Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    19—Liwanag sa Kadiliman

    Sa bawat panahon, ang gawain ng Diyos sa sanlibutan ay nagpapakita ng kapansin-pansing pagkakapareho ng lahat ng malalaking repormasyon o kilusang panrelihiyon. Ang mga prinsipyo ng Diyos sa pakikitungo sa mga tao ay laging pareho. Ang mga tanyag na kilusan sa kasalukuyan ay may mga katulad sa nakaraan, at ang karanasan ng iglesya sa mga nakaraang panahon ay may liksyong napakahalaga para sa ating kapanahunan.ADP 199.2

    Wala nang mas maliwanag pang katotohanan na itinuturo sa Biblia kaysa sa katotohanan na ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu ay sadyang pinapatnubayan ang Kanyang mga lingkod sa lupa sa malalaking kilusan para sa pagpapasulong ng gawain ng kaligtasan. Ang mga tao ay instrumento sa kamay ng Diyos, na ginagamit Niya upang isagawa ang Kanyang layunin ng biyaya at kahabagan. Ang bawat isa ay may kanyang bahaging dapat gampanan; sa bawat isa ay ipinagkaloob ang isang sukat ng liwanag na angkop sa mga pangangailangan ng kanyang kapanahunan, at sapat upang magampanan niya ang gawaing ibinigay sa kanya ng Diyos. Ngunit walang sinumang tao, gaano man pinararangalan ng Langit, ang nakaabot sa lubos na pagkaunawa sa dakilang panukala ng pagtubos, o kahit sa ganap na pagpapahalaga sa layunin ng Diyos sa gawaing para sa sarili niyang kapanahunan. Hindi lubos na nauunawaan ng mga tao kung anong maisasagawa ng Diyos sa pamamagitan ng gawaing ibinigay Niya sa kanila para gawin; hindi nila nauunawaan, sa lahat ng kaugnayan nito, ang mensahe na binibigkas nila sa Kanyang pangalan.ADP 199.3

    “Matatagpuan mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos? Matatagpuan mo ba ang hangganan ng Makapangyarihan sa lahat?” (Job 11:7). “Ang Aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay Aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon. Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang Aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang Aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip” (Isaias 55:8, 9). “Ako’y Diyos, at walang gaya Ko, na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari” (Isaias 46:9, 10).ADP 199.4

    Kahit nga ang mga propeta na pinagkalooban ng natatanging kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay hindi lubos na naunawaan ang ibig sabihin ng mga kapahayagang ipinagkatiwala sa kanila. Ang kahulugan ay malalahad sa paglipas ng panahon kapag kinailangan ng bayan ng Diyos ang tagubiling nilalaman nito.ADP 199.5

    Sa pagsusulat tungkol sa kaligtasang nabunyag sa pamamagitan ng ebanghelyo, ay sinabi ni Pedro: Tungkol sa kaligtasang ito ay “nagsikap at nagsiyasat na mabuti ang mga propeta na nagpahayag tungkol sa biyayang darating sa inyo. Kanilang siniyasat kung anong pagkatao o kapanahunan na tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila, nang ipahayag ang mangyayaring pagdurusa ni Cristo, at ang kaluwalhatiang susunod sa mga ito. Ipinahayag sa kanila na hindi sila naglilingkod sa kanilang sarili kundi sa inyo” (1 Pedro 1:10-12).ADP 199.6

    Ngunit bagaman hindi ipinagkaloob sa mga propeta na lubos na maunawaan ang mga bagay na ipinahayag sa kanila, maalab naman nilang sinikap na makamit ang lahat ng liwanag na ikinagagalak na ipahayag ng Diyos. Sila ay “nagsikap at nagsiyasat na mabuti,” “siniyasat kung anong pagkatao o kapanahunan na tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila.” Napakagandang liksyon nito para sa bayan ng Diyos sa kapanahunang Kristiyano, na para sa kapakanan nila ay ipinagkaloob ang mga propesiyang ito sa Kanyang mga lingkod! “Ipinahayag sa kanila na hindi sila naglilingkod sa kanilang sarili kundi sa inyo.” Tingnan ninyo ang mga banal na taong ito ng Diyos nang sila’y “nagsikap at nagsiyasat na mabuti” tungkol sa mga kapahayagang ibinigay sa kanila para sa mga henerasyong hindi pa isinisilang. Ihambing ninyo ang kanilang banal na sigasig sa matamlay na kawalang-malasakit ng pagturing ng mga nakalalamang na tao sa huling kapanahunan sa regalong ito ng Langit. Anong tinding saway nito sa pagwawalang-bahalang napakahilig sa kaalwanan at sa sanlibutan, na nasisiyahan na lang na sabihing ang mga propesiya ay hindi mauunawaan.ADP 200.1

    Bagaman ang may-hangganang isip ng tao ay hindi sapat na makapasok sa mga panukala ng Isang Walang Hanggan, o kaya’y maunawaan nang lubos ang paggawa ng Kanyang layunin, gayunma’y madalas na napakalabo ng kanilang pagkaunawa sa mga mensahe ng Langit, dahil sa ilang pagkakamali o pagpapabaya na sarili nilang kagagawan. Napakadalas na ang isipan ng mga tao at maging ng mga lingkod ng Diyos ay talagang binubulag ng mga paniniwala ng tao, ng mga tradisyon at maling aral ng mga tao, anupa’t babahagya lamang ang kaya nilang maunawaan sa mga dakilang bagay na inihayag Niya sa Kanyang Salita. Ganyan din ang nangyari sa mga alagad ni Cristo kahit pa kasama nila nang personal ang Tagapagligtas. Ang isip nila ay napuspos ng laganap na pagkaunawa na ang Mesiyas daw ay isang makalupang prinsipe, na siyang magtataas sa Israel sa trono ng pandaigdigang imperyo, kaya’t hindi nila maunawaan ang kahulugan ng Kanyang mga salita na nagpapauna sa Kanyang mga paghihirap at kamatayan.ADP 200.2

    Si Cristo mismo ang nagsugo sa kanila dala ang mensaheng ito, “Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo’y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo” (Marcos 1:15). Ang mensaheng iyon ay batay sa propesiya ng Daniel 9. Sinabi ng anghel na ang 69 sanlinggo ay aabot sa “Mesiyas, na Pinuno,” at may malaking pag-asa at maligayang paghihintay na inabangan ng mga alagad ang pagkakatatag ng kaharian ng Mesiyas sa Jerusalem upang pagharian ang buong lupa.ADP 200.3

    Ipinangaral nila ang mensaheng ibinigay sa kanila ni Cristo, kahit na sila mismo ay mali ang pagkaunawa sa kahulugan nito. Bagaman ang mensahe nila ay nakasalig sa Daniel 9:25, hindi nila nakita sa kasunod na talata ng kapitulo ding iyon, na ang Mesiyas ay mahihiwalay. Mula pa sa kanilang pagkasilang, ang kanilang puso ay nakapako na sa hinihintay na kaluwalhatian ng isang imperyo sa lupa, at binulag nito ang kanilang pagkaunawa kapwa sa mga detalye ng propesiya at sa mga sinabi ni Cristo.ADP 200.4

    Ginampanan nila ang kanilang tungkulin sa pagbibigay nila sa bansang Judio ng paanyaya ng kahabagan, at pagkatapos, sa mismong panahon na inaasahan nilang makikita ang kanilang Panginoon na lumuluklok sa trono ni David, nakita nilang Siya’y dinakip na parang isang kriminal, binugbog, nilibak, at hinatulan, at iniangat sa krus ng Kalbaryo. Anong laking kawalang pag-asa at pagdadalamhati ang bumagbag sa puso ng mga alagad na iyon noong panahon na ang kanilang Panginoon ay natutulog sa libingan!ADP 200.5

    Si Cristo ay dumating sa tamang panahon at sa paraang inihula ng propesiya. Ang patotoo ng Kasulatan ay naganap sa bawat detalye ng Kanyang ministeryo. Ipinangaral Niya ang mensahe ng kalig-tasan, at “ang Kanyang salita ay may kapangyarihan” (Lucas 4:32). Nasaksihan ng puso ng Kanyang mga tagapakinig, na iyon ay mula sa Langit. Pinatotohanan ng Salita at ng Espiritu ng Diyos ang banal na pagkakasugo sa Kanyang Anak.ADP 200.6

    Ang mga alagad ay nangapit pa rin nang may walang-maliw na pag-ibig sa kanilang minamahal na Panginoon. Ngunit ang kanilang isipan ay nababalot pa rin ng kawalang-katiyakan at pag-aalinlangan. Sa kanilang pagdadalamhati ay hindi nila ngayon naalala ang mga sinabi ni Cristo na nakaturo sa Kanyang paghihirap at kamatayan. Kung si Jesus na taga-Nazaret nga ang tunay na Mesiyas, sila kaya’y masasadlak nang gayon sa matinding kalungkutan at kabiguan? Ito ang katanungang nagpapahirap sa kanilang mga kaluluwa samantalang ang Tagapagligtas ay nakahimlay sa Kanyang libingan noong mga sandali ng kawalang pag-asa ng Sabbath na iyon na pumagitan sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.ADP 201.1

    Bagaman ang gabi ng kalungkutan ay lumukob sa mga tagasunod na ito ni Jesus, sila’y hindi pa rin pinabayaan. Ang sabi ng propeta: “Kapag ako’y naupo sa kadiliman, ang Panginoon ay magiging aking ilaw.... Kanyang ilalabas ako sa liwanag, at aking mamasdan ang Kanyang pagliligtas” (Mikas 7:8, 9). “Kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa Iyo, at ang gabi ay kasinliwanag ng araw; ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa Iyo” (Awit 139:12). Sinabi ng Diyos: “Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid” (Awit 112:4). “At Aking aakayin ang bulag sa daan na hindi nila nalalaman; sa mga landas na hindi nila nalalaman sila ay Aking papatnubayan. Aking gagawing liwanag ang kadiliman sa kanilang harapan, at ang mga baku-bakong lugar ay papatagin. Ang mga bagay na ito ay Aking gagawin sa kanila, at hindi Ko sila pababayaan” (Isaias 42:16).ADP 201.2

    Ang pagpapahayag na ginawa ng mga alagad sa pangalan ng Panginoon ay tama sa bawat detalye nito, at ang mga pangyayaring tinutukoy nito ay kasalukuyan pa nga noong nangyayari. “Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos,“—ito ang mensahe nila. Sa pagtatapos ng “panahon”—ng 69 sanlinggo ng Daniel 9, na aabot hanggang sa Mesiyas, “ang Pinahiran”—ay tinanggap ni Cristo ang pagbubuhos ng Espiritu pagkatapos Siyang bautismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan. At ang “kaharian ng Diyos” na sinasabi nilang malapit na, ay naitatag noong mamatay si Cristo. Ang kahariang ito ay hindi isang imperyo sa lupa, gaya ng itinurong paniwalaan nila. Hindi rin ito yung walang-katapusang kaharian sa hinaharap, na itatatag kapag “ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit, ay ibibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan;” ang walang-hanggang kahariang iyon na kung saan “ang lahat ng kapangyarihan ay maglilingkod at susunod sa Kanya.” (Daniel 7:27). Kagaya ng pagkakagamit sa Biblia, ang salitang “kaharian ng Diyos” ay ginagamit upang tukuyin ang kaharian ng biyaya at ang kaharian ng kaluwalhatian. Ang kaharian ng biyaya ay ipinakita ni Pablo sa kanyang sulat sa mga Hebreo. Matapos ituro si Cristo, na Siyang mahabaging tagapamagitan na “marunong makiramay sa ating mga kahinaan,” ay sinabi ng apostol, “Kaya’t lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo’y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya” (Hebreo 4:16). Ang trono ng biyaya ay kumakatawan sa kaharian ng biyaya; sapagkat ang pagkakaroon ng trono ay nagpapahiwatig na meron ding kaharian. Sa maraming talinghaga Niya, ay ginagamit ni Cristo ang pananalitang, “ang kaharian ng langit” upang ituro ang gawain ng banal na biyaya sa puso ng mga tao.ADP 201.3

    Kaya, ang trono ng kaluwalhatian ay kumakatawan din sa kaharian ng kaluwalhatian; at ang kahariang ito ang tinutukoy ng mga salita ng Tagapagligtas na, “Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa Kan-yang kaluwalhatian, na kasama Niya ang lahat ng mga anghel, Siya’y uupo sa trono ng Kanyang kaluwalhatian. At titipunin sa harapan Niya ang lahat ng mga bansa.” (Mateo 25:31, 32). Ang kahariang ito ay darating pa lang. Ito’y matatatag lamang sa ikalawang pagparito ni Cristo.ADP 201.4

    Ang kaharian ng biyaya ay agad na itinatag matapos na magkasala ang tao, noong isang panukala ang buuin para sa katubusan ng nagkasalang lahi. Pagkatapos ay umiral ito sa panukala ng Diyos at sa pamamagitan ng pangako ng Diyos; at sa pamamagitan ng pananampalataya, ang mga tao ay maaaring maging mga mamamayan nito. Ngunit ito ay talagang naitatag lamang noong mamatay si Cristo. Kahit noong makasimula na Siya sa Kanyang misyon sa lupa, ang Tagapagligtas, dahil sa pagod sa katigasan ng ulo at kawalang utang-na-loob ng mga tao, ay maaari pa ring umurong sa pagsasakripisyo sa Kalbaryo. Sa Getsemani ay nanginginig sa Kanyang kamay ang saro ng kasawian. Kahit doon ay maaari pa rin Niyang pahirin ang dugong pawis sa Kanyang noo at hayaang mapahamak ang nagkasalang lahi sa kanilang kasamaan. Kung ito’y ginawa Niya, wala sanang katubusan para sa mga taong nagkasala. Ngunit nang ibigay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay, at sa natitira Niyang hininga ay sumigaw, “Naganap na,” ang katuparan ng panukala ng kaligtasan ay nasigurado. Ang pangako ng kaligtasan na ipinangako sa nagkasalang mag-asawa doon sa Eden ay pinagtibay. Ang kaharian ng biyaya, na dati nang umiiral sa pamamagitan ng pangako ng Diyos, ay naitatag na ngayon.ADP 201.5

    Kaya’t ang kamatayan ni Cristo—ang mismong pangyayari na ang akala ng mga alagad ay lubusan nang pagkawasak ng kanilang pag-asa—ay siya talagang tumiyak dito magpakailanman. Bagaman ito’y naghatid sa kanila ng masaklap na kabiguan, ito ang sukdulang katibayan na ang kanilang paniniwala ay tama. Ang pangyayaring pumuspos sa kanila ng pagdadalamhati at kawalang pag-asa ay siyang nagbukas ng pintuan ng pag-asa para sa bawat anak ni Adan, at dito’y nakasentro ang buhay sa hinaharap at ang walang-hanggang kaligayahan ng lahat ng tapat na anak ng Diyos sa lahat ng panahon.ADP 202.1

    Ang mga panukala ng walang-hanggang kahabagan ay nagkaroon na ng katuparan sa kabila ng kabiguan ng mga alagad. Bagaman ang kanilang mga puso ay naakit ng banal na biyaya at ng kapangyarihan ng Kanyang turo, Niyang nagsalita na “kailanma’y walang taong nagsalita nang gayon,” gayunma’y kahalo ng purong ginto ng pagmamahal nila kay Jesus ay ang mababang uring metal ng makasanlibutang pagmamalaki at makasariling hangarin. Maging doon sa silid na pinagdausan nila ng Paskuwa, sa banal na oras na iyon na ang kanilang Panginoon ay papasok na sa lilim ng Getsemani, ay merong “isang pagtatalu-talo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ituturing na pinakadakila” (Lucas 22:24). Ang kanilang pananaw ay napuno ng trono, ng korona, at ng kaluwalhatian, samantalang sa harapan nila ay nakalatag ang kahihiyan at matinding paghihirap sa halamanan, sa bulwagan ng hukuman, at sa krus ng Kalbaryo. Ang pagmamalaki ng kanilang puso, ang labis nilang paghahangad sa kaluwalhatiang pansanlibutan ang tumulak sa kanila na mangapit nang napakahigpit sa maling aral ng kanilang kapanahunan, at walaing-bahala ang mga salita ng Tagapagligtas na nagpapakita sa tunay na likas ng Kanyang kaharian, at nagtuturo sa Kanyang matinding paghihirap at kamatayan. At ang mga pagkakamaling ito ay nagresulta sa pagsubok—masakit ngunit kailangan—na ipinahintulot para sila’y ituwid. Bagaman nagkamali ang mga alagad sa kahulugan ng kanilang mensahe, at hindi nagkatotoo ang kanilang mga inaasahan, ipinangaral pa rin nila ang babala na ibinigay sa kanila ng Diyos, at nais ng Panginoon na gantimpalaan ang kanilang pananampalataya at kilalanin ang kanilang pagsunod. Sa kanila ipagkakatiwala ang gawain ng pagpapahayag ng maluwalhating ebanghelyo ukol sa nabuhay nilang Tagapagligtas sa lahat ng mga bansa. Ipinahintulot ang karanasang iyon na tila napakatindi para sa kanila, upang sila’y ihanda sa gawaing ito.ADP 202.2

    Pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, si Jesus ay nagpakita sa Kanyang dalawang alagad sa daan na patungong Emaus, at “magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag Niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa Kanya sa lahat ng mga kasulatan” (Lucas 24:27). Ang puso ng mga alagad ay nakilos. Nag-alab ang pananampalataya. Sila’y “muling ipinanganak sa isang buhay na pag-asa,” bago pa man ibunyag ni Cristo ang Kanyang sarili sa kanila. Layunin Niya na maliwanagan ang kanilang pang-unawa at ipako ang kanilang pananampalataya sa “salita ng propesiya na lalong tiyak.” Gusto Niyang mag-ugat nang matibay ang katotohanan sa kanilang mga isipan, hindi lamang dahil ito’y pinapatunayan ng Kanyang personal na patotoo, kundi dahil sa malinaw na katibayang ipinapakita ng mga simbolo at anino ng sumasagisag na kautusang seremonyal, at ng mga propesiya sa Lumang Tipan. Kinakailangan ng mga tagasunod ni Cristo na magkaroon ng matalinong pananampalataya, hindi lamang para sa sarili nilang kapakanan, kundi upang maihatid nila ang pagkaalam kay Cristo sa sanlibutan. At bilang pinakaunang hakbang sa pagbabahagi ng kaalamang ito, dinala ni Jesus ang mga alagad “kay Moises at sa mga propeta.” Ganyan ang patotoong ibinigay ng nabuhay na Tagapagligtas ukol sa kahalagahan at kabuluhan ng Lumang Tipan.ADP 202.3

    Anong laking pagbabagong nagawa sa puso ng mga alagad nang muli nilang mapagmasdan ang minamahal na mukha ng kanilang Panginoon! (Lucas 24:32). Sa isang mas lubos at ganap na pagkaunawa kaysa sa dati, ay kanilang “natagpuan... iyong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta” (Juan 1:45). Ang kawalang-katiyakan, ang matinding hirap, ang kawalang pag-asa, ay napalitan ng lubos na katiyakan at malinaw na pananampalataya. Nakapagtataka na pagkaakyat Niya sa langit sila ay “palaging nasa templo at nagpupuri sa Diyos” (Lucas 24:53). Ang mga tao na tungkol lang sa kahiya-hiyang kamatayan ng Tagapagligtas ang nalalaman, ay tumingin para makita sa kanilang mukha ang kalungkutan, pagkalito, at pagkatalo; ngunit ang nakita nila ay ang kanilang kaligayahan at pagtatagumpay. Anong gandang paghahanda ang natanggap ng mga alagad na ito para sa gawaing nasa harapan nila! Dumaan sila sa pinakamalalim na pagsubok na maaari nilang maranasan, at nakita kung paanong ang Salita ng Diyos ay matagumpay na natupad samantalang sa pananaw ng tao ang lahat ay bigo na. Mula noon ay ano pang makakapagpahina sa kanilang pananampalataya o makakapagpalamig sa init ng kanilang pag-ibig? Sa pinakamatinding kalungkutan ay meron silang “mas matatag na kaaliwan,” isang pag-asa na gaya ng “isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa” (Hebreo 6:18, 19). Sila’y saksi sa karunungan at kapangyarihan ng Diyos at sila’y “naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan, ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang,” ay hindi makapaghihiwalay sa kanila sa “pag-ibig ng Diyos, na nakay Cristo Jesus na Panginoon natin.” “Sa lahat ng mga bagay na ito,” sabi nila, “tayo’y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan Niya na sa atin ay umibig” (Roma 8:38, 39, 37). “Ang Salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman” (1 Pedro 1:25). At “sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, Siyang muling binuhay mula sa mga patay, na Siya ring nasa kanan ng Diyos, na Siya ring namamagitan para sa atin” (Roma 8:34).ADP 203.1

    Ang sabi ng Panginoon: “Ang Aking bayan ay hindi na muling mapapahiya” (Joel 2:26). “Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak” (Awit 30:5). Nang makita ng mga alagad ang Tagapagligtas noong araw ng Kanyang muling pagkabuhay, at mag-alab ang kanilang puso sa loob nila habang sila’y nakikinig sa Kanyang mga salita; nang tingnan nila ang ulo at mga kamay at mga paa na nasugatan para sa kanila; noong dalhin sila ni Jesus hanggang sa may Betania bago Siya umakyat sa langit, at nang maitaas Niya ang Kanyang mga kamay upang sila’y basbasan, ay nagsabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo,” at idinagdag, “Narito, Ako’y kasama ninyong palagi” (Marcos 28:15; Mateo 28:20); nang ang ipinangakong Mang-aaliw ay bumaba noong araw ng Pentecostes, at ang kapangyarihang galing sa itaas ay ibigay, at ang kaluluwa ng mga mananampalataya ay manginig dahil namamalayan nila ang presensya ng kanilang Panginoon—pagkatapos noon, kahit na ang kanilang landas ay padaan sa pagsasakripisyo at pagkamartir gaya ng sa Kanya, ipagpapalit kaya nila ang ministeryo ng ebanghelyo ng Kanyang biyaya pati na ang “putong ng katuwiran” na matatanggap nila sa Kanyang pagdating, sa kaluwalhatian ng makalupang trono, na siyang inaasahan nila noong una silang maging alagad? Siya na “makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip,” ay ipinagkaloob sa kanila, kasama ng pakikisama sa Kanyang mga kahirapan, ang pakikiisa sa Kanyang kagalakan—ang kagalakan ng “pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian” (Hebreo 2:10), kagalakang hindi maipaliwanag, “walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,” kung saan sabi ni Pablo, “itong magaan at panandaliang kapighatian” ay “hindi karapat-dapat maihambing” (2 Corinto 4:17; Roma 8:18).ADP 203.2

    Ang karanasan ng mga alagad na nangaral ng “ebanghelyo ng kaharian” noong unang pagparito ni Cristo, ay katulad na katulad sa karanasan nung mga nagpahayag ng mensahe tungkol sa Kanyang ika-lawang pagparito. Kung paanong humayo ang mga alagad na ipinangangaral, “Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Diyos,” ganon din ipinahayag ni Miller at ng kanyang mga kasamahan na ang pinakamahaba at huling propesiyang ukol sa panahon na ipinakita sa Biblia ay matatapos na, na ang paghuhukom ay malapit na, at ang walang-hanggang kaharian ay magsisimula na. Ang pangangaral ng mga alagad ukol sa panahon ay batay sa 70 sanlinggo ng Daniel 9. Ang mensaheng ibinigay ni Miller at ng kanyang mga kasamahan ay nagpapabatid sa pagtatapos ng 2,300 araw ng Daniel 8:14, na dito’y bahagi lamang ang 70 sanlinggo. Ang pangangaral ng dalawang grupong ito ay nakabatay sa katuparan ng magkaibang bahagi ng iisang dakilang propesiyang ito na ukol sa panahon.ADP 204.1

    Tulad ng mga unang alagad, mismong si William Miller at ang mga kasamahan niya ay hindi lubos na nauunawaan ang ibig sabihin ng mensaheng dala-dala nila. Ang mga pagkakamali na matagal nang namamalagi sa iglesya ay nakahadlang sa kanila na marating ang tamang pagpapaliwanag sa isang mahalagang bahagi sa propesiya. Kung kaya’t bagaman ipinahayag nila ang mensaheng ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos upang ibigay sa sanlibutan, gayunma'y dahil sa maling pagkaunawa sa kahulugan nito, sila’y nagdanas pa rin ng kabiguan.ADP 204.2

    Sa pagpapaliwanag sa Daniel 8:14, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo,” gaya ng nasabi na, ay ginamit ni Miller ang karaniwangADP 204.3

    tinatanggap na pananaw na ang lupa ay siyang santuwaryo, at pinaniwalaan niya na ang paglilinis ng santuwaryo ay kumakatawan sa paglilinis ng lupa sa pamamagitan ng apoy sa pagdating ng Panginoon. Kaya’t nang matuklasan niya na ang pag-tatapos ng 2,300 araw ay talagang inihula, ipinalagay niya na inihahayag nito ang panahon ng ikalawang pagparito. Ang pagkakamali niya ay bunga ng pagtanggap sa laganap na paniniwala kung nasaan ang santuwaryo.ADP 204.4

    Sa sumisimbolong sistema, na anino ng sakripisyo at pagiging pari ni Cristo, ang paglilinis ng santuwaryo ay siyang huling serbisyo na isinasagawa ng punong pari sa taunang pag-ikot ng paglilingkod. Iyon ang panghuling gawain ng katubusan—pag-aalis o pagtanggal ng kasalanan sa Israel. Inilalarawan nito ang panghuling gawain sa paglilingkod ng ating Pinakapunong Pari sa langit, sa pag-aalis o pagpawi sa mga kasalanan ng Kanyang bayan, na nakalista sa mga talaan ng langit. Ang paglilingkod na ito ay may kasamang gawain ng pagsisiyasat, isang gawain ng paghuhukom; at kaagad itong susundan ng pagparito ni Cristo sa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian; sapagkat sa Kanyang pagdating, ang lahat ng kaso ay napagpasyahan na. Sinasabi ni Jesus, “Dala Ko ang Aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa” (Apocalipsis 22:12). Ang gawain ng paghuhukom na ito, na kaagad na susundan ng ikalawang pagparito, ang siyang ipinahahayag sa pabalita ng unang anghel sa Apocalipsis 14:7, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa Kanya, sapagkat dumating na ang oras ng Kanyang paghuhukom.”ADP 204.5

    Yung mga nagpahayag sa babalang ito ay nagbigay ng tamang mensahe sa tamang panahon. Ngunit kung paanong ipinahayag ng mga unang alagad na, “Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Diyos,” batay sa propesiya ng Daniel 9, gayunma’y hindi nila nakita na ang kamatayan ng Mesiyas ay inihula rin sa talatang iyon; ganon din ipinangaral ni Miller at ng kanyang mga kasamahan ang mensaheng batay sa Daniel 8:14 at Apocalipsis 14:7, ngunit hindi nakita na meron pa palang ibang mensaheng ipinapakita sa Apocalipsis 14, na dapat ding ipangaral bago dumating ang Panginoon. Kung paanong ang mga alagad ay nagkamali ukol sa kahariang itatatag sa katapusan ng 70 sanlinggo, ay ganon din nagkamali ang mga Adventista tungkol sa pangyayaring magaganap sa pagtatapos ng 2,300 araw. Sa dalawang pangyayaring ito ay parehong may pagtanggap, o ang mas tama’y pag-ayon, sa mga umiiral na kamalian na bumulag ng isipan sa katotohanan. Parehong sinunod ng dalawang grupong ito ang kalooban ng Diyos sa paghahatid ng pabalita na nais Niyang maipahayag, at parehong nagdanas ng kabiguan dahil sa sarili nilang maling pagkaunawa sa kanilang mensahe.ADP 204.6

    Gayunma’y naisagawa ng Diyos ang sarili Niyang nakakapagpabuting layunin sa pagpapahintulot na maipahayag nang ganon ang babala tungkol sa paghuhukom. Ang dakilang araw ay malapit na, at sa Kanyang pamamatnubay ay nasubukan ang mga tao ukol sa isang tiyak na panahon, upang mabunyag sa kanila kung ano ang nasa kanilang puso. Hangarin ng mensahe ang subukin at dalisayin ang iglesya. Dapat na maipakita sa kanila kung ang kanilang damdamin ay nakatuon sa sanlibutang ito o kay Cristo at sa langit. Sinasabi nilang mahal nila ang Tagapagligtas; ngayon ay dapat nilang patunayan ang kanilang pagmamahal. Handa ba nilang talikuran ang mga makasanlibutan nilang pag-asa at pangarap, at tanggaping may kagalakan ang pagdating ng kanilang Panginoon? Layunin ng mensahe na maipakita sa kanila ang tunay nilang espirituwal na kalagayan; ito’y ipinadala dahil sa kahabagan upang pakilusin sila na hanapin ang Panginoon nang may pagsisisi at kapakumbabaan.ADP 205.1

    Pati ang kabiguan, bagaman bunga ng sarili nilang maling pagkaunawa sa mensaheng ibinigay nila, ay pangingibabawan para sa kabutihan. Susubukin nito ang mga puso nung mga nagsasabing tumanggap sa babala. Sa gitna ng kanilang kabiguan, pabigla-bigla na lang ba nilang tatalikuran ang kanilang karanasan at itatakwil ang kanilang pagtitiwala sa Salita ng Diyos? O sa pananalangin at kapakumbabaan ay kanila kayang sisikaping makita kung saang bahagi nila hindi naunawaan ang kahulugan ng propesiya? Ilan kaya ang nakilos nang dahil sa takot, o sa bugso ng damdamin at labis na katuwaan? Ilan kaya ang mahina ang loob at hindi sumasampalataya? Napakarami ng nagsabing ninanais nila ang pagparito ng Panginoon. Kapag tinawagang tiisin ang mga panlilibak at paninira ng sanlibutan, at ang pagsubok ng pagkaantala at kabiguan, kanila kayang tatalikuran ang kanilang pananampalataya? Dahil hindi agad nila naunawaan ang pakikitungo ng Diyos sa kanila, isasaisantabi kaya nila ang mga katotohanang pinatutunayan ng pinakamaliwanag na patotoo ng Kanyang Salita?ADP 205.2

    Ihahayag ng pagsubok na ito ang tibay nung mga taong sa tunay na pananampalataya ay sumunod sa pinaniniwalaan nilang turo ng Salita at ng Espiritu ng Diyos. Ituturo nito sa kanila, dahil karanasan lang ang makakapagturo, ang panganib ng pagtanggap sa mga hakahaka at paliwanag ng mga tao, sa halip na gawing tagapagpaliwanag ang Biblia sa sarili nito. Sa mga anak ng pananampalataya, ang kalituhan at kalungkutang dulot ng sarili nilang pagkakamali ang gagawa sa kinakailangang pagtutuwid. Sila’y maaakay na mas masinsinang pag-aralan ang salita ng propesiya. Sila’y matuturuan na suriin nang mas maigi ang saligan ng kanilang pananampalataya, at itakwil ang lahat ng hindi nakasalig sa Kasulatan ng katotohanan, gaano man ito kalaganap na tinatanggap ng Sangkakristiyanuhan.ADP 205.3

    Sa mga mananampalatayang ito, gaya rin ng mga unang alagad, yung mga bagay na parang malabo sa kanilang pang-unawa sa oras ng pagsubok ay magiging malinaw pagkatapos. Kapag nakita nila ang “layunin ng Panginoon,” malalaman nila na sa kabila ng pagsubok na dulot ng kanilang mga pagkakamali, ang Kanyang mga layunin ng pagmamahal para sa kanila ay patuloy na natutupad. Matututunan nila sa pamamagitan ng mapalad na karanasan na Siya’y “puno ng pagkahabag at pagkamaawain” (Santiago 5:11); na ang lahat Niyang landas “ay wagas na pag-ibig at katapatan, para sa mga nag-iingat ng Kanyang mga patotoo at Kanyang tipan” (Awit 25:10).ADP 205.4

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents