Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    7—Ang Paghiwalay ni Luther sa Roma

    Pangunahin sa mga tinawagan upang manguna sa iglesya mula sa kadiliman ng kapapahan patungo sa liwanag ng isang mas dalisay na pananampalataya, ay si Martin Luther. Masikap, masigasig, at natatalaga, walang nalalamang takot kundi takot sa Diyos, at walang kinikilalang ibang saligan ng pananampalatayang panrelihiyon kundi ang Banal na Kasulatan, si Luther ang taong angkop para sa kanyang panahon; sa pamamagitan niya’y isinagawa ng Diyos ang isang dakilang gawain para sa repormasyon ng iglesya at para sa kaliwanagan ng sanlibutan.ADP 71.3

    Gaya ng mga naunang tagapagbalita ng ebanghelyo, si Luther ay galing sa hanay ng mga mahihirap. Ang mga unang taon ng kanyang buhay ay ginugol sa simpleng tahanan ng isang tagabukid na German. Dahil sa araw-araw na pagtatrabaho bilang isang minero, ang kanyang ama ay nakaipon ng pera para sa kanyang pag-aaral. Gusto niyang siya’y maging isang abugado; ngunit panukala ng Diyos na siya’y gawing isang tagapagtayo sa dakilang templo na unti-unting tumataas sa loob ng mga dantaon. Kahirapan, kasalatan, at mahigpit na disiplina ang paaralang pinaghandaan ng Walang Hanggang Karunungan kay Luther para sa mahalagang misyon ng kanyang buhay Ang ama ni Luther ay isang taong may matatag at aktibong isipan at may matinding impluwensya ang katangian, matapat, buo ang loob, at prangka. Siya’y tapat sa kanyang mga paniniwala ukol sa tungkulin, mangyari man ang mga kahihinatnan. Ang pagiging tunay na magaling makaunawa ang nagpahinala sa kanya sa monastikong sistema. Labis na sumama ang kanyang loob nang si Luther ay pumasok sa monasteryo nang walang pahintulot niya; at dalawang taon pa bago napagkasundo ang ama sa kanyang anak, at kahit pagkatapos nito ay ganon pa rin ang kanyang mga paniniwala.ADP 71.4

    Ang mga magulang ni Luther ay labis na maingat sa edukasyon at pagsasanay sa kanilang mga anak. Sinikap nilang turuan sila sa karunungan ng Diyos at sa pagsasakabuhayan ng mga katangiang Kristiyano. Ang panalangin ng ama ay malimit na pumapailanglang na naririnig ng kanyang anak upang matandaan ng bata ang pangalan ng Panginoon at isang araw ay tumulong sa pagpapasulong ng Kanyang katotohanan. Bawat kapakinabangang para sa pagsasanay at paglago ng asal o ng kaisipan na maaari nilang matamasa sa mahirap nilang buhay ay sabik na pinagbuti ng mga magulang na ito. Ang kanilang mga pagsisikap ay masigasig at matiyaga sa paghahanda sa kanilang mga anak para sa buhay ng kabanalan at kapakinabangan. Sa tibay at tatag ng kanilang katangian, sila kung minsan ay gumagamit ng lubhang kahigpitan; ngunit ang Repormador mismo, bagaman alam na nagkakamali sila sa ilang bagay, ay nasumpungang mas marami ang masasang-ayunan kaysa mapipintasan sa kanilang pagdidisiplina.ADP 72.1

    Sa paaralan, kung saan siya’y pinag-aral sa murang edad, si Luther ay pinakitunguhan nang may kalupitan at karahasan pa nga. Talagang napakahirap ng kanyang mga magulang anupa’t sa pagpasok niya sa paaralang nasa kabilang bayan ay napipilitan siya kung minsan na makakuha ng kanyang pagkain sa pamamagitan ng pag-awit sa mga bahay-bahay, at kadalasa’y nagtitiis siya ng gutom. Ang mga mapanglaw at mapamahiing kaisipan tungkol sa relihiyon na laganap noon ay pumuno sa kanya ng takot. Siya’y natutulog sa gabi na may nagdadalamhating puso, nanginginig na tinatanaw ang madilim na hinaharap, at palaging natatakot sa isipang ang Diyos ay isang mahigpit at walang-awang hukom, isang malupit na pinuno, sa halip na isang mabait na Ama sa langit.ADP 72.2

    Pero sa ilalim ng napakarami at napakatitinding pampahina ng loob, si Luther ay matatag na nagpatuloy sa mataas na pamantayang moral at kahusayang pangkaisipan na bumighani sa kanyang kaluluwa. Nauhaw siya sa karunungan, at ang masigasig at praktikal na katangian ng kanyang isipan ay tumulak sa kanya na naisin ang mga bagay na tunay at kapaki-pakinabang sa halip na ang mga pasikat at panlabas lamang.ADP 72.3

    Nang pumasok siya sa University of Erfurt sa edad na 18, ang kalagayan niya ay mas maayos at mas may pag-asa ang hinaharap niya kaysa mga nauna niyang taon. Ang kanyang mga magulang na nagkaroon ng sapat na kabuhayan dahil sa katipiran at sipag, ay nagawang ipagkaloob sa kanya ang lahat ng kinakailangan niyang tulong. At ang impluwensya ng matatalino niyang kaibigan ay medyo nakabawas sa malulungkot na epekto ng nakaraan niyang pagsasanay. Pinagbuti niya ang pag-aaral sa mga sinulat ng mga pinakamagagaling na manunulat, at masikap na tinatandaan ang mga pinakamahalaga nilang ideya, at ginagawang kanya ang karunungan ng matatalino. Kahit noong nasa ilalim pa lang siya ng malupit na pagsasanay ng dati niyang mga tagapagturo, nagpakita na agad siya ng pag-asang maging dakila; at dahil sa mabubuting impluwensya, ang kanyang isipan ay mabilis na lumago. Ang kanyang pagkamatandain, buhay na imahinasyon, matinding pangangatwiran, at walangpagod na pagsasagawa, ang di-katagala’y nagtampok sa kanya bilang nangunguna sa kanyang mga kasamahan. Pinagulang ng pangkaisipang disiplina ang kanyang pagkaunawa, at ginising ang pagiging aktibo ng isipan at ang matalas na pakiramdam na noo’y naghahanda sa kanya para sa mga labanan sa kanyang buhay.ADP 72.4

    Ang takot sa Panginoon ay nanirahan sa puso ni Luther, tumutulong sa kanya na mapanatili ang kanyang katatagan ng layunin, at umaakay sa kanya sa lubos na kapakumbabaan sa harapan ng Diyos. Palagi niyang nadarama na siya’y nakadepende sa tulong ng Diyos, at hindi siya nagmintis na pasimulan ang bawat araw sa pananalangin, samantalang ang kanyang puso ay patuloy na bumubulong ng isang dalangin para sa patnubay at tulong. Madalas niyang sinasabi na “Ang manalangin nang lubos ay siyang kabiyak ng pag-aaral.”—D’Aubigné, b. 2, ch. 2.ADP 72.5

    Isang araw, habang sinusuri ang mga aklat sa aklatan ng unibersidad, nakakita si Luther ng isang Bibliang Latin. Hindi pa siya nakakakita ng ganong Aklat dati. Hindi nga niya alam na may ganon palang Aklat. Narinig na niya ang ilang bahagi ng mga Ebanghelyo at ng mga Sulat ng mga apostol, na binabasa sa mga tao sa panahon ng pampublikong pagsamba, at akala niya’y iyon na ang buong Biblia. Ngayon, sa unang pagkakataon ay nakita niya ang buong Salita ng Diyos. Sa magkahalong pamimitagan at pagkamangha, binuklat niya ang mga banal na pahina nito; sa mabilis na pulso at malakas na tibok ng puso, personal niyang binasa ang mga salita ng buhay, na maya’t maya’y humihinto upang ibulalas na: “O sana’y bigyan ako ng Diyos ng sarili kong aklat na ganito!”—Ibid., b. 2, ch. 2. Ang mga anghel sa langit ay nasa tabi niya, at inihayag ng mga sinag ng liwanag na galing sa trono ng Diyos ang kayamanan ng katotohanan sa kanyang pang-unawa. Dati na siyang natatakot na saktan ang damdamin ng Diyos, ngunit ngayon ang malalim na paniniwala sa kanyang kalagayan bilang isang makasalanan ay sumakmal sa kanya sa paraang kailanma’y hindi pa nangyayari.ADP 72.6

    Isang maalab na hangaring makalaya sa kasalanan at makasumpong ng kapayapaan sa Diyos ang sa wakas ay tumulak sa kanya na pumasok sa isang kumbento at italaga ang kanyang sarili sa monastikong pamumuhay. Dito’y inutusan siyang gawin ang pinakahamak na trabaho, at manglimos sa mga bahay-bahay. Nasa edad na siya na ang tao’y pinakamaalab na naghahangad ng respeto at pagpapahalaga, at ang trabahong ito na pang-alila ay pinabababa nang husto ang kanyang mga katutubong damdamin; ngunit matiyaga niyang pinagtiisan ang panghahamak na ito, na naniniwalang ito’y kinakailangan dahil sa kanyang mga kasalanan.ADP 73.1

    Ang bawat sandaling magagamit niya kapag tapos na ang kanyang pang arawaraw na mga gawain ay ginagamit niya sa pag-aaral, na ninanakawan ng tulog ang sarili at pinagdadamutan kahit ang panahong ginugugol niya sa kanyang kakarampot na pagkain. Higit sa lahat ng bagay ay ikinagagalak niyang pag-aralan ang Salita ng Diyos. Nakakita siya ng isang Bibliang nakakadena sa dingding ng kumbento, at lagi siyang pumupunta dito. Samantalang ang pagkadama niya sa pagiging makasalanan ay lumalalim, sinikap niyang magtamo ng kapatawaran at kapayapaan sa pamamagitan ng sarili niyang mga gawa. Ipinamuhay niya ang isang istriktong pamumuhay, na nagsisikap na supilin sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagpupuyat, at pagpapahirap, ang kasamaan ng kanyang likas, na dito’y hindi nakapagpaginhawa ang monastikong pamumuhay. Wala siyang inurungang pagsasakripisyo na katatamuhan niya ng kalinisang iyon ng puso, na makakatulong sa kanya para makatayong kalugud-lugod sa harapan ng Diyos. “Talagang ako’y isang banal na monghe,” sabi niya bandang huli, “at sumusunod sa mga patakaran ng aking samahan nang mas mahigpit pa kaysa sa masasabi ko. Kung makakamtan lang ng monghe ang langit sa pamamagitan ng gawain ng mga monghe, siguradong ako’y mabibigyang-karapatan dito.... Kung mas napatagal pa iyon, siguro’y nagpatuloy pa ang pagpapahirap ko sa sarili hanggang sa ako’y mamatay.”—Ibid., b. 2, ch. 3. Bilang bunga ng masaklap na disiplinang ito, nawala ang kanyang lakas, at siya’y nagdusa sa nakakapanghinang pamumulikat, at sa mga dulot nito na kung saan ay hindi na siya lubusang gumaling. Datapuwa’t sa lahat niyang pagsisikap, ang kanyang nabibigatang kaluluwa ay hindi nakasumpong ng kaginhawahan. Sa wakas ay napadpad na siya sa bingit ng kawalang pag-asa.ADP 73.2

    Nang sa akala ni Luther ay nawala na ang lahat, ang Diyos ay nagbangon para sa kanya ng isang kaibigan at katulong. Binuksan ng maka-Diyos na si Staupitz ang Salita ng Diyos sa isipan ni Luther at sinabihan siya na huwag tumingin sa kanyang sarili, tigilan na ang pag-iisip tungkol sa walanghanggang kaparusahan sa paglabag sa kautusan ng Diyos, at tumingin kay Jesus, ang Tagapagligtas niyang nagpapatawad ng kasalanan. “Sa halip na pahirapan mo ang iyong sarili dahil sa iyong mga kasalanan, buong puso mong ibigay ang iyong sarili sa mga bisig ng Manunubos. Magtiwala ka sa Kanya, sa katuwiran ng Kanyang buhay, sa pagtubos sa atin ng Kanyang kamatayan. Pakinggan mo ang Anak ng Diyos. Siya’y naging tao upang bigyan ka ng katiyakan ng kagandahang-loob ng Diyos.” “Ibigin mo Siya na unang umibig sa iyo.”—Ibid., b. 2, ch. 4. Ganyan ang sinabi ng sugong ito ng kaawaan. Ang kanyang mga salita ay napatanim nang malalim sa isipan ni Luther. Pagkatapos ng maraming pakikipagpunyagi sa matagal nang iniingatang mga kamalian, ay naipaunawa sa kanya ang katotohanan, at ang kapayapaan ay dumating sa kanyang naguguluhang kaluluwa.ADP 73.3

    Si Luther ay naordenahan bilang isang pari at tinawag mula sa kumbento para maging isang propesor sa University of Wittenberg. Dito’y pinagtuunan niyang maigi ang pag-aaral ng Kasulatan sa orihinal na wika. Nagpasimula siyang magbigay ng lektura sa Biblia; at ang aklat ng mga Awit, ang mga Ebanghelyo, at ang mga Sulat ng mga apostol ay nabuksan sa pagkaunawa ng napakaraming tagapakinig na nasisiyahan. Ang kaibigan at superyor niyang si Staupitz ay hinimok siyang sa pulpito ipangaral ang Salita ng Diyos. Nagalangan si Luther, dahil sa pagkadamang siya’y hindi karapat-dapat na magsalita sa mga tao para kay Cristo. Pumayag lamang siya sa panghihikayat ng kanyang mga kaibigan, pagkatapos ng isang matagal na pakikipagpunyagi. Makapangyarihan na siya sa Kasulatan, at ang biyaya ng Diyos ay sumasakanya. Binihag ng galing niya sa pagsasalita ang kanyang mga tagapakinig, kinumbinsi ng linaw at kapangyarihan ng kanyang paghahayag ng katotohanan ang kanilang pang-unawa, at kinilos ng kanyang kasiglahan ang kanilang mga puso.ADP 74.1

    Si Luther ay isang tunay na anak pa rin ng simbahan ng kapapahan, at walang iniisip na siya kailanma’y magiging kung sino pa man. Sa kalooban ng Diyos siya’y nahimok na bumisita sa Roma. Lakad lang siya sa kanyang paglalakbay, at nakikituloy sa mga monasteryong nadadaanan. Sa isang kumbento sa Italy siya’y napuno ng pagkamangha sa yaman, ganda, at karangyaan na kanyang nasaksihan. Dahil mala-prinsipe ang nakokolektang pera, ang mga monghe ay nakatira sa mga mariringal na tirahan, binibihisan ang sarili ng mga pinaka-elegante at pinakamamahaling kasuotan, at nagpapakasawa sa masaganang hapag. May masaklap na pag-aalalang inihambing ni Luther ang tagpong ito sa pagtanggi sa sarili at hirap ng sarili niyang buhay. Ang kanyang isipan ay nalilito.ADP 74.2

    Sa wakas ay natanaw niya sa malayo ang lunsod na may pitong burol. Sa taimtim na damdamin ay nagpatirapa siya sa lupa, at ibinulalas, “Banal na Roma, binabati kita!”— Ibid., b. 2, ch. 6. Pumasok siya sa lunsod, dinalaw ang mga simbahan, nakinig sa mga kataka-takang kuwento na inuulit-ulit ng mga pari at mga monghe, at isinagawa ang lahat ng kinakailangang seremonya. Kahit saan ay nakakakita siya ng mga tagpong pumuno sa kanya ng pagkabigla at ng malaking takot. Nakita niyang umiiral ang kasamaan sa lahat ng uri ng alagad ng simbahan. Napakinggan niya ang mahahalay na biruan mula sa matataas na kawani ng simbahan, at siya’y nalipos ng takot sa kanilang nakakapangilabot na kalapastanganan, kahit sa panahon ng misa. Sa pakikisalamuha niya sa mga monghe at mga mamamayan, nakita niya ang pag-aaksaya at kahalayan. Saan man siya bumaling, sa lugar ng kabanalan ay kalapastanganan ang kanyang nasumpungan. Isinulat niya, “Walang sinumang mag-aakala kung anong mga kasalanan at nakakahiyang mga gawain ang ginagawa sa Roma; dapat munang makita at marinig ang mga ito bago mapaniwalaan. Kaya’t lagi nilang sinasabi, ‘Kung meron mang impiyerno ay sa ibabaw nito nakatayo ang Roma: ito’y isang kalalimang pinanggagalingan ng lahat ng uri ng kasalanan.’ “— Ibid., b. 2, ch. 6.ADP 74.3

    Sa isang kautusan ng papa kamakailan lang, ay isang pagpapatawad sa mga parusa ang ipinangako ng papa sa lahat ng aakyat nang nakaluhod sa “hagdanan ni Pilato,” na sinasabing binabaan ng ating Tagapagligtas nang umalis Siya sa bulwagan ng hukuman ng Romanong ito, at mahimalang nalipat sa Roma galing sa Jerusalem. Isang araw ay taos-pusong umaakyat si Luther sa hagdang ito, nang biglang isang tinig na gaya ng kulog ang parang nagsasabi sa kanya, “Ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya” (Roma 1:17). Siya’y tumindig agad at nagmamadaling umalis sa lugar na iyon na nahihiya at nangingilabot. Ang talatang iyon ay hindi nawalan ng kapangyarihan sa kanyang kaluluwa. Mula noon ay mas malinaw niyang nakita kaysa dati ang kamalian ng pagtitiwala sa mga gawa ng tao para maligtas, at ang pangangailangan sa patuloy na pagsampalataya sa mga ginawa ni Cristo. Nabuksan na ang kanyang mga mata at hindi na muling maisasara pa sa mga pandaraya ng kapapahan. Nang italikod niya ang kanyang mukha mula sa Roma ay itinalikod na rin niya ang kanyang puso, at mula noon ay lumaki na nang lumaki ang paghihiwalay, hanggang sa pinutol na niya ang lahat niyang kaugnayan sa simbahan ng kapapahan.ADP 74.4

    Pagkagaling niya sa Roma, ay tinanggap ni Luther ang titulo niyang Doctor of Divinity sa University of Wittenberg. Ngayon, di gaya ng dati, ay malaya na siyang iukol ang kanyang sarili sa mga Kasulatang pinakamamahal niya. Siya’y taos-pusong nangako na sa lahat ng araw ng kanyang buhay ay pag-aaralan niyang mabuti at may katapatang ipangangaral ang Salita ng Diyos, at hindi ang mga kasabihan at doktrina ng mga papa. Hindi na siya monghe o propesor lamang, kundi isa nang awtorisadong tagapagbalita ng Biblia. Siya’y tinawagan bilang isang pastol na magpapakain sa kawan ng Diyos, na nangagugutom at nauuhaw sa katotohanan. Matatag niyang ipinahayag na ang mga Kristiyano’y hindi dapat tumanggap ng anumang doktrina maliban doon sa nakasandig sa awtoridad ng Banal na Kasulatan. Sinapul ng mga salitang ito ang pinakapundasyon ng pagiging kataas-taasan ng papa. Ang mga ito’y naglalaman ng mahahalagang prinsipyo ng Repormasyon.ADP 75.1

    Nakita ni Luther ang panganib ng pagkakataas sa mga kuru-kuro ng tao sa ibabaw ng Salita ng Diyos. Walang-takot niyang tinuligsa ang mapag-isip na kawalangpaniniwala ng mga tagapagturo sa paaralan at nilabanan ang mga pilosopiya at teolohiya na matagal nang may impluwensyang pumipigil sa mga tao. Tinuligsa niya ang mga ganong pag-aaral na hindi lamang walang-kabuluhan kundi nakakapinsala pa, at sinikap na ibaling ang isipan ng kanyang mga tagapakinig mula sa mapanlinlang na pangangatwiran ng mga pilosoper at mga teologo patungo sa mga walang-hanggang katotohanan na ipinahayag ng mga propeta at apostol.ADP 75.2

    Napakahalaga ng mensaheng kanyang dinala sa nasasabik na karamihan na umaasa sa kanyang mga salita. Hindi pa nila narinig ang ganong mga turo. Ang mabuting balita ng pag-ibig ng Tagapagligtas, ang katiyakan sa kapatawaran at kapayapaan sa pamamagitan ng Kanyang pantubos na dugo, ay nagpaligaya sa kanilang mga puso at pinasigla sa kalooban nila ang walangkamatayang pag-asa. Sa Wittenberg ay sinindihan ang isang liwanag na ang sinag ay makakaabot sa mga kadulu-duluhang bahagi ng mundo, at higit na magliliwanag hanggang sa katapusan ng panahon.ADP 75.3

    Ngunit ang liwanag at kadiliman ay hindi mapapagkasundo. Sa pagitan ng katotohanan at kamalian ay may isang dimapipigilang labanan. Ang pagpapatibay at pagtatanggol sa isa ay pag-atake at pagpapabagsak doon sa isa. Ang ating Tagapagligtas mismo ay nagsabi, “Hindi Ako pumarito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak” (Mateo 10:34). Ang sabi ni Luther ilang taon mula nang magsimula ang Repormasyon: “Hindi ako inaakay ng Diyos, kundi itinutulak Niya ako, daladala Niya ako. Hindi ako ang panginoon ng aking sarili. Gusto kong mabuhay sa katahimikan; ngunit ako’y inihagis sa gitna ng kaguluhan at paghihimagsik.”— D’Aubigné, b. 5, ch. 2. Siya ngayon ay malapit nang mapasabak sa labanan.ADP 75.4

    Ginawang kalakal ng Simbahang Romano ang biyaya ng Diyos. Ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi (Mateo 21:12) ay inilagay sa gilid ng mga altar nito, at ang papawirin ay umugong sa sigawan ng mga nagtitinda at bumibili. Sa panawagan na mag-iipon ng pondo para sa pagpapatayo ng simbahan ng St. Peter sa Roma, ang mga indulhensya para sa kasalanan ay ipinagbili sa publiko ayon sa kapahintulutan ng papa. Sa halaga ng krimen ay isang templo ang itatayo para sa pagsamba sa Diyos—ang pundasyong bato ay nailagay dahil sa bayad sa kasalanan! Subalit ang paraan mismong ginamit para sa pagpapayaman sa Roma ang nagsulsol sa pinakamatinding dagok sa kanyang kapangyarihan at kadakilaan. Ito ang gumising sa mga pinakadisidido at pinakamatagumpay na kaaway ng kapapahan, at humantong sa labanang yumanig sa trono ng kapapahan at dumikdik sa tatlong patong na korona sa ulo ng papa.ADP 75.5

    Ang opisyal na hinirang para mangasiwa sa pagbebenta ng mga indulhensya sa Ger-many—na Tetzel ang pangalan—ay napatunayang nagkasala ng pinakamasasamang kasalanan sa lipunan at sa kautusan ng Diyos; ngunit dahil naligtasan ang kaparusahang nararapat sa kanyang mga krimen, siya’y inupahan upang pasulungin pa ang mukhang-pera at walang-konsensyang mga proyekto ng papa. May lubhang kakapalan ng mukha na pinaulit-ulit niya ang mga kitang-kita talagang kasinungalingan, at nagsalaysay ng mga kataka-takang istorya upang lokohin ang mga taong walang-alam, mapaniwalain, at mapamahiin. Kung nasa kanila lang ang Salita ng Diyos, hindi sana sila nadaya nang ganon. Ipinagkait sa kanila ang Biblia para panatilihin sila sa ilalim ng pamamahala ng kapapahan, upang mapalakas ang kapangyarihan at mapalaki ang kayamanan ng mga ambisyosong lider nito—(Tingnan ang sinulat ni John C.L. Gieseler, A Compendium of Ecclesiastical History, per. 4, sec. 1, par. 5).ADP 75.6

    Sa pagpasok ni Tetzel sa isang bayan, isang tagapagbalita ang nauuna sa kanya at nagpapatalastas ng ganito: “Ang biyaya ng Diyos at ng banal na ama ay nasa pintuan ng inyong bayan”—D’Aubigné, b. 3, ch. 1. At malugod na tinanggap ng mga tao ang lapastangang mapagkunwaring ito na para bang siya mismo ang Diyos na bumaba sa kanila mula sa langit. Ang walang-hiyang pagbebentahan ay inihanda na sa simbahan, at pagkaakyat sa pulpito ay pinarangalan nang husto ni Tetzel ang mga indulhensya bilang pinakamahalagang kaloob ng Diyos. Ipinahayag niya na sa bisa ng mga katibayan ng kapatawaran na kanyang binibenta, ang lahat ng kasalanan na gustong gawin ng bumili pagkatapos nito ay ipapatawad sa kanya, at “hindi na nga kailangan pang magsisi.”—Ibid., b. 3, ch. 1. Dagdag pa dito, tiniyak niya sa kanyang mga tagapakinig na ang mga indulhensya ay may kapangyarihang iligtas hindi lamang ang mga buhay kundi pati mga patay; na sa oras na kumalansing ang pera sa ilalim ng kanyang kaban, ang kaluluwa na binayaran nito ay makakawala sa purgatoryo at makakapunta sa langit. (Tingnan ang sinulat ni K.R. Hagenbach, History of the Reformation, vol. 1, p. 96.)ADP 76.1

    Nang mag-alok si Simon Magus na bibilhin niya ang kapangyarihan ng mga apostol na makagawa ng mga himala ay sinagot siya ni Pedro, “Ang iyong salapi’y mapahamak na kasama mo, sapagkat inakala mong makukuha mo ang kaloob ng Diyos sa pa-mamagitan ng salapi” (Gawa 8:20). Ngunit ang alok ni Tetzel ay sinunggaban ng libulibong taong sabik na sabik. Ang ginto at pilak ay umapaw sa kanyang kabang-yaman. Ang isang kaligtasan na mabibili ng salapi ay mas madaling matamo kaysa doon sa nangangailangan ng pagsisisi, pananampa-lataya, at matiyagang pagsisikap na labanan at pagtagumpayan ang kasalanan. (Tingnan ang Apendiks para sa pahina 36).ADP 76.2

    Ang doktrina ng indulhensya ay tinutulan ng mga may pagkaunawa at banal na tao sa Romanong Simbahan, at marami ang hindi sampalataya sa pagkukunwari na talagang salungat kapwa sa pangangatwiran at kapahayagan. Walang kawani ng simbahan ang nangahas na magsalita laban sa napakasamang pagbebentahang ito; ngunit ang isipan ng mga tao ay nagiging balisa at di-mapalagay, at marami ang sabik na naguusisa kung ang Diyos kaya ay hindi gagawa sa pamamagitan ng isang kaparaanan para dalisayin ang Kanyang iglesya.ADP 76.3

    Bagaman isang makapapa pa rin sa pinakamahigpit na katangian, si Luther ay napuno ng pangingilabot sa lapastangang pagkukunwari ng mga negosyanteng ito ng indulhensya. Marami sa sarili niyang kapu-lungan ang nagsibili ng katibayan ng kapa-tawaran, at hindi nagtagal ay nagpuntahan sila sa kanilang pastor na ikinukumpisal ang sari-sari nilang kasalanan, at umaasa sa pagpapatawad, hindi dahil sa sila’y nagsisisi at nagnanais na magbago, kundi dahil sa indulhensya. Hindi ibinigay ni Luther ang pagpapatawad sa kanila, at pinaalalahanan sila na malibang sila’y magsisi at baguhin ang kanilang buhay, sila’y mapapahamak sa kanilang mga kasalanan. Dahil sa labis na kalituhan sila’y pumunta kay Tetzel at nagreklamong hindi tinanggap ng paring pinangumpisalan nila ang ibinibenta niyang mga katibayan; at ang ilan ay buong tapang na hininging ibalik sa kanila ang kanilang pera. Ang prayle ay napuno ng galit. Nagsalita na siya ng pinakakakila-kilabot na mga pagmumura, nagpasindi ng apoy sa mga publikong liwasan, at ipinahayag na siya’y “tumanggap ng utos mula sa papa na sunugin ang lahat ng ereheng mangangahas na kumalaban sa kanyang pinakabanal na indulhensya.”—D’Aubigné, b. 3, ch. 4.ADP 76.4

    Ngayon si Luther ay buong tapang nang pumasok sa kanyang gawain bilang isang tagapagtanggol ng katotohanan. Ang kanyang tinig ay narinig mula sa mga pulpito para sa maalab at taimtim na pagbibigaybabala. Ipinakita niya sa mga tao ang nakakasukang likas ng kasalanan, at itinuro sa kanila na sa pamamagitan ng sariling mga gawa ay imposible sa tao na mabawasan ang kanyang kasalanan o kaya’y iwasan ang kaparusahan nito. Wala nang iba kundi ang pagsisisi sa Diyos at pananampalataya kay Cristo ang makapagliligtas sa mga makasalanan. Ang biyaya ng Diyos ay hindi maaaring bilhin; ito’y isang walang-bayad na kaloob. Pinayuhan niya ang mga tao na huwag bumili ng mga indulhensya, kundi sa pananampalataya’y tumingin sa ipinakong Manunubos. Isinalaysay niya ang sarili niyang masaklap na karanasan sa walangkabuluhang pagsisikap na matamo ang ka-ligtasan sa pamamagitan ng pagpapakahiya at pagpapakasakit, at tiniyak sa kanyang mga tagapakinig na siya’y nakasumpong ng kapayapaan at kagalakan sa pamamagitan ng paglayo ng tingin sa kanyang sarili, at pagsampalataya kay Cristo.ADP 76.5

    Habang ipinagpapatuloy ni Tetzel ang kanyang pakikipagkalakalan at pagkukunwaring lapastangan sa Diyos, si Luther ay nagpasya ng isang mas mabisang protesta laban sa mga nakakahiyang abusong ito. Hindi nagtagal ay dumating ang isang pagkakataon. Ang kastilyong simbahan ng Wittenberg ay maraming banal na alaala, na sa ilang kapistahan ay ipinakikita sa mga tao, at lubos na kapatawaran sa mga kasalanan ang ipinagkakaloob sa lahat ng dadalaw sa simbahang iyon at mangungumpisal doon. Kaya sa mga ganitong araw, ang napakaraming tao ay nagpupunta roon. Ang isa sa mga pinakamahalagang okasyon, ang kapistahan ng “Todos los Santos” ay nalalapit na. Isang araw bago ito sumapit, si Luther na nakisama sa maraming tao na papunta na rin sa simbahan, ay nagpaskil sa pintuan nito ng isang papel na naglalaman ng 95 proposisyon laban sa doktrina ng mga indulhensya. Ipinahayag niya na handa niyang ipagtanggol ang mga tesis na ito kinabukasan sa unibersidad, laban sa lahat ng nakakakitang nararapat na tuligsain ang mga ito.ADP 77.1

    Ang kanyang proposisyon ay nakatawag sa pansin ng lahat. Ang mga ito ay nabasa at muling binasa, at inulit-ulit kahit saan. Nagkaroon ng malaking pagkakagulo sa unibersidad at sa buong lunsod. Ipinakita sa mga tesis na ito na ang kapangyarihang magkaloob ng kapatawaran sa kasalanan, at pumigil sa kaparusahan nito ay hindi kailanman ipinagkatiwala sa papa o sa sino pa mang tao. Ang buong pakana ay isang pagkukunwari—isang pandaraya para makakuha ng pera sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga pamahiin ng tao—isang pakana ni Satanas upang ipahamak ang mga kaluluwa ng lahat ng magtitiwala sa mga sinungaling na pagku-kunwari nito. Malinaw ding ipinapakita na ang ebanghelyo ni Cristo ay siyang pinaka-mahalagang kayamanan ng iglesya, at ang biyaya ng Diyos na nahahayag doon, ay walang-bayad na ipinagkakaloob sa lahat ng naghahanap nito sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya.ADP 77.2

    Ang mga tesis ni Luther ay naghahamon ng pakikipagtalakayan; ngunit walang isa mang nangahas na tumanggap sa hamon. Ang mga paksang ipinasok niya ay kumalat sa buong Germany sa loob ng ilang araw, at sa loob ng ilang linggo ang mga ito’y alam na sa buong Sangkakristiyanuhan. Marami sa mga debotong Romano Katoliko na nakita at ipinagdalamhati ang kakila-kilabot na kasamaang lumalaganap sa iglesya, ngunit hindi alam kung paano mapipigilan ang paglago nito, ay binasa ang mga proposisyong ito nang may malaking katuwaan, dahil nakikilala nila sa mga ito ang tinig ng Diyos. Nadama nila na mabiyayang inilagay ng Panginoon ang Kanyang kamay upang pigilan ang mabilis lumaking agos ng katiwalian na lumalabas sa pangasiwaan ng Roma. Ang mga prinsipe’t mahistrado ay lihim na nagalak dahil isang pamigil ang mailalagay sa palalong kapangyarihan na nagkakait ng karapatang maghabol sa mga desisyon nito.ADP 77.3

    Ngunit ang napakaraming taong mapa-mahiin at mahilig sa kasalanan ay natakot nang husto habang nawawala ang mga kapani-paniwala ngunit mapandayang pangangatwiran na nagpapalubag sa kanilang mga takot. Ang mga tusong pari’t obispo, na natigil sa kanilang gawain ng pagpapahintulot sa krimen at nakikitang nanganganib ang kanilang mga papakinabangin, ay nagalit at nagtipon upang itaguyod ang kanilang mga pagkukunwari. Ang Repormador ay may matitinding taga-akusa na dapat harapin. May mga nag-akusa sa kanya na siya’y kumikilos nang pabigla-bigla at dahil lamang sa galit. Ang iba nama’y inakusahan siya ng pangangahas, na sinasabing hindi siya pinapatnubayan ng Diyos, kundi kumikilos lang siya dahil sa pagyayabang at kapangahasan. “Sinong hindi nakakaalam,” tugon niya, “na ang isang tao ay bihirang magharap ng anumang bagong ideya nang hindi nagmumukhang mayabang at hindi napapagbintangang naghahanap ng away?... Bakit pinatay si Cristo at ang lahat ng martir? Dahil sila’y parang mayayabang na tagalait ng karunungan ng kanilang panahon, dahil sila’y nagsusulong ng mga bagong bagay nang hindi muna mapagpakumbabang sumasangguni sa mga aral ng matatandang paniniwala.”ADP 77.4

    Muli’y sinabi niya, “Anuman ang gawin ko ay matatapos, hindi dahil sa mabuting pagpapasya ng tao, kundi sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos. Kung ang gawain ay sa Diyos, sinong pipigil dito? Kung hindi, sinong makakapagpasulong nito? Hindi ang kalooban ko, ni ang kanila, ni ang amin; kundi ang Iyong kalooban, Oh banal na Ama, na nasa langit.”— Ibid., b. 3, ch. 6.ADP 78.1

    Bagaman si Luther ay kinikilos ng Espiritu ng Diyos upang simulan ang kanyang gawain, hindi niya ito maisusulong nang walang matitinding banggaan. Ang mga paninira ng kanyang mga kaaway, ang mali nilang pakahulugan sa kanyang mga layunin, at ang mga di-matuwid at malisyoso nilang iniisip sa kanyang pagkatao at mga motibo, ay dumagsa sa kanya na gaya ng isang napakalaking baha; at ang mga ito’y merong epekto. Tiwala siya na ang mga lider ng mga tao, kapwa sa simbahan at sa mga paaralan ay magalak na makikiisa sa kanya sa mga pagsisikap para sa pagbabago. Ang mga salitang pampalakas ng loob na galing sa mga may mataas na katungkulan ay nagdulot sa kanya ng kaga-lakan at pag-asa. Sa paghihintay pa lang ay nakikita na niya ang mas magandang araw na nagbubukang-liwayway sa iglesya. Ngunit ang pampalakas ng loob ay naging paninira at pagtuligsa. Marami sa mga may mataas na katungkulan, kapwa sa simbahan at sa pamahalaan, ay paniwala na totoo ang kanyang mga tesis; ngunit agad din nilang nakita na maraming magbabago kapag tinanggap ang mga katotohanang ito. Ang liwanagan at baguhin ang mga tao ay talagang pagtibag sa kapamahalaan ng Roma, pagpapatigil sa libu-libong daloy na ngayo’y umaagos sa mga kabang-yaman nito, at dahil dito’y mababawasan nang malaki ang karangyaan at luho ng mga lider ng kapapa-han. Bukod pa dito, ang turuan ang mga tao na mag-isip at gumawa bilang mga responsableng tao, na kay Cristo lang umaasa para sa kaligtasan, ay magpapabagsak sa trono ng papa at tuluyan nang sisira sa sarili nilang kapamahalaan. Sa kadahilanang ito ay tinanggihan nila ang karunungang inihandog sa kanila ng Diyos, at humanay sila laban kay Cristo at sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang pakikilaban sa taong isinugo Niya upang liwanagan sila.ADP 78.2

    Nanginig si Luther habang tinitingnan niya ang kanyang sarili—isang tao laban sa pinakamalalakas na kapangyarihan sa lupa. Kung minsan ay nag-aalinlangan siya kung talaga nga bang siya’y pinangunahan ng Diyos na kalabanin ang kapamahalaan ng simbahan. “Sino ako,” sulat niya, “para kalabanin ang dakilang kapangyarihan ng papa, na sa harapan niya...ay nanginginig ang mga hari sa lupa at ang buong sanlibutan?. . . . Walang maaaring makaalam kung anong dinanas ng aking puso sa panahon ng unang dalawang taon na ito, at sa anong panghihina ng loob, o masasabi kong kawalang pag-asa, ako nalubog.”— Ibid., b. 3, ch. 6. Ngunit hindi siya binayaan na lubusang masiraan ng loob. Nang hindi siya tinulungan ng tao, ay sa Diyos lang siya umasa, at natutunang maaari siyang sumandig nang may ganap na katiwasayan sa bisig na iyon na makapangyarihan sa lahat.ADP 78.3

    Sa isang kaibigan ng Repormasyon ay sumulat si Luther: “Hindi natin mauunawaan ang Kasulatan sa pamamagitan man ng pag-aaral nito o ng katalinuhan. Ang una mong tungkulin ay ang manalangin muna. Magsumamo ka sa Panginoon na sa Kanyang dakilang kahabagan ay ipagkaloob sa iyo ang tunay na pagkaunawa sa Kanyang Salita. Wala nang ibang tagapagpaliwanag ng Salita ng Diyos maliban sa May-akda ng salitang ito, gaya ng sinabi Niya mismo, ‘Tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Huwag kang umasa ng anuman mula sa sarili mong pagsisikap, sa sarili mong pagkaunawa: sa Diyos ka lang magtiwala, at sa impluwensya ng Kanyang Espiritu. Paniwalaan mo ito dahil ito’y sinasabi ng isang taong may karanasan.”— Ibid., b. 3, ch. 7. Narito ang isang napakahalagang aral para sa mga taong nakakadama na sila’y tinawagan ng Diyos upang ipahayag sa iba ang mga dakilang katotohanan para sa panahong ito. Gigisingin ng mga katotohanang ito ang galit ni Satanas at ng mga taong gustung-gusto ang mga kasinungalingang likha niya. Sa paki-kipaglaban sa mga kapangyarihan ng kasa-maan, ay kinakailangan ang mas higit pa sa lakas ng isip at karunungan ng tao.ADP 78.4

    Nang gamiting sanggunian ng mga kaaway ang kaugalian at tradisyon, o kaya’y ang mga iginigiit at kapamahalaan ng papa, hinarap sila ni Luther sa pamamagitan ng Biblia, at ng Biblia lamang. Nandito ang mga argumentong hindi nila masagot; kaya’t hinihingi ng mga alipin ng seremonya at pamahiin ang kanyang dugo, gaya ng paghingi ng mga Judio sa dugo ni Cristo. “Siya’y erehe,” sigaw ng mga panatikong Romano. “Isang malaking kataksilan sa simbahan na payagang mabuhay pa ng isang oras ang ganyang nakapangingilabot na erehe. Magtayo agad ng pagbibitayan para sa kanya!”—Ibid., b. 3, ch. 9. Ngunit si Luther ay hindi naging biktima ng kanilang matinding galit. Ang Diyos ay may gawain para sa kanya, at ang mga anghel sa langit ay isinugo upang ingatan siya. Gayunma’y marami sa mga nakatanggap ng mahalagang liwanag mula kay Luther ay pinagbuntunan ng galit ni Satanas at alang-alang sa katotohanan ay walang-takot na nagdanas ng pagpapahirap at kamatayan.ADP 79.1

    Inagaw ng mga turo ni Luther ang pansin ng mga mapag-isip na tao sa buong Germany. Sa kanyang mga sermon at sulat ay lumabas ang mga sinag ng liwanag na gumising at nagpaunawa sa libu-libong tao. Isang buhay na pananampalataya ang pumapalit sa patay na pakikiayon sa mga seremonyang matagal nang pumipigil sa iglesya. Araw-araw ay nawawalan na ng tiwala ang mga tao sa mga pamahiin ng Romanismo. Ang mga harang ng maling iniisip ay bumibigay na. Ang Salita ng Diyos, na dito’y sinubok ni Luther ang lahat ng doktrina at lahat ng pag-aangkin, ay gaya ng magkabilang talim na tabak, na humihiwa sa puso ng mga tao. Kahit saan ay merong napupukaw na pagnanasang lumago sa espirituwal. Kahit saan ay merong ganong pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran na hindi pa narinig kailanman sa nakaraang panahon. Ang paningin ng mga tao na napakatagal nang nakatuon sa mga seremonya ng tao at sa mga makalupang tagapamagitan, ay bumabaling na ngayon sa pagsisisi at pagsampalataya kay Cristo at sa Kanya na ipinako sa krus.ADP 79.2

    Ang laganap na pananabik na ito ay lalo pang ikinatakot ng pangasiwaan ng papa. Si Luther ay nakatanggap ng utos na humarap sa Roma upang sagutin ang paratang na siya’y nagtuturo ng maling paniniwala. Nalipos ng takot ang kanyang mga kaibigan dahil sa utos na ito. Alam na alam nila ang panganib na nagbabanta sa kanya sa tiwaling lunsod na iyon, na lasing na lasing na sa dugo ng mga martir ni Jesus. Tumutol sila sa pagpapapunta sa kanya sa Roma at hiniling na siya’y sa Germany na lang siyasatin.ADP 79.3

    Ang kasunduang ito ay naisagawa rin sa wakas, at ang kardinal na kinatawan ng papa ay nahirang na duminig sa kaso. Sa tagubiling ipinahatid ng papa sa opisyal na ito, ay nakasaad na si Luther ay naideklara nang erehe. Kung gayon ang kinatawan ay inuutusang “umusig at mamilit nang walang pagpapaliban.” Kung siya’y magmamatigas pa rin, at hindi mahawakan ng kinatawan ang kanyang pagkatao, siya’y may kapangyarihan “na siya’y ipagbawal sa lahat ng bahagi ng Germany; na ipatapon, sumpain, at itiwalag ang lahat ng may kaugnayan sa kanya.”—Ibid., b. 4, ch. 2. At saka, inutusan din ng papa ang kanyang kinatawan na para lubusang matanggal ang salot ng erehiya, ay itiwalag niya ang lahat ng may anumang katungkulan sa simbahan o pamahalaan, maliban sa emperador, na magwawalang-bahala sa pagdakip kay Luther at sa lahat ng kanyang mga tagasunod, at dalhin sila sa paghihiganti ng Roma.ADP 79.4

    Dito’y nakikita ang tunay na espiritu ng kapapahan. Walang isa mang bakas ng prinsipyo ng Kristiyano, o kahit ng karaniwang katarungan, na makikita sa buong dokumento. Si Luther ay malayo sa Roma; wala siyang pagkakataong ipaliwanag o ipagtanggol ang kanyang paninindigan; pero bago pa man masiyasat ang kanyang kaso, naiproklama na agad siyang erehe, at sa araw ding iyon ay pinilit, inakusahan, pinagpasyahan, at hinatulan; at ang lahat ng ito’y ginawa ng nagpapabansag na banal na ama, ang nag-iisang pinakamataas at hindi nagkakamaling kapamahalaan sa simbahan o pamahalaan!ADP 79.5

    Sa panahong ito, na kailangang-kailangan ni Luther ang pagdamay at payo ng isang tunay na kaibigan, si Melanchthon ay isinugo ng pamamatnubay ng Diyos sa Wittenberg. Bagaman kabataan pa si Melanchthon, at mapagpakumbaba’t mahiyain sa kanyang mga kilos, ang kanyang mahusay na pagtimbang sa mga bagay, malawak na kaalaman, at nakahihikayat na galing sa pagsasalita, na sinamahan pa ng kalinisan at katuwiran ng kanyang likas, ay nagtamo ng paghanga at pagtingin ng lahat. Hindi gaanong nakikita ang galing ng kanyang mga kakayahan nang higit sa kabaitan ng ugali niya. Di nagtagal ay naging isang masigasig na alagad siya ng ebanghelyo, at naging pinagkakatiwalaang kaibigan at minamahal na katu-katulong ni Luther; ang kanyang kabaitan, pagpapaalaala, at katumpakan ay nagsisilbing karagdagan sa tapang at sigasig ni Luther. Ang pagsasama nila sa gawain ay nagpalakas pa lalo sa Repormasyon at pinagmulan ng malaking kasiglahan para kay Luther.ADP 79.6

    Ang Augsburg ang siyang itinakdang lugar para sa paglilitis, at ang Repormador ay umalis nang naglalakad lang upang maglakbay doon. Hindi birong pangamba ang napasaisip para sa kapakanan niya. May mga hayag na bantang siya’y dadakpin at papatayin sa daan, at ang mga kaibigan niya ay nakiusap sa kanya na huwag nang makipagsapalaran. Pinakiusapan pa nga nila siya na umalis na lang muna sa Wittenberg at humanap ng ligtas na lugar doon sa mga masayang magsasanggalang sa kanya. Ngunit ayaw niyang iwanan ang kalagayang pinaglagyan sa kanya ng Diyos. Dapat siyang magpatuloy nang may katapatan na panindigan ang katotohanan, sa kabila ng mga bagyong humahagupit sa kanya. Ang pananalita niya ay: “Ako’y kagaya ni Jeremias, na isang taong palaaway at taong palaban; ngunit habang nadadagdagan ang mga pagbabanta nila, ay lalo namang dumadami ang aking kagalakan.... Sinira na nila ang karangalan at reputasyon ko. Isang bagay na lang ang natitira; ang kahabag-habag kong katawan: kunin na nila ito; sa gayo’y mapapaikli nila ang aking buhay ng ilang oras. Ngunit tungkol sa aking kaluluwa, hindi nila iyon makukuha. Siyang nagnanais na magpahayag ng Salita ni Cristo sa sanlibutan, ay dapat asahan ang kamatayan sa bawat sandali.”— Ibid., b. 4, ch. 4.ADP 80.1

    Ang balita ng pagdating ni Luther sa Augsburg ay nagbigay ng malaking kasiyahan sa kinatawan ng papa. Ang mapanggulong erehe na umaagaw sa pansin ng buong sanlibutan ay parang nasa kapangyarihan na ngayon ng Roma, at tiniyak ng kinatawan ng papa na hindi siya makakatakas. Nakaligtaan ng Repormador na kumuha ng pases para sa sarili. Hinimok siya ng kanyang mga kaibigan na huwag humarap sa kinatawan nang walang isa nito, at sila mismo ang lumakad para makakuha nito sa emperador. Balak ng kinatawan ng papa na kung maaari’y pilitin si Luther na tumalikod sa kanyang paniniwala, o kaya’y kung mabigo man siya dito, ay ipadala siya sa Roma, upang makabahagi sa naging kapalaran nina Huss at Jerome. Kaya’t sa pamamagitan ng kanyang mga tauhan ay sinikap niyang himukin si Luther na humarap nang walang pases, sa gayo’y ipagkakatiwala ang sarili niya sa kanyang mga kamay. Ito’y matatag na tinanggihang gawin ng Repormador. Saka lamang siya humarap sa embahador ng papa noong matanggap na niya ang dokumento na ipinapangako sa kanya ang proteksyon ng emperador.ADP 80.2

    Bilang isang palakad, ipinasya ng mga Romanista na subukang makuha si Luther sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan. Ang kinatawan ay nagkunwaring sobrang bait sa mga pakikipanayam nito sa kanya; pero hiningi niyang magpasakop nang lubos si Luther sa kapangyarihan ng simbahan, at isuko ang lahat ng bahagi nang wala nang pakikipagtalo o tanong pa. Hindi niya natantiya nang tama ang likas ng taong pinakikitunguhan niya. Sa sagot ni Luther ay kanyang ipinahayag ang paggalang niya sa simbahan, ang paghahangad niya sa katotohanan, ang kahandaan niyang sagutin ang lahat ng tinututulan nila sa kanyang itinuro, at kahandaang isailalim ang kanyang doktrina sa kapasyahan ng ilang nangungunang unibersidad. Ngunit kasabay nito ay tinutulan niya ang paraan ng kardinal sa pag-uutos na siya’y tumalikod nang hindi pa man napapatunayang siya’y mali.ADP 80.3

    Ang naging tanging tugon ay: “Tumalikod ka na, Tumalikod ka na!” Ipinakita ng Repormador na ang paniniwala niya ay pinatutunayan ng Kasulatan, at matatag na sinabing hindi niya maaaring itakwil ang katotohanan. Ang kinatawan ng papa, na hindi makasagot sa mga pangangatwiran ni Luther, ay binanatan siya ng matitinding paninira, panlalait, at pambobola, na sinasalitan niya ng mga pagbanggit mula sa tradisyon at sa mga pahayag ng mga Church Fathers, at hindi binigyan ng pagkakataong makapagsalita ang Repormador. Dahil nakikitang wala talagang mangyayari sa pagpupulong na iyon kung magpapatuloy nang ganon, si Luther ay nakakuha sa wakas ng atubiling pahintulot na iharap ang kanyang katugunan sa pamamagitan ng sulat.ADP 80.4

    “Sa ganong paraan,” sabi niya sa sulat niya sa isang kaibigan, “ang naaapi ay may dobleng kalamangan; una, ang isinulat ay maaaring isailalim sa paghatol ng iba; at pangalawa, ang isang tao ay may mas magandang pagkakataon para gamitin ang impluwensya ng takot, kung hindi man konsensya, ng isang mayabang at madaldal na naghahari-harian, kung hindi ay nadaig sana siya ng kanyang dominanteng pananalita.”—Martyn, The Life and Times of Luther, pp. 271, 272.ADP 81.1

    Sa sumunod na pakikipanayam, si Luther ay nagharap ng isang malinaw, maikli pero malaman, at nakakakumbinsing paglalahad ng kanyang mga paniniwala, na suportado nang husto ng maraming talata mula sa Kasulatan. Ang papel na ito, pagkatapos na basahing malakas, ay iniabot niya sa kardinal, na gayunma’y mapanlait na itinapon ito sa isang tabi, at idineklarang ito’y isang bunton ng mga walang-kabuluhang salita at ng mga pagsipi na malayo sa paksa. Si Luther, na gulat na gulat, ay hinarap na ngayon ang mayabang na kardinal sa sarili niyang batayan—ang mga tradisyon at mga turo ng simbahan—at lubusang nilupig ang kanyang mga pagkukunwari.ADP 81.2

    Nang makita ng kardinal na ang panga-ngatwiran ni Luther ay hindi masasagot, nawala na ang lahat niyang pagtitimpi, at sa galit ay sumigaw: “Tumalikod ka na! Kung hindi’y ipapadala kita sa Roma, upang doon humarap sa mga hukom na inatasang duminig sa iyong kaso. Ititiwalag kita at lahat ng mga kapanalig mo at lahat ng sasang-ayon sa iyo anumang oras, at sila’y ipagtatabuyan sa simbahan.” At sa wakas ay sinabi niya, sa isang mayabang at galit na tono: “Tumalikod ka na, o hindi ka na makakauwi.”—D’Aubigné, London ed., b. 4, ch. 8.ADP 81.3

    Ang Repormador ay mabilis na umalis kasama ng kanyang mga kaibigan, sa gayo’y malinaw na sinasabing walang pagtalikod na maaasahan sa kanya. Hindi ganito ang balak ng kardinal. Pinaniwala niya ang kanyang sarili na sa pamamagitan ng dahas ay masisindak niya si Luther para magpasakop. At ngayon, iniwang mag-isa kasama ng kanyang mga tagasuporta, tiningnan niya sila nang isa-isa sa lubos na pagkapahiya sa hindi inaasahang kabiguan ng kanyang mga piano.ADP 81.4

    Ang mga pagpupunyagi ni Luther sa pangyayaring ito ay hindi nawalan ng magandang resulta. Ang malaking kapulungan na naroon ay nagkaroon ng pagkakataong paghambingin yung dalawang tao, at sila mismo ay makakahatol sa espiritung ipinakita nila, at ganon din sa tatag at katotohanan ng kanilang mga paninindigan. Kitang-kita talaga ang pagkakaiba! Ang Repormador, na simple lang, mapagpakumbaba, at matatag, ay tumayo sa kalakasan ng Diyos, na sa panig niya’y ang katotohanan; ang kinatawan ng papa naman, na hambog, abusado, mapanghamak, at hindi makatwiran, na wala ni isa mang pangangatwiran na galing sa Kasulatan, pero galit na galit na sumisigaw: “Tumalikod ka na, kung hindi’y ipapadala kita sa Roma para parusahan.”ADP 81.5

    Kahit na nakakuha ng pases si Luther, ang mga Romanista ay lihim pa ring nagbabalak na siya’y dakpin at ibilanggo. Hinimok siya ng kanyang mga kaibigan na yamang wala nang kabuluhang patagalin pa niya ang pananatili roon, dapat ay bumalik na agad siya sa Wittenberg, at mag-ingat nang maigi upang maitago ang mga balak niya. Kaya’t siya’y umalis sa Augsburg bago magbukang-liwayway, sakay sa kabayo, na ang kasama lang ay isang tagaturo ng daan na pinasama sa kanya ng mahistrado. Bagaman labis na kinakabahan ay palihim siyang umutayutay sa madidilim at tahimik na lansangan ng lunsod. Ang mga kaaway, na alisto at malupit, ay lihim na binabalak ang kanyang kamatayan. Matatakasan kaya niya ang mga bitag na inihanda para sa kanya? Iyon ay mga sandali ng pag-aalala at taimtim na pananalangin. Nakarating na siya sa isang maliit na pintuan sa may pader ng lunsod. Binuksan ito para sa kanya, at kasama ng tagaturo niya ng daan, siya’y nakalampas nang walang hadlang. Nang sila’y matiwasay na makalabas, ay nagmadali ang mga pugante sa kanilang pagtakas, at bago pa malaman ng kinatawan ng papa ang pag-alis ni Luther, ay malayo na siya at hindi na maaabutan ng mga umuusig sa kanya. Si Satanas at ang kanyang mga sugo ay natalo. Ang taong sa akala nila’y nasa kapangyarihan na nila ay nawala, nakatakas gaya ng ibon mula sa bitag ng nanghuhuli ng ibon.ADP 81.6

    Nang mabalitaan ng kinatawan ang pagtakas ni Luther, siya’y nalipos ng pagkabigla at galit. Inasahan niyang siya’y makakatanggap ng malaking karangalan sa katalinuhan at katatagan ng pakikitungo niya sa taong ito na nanggugulo sa simbahan; subalit ang kanyang pag-asa ay nabigo. Ipinahayag niya ang kanyang galit sa isang sulat kay Frederick, ang elektor ng Saxony, na nagngangalit na tinutuligsa si Luther at ipinag-uutos kay Frederick na ipadala ang Repormador sa Roma o kaya’y palayasin siya sa Saxony.ADP 82.1

    Bilang pagtatanggol, ay iginiit ni Luther na ipakita sa kanya ng kinatawan o kaya’y ng papa ang kanyang mga kamalian mula sa Kasulatan, at sa pinakataimtim na paraan ay ipinangako niyang tatalikuran niya ang kanyang mga doktrina kung ang mga ito’y maipapakitang sumasalungat sa Salita ng Diyos. At ipinahayag din niya ang kanyang pagpapasalamat sa Diyos dahil siya’y ibinilang na karapat-dapat na maghirap sa isang napakabanal na gawain.ADP 82.2

    Ang elektor sa ngayon ay wala pang gaanong alam sa mga bagong doktrina, ngunit labis siyang napahanga ng katapatan, tindi, at linaw ng mga salita ni Luther; at hangga’t hindi pa napapatunayang mali ang Repormador, si Frederick ay nagpasyang tumayo bilang tagapagtanggol niya. Bilang tugon sa ipinag-uutos ng kinatawan ng papa ay sumulat siya: ” ‘Yamang humarap na si Doctor Martin sa iyo sa Augsburg, dapat ay masiyahan ka na. Hindi namin inaasahang magsisikap ka na patalikurin siya sa kanyang paniniwala nang hindi pa nga siya napapaniwala na siya’y mali. Walang sinumang may pinag-aralang tao sa aming pamunuan ang nakapagsabi sa akin na ang doktrina ni Martin ay hindi maka-Diyos, laban sa Kristiyano, o kaya’y laban sa iglesya.’ Bukod pa rito ay hindi pumayag ang prinsipe na ipadala si Luther sa Roma, o kaya’y paalisin siya sa kanyang bayan.”—D’Aubigné, b. 4, ch. 10.ADP 82.3

    Nakita ng elektor na merong pangkalahatang pagguho ng mga pampigil sa moralidad ng lipunan. Isang malaking gawain ng reporma ang kinakailangan. Ang masasalimuot at magastos na panukala upang pigilan at parusahan ang krimen ay hindi na kailangan kung kikilalanin at susundin lang ng mga tao ang mga ipinag-uutos ng Diyos at ang udyok ng isang naliwanagang konsensya. Nakita niyang si Luther ay gumagawa upang makamit ang layuning ito, at lihim siyang nagagalak na isang mas mabuting impluwensya ang nagpaparamdam sa loob ng simbahan.ADP 82.4

    Nakita rin niya na bilang isang propesor sa unibersidad, si Luther ay lubhang matagumpay. Isang taon pa lang ang lumilipas mula noong ipaskil ng Repormador ang kanyang mga tesis sa pintuan ng kastilyong simbahan, pero marami na ang nabawas sa bilang ng mga relihiyosong manlalakbay na dumadalaw sa simbahan kapag kapistahan ng Todos Los Santos. Ang Roma ay nabawasan ng mga nagsisimba at ng mga abuloy, ngunit sila’y pinunan ng iba namang mga tao, na ngayo’y nagpupunta sa Wittenberg, hindi sila mga relihiyosong manlalakbay na sasamba sa mga banal na alaala nito, kundi mga mag-aaral na pupuno sa mga bulwagan ng paaralan nito. Ang mga sinulat ni Luther ay nagpaningas kahit saan ng isang bagong interes sa Banal na Kasulatan, at hindi lang sa lahat ng lugar sa Germany, kundi mula sa ibang mga lupain, ang mga mag-aaral ay nagdagsaan sa unibersidad. Ang mga kabataang lalaki na ngayon pa lang nakita sa Wittenberg, ay “itinaas ang kanilang mga kamay sa langit, at pinuri ang Diyos dahil ang katotohanan ay pinasikat Niya nang maliwanag mula sa lunsod na ito, gaya ng Zion noong mga unang panahon, at mula dito’y kumalat ito kahit sa pinakamalalayong bansa.”—Ibid., b. 4, ch. 10.ADP 82.5

    Si Luther hanggang ngayon ay bahagya pa lang nahihikayat mula sa mga kamalian ng Romanismo. Subalit habang inihahambing niya ang mga Banal na Kapahayagan sa mga kautusan at konstitusyon ng kapapahan, siya’y napuno ng pagtataka. “Binabasa ko,” sulat niya, “ang mga kautusan ng mga papa, at... hindi ko alam kung ang papa mismo ang anticristo, o ang kanyang mga apostol, sapagkat dito, si Cristo’y labis na inilalarawan nang mali at ipinapako sa krus.”— Ibid., b. 5, ch. 1. Pero sa panahong ito si Luther ay tagapagtaguyod pa rin ng Simbahang Romano, at walang iniisip na kailanma’y hihiwalay siya sa pakikiisa rito.ADP 82.6

    Ang mga sinulat ng Repormador at ang kanyang doktrina ay nakakarating na sa bawat bansa sa Sangkakristiyanuhan. Ang gawain ay lumaganap sa Switzerland at Holland. Ang mga kopya ng kanyang mga isinulat ay nakapasok sa France at Spain. Sa England ay tinanggap ang mga turo niya na parang Salita ng buhay. Sa Belgium at Italy ay nakaabot din ang katotohanan. Libu-libo ang nagigising mula sa parang patay nilang kawalang malasakit tungo sa kagalakan at pag-asa ng isang buhay na may pananampalataya.ADP 83.1

    Ang Roma ay lalong nagalit sa mga panunuligsa ni Luther, at idineklara ng ilan sa mga panatiko niyang kalaban, at ng mga doktor pa nga sa mga Katolikong unibersidad, na walang kasalanan ang sino mang makakapatay sa rebeldeng mongheng ito. Isang araw isang estranghero, na may nakatagong baril sa kanyang balabal, ang lumapit sa Repormador at nagtanong kung bakit siya’y naglalakad na mag-isa. “Ako’y nasa kamay ng Diyos,” sagot ni Luther. “Siya ang aking lakas at sanggalang. Anong magagawa ng tao sa akin?”— Ibid., b. 6, ch. 2. Pagkarinig ng mga salitang ito, ang estranghero ay namutla at umalis na parang tumatakas sa harapan ng mga anghel sa langit.ADP 83.2

    Ang Roma ay disididong mapatay si Luther; ngunit ang Diyos ang kanyang sanggalang. Ang kanyang mga doktrina ay narinig kahit saan—“sa maliliit na bahay, at mga kumbento,...sa mga kastilyo ng mga maharlika, sa mga unibersidad, at sa mga palasyo ng mga hari;” at ang mga mahal na tao ay nagsisibangon sa lahat ng panig upang alalayan ang kanyang mga pagsisikap.— Ibid., b. 6, ch. 2.ADP 83.3

    Noong mga panahong ito, dahil sa pagbabasa ng mga sinulat ni Huss, ay natuklasan ni Luther na ang dakilang katotohanan ng pag-aaring ganap sa pamamagitan ng pana-nampalataya, na kanya mismong sinisikap na itaguyod at ituro, ay pinanghahawakan pala ng Repormador na taga-Bohemia. Sabi ni Luther, “Kaming lahat, si Pablo, si Augustine, at ako, ay mga Hussites pala nang hindi namin nalalaman!” “Tiyak na ipaghihiganti ng Diyos sa sanlibutan,” pagpapatuloy niya, “ang katotohanan na naipangaral dito isang daang taon na ang nakakalipas, pero sinunog!”—Wylie, b. 6, ch. 1.ADP 83.4

    Sa isang panawagan sa emperador at sa mga mahal na tao sa Germany para sa Repormasyon ng Kristiyanismo, si Luther ay sumulat tungkol sa papa: “Isang kakilakilabot na bagay na ang taong tinatawag na kinatawan ni Cristo ang sarili, ay makitang nagpapamalas ng karangyaang hindi mapapantayan ng sinumang emperador. Ganito ba ang pagiging gaya ng dukhang si Jesus, o ng maralitang si Pedro? Siya raw ang panginoon ng sanlibutan, sabi nila! Ngunit si Cristo, na ipinagmamalaki niyang siya ang kahalili, ay nagsabi, ‘Ang kaharian Ko ay hindi sa sanlibutang ito.’ Puwede kayang mas malawak pa ang kaharian ng kahalili kaysa sa kanyang superyor?”—D’Aubigné, b. 6, ch. 3.ADP 83.5

    Siya’y sumulat ng ganito sa mga uniber-sidad: “Ako’y lubhang natatakot na ang mga unibersidad ay lalabas na malalaking pintuan ng impiyerno, malibang ang mga ito’y masikap na gumawa sa pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan, at iukit ito sa puso ng mga kabataan. Hindi ko ipinapayo sa sinuman na papasukin ang kanilang anak sa lugar na ang mga Kasulatan ay hindi nangingibabaw nang higit sa lahat. Lahat ng institusyon na ang mga tao ay hindi patuloy na tinatahanan ng Salita ng Diyos, ay magiging tiwali.”—Ibid., b. 6, ch. 3.ADP 83.6

    Ang panawagang ito ay mabilis na kumalat sa buong Germany at nagkaroon ng isang makapangyarihang impluwensya sa mga tao. Ang buong bansa ay napakilos, at napakaraming tao ang nagising upang magtipun-tipon sa palibot ng bandila ng reporma. Ang mga kalaban ni Luther, na nag-aapoy sa paghahangad na makaganti, ay hinimok ang papa na gumawa ng mga disididong hakbang laban sa kanya. Ipinagutos na ang kanyang mga doktrina ay dapat na kundenahin agad. Animnapung araw ang ipinagkaloob sa Repormador at sa kanyang mga tagasunod, na kapag hindi pa rin sila tumalikod at natapos na ito, silang lahat ay ititiwalag.ADP 83.7

    Iyon ay isang matinding krisis para sa Repormasyon. Sa loob ng daan-daang taon, ang hatol na pagtitiwalag ng Roma ay nagdala ng takot sa mga makapangyarihang hari; ito’y lumipos ng kapighatian at pangungulila sa mga napakalalakas na imperyo. Yung mga nababagsakan ng parusang ito ay labis na kinatatakutan at pinangingilabutan ng lahat; sila’y binabawalang makipag-usap sa kanilang mga kapwa, at itinuturing na mga bandido, na dapat tugisin hanggang malipol. Hindi bulag si Luther sa bugso ng galit na malapit nang sumabog sa kanya; ngunit tumayo siyang matatag, na nagtitiwalang si Cristo’y magiging tagaalalay at sanggalang niya. Taglay ang pananampalataya at tapang ng isang martir na isinulat niya: “Kung anong malapit nang mangyari ay hindi ko alam, at ayaw kong malaman.... Tumama na ang dagok kung saan ito tatama, wala akong takot. Ang isang dahon ay hindi nalalaglag nang wala ang kalooban ng ating Ama. Gaano pa nga kaya Siyang mangangalaga sa atin! Madali lang ang mamatay para sa Salita, yamang ang Salita mismo na naging tao ay namatay. Kung tayo’y mamatay sa Kanya, tayo’y mabubuhay din sa Kanya; at dahil tayo’y dumadaan sa dinaanan Niya na nauna sa atin, tayo’y makakarating din kung nasaan Siya ngayon at makakapiling Siya magpakailanman.”—Ibid., 3rd London ed., Walther, 1840, b. 6, ch. 9.ADP 83.8

    Nang ang kautusan ng papa ay makarating kay Luther, ay sinabi niya: “Kinamumuhian at tinutuligsa ko ito, bilang lapastangan, at sinungaling.... Si Cristo mismo ang hinahatulan nito.... Nagagalak ako sa pagtitiis ng ganong mga pinsala dahil sa pinakamabubuting kadahilanan. Nararamdaman ko na ang higit na kalayaan sa aking puso; sapagkat sa wakas ay alam ko na, na ang papa ay anticristo, at ang kanyang trono ay trono mismo ni Satanas.”—D’Aubigné, b. 6, ch. 9.ADP 84.1

    Pero ang kautusan ng Roma ay hindi nawalan ng epekto. Ang bilangguan, pagpapahirap, at tabak ay mabibisang sandata upang ipilit ang pagsunod. Ang mga mahihina at mapamahiin ay nanginig dahil sa kautusan ng papa; at bagaman may pangkalahatang pagdamay kay Luther, marami pa rin ang nakakadama na ang buhay ay napakamahal upang isapanganib sa gawain ng repormasyon. Lahat ay parang nagpapahiwatig na ang gawain ng Repormador ay magwawakas na.ADP 84.2

    Ngunit si Luther ay wala pa ring takot. Ibinato na ng Roma ang mga sumpa nito laban sa kanya, at nagmasid ang buong sanlibutan, walang nag-aalinlangang siya’y mapapahamak o kaya’y mapipilit na sumuko. Ngunit may matinding kapangyarihang ibinato niya pabalik sa Roma ang hatol na kaparusahan at hayagan niyang idineklara ang kanyang kapasyahang talikuran na ito magpakailanman. Sa presensya ng napakaraming estudyante, mga doktor, at lahat ng uri ng mamamayan, ay sinunog ni Luther ang kautusan ng papa, pati na ang mga batas ng simbahan, ang mga kasagutan ng papa sa mga tanong sa doktrina, at ilang mga kasulatan na nagpapatunay sa kapangyarihan ng papa. Ang sabi niya, “Pininsala ng mga kaaway ko ang layunin ng katotohanan sa isipan ng mga karaniwang tao at ipinahamak ang kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunog sa aking mga aklat; dahil dito’y sinusunog ko rin ang kanilang mga aklat. Magsisimula pa lang ang isang malubhang pagtutunggali. Hanggang ngayon ay nakikipaglaro pa lang ako sa papa. Sinimulan ko ang gawaing ito sa pangalan ng Diyos; ito’y matatapos nang wala ako, at sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan.”—Ibid., b. 6, ch. 10.ADP 84.3

    Sa mga paninira ng kanyang mga kaaway na lumalait sa kanya dahil sa kahinaan ng kanyang gawain, ay tumugon si Luther: “Sinong nakakaalam kung hindi nga ako pinili at tinawagan ng Diyos, at kung hindi nga nila dapat katakutan na, sa paghamak sa akin ay hinahamak nila ang Diyos mismo? Nag-iisa lang si Moises noong panahon ng paglabas sa Ehipto; nag-iisa lang si Elias noong naghahari si Haring Ahab; nag-iisa lang si Isaias sa Jerusalem; at si Ezekiel ay nag-iisa lang sa Babilonia.... Ang Diyos ay hindi pumili ng punong saserdote o iba pa mang dakilang tao para maging propeta; kundi kalimitan ay pumili Siya ng simple at hinahamak na mga tao, at isang beses ay kahit ang pastol na si Amos. Sa bawat panahon, ay kinailangang sawayin ng mga banal ang mga dakilang tao, mga hari, prinsipe, pari, at matatalinong tao, kahit manganib ang kanilang buhay.... Hindi ko sinasabing ako’y isang propeta; ngunit sinasabi kong dapat talaga silang matakot dahil ako’y nag-iisa at sila’y marami. Ako’y nakatitiyak dito, na ang Salita ng Diyos ay sumasaakin, at ito’y wala sa kanila.”— Ibid., b. 6, ch. 10.ADP 84.4

    Ngunit nagdanas muna si Luther ng matinding pakikipagpunyagi sa sarili bago niya ipinasya ang tiyak na paghiwalay niya sa simbahan. Siguro’y noong mga panahong ito niya isinulat: “Higit kong nadadama araw-araw kung gaano kahirap ang isaisantabi ang mga pagdududang tinanggap mo mula noong pagkabata. O, anong laking kirot ang idinulot sa akin ng pangangatwiran sa aking sarili na dapat akong mangahas na tumayong mag-isa laban sa papa, at itanghal siya bilang anticristo, bagaman nasa akin ang Kasulatan! Ano bang masaklap na karanasan ang hindi dinanas ng aking puso! Ilang beses bang hindi ko masaklap na itinanong sa sarili ko ang tanong na madalas na maririnig sa mga labi ng mga makapapa: ‘Ikaw lang ba ang matalino? Mali kaya ang lahat ng iba pa? Paano ‘yan, kung pagkatapos ng lahat, ay ikaw pala ang mali, at idinamay mo pa ang maraming kaluluwa sa iyong kamalian, sino kaya ang mapapahamak magpakailanman?’ Ganyan ako nakipaglaban sa aking sarili at kay Satanas, hanggang patibayin ni Cristo ang aking puso laban sa mga pag-aalinlangang ito, sa pamamagitan ng sarili Niyang salita na hindi nagkakamali.”—Martyn, pp. 372, 373.ADP 85.1

    Pinagbantaan ng papa si Luther na siya’y ititiwalag kapag hindi siya tumalikod, at ang banta ay tinupad na ngayon. Isang bagong kautusan ng papa ang lumabas, na naghahayag sa tiyakang paghiwalay ng Repormador sa Simbahang Romano, na tumutuligsang siya’y sinumpa ng Langit, at kasama na sa ganong kahatulan ang lahat ng tatanggap sa kanyang mga doktrina. Ang dakilang labanan ay pinasok na nang lubusan.ADP 85.2

    Ang pagsalungat ay kapalaran ng lahat ng ginagamit ng Diyos upang ipahayag ang mga katotohanang angkop lalo na sa kanilang kapanahunan. Sa kapanahunan ni Luther ay may napapanahong katotohanan—isang katotohanan na may tanging kahalagahan noong panahong iyon; may napapanahon ding katotohanan para sa iglesya ngayon. Siyang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa pamamatnubay ng Kanyang kalooban ay nalulugod na ilagay ang mga tao sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan, at itagubilin sa kanila ang mga tungkuling hindi karaniwan sa kapanahunang kinabubuhayan nila, at sa mga kalagayang pinaglagyan sa kanila. Kung pahahalagahan nila ang liwanag na ibinigay sa kanila, ay mabubuksan sa kanila ang mas malalawak na pananaw sa katotohanan. Ngunit hindi higit ang paghahangad ng karamihan ngayon sa katotohanan kaysa doon sa mga makapapa na sumalungat kay Luther. May ganon ding hilig na tanggapin ang mga kuru-kuro at tradisyon ng mga tao sa halip na ang Salita ng Diyos gaya noong mga nakaraang panahon. Yung mga nagpapahayag ng katotohanan para sa panahong ito ay hindi dapat umasang sila’y mas tatanggapin nang may pagsang-ayon kaysa sa mga unang repormador. Ang malaking tunggalian sa pagitan ng katotohanan at kamalian, sa pagitan ni Cristo at ni Satanas, ay mas lalo pang titindi hanggang sa pagtatapos ng kasaysayan ng sanlibutang ito.ADP 85.3

    Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Kung kayo’y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo’y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo’y pinili Ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. Alalahanin ninyo ang salitang sinabi Ko sa inyo, ‘Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung Ako’y kanilang inusig, kayo man ay kanilang uusigin din; kung tinupad nila ang Aking salita, ang inyo man ay tutuparin din nila” (Juan 15:19, 20). At sa isa pang dako ay malinaw na inihayag ng ating Panginoon: “Kahabag-habag kayo kapag ang lahat ng mga tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta” (Lucas 6:26). Ang espiritu ng sanlibutan ay hindi mas kasang-ayon ng espiritu ni Cristo ngayon kaysa noong mga unang panahon, at yung mga nangangaral ng Salita ng Diyos sa kalinisan nito ay hindi mas tatanggaping may pagsang-ayon ngayon kaysa noon. Ang mga anyo ng pagsalungat sa katotohanan ay maaaring magbago, ang galit dito ay maaaring hindi gaanong lantad dahil ito’y mas mapanlinlang; ngunit ang ganon ding pagsalungat ay nananatili pa rin at ito’y makikita hanggang sa wakas ng panahon.ADP 85.4

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents