Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    39—Ang Panahon ng Kaguluhan

    “Sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang pinuno na tagapag-ingat ng iyong bayan. At magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. Ngunit sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na ang pangalan ay matatagpuang nakasulat sa aldat” (Daniel 12:1).ADP 351.1

    Kapag nagtapos na ang mensahe ng ikatlong anghel, ang kahabagan ay hindi na magtatanggol pa para sa mga makasalanang naninirahan sa lupa. Natapos na ng bayan ng Diyos ang kanilang gawain. Tinanggap na nila ang “huling ulan,” ang “kaginhawahan...mula sa harap ng Panginoon” (Hoseas 6:3; Gawa 3:19), at handa na sila para sa oras ng pagsubok na kahaharapin nila. Ang mga anghel ay dali-daling nagpaparoo’t parito sa langit. Ibinalita ng isang anghel na galing sa lupa na tapos na ang kanyang gawain; ang huling pagsubok ay naibigay na sa sanlibutan, at lahat ng nagpatunay na sila’y tapat sa mga banal na tuntunin ay nakatanggap na ng “tatak ng Diyos na buhay” (Apocalipsis 7:2). At pagkatapos ay tumigil na si Jesus sa Kanyang pamamagitan sa santuwaryo sa langit. Itinaas Niya ang Kanyang kamay, at sa malakas na tinig ay sinabi, “Tapos na;” at inilapag ng buong hukbo ng mga anghel ang kanilang korona habang taimtim Niyang ipinahahayag: “Ang masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa” (Apocalipsis 22:11). Ang bawat kaso ay napagpasyahan na, kung para sa buhay ba o sa kamatayan. Naisagawa na ni Cristo ang katubusan para sa Kanyang bayan, at pinawi na ang kanilang mga kasalanan. Nabuo na ang bilang ng Kanyang nasasakupan; “ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit,” ay malapit nang ibigay sa mga tagapagmana ng kaligtasan, at si Jesus ay maghahari na bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.ADP 351.2

    Nang lumabas na si Cristo sa santuwaryo, binalot ng kadiliman ang mga naninirahan sa lupa. Sa nakakatakot na panahong iyon, ang mga matuwid ay kinakailangang mamuhay sa paningin ng isang banal na Diyos nang walang tagapamagitan. Ang pamigil na nasa mga makasalanan ay inalis na, at lubusan nang kontrolado ni Satanas ang mga tuluyang hindi nagsisi. Tapos na ang matagal na pagtitiis ng Diyos. Tinanggihan ng sanlibutan ang Kanyang kahabagan, hinamak ang Kanyang pag-ibig, at niyurakan ang Kanyang kautusan. Lumagpas na ang mga makasalanan sa hangganan ng kanilang palugit; ang Espiritu ng Diyos na walang-tigil na nilalabanan, ay inalis na rin. Dahil hindi nakakanlungan ng banal na biyaya, wala na silang sanggalang laban sa diyablo. Isasadlak naman ngayon ni Satanas ang mga naninirahan sa lupa sa isang malaki at panghuling kaguluhan. Dahil tumigil na ang mga anghel ng Diyos sa pagpigil sa matitinding daluyong ng bugso ng damdamin ng tao, ang lahat ng elemento ng sagupaan ay pakakawalan. Ang buong sanlibutan ay masasangkot sa malaking pagkawasak na mas matindi pa kaysa sa sinapit ng Jerusalem noong unang panahon.ADP 351.3

    Isang anghel lang ang pumatay sa lahat ng panganay ng mga taga-Ehipto, at nilipos ng pagdadalamhati ang buong lupain. Nang si David ay magkasala laban sa Diyos dahil sa pagbilang sa mga tao, isang anghel lang ang gumawa ng matinding pamumuksa bilang kaparusahan sa kanyang kasalanan. Ang mapamuksang kapangyarihang iyon na ginagamit ng mga banal na anghel kapag iniutos ng Diyos, ay gagamitin din ng masasamang anghel kapag ipinahintulot Niya. May mga puwersang nakahanda na ngayon, at naghihintay na lamang ng pahintulot ng Diyos, upang maghasik ng lagim kahit saan.ADP 351.4

    Yung mga kumikilala sa kautusan ng Diyos ay pararatangan ng pagdadala ng kahatulan sa sanlibutan, at sila’y ituturing na dahilan ng mga nakakatakot na pagyanig ng kalikasan at ng awayan at pagdanak ng dugo ng mga tao na nagpupuno ng kasawian sa lupa. Ang kapangyarihang taglay ng kahuli-hulihang babala ay ikinagalit ng masasama; ang kanilang galit ay nag-alab laban sa lahat ng tumanggap sa mensahe, at mas patitindihin pa ni Satanas ang espiritu ng pagkamuhi at pag-uusig.ADP 351.5

    Nang sa wakas ay alisin na ang presensya ng Diyos sa bansang Judio, hindi ito nalaman ng mga pari at ng mga tao. Bagaman pinamamahalaan na ni Satanas, at pinakikilos ng mga pinakakakila-kilabot at pinakamasamang bugso ng damdamin, ipinalalagay pa rin nilang sila’y pinili ng Diyos. Ang paglilingkod sa templo ay nagpatuloy pa rin; ang mga handog ay inialay pa rin sa mga nasalaulang altar, at araw-araw ay tinatawagan ang pagpapala ng Diyos para sa bayang responsable sa dugo ng minamahal na Anak ng Diyos, at nagsisikap na patayin ang Kanyang mga tagapaglingkod at apostol. Gayon din naman kapag binigkas na ang di-mababagong hatol ng santuwaryo, at maitakda na magpakailanman ang kahihinatnan ng sanlibutan, ito’y hindi rin malalaman ng mga naninirahan sa lupa. Ang mga sistema ng relihiyon ay ipagpapatuloy pa rin ng mga taong sa wakas ay nilisan na ng Espiritu ng Diyos; at ang makademonyong sigasig na iuudyok sa kanila ng prinsipe ng kasamaan para maisagawa ang masasama niyang panukala, ay makakahawig ng sigasig para sa Diyos.ADP 352.1

    Dahil ang Sabbath ay naging bukud-tanging paksa ng pagtatalo sa Sangkakristiyanuhan, at ang mga pangasiwaan ng relihiyon at ng pamahalaan ay nagsama na upang ipatupad ang pangingilin ng Linggo, ang patuloy na pagtangging magpasakop ng isang maliit na grupo sa ipinag-uutos ng karamihan, ay siyang magiging dahilan ng pagkasuklam sa kanila ng buong sanlibutan. lgigiit na ang kakaunting naninindigan laban sa itinatag na pangilin ng simbahan at sa batas ng pamahalaan ay hindi dapat payagan; na mabuti pang sila’y magdusa kaysa malagay sa kaguluhan at kawalangbatas ang buong bansa. Ganon ding pangangatwiran ang inilabas ng mga “pinuno ng mga tao” laban kay Cristo may 18 dantaon na ang nakakaraan. “Mas mabuti para sa inyo,” ang sabi ng tusong si Caifas, “na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa” (Juan 11:50). Ang pangangatwirang ito ay lilitaw na kapani-paniwala; at sa wakas ay ipapalabas ang isang batas laban sa mga nagpapabanal sa Sabbath ng ikaapat na utos, na tumutuligsang sila’y karapat-dapat sa pinakamatinding parusa, at di-kalauna’y magbibigay-laya sa mga tao na sila’y patayin. Ang Romanismo sa Europa at ang tumalikod na Protestantismo sa America ang magtataguyod ng ganon ding hakbangin laban doon sa mga nagpaparangal sa lahat ng banal na utos.ADP 352.2

    Ang bayan ng Diyos kung gayon ay masasadlak sa mga tagpong iyon ng kahirapan at bagabag na malinaw na sinabi ng propeta bilang panahon ng kaguluhan o kabagabagan ni Jacob. “Ganito ang sabi ng Panginoon: Kami ay nakarinig ng sigaw ng pagkasindak, ng takot, at walang kapayapaan.... Ang bawat mukha ay namumutla. Naku! Dakila ang araw na iyon, at walang gaya niyon; iyon ay panahon ng kaguluhan para kay Jacob; gayunma’y maliligtas siya mula roon” (Jeremias 30:5-7).ADP 352.3

    Ang gabi ng matinding hirap ni Jacob, nang siya’y makipagbuno sa pananalangin upang makaligtas sa kamay ni Esau (Genesis 32:24-30), ay kumakatawan sa magiging karanasan ng bayan ng Diyos sa panahon ng kabagabagan. Dahilan sa ginawang pandaraya upang makamit ang pagpapala ng kanyang ama na para sana kay Esau, si Jacob ay tumakas para mabuhay, natakot sa pagbabantang papatayin ng kanyang kapatid. Matapos manatili ng maraming taon sa sapilitang paninirahan sa ibang bayan, siya’y naglakbay, ayon sa utos ng Diyos, pabalik sa sarili niyang bayan kasama ang kanyang mga asawa’t mga anak, at ang kanyang mga tupa’t bakahan. Pagdating sa hangganan ng lupain, siya’y nalipos ng takot sa balitang darating si Esau na pinangungunahan ang isang grupo ng mga mandirigma, siguradong disididong maghiganti. Ang pangkat ni Jacob, walang-armas at di-kayang magtanggol, ay mukhang magiging walang-labang biktima ng karahasa’t patayan. At sa bigat ng pagkabalisa at takot ay dumagdag pa ang nakakadurog na bigat ng pagsisi sa sarili; sapagkat sarili niyang kasalanan ang naghatid ng panganib na ito. Ang tangi niyang pag-asa ay nasa kahabagan ng Diyos; ang tangi niyang sanggalang dapat ay panalangin. Ngunit gagawin pa rin niya ang lahat ng kanyang bahagi upang pagbayaran ang pagkakamali niya sa kanyang kapatid, at para mapigilan ang bantang panganib. Ganon din dapat ang mga taga-sunod ni Cristo, na habang sila’y papalapit sa panahon ng kabagabagan, gawin dapat nila ang lahat ng pagsisikap upang mailagay ang kanilang sarili sa tamang liwanag sa harap ng mga tao, upang alisin ang masama nilang iniisip sa kapwa, at mapigilan ang panganib na nagbabanta sa kalayaan ng budhi.ADP 352.4

    Nang mailayo na niya ang kanyang pamilya, upang hindi nila makita ang kanyang pagkabagabag, si Jacob ay naiwang mag-isa upang mamagitan sa Diyos. Ipinahayag niya ang kanyang kasalanan, at mapagpasalamat niyang kinilala ang kahabagan ng Diyos sa kanya, samantalang sa malalim na kapakumbabaan ay isinasamo niya ang tipanang ginawa ng Diyos sa kanyang mga ninuno, at ang mga pangako sa kanya sa pangitain noong gabi sa Bethel at sa lupaing pinanirahan niya. Ang krisis sa kanyang buhay ay dumating na; ang lahat ng bagay ay nanganganib. Sa kadiliman at pag-iisa ay patuloy siyang nanalangin at nagpakumbaba sa harapan ng Diyos. Walang anu-ano’y isang kamay ang humawak sa kanyang balikat. Akala niya’y isang kaaway ang gustong pumatay sa kanya, at sa buong lakas ng pagiging desperado ay nakipagbuno siya sa umatake sa kanya. Nang magbubukang-liwayway na, inilabas na ng estranghero ang kanyang pambihirang kapangyarihan; sa kanyang paghipo lamang, si Jacob ay parang naparalisa, at siya’y napasubsob na isang mahina’t umiiyak na taong nagsusumamo sa leeg ng mahiwaga niyang kalaban. Alam na ni Jacob ngayon na ang Anghel ng tipan ang katunggali niya. Bagaman baldado na, at dumaranas ng pinakamatinding kirot, hindi pa rin niya isinuko ang kanyang hangarin. Matagal na niyang tiniis ang kaguluhan ng isip, pagsisisi, at kabagabagan dahil sa kanyang kasalanan; kailangan niya ngayong makasiguro na ito’y napatawad na nga. Ang banal na panauhin ay parang aalis na; ngunit si Jacob ay yumakap nang mahigpit sa Kanya, sumasamo para sa pagpapala. Nakiusap ang Anghel, “Bitawan mo Ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na;” subalit sinabi ng patriyarka, “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan Mo.” Anong laking tiwala, anong tinding katatagan at pagpupursigi ang itinatanghal dito! Kung ito’y kayabangan lamang, at mapangahas na kahilingan, si Jacob sana’y agad nang namatay; subalit ang ginawa niya’y katiyakan ng isang taong nagpapahayag ng kanyang kahinaan at pagiging di karapatdapat, gayunma’y nagtitiwala sa kaawaan ng Diyos na tumutupad ng tipan.ADP 353.1

    “Siya’y nakipagbuno sa Anghel, at nanaig” (Hoseas 12:4). Sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, pagsisisi, at pagsusuko ng sarili, ang makasalana’t nagkakamaling taong ito ay nanaig sa Kamahalan ng langit. Nanginginig niyang hinawakan nang mahigpit ang mga pangako ng Diyos, at ang puso ng Walang-hanggang Pag-ibig ay hindi makatanggi sa pakiusap ng makasalanang ito. Bilang katunayan ng kanyang pananagumpay at bilang panghimok sa iba na gayahin ang kanyang halimbawa, ang kanyang pangalan ay binago mula sa pangalang nagpapaalala sa kanyang kasalanan, tungo sa pangalang gumugunita sa kanyang tagumpay. At ang katotohanang si Jacob ay nanaig sa Diyos ay isang kasiguruhan na siya’y mananaig din sa mga tao. Hindi na siya natatakot na makaharap ang galit ng kanyang kapatid; sapagkat ang Panginoon ang kanyang sanggalang.ADP 353.2

    Pinaratangan ni Satanas si Jacob sa harapan ng mga anghel ng Diyos, inaangkin ang karapatang siya’y patayin dahil sa kanyang kasalanan; kinilos niya si Esau na magmartsa laban sa kanya, at sa loob ng mahabang gabi ng pakikipagbuno ng patriyarka, pinagsikapan ni Satanas na ipilit sa kanya ang pagkadama ng kanyang kasalanan, upang panghinain siya at bumitaw sa pagkakahawak niya sa Diyos. Halos mawalan ng pag-asa si Jacob; subalit batid niyang kapag walang tulong na galing sa langit, siya’y mapapahamak. Taos-puso niyang pinagsisihan ang kanyang malaking kasalanan at siya’y nagsumamo sa kaawaan ng Diyos. Hindi siya mapatalikod sa kanyang hangarin, kundi kumapit nang matatag sa Anghel, at iginiit ang kanyang kahilingan nang may maalab at napakasaklap na pagtangis hanggang sa siya’y manaig.ADP 353.3

    Kung paanong inimpluwensyahan ni Satanas si Esau na magmartsa laban kay Jacob, ganon din niya susulsulan ang mga masasama upang puksain ang bayan ng Diyos sa panahon ng kabagabagan. At kung paano niyang pinaratangan si Jacob, igigiit din niya ang kanyang mga paratang laban sa bayan ng Diyos. Ibinibilang niyang sakop niya ang buong sanlibutan; subalit ang maliit na grupong sumusunod sa mga utos ng Diyos ay kumakalaban sa kanyang paghahari. Kung malilipol niya sila sa lupa, ang tagumpay niya ay malulubos. Nakikita niyang binabantayan sila ng mga banal na anghel, at nahihiwatigan niyang ang kanilang mga kasalanan ay napatawad na; ngunit hindi niya alam na ang kanilang kaso ay napagpasyahan na sa santuwaryo sa langit. Tumpak ang pagkaalam niya sa mga kasalanang iniudyok niyang gawin nila, at inihaharap niya ang mga ito sa Diyos sa pinalabis na liwanag, ipinapakitang ang mga taong ito gaya niya ay talagang nararapat ding alisin sa pabor ng Diyos. Sinasabi niya na kung ang Panginoon ay makatarungan, hindi Niya maaaring patawarin ang kanilang mga kasalanan, gayong siya at ang kanyang mga anghel ay lilipulin. Sila’y inaangkin niyang biktima, at hinihiling na sila’y ibigay sa kanyang mga kamay upang lipulin.ADP 354.1

    Habang pinararatangan ni Satanas ang bayan ng Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan, siya’y papayagan ng Panginoon na subukin sila hanggang sa sukdulan. Ang kanilang pagtitiwala sa Diyos, ang kanilang pananampalataya at katatagan, ay susubukin nang husto. Habang ginugunita nila ang nakaraan, ang pag-asa nila’y nanghihina; sapagkat sa buong buhay nila ay bahagya na silang makakita ng kabutihan. Alam na alam nila ang kanilang mga kahinaa’t pagiging di karapatdapat. Sinisikap ni Satanas na takutin sila nang husto sa isipang ang kanilang mga kalagayan ay wala nang pag-asa, na ang mantsa ng kanilang kasiraang-puri ay hindi na malilinis kailanman. Inaasahan niyang masisira nang husto ang kanilang pananampalataya anupa’t sila’y bibigay sa kanyang panunukso, at tatalikod sa kata-patan nila sa Diyos.ADP 354.2

    Bagama’t ang bayan ng Diyos ay mapapaligiran ng mga kaaway na disididong sila’y puksain, ang matinding hirap na daranasin nila ay hindi ang takot sa pag-uusig alang-alang sa katotohanan; sila’y natatakot na baka hindi pa nila napagsisihan ang lahat nilang kasalanan, na dahil sa ilan nilang pagkukulang ay hindi magkatotoo sa kanila ang katuparan ng pangako ng Tagapagligtas na “Ikaw...ay Aking iingatan sa oras ng pagsubok na darating sa buong daigdig” (Apocalipsis 3:10). Kung makasisiguro sila sa kapatawaran, sila’y hindi uurong sa pagpapahirap o kamatayan man; subalit kung sila’y mapatunayang hindi karapat-dapat, at mamatay dahil sa sarili nilang kapintasan ng pag-uugali, ang banal na pangalan ng Diyos kung gayon ay madudulutan ng kahihiyan.ADP 354.3

    Sa lahat ng dako ay maririnig nila ang mga pakana ng kataksilan, at makikita ang masiglang pagkilos ng paghihimagsik; at sa kanila’y may mapupukaw na isang matinding hangarin, isang maalab na pananabik ng kaluluwa, na ang malaking pagtalikod na ito ay matapos na sana, at ang kasamaan ng mga makasalanan ay mawakasan na. Ngunit samantalang isinasamo nila sa Diyos na pigilan ang gawain ng paghihimagsik, taglay nila ang matinding pagkadama ng paninisi sa sarili na sila mismo ay walang kapangyarihang labanan at paurungin ang malakas na agos ng kasamaan. Kanilang nadama na kung lagi lang sana nilang ginamit ang lahat nilang kakayahan sa paglilingkod kay Cristo, na sumusulong mula sa kalakasan tungo sa kalakasan, ang mga hukbo ni Satanas ay hihina sana ang kapangyarihan para manaig pa laban sa kanila.ADP 354.4

    Pagdadalamhatiin nila ang kanilang kaluluwa sa harapan ng Diyos, na itinuturo ang nakaraan nilang pagsisisi sa napakarami nilang kasalanan, at iniluluhog ang pangako ng Tagapagligtas na, “O manghawak sana siya sa Aking lakas, upang siya’y makipagpayapaan sa Akin; oo, makipagpayapaan siya sa Akin” (Isaias 27:5). Hindi manghihina ang kanilang pananampalataya dahil lamang sa hindi agad sinasagot ang kanilang mga panalangin. Bagama’t dinaranas ang pinakamatinding kabalisahan, takot, at pagkabahala, sila’y hindi titigil sa kanilang pagdalangin sa isa’t isa. Hahawakan nila ang lakas ng Diyos gaya ng paghawak ni Jacob sa Anghel; at ang pangungusap ng kanilang kaluluwa ay, “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan Mo” (Genesis 32:26).ADP 354.5

    Kung hindi ni Jacob pinagsisihan dati pa ang kanyang kasalanan sa pagkuha ng pagkapanganay sa pamamagitan ng pandaraya, hindi sana dininig ng Diyos ang kanyang panalangin at buong kahabagang iniligtas ang kanyang buhay Ganon din sa panahon ng kaguluhan, kung ang bayan ng Diyos ay may makikitang mga kasalanang hindi naikumpisal sa Diyos habang sila’y pinahihirapan ng takot at pagdadalamhati, sila’y malulupig; aalisin ng kawalang pag-asa ang kanilang pananampalataya, at hindi sila magkakaroon ng lakas ng loob na magsumamo sa Diyos para sa kaligtasan. Subalit bagaman malalim ang pagkadama nila sa pagiging di nila karapat-dapat, wala naman silang maihayag na nakatagong kasalanan. Ang kanilang mga kasalanan ay nawala na dati pa sa paghuhukom, at ito’y napawi na; at hindi na nila ito maalala.ADP 355.1

    Pinapaniwala ni Satanas ang maraming tao na hindi na papansinin ng Diyos ang kawalan nilang katapatan sa mga maliliit na bagay sa buhay; subalit sa Kanyang pakikitungo kay Jacob ay ipinapakita ng Panginoon na sa anumang paraan ay hindi Niya pahihintulutan o hahayaan ang kasamaan. Ang lahat ng nagsisikap na ipagdahilan o itago ang kanilang mga kasalanan, at hinahayaan itong manatili sa mga aklat sa langit nang hindi naipahahayag at hindi napapatawad, ay madadaig ni Satanas. Kung mas higit ang pagsasabi nilang sila’y mananampalataya, at mas marangal ang tungkuling hinahawakan nila, mas mabigat din sa paningin ng Diyos ang kanilang tinatahak, at mas tiyak din ang pagwawagi ng kanilang dakilang kaaway. Yung mga ipinagpapaliban ang paghahanda para sa araw ng Diyos ay hindi na ito magagawa pa sa panahon ng kabagabagan o sa mga panahon pang susunod. Ang kalagayan ng lahat ng ganyan ay wala nang pag-asa.ADP 355.2

    Ang mga nagsasabing Kristiyano na haharap nang hindi handa sa huling kakilakilabot na labanang iyon, sa kawalan nilang pag-asa ay magpapahayag ng kanilang mga kasalanan sa mga salitang nag-aalab sa pagdadalamhati, habang ang mga masasama ay nagpapakasaya sa kanilang paghihirap. Ang ganong pagpapahayag ng kasalanan ay katulad ng kay Esau o nung kay Judas. Yung mga gumagawa nito ay ikinalulungkot ang resulta ng kasalanan, subalit hindi ang kasalanan mismo. Wala silang nadaramang tunay na pagsisisi, walang pagkasuklam sa kasamaan. Inaamin nila ang kanilang kasalanan dahil sa takot sa parusa; subalit gaya ni Faraon noong unang panahon, sila’y babalik sa paglaban nila sa Diyos sakaling alisin ang mga kahatulan.ADP 355.3

    Ang kasaysayan ni Jacob ay isa ring kasiguruhan na hindi itatakwil ng Diyos yung mga nadaya, at natukso, at ipinahamak sa kasalanan gayunma’y nanumbalik sa Kanya nang may tunay na pagsisisi. Samantalang sinisikap na wasakin ni Satanas ang mga taong ito, isusugo ng Diyos ang Kanyang mga anghel upang sila’y aliwin at ingatan sa panahon ng panganib. Ang mga pagsalakay ni Satanas ay malulupit at disidido, ang kanyang mga pandaraya ay matitindi; ngunit ang mata ng Panginoon ay nasa Kanyang bayan at ang Kanyang tainga ay nakikinig sa kanilang mga hibik. Ang kanilang paghihirap ay napakalaki, parang matutupok na sila sa lagablab ng hurno; ngunit sila’y ilalabas ng Tagapagdalisay na parang gintong sinubok sa apoy. Ang pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga anak sa panahon ng pinakamatinding pagsubok sa kanila ay kasintibay at kasinggiliw ng pag-ibig Niya sa panahon ng pinakamasayang kasaganaan nila; subalit kailangan para sa kanila ang mailagay sa hurno ng apoy; ang pagkamakalupa nila ay kailangang matupok, upang ang larawan ni Cristo ay makita nang maganda.ADP 355.4

    Ang panahon ng pangamba at matinding hirap na darating sa atin ay nangangailangan ng pananampalatayang makakapagtiis ng kapaguran, pagkaantala, at gutom—isang pananampalatayang hindi manghihina kahit na subukin nang husto. Ang panahon ng palugit ay ipinagkaloob sa lahat upang maghanda para sa panahong iyon. Si Jacob ay nanagumpay dahil siya’y mapagtiyaga at determinado. Ang kanyang tagumpay ay katibayan ng kapangyarihan ng masugid na pananalangin. Lahat ng manghahawak sa mga pangako ng Diyos gaya ng ginawa niya, at magiging masikap at matiyaga gaya niya, ay mananagumpay gaya ng pagtatagumpay niya. Yung mga ayaw tumanggi sa sarili, ayaw magpakasakit sa harap ng Diyos, ayaw manalangin nang matagal at taimtim para sa Kanyang pagpapala, ay hindi magtatamo nito. Pakikipagbuno sa Diyos—anong unti ng nakakaalam kung ano ito! Anong unti ang nailapit na ang kanilang kaluluwa sa Diyos nang may masidhing pagnanais hanggang ang bawat lakas ay mabanat. Kapag rumagasa sa mga nagsusumamo ang mga alon ng kawalang pag-asa na hindi maipahayag ng pananalita, anong unti ang nangangapit sa mga pangako ng Diyos nang may pananampalatayang hindi sumusuko.ADP 355.5

    Yung mga nagsasanay ng kakaunting pananampalataya ngayon ay may napakalaking panganib na bumagsak sa ilalim ng kapangyarihan ng pandaraya ni Satanas, at sa ilalim ng kautusang pipilit sa budhi. At kahit na makayanan nila ang pagsubok, sila’y mababaon sa mas malalim pang pagkabahala at paghihirap sa panahon ng kaguluhan, dahil hindi nila ginawang ugali ang magtiwala sa Diyos. Ang mga liksyon ng pananampalataya na ipinagwalangbahala nila ay mapipilitan nilang pag-aralan sa ilalim ng matinding panggigipit ng panlulupaypay.ADP 356.1

    Kailangang makilala na natin ngayon ang Diyos sa pamamagitan ng pagsubok sa Kanyang mga pangako. Itinatala ng mga anghel ang bawat panalanging taimtim at taos-puso. Mas mabuti pang alisin natin ang mga pagbibigay-kasiyahan sa sarili kaysa pabayaan ang pakikipag-usap sa Diyos. Ang pinakamatinding kahirapan, ang pinakamalaking pagtanggi sa sarili, na may pagsang-ayon ng Diyos, ay mas mainam pa kaysa mga kayamanan, karangalan, kaginhawahan, at kaibigan na wala naman ang pagsang-ayon Niya. Dapat tayong maglaan ng panahon sa pananalangin. Kung hinahayaan nating mawili ang ating isipan sa mga makasanlibutang kapakanan, maaaring bigyan pa tayo ng panahon ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-aalis sa ating mga diyus-diyosang kayamanan, mga bahay, o mabubungang lupain.ADP 356.2

    Ang mga kabataan ay hindi masusulsulang magkasala kung sila’y tatangging pumasok sa anumang daan maliban lamang doon sa landasing mahihingi nila ang pagpapala ng Diyos. Kung ang mga mensaherong nagdadala ng huling taimtim na babala sa sanlibutan ay mananalangin para sa pagpapala ng Diyos, hindi sa paraang walang-sigla, matamlay, at patamad-tamad, kundi mataimtim at may pananampalataya gaya ni Jacob, makakasumpong sila ng maraming sitwasyon na masasabi nilang, “Nakita ko ang Diyos nang mukhaan, at naligtas ang aking buhay” (Genesis 32:30). Sila’y ituturing ng langit na mga prinsipe, may kapangyarihang manaig sa Diyos at sa mga tao.ADP 356.3

    Ang “panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman” ay malapit nang mahayag sa atin; kaya’t kakailanganin natin ang isang karanasan na wala pa sa atin ngayon, subalit maraming tao ang napakatamad upang makamit ito. Kadalasang nangyayari na ang kaguluhan ay mas malaki habang inaasahan pa kaysa sa tunay na pangyayari; subalit hindi ganito sa krisis na kahaharapin natin. Ang pinakamalinaw na paglalahad ay hindi kayang masaklaw ang lawak ng kakila-kilabot na karanasang iyon. Sa panahon ng pagsubok, ang bawat kaluluwa ay kailangang tumayo sa harapan ng Diyos para sa kanilang sarili. “Bagaman sina Noe, Daniel, at Job” ay nasa lupaing iyon, “habang buhay Ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran” (Ezekiel 14:20).ADP 356.4

    Ngayon, habang ang dakila nating Punong Pari ay gumagawa pa ng katubusan para sa atin, dapat nating sikaping maging sakdal kay Cristo. Maging sa isang kaisipan ay hindi maaaring mapasuko ang ating Tagapagligtas sa kapangyarihan ng tukso. Si Satanas ay humahanap ng ilang lugar sa puso ng tao na matutuntungan niya; may mga makasalanang hilig na iniingatan, na sa pamamagitan nito’y iginigiit ng kanyang mga tukso ang kapangyarihan nila. Ngunit sinasabi ni Cristo tungkol sa Kanyang sarili, “Dumarating ang pinuno ng sanlibutan. Siya’y walang kapangyarihan sa Akin” (Juan 14:30). Si Satanas ay hindi nakakita ng anuman sa Anak ng Diyos na ikapagtatamo niya ng tagumpay. Sinunod Niya ang mga utos ng Kanyang Ama; at walang kasalanan sa Kanya na magagamit ni Satanas para sa kanyang kapakinabangan. Ito ang kalagayang dapat kasumpungan sa mga tatayo sa panahon ng kaguluhan.ADP 356.5

    Sa buhay na ito natin dapat ihiwalay ang kasalanan sa atin sa pamamagitan ng pagsampalataya sa tumutubos na dugo ni Cristo. Inaanyayahan tayo ng pinakamamahal nating Tagapagligtas na ipagkaisa ang ating sarili sa Kanya, na isanib ang ating kahinaan sa Kanyang lakas, ang ating kawalang-alam sa Kanyang karunungan, ang pagiging di karapat-dapat natin sa Kanyang pagiging karapat-dapat. Ang patnubay ng Diyos ang siyang paaralang kung saan natin dapat matutunan ang kaamua’t kababaang-loob ni Jesus. Laging inilalagay ng Panginoon sa ating harapan, hindi ang daang gusto nating piliin, na parang mas madali at mas maganda para sa atin, kundi ang mga tunay na layunin ng buhay. Nasa atin na kung makikipagtulungan tayo sa mga ahensyang ginagamit ng Langit sa gawain ng pakikiayon ng ating karakter sa banal na huwaran. Walang sinuman ang maaaring magpabaya o magpaliban sa gawaing ito nang walang pinakakakila-kilabot na panganib sa kanilang kaluluwa.ADP 357.1

    Sa pangitain ay nakarinig si apostol Juan ng malakas na tinig sa langit na sumisigaw, “Kahabag-habag ang lupa at dagat sapagkat ang diyablo’y bumaba sa inyo na may malaking poot, palibhasa’y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!” (Apocalipsis 12:12). Kakila-kilabot ang mga pangyayaring nagpalabas sa bulalas na ito mula sa makalangit na tinig. Ang galit ni Satanas ay patindi nang patindi habang umiikli ang kanyang panahon, at ang kanyang gawain ng pandaraya’t pangwawasak ay hahantong sa sukdulan nito sa panahon ng kaguluhan.ADP 357.2

    Nakakatakot na mga pambihirang panoorin ang di-kalauna’y mahahayag na sa kalangitan, bilang katibayan ng kapangyarihan ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Ang mga espiritu ng mga diyablo ay magpupunta sa mga hari sa lupa at sa buong sanlibutan, upang kandaduhan sila sa pagkadaya, at himukin silang makiisa kay Satanas sa huli niyang pakikipagpunyagi laban sa pamahalaan ng langit. Sa pamamagitan ng mga ahensyang ito, ang mga pinuno at ang mga mamamayan ay pare-parehong madadaya. May mga taong lilitaw na magpapanggap na si Cristo mismo, at aangkinin ang pangala’t pagsambang nauukol lamang sa Manunubos ng sanlibutan. Gagawa sila ng mga kahangahangang himala ng pagpapagaling, at magsasabing sila’y nakakatanggap ng mga kapahayagang mula sa langit na salungat naman sa patotoo ng mga Kasulatan.ADP 357.3

    Bilang sukdulang yugto sa dakilang drama ng pandaraya, si Satanas mismo ay gagayahin si Cristo. Ang iglesya ay matagal nang nagsasabing naghihintay sa pagdating ng Tagapagligtas bilang katuparan ng mga inaasahan nito. Ngayo’y palalabasin ng dakilang mandaraya na dumating na si Cristo. Sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay ihahayag ni Satanas ang kanyang sarili bilang isang dakilang katauhang nakakasilaw ang kaningningan, kapareho ng pagkakalarawan sa Anak ng Diyos na ipinakita ni Juan sa Apocalipsis (Apocalipsis 1:13-15). Ang kaluwalhatiang pumapalibot sa kanya ay hindi mahihigitan ng anumang bagay na nakita na ng mga mata ng tao. Ang sigaw ng tagumpay ay aalingawngaw sa himpapawid, “Dumating na si Cristo! Dumating na si Cristo!” Ang mga tao’y magpapatirapa bilang pagsamba sa kanya, habang itinataas niya ang kanyang mga kamay, at bumibigkas ng pagpapala sa kanila, gaya noong pagpalain ni Cristo ang Kanyang mga alagad nang Siya’y narito pa sa lupa. Ang kanyang tinig ay banayad at maamo, gayunma’y punung-puno ng himig. Sa isang malumanay at maawaing boses ay sasabihin niya ang ilan sa mga magigiliw at makalangit na katotohanang iyon na sinabi ng Tagapagligtas; pagagalingin niya ang mga sakit ng mga tao, at pagkatapos, sa pagpapanggap niyang Cristo ay sasabihin niyang ginawa na raw Linggo ang Sabbath, at ipag-uutos sa lahat na pabanalin ang araw na binasbasan niya. Sasabihin niya na yung mga nagpupumilit na ingatan ang kabanalan ng ikapitong araw ay lumalapastangan sa kanyang pangalan dahil sa pagtangging makinig sa kanyang mga anghel na isinugo niya sa kanila dala ang liwanag at katotohanan. Ito ang makapangyarihan at di-mapigilang pagkadaya. Katulad ng mga Samaritanong nadaya ni Simon Magus, napakaraming tao mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila ang magbibigay-pansin sa mga salamangkang ito, na sinasabing, Ito’y “ang kapangyarihan ng Diyos” (Gawa 8:10).ADP 357.4

    Ngunit ang bayan ng Diyos ay hindi madadaya’t maililigaw. Ang mga turo ng huwad na cristong ito ay hindi kasang-ayon ng mga Kasulatan. Ang kanyang pagpapala ay binigkas sa mga sumasamba sa hayop at sa larawan nito, sa mismong mga taong sinasabi ng Biblia na pagbubuhusan ng walang-halong galit ng Diyos.ADP 358.1

    At bukod pa rito, si Satanas ay hindi pinahintulutang gayahin ang paraan ng pagdating ni Cristo. Binalaan ng Tagapagligtas ang Kanyang bayan laban sa pagkadaya sa puntong ito, at malinaw nang ipinagpauna ang paraan ng Kanyang ikalawang pagparito. “Lilitaw ang mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa’t ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang.... Kaya kung sasabihin nila sa inyo, Tingnan ninyo, Siya’y nasa ilang,’ huwag kayong lumabas; Tingnan ninyo, Siya’y nasa mga silid,’ huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang sa kanluran; gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao” (Mateo 24:24-27, 31; 25:31; Apocalipsis 1:7; 1 Tesalonica 4:16, 17). Ang pagparitong ito ay hindi maaaring magaya. Ito’y malalaman ng buong daigdig—masasaksihan ng buong sanlibutan.ADP 358.2

    Yun lamang mga masisikap mag-aral ng Kasulatan, at nakatanggap ng pagmamahal sa katotohanan ang ipagsasanggalang sa makapangyarihang pagkadaya na bibihag sa buong sanlibutan. Sa pamamagitan ng patotoo ng Biblia ay makikilala ng mga ito ang mandaraya sa balatkayo niya. Sa lahat ay darating ang panahon ng pagsubok. Sa pamamagitan ng pagsala ng tukso, ang tunay na Kristiyano ay mabubunyag. Ang bayan ba ng Diyos ngayon ay napakatibay nang nakatayo sa Kanyang Salita anupa’t hindi na sila padadaig pa sa ipinapakitang katibayan ng kanilang mga pandama? Sila kaya sa ganong krisis ay maninindigan sa Biblia, at sa Biblia lamang? Si Satanas, kung maaari, ay hahadlangan silang makapaghandang tumayo sa araw na iyon. Isasaayos niya nang husto ang mga pangyayari upang harangan ang kanilang daan, salabidin sila sa mga makalupang kayamanan, pasanan sila ng mabigat at nakakapagod na dalahin, upang ang kanilang puso ay magumon nang husto sa mga alalahanin sa buhay na ito, at dumating sa kanila ang araw ng pagsubok gaya ng magnanakaw.ADP 358.3

    Habang ang proteksyon ng pamahalaan ay inaalis ng batas na ipinalalabas ng iba’t ibang pinuno ng Sangkakristiyanuhan laban sa mga tumutupad sa utos ng Diyos, at pabayaan sila doon sa mga gustong sila’y patayin, ang bayan ng Diyos ay lilikas na mula sa mga lunsod at kanayunan at pangkat-pangkat na magsasama-sama, na naninirahan sa mga pinakamapapanglaw at ilang na lugar. Marami ang makakasumpong ng kanlungan sa mga kuta ng kabundukan. Gaya ng mga Kristiyano sa lambakin ng Piedmont, gagawin nilang kanlungan ang matataas na lugar sa lupa at pasasalamatan ang Diyos sa mga “muog ng malalaking bato” (Isaias 33:16). Subalit marami sa lahat ng bansa, at sa lahat ng tao, mataas at hamak, mayaman at mahirap, itim at puti, ang maisasadlak sa pinakadi-makatarungan at pinakamalupit na pang-aalipin. Ang mga nakakapagod na araw ay palilipasin ng mga minama-hal ng Diyos na nakagapos sa kadena, nakabilanggo, hinatulang patayin, ang iba ay mukhang binayaan na para mamatay sa gutom sa madidilim at nakakasukang bartolina. Walang taingang dumirinig sa kanilang mga daing; walang kamay na handang tumulong sa kanila.ADP 358.4

    Makakalimutan ba ng Diyos ang Kanyang bayan sa napakahirap na sandaling ito? Kinalimutan ba Niya ang tapat na si Noe nang datnan ng kahatulan ng baha ang daigdig? Kinalimutan ba Niya si Lot nang ang apoy ay bumaba mula sa langit upang tupukin ang mga lunsod sa kapatagan? Kinalimutan ba Niya si Jose na napapaligiran ng mga sumasamba sa diyus-diyosan sa Ehipto? Kinalimutan ba Niya si Elias nang pagbantaan ito ng sumpa ni Jezebel na sasapitin din ang sinapit ng mga propeta ni Baal? Kinalimutan ba Niya si Jeremias sa madilim at mapanglaw na balong bilangguan nito? Kinalimutan ba Niya ang tatlong mararangal na kabataan doon sa naglalagablab na hurno? O kaya’y si Daniel sa yungib ng mga leon?ADP 358.5

    “Ngunit sinabi ng Zion, ‘Pinabayaan ako ng Panginoon, kinalimutan ako ng aking Panginoon.’ Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin, na siya’y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan? Oo, ang mga ito’y makakalimot, ngunit hindi kita kalilimutan. Narito Aking [iniukit] ka sa mga palad ng mga kamay Ko” (Isaias 49:14-16). Sinabi ng Panginoon ng mga hukbo, “Ang sumaling sa inyo ay sumasaling sa itim ng [Aking] mata” (Zacarias 2:8).ADP 359.1

    Bagaman ipasok sila ng mga kaaway sa bilangguan, hindi kayang harangan ng mga pader ng bartolina ang pag-uusap nila at ni Cristo. Ang Isang nakakakita sa bawat kahinaan nila, na naranasan ang lahat ng pagsubok, ay nakakahigit sa lahat ng kapangyarihan sa lupa; at ang mga anghel ay darating sa kanila sa malulungkot na selda, dala ang liwanag at kapayapaang mula sa langit. Ang bilangguan ay magiging parang palasyo; sapagkat nakatira roon ang mayayaman sa pananampalataya, at ang madidilim na pader ay maliliwanagan ng makalangit na liwanag, gaya noong sina Pablo’t Silas ay manalangin at umawit ng papuri nang hatinggabi sa bilangguan ng Filipos.ADP 359.2

    Ang mga kahatulan ng Diyos ay sasapitin nung mga gustong pahirapan at patayin ang Kanyang mga anak. Ang matagal Niyang pagtitiis sa mga masasama ay nagpapalakas ng loob ng mga tao sa pagsuway, gayunman ang kanilang kaparusahan ay tiyak at kakila-kilabot dahil matagal na itong ipinagpapaliban. “Ang Panginoon ay babangon na gaya sa Bundok ng Perasim, Siya’y mapopoot na gaya sa libis ng Gibeon; upang gawin ang Kanyang gawain; ang kakaiba Niyang gawain; at upang pangyarihin ang Kanyang gawa, ang kakaiba Niyang gawa!” (Isaias 28:21, KJV). Sa ating maawaing Diyos ang gawain ng pagpaparusa ay isang kakaibang gawain. “Kung paanong buhay Ako, sabi ng Panginoong Diyos, wala Akong kasiyahan sa kama-tayan ng masama” (Ezekiel 33:11). Ang Panginoon ay “puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan...nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay hindi ituturing na walang sala ang may sala.” “Ang Panginoon ay banayad sa galit ngunit may dakilang kapangyarihan, at sa anumang paraan ay hindi pawawalang-sala ng Panginoon ang nagkasala” (Exodo 34:6, 7; Nahum 1:3). Sa pamamagitan ng mga kakila-kilabot na bagay ay ipaghihiganti Niya sa katuwiran ang awtoridad ng Kanyang kautusang niyurakan. Ang tindi ng kagantihang naghihintay sa mga lumalabag ay mahahalata sa pag-aatubili ng Diyos na igawad ang katarungan. Ang bansang matagal Niyang pinagtiisan, at hindi pupuksain hanggang sa mapuno nito ang sukat ng kasamaan nito sa listahan ng Diyos, ay iinumin sa wakas ang kopa ng galit na walang-halong awa.ADP 359.3

    Kapag itinigil na ni Cristo ang Kanyang pamamagitan sa santuwaryo, ang walanghalong galit na nagbabanta laban sa mga sumasamba sa hayop at sa larawan nito at tumanggap sa tanda nito (Apocalipsis 14:9, 10) ay ibubuhos na. Ang mga salot sa Ehipto noong ililigtas na ng Diyos ang Israel, ay kauri nung mas matitindi’t mas malawakang kahatulang ibubuhos sa sanlibutan bago ang panghuling pagliligtas sa bayan ng Diyos. Ang sabi ni Juan Rebelador, bilang paglalarawan sa matitinding parusang iyon: “At nagkaroon ng nakakapandiri at masamang sugat ang mga taong may tanda ng [hayop], at ang mga sumamba sa larawan nito.” Ang dagat ay “naging parang dugo ng isang taong patay; at bawat may buhay na nasa dagat ay namatay.” At ang “mga ilog at...mga bukal ng tubig” ay “naging dugo” (Apocalipsis 16:2-4). Kakila-kilabot man ang mga pagpaparusang ito, ang katarungan ng Diyos ay talagang makatwiran pa rin. Ang anghel ng Diyos ay nagsasabi, “Matuwid Ka,... sapagkat hinatulan Mo ang mga bagay na ito, sapagkat pinadanak nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom Mo sila ng dugo. Ito’y karapat-dapat sa kanila!” (Apocalipsis 16:5, 6). Sa paghatol ng kamatayan sa bayan ng Diyos, ay tala-gang nagkasala na rin sila sa dugo ng mga ito na para bang sarili na rin nilang mga kamay ang nagpadanak nito. Sa ganyan ding paraan ay sinabi ni Cristo na ang mga Judio noong Kanyang kapanahunan ay nagkasala sa lahat ng dugo ng mga taong banal na ibinubo mula noong panahon ni Abel; sapagkat taglay nila ang ganon ding espiritu, at sinisikap na isagawa ang gawaing kapareho nung sa mga pumatay na iyon sa mga propeta.ADP 359.4

    Sa sumunod na salot, ang kapangyarihan ay ibinigay sa araw upang “pasuin ng apoy ang mga tao. At napaso ang mga tao sa matinding init” (Apocalipsis 16:8, 9). Ganito inilalarawan ng mga propeta ang kalagayan ng lupa sa kakila-kilabot na panahong ito: “Ang lupain ay nagluluksa,... sapagkat ang ani sa bukid ay nasira.” “Lahat ng punungkahoy sa parang ay tuyo; sapagkat ang kagalakan ay nawala sa mga anak ng mga tao.” “Ang mga binhi ay natutuyo sa ilalim ng lupa, ang mga kamalig ay walang laman.” “Nag-uungalan ang mga hayop! Ang mga kawan ng mga baka ay nalilito sapagkat wala silang pastulan... ang mga tubig sa batis ay natutuyo, at tinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang.” “Ang mga awit sa templo ay magiging mga panaghoy sa araw na iyon, sabi ng Panginoong Diyos; darami ang mga bangkay na itinatapon sa bawat dako. [Tahimik silang itatapon]” (Joel 1:10-12, 17-20; Amos 8:3).ADP 360.1

    Ang mga salot na ito ay hindi pangkalahatan, dahil kung gayo’y mamamatay nang lahat ang mga naninirahan sa lupa. Ngunit ang mga ito ang magiging pinakakalagimlagim na parusang kailanma’y naranasan ng mga tao. Ang lahat ng kahatulan sa mga tao bago magsara ang pintuan ng awa ay nahahaluan ng awa. Ipinagsanggalang ng namamagitang dugo ni Cristo ang makasalanan mula sa pagtanggap ng buong kaparusahan para sa kanyang kasalanan; ngunit sa huling paghatol, ang poot ay ibubuhos nang walang-halong awa.ADP 360.2

    Sa araw na iyon ay napakaraming maghahangad sa proteksyon ng kahabagan ng Diyos na napakatagal nilang hinahamak. “Ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoong Diyos, na Ako’y magpapasapit ng taggutom sa lupain, hindi taggutom sa tinapay, o pagkauhaw sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga Salita ng Panginoon. At sila’y lalaboy mula sa dagat hanggang sa dagat, at mula sa hilaga hanggang sa silangan; sila’y tatakbo ng paroo’t parito upang hanapin ang Salita ng Panginoon, at hindi nila ito matatagpuan” (Amos 8:11, 12).ADP 360.3

    Ang bayan ng Diyos ay hindi ligtas sa paghihirap; subalit bagaman inuusig at binabagabag, bagaman nagtitiis ng kasalatan, at nagdaranas ng kakulangan sa pagkain, sila’y hindi babayaang mamatay. Ang Diyos na nangalaga kay Elias ay hindi lalampasan ang kahit isa sa mga anak Niyang mapagsakripisyo. Siyang kayang bilangin ang mga buhok ng kanilang ulo ay mangangalaga sa kanila; at sa panahon ng taggutom ay mabubusog sila. Habang ang mga masasama ay nangangamatay dahil sa gutom at salot, ipagsasanggalang naman ng mga anghel ang mga matutuwid, at ibibigay ang kanilang mga pangangailangan. Para sa kanya na “lumalakad nang matuwid” ay ang pangakong, “Ang kanyang tinapay ay ibibigay sa kanya; ang kanyang tubig ay sasagana.” “Kapag ang dukha at nangangailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw, akong Panginoon ay sasagot sa kanila, Akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila” (Isaias 33:15, 16; 41:17).ADP 360.4

    “Bagama’t ang puno ng igos ay hindi namumulaklak, ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas; ang olibo ay hindi magbubunga, at ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain; ang kawan ay aalisin sa kulungan, at hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan,” gayunma’y ang mga natatakot sa Kanya ay “magagalak...sa Panginoon,” at matutuwa sa Diyos ng kanilang kaligtasan (Habakuk 3:17, 18).ADP 360.5

    “Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat; ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan. Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw, ni ng buwan man kapag gabi. Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan; Kanyang iingatan ang iyong kaluluwa” (Awit 121:57). “Ililigtas ka Niya sa bitag ng maninilo, at sa nakakamatay na salot. Kanyang tatakpan ka ng mga bagwis Niya, at sa ilalim ng Kanyang mga pakpak ay manganganlong ka; ang Kanyang katapatan ay baluti at panangga. Ang mga nakakakilabot sa gabi ay di mo katatakutan, ni ang pana na nagliliparan kapag araw; ni ang salot na lihim na bumubuntot sa kadiliman, ni ang pagkawa-sak na sumisira sa katanghalian. Mabubuwal sa iyong tabi ang isang libo, sa iyong kanan ay sampung libo, ngunit ito’y hindi lalapit sa iyo. Mamamasdan mo lamang sa pamamagitan ng iyong mga mata, at iyong makikita ang parusa sa masama. Sapagkat Ikaw, 0 Panginoon, ay aking kanlungan! [Iyong ginawa] ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan; walang kasamaang darating sa iyo, walang parusang lalapit sa tolda mo” (Awit 91:3-10).ADP 360.6

    Subalit sa paningin ng tao ay lilitaw na parang di matatagala’t tatatakan na rin ng bayan ng Diyos ng kanilang dugo ang kanilang patotoo, gaya ng mga martir na nauna sa kanila. Sila mismo ay nagsisimula nang mag-alala na baka sila’y hayaan ng Diyos na bumagsak sa kamay ng kanilang mga kaaway. Iyon ay panahon ng kakila-kilabot na paghihirap. Araw-gabi silang tumatangis sa Diyos para sa kaligtasan. Ang mga masasama ay tuwang-tuwa, at ang nanlilibak na sigaw ay maririnig, “Nasaan ngayon ang inyong pananampalataya? Bakit hindi kayo inililigtas ng inyong Diyos sa aming mga kamay kung kayo nga’y Kanyang bayan?” Ngunit naalala ng mga naghihintay na ito si Jesus habang naghihingalo sa krus ng Kalbaryo, at ang mga punong pari’t mga pinuno na may paghamak na sumisigaw, “Nagligtas Siya ng iba; hindi Niya mailigtas ang Kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba Siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa Kanya” (Mateo 27:42). Kagaya ni Jacob, ang lahat ay nakikipagbuno sa Diyos. Ipinapakita ng kanilang mukha ang panloob nilang pakikipagpunyagi. Ang pamumutla ay nasa bawat mukha. Gayunma’y hindi pa rin nila itinigil ang taimtim nilang pananalangin.ADP 361.1

    Kung nakakakita lamang ang mga tao sa pamamagitan ng makalangit na paningin, makikita nila ang mga pulutong ng mga anghel na makapangyarihan sa kalakasan na nakatayo sa palibot nung mga tumupad sa salita ng pagtitiis ni Cristo. Sa nakikiramay na pagmamahal ay sinaksihan ng mga anghel ang kanilang kagipitan at narinig ang kanilang mga panalangin. Hinihintay nila ang utos ng kanilang Pinuno upang dagitin sila mula sa kanilang panganib. Ngunit kailangan nilang maghintay ng ilan pang sandali. Kailangang makainom sa kopa ang bayan ng Diyos at mabautismuhan ng matinding pagsubok. Ang pagkaantala mismo, na napakasaklap sa kanila, ay siyang pinakamagandang kasagutan sa kanilang mga panalangin. Habang sinisikap nilang maghintay na may pagtitiwalang gagawa ang Panginoon, sila’y naitulak na sanayin ang pananampalataya, pag-asa, at pagtitiis, na hindi gaanong nasanay sa panahon ng kanilang karanasan sa relihiyon. Subalit alang-alang sa mga hinirang, ang panahon ng kaguluhan ay paiikliin. “Hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang Kanyang mga pinili na sumisigaw sa Kanya araw at gabi.... Sinasabi Ko sa inyo, mabilis Niyang bibigyan sila ng katarungan” (Lucas 18:7, 8). Ang wakas ay darating nang mas mabilis kaysa sa inaasahan ng mga tao. Ang trigo ay aanihin at tatalian nang bigkis-bigkis para sa kamalig ng Diyos; ang mga damo ay tatalian bilang mga panggatong para sa apoy ng pagkalipol.ADP 361.2

    Ang mga makalangit na bantay, palibhasa’y tapat sa kanilang tungkulin, ay patuloy sa kanilang paghihintay. Bagaman naitakda na ng pangkalahatang batas ang panahon kung kailan maaaring patayin ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos, ang kanilang mga kaaway sa ilang pangyayari ay uunahan na ang batas, at bago pa dumating ang panahong binanggit, ay sisikaping sila’y mapatay. Subalit walang maaaring makalampas sa mga makapangyarihang bantay na nakatayo sa palibot ng bawat tapat na kaluluwa. May mga dinadaluhong habang papatakas mula sa mga lunsod at kanayunan; subalit ang mga espadang iniuumang laban sa kanila ay nababali at lumalagpak na parang dayami. Ang iba ay ipinagtanggol ng mga anghel na nasa anyo ng mandirigma.ADP 361.3

    Sa lahat ng panahon, ang Diyos ay gumagawa sa pamamagitan ng mga banal na anghel para saklolohan at iligtas ang Kanyang bayan. Ang mga makalangit na nilalang ay gumanap ng aktibong ba-hagi sa pamumuhay ng mga tao. Sila’y nagpakita nang nararamtan ng mga kasuotang nagniningning gaya ng kidlat; sila’y dumating na kagaya ng mga tao, na may damit ng manlalakbay. Ang mga anghel ay nagpakita na sa mga tao ng Diyos na nasa anyong tao. Sila’y nagpahinga sa ilalim ng punong ensina nang katanghalian, na para bang napagod rin. Tinanggap nila ang pagpapatuloy ng mga tahanan ng tao. Sila’y nagsilbing gabay sa mga manlalakbay na ginabi. Nagpaningas sila ng apoy sa altar sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay. Nagbukas sila ng mga pintuan ng bilangguan, at pinalaya ang mga lingkod ng Panginoon. Nakasuot ng makalangit na damit, sila’y dumating upang pagulungin ang bato sa libingan ng Tagapagligtas.ADP 361.4

    Sa anyong tao, ang mga anghel ay madalas na nasa mga pagtitipon ng mga matuwid, at dinadalaw din nila ang mga kapulungan ng mga masasama, gaya ng pagpunta nila sa Sodoma, upang itala ang kanilang mga gawain, upang alamin kung lumampas na ba sila sa hangganan ng pagtitiis ng Diyos. Ang Panginoon ay nalulugod sa kahabagan; at alang-alang sa kakaunting naglilingkod talaga sa Kanya, ay pinipigilan Niya ang mga kalamidad at pinatatagal pa ang kapanatagan ng napakaraming tao. Hindi talaga naiisip ng mga makasalanang laban sa Diyos na utang nila ang kanilang buhay sa mga kakaunting tapat na ikinatutuwa nilang kutyain at pahirapan.ADP 362.1

    Bagaman ito’y hindi alam ng mga pinuno ng sanlibutan, gayunma’y kadalasang mga anghel ang tagapagsalita sa kanilang mga kapulungan. Minamasdan sila ng mata ng tao; pinakikinggan ang kanilang mga apela ng tainga ng tao; kinakalaban ang kanilang mga mungkahi at nililibak ang kanilang mga payo ng mga labi ng tao; sinasalubong sila ng insulto’t pang-aabuso ng mga kamay ng tao. Sa bulwagan ng konseho at hukuman ng paglilitis, ang mga makalangit na mensaherong ito ay nagpakita ng lubos na kabatiran sa kasaysayan ng tao; pinatunayan nilang sila’y mas mahusay pang magtanggol sa kapakanan ng mga inaapi kaysa sa kanilang pinakamahuhusay at pinakamagaling magsalitang tagapagtanggol. Binigo nila ang mga balak at pinigil ang mga kasamaang humadlang sana nang husto sa gawain ng Diyos, at nakapagdulot sana ng malaking pagdurusa sa Kanyang bayan. Sa oras ng panganib at pangamba, “ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa palibot ng mga natatakot sa Kanya, at inililigtas sila” (Awit 34:7).ADP 362.2

    Sa maalab na pananabik, ay hinintay ng bayan ng Diyos ang mga palatandaan ng paparating nilang Hari. Nang ang mga bantay ay kumustahin, “Gaano pa katagal ang gabi?” ang kasagutan ay walang pag-aatubiling ibinigay, “Ang umaga ay dumarating, at gayundin ang gabi” (Isaias 21:11, 12). Ang liwanag ay nababanaag na sa mga ulap sa ibabaw ng mga tuktok ng bundok. Dimagtatagal at mahahayag na ang Kanyang kaluwalhatian. Ang Araw ng Katuwiran ay malapit nang sumikat. Ang umaga at ang gabi ay parehong malapit na—ang pagsisimula ng walang-hanggang araw sa mga matuwid; at ang pananahimik ng walanghanggang gabi sa mga masasama.ADP 362.3

    Habang iginigiit ng mga nakikipagbuno ang kanilang mga panalangin sa harapan ng Diyos, ang tabing na naghihiwalay sa kanila sa di-nakikita ay parang halos naalis na. Ang langit ay nagliliwanag sa pagbubukang-liwayway ng walanghanggang araw, at narinig na parang himig ng mga awitin ng anghel ang mga salitang: “Magpakatatag kayo sa inyong katapatan. Dumarating na ang saklolo.” Si Cristo, na makapangyarihang nagtagumpay, ay nag-aabot ng korona ng walang-hanggang kaluwalhatian sa Kanyang mga pagod nang sundalo; at ang Kanyang tinig ay maririnig mula sa nakabukas na pintuan: “Narito Ako’y sumasainyo. Huwag kayong matakot. Alam Ko ang lahat ninyong kalungkutan; dinala Ko na ang inyong mga dalamhati. Kayo’y hindi nakikipaglaban sa mga kaaway na hindi pa nasusubukan. Nakipaglaban na Ako alang-alang sa inyo, at sa Aking pangalan, kayo’y higit pa sa mga manlulupig.”ADP 362.4

    Ang mahal na Tagapagligtas ay magpapadala ng tulong kung kailan natin ito kailangan. Ang daan patungo sa langit ay pinabanal ng mga bakas ng paa Niya. Bawat tinik na sumusugat sa ating mga paa ay sumugat muna sa Kanyang mga paa. Ang bawat krus na ipinapapasan sa atin, ay pinasan na Niya bago pa tayo. Ipinahihintulot ng Panginoon ang mga kaguluhan, upang ihanda ang kaluluwa sa kapayapaan. Ang panahon ng kaguluhan ay isang kakila-kilabot na karanasan para sa bayan ng Diyos; subalit ito ang panahon para tumingala ang bawat tunay na mananampalataya, at sa pananampalataya’y makita niyang pumapalibot sa kanya ang bahaghari ng pangako.ADP 362.5

    “Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik, at darating na may awitan sa Zion; at nasa kanilang mga ulo ang walang hanggang kagalakan, sila’y magtatamo ng kasayahan at kagalakan; at tatakas ang kalungkutan at pagbubuntung-hininga. Ako, Ako nga, ang Siyang umaaliw sa inyo. Sino ka na natatakot sa namamatay na tao, at sa anak ng tao na ginawang parang damo, at iyong kinalimutan ang Panginoon na iyong Manlalalang,...at ikaw ay laging natatakot sa buong araw dahil sa bagsik ng mang-aapi, kapag siya’y naghahanda upang mangwasak? At saan naroon ang bagsik ng mang-aapi? Ang inapi ay mabilis na palalayain, hindi siya mamamatay patungo sa Hukay, ni magkukulang man ang kanyang tinapay. Sapagkat Ako ang Panginoon mong Diyos, na nagpapakilos sa dagat, na ang mga alon ay umuugong— Panginoon ng mga hukbo ang Kanyang pangalan. At inilagay Ko ang Aking mga salita sa bibig mo, at tinakpan kita sa lilim ng Aking kamay” (Isaias 51:11-16).ADP 362.6

    “Kaya’t pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati, at lasing, ngunit hindi sa alak. Ganito ang sabi ng iyong Panginoon, ang Panginoon, ang iyong Diyos na nagsasanggalang ng usapin ng Kanyang bayan: Narito, Aking inalis sa iyong kamay ang kopa na pampasuray, ang kopa ng Aking poot; hindi ka na muling iinom. At Aking ilalagay ito sa kamay ng mga nagpapahirap sa iyo, na nagsabi sa iyong kaluluwa. Ikaw ay yumuko upang kami ay makaraan; at ginawa mo ang iyong likod na parang lupa, at parang lansangan na kanilang madaraanan” (Isaias 51:21-23).ADP 363.1

    Ang mata ng Diyos, sa pagtunghay sa mga panahon, ay nakatuon sa krisis na kahaharapin ng Kanyang bayan, kapag humanay na ang mga kapangyarihan sa lupa laban sa kanila. Gaya ng ipinatapong bihag, sila’y matatakot na mamatay sa gutom o sa kalupitan. Ngunit ang Banal na humati sa Dagat na Pula sa harapan ng buong Israel ay magpapakita ng Kanyang napakatinding kapangyarihan at aalisin ang kanilang pagkabihag. “Sila’y magiging Akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, isang natatanging kayamanan sa araw na Ako’y kumilos. Kaaawaan Ko sila na gaya ng isang tao na naaawa sa kanyang anak na naglilingkod sa kanya” (Malakias 3:17). Kung sa panahong ito ay mabubuhos pa ang dugo ng mga tapat na saksi ni Cristo, hindi na ito magiging mga binhing inihasik upang magbigay pa ng aanihin para sa Diyos, gaya ng dugo ng mga martir. Ang kanilang katapatan ay hindi na magiging patotoo upang hikayatin ang iba sa katotohanan; sapagkat itinaboy na ng matigas na puso ang mga alon ng kahabagan hanggang sa ang mga ito’y hindi na bumalik. Kung ang mga matuwid ay hahayaan pa ngayong maging biktima ng kanilang mga kaaway, ito’y magiging tagumpay na para sa prinsipe ng kadiliman. Ngunit ang sabi ng mang-aawit, “Ako’y ikukubli Niya sa Kanyang kanlungan sa araw ng kaguluhan, sa ilalim ng Kanyang tolda ako’y Kanyang itatago” (Awit 27:5). Sinabi ni Cristo: “Ikaw ay pumarito, bayan Ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa likuran mo. Magkubli kang sandali, hanggang sa ang galit ay makalampas. Sapagkat ang Panginoon ay lumalabas mula sa Kanyang dako upang parusahan ang mga naninirahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan” (Isaias 26:20, 21). Maluwalhati ang magiging pagliligtas doon sa mga matiyagang naghintay sa Kanyang pagdating, na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.ADP 363.2

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents