Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    20—Isang Malaking Pagkagising sa Relihiyon

    Ang isang malaking pagkagising sa relihiyon dahil sa pagpapahayag ng nalalapit na pagparito ni Cristo ay inihula sa propesiya ng mensahe ng unang anghel sa Apocalipsis 14. Isang anghel ang nakikitang lumilipad “sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan.” “Sa malakas na tinig” ay ipinahayag niya ang mensahe, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay luwalhati sa Kanya, sapagkat dumating na ang oras ng Kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig” (Apocalipsis 14:6, 7).ADP 206.1

    Ang katotohanang isang anghel ang sinasabing magiging tagapagbalita ng babalang ito ay napakahalaga. Sa kalinisan, kaluwalhatian, at sa kapangyarihan ng makalangit na mensaherong ito, ay nalulugod ang banal na karunungan na ilarawan ang napakataas na katangian ng gawaing dapat maisagawa ng mensahe, at ang kapangyarihan at kaluwalhatiang kasama nito. At ang paglipad ng anghel “sa gitna ng himpapawid,” ang “malakas na tinig” ng pagkakabigkas dito, at ang pagpapalaganap nito sa lahat ng “naninirahan sa lupa”— “sa bawat bansa, lipi, wika at bayan”—ay nagbibigay ng katibayan sa mabilis at pansanlibutang saklaw ng kilusan.ADP 206.2

    Ang mensahe mismo ay nagbibigay-liwanag kung kailan mangyayari ang kilusang ito. Sinasabing ito’y bahagi ng “walang hanggang ebanghelyo;” at ipinababatid nito ang pagsisimula ng paghuhukom. Ang pabalita ng kaligtasan ay ipinangaral sa lahat ng panahon; ngunit ang mensaheng ito ay bahagi ng ebanghelyong maipahahayag lamang sa mga huling araw, sapagkat doon lamang magiging makatotohanan na ang panahon ng paghuhukom ay dumating na. Ang mga propesiyang ito ay naghahayag ng mga sunud-sunod na pangyayaring hahantong sa pagsisimula ng paghuhukom. Lalo nang ganito sa aklat ng Daniel. Subalit ang bahagi ng propesiya ni Daniel na may kinalaman sa mga huling araw, ay ipinasara at pinatatakan sa kanya “hanggang sa panahon ng wakas.” Hangga’t hindi natin nararating ang panahong ito, ang mensahe tungkol sa paghuhukom ay hindi maipahahayag ayon sa katuparan ng mga propesiyang ito. Ngunit sa panahon ng wakas, sabi ng propeta, “Marami ang tatakbo ng paroo’t parito, at ang kaalaman ay lalago” (Daniel 12:4).ADP 206.3

    Binalaan ni apostol Pablo ang iglesya na huwag asahan ang pagdating ni Cristo sa kanyang kapanahunan. “Huwag kayong padaya kanino man sa anumang paraan, sapagkat ito’y hindi darating,” sabi niya, “malibang maunang maganap ang pagtalikod, at mahayag ang taong makasalanan” (2 Tesalonica 2:3). Hindi natin maaaring asahan ang pagdating ng ating Panginoon hangga’t hindi pa nangyayari ang malaking pagtalikod, at ang mahabang panahon ng paghahari ng “taong makasalanan.” Ang “taong makasalanan” na tinagurian ding “hiwaga ng kasamaan,” “anak ng kapahamakan,” at “ang tampalasan,” ay kumakatawan sa kapapahan, na gaya ng inihula sa propesiya ay patuloy na mangingibabaw sa loob ng 1,260 taon. Ang panahong ito ay nagtapos noong 1798. Ang pagparito ni Cristo ay hindi maaaring mangyari bago sumapit ang panahong iyan. Sinasaklaw ng babala ni Pablo ang buong kapanahunang Kristiyano hanggang sa taong 1798. Sa bahaging ito ng panahong iyan ipapahayag ang mensahe ng ikalawang pagparito ni Cristo.ADP 206.4

    Wala pang ganong mensahe ang naipahayag sa mga nakalipas na panahon. Hindi ito ipinangaral ni Pablo gaya ng ating nakita; itinuro niya ang kanyang mga kapatid sa malayo pang hinaharap noon para asahan ang pagparito ng Panginoon. Hindi ito ipinangaral ng mga Repormador. Inilagay ni Martin Luther ang paghuhukom mga 300 taon pa sa hinaharap mula sa kanyang kapanahunan. Ngunit simula noong 1798 ang aklat ni Daniel ay binuksan, ang kaalaman sa mga propesiya ay lumago, at marami ang nagpahayag sa taimtim na mensahe ng nalalapit na paghuhukom.ADP 206.5

    Katulad ng dakilang Repormasyon noong ika-16 na siglo, ang Kilusang Adventista ay sabay-sabay na lumitaw sa iba’t ibang bansa sa Sangkakristiyanuhan. Parehong sa Europa at America, ang mga taong may pananampalataya at mapanalanginin ay naakay na pag-aralan ang mga propesiya, at sa pagtalunton nila sa kinasihang Kasulatan ay nakita nila ang kapani-paniwalang katibayan na ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na. Sa iba’t ibang lupain ay may mga hiwa-hiwalay na grupo ng mga Kristiyano, na dahil lamang sa pag-aaral ng Kasulatan, ay sumapit sa paniniwala na ang pagdating ng Tagapagligtas ay malapit na.ADP 207.1

    Noong 1821, tatlong taon pagkatapos na marating ni Miller ang kanyang paliwanag patungkol sa mga propesiya na tumutukoy sa panahon ng paghuhukom, si Dr. Joseph Wolff, na “misyonero sa sanlibutan,” ay nagsimulang ipahayag ang nalalapit na pagdating ng Panginoon. Si Wolff ay ipinanganak sa Germany ng mga Hebreong magulang, at ang kanyang ama ay isang Judiong rabi. Noong bata pa lamang ay naniniwala na siya sa pagiging totoo ng relihiyong Kristiyano. Dahil aktibo at matanong ang isipan, siya’y sabik na sabik makinig sa mga pag-uusap na nangyayari sa kanilang bahay habang ang mga relihiyosong Hebreo ay arawaraw na nagtitipon upang isalaysay ang mga inaasahan at hinihintay ng kanilang bayan, ang kaluwalhatian ng darating na Mesiyas, at ang pagsasauli sa Israel sa dati nitong kalagayan. Isang araw nang marinig niyang nabanggit si Jesus na tagaNazaret, ang bata ay nagtanong kung sino Siya. “Isang Judiong may napakadakilang talento,” ang siyang isinagot; “ngunit dahil Siya’y nagpanggap na Siya ang Mesiyas, hinatulan Siyang mamatay ng hukuman ng mga Judio.” “Bakit winasak ang Jerusalem, at bakit tayo’y nasa pagkabihag?” tugon ng nagtatanong. “Naku, naku!” ang sagot ng kanyang ama, “dahil pinatay ng mga Judio ang mga propeta.” Kaagad na nagpahiwatig sa bata ang kaisipan, “Marahil si Jesus ay propeta rin, at pinatay Siya ng mga Judio samantalang Siya’y walang kasalanan.”— Travels and Adventures of the Rev. Joseph Wolff vol. 1, p. 6. Napakalakas ng damdaming iyon anupa’t bagaman binabawalang pumasok sa simbahan ng mga Kristiyano, madalas siyang patayu-tayo sa labas para makinig sa pangangaral.ADP 207.2

    Nang siya’y pitong taon pa lamang, nagmamalaki siya sa may-edad na niyang kapitbahay na Kristiyano tungkol sa darating na pagtatagumpay ng Israel sa pagdating ng Mesiyas, nang may kabaitang sabihin ng matanda, “Anak, sasabihin ko sa iyo kung sino ang talagang Mesiyas: Siya ay si Jesus na taga-Nazaret,...na ipinako sa krus ng iyong mga ninuno, gaya ng ginawa nila sa mga propeta noong unang panahon. Umuwi ka sa inyo at basahin mo ang kapitulo 53 ng Isaias at mahihikayat ka na si Jesu-Cristo nga ay Anak ng Diyos.”—Ibid., vol. 1, p. 7. Agad na tumimo sa kanya ang paniniwala. Umuwi siya at binasa ang talata, na gustong makita kung gaano katumpak na ito’y natupad kay Jesus na taga-Nazaret. Totoo kaya ang mga sinabi nung Kristi-yano? Ang bata ay humingi ng paliwanag sa kanyang ama tungkol sa propesiyang iyon, ngunit siya’y tinugon ng mahigpit na katahimikan anupa’t hindi na siya muling nangahas pang banggitin ang paksang iyon. Ngunit lalo lamang nitong pinasidhi ang kanyang pagnanais na higit pang makaalam ng tungkol sa relihiyong Kristiyano.ADP 207.3

    Ang kaalamang hinahanap niya ay napakaingat na inilihim sa kanya ng kanyang Judiong tahanan; ngunit, nang siya’y labing-isang taong gulang pa lamang, umalis siya sa kanilang bahay at humayo sa sanlibutan upang magkaroon ng sariling edukasyon, upang piliin ang sarili niyang relihiyon at panghabambuhay na gawain. Pansamantala siyang nakitira sa mga kamag-anak, ngunit hindi nagtagal ay pinalayas siya bilang isang taksil sa kanilang relihiyon, at dahil nag-iisa at walang pera, kailangan niyang gumawa ng sariling paraan sa piling ng ibang mga tao. Nagpalipat-lipat siya, nag-aaral nang masikap at sinusustentuhan ang sarili sa pamamagitan ng pagtuturo ng Hebreo. Dahil sa impluwensya ng isang Katolikong tagapagturo, siya’y nahimok na tanggapin ang pananampalatayang Romano at nabuo ang layuning maging misyonero sa kanyang mga kababayan. Taglay ang layuning ito, siya’y umalis ilang taon pagkaraan upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa College of the Propaganda sa Roma. Dito, ang kanyang ugaling magisip nang hindi umaasa sa iba at tapatang pagsasalita ay naging dahilan upang siya’y paghinalaan ng erehiya. Lantaran niyang tinutuligsa ang mga pang-aabuso ng simbahan at iginiit ang pangangailangan sa pagbabago. Bagaman noong una siya’y pinakikitunguhan nang may natatanging kabutihang-loob ng matataas na pinuno ng kapapahan, pagkaraan ng ilang panahon ay pinaalis siya sa Roma. Habang minamatyagan ng simbahan, siya’y nagpalipat-lipat sa mga lugar, hanggang sa maging malinaw na siya’y hindi na mapapasailalim sa pangaalipin ng Romanismo. Siya’y idineklarang hindi na mababago, at hinayaan nang pumunta kung saan niya gusto. Pumunta siya ngayon sa England, at matapos magpahayag ng paniniwala sa Protestanteng pananampalataya ay umanib sa Church of England. Pagkatapos ng dalawang taong pag-aaral, siya’y nagsimula na para sa kanyang misyon noong 1821.ADP 207.4

    Nang tanggapin ni Wolff ang dakilang katotohanan tungkol sa unang pagparito ni Cristo bilang “isang taong nagdurusa at sanay sa kalungkutan,” nakita naman niyang inihahayag din ng propesiya nang may ganon ding linaw, ang Kanyang ikalawang pagparito sa kapangyarihan at kaluwalhatian. At habang sinisikap niyang akayin ang kanyang mga kababayan kay Jesus na taga-Nazaret bilang Siyang Ipinangako, at ituro sila sa Kanyang unang pagparito sa kahihiyan bilang sakripisyo sa mga kasalanan ng mga tao, itinuro rin naman niya sa kanila ang tungkol sa Kanyang ikalawang pagparito bilang hari at tagapagligtas.ADP 208.1

    “Si Jesus na taga-Nazaret, ang tunay na Mesiyas,” sabi niya, “na ang mga kamay at mga paa ay pinakuan, at dinala na gaya ng isang tupa sa katayan, na Siyang Taong nagdurusa at sanay sa kalungkutan, Siyang pumarito sa unang pagkakataon pagkatapos na mawala ang setro kay Juda, at ang kapangyarihang pambatasan sa pagitan ng kanyang mga paa; ay darating sa ikalawang pagkakataon sa mga alapaap ng langit, at may sigaw ng Arkanghel” (Joseph Wolff, Researches and Missionary Labors, pahina 62) “at tatayo sa Bundok ng mga Olibo; at ang pamamahalang iyon sa buong nilalang na dati’y ipinagkatiwala kay Adan, ngunit nawala sa kanya (Genesis 1:26; 3:17), ay ibibigay kay Jesus. Siya’y magiging hari sa buong lupa. Ang mga pagdaing at pananaghoy ng lahat ng nilalang ay matitigil na, sa halip ay mga awit ng pagpupuri at pagpapasalamat ang maririnig.... Kapag si Jesus ay dumating na sa kaluwalhatian ng Kanyang Ama, kasama ng mga banal na anghel,... ang mga namatay na mananampalataya ay unang mabubuhay (1 Tesalonica 4:16; 1 Corinto 15:32). Ito ang tinatawag nating mga Kristiyano na unang pagkabuhay na muli. At ang mga hayop ay mababago ang likas (Isaias 11:6-9), at magpapasakop kay Jesus (Awit 8). Pansanlibutang kapayapaan ang mangingibabaw.”—Journal of the Rev. Joseph Wolff, pahina 378, 379. “At muling titingnan ng Panginoon ang lupa, at sasabihin, ‘Narito, ito ay napakabuti.’ ” —Ibid., p. 294.ADP 208.2

    Naniniwala si Wolff na ang pagdating ng Panginoon ay malapit na, dahil inilalagay ng kanyang paliwanag sa mga propesiyang ukol sa panahon ang dakilang kawakasan sa saklaw ng panahong ipinakita ni Miller. Sa mga taong naggigiit mula sa Kasulatan na, “Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam,” na walang malalaman ang mga tao tungkol sa kalapitan ng pagdating ay sumagot si Wolff: “Sinabi ba ng ating Panginoon na ang araw at oras na iyon ay hindi malalaman? Hindi ba’t binigyan Niya tayo ng mga tanda ng kapanahunan para malaman natin kahit man lang ang pagsapit ng Kanyang pagdating gaya ng isang taong nakakaalam sa pagsapit ng tag-araw dahil sa pag-usbong ng mga dahon ng puno ng igos? (Mateo 24:32). Hindi ba natin malalaman ang panahong iyon, gayong Siya mismo ang nagpayo sa atin na huwag lamang basahin ang aklat ni propeta Daniel, kundi unawain ito? At mismong sa aklat ng Daniel na iyan sinabi na ang mga salita ay inilihim hanggang sa panahon ng wakas (at ganon nga ang kalagayan noong kapanahunan niya), at ‘marami ang tatakbo ng paroo’t parito’ (isang kasabihang Hebreo para sa pagmamasid at pag-iisip ukol sa panahon), ‘at ang kaalaman’ (tungkol sa panahong iyon) ‘ay lalago’ (Daniel 12:4). Bukod pa rito, ang ibig sabihin ng ating Panginoon ay hindi ganito, na ang pagsapit ng panahong iyon ay hindi malalaman, kundi ang eksaktong ‘araw at oras na iyon ay walang nakakaalam.’ Sinasabi talaga Niya na ang malalaman sa pamamagitan ng mga tanda ng kapanahunan ay sapat na upang himukin tayong maghanda sa Kanyang pagdating, gaya ng paghahanda ni Noe ng daong.”—Wolff, Researches and Missionary Labors, pahina 404, 405.ADP 208.3

    Tungkol naman sa karaniwang pamamaraan ng pagpapaliwanag o maling pagpapaliwanag ng Kasulatan ay isinulat ni Wolff: “Ang malaking bahagi ng iglesyang Kristiyano ay lumihis na sa malinaw na kahulugan ng Kasulatan, at bumaling sa sistema ng kahiwagaan ng mga Buddhist, na naniniwalang ang kaligayahan ng lahat ng tao sa hinaharap ay nakasalalay sa paglutang-lutang sa hangin, at inaakala na kapag nabasa nilang mga Judio, ang kahulugan ay mga Hentil; at kapag nabasa nilang Jerusalem, ang kahulugan ‘ika ay iglesya; at kapag sinabing lupa, ang ibig sabihin daw ay ang himpapawid, at ang pagdating naman ng Panginoon ay nangangahulugang pagsulong daw ng mga samahang misyonero; at ang pag-ahon sa bundok ng bahay ng Panginoon ay nangangahulugan daw na isang malaking pagtitipon ng mga Methodist.” Journal of the Rev. Joseph Wolff, pahina 96.ADP 209.1

    Sa loob ng 24 na taon mula noong 1821 hanggang 1845, si Wolff ay naglakbay sa iba’t ibang lugar: sa Africa, dinalaw ang Ehipto at Abyssinia; sa Asia, patawid sa Palestina, sa Syria, Persia, Bokhara, at India. Dinalaw rin niya ang Estados Unidos, at sa paglalakbay niya roon ay nangaral sa isla ng St. Helena. Dumating siya sa New York noong Agosto, 1837; at pagkatapos magsalita sa lunsod na iyon ay nangaral naman siya sa Philadelphia at Baltimore, at sa wakas ay tumuloy sa Washington. Dito ay sinabi niya, “sa mungkahing inihain ng dating pangulong si John Quincy Adams, sa isa sa mga kapulungan ng Kongreso, buong pagkakaisang ipinahintulot sa akin ng Kapulungan ang paggamit sa Congress Hall para sa isang lektura, na aking ibinigay isang araw ng Sabado, na pinarangalan ng pagdalo ng lahat ng kaanib ng Kongreso, at pati ng obispo ng Virginia, at ng mga pari't pastor at ng mga mamamayan ng Washington. Ang ganon ding karangalan ay ipinag-kaloob sa akin ng mga kawani ng pamahalaan ng New Jersey at Pennsylvania, na sa harapan nila’y nagbigay ako ng lektura tungkol sa aking mga pagsasaliksik sa Asia at ganon din sa personal na paghahari ni Jesu-Cristo.”—Ibid., pahina 398, 399.ADP 209.2

    Si Dr. Wolff ay naglakbay sa mga pinakadi-sibilisadong bansa nang walang proteksyon ng alinmang awtoridad sa Europa, na nagtitiis ng maraming hirap at napapalibutan ng napakaraming panganib. Siya’y nahagupit na at ginutom, ipinagbili bilang isang alipin, at tatlong beses nang nahatulan ng kamatayan. Siya’y nilusob na ng mga magnanakaw, at minsan ay halos mamatay na sa uhaw. Isang beses na siyang nakaranas na kinuhang lahat ang pag-aari niya at hinayaang maglakbay ng daan-daang milya sa kabundukan nang nakatapak lang, ang patak ng yelo ay humahampas sa kanyang mukha at ang mga tapak niyang paa ay namanhid dahil sa pagkakalapat sa lupang nanigas na sa yelo.ADP 209.3

    Kapag binabalaang pumunta sa mga tribung hindi sibilisado at palaban, sinasabi niyang “meron siyang sandata”— “panalangin, sigasig para kay Cristo, at pagtitiwala sa Kanyang tulong.” “Ako rin,” sabi niya, “ay pinagkalooban sa aking puso ng pag-ibig sa Diyos at sa aking kapwa, at ang Biblia ay hawak ko.”—W.H.D. Adams, In Perils Oft, pahina 192. Ang Bibliang Hebreo at English ay dala-dala niya kahit saan siya magtungo. Tungkol sa isa sa mga huli niyang paglalakbay ay sinabi niya, “Aking... pinamamalaging bukas ang Biblia sa aking kamay. Nadarama kong ang aking kapangyarihan ay nasa Aklat na ito, at tutulungan ako ng lakas nito.”—Ibid., pahina 201.ADP 209.4

    Ganyan siya nagtiyaga sa kanyang mga paggawa hanggang ang mensahe tungkol sa paghuhukom ay madala sa malaking bahagi ng matitirahang daigdig. Sa mga Judio, Turko, Parsee, Hindu, at marami pang ibang mga bansa at lahi ay ibinahagi niya ang Salita ng Diyos sa iba’t ibang wikang ito, at sa lahat ng lugar ay ibinalita ang nalalapit na paghahari ng Mesiyas.ADP 209.5

    Sa paglalakbay niya sa Bokhara natuklasan niya na ang doktrina ng nalalapit na pagdating ng Panginoon ay pinanghahawakan ng isang hiwalay na grupo ng mga tao sa malayong lugar. Ang mga Arabo sa Yemen, sabi niya, “ay may isang aklat na tinatawag na Seera, na nagsasabi tungkol sa ikalawang pagparito ni Cristo at sa Kanyang paghahari sa kaluwalhatian; at inaasahan nilang may malalaking pangyayaring magaganap sa taong 1840.”— Journal of the Rev. Joseph Wolff pahina 377. “Sa Yemen... ako’y nagpalipas ng anim na araw kasama ng inga lahi ni Rechab. Hindi sila umiinom ng alak, hindi nag-uubasan, hindi nagtatanim, at nakatira sa mga tolda, at inaalala ang mabuting matandang si Jonadab, na anak ni Rechab; at nakakita ako sa kanilang grupo ng mga anak ni Israel, mula sa lahi ni Dan,...na kagaya ng mga anak ni Rechab ay umaasa rin sa agad na pagdating ng Mesiyas sa mga alapaap ng langit.”—Ibid., pahina 389.ADP 209.6

    Ang ganon ding paniniwala ay natuklasan ng isa pang misyonero sa Tatary. Isang paring Tatar ang nagtanong sa misyonero kung kailan darating si Cristo sa ikalawang pagkakataon. Nang sumagot ang misyonero na wala siyang nalalaman tungkol dito, ang pari ay parang labis na nagtaka sa gayong kawalang-alam ng isang nag-aangking tagapagturo ng Biblia, at inilahad ang sarili niyang paniniwala batay sa propesiya, na si Cristo ay darating mga 1844.ADP 210.1

    Noong 1826 pa lang, ang mensahe tungkol sa pagdating ay ipinangangaral na sa England. Ang kilusan dito ay hindi tahasang nabuo gaya ng sa America; ang eksaktong panahon ng pagparito ay hindi pangkalahatang itinuturo, ngunit ang dakilang katotohanan ng nalalapit na pagdating ni Cristo sa kapangyarihan at kaluwalhatian ay malawakang ipinahahayag. At ito’y hindi lamang sa kalagitnaan ng mga taong tutol at hindi umaayon sa Church of England. Si Mourant Brock, isang manunulat na taga-England, ay nagpahayag na halos 700 ministro ng Church of England ang sangkot sa pangangaral ng “ebanghelyong ito ng kaharian.” Ang mensaheng nakaturo sa taong 1844 bilang siyang panahon ng pagdating ng Panginoon ay ipinangaral din sa Great Britain. Ang mga lathalain tungkol sa ikalawang pagparito na galing sa Estados Unidos ay malawakang ipinalaganap. Ang mga aklat at magasin ay muling inilimbag sa England. At noong 1842 si Robert Winter na ipinanganak sa England, at natanggap sa America ang pananampalataya sa ika-lawang pagparito, ay umuwi sa kanyang sariling bayan upang ibalita ang pagdating ng Panginoon. Marami ang sumama sa kanya sa gawaing ito, at ang mensahe tungkol sa paghuhukom ay naipangaral sa iba’t ibang bahagi ng England.ADP 210.2

    Sa Timog America naman, sa gitna ng barbarismo at pakana ng mga pari, si Lacunza na isang Kastila at Jesuit, ay humantong sa Kasulatan at sa gayo’y natanggap ang katotohanan tungkol sa agad na pagbabalik ni Cristo. Dahil ibinubunsod na ipangaral ang babala, gayunma’y nais na makaiwas sa galit ng Roma, inilathala niya ang kanyang mga paniniwala sa ilalim ng pangalang “Rabbi Ben-Ezra,” na ipinakikilala ang kanyang sarili bilang isang nahikayat na Judio. Si Lacunza ay nabuhay noong ika-18 siglo, ngunit noong mga 1825 lang naisalin sa English ang kanyang aklat nang ito’y makarating sa London. Ang pagkakalimbag nito ay nagpalalim sa napupukaw nang interes sa England sa paksang tungkol sa ikalawang pagparito.ADP 210.3

    Sa Germany ang doktrinang ito ay itinuturo na ni Bengel noong ika-18 siglo, isang ministro ng Lutheran Church at kilalang iskolar at tagasuri ng Biblia. Pagkatapos niyang mag-aral, itinalaga ni Bengel “ang kanyang sarili sa pag-aaral ng teolohiya, na likas niyang kinahiligan dahil sa mapagisip at makarelihiyong kondisyon ng kanyang isipan na lumalim at napalakas ng maaga niyang pagsasanay at disiplina. Kagaya ng ibang kabataan na ugali rin ang mag-isip, noong una at simula noon, ay kailangan niyang makipagpunyagi sa mga pag-aalinlangan at kahirapan tungkol sa relihiyon, at may labis na damdamin niyang binanggit ang maraming “pana na tumusok sa kaawa-awa niyang puso, at nagpabigat sa pagiging kabataan niya.” Nang maging kaanib ng konsilyo ng simbahan sa Württemberg, itinaguyod niya ang gawain ng kalayaang panrelihiyon. “Bagaman iginigiit ang mga karapatan at mga pribilehiyo ng simbahan, siya’y isang tagapagtanggol para sa lahat ng makatwirang kalayaan na ipinagkakaloob sa mga nakadaramang kailangan na nilang umalis sa kapulungan nito, dahil sa konsensya.”— Encyclopaedia Britannica, 9th ed., art. “Bengel.” Ang magandang impluwensya ng patakarang ito ay nadarama pa rin sa sarili niyang probinsya.ADP 210.4

    Pumasok sa isipan ni Bengel ang liwanag tungkol sa ikalawang pagdating ni Cristo habang siya’y naghahanda ng sermon mula sa Apocalipsis 21 para sa “Advent Sunday.” Ngayon lang nabuksan sa kanyang pang-unawa ang mga propesiya ng Apocalipsis. Dahil nalipos ng pagkadama sa napakalaking kahalagahan at nangingibabaw na kaluwalhatian ng mga tagpong ipinapahayag ng propeta, napilitan siyang pansamantala munang tumigil sa pagbubulay-bulay sa paksang iyon. Sa pulpito ay muli itong nalahad sa kanya sa buong linaw at kapangyarihan nito. Mula noon ay itinalaga na niya ang kanyang sarili sa pag-aaral ng mga propesiya, lalo na yung nasa Apocalipsis, at di-nagtagal ay sumapit siya sa paniniwala na ipinakikita nga nitong malapit na ang pagdating ni Cristo. Ang petsa na kanyang itinakdang panahon ng ikalawang pagparito ay saklaw nung ilang taong pinanghawakan naman ni Miller nang bandang huli.ADP 211.1

    Ang mga sinulat ni Bengel ay naipalaganap sa buong Sangkakristiyanuhan. Ang mga pagkaunawa niya ay talagang pangkalahatang tinatanggap sa sarili niyang bayan sa Württemberg, at sa ilang kaparaanan ay sa iba pang bahagi ng Germany. Ang kilusan ay nagpatuloy pa rin pagkatapos niyang mamatay, at ang mensahe tungkol sa ikalawang pagparito ay narinig sa Germany sa panahon ding iyon ng pagkuha nito ng pansin sa iba pang mga lugar. Sa mas maagang petsa, ang iba sa mga mananampalataya ay pumunta sa Russia at doon ay bumuo ng mga kolonya, at ang pananampalataya sa ikalawang pagparito ni Cristo ay pinanghahawakan pa rin ng mga iglesyang German sa bansang iyon.ADP 211.2

    Ang liwanag ay sumikat din sa France at Switzerland. Sa Geneva kung saan pinalaganap ni Farel at ni Calvin ang mga katotohanan ng Repormasyon, ay ipinangaral ni Gaussen ang mensahe tungkol sa ikalawang pagparito. Nang siya’y isa pa lamang estudyante sa paaralan, nakaharap ni Gaussen ang espiritu ng rasyonalismo na lumaganap sa buong Europa noong huling bahagi ng ika-18 siglo at sa pagsisimula ng ika-19 na siglo; at nang siya’y pumasok na sa ministeryo hindi lamang siya walangalam sa tunay na pananampalataya, kundi napapahilig pa sa pag-aalinlangan. Sa kanyang kabataan ay naging interesado siya sa pag-aaral ng propesiya. Matapos basahin ang aklat ni Rollin na Ancient History, ang kanyang pansin ay napatuon sa kapitulo 2 ng Daniel, at siya’y nagulat sa kamanghamanghang katumpakan ng katuparan ng propesiya gaya ng makikita sa isinulat ng manunulat na ito ng kasaysayan. Narito ang isang patotoo na ang Kasulatan ay kinasihan, na nagsilbing angkla sa kanya sa gitna ng mga panganib ng mga huling taon. Hindi siya masiyahan sa mga turo ng rasyonalismo, at sa pag-aaral ng Biblia at pagsasaliksik ng mas malinaw na liwanag ay naakay siya sa isang tunay na pananampalataya pagkaraan ng ilang panahon.ADP 211.3

    Habang ipinagpapatuloy niya ang kanyang pagsisiyasat sa mga propesiya, humantong siya sa paniniwala na ang pagdating ng Panginoon ay malapit na. Nang makintalan ng kataimtiman at kahalagahan ng dakilang katotohanang ito, ninais niyang ipahayag ito sa mga tao; ngunit ang karaniwang paniniwala na ang mga propesiya sa Daniel ay mga hiwaga at hindi mauunawaan ay isang mabigat na hadlang sa kanyang daan. Sa wakas ay kanyang ipinasya— gaya ng ginawa ni Farel dati sa pangangaral sa Geneva—na magsimula sa mga bata, na sa pamamagitan nila’y inaasahan niyang maaakit ang mga magulang.ADP 211.4

    “Gusto kong ito’y maunawaan ninyo,” sabi niya bandang huli, tungkol sa kanyang layunin sa ganitong gawain, “hindi dahil sa maliit na kahalagahan nito, kundi taliwas nito, ay dahil sa malaki nitong kahalagahan, kung kaya’t ginusto ko itong ipahayag sa karaniwang pamamaraang ito, at talakayin ito sa mga bata. Gusto kong ako’y mapakinggan, at nangangamba akong hindi ito mangyayari kung una akong magsasalita sa mga taong may gulang na.” “Kaya ipinasya kong pumunta muna sa mga bata. Nagtipon ako ng mga batang makikinig; at kapag ang grupo ay lumalaki na, at kapag nakikitang sila’y nakikinig, nasisiyahan, nawiwili, at kanilang nauunawaan at naipaliliwanag ang paksa, ako’y nakatitiyak na magkakaroon ng ikalawang grupo, at kapag yung mga may gulang na naman, makikita nilang may pakinabang sa kanilang oras ang umupo at mag-aral nito. At kapag ito’y nangyari na, ang layunin ay nakamtan na.”—L. Gaussen, Daniel the Prophet, vol. 2, Preface.ADP 211.5

    Ang pagsisikap ay matagumpay. Habang tinuturuan niya ang mga bata, ang mga matatanda ay lumalapit para makinig. Ang tanghalan ng kanyang simbahan ay napuno ng mga taong matamang nakikinig. Ang iba sa mga ito ay mga taong may katungkulan at may pinag-aralan, at mga dayo at taga ibang bansang dumadalaw sa Geneva; at sa gayon ang mensahe ay nadala rin sa ibang mga lugar.ADP 212.1

    Dahil nahimok ng tagumpay na ito, inilathala ni Gaussen ang kanyang mga aralin, sa pag-asang maitaguyod ang pag-aaral ng mga aklat ng propesiya sa mga iglesya ng mga taong nagsasalita ng French. “Ang paglalathala ng mga araling ibinigay sa mga bata,” sabi ni Gaussen, “ay pagsasabi sa mga matatanda, na napakadalas na binabale-wala ang mga ganyang aklat dahil sa kasinungalingan na ang mga ito raw ay malabo, ‘Paanong magiging malabo ang mga ito gayong nauunawaan ito ng inyong mga anak?’ ” “Meron akong malaking hangarin,” dagdag pa niya, “na magbigay ng kaalaman tungkol sa mga propesiyang karaniwan sa ating mga kapulungan, kung maaari.” “Wala talagang pag-aaral na sa tingin ko’y mas higit pang makatutugon sa pangangailangan ng ating panahon.” “Sa ganitong paraan tayo dapat maghanda sa malalaking paghihirap na nalalapit na, at magbantay at maghintay kay Jesu-Cristo.”ADP 212.2

    Bagaman siya’y isa sa mga pinakakilala at minamahal na mangangaral sa wikang French, si Gaussen di-nagtagal ay sinuspinde sa pagkaministro, ang pangunahin niyang kasalanan ay yung sa halip na ang katekismo ng simbahan, na isang walangsigla at maka-rasyonalismong manuwal, na halos salat sa tunay na pananampalataya, ang ginamit niya’y Biblia sa pagtuturo sa mga bata. Siya pagkaraan ay naging guro sa isang paaralan ng teolohiya, samantalang tuwing Linggo ay patuloy pa rin siya sa kanyang gawain bilang katekista, nagsasalita sa mga bata at tinuturuan sila sa Kasulatan. Ang mga sinulat niya tungkol sa propesiya ay pumukaw din ng malaking interes. Mula sa kanyang silya bilang propesor, papunta sa palimbagan, at sa kanyang paboritong gawain bilang tagapagturo sa mga bata, nagpatuloy siya ng maraming taon sa pagbibigay ng malawak na impluwensya at naging kasangkapan sa pagkuha ng pansin ng maraming tao sa pag-aaral ng mga propesiyang nagpapakita na ang pagdating ng Panginoon ay malapit na.ADP 212.3

    Pati sa Scandinavia ang mensahe ng pagparito ay naipahayag rin, at isang laganap na interes ang napukaw. Marami ang nagising sa kanilang pabayang kasiguruhan, nagsisi at iniwan ang kanilang mga kasalanan, at humingi ng kapatawaran sa pangalan ni Cristo. Ngunit tinutulan ng mga opisyales ng pambansang relihiyon ang kilusan, at dahil sa kanilang impluwensya ang iba sa mga nangangaral ng mensahe ay ipinasok sa bilangguan. Sa maraming lugar kung saan ay napatahimik din nang ganon ang mga mangangaral ng ikalawang pagparito ng Panginoon, ang Diyos ay nasisiyahang ipadala ang mensahe sa mahimalang pamamaraan, sa pamamagitan ng maliliit na mga bata. Dahil sila’y mga wala pa sa edad, hindi sila kayang pigilan ng batas ng pamahalaan, at sila’y pinahihintulutang magsalita nang hindi pinapakialaman.ADP 212.4

    Ang karamihan sa kilusan ay mahihirap na tao, at sa mga hamak na tahanan ng mga manggagawa nagtitipon ang mga tao para pakinggan ang babala. Karamihan sa mga batang mangangaral mismo ay mahihirap lamang na nakatira sa kubo. Ang iba sa kanila ay hindi hihigit sa anim o walong taong gulang; at bagaman ang kanilang buhay ay nagpapatotoo na minamahal nila ang Tagapagligtas, at nagsisikap na mamuhay sa pagsunod sa mga banal na utos ng Diyos, sa karaniwang paraan ang makikita lang sa kanila ay ang katalinuhan at kakayahan na kadalasang nakikita sa mga batang may ganon ding edad. Subalit kapag sila’y nakatayo na sa harapan ng mga tao, maliwanag na sila’y kinikilos ng kapangyarihang higit sa sarili nilang likas na kakayahan. Ang tono at kilos ay nagbabago, at may dakilang kapangyarihan nilang ibinigay ang babala ng paghuhukom, gamit ang mismong sinasabi ng Kasulatan: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa Kanya, sapagkat dumating na ang oras ng Kanyang paghuhukom.” Sinumbatan nila ang mga kasalanan ng mga tao, na hindi lamang tinutuligsa ang kahalayan at bisyo, kundi sinasaway ang pagkamakamundo at pagbalik sa kasamaan, at binabalaan ang mga nakikinig na magmadaling tumakas sa galit na darating.ADP 212.5

    Ang mga tao ay nanginginig sa pakikinig. Ang sumusumbat na Espiritu ng Diyos ay nagsalita sa kanilang puso. Marami ang nahimok na saliksikin ang Kasulatan nang may bago at mas malalim na pananabik, ang mga walang-pagpipigil at mahahalay ay nabago, ang iba’y iniwan ang kanilang hindi tapat na mga gawain, at isang gawain ang naisagawa, na talagang kitang-kita anupa’t pati ang mga ministro ng pambansang relihiyon ay napilitang tanggapin na ang kamay ng Diyos ay nasa kilusan.ADP 213.1

    Kalooban ng Diyos na ang pabalita tungkol sa pagparito ng Tagapagligtas ay maipahayag sa mga bansa sa Scandinavia; at nang mapatahimik ang tinig ng Kanyang mga lingkod, inilagay Niya ang Kanyang Espiritu sa mga bata, upang ang gawain ay matapos. Noong si Jesus ay papalapit sa Jerusalem na sinasamahan ng nagkakatuwaang karamihan na ipinapahayag Siya bilang anak ni David na may sigawan ng pagtatagumpay at pagwawagayway ng mga dahon ng palma, Siya’y pinagsabihan ng mga Fariseong naiinggit na sila’y patahimikin; ngunit sumagot si Jesus na ang lahat ng ito’y katuparan ng propesiya, at kung sila’y magsisitahimik, ang mga bato mismo ang sisigaw. Palibhasa’y natakot sa mga pagbabanta ng mga pari at pinuno, ang mga tao ay tumigil sa kanilang masayang pagpapahayag habang sila’y papasok na sa pintuang-bayan ng Jerusalem; ngunit pagkaraan nito ay itinuloy ng mga bata sa bulwagan ng templo ang koro, at habang iwinawagayway ang mga sanga ng palma, sila’y sumigaw ng, “Hosanna sa Anak ni David!” (Mateo 21:8-16). Nang sabihin sa Kanya ng mga Fariseong lubhang hindi nasisiyahan, “Naririnig Mo ba ang sinasabi ng mga ito?” ay sumagot si Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa, ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay naghanda Ka ng papuri para sa Iyong sarili?” Kung paanong gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng mga bata noong unang pagparito ni Cristo, ay gumawa rin Siya sa pamamagitan nila sa pagpapahayag ng mensahe tungkol sa Kanyang ikalawang pagparito. Ang Salita ng Diyos ay dapat na matupad, upang ang pagpapahayag ng pagdating ng Tagapagligtas ay maibigay sa lahat ng bayan, wika, at bansa.ADP 213.2

    Kay William Miller at sa mga kamanggagawa niya ibinigay ang pangangaral sa America. Ang bansang ito ang naging sentro ng dakilang Kilusang Adventista. Dito nagkaroon ng pinakaeksaktong ka-tuparan ang propesiya ng mensahe ng unang anghel. Ang mga sinulat ni Miller at ng kanyang mga kasamahan ay dinala sa malalayong lugar. Saanman makapasok ang mga misyonero sa buong sanlibutan ay naihahatid ang mabuting balita tungkol sa agad na pagbabalik ni Cristo. Kahit saan ay naikalat ang mensahe ng walang hanggang ebanghelyo, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa Kanya, sapagkat dumating na ang oras ng Kanyang paghatol.”ADP 213.3

    Ang patotoo ng mga propesiya na parang nagpapakita na ang pagparito ni Cristo ay sa tagsibol ng 1844 ay tumimo nang malalim sa isipan ng mga tao. Habang ang mensahe ay kumakalat sa bawat estado, nagkakaroon ng pagkagising ng laganap na interes kahit saan. Marami ang naniwala na tama ang mga argumentong mula sa mga panahong ukol sa propesiya, at habang binibitawan ang pagmamalaki nila sa sariling opinyon, ay maligaya nilang tinanggap ang katotohanan. May mga ministro na isinaisantabi ang paniniwala at palagay ng kanilang sekta, iniwan ang kanilang mga suweldo at iglesya, at nakiisa sa pagpapahayag ng pagparito ni Jesus. Kaya lang ay medyo kakaunti lang ang mga ministro na gustong tumanggap sa mensaheng ito; kaya’t ito’y ipinagkatiwala, higit sa lahat, sa mga hamak na karaniwang tao. Iniwan ng mga magsasaka ang kanilang mga bukid, ng mga mekaniko ang kanilang mga gamit, ng mga negosyante ang kanilang mga kalakal, ng mga propesyonal na tao ang kanilang tungkulin; ngunit ang bilang ng mga manggagawa ay kakaunti kung ihahambing sa gawaing dapat matapos. Ang kalagayan ng isang makasalanang iglesya at ng sanlibutang nakaratay sa kasamaan, ay nagpabigat sa kaluluwa ng mga tunay na bantay, at maluwag sa kalooban nilang tiniis ang mabigat na gawain, kasalatan, at paghihirap, upang matawagan nila ang mga tao sa pagsisisi tungo sa kaligtasan. Bagaman hinahadlangan ni Satanas, ang gawain ay patuloy na sumulong, at ang katotohanan tungkol sa pagparito ay tinanggap ng libu-libong tao.ADP 213.4

    Saan mang lugar ay naririnig ang mapanuring patotoo, binabalaan ang mga makasalanan, kapwa tagasanlibutan at mga kaanib ng iglesya, na umiwas sa galit na darating. Kagaya ni Juan Bautista na siyang tagapagbalita ni Cristo, inilagay ng mga mangangaral na ito ang palakol sa ugat ng punungkahoy at hinimok ang lahat na magbunga ng karapat-dapat sa pagsisisi. Ang mga nakagigising nilang panawagan ay malinaw na kataliwas ng katiyakan sa kapayapaan at katiwasayang naririnig mula sa mga tanyag na tagapagsalita; at kahit saan man ipangaral ang mensaheng ito, ang mga tao ay nakikilos. Ang simple at malinaw na patotoo ng Kasulatan, na inilagay sa puso ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ay nagdala ng bigat ng paniniwala na iilan lang ang may kayang labanan nang lubusan. Ang mga taong nagpapahayag ng relihiyon ay nagising sa kanilang huwad na katiwasayan. Nakita nila ang mga pagbalik nila sa dating kasamaan, ang kanilang pagkamakasanlibutan at kawalang-paniniwala, ang kanilang pagmamalaki at pagkamakasarili. Marami ang nagsihanap sa Panginoon nang may pagsisisi at kapakumbabaan. Ang mga damdaming napakatagal nang nakakapit sa mga makasanlibutang bagay ay itinuon nila ngayon sa langit. Ang Espiritu ng Diyos ay tumahan sa kanila, at taglay ang pusong napalambot at napasuko, sila’y nakisama upang ipahayag ang sigaw na, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa Kanya, sapagkat dumating na ang oras ng Kanyang paghatol.”ADP 214.1

    Ang mga makasalanan ay umiiyak na nagtatanong, “Ano ang kailangan kong gawin upang maligtas?” Yung mga taong ang buhay ay nababahiran ng kawalangkatapatan ay nasasabik na gumawa ng pagsasauli. Lahat ng nakasumpong ng kapayapaan kay Cristo ay nasasabik na makitang nakakabahagi ang iba sa mga pagpapala. Ang puso ng mga magulang ay nanumbalik sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang. Ang mga hadlang ng pagmamapuri at pagkamahiyain ay napalis. Nagkaroon ng mga taos-pusong pagpapahayag ng kasalanan, at ang mga kaanib ng sambahayan ay gumawa para sa ikaliligtas nung mga pinakamalapit at pinakamamahal nila. Madalas na naririnig ang mga taimtim na pamamagitan. Kahit saan ay may mga kaluluwang malalim na nagdadalamhati, na nagsusumamo sa Diyos. Marami ang nakikipagpunyagi buong magdamag sa pananalangin para sa katiyakan na ang sarili nilang mga kasalanan ay pinatawad na, o kaya’y para sa pagkahikayat ng kanilang mga kamag-anak o kapitbahay.ADP 214.2

    Lahat ng uri ng tao ay nagsasama-sama sa mga pagpupulong ng mga Adventista. Ang mga mayayaman at mahihirap, matataas at mga hamak, sa iba’t ibang kadahilanan ay nasasabik na sila mismo ang makarinig sa doktrina ng ikalawang pagparito. Pinigilan ng Panginoon ang espiritu ng pagsalungat habang ipinaliliwanag ng Kanyang mga lingkod ang mga katuwiran ng kanilang pananampalataya. Kung minsan ang kinakasangkapan ay mahina; ngunit ang Espiritu ng Diyos ay nagbibigay ng kapangyarihan sa Kanyang katotohanan. Ang presensya ng mga banal na anghel ay nadarama sa mga pagpupulong na ito, at marami ang napaparagdag sa mga mananampalataya araw-araw. Habang binabanggit ang mga katibayan ng malapit nang pagdating ni Cristo, ang napakaraming tao ay pigil-hiningang nakikinig nang tahimik sa mga banal na salita. Ang lupa at langit ay parang naglapit. Ang kapangyarihan ng Diyos ay nadarama ng mga matatanda at bata at may katamtamang gulang. Ang mga lalaki ay umuwi sa kanilang mga tahanan nang may pagpupuri sa kanilang mga labi, at ang tinig ng kaligayahan ay maririnig sa katahimikan ng gabi. Walang sinumang dumalo sa mga pagpupulong na iyon ang kailanma’y makakalimot sa mga tagpong iyon na may taimtim na interes.ADP 214.3

    Ang pagpapahayag ng eksaktong panahon para sa pagdating ni Cristo ay naglabas ng malaking pagtutol mula sa lahat ng uri ng tao, mula sa ministro sa pulpito hanggang sa pinakapabaya at mapaghamon sa Langit na makasalanan. Ang mga sinasabi ng hula ay natupad: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak, na manlilibak at lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, at magsasabi, ‘Nasaan ang pangako ng Kanyang pagdating? Sapagkat, buhat pa nang mamatay ang ating mga ninuno, nananatili ang lahat ng mga bagay sa dati nilang kalagayan mula nang pasimula ng paglalang’ ” (2 Pedro 3:3, 4). Marami sa mga nagpapahayag na mahal nila ang Tagapagligtas ay nagsabing wala silang tutol sa doktrina ng ikalawang pagparito; ang tinututulan lamang daw nila ay ang eksaktong panahon. Ngunit ang kanilang puso ay nababasa ng mata ng Diyos na nakakakita ng lahat. Ayaw nilang marinig ang tungkol sa pagparito ng Panginoon para hatulan ang sanlibutan sa katuwiran. Sila’y naging mga di-tapat na lingkod, hindi makakayanan ng kanilang mga gawa ang pagsisiyasat ng Diyos na sumusuri ng puso, at takot silang makaharap ang kanilang Panginoon. Gaya nung mga Judio noong panahon ng unang pagparito ni Cristo, sila’y hindi handang salubungin si Jesus. Hindi lamang sila tumangging makinig sa malilinaw na katibayan mula sa Biblia, kundi nilibak pa yung mga naghihintay sa Panginoon. Si Satanas at ang kanyang mga anghel ay tuwang-tuwa, at ipinukol ang panunuya sa harapan ni Cristo at ng mga banal na anghel na ang mga nagsasabing bayan Niya ay may napakaliit na pagmamahal sa Kanya anupa’t hindi nila gusto ang Kanyang pagpapakita.ADP 214.4

    “Walang taong nakakaalam sa oras o sa araw,” ito ang katwirang napakalimit na inihaharap ng mga hindi tumanggap sa pananampalataya sa pagparito. Ang talata ay ganito, “Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak kundi ang Ama lamang” (Mateo 24:36). Ang malinaw at tugmang paliwanag sa talatang ito ay ibinigay nung mga naghihintay sa Panginoon, at ang maling paggamit dito ng mga kalaban nila ay malinaw na makikita. Ang mga salitang ito ay sinabi ni Cristo sa dakilang pakikipag-usap na iyon sa Kanyang mga alagad doon sa Bundok ng Olibo pagkatapos Niyang umalis sa tem-plo sa kahuli-hulihang pagkakataon. Ang mga alagad ay nagtanong, “Ano ang tanda ng Iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?” Binigyan sila ngayon ni Jesus ng mga palatandaan, at sinabi, “Kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alam ninyong Siya’y malapit na, nasa mga pintuan na” (Mateo 24:3, 33). Ang isang sinabi ng Tagapagligtas ay hindi dapat gamitin upang sirain ang isa pa. Ba-gaman walang taong nakakaalam sa araw o sa oras ng Kanyang pagparito, tayo’y binilinan at inutusang alamin kung ito ba’y malapit na. Itinuturo pa nga sa atin, na ang pagbabale-wala sa Kanyang babala, at ang pagtanggi o pagpapabayang alamin kung malapit na ba ang Kanyang pagparito, ay napakamapanganib sa atin gaya rin nung mga taong nabuhay sa panahon ni Noe na hindi rin inalam kung kailan darating ang Baha. At ang talinghaga sa kapitulo ring iyon, na pinaghahambing ang tapat at di-tapat na alipin, at nagbigay ng hatol doon sa isa na nagsabi sa kanyang puso, “Magtatagal ang aking panginoon,” ay nagpapakita kung sa anong liwanag kikilalanin at gagantimpalaan ni Cristo yung mga nasumpungan Niyang naghihintay at itinuturo ang Kanyang pagdating, at yung mga tumatanggi rito. “Magbantay kayo,” sabi Niya; “Mapalad ang alipin na kung dumating ang kanyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang kanyang ginagawa” (Mateo 24:42-51). “Kaya’t kung hindi ka gigising, darating Akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong oras Ako darating sa iyo” (Apocalipsis 3:3).ADP 215.1

    Si Pablo ay nagsalita tungkol sa isang uri ng mga tao na daratnan ng pagdating ng Panginoon nang hindi inaasahan. “Ang araw ng Panginoon ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi. Kapag sinasabi nila, ‘Kapayapaan at katiwasayan,’ kaagad darating sa kanila ang biglang pagkawasak,... at walang makakatakas!” Ngunit idinagdag niya, tungkol sa mga nakinig sa babala ng Tagapagligtas, “Kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na iyon ay mabigla kayong gaya sa magnanakaw. Sapagkat kayong lahat ay pawang mga anak ng liwanag at mga anak ng araw; tayo’y hindi ng gabi ni ng kadiliman man” (1 Tesalonica 5:2-5).ADP 215.2

    Sa gayo’y naipakita na ang Kasulatan ay hindi nagbibigay ng pahintulot na ang mga tao’y manatiling walang-alam tungkol sa kalapitan ng pagdating ni Cristo. Ngunit yung mga naghahanap lamang ng dahilan upang tanggihan ang katotohanan ay nagtakip ng tainga nila sa paliwanag na ito; at ang mga salitang “Walang taong nakakaalam sa araw o sa oras,” ay patuloy na pinaulit-ulit ng mga pangahas na manlilibak at maging nung mga nagsasabing ministro ni Cristo. Nang ang mga tao’y magising, at nagsimulang magtanong tungkol sa daan ng kaligtasan, ang mga tagapagturo ng relihiyon ay pumagitan sa kanila at sa katotohanan, na nagsisikap na payapain ang kanilang mga pangamba sa pamamagitan ng maling pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos. Ang mga di-tapat na bantay ay nakiisa sa gawain ng dakilang mandaraya, na sumisigaw, ‘Kapayapaan, kapayapaan,’ samantalang ang Diyos ay hindi nagsasalita ng kapayapaan. Kagaya ng mga Fariseo noong panahon ni Cristo, marami ang mismong tumangging pumasok sa kaharian ng langit, at yung mga nagsisipasok ay kanilang hinahadlangan. Ang dugo ng mga kaluluwang ito ay sisingilin sa kanilang kamay.ADP 215.3

    Ang mga pinakahamak at pinakatapat sa iglesya ay karaniwang silang unang tumatanggap sa mensahe. Yung mga personal na nag-aral ng Biblia ay talagang nakikita na wala sa Kasulatan ang mga umiiral na pananaw ukol sa propesiya; at saanmang dako na ang mga tao ay hindi nakokontrol ng impluwensya ng mga lider ng relihiyon, saanman na ang Salita ng Diyos ay sinasaliksik mismo nila, ang doktrina ng pagparito ay kinakailangan lang na ihambing sa Kasulatan upang pagtibayin ang banal na kapangyarihan nito.ADP 216.1

    Marami ang pinag-uusig ng kanilang mga di-sumasampalatayang kapatiran. Upang mapanatili ang kanilang posisyon sa iglesya, ang iba ay pumayag na manahimik na lang tungkol sa kanilang pag-asa; ngunit nadama ng iba na pinipigilan sila ng katapatan sa Diyos na ilihim nang gayon ang mga katotohanang ipinagkatiwala sa kanila. Hindi lang iilan ang itiniwalag sa samahan ng iglesya nang dahil sa pagpapahayag nila ng kanilang pananampalataya sa pagdating ni Cristo. Napakahalaga para sa mga nagbabata ng ganitong pagsubok sa kanilang pananampalataya ang mga sinabi ng propeta, “Ang inyong mga kapatid na namumuhi sa inyo na nagtatakwil sa inyo alang-alang sa Aking pangalan, ang nagsabi, ‘Luwalhatiin ang Panginoon, upang makita namin ang inyong kagalakan;’ ngunit sila ay mapapahiya” (Isaias 66:5).ADP 216.2

    Ang mga anghel ng Panginoon ay nagaabang nang may matinding pananabik sa ibubunga ng babala. Nang magkaroon ng pangkalahatang di-pagtanggap ng mga iglesya sa mensahe, ang mga anghel ay nalulungkot na tumalikod. Ngunit marami ang hindi pa nasusubok patungkol sa katotohanan ng ikalawang pagparito. Marami ang nailigaw ng kanilang mga asawa, mga magulang, o mga anak, at napaniwalang kasalanan ang kahit makinig lang sa ganyang erehiyang itinuturo ng mga Adventista. Ang mga anghel ay inutusang tapat na bantayan ang mga kaluluwang ito; sapagkat may isa pang liwanag na sisikat sa kanila mula sa trono ng Diyos.ADP 216.3

    Taglay ang di-maipahayag na pananabik, yung mga nagsitanggap sa mensahe ay naghintay sa pagdating ng kanilang Tagapagligtas. Ang panahon na inaasahan nilang makikita Siya ay malapit na. Hinarap nila ang oras na ito nang may payapang kataimtiman. Sila’y humimlay sa matamis na pakikipag-ugnayan sa Diyos, isang paunang-bayad sa kapayapaang mapapasakanila sa maningning na hinaharap. Walang sinumang nakaranas sa pag-asa at pagtitiwalang ito ang makakalimot sa mahahalagang sandaling iyon ng paghihintay. Sa loob ng ilang linggo bago ang oras na iyon, ang makasanlibutang pangangalakal ay isinaisantabi na halos lahat. Maingat na siniyasat ng mga tapat na mananampalataya ang bawat isipan at damdamin ng kanilang mga puso na para bagang sila’y mamamatay na at sa loob ng ilang oras lang ay ipipikit na ang kanilang mga mata sa mga tanawin sa lupa. Walang ginawang paghahanda ng “mga damit para sa pag-akyat sa langit” (Tingnan ang Apendiks), kundi nadama ng lahat ang pangangailangan sa panloob na katibayan na sila nga ay handang sumalubong sa Tagapagligtas; ang kanilang puting damit ay ang kalinisan ng kaluluwa—ang karakter na nilinis na sa kasalanan ng pantubos na dugo ni Cristo. Sana’y meron pa ring ganong espiritu ng pagsisiyasat ng puso, ganong sigasig, at ganong totohanang pananampalataya sa mga nagsasabing bayan ng Diyos. Kung nagpatuloy lang sana sila sa ganong pagpapakababa sa harapan ng Panginoon, at ipinagpilitan ang kanilang mga panalangin sa luklukan ng awa, tataglayin sana nila ang mas masaganang karanasan kaysa sa nararanasan nila ngayon. Napakaunti ng pananalangin, napakaunti ng tunay na pagkadama sa kasalanan, at ang kawalan ng buhay na pananampalataya ang dahilan kung bakit marami ang salat sa biyaya na napakasaganang inilaan ng ating Manunubos.ADP 216.4

    Pinanukala ng Diyos na subukin ang Kanyang bayan. Tinakpan ng Kanyang kamay ang isang pagkakamali sa pagbilang sa mga panahong ukol sa propesiya. Hindi natuklasan ng mga Adventista ang pagkakamali, kahit ang pinakamagagaling sa kanilang mga katunggali ay hindi rin ito natuklasan. Sabi ng kanilang katunggali: “Ang inyong pagbilang sa mga panahong ukol sa propesiya ay tama. Meron ngang malaking pangyayaring malapit nang maganap; ngunit hindi ito yung inihuhula ni Miller; ito ay ang pagkahikayat ng sanlibutan, at hindi ang ikalawang pagparito ni Cristo.” (Tingnan ang Apendiks).ADP 217.1

    Ang panahong inaasahan ay lumipas, at si Cristo ay hindi napakita upang iligtas ang Kanyang bayan. Yung mga may tapat na pananampalataya at pag-ibig na naghintay sa kanilang Tagapagligtas ay nakaranas ng matinding kabiguan. Gayunma’y naisasakatuparan ang mga layunin ng Diyos; sinusubok Niya ang mga puso nung mga nagsasabing sila’y naghihintay sa Kanyang pagpapakita. Marami sa mga ito ang itinulak lang ng takot. Ang pagpapahayag nila ng pananampalataya ay hindi tumalab sa kani-lang mga puso at buhay. Nang hindi naganap ang inaasahang pangyayari, ang mga taong ito ay nagsabing hindi sila nabigo; kailanman ay hindi raw nila pinaniwalaan na si Cristo ay darating. Sila ay kasama sa mga unang lumibak sa kalungkutan ng mga tunay na mananampalataya.ADP 217.2

    Subalit si Jesus at ang buong hukbo ng langit ay nakamasid nang may pagmamahal at habag sa mga taong sinubok at tapat, gayunma’y nangabigo. Kung ang tabing na naghihiwalay sa nakikita at hindi nakikita ay nahawi, makikita sana na ang mga anghel ay lumalapit sa mga matatatag na taong ito, at ipinagsasanggalang sila sa mga sibat ni Satanas.ADP 217.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents