanggi; datapwa't pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, Bagaman di ako natatakot sa Diyos, at di nagpipitagan sa tao; gayunman sapagka't nililigalig ako ng baong ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin nang kapaparito. At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinabi ng likong hukom. At hindi baga igaganti ng Diyos ang Kanyang mga hirang, na sumisigaw sa Kanya sa araw at gabi, at Siya'y may pagpapahinuhod sa kanila? Sinasabi Ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti Niya.”MP 165.2

    Ang hukom na inilalarawan dito ay walang paggalang sa matwid, ni pagkahabag man sa nagdurusa. Ang babaing balo na ipinagpilitan ng kanyang usapin sa harap niya ay patuloy na itinaboy. Paulit-ulit na ito'v lumapit sa kanya, upang pakitunguhan lamang niya nang may paghamak, at upang itaboy mula sa luklukan ng hukuman. Talastas ng hukom na ang usapin nito ay nasa katwiran, at magagawa niya na karaka-rakang mabigyan ng lunas o kaginhawahan ang babaing balo, nguj ni't hindi niya ginawa. Ibig niyang ipakilala ang kanyang makaharing kapangyarihan, at ikinasiya niyang pabayaan ito na humiling at makiusap at mamanhik nang walang nangyayari. Nguni't hindi ito nanghinawa ni nanlupaypay man. Sa kabila ng kanyang pagwalang-bahala at katigasan-ng-puso, iginiit nito ang kahilingan nito hanggang sa sumang-ayon ang hukom na pag-ukulan ng pansin ang usapin nito. “Bagaman di ako natatakot sa Diyos, at di nagpipitagan sa tao,” wika niya, “gayunman sapagka't nililigalig ako ng baong ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin nang kapaparito.” Upang iligtas ang kanyang reputasyon o kapurihan, upang maiwasang mabigyan ng publisidad ang kanyang di-pareho at may-kinikilingang paghatol, ay iginanti niya ang nagtitiis na babae.MP 165.3

    “At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinabi ng likong hukom. At hindi baga igaganti ng Diyos ang Kanyang mga hirang, na sumisigaw sa Kanya sa araw at gabi, at Siya'y may pagpapahinuhod sa kanila? Sinasabi Ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti Niya.” Dito'y ipinakikita ni Kristo ang malaking pagkakaiba ng likong hukom at ng Diyos. Ang hukom ay napahinuhod sa kahilingan ng babaing balo dahil lamang sa pagkamakasarili, upang siya'y maligtas na sa pambabagabag nito. Wala siyang nadamang pagkaawa o pagkahabag dito; ang paghihirap nito ay walang anuman sa kanya. Kaylaki ngang pagkakaiba ng ipinakikitungo ng Diyos sa mga nagsisihanap sa Kanya. Ang mga pamanhik ng mga nangangailangan at mga nangagdurusa ay isinasa- alang-alang Niya nang may walang-hanggang kaawaan.MP 166.1

    Ang babaing nakiusap sa hukom alang-alang sa katarungan ay nawalan ng asawa dahil sa pagkamatay. Dukha at walang kaibigan, wala siyang paraan upang mabawi ang kanyang nawasak na kapalaran. Ganyan din naman, dahil sa kasalanan, ay nawala sa tao ang kanyang pagkakaugnay sa Diyos. Sa kanyang sarili ay wala siyang paraan ng pagkaligtas. Datapwa't kay Kristo ay dinadala tayong palapit sa Ama. Ang mga hirang ng Diyos ay mahal sa Kanyang puso. Sila yaong mga tinawag Niya mula sa kadiliman hanggang sa Kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan, upang ipakita ang Kanyang kapurihan, upang magliwanag na gaya ng mga ilaw sa gitna ng kadiliman ng sanlibutan. Ang likong hukom ay walang natatanging pagmamalasakit sa babaing balo na bumagabag sa kanya upang iligtas; gayunman upang maiiwas ang kanyang sarili sa nakaaawa nitong mga pakikiusap, ay pinakinggan niya ang pamanhik nito, at ito'y iniligtas sa kaalit nito. Datapwa't iniibig ng Diyos ang Kanyang mga anak nang walang-hanggang pag-ibig. Ang pinakamamahal na bagay sa Kanya sa ibabaw ng lupa ay ang Kanyang iglesya.MP 167.1

    “Sapagka't ang bahagi ng Panginoon ay ang Kanyang bayan; si Jacob ang bahaging mana Niya. Kanyang nasumpungan sa isang ilang na lupain, at sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; Kanyang kinanlungan sa palibot, Kanyang nilingap, Kanyang iningatang parang salamin ng Kanyang mata.” “Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Dahil sa kaluwalhatian ay sinugo Niya ako sa mga bansa na nanamsam sa iyo; sapagka't ang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng Kanyang mata.”1Deut. 32:9, 10; Zac. 2:8.MP 167.2

    Ang panalangin ng babaing balo na. “Iganti mo ako” —”gawan mo ako ng katarungan”2Lu. 18:3.—”sa aking kaalit,” ay kumakatawan sa panalangin ng mga anak ng Diyos. Si Satanas ang kanilang malaking kaaway. Siya ang “ta- gapagsumbong sa ating mga kapatid,” na nagsusumbong sa kanila sa harap ng Diyos araw at gabi.1Apoc. 12:10. Siya'y patuloy na gumagawa upang magsinsay at magsumbong, upang dumaya at lumipol ng bayan ng Diyos. At para sa pagkaligtas na ito sa kapangyarihan ni Satanas at ng mga kampon nito tinuturuan ni Kristo sa talinhagang ito ang Kanyang mga alagad na magsipanalangin.MP 167.3

    Sa hula ni Zacarias ay inihahayag ang gawaing pagsusumbong ni Satanas, at ang gawain ni Kristo sa paglaban sa kaaway ng Kanyang bayan. Sinasabi ng propeta, “Ipinakita Niya sa akin si Josue na pangulong saserdote na nakatayo sa harap ng anghel ng Panginoon, at si Satanas na nakatayo sa kanyang kanan upang maging kanyang kaaway. At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Sawayin ka nawa ng Panginoon, Oh Satanas; oo, ang Panginoon na pumili ng Jerusalem ay sumuway nawa sa iyo: di baga ito'y isang dupong na naagaw sa apoy? Si Josue nga ay nabibihisan ng maruming kasuutan, at nakatayo sa harap ng anghel.”2Zac. 3:1-3.MP 168.1

    Ang bayan ng Diyos ay inilalarawan dito bilang isang kriminal na nililitis. Si Josue, bilang mataas na saserdote, ay humihingi ng isang pagpapala para sa kanyang bayan, na nasa malaking kadalamhatian. Samantalang siya'y namamanhik sa harap ng Diyos, si Satanas naman ay nakatayo sa kanyang kanan bilang kanyang kaaway. Isinusumbong nito ang mga anak ng Diyos, at pinalilitaw hangga't maaari ang kanilang usapin bilang walang-pag-asa. Inilalahad nito sa harap ng Panginoon ang kanilang masasamang gawa at ang kanilang mga kapintasan. Ipinakikilala nito ang kanilang masasamang gawa at ang kanilang mga kapintasan. Ipinakikilala nito ang kanilang mga pagkakamali at mga pagkukulang, na umaasang sila'y lalabas na may gayong karakter sa paningin ni Kristo na anupa't Siya'y hindi magbibigay ng anumang tulong sa kanilang malaking pangangailangan. Si Josue, bilang kinatawan ng bayan ng Diyos, ay nakatayong sumasailalim ng kahatulan, na nararamtan ng maruruming damit. Natatalos ang tungkol sa mga pagkakasala ng kanyang bayan, siya'y pinipiyapis ng panlulupaypay. Isinisikil ni Satanas sa kanyang kaluluwa ang pagkadama ng pagkamaysala na anupa't nakakaramdam siya ng halos kawalang-pag-asa. Gayunma'y naroon siya na nakatayo bilang isang namamanhik, kasama si Satanas na nahahanda laban sa kanya.MP 168.2

    Ang gawain ni Satanas bilang isang tagapagsumbong o mambibintang ay nagpasimula sa langit. Ito na ang naging gawain nito sa ibabaw ng lupa sapul noong magkasala ang tao, at ito ang magiging gawain nito sa isang tanging kahulugan habang tayo'y nalalapit sa katapusan ng kasaysayan ng sanlibutang ito. Sa pagkakita nito na kakaunti na ang kanyang panahon, ay gagawa ito nang may lalong malaking kasigasigan na mandaya at pumuksa. Nagagalit ito kapag nakakakita ito ng isang bayan sa ibabaw ng lupa, na, kahit na sa kanilang kahinaan at pagiging-makasalanan, ay may paggalang sa kautusan ni Jehoba. Ipinasiya na nitong huwag silang patalimahin sa Diyos. Nalulugod ito sa kanilang di-pagiging-karapatdapat, at ito'y may mga pakanang nakahanda para sa bawa't kaluluwa, upang ang lahat ay masilo at maihiwalav sa Diyos. Sinisikap nitong bintangan at hatulan ang Diyos at ang lahat na nagpupunyaging magsakatuparan ng Kanyang mga panukala o mga layunin sa sanlibutang ito, sa pamamagitan ng habag at pag-ibig, pakikiramay at pagpapatawad.MP 169.1

    Ang bawa't pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos sa Kanyang bayan ay gumigising ng pagkagalit ni Satanas. Sa tuwing gumagawa ang Diyos sa kanilang kapakanan, si Satanas at ang mga anghel nito ay gumagawang taglay ang panibagong lakas upang lubusin ang kanilang pagkapahamak. Ito'y naninibugho sa lahat na ang ginagawang kalakasan ay si Kristo. Ang pakay nito ay ang makapag-udyok ng kasamaan, at kapag ito'y nag- tatagumpay, ay ibinubunton ang lahat ng paninisi sa mga natutukso. Itinuturo nito ang kanilang maruruming kasuutan, ang kanilang mga kapintasan ng karakter. Itinuturo nito ang kanilang kahinaan at kabaliwan, ang kanilang mga pagkakasala ng kawalang-utang-na-loob, ang kanilang di-pagiging-katulad ni Kristo, na di-nakapagparangal sa kanilang Manunubos. Ang lahat ng ito ay ipinaggigiitan nito na isang katwiran na nagpapatunay ng katwiran nito na gawin ang kanyang kalooban sa kanilang ikapapahamak. Pinagsisikapan nitong takutin ang kanilang mga kaluluwa sa isipan na ang kanilang kaso ay walang-pag-asa, na ang mantsa o dungis ng kanilang karumihan ay di-kailanman mahuhugasan. Umaasa ito nang gayon na lamang na masisira ang kanilang pananampalataya na anupa't susuko sila nang lubusan sa kanyang mga tukso, at tatalikod sa kanilang pagtatapat sa Diyos.MP 169.2

    Sa kanilang mga sarili ay hindi masasagot ng bayan ng Panginoon ang mga ibinibintang o mga sakdal ni Satanas. Sa pagtingin nila sa kanilang mga sarili, ay handa na silang mawalan ng pag-asa. Datapwa't sila'y namamanhik sa banal na Tagapamagitan. Kanilang ipinakikiusap ang mga kagalingan ng Manunubos. Ang Diyos ay maaaring maging “ganap at tagaaring-ganap sa may pananampalataya kay Jesus.”1Rom. 3:26. Taglay ang pagtitiwalang dumaraing ang mga anak ng Panginoon sa Kanya upang mapatahimik ang mga pagbibintang o pagsusumbong ni Satanas, at mapawalang-kabuluhan ang mga pakana nito. “Gawan Mo ako ng katarungan sa aking kaalit,” idinalangin nila; at sa pamamagitan ng makapangyarihang katwiran o argumento ng krus, ay pinatatahimik ni Kristo ang matapang na tagapagsumbong.MP 170.1

    “Sinabi ng Panginoon kay Satanas, Sawayin ka nawa ng Panginoon, Oh Satanas, oo, ang Panginoon na pumili ng Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo: di baga ito'y isang dupong na naagaw sa apoy?” Kapag sinisikap ni Satanas na takpan ng kadiliman ang bayan ng Diyos, at wasakin sila, ay namamagitan si Kristo. Bagama't sila'y nagkasala, ay ipinataw ni Kristo sa Kanyang sariling kaluluwa ang kanilang mga kasalanan. Inagaw Niya ang lahi ng tao na gaya ng isang dupong mula sa apoy. Sa pamamagitan ng Kanyang taong likas ay nakaugnay Siya sa tao, samantalang sa pamamagitan ng Kanyang Diyos na kalikasan ay isa Siya sa walang-hanggang Diyos. Ang tulong ay inihahatid sa kayang abutin ng nangapapahamak na kaluluwa. Ang kaaway ay nasasaway.MP 170.2

    “Si Josue nga ay nabibihisan ng maruming kasuutan, at nakatayo sa harap ng anghel: at siya'y sumagot at nagsalita sa mga yaon na nangakatayo sa harap niya, na nagsabi, Hubarin ninyo ang mga maruming suot sa kanya. At sa kanya'y kanyang sinabi, Narito, aking pinaram ang iyong kasamaan, at aking susuutan ka ng mainam na kasuutan. At aking sinabi, Suutan siya nila ng isang magandang mitra sa kanyang ulo. Sa gayq'y sinuutan siya ng magandang mitra sa kanyang ulo, at sinuutan siya ng mga kasuutan.” Pagkatapos taglay ang kapangyarihan ng Panginoon ng mga hukbo na gumawa ang anghel ng isang solemneng pangako kay Josue, ang kinatawan ng bayan ng Diyos: “Kung ikaw ay lalakad sa Aking mga daan, at kung iyong iingatan ang Aking bilin, iyo nga ring hahatulan ang Aking bayan, at iyo ring iingatan ang Aking mga looban, at bibigyan Kita ng kalalagyan sa gitna ng mga ito na nangakaharap,”1Zac. 3:3-7.—kahit sa gitna ng mga anghel na nakapalibot sa luklukan ng Diyos.MP 171.1

    Sa kabila ng mga kapintasan ng bayan ng Diyos, ay hindi tinatalikuran ni Kristo ang mga pinag-uukulan ng Kanyang pag-iingat at pangangalaga. May kapangyarihan Siya na baguhin ang kanilang kasuutan. Hinuhubad Niya ang maruruming kasuutan, inilalagay Niya sa mga nagsisisi at nagsisisampalataya ang Kanyang sariling balabal ng katwiran, at isinusulat ang kapatawaran sa ta- pat ng kani-kanilang mga pangalan sa mga talaan sa langit. Ipinahahayag Niya sila na Kanya sa harap ng sangkalangitan. Si Satanas na kanilang kaalit ay ipinakikilalang isang mambibintang at mandaraya. Ang Diyos ay gagawa ng katarungan sa Kanyang sariling mga hirang.MP 171.2

    Ang panalanging, “Gawan Mo ako ng katarungan sa aking kaalit,” ay hindi lamang kay Satanas ikinakapit, kundi sa mga kinakasangkapan din naman na inuudyukan nito na isinsay, tuksuhin, at lipulin ang bayan ng Diyos. Yaong mga nagsipagpasiyang talimahin ang mga utos ng Diyos ay makakaunawa sa pamamagitan ng karanasan na sila'y may mga kaaway o kaalit na kinukuntrol ng isang kapangyarihang buhat sa ilalim. Ang mga ganitong kaaway ay sinasalakay si Kristo sa bawa't hakbang, kung gaano kadalas at kasidhi ay hindi kailanman malalaman ng tao. Ang mga alagad ni Kristo, gaya ng kanilang Panginoon, ay sinusundan ng walang-lagot na tukso.MP 172.1

    Inilalarawan ng mga Kasulatan ang kalagayan ng sanlibutan bago sumapit ang ikalawang pagdating ni Kristo. Ipinipinta ng apostol na si Santiago ang katakawan at paniniil na mamamayani. Sinasabi niya, “Magsiparito ngayon, kayong mayayaman, . . . kayo'y nagtipon ng inyong mga kayamanan sa mga huling araw. Narito, ang kaupahan ng mga manggagawa na nagsiani sa inyong mga bukid, na iniring ninyo sa pamamagitan ng daya, ay humihibik: at ang mga hibik ng nagsiani ay nagsipasok sa mga pakinig ng Panginoon ng mga hukbo. Kayo'y nangabuhay nang tamasa sa ibabaw ng lupa, at nangangalak. Inyong pinataba ang inyong mga puso sa araw ng patayan. Inyong hinatulan at pinatay ang matwid; at hindi niya kayo nilabanan.”1Sant. 5:1-6. Ito ang larawan ng nakikitang kalagayan ngayon. Sa pamamagitan ng bawa't uri ng paniniil at panghuhuthot, ang mga tao ay nagsisipagtipon ng napakalalaking kayamanan, samanta- lang ang mga daing ng nagugutom na sangkatauhan ay pumapailanlang sa harap ng Diyos.MP 172.2

    “Ang kahatulan ay tumatalikod, at ang katwiran ay tumatayo sa malayo; sapagka't ang katotohanan ay nahulog sa lansangan, at ang karampatan ay hindi makapasok. Oo, ang katotohanan ay nagkukulang; at siyang humihiwalay sa kasamaan ay nagiging sa kanyang sarili na huli.”1Is. 59:14, 15. Ito'y natupad sa buhay ni Kristo sa ibabaw ng lupa. Nagtapat Siya sa mga utos ng Diyos, na isinasaisantabi ang mga sali't saling sabi o mga tradisyon at ang mga hinihingi ng mga tao na siyang itinaas sa lugar ng mga ito. Dahil sa bagay na ito ay Siya'y kinapootan at pinag-usig. Ang kasaysayang ito ay inuulit. Ang mga kautusan at mga sali't saling sabi ng mga tao ay itinataas nang higit sa kautusan ng Diyos, at ang mga tapat sa mga utos ng Diyos ay dumaranas ng tuligsa at paguusig. Si Kristo, dahil sa Kanyang katapatan sa Diyos, ay pinagbintangang isang manlalabag ng Sabado at mamumusong. Siya'y sinabing inaalihan ng diyablo, at ipinahayag na si Beelzebub. Sa ganito ring paraan binibintangan at maling-inilalarawan ang Kanyang mga tagasunod. Sa ganito umaasa si Satanas na maaakay sila sa pagkakasala, at makapagsasaboy ng kawalang-puri sa Diyos.MP 173.1

    Ang karakter ng hukom sa talinhaga, na hindi natatakot sa Diyos ni nagpitagan man sa tao, ay iniharap ni Kristo upang ipakilala ang uri ng paghatol na isinasagawa noon, at siyang malapit nang masaksihan sa paglilitis sa Kanya. Nais Niyang madama ng Kanyang bayan sa lahat ng panahon kung gaano kaliit ang maaasahan sa mga pinuno o mga hukom sa lupa sa araw ng kahirapan. Madalas na ang mga hirang na bayan ng Diyos ay kinakailangang tumayo sa harap ng mga taong nasa mga tungkulin, mga taong ang salita ng Diyos ay hindi ginagawang kanilang patnubay at tagapayo, kundi si- nusunod ang kanilang sariling di-nakatalaga't di-nasupil na mga silakbo ng damdamin.MP 173.2

    Sa talinhaga ng likong hukom, ay ipinakilala ni Kristo kung ano ang dapat nating gawin. “Hindi baga igaganti ng Diyos ang Kanyang mga hirang, na sumisigaw sa Kanya sa araw at gabi?” Si Kristo, na ating halimbawa, ay hindi gumawa ng anumang bagay upang ipagsanggalang o iligtas ang Kanyang sarili. Ipinagkatiwala Niya ang Kanyang kalagayan sa Diyos. Kaya ang Kanyang mga tagasunod ay hindi dapat magbintang o humatol, o kaya'y humangga sa paggamit ng lakas upang mailigtas ang kanilang mga sarili.MP 174.1

    Kapag bumabangon ang mga pagsubok na tila mandin di-maipaliwanag, hindi natin dapat pahintulutang masira ang ating kapayapaan. Gaanuman kaliko tayo pakitunguhan, ay huwag nating pabayaang sumilakbo ang galit. Sa pagpapairog natin sa diwa ng pagganti ay pinipinsala natin ang ating mga sarili. Sinisira natin ang ating sariling pananalig o pagtitiwala sa Diyos, at pinipighati ang Banal na Espiritu. May isang sugong tagalangit na nasa ating piling, na siyang magtataas para sa atin ng watawat laban sa kaaway. Tayo'y Kanyang kukulungin ng maniningning na sinag ng Araw ng Katwiran. Si Satanas ay hindi makapaglalagusan sa kabila nito. Hindi siya makalalampas sa kalasag na ito ng banal na liwanag.MP 174.2

    Samantalang ang sanlibutan ay umuunlad sa kasamaan, ay hindi natin dapat dayain ang ating mga sarili na tayo'y hindi magkakaroon ng mga kahirapan. Gayunma'y ang mga kahirapang ito na rin ang nagdadala sa atin sa silid-panaingan ng Kataas-taasan. Makahihingi tayo ng payo sa Isa na walang-hanggan sa karunungan.MP 174.3

    Ang wika ng Panginoon ay, “Tumawag ka sa Akin sa kaarawan ng kabagabagan.”1Awit 50:15. Inaanyayahan Niya tayo na iharap sa Kanya ang ating mga kagulumihanan at mga kinakailangan, at ang ating pangangailangan ng tu- long ng Diyos. Inaatasan Niya tayong maging masikap sa pananalangin. Kapagkarakang bumangon ang mga kahirapan, ay dapat tayong magpailanlang sa Kanya ng ating tapat at maningas na mga kahilingan. Sa pamamagitan ng ating masusugid na panalangin ay nagbibigay tayo ng katunayan ng ating matibay na pagtitiwala sa Diyos. Ang pagkadama ng ating pangangailangan ay umaakay sa atin na manalangin nang buong ningas, at ang ating Amang nasa Langit naman ay naaantig ng ating mga pamanhik.MP 174.4

    Madalas na yaong mga dumaranas ng paglibak at pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya ay natutuksong mag-akala na ang kanilang mga sarili ay pinababayaan na ng Diyos. Sa paningin ng mga tao ay sila ang kakaunti sa bilang o sila ang nasa minorya. Sa malas ay nananagumpay laban sa kanila ang kanilang mga kaaway. Gayunma'y sikapin nilang huwag labagin ang kanilang budhi. Siya na naghirap dahil sa kanila, at nagpasan ng kanilang mga kalumbayan at mga kadalamhatian, ay hindi nagpapabaya sa kanila.MP 175.1

    Ang mga anak ng Diyos ay hindi pinababayaang nagiisa at walang-sanggalang. Kinikilos ng panalangin ang bisig ng Makapangyarihan-sa-Lahat. Ang panalangin ay “nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga liyon, nagsipatay ng bisa ng apoy”—malalaman natin kung ano ang ibig sabihin nito kapag napakinggan natin ang mga balita tungkol sa mga martir na nangamatay dahil sa kanilang pananampalataya,— “nangagpaurong ng mga hukbong tagaibang-lupa.”1Heb. 11:33, 34.MP 175.2

    Kung isinusuko natin ang ating mga kabuhayan sa paglilingkod sa Kanya, ay hindi tayo kailanman mapa palagay sa isang katayuan o kalagayang doo'y hindi nakagawa ng paglalaan ang Diyos. Anuman ang maging ating kalagayan, ay mayroon tayong Patnubay na magtuturo ng ating daan; anuman ang ating mga kagulu- mihanan, ay mayroon tayong isang tiyak na Tagapayo; anuman ang ating kalungkutan, pangungulila, o kalumbayan, ay mayroon tayong isang nakikiramay na Kaibigan. Kung sa ating kawalang-malay ay makagawa tayo ng mga maling-paghakbang, ay hindi tayo iniiwan ni Kristo. Ang Kanyang tinig, na malinaw at namumukod, ay naririnig na nagsasabi, “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay.”1Juan 14:6. “Kanyang ililigtas ang mapagkailangan pagka dumadaing; at ang dukha na walang katulong.”2Awit 72:12.MP 175.3

    Sinasabi ng Panginoon na Siya'y pararangalan niyaong mga nagsisilapit sa Kanya, na buong katapatang naglilingkod sa Kanya. “Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan na ang pag-iisip ay sumasa Iyo, sapagka't siya'y tumitiwala sa Iyo.”3Is. 26:3. Ang kamay ng Makapangyarihan-sa-Lahat ay nakaunat upang tayo'y akaying pasulong at pasulong pa rin. Sumulong kayo, wika ng Panginoon; padadalhan Ko kayo ng tulong. Sa ikaluluwalhati ng Aking pangalan ang inyong paghingi, at kayo'y tatanggap. Ako'y mapararangalan sa harapan niyaong mga nagmamasid sa inyong kabiguan. Kanilang makikitang buong luwalhating nagtatagumpay ang Aking salita. “Lahat ng mga bagay na inyong hingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.”4Mat. 21:22.MP 176.1

    Bayaang ang lahat na pinipighati o buong kalikuang pinakikitunguhan, ay dumaing sa Diyos. Magsilayo kayo sa mga ang puso'y gaya ng asero, at ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Lumikha sa inyo. Kailanma'y walang itinataboy na isa mang lumalapit sa Kanya na may nagsisising puso. Wala isa mang tapat na panalangin na nasasayang. Sa gitna ng masasayang awitan ng koro sa langit, ay naririnig ng Diyos ang mga daing ng pinakamahinang taong kinapal. Ipinahahayag natin ang nasa ng ating puso sa loob ng ating mga silid, ibinubulong natin ang isang dalangin habang tayo'y naglalakad sa daan, at ang ating mga salita ay nakarara- ting sa luklukan ng Hari ng sansinukob. Maaaring ang mga ito ay di-marinig ng alinmang pakinig, subali't ang mga ito ay hindi maaaring maparam sa katahimikan, ni mawawala man ang mga ito sa lahat ng mga gawaing nagpapatuloy. Walang makalulunod sa ninanasa ng kaluluwa. Namamaibabaw ito sa kaingayan ng lansangan, namamaibabaw sa kaguluhan ng karamihan, patungo sa mga korte sa langit. Sa Diyos tayo nakikipag-usap, at ang ating panalangin ay pinakikinggan.MP 176.2

    Kayo na nakadarama ng lalong di-pagiging-karapatdapat, huwag kayong matakot na ipagkatiwala ang inyong kalagayan sa Diyos. Nang ibigay Niya ang Kanyang sarili kay Kristo para sa kasalanan ng sanlibutan, ay tinanggap Niyang sagutin ang kalagayan ng bawa't kaluluwa. “Siya na hindi ipinagkait ang Kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin nang walang-bayad ang lahat ng mga bagay?”1Rom. 8:32. Hindi ba Niya tutuparin ang mabiyayang pangungusap na ibinigay para sa ating ikasisigla at ikalalakas?MP 177.1

    Wala nang pinakananais si Kristo nang gayon na lamang kundi ang matubos ang Kanyang mana mula sa kapangyarihan ni Satanas. Subali't bago tayo mailigtas mula sa kapangyarihan ni Satanas sa labas, ay dapat muna tayong mailigtas mula sa kapangyarihan nito sa loob. Ipinahihintulot ng Panginoon ang mga pagsubok upang tayo'y malinis sa pagiging-makalupa, sa pagigingmakasarili, sa magagaspang na katangian ng karakter na di-gaya-ng-kay-Kristo. Pinagtitiisan Niya ang malalalim na tubig ng kadalamhatian sa pagsisiyasat ng ating mga kaluluwa, upang Siya'y makilala natin, at si Jesukristo na Kanyang isinugo, upang tayo'y magkaroon ng mataos na pagnanasa-ng-puso na malinis sa karumihan, at lumabas mula sa pagsubok na higit na malinis, higit na banal, at higit na maligaya. Madalas na tayo'y pumapa| loob sa hurno ng pagsubok na taglay ang ating mga ka- luluwang pinadilim ng pagiging-makasarili; datapwa't kung magtitiis sa ilalim ng mahigpit na pagsubok, ay tayo'y lalabas na iniaaninag ang karakter ng Diyos. Kapag ang Kanyang layunin sa pagdalamhati ay naganap na, “Kanyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang-tapat.”1Awit 37:6.MP 177.2

    Walang panganib na kaliligtaan ng Panginoon ang mga panalangin ng Kanyang bayan. Ang panganib ay nasa pangyayaring baka sila'y manlupaypay sa tukso at pagsubok, at hindi magmatiyagain sa pananalangin.MP 178.1

    Nagpamalas ang Tagapagligtas ng banal na kahabagan sa babaing Sirofenisa. Nakilos ang Kanyang puso nang Kanyang makita ang pagkahapis nito. Ninais Niyang tiyakin dito karaka-raka na ang panalangin nito ay pinakinggan; nguni't hinangad Niyang turuan ng liksiyon ang Kanyang mga alagad, at sa loob ng isang panahon ay tila mandin nakaligtaan Niya ang daing ng naghihirap na puso nito. Nang mahayag na ang pananampalataya nito, pinag-ukulan Niya ito ng mga salita ng papuri, at pinayaon Niya itong taglay ang mahalagang pagpapalang hiniling nito. Hindi kailanman nalimutan ng mga alagad ang aral na ito, at ito'y napatala upang ipakilala ang bunga ng matiyagang pananalangin.MP 178.2

    Si Kristo na rin ang naglagay sa puso ng inang yaon ng pagpupumilit na hindi maiwawaksi. Si Kristo ang nagbigay sa nakikiusap na babaing balo ng lakas-ng-loob at ng determinasyon o pagpapasiya sa harap ng hukom. Si Kristo ang siyang, noong naunang mga dantaon, ay nagpasigla kay Jacob sa pamamagitan ng matiyagang pananampalataya ring yaon sa mahiwagang pakikipagbuno sa tabi ng batis Jabc.c. At ang pagtitiwalang Siya na rin ang nagpunla, ay hindi Niya pinagkulangang gantimpalaan.MP 178.3

    Siya na tumatahan sa santuwaryo sa langit ay hu- mahatol nang matwid. Higit Siyang nalulugod sa Kanyang bayan, na nakikipagpunyagi sa tuksong nasa sanlibutan, kaysa sa hukbo ng mga anghel na nakapalibot sa Kanyang luklukan.MP 178.4

    Ang buong sangkalangitan ay nagpapamalas ng napakalaking pagmamalasakit sa napakaliit na sanlibutang ito; sapagka't nagbayad si Kristo ng walang-hanggang halaga para sa mga kaluluwa ng nagsisitahan dito. Itinali ng Manunubos ng sanlibutan ang lupa sa langit sa pamamagitan ng mga panali ng katalinuhan; sapagka't ang mga tinubos ng Panginoon ay naririto. Patuloy pa ring dinadalaw ng mga taga-langit ang lupa, gaya noong mga kaarawan na sila'y lumakad at nakipag-usap kay Abraham at kay Moises. Sa gitna ng pagkaabala sa gawain ng ating malalaking siyudad, sa gitna ng mga karamihang nangagsisiksikan sa mga lansangan at pumupuno sa mga pamilihan ng pangangalakal, na doon mula sa umaga hanggang sa gabi ay kumikilos ang mga tao na para bagang ang hanapbuhay at ang laro o libangan at ang kalayawan ay siya nang lahat sa buhay, na doon ay lubhang iilan ang nagbubulay-bulay sa mga di-nakikitang katotohanan,—ang langit ay nananatili pa ring may kanyang mga tagapagmasid at may kanyang mga banal. May mga di-nakikitang anghel na nagbabantay sa bawa't salita at gawa ng mga taong kinapal. Sa bawa't kapulungang ukol sa hanapbuhay o kasayahan, sa bawa't pagtitipong ukol sa pagsamba, ay may higit na maraming nagsisipakinig kaysa nakikita ng mata ng tao. Kung magkaminsa'y hinahawi ng mga anghel sa langit ang tabing na tumatakip sa di-namamalas na sanlibutan, upang ang ating mga pag-iisip ay maialis sa kaabalahan at kaguluhan ng buhay, at upang magsaalang-alang na may mga di-nakikitang saksi sa lahat ng ating ginagawa at sinasalita.MP 179.1

    Kailangan nating higit na maunawaan kaysa ginagawa natin ang misyon o layunin ng mga dumadalaw na anghel. Makabubuti na isaalang-alang na sa lahat nating gawain ay nasa sa atin ang pakikipagtulungan at pagiingat ng mga anghel sa langit. Mga di-nakikitang hukbo ng iiwanag at kapangyarihan ang nangangalaga sa mga abang sumasampalataya at umaangkin sa mga pangako ng Diyos. Ang kerubin at ang serafin at ang mga anghel na humihigit sa kalakasan,—sampung libong tigsasampung libo at libu-libo,—ay nangakatayo sa Kanyang kanan, “lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan.”1Heb. 1:14.MP 179.2

    Sa pamamagitan ng mga sugong anghel na ito ay isang tapat na tala ang naiingatan tungkol sa mga salita at mga gawa ng mga anak ng mga tao. Bawa't gawang kalupitan o kawalang-katarungan sa bayan ng Diyos, lahat ng kanilang tiniis dahil sa kapangyarihan ng mga mapaggawa ng masama, ay itinatala sa langit.MP 180.1

    “Hindi baga igaganti ng Diyos ang Kanyang mga hirang, na sumisigaw sa Kanya sa araw at gabi, at Siya'y may pagpapahinuhod sa kanila? Sinasabi Ko sa inyo na sila'y madaling igaganti Niya.”MP 180.2

    “Huwag nga ninyong itakwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang gantimpala. Sapagka't kayo'y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Diyos, ay magsitanggap kayo ng pangako. Sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat.”2Heb. 10:35-37. “Narito, inaasahan ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na may pagtitiis, hanggang sa tanggapin ang ulang maaga at huli. Mangagtiis din naman kayo; pagtibayin ninyo ang inyong mga puso; sapagka't ang pagparito ng Panginoon ay malapit na.”3Sant. 5:7, 8.MP 180.3

    Ang pagpapahinuhod ng Diyos ay kahanga-hanga. Maluwat nang naghihintay ang katarungan samantalang ang kaawaan ay namamanhik sa makasalanan. Nguni't “katwiran at kahatulan ay patibayan ng Kanyang luklu- kan.”1Awit 97:2. “Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit;” subali't Siya ay “dakila sa kapangyarihan, at sa anumang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin: ang daan ng Panginoon ay sa ipuipo at sa bagyo, at ang mga ulap ay siyang alabok ng Kanyang mga paa.”2Nah. 1:3.MP 180.4

    Ang sanlibutan ay naging matapang na sa pagsalansang sa kautusan ng Diyos. Dahil sa Kanyang mahabang pagpapahinuhod o pagtitiis, ay niyuyurakan ng mga tao ang Kanyang kapangyarihan. Nagpapalakas sila sa isa't isa sa pagsikil at pagmamalupit sa Kanyang mana, na sinasabi, “Paanong nalalaman ng Diyos? At may kaalaman ba sa Kataas-taasan?”3Awit 73:11. Datapwa't may isang guhit na sa kabila niyon ay hindi sila makalalampas. Malapit na ang panahong sasapitin nila ang itinakdang hangganan. Ngayon pa man ay halos nalampasan na nila ang mga hangganan ng pagpapahinuhod ng Diyos, ang mga hangganan ng Kanyang biyaya, ang mga hangganan ng Kanyang kaawaan. Ang Panginoon ay mamamagitan upang ipagsanggalang ang Kanyang sariling karangalan, upang iligtas ang Kanyang bayan, at upang sawatain o supilin ang mga paglago ng kalikuan.MP 181.1

    Noong kaarawan ni Noe, ay niwalang-kabuluhan ng mga tao ang kautusan ng Diyos, hanggang sa halos ay naparam na sa lupa ang buong alaala tungkol sa Lumalang. Ang kanilang kasamaan ay umabot na sa karurukan na anupa't ang Panginoon ay nagpadagsa ng isang baha ng mga tubig sa ibabaw ng lupa, at tinangay ang masasamang tumatahan dito.MP 181.2

    Sa lahat ng panahon ay ipinatatalastas ng Panginoon ang paraan ng Kanyang paggawa. Kapag dumarating ang isang krisis o kagipitan, ay inihahayag Niya ang Kanyang sarili, at namamagitan upang hadlangan ang pagsasakatuparan ng mga panukala ni Satanas. Sa mga bansa, sa mga sambahayan, at sa mga tao, ay madalas na pinahihintulutan Niya ang mga bagay ay sumapit sa isang krisis, upang ang Kanyang pamamagitan o pakiki- alam ay matandaan. Pagkatapos ay ipinakikita Niya na may isang Diyos sa Israel na magpapanatili sa Kanyang kautusan at magsasanggalang sa Kanyang bayan.MP 181.3

    Sa panahong ito ng paghahari ng kasamaan ay maaari nating maalaman na ang huling malaking krisis ay malapit na. Kapag ang paglaban sa kautusan ng Diyos ay halos pandaigdig na, kapag ang Kanyang bayan ay sinisikil at dinadalamhati ng kanilang mga kapwa-tao, ang Panginoon ay mamamagitan.MP 182.1

    Malapit na ang panahon na Kanyang sasabihin, “Ikaw ay parito, bayan Ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sandali, hanggang sa ang galit ay makalampas. Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa Kanyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan; ililitaw (din) naman ng lupa ang kanyang dugo, at hindi na tatakpan ang kanyang nangapatay.”1Is. 26:20, 21. Ang mga taong nagsisipagangking sila'y mga Kristiyano ay maaari na ngayong mandaya at manikil sa dukha; maaari nilang nakawan ang babaing balo at ang mga ulila; maaari nilang pairugan ang kanilang galit na maka-Satanas sapagka't hindi makuntrol ang mga budhi ng bayan ng Diyos; subali't dahil sa lahat ng ito ay sila'y dadalhin ng Diyos sa kahatulan. “Ang paghuhukom ay walang awa” sa kanila na “hindi nagpakita ng awa.”2Sant. 2:13. Hindi magtatagal mula ngayon at sila'y tatayo sa harap ng Hukom ng buong lupa, upang magsulit sa kirot o sakit na nilikha nila sa mga katawan at mga kaluluwa ng Kanyang mana. Sila'y maaari ngayong maminsala sa pamamagitan ng mga maling pagbibintang, maaari nilang libakin yaong mga hinirang ng Diyos na gumawa ng Kanyang gawain, maaari nilang ipadala sa bilangguan ang Kanyang mga sumasampalataya, sa tanikala, sa pagkatapon, sa kamatayan; gayunman sa bawa't kirot ng paghihirap o dalamhati, bawa't luhang tumulo, ay kanilang sasagutin. Ibayong kagantihan ang ibibigay ng Diyos sa kanila dahil sa kanilang mga kasalanan. Tungkol sa Babilonya, na sagisag ng tumalikod na iglesya, ay sinasabi Niya sa Kanyang mga ministro sa paghuhukom, “Ang kanyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit, at naalaala ng Diyos ang kanyang mga katampalasanan. Ibigay din ninyo ang ayon sa kanyang ibinigay sa inyo, at ibayuhin ninyo nang ibayo sa kanyang mga gawa: sa sarong kanyang pinaghaluan ay ipaghalo ninyo nang ibayo.”1Apoc. 18:5, 6.MP 182.2

    Mula sa India, mula sa Aprika, mula sa Tsina, mula sa mga pulo ng karagatan, mula sa mga niyuyurakang angaw-angaw ng tinatawag na mga Iupaing Kristiyano, ang daing ng pagdadalamhati ng tao ay pumapailanlang sa Diyos. Ang daing na yaon ay hindi na magluluwat at tutugunin. Lilinisin ng Diyos ang lupa sa kabulukan ng moral nito, hindi sa pamamagitan ng isang dagat ng tubig na gaya nang kapanahunan ni Noe, kundi sa pamamagitan ng isang dagat ng apoy na hindi mapapatay ng anumang gawa ng tao.MP 183.1

    “Magkakaroon ng panahon ng kabagabagan, na hindi nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon; at sa panahong yaon ay maliligtas ang Iyong bayan, bawa't isa na masusumpungan na nakasulat sa aklat.”2Dan. 12:1.MP 183.2

    Mula sa mga kisame ng bahay, mula sa mga kubo, mula sa mga bartulina, mula sa mga bibitayan, mula sa mga kabundukan at mga disyerto, mula sa mga yungib ng lupa at sa mga lungga ng karagatan, ay titipunin ni Kristo ang Kanyang mga anak sa Kanyang sarili. Sa lupa'y nagdanas sila ng matinding pagsasalat, dinalamhati, at pinahirapan. Milyun-milyon ang nangalibing sa libingan na natabunan ng kadustaan sapagka't tumutol silang padaig sa mararayang inaangkin ni Satanas. Ang mga anak ng Diyos ay hinatulan ng mga hukuman ng tao bilang pinakaimbi sa mga kriminal. Datapwa't ang araw ay dumarating na sa araw na yaon ang “Diyos ay siyang Hukom.”1Awit 50:6. Kung magkagayon ang mga kapasiyahan ng lupa ay mababaligtad. “Ang kakutyaan ng Kanyang bayan ay Kanyang aalisin.” Mapuputing balabal ang ibibigay sa bawa't isa sa kanila, at “tatawagin nila silang ang banal na bayan, ang tinubos ng Panginoon.”2Is. 25:8; Apoc. 6:11; Is. 62:12MP 183.3

    Anumang mga krus ang itinawag sa kanila na kanilang pasanin, anumang mga kalugihan ang kanilang tinamo, anumang pag-uusig ang kanilang dinanas, hanggang sa mawalan pa ng kanilang pansamantalang buhay, ang mga anak ng Diyos ay gagantimpalaan nang malaki. “Makikita nila ang Kanyang mukha; at ang Kanyang pangalan ay nasa kanilang mga noo.”3Apoc. 22:4.MP 184.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents