Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    9—Ang Swiss na Repormador

    Sa pagpili ng mga gagamitin para sa repormasyon ng iglesya, ang banal na panukala ring iyon sa pagkatatag ng iglesya ang makikita. Nilampasan lang ng Gurong mula sa langit ang mga dakilang i tao sa lupa, ang mga titulado at mayayaman, na bihasang tumanggap ng papuri at parangal bilang lider ng mga tao. Sila’y lubhang mapagmalaki at sobrang tiwala sa sarili dahil sa ipinagyayabang nilang kataasan anupa’t sila’y hindi maaaring mahubog para makiramay sa kanilang kapwa-tao at maging kamanggagawa ng simpleng Lalaki ng Nazaret. Sa mga walang pinag-aralan, at nagpapakapagod na mangingisda ng Galilea ibinigay ang panawagang: “Sumunod kayo sa Akin at gagawin Ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19). Ang mga alagad na ito ay mapagpakumbaba at madaling turuan. Kung hindi gaanong naimpluwensyahan ng mga maling aral ng kanilang kapanahunan, mas matagumpay na matuturuan at masasanay sila ni Cristo para sa Kanyang serbisyo. Ganon din sa kapanahunan ng Dakilang Repormasyon. Ang mga pangunahing Repormador ay mga taong mula sa simpleng buhay—mga taong pinakamalaya kaysa sa sinuman noong panahon nila, mula sa pagmamataas dahil sa katungkulan, at mula sa impluwensya ng pagkapanatiko at ng pakana ng mga pari. Panukala ng Diyos na gumamit ng mga mapagpakumbabang instrumento upang makagawa ng malalaking resulta. Sa gayon ang kaluwalhatian ay hindi maibibigay sa tao, kundi sa Kanya na gumagawa sa pamamagitan nila upang naisin at gawin ang sarili Niyang mabuting kalooban.ADP 100.2

    Ilang linggo pagkatapos na maipanganak si Luther sa kubo ng isang minero sa Saxony, si Ulric Zwingli naman ay ipinanganak sa dampa ng isang pastol sa kabundukan ng Alps. Ang kapaligiran ni Zwingli noong bata pa siya, at ang una niyang pagsasanay ay ganon sa makakapaghanda sa kanya para sa misyon niya sa hinaharap. Dahil pinalaki sa gitna ng mga tanawin ng kadakilaan, kagandahan at kahanga-hangang karilagan ng kalikasan, ang isipan niya ay maagang nakintalan ng pagkadama sa kadakilaan, kapangyarihan, at karangalan ng Diyos. Ang kasaysayan ng magigiting na gawaing nakamit sa kabundukang kinagisnan niya ay nagpaalab sa mga hangarin ng kanyang kabataan. At sa tabi ng kanyang maka-Diyos na lola, siya’y nakinig sa ilang mahahalagang kuwento sa Biblia na napulot ng kanyang lola sa gitna ng mga alamat at tradisyon ng iglesya. Sa nasasabik na pagkawili ay pinakinggan niya ang tungkol sa mga dakilang kabayanihan ng mga propeta at mga patriyarka, ang tungkol sa mga pastol na nagbabantay ng kanilang mga tupa sa mga burol ng Palestina kung saan nakipag-usap sa kanila ang mga anghel, ang tungkol sa Sanggol ng Bethlehem at sa Lalaki ng Kalbaryo.ADP 101.1

    Gaya ni John Luther, ang ama ni Zwingli ay naghahangad ng isang edukasyon para sa kanyang anak, at ang bata ay maagang napalayo sa kinagisnan niyang lambak. Ang kanyang isip ay mabilis na lumago, at hindi natagalan ay naging problema na kung saan hahanap ng mga gurong may kakayahang magturo sa kanya. Sa edad na 13, siya’y nagtungo sa Bern, na noo’y naroon ang pinakakilalang paaralan sa Switzerland. Kaya lang, dito ay bumangon ang isang panganib na nagbabantang sumira sa kinabukasan ng kanyang buhay. Ang mga disididong pagsisikap ay isinagawa ng mga prayle upang hikayatin siyang pumasok sa monasteryo. Ang mga mongheng Dominiko at Pransiskano ay magkaagaw sa pagtangkilik ng mga tao. Ito ay pinagsisikapan nilang matamo sa pamamagitan ng mga mapagmarangyang dekorasyon sa kanilang mga simbahan, ng karingalan ng kanilang mga seremonya, at ng pag-akit ng mga tanyag na banal na alaala at nagmimilagrong mga rebulto.ADP 101.2

    Nakita ng mga Dominiko ng Bern na kung makukuha nila ang matalinong kabataang mag-aaral na ito, matatamo nila kapwa ang kalamangan at karangalan. Ang labis niyang kabataan, ang likas niyang kakayahan bilang tagapagsalita at manunulat, at ang kadalubhasaan niya sa musika at tula, ay magiging mas mabisa pa kaysa sa lahat nilang pagpapakitang-gilas at pagtatanghal para sa pag-akit ng mga tao sa kanilang mga serbisyo, at pagpaparami sa kita ng kanilang samahan. Sa pamamagitan ng pandaraya at pambobola ay sinikap nilang himukin si Zwingli na pumasok sa kanilang kumbento. Si Luther, noong estudyante pa sa paaralan, ay isinubsob ang kanyang sarili sa silid ng kumbento, at napariwara na sana siya sa sanlibutan kung hindi lang siya pinalaya ng pamamatnubay ng Diyos. Si Zwingli ay hindi binayaang makaharap ang ganong panganib. Sa kalooban ng Diyos ay nakatanggap ang kanyang ama ng impormasyon tungkol sa mga binabalak ng mga prayle. Wala siyang balak na payagan ang kanyang anak na tularan ang walang-ginagawa at walang-kabuluhang buhay ng mga monghe. Nakita niyang nakataya ang kinabukasan ng kanyang anak, at inutusan siyang umuwi agad.ADP 101.3

    Ang utos ay sinunod; ngunit ang kabataan ay hindi mapalagay nang matagal sa kanyang kinagisnang lambak, at di-nagtagal ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Basel na pinuntahan niya pagkalipas ng ilang panahon. Dito unang narinig ni Zwingli ang ebanghelyo tungkol sa walang-bayad na biyaya ng Diyos. Si Wittembach na isang tagapagturo ng mga sinaunang wika, samantalang nagaaral ng Griyego at Hebreo, ay naakay sa mga Banal na Kasulatan, at sa gayon ang mga sinag ng banal na liwanag ay nabuhos sa isipan ng mga mag-aaral na tinuturuan niya. Ipinahayag niya na merong katotohanang mas sinauna pa, at ang kahalagahan ay walang-hanggang mas dakila pa kaysa mga teoryang itinuturo ng mga tagapagturo sa paaralan at ng mga pilosoper. Ito ang sinaunang katotohanan, na ang kamatayan ni Cristo ay Siyang tanging katubusan ng makasalanan. Kay Zwingli, ang mga salitang ito ay gaya ng unang sinag ng liwanag na sinusundan ng pamimitak ng araw.ADP 101.4

    Di-nagtagal ay tinawagan si Zwingli sa Basel upang simulan na ang kanyang panghabambuhay na gawain. Ang unang destino ng kanyang paglilingkod ay sa isang parokya sa may kabundukan ng Alps, hindi kalayuan sa kanyang kinalakhang lambak. Pagkatanggap ng ordinasyon niya bilang pari, siya’y “buong kaluluwang nagtalaga ng kanyang sarili sa pagsasaliksik ng banal na katotohanan; sapagkat alam na alam niya,” sabi ng isang kasamahang Repormador, “kung gaano karami ang dapat niyang malaman bilang pinagkatiwalaan ng kawan ni Cristo.”—Wylie, b. 8, ch.ADP 102.1

    5. Habang higit niyang pinag-aaralan ang Kasulatan, lalo namang nagiging malinaw ang pagkakaiba ng mga katotohanan nito at ng mga maling paniniwala ng Roma. Nagpasakop siya sa Biblia bilang Salita ng Diyos, ang tanging sapat, at hindi nagkakamaling tuntunin. Nakita niya na ito ang dapat na maging sarili nitong tagapagpaliwanag. Hindi siya nangahas na ipaliwanag ang Kasulatan upang patunayan ang isang teorya o doktrinang una nang naisip, kundi pinanindigan na tungkulin niya na alamin kung ano ang maliwanag at malinaw na aral nito. Sinikap niyang samantalahin ang lahat ng tulong upang magtamo ng lubos at tamang pagkaunawa sa kahulugan nito, at hiningi niya ang tulong ng Banal na Espiritu, na ayon sa kanya’y, maghahayag nito sa lahat ng naghahanap dito na may katapatan at pananalangin.ADP 102.2

    “Ang mga Kasulatan,” sabi ni Zwingli, “ay galing sa Diyos, hindi galing sa tao, at ang Diyos pa ngang iyon na nagpapaunawa, ang magpapaunawa sa inyo na ang pananalita nito ay galing sa Diyos. Ang Salita ng Diyos...ay hindi maaaring mabigo; ito’y maliwanag, itinuturo nito ang sarili nito, ibinubunyag nito ang sarili nito, tinatanglawan nito ng buong kaligtasan at biyaya ang kaluluwa, pinagiginhawa ito sa Diyos, ibinababa ito, upang di-makita at mawala pa nga ang sarili nito, at tanggapin ang Diyos.”—Wylie, b. 8, ch. 6. Ang katoto-hanan ng mga salitang ito ay napatunayan mismo ni Zwingli. Tungkol sa kanyang karanasan sa panahong ito, ay sinulat niya bandang huli: “Nang... simulan kong ibigay ang sarili ko nang buong-buo sa Banal na Kasulatan, ang pilosopiya at teolohiya (ng mga paaralan) ay palaging nagpapahiwatig ng pakikipag-away sa akin. Sa wakas ay natauhan ako, at naisip ko, ‘Dapat mong hayaan ang lahat ng kasinungalingang iyan, at alamin kung ano ang kahulugan ng Diyos mula lang lahat sa sarili Niyang simpleng salita.’ Pagkatapos ay sinimulan kong hingin sa Diyos ang Kanyang liwanag, at ang Kasulatan ay nagsimulang maging mas madali para sa akin.”—Ibid., b. 8, ch. 9.ADP 102.3

    Ang doktrinang ipinangangaral ni Zwingli ay hindi galing kay Luther. Ito ay doktrina ni Cristo. “Kung ipinangangaral ni Luther si Cristo,” sabi ng Swiss na Repormador, “ginagawa niya ang ginagawa ko. Yung mga nadala niya kay Cristo ay mas marami kaysa sa naakay ko. Ngunit hindi ito mahalaga. Wala akong ibang pangalang dadalhin maliban sa pangalan ni Cristo, kawal Niya ako, at Siya lamang ang pinuno ko. Wala akong ni isa mang salitang sinulat kay Luther, o si Luther sa akin. At bakit?... Upang maipakita na ang Espiritu ng Diyos ay katugma ng sarili nito, yamang kaming dalawa ay parehong nagtuturo ng doktrina ng Cristo nang may ganong pagkakatulad, gayong wala namang anumang pagsasabwatan.”—D’Aubigné, b. 8, ch. 9.ADP 102.4

    Noong 1516, si Zwingli ay naanyayahan na maging tagapagsalita sa kumbento ng Einsiedeln. Dito’y mas malapitan niyang makikita ang mga katiwalian ng Roma at magkakaroon ng isang impluwensya bilang isang Repormador na mararamdaman nang mas malayo pa sa kanyang sinilangang Alps. Isa sa mga pangunahing pang-akit ng Einsiedeln ay ang rebulto ng Birhen na sinasabing may kapangyarihang gumawa ng mga milagro. Sa itaas ng pasukan ng kumbento ay may nakasulat na, “Dito maaaring matamo ang buong kapatawaran sa mga kasalanan.”—Ibid., b. 8, ch. 5. Sa lahat ng panahon, ang mga relihiyosong manlalakbay ay nagpupunta sa dambana ng Birhen; ngunit sa dakilang taunang kapistahan ng pagtatalaga rito, napakaraming tao ang dumating galing sa lahat ng panig ng Switzerland, at mula pa nga sa France at Germany. Si Zwingli na lubhang nahirapan sa tanawing ito, ay sinamantala ang pagkakataon para ipahayag ang kalayaan sa pamamagitan ng ebanghelyo sa mga aliping ito ng pamahiin.ADP 102.5

    “Huwag ninyong isipin,” sabi niya “na ang Diyos ay nasa simbahang ito nang higit kaysa sa alinmang ibang bahagi ng Kanyang nilikha. Kahit anong bansa ang inyong tinitirhan, ang Diyos ay nasa paligid ninyo, at naririnig kayo.... Ang biyaya ni Cristo ba ay makukuha para sa inyo ng mga walang-kapakinabangang gawain, ng malalayong paglalakbay, mga alay, mga rebulto, pagtawag sa Birhen o sa mga santo?... Anong maitutulong ng napakaraming salita na isinasama natin sa ating mga panalangin? Anong bisa ng isang makintab na talukbong, ng ulong makinis na naahitan, ng mahaba at malambot na kasuotan, o tsinelas na burdado ng ginto?... Ang Diyos ay tumitingin sa puso, at ang mga puso natin ay malayo sa Kanya.” “Si Cristo,” sabi niya “na minsang inialay sa krus, ay Siyang sakripisyo at handog, na nagbayad para sa mga kasala-nan ng mga mananampalataya sa buong walang-hanggan.”—Ibid., b. 8, ch. 5.ADP 103.1

    Sa maraming tagapakinig ang mga turong ito ay hindi katanggap-tanggap. Masaklap na kabiguan para sa kanila ang masabihan na ang nakakapagod nilang paglalakbay ay walang-kabuluhan. Ang kapatawarang malayang iniaalok sa kanila sa pamamagitan ni Cristo ay hindi nila maunawaan. Kontento na sila sa dating daan patungo sa langit na itinakda ng Roma para sa kanila. Sila’y umurong sa kasalimuutan ng pagsasaliksik sa anumang mas mabuti. Mas madaling ipagkatiwala ang kanilang kaligtasan sa mga pari at sa papa kaysa sa maghangad ng kalinisan ng puso.ADP 103.2

    Ngunit tinanggap naman nang may kagalakan ng isa pang uri ng mga tao ang magandang balita ng katubusan sa pama-magitan ni Cristo. Ang mga pangingiling ipinag-utos ng Roma ay hindi nakapagdala ng kapayapaan ng kaluluwa, at sa pana-nampalataya ay tinanggap nila ang dugo ni Cristo bilang pantubos nila. Ang mga ito’y umuwi sa kanilang mga tahanan upang ihayag sa iba ang mahalagang liwanag na kanilang natanggap. Ang katotohanan sa gayon ay nakaabot sa mga kanayunan, sa mga bayan-bayan, at ang bilang ng mga naglalakbay sa dambana ng Birhen ay nabawasan nang husto. Umunti na rin ang mga handog, at dahil dito’y pati na rin ang suweldo ni Zwingli na kinukuha sa mga ito. Ngunit ito’y nakapagpaligaya lamang sa kanya habang nakikita na ang kapangyarihan ng pagkapanatiko at pamahiin ay nawawasak.ADP 103.3

    Ang mga maykapangyarihan sa simbahan ay hindi bulag sa gawaing isinasagawa ni Zwingli; ngunit pansamantala muna nilang pinigilan ang makialam. Dahil umaasa pa rin na makukuha nila siya sa kanilang layunin, sinikap nilang siya’y hikayatin sa pamamagitan ng labis na pagpuri; habang ang katotohanan naman ay nagkakaroon ng kapangyarihan sa puso ng mga tao.ADP 103.4

    Ang paglilingkod ni Zwingli sa Einsiedeln ay naghanda sa kanya para sa mas malawak na bukiran, at ito’y malapit na niyang pasukin. Pagkatapos ng tatlong taon dito, siya nama’y tinawagan sa tungkuling tagapangaral sa katedral ng Zurich. Ito noon ang pinakamahalagang bayan ng kompederasyon ng Switzerland, at ang impluwensyang ilalabas dito ay malawak na mararamdaman. Kaya lang, ang mga pari’t obispo na nag-anyaya sa kanya na pumunta sa Zurich ay nagnanais na hadlangan ang anumang bagong paraan, kung kaya’t pinagbilinan nila siya sa kanyang mga tungkulin.ADP 103.5

    “Gagawin mo ang lahat ng pagsisikap,” sabi nila, “para likumin ang lahat ng kita ng sangay na ito, na hindi kinakaligtaan ang pinakamaliit ng barya. Sa pulpito at sa kumpisalan ay hihikayatin mo ang mga mananampalataya na ibigay ang lahat ng ikapu at mga dapat bayaran, at ipakita sa pamamagitan ng kanilang mga handog ang pagmamahal nila sa simbahan. Magiging masipag ka sa pagpaparami ng perang kinikita mula sa mga maysakit, sa mga misa, at sa lahat ng ordinansang pansimbahan sa pangkalahatan.” “Sa pangangasiwa naman ng mga sakramento, sa pangangaral, at sa pangangalaga sa kawan,” dagdag pa ng mga tagaturo niya, “ito ay katungkulan din ng pari. Pero sa mga ito ay puwede kang kumuha ng kapalit, at lalo na sa pangangaral. Igagawad mo lang ang mga sakramento sa mga taong kilala, at kapag tinawagan lamang; pinagbabawalan kang gawin ito nang walang pagtatangi ng tao.”—Ibid., b. 8, ch. 6.ADP 103.6

    Si Zwingli ay tahimik na nakinig sa mga tagubiling ito, at bilang tugon, matapos niyang ipahayag ang kanyang pasasalamat dahil sa karangalan ng pagkatawag sa kanya sa mahalagang destinong ito, ay ipinaliwanag niya ang kaparaanan na binabalak niyang gamitin. “Ang buhay ni Cristo,” sabi niya, “ay napakatagal nang nakatago sa mga tao. Mangangaral ako batay sa buong ebanghelyo ni San Mateo...kukuha lamang sa mga bukal ng Kasulatan, susukatin ang lalim nito, paghahambingin ang mga talata, at sisikaping maunawaan sa pamamagitan ng walang-tigil at taimtim na pananalangin. Ang aking ministeryo ay itatalaga ko para sa kaluwalhatian ng Diyos, para sa kapurihan ng Kanyang bugtong na Anak, para sa tunay na kaligtasan ng mga kaluluwa, at para sa ikatitibay nila sa tunay na pananampalataya.”—Ibid., b. 8, ch. 6. Bagaman may mga paring tumutol sa kanyang piano, at sinikap siyang himukin na huwag itong gawin, si Zwingli ay nanatiling matatag. Sinabi niyang wala siyang ipapasok na bagong kaparaanan, kundi yung dati na ring kaparaanan na ginamit ng iglesya noong mas una at mas dalisay na kapanahunan nito.ADP 104.1

    May napukaw nang interes sa katotohanang itinuro niya; at ang napakaraming tao ay nagdagsaan para makinig sa kanyang pangangaral. Maraming tao na matagal nang hindi dumadalo sa mga serbisyo ay kasama sa mga tagapakinig niya. Pinasimulan niya ang kanyang ministeryo sa pagbubukas ng Ebanghelyo, at binabasa at ipinaliliwanag sa kanyang mga tagapakinig ang kinasihang salaysay ng buhay, mga itinuro, at kamatayan ni Cristo. Dito, gaya rin sa Einsiedeln, ay ipinakilala niya ang Salita ng Diyos bilang siyang tanging di-nagkakamaling sanggunian at ang kamatayan ni Cristo bilang siyang tanging ganap na sakripisyo. Ang sabi niya, “Kay Cristo ko kayo gustong akayin—kay Cristo, na Siyang tunay na bukal ng kaligtasan.”— Ibid., b. 8, ch. 6. Sa palibot ng mangangaral ay nagsisiksikan ang lahat ng uri ng tao, simula sa mga taong may katungkulan sa pamahalaan at mga iskolar hanggang sa mga manggagawa at magbubukid. May malalim na pag-uusisang sila’y nakinig sa kanyang mga salita. Hindi lamang niya ipinahayag ang alok ng walang-bayad na kaligtasan, kundi walang-takot na sinaway ang mga kasamaan at katiwalian ng kanilang kapanahunan. Marami ang umuwi galing sa katedral na nagpupuri sa Diyos. “Ang taong ito,” sabi nila, “ay mangangaral ng katotohanan. Siya ang magiging Moises natin, na maglalabas sa atin sa kadilimang ito ng Ehipto.”—Ibid., b. 8, ch. 6. Ngunit bagaman sa simula ay tinanggap nang may malaking pananabik ang kanyang paglilingkod, pagkalipas ng ilang panahon ay bumangon ang pagsalungat. Ang mga monghe ay nagsimulang hadlangan ang kanyang gawain at kundenahin ang kanyang mga itinuturo. Marami ang tumuligsa sa kanya sa pamamagitan ng mga pagkutya at pag-ismid; ang iba’y gumamit pa ng kawalang-hiyaan at pagbabanta. Ngunit may pagpapasensyang tiniis ni Zwingli ang lahat, na nagsasabi, “Kung gusto nating madala ang masasama kay Jesu-Cristo, dapat nating ipikit ang ating mga mata sa maraming bagay.”—Ibid., b. 8, ch. 6.ADP 104.2

    Noong mga panahong ito isang bagong ahensya ang dumating upang isulong ang gawain ng reporma. Isang Luciano na may dalang ilang isinulat ni Luther ang isinugo sa Zurich ng isang kapanalig ng bagong pananampalataya sa Basel, na nagmungkahing ang pagbebenta ng mga aklat na ito ay maaaring maging isang makapangyarihang paraan ng pagpapakalat sa liwanag. “Alamin mo,” sulat niya kay Zwingli, “kung ang tao bang ito ay may sapat na pagkamaingat at galing; kung meron, hayaan mo siyang magdala sa bawat lunsod, sa bawat bayan, sa bawat nayon, at kahit sa mga bahaybahay ng mga taga-Switzerland, ng mga sinulat ni Luther lalo na ang kanyang paliwanag sa Panalangin ng Panginoon na isinulat para sa mga karaniwang tao. Habang mas nalalaman ang mga ito, mas dadami rin ang gustong bumili nito.”—Ibid., b. 8, ch. 5. Sa gayon, ang liwanag ay nakapasok.ADP 104.3

    Sa panahong ang Diyos ay naghahandang lagutin ang mga kadena ng kawalangalam at pamahiin, doon din naman gumagawa si Satanas nang may pinakamatinding kapangyarihan upang balutin ng kadiliman ang mga tao at igapos pa nang mas matibay ang mga kadena nila. Habang bumabangon ang mga lalaki mula sa iba’t ibang lugar upang ipahayag sa mga tao ang kapatawaran at pag-aaring ganap sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, ang Roma naman ay nagpatuloy nang may panibagong lakas upang buksan ang kanyang pamilihan sa buong Sangkakristiyanuhan, na nagaalok ng kapatawaran kapalit ng pera.ADP 104.4

    Bawat kasalanan ay may presyo, at ang mga tao’y pinagkalooban ng libreng lisensya para sa krimen, basta’t ang kabangyaman ng simbahan ay napapanatiling punung-puno. Ganyan sumulong ang dalawang kilusang ito—ang isay nag-aalok ng kapatawaran ng kasalanan kapalit ng pera, ang isa nama’y kapatawaran sa pamamagitan ni Cristo—ang Romang nagbibigay ng lisensya sa kasalanan, at pinagkakakitaan ito; at ang mga Repormador na bumabatikos sa kasalanan, at itinuturo si Cristo bilang pantubos at tagapagligtas.ADP 105.1

    Sa Germany, ang pagbebenta ng mga indulhensya ay ipinagkatiwala sa mga prayleng Dominiko, at isinagawa ng walanghiyang si Tetzel. Sa Switzerland naman, ang pagbebentang ito ay ibinigay sa mga kamay ng mga Pransiskano, sa ilalim ng pamamahala ni Samson, isang Italianong monghe. Si Samson ay nakagawa na ng magandang serbisyo sa simbahan, dahil sa pagkuha ng napakalaking halaga mula sa Germany at Switzerland upang punuin ang kabang-yaman ng papa. Ngayon ay binagtas niya ang Switzerland, na inaakit ang napakaraming tao, inaagawan ang mga kaawa-awang magbubukid ng kanilang kakarampot na kinikita, at nangingikil ng malalaking kaloob mula sa mayayamang tao. Ngunit ipinaramdam na ng reporma ang impluwensya nito sa pamamagitan ng pagkabawas sa bentahan, bagaman hindi nito ito mapatigil. Nasa Einsiedeln pa rin si Zwingli nang si Samson, pagkapasok ng Switzerland, ay dumating sa kalapitbayan dala ang mga kalakal niya. Matapos mapagsabihan tungkol sa pakay ng taong ito, ang Repormador ay agad na humayo upang hadlangan siya. Ang dalawa ay hindi nagkaharap, ngunit ganon na lang ang tagumpay ni Zwingli sa pagbubunyag sa mga pagkukunwari ng prayleng ito anupa’t siya’y napilitang lumipat sa ibang lugar.ADP 105.2

    Sa Zurich, si Zwingli ay masigasig na nangaral laban sa mga nagnenegosyo ng kapatawaran; at nang si Samson ay paparating na sa lugar na iyon, siya’y sinalubong ng isang mensahero mula sa konsilyo ng lunsod, na may pahiwatig na siya’y inaasahang lalampas lang. Sa pamamagitan ng pakana ay nakapasok din siya, ngunit pinaalis din nang wala man lang napagbentahan ng kahit isang kapatawaran, at di-nagtagal ay umalis na rin siya sa Switzerland.ADP 105.3

    Isang malakas na puwersa ang naibigay sa reporma ng paglitaw ng salot, o “malaking kamatayan,” na sumuyod sa buong Switzerland noong taong 1519. Habang mukhaang nakakaharap ng mga tao ang tagapuksa, marami ang nakadama kung gaano kawalang-kabuluhan ang mga kapatawaran na kabibili pa lamang nila; at sila’y naghangad ng mas siguradong saligan para sa kanilang pananampalataya. Si Zwingli sa Zurich ay dinapuan din; siya’y lubhang pinanghina anupa’t ang lahat ng pag-asa para sa paggaling niya ay isinuko na, at malawak na kumalat ang balitang siya’y patay na. Sa napakahirap na sandaling iyon ang kanyang pag-asa at lakas ng loob ay hindi natinag. Siya’y tuminging may pananampalataya sa krus ng Kalbaryo, na nagtitiwala sa katubusan sa kasalanan na sapat sa lahat. Nang siya’y makabalik mula sa mga pintuan ng kama-tayan, ipinangaral niya ang ebanghelyo nang may higit na sigla kaysa dati; at ang kanyang mga salita ay nagkaroon ng pambihirang impluwensya. May kagalakang tinanggap ng mga tao ang minamahal nilang pastor, na bumalik sa kanila mula sa bingit ng libingan. Sila mismo ay galing na sa paglilingkod sa mga maysakit at sa mga naghihingalo, at ngayon lang nila nadama ang kabuluhan ng ebanghelyo.ADP 105.4

    Si Zwingli ay nagkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa mga katotohanan nito, at mas lubos niyang naranasan sa kanyang sarili ang bumabagong kapangyarihan nito. Ang pagkakasala ng tao at ang panukala ng pagtubos ang mga paksang tinalakay niya. “Kay Adan,” sabi niya, “tayong lahat ay patay, lubog sa kasamaan at kaparusahan.”—Wylie, b. 8, ch. 9. “Binili ni Cristo para sa atin ang isang walang-katapusang katubusan.... Ang labis Niyang pagpapakasakit ay...isang walang-hanggang sakripisyo, at walangkatapusan ang bisang magpagaling; binibigyang-lugod nito ang katarungan ng Diyos magpakailanman para sa lahat ng mga umaasa rito nang may matatag at di-natitinag na pananampalataya.” Ngunit malinaw niyang itinuro na ang tao ay hindi malayang magpatuloy sa kasalanan nang dahil sa biyaya ng Diyos. “Saanman may pananampalataya sa Diyos, ay naroon din ang Diyos, at kung saan nananahan ang Diyos, ay umiiral doon ang isang sigasig na humihimok at tumutulak sa tao sa mabubuting gawa.”—D'Aubigné, b. 8, ch. 9.ADP 105.5

    Ganon na lang ang pananabik sa mga pangangaral ni Zwingli anupa’t ang katedral ay napuno hanggang sa umawas na ang mga taong dumating upang makinig sa kanya. Unti-unti, hangga’t matatanggap nila, ay binuksan niya ang katotohanan sa kanyang mga tagapakinig. Siya’y maingat na huwag munang magpasok ng mga paksang ikabibigla nila at lilikha ng maling pag-iisip. Ang gawain niya ay ang hikayatin ang kanilang puso kay Cristo, ang palambutin sila sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig, at pamalagiin sa harap nila ang Kanyang halimbawa; at kapag tinanggap nila ang mga prinsipyo ng ebanghelyo, ang mga mapamahiin nilang paniniwala at kaugalian ay tiyak na mapapabagsak.ADP 106.1

    Dahan-dahang sumulong ang Repormasyon sa Zurich. Sa pagkabahala, ang mga kaaway nito ay kumilos para sa aktibong pagsalungat. Nang taong nakalipas, ang monghe ng Wittenberg (si Luther) ay nagsabi ng “Hindi” sa papa at sa emperador doon sa Worms, at ngayon ang lahat ay parang nagpapahiwatig na may magaganap ding ganong paninindigan laban sa mga pag-aangkin ng kapapahan sa Zurich. Paulit-ulit na pag-atake ang ginawa kay Zwingli. Sa mga bahagi ng bansa na hawak ng papa, ang mga alagad ng ebanghelyo ay sinusunog paminsan-minsan, ngunit ito’y hindi pa sapat; ang tagapagturo ng maling paniniwala ay dapat na patahimikin. Kung kaya’t ang obispo ng Constance ay nagpadala agad ng tatlong kinatawan sa Zurich, na inaakusahan si Zwingli na tinuturuan daw ang mga tao na labagin ang mga kautusan ng simbahan, at sa gayon ay isinasapanganib ang kapayapaan at ang magandang kaayusan ng lipunan. Kung isasaisantabi ang kapamahalaan ng simbahan, giit niya, pangkalahatang kaguluhan ang magiging resulta. Sumagot si Zwingli na apat na taon na siyang nagtuturo ng ebanghelyo sa Zurich, “na mas tahimik at mas mapayapa kaysa sa alinmang ibang bayan sa kompederasyon.” Sabi niya, “Kung gayon, hindi ba’t ang Kristiyanismo ang pinakamagaling na tanod sa pangkalahatang katiwasayan?”—Wylie, b. 8, ch. 11.ADP 106.2

    Binalaan ng mga kinatawan ang mga miyembro ng konsilyo na manatili sa iglesya, dahil sa labas nito, sabi nila, ay walang kaligtasan. Sumagot si Zwingli: “Huwag kayong matinag ng akusasyong ito. Ang pundasyon ng iglesya ay ang Bato ring iyon, ang Cristo ring iyon, na nagpangalan kay Pedro dahil matapat niya Siyang ipinahayag. Sa bawat bansa, sinumang sumasampalataya nang buongpuso sa Panginoong Jesus, ay tinatanggap ng Diyos. Nandito talaga ang iglesya, na sa labas nito’y walang sinumang maliligtas.”— D’Aubigne, London ed., b. 8, ch. 11. Bilang bunga ng pag-uusap na iyon, isa sa mga kinatawan ng obispo ang tumanggap sa bagong pananampalataya.ADP 106.3

    Ang konsilyo ay tumangging gumawa ng hakbang laban kay Zwingli, at ang Roma ay naghanda para sa isang bagong pagatake. Ang Repormador, nang masabihan tungkol sa balak ng kanyang mga kaaway, ay bumulalas: “Hayaan mo lang silang pumarito; ang takot ko sa kanila ay gaya ng takot ng banging bato sa mga alon na dumadagundong sa paanan nito.”—Wylie, b. 8, ch. 11. Ang mga pagpupunyagi ng mga pari’t obispo ay nagpalawak lamang sa gawaing sinisikap nilang pabagsakin. Ang katotohanan ay patuloy na kumalat. Sa Germany, ang mga tagasunod nito na nanghina dahil sa pagkawala ni Luther ay muling nabuhayan ng loob habang nakikita nila ang pagsulong ng ebanghelyo sa Switzerland.ADP 106.4

    Samantalang nagiging matatag ang Repormasyon sa Zurich, ang mga bunga nito’y lubos na nakita sa pagkatigil ng bisyo at pagtataguyod sa katahimikan at pagkakasundo. “Ang kapayapaan ay may tirahan sa aming bayan,” sulat ni Zwingli; “walang away, walang pagpapakunwari, walang inggitan, walang gulo. Saan pa manggagaling ang ganyang samahan kundi sa Panginoon, at sa doktrina namin na pumupuno sa amin ng mga bunga ng kapayapaan at kabanalan?”—Ibid., b. 8, ch. 11.ADP 106.5

    Ang mga tagumpay na natamo ng Repormasyon ay nagpakilos sa mga Romanista para sa mas disidido pang pagsisikap upang pabagsakin ito. Dahil nakita kung gaano kaliit ang nagawa ng pag-uusig para pigilan ang gawain ni Luther sa Germany, ipinasya nilang harapin ang reporma sa pamamagitan ng sarili nitong mga sandata. Magdadaos sila ng pakikipagtalo kay Zwingli, at pagkatapos na maayos ang mga bagay-bagay, titiyakin nila ang pagtatagumpay sa pamamagitan ng pagpili nila mismo, hindi lamang ng lugar para sa laban, kundi ng mga hukom na siyang magpapasya sa pagitan ng nagtatalo. At kapag nagkataong nakuha nila si Zwingli sa kanilang kapangyarihan, ay pag-iingatan nilang siya’y hindi makakatakas sa kanila. Kapag ang lider ay napatahimik, mabilis na ring madudurog ang kilusan. Pero ang balak na ito ay maingat na inilihim.ADP 107.1

    Ang pagtatalo ay naitakdang idadaos sa Baden; ngunit wala roon si Zwingli. Ang Konsilyo ng Zurich, na naghihinalang may balak ang mga makapapa, at nabigyangbabala ng mga nagliliyab na bunton sa mga bayang hawak ng kapapahan na sinindihan para sa mga naghahayag ng pananampalataya sa ebanghelyo, ay pinigilan ang kanilang pastor na ilantad ang kanyang sarili sa panganib na ito. Nakahanda siyang harapin sa Zurich ang lahat ng kapanalig na ipapadala ng Roma; pero ang magpunta sa Baden, na doo’y kabubuhos pa lang ng dugo ng mga martir para sa katotohanan, ay pagpunta sa tiyak na kamatayan. Sina Oecolampadius at Haller ang pinili upang kumatawan sa mga Repormador, habang ang tanyag na si Dr. Eck naman, na suportado ng maraming nakapag-aral na doktor at alagad ng simbahan, ang siyang tagapagtanggol ng Roma.ADP 107.2

    Bagaman wala si Zwingli sa pulong na iyon, ang impluwensya naman niya ay nararamdaman. Lahat ng sekretarya ay pili ng mga makapapa, at ang iba’y pinagbawalang magsulat kung ayaw nilang mamatay. Sa kabila nito, si Zwingli ay araw-araw na nakakatanggap ng tumpak na salaysay ng kung anong sinasabi sa Baden. Isang mag-aaral na dumadalo sa pagtatalo ang nagsusulat bawat gabi tungkol sa mga argumentong iniharap nang araw na iyon. Dalawa pang mag-aaral ang naghahatid ng mga papel na ito, kasama ng araw-araw na sulat ni Oecolampadius kay Zwingli sa Zurich. Ang Repormador naman ay tumutugon, na nagbibigay ng payo at mga mungkahi. Isinusulat niya ang kanyang mga liham sa gabi, at ang mga mag-aaral ay bumabalik kinaumagahan dala ang mga ito sa Baden. Para makaiwas sa pagmamasid ng mga bantay na nakatalaga sa pintuangbayan ng lunsod, ang mga sugong ito ay nagsusunong ng isang basket ng itlog sa kanilang ulo, at sila’y pinahihintulutang makalampas nang walang abala.ADP 107.3

    Ganyan naipagpatuloy ni Zwingli ang pakikilaban sa mga tuso niyang katunggali. Siya’y “nakagawa nang higit,” sabi ni Myconius, “sa pamamagitan ng kanyang mga pagbubulay-bulay, ng kanyang mga gabing walang-tulog, at ng payo na ipinadala niya sa Baden, kaysa sa maaaring magawa niya sa pamamagitan ng personal na pakikipagtalo sa gitna ng kanyang mga kaaway.”—D'Aubigné, b. 11, ch. 13.ADP 107.4

    Ang mga Romanista, na tiwala sa inaasahang tagumpay, ay dumating sa Baden na nakasuot ng pinakamaririwasa nilang kasuotan at nangingislap sa mga alahas. Maluho ang kain nila, ang mga hapag-kainan nila ay nalalatagan ng mga pinakamahal na pagkain at ng mga pinakapiling-pili na alak. Ang pasanin sa mga tungkulin nila sa simbahan ay pinagagaan ng pagsasaya at pagkakatuwaan. Kitang-kita ang pagkakaiba nila sa mga Repormador, na ang tingin ng mga tao ay mas maigi lang nang kaunti sa isang grupo ng mga pulubi, at hindi pinagtatagal sa mesa ng mumurahin nilang pagkain. Ang may-ari ng bahay na tinutuluyan ni Oecolampadius na sumasaglit para tingnan siya sa kanyang silid, ay nakikita siyang laging nag-aaral o nananalangin, at sa labis na pagtataka ay nagsumbong na ang erehe kahit papaano ay “napakabanal.”ADP 107.5

    Sa pulong na iyon, “si Eck ay mapagmalaking umakyat sa isang pulpitong naayusan nang mabuti, samantalang ang simpleng si Oecolampadius, na karaniwan lang ang pananamit, ay napilitang umupo sa upuang katapat ng kanyang kalaban, sa isang bangkito na magaspang ang pagkakaukit.”—Ibid., b. 11, ch. 13. Ang napakalakas na boses at napakalaking tiwala ni Eck ay hindi bumigo sa kanya. Ang sigasig niya ay binubuhay ng hangarin sa ginto at ganon din sa katanyagan; sapagkat ang tagapagtanggol ng pananampalataya ay gagantimpalaan ng malaking kabayaran. Kapag ang magagandang argumento ay bigo, gumagamit siya ng mga pang-iinsulto, at mga pagsumpa pa nga gamit ang pangalan ng Diyos.ADP 107.6

    Si Oecolampadius, na mapagpakumbaba, at di-nagtitiwala sa sarili, ay nanliit sa laban, at sinimulan niya ito sa taos-pusong pagsasabi nang tapatan na: “Wala akong ibang kinikilalang batayan ng paghatol maliban sa Salita ng Diyos.”—Ibid., b. 11, ch. 13. Bagaman malumanay at magalang sa pagkilos, pinatunayan niyang siya’y mahusay at matatag. Habang ang mga Romanista, ayon sa nakasanayan nila, ay dumako sa mga kaugalian ng simbahan bilang sanggunian, ang Repormador naman ay nanindigan nang matibay sa Banal na Kasulatan. “Ang kaugalian,” sabi niya, “ay walang kapangyarihan sa aming Switzerland, malibang naaayon sa konstitusyon; ngayon, sa mga bagay na ukol sa pananampalataya, Biblia ang aming konstitusyon.”—Ibid., b. 11, ch. 13.ADP 108.1

    Ang pagkakaiba ng dalawang nagtatalo ay hindi nawalan ng resulta. Ang mahinahon at malinaw na pangangatwiran ng Repormador, na talagang marahan at mapagpakumbabang iniharap, ay pumukaw sa mga isipang tumalikod sa mayayabang at maingay na pagpapalagay ni Eck dahil sa pagkayamot.ADP 108.2

    Ang pagtatalo ay nagpatuloy ng 18 araw. Sa pagtatapos nito, may malaking tiwalang inangkin ng mga makapapa ang pagkapanalo. Karamihan sa mga kinatawan ay pumanig sa Roma, at ipinahayag ng Konseho na ang mga Repormador ay talo, at idineklara na sila, pati na si Zwingli na pinuno nila, ay inihihiwalay na sa simbahan. Ngunit ibinubunyag ng mga bunga ng pagpupulong na iyon kung saang panig naroon ang kalamangan. Ang labanan ay nagbunga ng isang malakas na puwersa sa gawain ng Protestantismo, at hindi nagtagal pagkatapos nito ang maimpluwensyang lunsod ng Bern at Basel ay nagdeklara para sa Repormasyon.ADP 108.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents