Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    14—Ang mga Huling Repormador na taga-England

    Samantalang binubuksan ni Luther sa Germany ang nakasarang Biblia, si Tyndale naman ay kinilos ng Espiritu ng Diyos na gawin din ang ganon sa England. Ang Biblia ni Wycliffe ay naisalin na mula sa tekstong Latin na maraming mali. Ito’y hindi nailimbag, at ang mga kopya ng manuskrito nito ay napakataas ng presyo anupa’t iilang mayayaman at matataas na tao lamang ang maaaring magkaroon nito; at bukod pa rito, dahil sa mahigpit na pagbabawal ng simbahan, talagang medyo babahagya ang pagpapalaganap nito. Noong 1516, isang taon bago lumabas ang tesis ni Luther, ay inilathala ni Erasmus ang Griyego at Latin niyang salin ng Bagong Tipan. Sa unang pagkakataon ang Salita ng Diyos ay nailimbag sa orihinal na wika. Sa gawang ito, maraming pagkakamali sa mga dating salin ang naitama, at ang kahulugan ay mas malinaw na naibigay. Inihatid nito sa mas mabuting pagkaalam ng katotohanan ang marami sa mga may pinag-aralan, at ito’y nagbigay ng panibagong kasiglahan sa gawain ng reporma. Ngunit ang mga karaniwang tao ay malawakan pa ring binabawalan sa Salita ng Diyos. Kailangang tapusin ni Tyndale ang gawain ni Wycliffe sa pagkakaloob ng Biblia sa kanyang mga kababayan.ADP 144.1

    Bilang isang masipag na mag-aaral at tapat na naghahanap ng katotohanan, natanggap niya ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Griyegong Bagong Tipan ni Erasmus. Walang-takot niyang ipinangaral ang mga paniniwala niya, na iginigiit na ang lahat ng doktrina ay dapat subukin sa pamamagitan ng Kasulatan. Sa sinasabi ng mga makapapa na ang simbahan ang nagbigay sa Biblia, at ang simbahan lang ang makakapagpaliwanag nito, ay sumagot si Tyndale: “Alam ba ninyo kung sinong nagturo sa mga agila na maghanap ng kanilang bibiktimahin? Kung ganon, ang Diyos ding iyon ang nagturo sa mga nagugutom Niyang anak na hanapin ang kanilang Ama sa Kanyang Salita. Malayong kayo ang nagbigay sa amin ng Kasulatan, kayo ang nagkubli nito sa amin; kayo ang nagsunog sa mga nagtuturo nito, at kung magagawa lamang ninyo ay susunugin na rin ninyo ang mga Kasulatan mismo.”— D'Aubigné, History of the Reformation of the Sixteenth Century, b. 18, ch. 4.ADP 144.2

    Ang pangangaral ni Tyndale ay pumukaw ng malaking interes; marami ang tumanggap sa katotohanan. Ngunit ang mga pari ay nakahanda, at di nga nagtagal nang iwan niya ang bukiran, ay sinikap nilang sirain ang kanyang mga nagawa sa pamamagitan ng mga pagbabanta at kasinungalingan. Napakadalas na sila’y nagtatagumpay. “Ano bang dapat gawin?” bulalas niya. “Habang ako’y naghahasik sa isang lugar ay sinisira naman ng kaaway ang bukid na kaiiwan ko pa lamang. Ako’y hindi puwedeng nasa lahat ng lugar. O! kung taglay lang sana ng mga Kristiyano ang Banal na Kasulatan sa sarili nilang wika, sila mismo ay makakatagal sa mga manlilinlang na ito. Kung walang Biblia ay imposibleng maitatag sa katotohanan ang mga karaniwang tao.”—Ibid., b. 18, ch. 4.ADP 144.3

    Isang bagong layunin ang pumasok ngayon sa kanyang isipan. Sabi niya, “Kinakanta ang mga awitin doon sa templo ni Jehova sa wika ng Israel; at hindi ba dapat ang ebanghelyo ay magsalita rin sa atin sa wika ng England?... Dapat bang magkaroon ang iglesya ng mas kaunting liwanag sa katanghaliang-tapat kaysa sa madalingaraw?... Dapat mabasa ng mga Kristiyano ang Bagong Tipan sa sarili nilang wika.” Ang mga doktor at mga guro ng simbahan ay hindi magkasundo. Sa pamamagitan lamang ng Biblia mararating ng mga tao ang katotohanan. “Pinaniniwalaan ng isang tao ang doktor na ito, ang isa nama’y iyon.... Ngayon, bawat manunulat na ito ay kontra sa isa’t isa. Papaano natin ngayon malalaman kung sino ang nagsasabi ng tama at sino ang nagsasabi ng mali?... Papaano?... Talaga ngang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos.”—Ibid., b. 18, ch. 4.ADP 144.4

    Hindi pa natatagalan nang ang isang may pinag-aralang Katolikong doktor, na nakikipagtalo sa kanya, ay nagsabi, “Mas mabuti pang wala tayong kautusan ng Diyos kaysa walang kautusan ng papa.” Sumagot si Tyndale, “Hayagan kong nilalabag ang papa at ang lahat niyang kautusan; at kung paliligtasin ng Diyos ang aking buhay, bago pa dumami ang mga taon ay magtuturo ako sa isang batang nag-aararo upang makaalam nang higit sa Kasulatan kaysa sa nalalaman mo.”— Anderson, Annals of the English Bible, pahina 19.ADP 144.5

    Ang layuning sinimulan niyang pakamahalin, na ito’y ang maibigay sa mga tao ang Bagong Tipang Kasulatan sa sarili nilang wika, ay kinumpirma na ngayon, at kaagad niya itong pinagtuunang maigi. Dahil itinaboy ng pag-uusig mula sa sariling bayan, siya ay pumunta sa London, at doon muna tahimik na ipinagpatuloy ang kanyang mga gawain. Ngunit napilitan uli siyang umalis dahil sa karahasan ng mga makapapa. Ang buong England ay parang sarado sa kanya, kaya’t ipinasya niyang maghanap ng kanlungan sa Germany. Dito niya sinimulang ilimbag ang English na Bagong Tipan. Dalawang beses na napatigil ang gawaing ito; ngunit kapag pinagbabawalang maglimbag sa isang lunsod ay pumupunta siya sa kasunod. Sa wakas ay nakarating siya sa Worms, kung saan ilang taon na ang nakakaraan, ay ipinagtanggol ni Luther ang ebanghelyo sa Konseho. Sa matandang lunsod na ito ay maraming kaibigan ang Repormasyon, at dito ipinagpatuloy ni Tyndale ang kanyang gawain nang wala nang hadlang pa. Tatlong libong kopya ng Bagong Tipan ang agad na natapos, at isa pa uling edisyon ang sumunod nang taon ding iyon.ADP 145.1

    Buong sigasig at tiyaga niyang ipinagpatuloy ang kanyang mga gawain. Sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad ng England sa kanilang mga daungan, ang Salita ng Diyos ay lihim na nakarating sa London sa iba’t ibang kaparaanan, at mula doon ay naipakalat sa buong bansa. Tinangkang sugpuin ng mga makapapa ang katotohanan, ngunit walang nangyari. Minsan ay biniling lahat ng obispo ng Durham ang mga Biblia ng isang tagatinda ng aklat na kaibigan ni Tyndale sa layuning sirain ang lahat ng ito sa pag-aakalang mahahadlangan nito ang gawain. Ngunit kabaligtaran ang nangyari, sapagkat ang perang ibinayad sa mga ito ay naipambili ng mga materyales para sa mas bago at magandang edisyon, na kung hindi dahil dito ay hindi sana maililimbag. Nang si Tyndale ay mabilanggo pagkaraan nito, inalok sa kanya ang kalayaan kapalit ng pagbubunyag sa mga pangalan ng mga taong tumulong sa kanya sa gastusin sa paglilimbag ng kanyang mga Biblia. Isinagot niya na ang obispo ng Durham ang may pinakamalaking naitulong sa lahat; sapagkat dahil sa pagbabayad ng malaking halaga para sa mga natirang Biblia, siya’y nakapagpatuloy nang may sapat na lakas ng loob.ADP 145.2

    Si Tyndale ay ipinagkanulo sa kamay ng kanyang mga kaaway, at minsa’y nagdanas ng maraming buwan sa loob ng bilangguan. At sa wakas siya’y sumaksi para sa kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng kamatayan bilang isang martir; ngunit ang mga sandatang ginawa niya ay nakatulong sa ibang mga kawal na makipaglaban sa lahat ng dantaon hanggang sa kapanahunan pa nga natin.ADP 145.3

    Sa pulpito’y iginiit ni Latimer na ang Biblia ay dapat mabasa sa sariling wika ng mga tao. Ang May-akda ng Banal na Kasulatan, sabi niya, “ay ang Diyos mismo;” at ang Kasulatang ito ay kabahagi ng kapangyarihan at pagiging walang-hanggan ng May-Akda nito. “Walang hari, emperador, mahistrado, at pinuno...ang hindi obligadong sumunod...sa Kanyang Banal na Salita.” “Huwag tayong dumaan sa ibang daan, kundi hayaan nating patnubayan tayo ng Salita ng Diyos: huwag tayong sumunod sa...ating mga ninuno, o pagsikapan man ang kanilang mga ginawa, kundi yung kung ano ang dapat nilang ginawa.”—Hugh Latimer, “First Sermon Preached Before King Edward VI.”ADP 145.4

    Sina Barnes at Frith, ang mga tapat na kaibigan ni Tyndale, ay bumangon upang ipagtanggol ang katotohanan. Sumunod ang mga Ridley at si Cranmer. Ang mga lider na ito sa Repormasyon sa England ay mga taong may mataas na pinag-aralan, at karamihan sa kanila ay labis na kinikilala sa kapulungan ng mga Katoliko dahil sa kanilang sigasig at pagkarelihiyoso. Ang pagsalungat nila sa kapapahan ay resulta ng kanilang pagkaalam sa mga kamalian ng “banal na pangasiwaan.” Ang pagkabatid nila sa mga hiwaga ng Babilonia ay nagbigay ng higit na kapangyarihan sa kanilang mga patotoo laban dito.ADP 145.5

    “Ngayon ako’y magbibigay ng isang kakaibang tanong,” sabi ni Latimer. “Sino ang pinakamasipag at pinakamatiyagang obispo sa buong England?... Nakikita kong kayo’y nakikinig at nag-aabang na ibigay ko ang pangalan niya.... Sasabihin ko sa inyo: siya ay ang diyablo.... Siya’y hindi nawawala sa distritong sakop niya;... tawagan mo siya kung kailan mo gusto at lagi siyang nasa bahay;...lagi siyang nasa araro niya.... Hindi ninyo siya makikitang walang ginagawa, sisiguruhin ko sa inyo.... Kung saan nakatira ang diyablo,...doon ay walang mga aklat, pero may mga kandila; walang Biblia, pero may mga rosaryo; walang liwanag ng ebanghelyo, pero puno ng liwanag ng mga kandila, oo, kahit tanghaling-tapat;...laban sa krus ni Cristo, ngunit puno ng mga perang nakuha dahil sa purgatoryo,...walang pagdadamit sa mga walang-damit, sa mga mahihirap, at sa mga mahihina, ngunit panay ang paggagayak sa mga imahen at matingkad na pagpapalamuti sa mga diyus-diyosan; panay mga tradisyon at kautusan ng tao, ngunit laban sa mga kaugalian ng Diyos at sa napakabanal na Salita Niya.... O nawa’y maging masipag ang matataas nating kawani ng simbahan sa paghahasik ng mais ng tamang doktrina, na kasingsipag ni Satanas sa paghahasik ng damo at dawag!”— Ibid., “Sermon of the Plough.”ADP 146.1

    Ang dakilang prinsipyong pinanindigan ng mga Repormador na ito—na prinsipyo ring pinanghawakan ng mga Waldenses, ni Wycliffe, ni John Huss, ni Luther, ni Zwingli, at nung mga sumama sa kanila— ay ang di-nagkakamaling kapamahalaan ng Banal na Kasulatan bilang tuntunin ng pananampalataya at pamumuhay. Hindi nila kinikilala ang karapatan ng mga papa, ng mga konsilyo, ng mga Church Father, at ng mga hari, na kontrolin ang kanilang budhi sa mga bagay na may-kinalaman sa relihiyon. Ang Biblia ang kanilang sanggunian, at sa pamamagitan ng mga turo nito ay sinubok nila ang lahat ng doktrina at pag-aangkin. Ang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Salita ang umalalay sa mga banal na taong ito habang ibinubuwis nila ang kanilang mga buhay doon sa pinagsusunugan. “Laksan ninyo ang inyong loob,” ang sabi ni Latimer sa mga kapwa niya martir habang malapit nang patahimikin ng apoy ang kanilang mga tinig, “sa biyaya ng Diyos ay sisindihan natin ngayon ang isang ilawan sa England, na may tiwala akong hindi mamamatay.”— Works of Hugh Latimer, vol. 1, p. xiii.ADP 146.2

    Sa Scotland ang mga binhi ng katotohanan na inihasik ni Columba at ng mga kamanggagawa niya ay hindi lubusang nalipol. Sa loob ng daan-daang taon matapos na magpasakop sa Roma ang mga iglesya ng England, napanatili nung mga nasa Scotland ang kanilang kalayaan. Kaya lang, noong ika-12 siglo, ang kapapahan ay naging matatag dito at wala nang iba pang bansang ginamitan nito ng mas lubos na kapangyarihan. Wala nang ibang lugar na mas malalim pa ang kadiliman. Ngunit may dumating pa ring mga sinag ng liwanag na lumagos sa kadiliman, at nagbigay ng pag-asa na may darating na umaga. Ang mga Lollard na galing sa England dala ang Biblia at ang mga turo ni Wycliffe, ay malaki ang nagawa upang maingatan ang pagkaalam sa ebanghelyo, at bawat siglo ay may mga saksi at mga martir.ADP 146.3

    Sa pagsisimula ng Dakilang Repormasyon ay lumabas din ang mga sinulat ni Luther, at pagkatapos ay ang Bagong Tipan ni Tyndale sa wikang English. Hindi napansin ng pamunuan ng simbahan na tahimik na binagtas ng mga tagapagbalitang ito ang mga kabundukan at mga lambak, na muling sinisindihan ang sulo ng katotohanan na halos mamamatay na sa Scotland, at winawasak ang gawaing ginawa ng Roma sa loob ng apat na siglong pagpapahirap.ADP 146.4

    At pagkatapos, ang dugo ng mga martir ay nagbigay ng panibagong sigla sa kilusan. Ang mga lider ng kapapahan na biglang nagising sa panganib na nagbabanta sa kanilang layunin ay sinunog ang ilan sa mga pinakamararangal at kinikilalang anak ng Scotland. Ngunit para lang silang nagtayo ng pulpito, na mula dito’y narinig ng buong bansa ang mga salita ng mga naghihingalong saksing ito, na nagdudulot ng labis na tuwa sa kaluluwa ng mga tao dahil sa walang-kamatayang layunin na kalagin ang tanikala ng Roma.ADP 146.5

    Sina Hamilton at Wishart, na mala-prinsipe ang katangian at ang lahi, kasama na ang mahabang hanay ng mga mas hamak na alagad ay ibinuwis ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagkasunog. Ngunit mula sa pagkakasunog ni Wishart ay bumangon ang isang tao na hindi kayang patahimikin ng apoy, isang taong sa patnubay ng Diyos ay siyang magpapatunog sa kampana ng kamatayan ng kapapahan sa Scotland.ADP 146.6

    Si John Knox ay tumalikod na sa mga tradisyon at mga kahiwagaan ng simbahan, upang manginain sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos; at pinatibay ng mga turo ni Wishart ang determinasyon niyang talikuran ang kapulungan ng Roma at sumama sa mga inuusig na Repormador.ADP 147.1

    Nang himukin ng kanyang mga kasamahan na maging mangangaral, siya’y nanginginig na napaurong dahil sa laki ng responsibilidad nito, at saka pa lamang siya pumayag pagkatapos ng ilang araw na pagiisa at masaklap na pakikipaglaban sa sarili. Ngunit pagkatanggap sa tungkulin, siya’y nagpatuloy taglay ang napakatibay na determinasyon at walang-takot na katapangan hangga’t siya’y nabubuhay. Ang tapat na Repormador na ito ay hindi takot sa mukha ng tao. Ang apoy ng pagkamartir na nagliliyab sa paligid niya ay nagpasigla lang lalo sa kanyang sigasig. Samantalang ang palakol ng pinunong malupit ay may pagbabantang nakaamba sa kanyang ulo, siya’y nanindigan sa paglaban, na nagbibigay ng malalakas na dagok sa kaliwa’t kanan upang gibain ang pagsamba sa diyus-diyosan.ADP 147.2

    Nang siya’y iharap nang mukhaan sa reyna ng Scotland, na sa harapan nito’y humuhupa ang sigasig ng marami sa mga lider ng Protestante, si John Knox ay walang-tinag na sumaksi para sa kato-tohanan. Hindi siya makukuha ng mga paglalambing; hindi siya nasiraan ng loob sa mga pagbabanta. Inakusahan siya ng reyna ng erehiya. Tinuruan daw niya ang mga tao na tumanggap ng relihiyong ipinagbabawal ng pamahalaan, sabi ng reyna, at sa gayon ay nilabag ang utos ng Diyos sa mga tao na sundin ang mga pinuno nila. Si Knox ay buong tatag na sumagot:ADP 147.3

    “Kung paanong ang tamang relihiyon ay hindi kumuha ng orihinal nitong lakas o kapamahalaan mula sa mga pinuno sa lupa, kundi sa walang-hanggang Diyos lamang, gayundin naman, ang mga nasasakupan ay hindi obligadong bumuo ng kanilang relihiyon ayon sa kagustuhan ng kanilang mga pinuno. Dahil kadalasan na ang mga pinuno ang pinakawalang-alam sa tunay na relihiyon ng Diyos.... Kung ang naging relihiyon ng lahat ng lahi ni Abraham ay yung kay Faraon, dahil sila’y matagal na naging sakop nito, nais ko pong itanong sa inyo, madam, ano kaya ang naging relihiyon sa sanlibutan? O kung ang naging relihiyon ng lahat ng tao noong panahon ng mga apostol ay yung sa mga emperador ng Roma, anong relihiyon ang maaaring meron ngayon sa balat ng lupa?... Kaya nga po, madam, maaaring nauunawaan mo, na ang mga nasasakupan ay hindi saklaw ng relihiyon ng kanilang mga pinuno, bagaman ipinaguutos na sila’y sumunod sa kanila.”ADP 147.4

    Ang sabi ni Mary, “Ipinaliliwanag mo ang Kasulatan sa isang paraan, at sila [ang mga tagapagturo ng Romano Katoliko] ay may ibang paraan naman; sino ang paniniwalaan ko, at sino ang hahatol?”ADP 147.5

    “Paniwalaan mo ang Diyos, na maliwanag na nagsasalita sa Kanyang mga Salita,” ang sagot ng Repormador; “at kung hindi na itinuturo ng Salita sa iyo, huwag mong paniniwalaan yung isa ni yung kabila. Ang Salita ng Diyos mismo ay malinaw na; at kung meron mang parang hindi malinaw sa isang bahagi, ang Banal na Espiritu na hindi sumasalungat sa Kanyang sarili ay mas malinaw na ipinaliliwanag ang bagay ding iyon sa iba pang bahagi, upang sa ganon ay wala nang maiwang pag-aalinlangan, maliban sa mga taong matitigas ang ulo sa pananatiling walang-alam.”—David Laing, The Collected Works of John Knox, vol. 2, pp. 281, 284.ADP 147.6

    Iyan ang mga katotohanang sinalita ng walang-takot na Repormador na ito sa pakinig ng kamahalan, kahit nanganganib ang kanyang buhay. Taglay ang ganon ding walang-takot na tibay ng loob, siya’y nanatili sa kanyang layunin, na nananalangin at nakikipaglaban sa mga laban ng Panginoon, hanggang ang Scotland ay nakalaya sa kapapahan.ADP 147.7

    Sa England ang pagkakatatag ng Protestantismo bilang pambansang relihiyon ay nakabawas ngunit hindi lubusang nakapagpatigil sa pag-uusig. Bagaman marami sa mga doktrina ng Roma ang itinakwil, marami pa rin sa mga sistema nito ang pinanatili. Inayawan nila ang paghahari ng papa, ngunit kapalit niya ay iniluklok naman ang hari bilang ulo ng iglesya. Ang mga serbisyo sa simbahan ay napakalayo pa rin sa kalinisan at kasimplihan ng ebanghelyo. Ang dakilang prinsipyo ng kalayaang panrelihiyon ay hindi pa rin ngayon nauunawaan. Bagaman ang mga kakila-kilabot na kalupitang ginamit ng Roma laban sa erehiya ay bihirang ginagamit ng mga pinunong Protestante, gayunma’y hindi pa rin kinikilala ang karapatan ng bawat tao na sumamba sa Diyos ayon sa idinidikta ng kanyang budhi. Lahat ay kinakailangang tanggapin ang mga doktrina at sundin ang mga sistema ng pagsamba na itinakda ng natatag na ig-lesya. Sa loob ng daan-daang taon, ang mga tumututol ay nagdanas ng malubha o kaya’y di-gaanong malubhang pag-uusig.ADP 147.8

    Noong ika-17 siglo, libu-libong pastor ang inalis sa kanilang mga tungkulin. Ang mga tao ay pinagbawalang dumalo sa anumang pagtitipong panrelihiyon maliban sa mga pinapayagan ng iglesya, kung hindi, sila’y magmumulta nang malaki, mabibilanggo, o kaya’y paaalisin sa bansa. Yung mga tapat na kaluluwa na hindi maiwasang magtipon upang sumamba sa Diyos ay napilitang magtipon sa madidilim na eskinita, sa mga tagong silid sa pagitan ng bubong at kisame, at may mga panahong sa kakahuyan tuwing hatinggabi. Sa kumukupkop na pusod ng kagubatan, na templong sariling gawa ng Diyos, yung mga nangalat at inuusig na anak ng Panginoon ay nagtipun-tipon upang ibuhos ang kanilang kaluluwa sa pananalangin at pagpupuri sa Diyos. Ngunit sa kabila ng lahat nilang pag-iingat, marami pa rin ang nagdusa dahil sa kanilang pananampalataya. Ang mga bilangguan ay nagsiksikan. Ang mga pamilya ay nagkahiwa-hiwalay. Marami ang ipinatapon sa ibang lupain. Ngunit ang Diyos ay sumasa-Kanyang bayan, at hindi makapanaig ang pag-uusig upang patahimikin ang kanilang patotoo. Marami ang itinaboy patawid-dagat sa America at dito’y itinatag ang pundasyon ng kalayaang sibil at relihiyon na naging muog at kaluwalhatian ng bansang ito.ADP 148.1

    Muli, kagaya noong panahon ng mga apostol, ang pag-uusig ay nauwi sa pagsulong ng ebanghelyo. Sa isang nakakadiring kulungan sa ilalim ng lupa na punung-puno ng mga napakasasamang tao at mga kriminal ay nalanghap ni John Bunyan ang mismong hangin ng langit; at doon ay isinulat niya ang napakaganda niyang talinghaga tungkol sa paglalakbay ng isang manlalakbay mula sa lupain ng pagkawasak tungo sa makalangit na lunsod. Sa loob ng mahigit 200 taon ang tinig mula sa bilangguan ng Bedford ay nagsalita nang may labis na nakakatuwang kapangyarihan sa puso ng mga tao. Ang Pilgrim’s Progress at ang Grace Abounding to the Chief of Sinners na isinulat ni Bunyan ay gumabay sa paa ng maraming tao tungo sa landas ng buhay.ADP 148.2

    Sina Baxter, Flavel, Alleine, at iba pang mga taong may kakayahan, pinag-aralan, at malalim na karanasang Kristiyano, ay nagsitindig upang matapang na ipagtanggol ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal. Ang gawaing naisagawa ng mga taong ito, na pinagbabawalan at ipinapahayag na labag sa batas ng mga pinuno ng sanlibutang ito, ay hindi mawawala. Ang Fountain of Life at ang Method of Grace ni Flavel ay nagturo sa libu-libong tao kung paano itatalaga kay Cristo ang pag-iingat sa kanilang kaluluwa. Ang Reformed Pastor ni Baxter ay napatunayang pagpapala sa maraming tao na naghahangad ng rebaybal sa gawain ng Diyos, at ang aklat niyang Saints’ Everlasting Rest ay gumawa ng bahagi sa pag-akay ng mga kaluluwa sa “kapahingahang natitira para sa bayan ng Diyos.”ADP 148.3

    Makaraan ang 100 taon, noong panahon ng malaking kadilimang espirituwal, si Whitefield at ang magkapatid na Wesley ay lumitaw bilang tagapagdala ng liwanag para sa Diyos. Sa ilalim ng pamumuno ng natatag na iglesya, ang mga mamamayan ng England ay humantong sa isang kalagayan ng pagbabang espirituwal na halos katulad na ng paganismo. Ang relihiyong nakabatay sa pangangatwiran ng tao ang siyang paboritong pag-aralan ng mga ministro, at sumasaklaw sa malaking bahagi ng kanilang teolohiya. Hinahamak ng mas matataas na uri ng tao ang kabanalan, at nagmamalaking sila’y nakahihigit sa tinatawag nilang pagkapanatiko nito. Ang mga mas hamak na tao ay talagang walangalam at gumon sa bisyo, samantalang ang iglesya ay wala nang lakas ng loob o pananampalataya para alalayan pa ang bumagsak na gawain ng katotohanan.ADP 148.4

    Ang dakilang doktrina ng pag-aaring ganap sa pamamagitan ng pananampalataya na napakalinaw na itinuro ni Luther ay halos lubos nang nakalimutan; at napalitan ito ng prinsipyo ng Roma na pagtitiwala sa mabubuting gawa para maligtas. Si Whitefield at ang magkapatid na Wesley na mga miyembro ng natatag na iglesya ay mga tapat na naghahanap sa pagsang-ayon ng Diyos, at sila’y naturuan na ito’y makakamit sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay at pagsunod sa mga ordinansa ng relihiyon.ADP 148.5

    Nang minsa’y magkasakit nang malubha si Charles Wesley, at inasahang malapit na ang kanyang kamatayan, siya'y tinanong kung saan niya inilagak ang kanyang pag-asa sa buhay na walang-hanggan. Ang sagot niya ay, “Ginawa ko ang buo kong pagsisikap upang paglingkuran ang Diyos.” Ngunit dahil parang hindi kontento sa kanyang sagot ang kaibigang nagtanong, si Wesley ay napaisip, “Ano! Hindi pa ba sapat na batayan ng pag-asa ang mga pagsisikap ko? Aalisin pa ba niya sa akin ang aking mga pagsisikap? Wala na akong iba pang mapapagtiwalaan.”—John Whitehead, Life of the Rev. Charles Wesley, pahina 102. Ganyan ang kapal ng kadilimang lumukob sa iglesya, ikinukubli ang katubusan, inaagaw kay Cristo ang Kanyang kaluwalhatian, at inilalayo ang isipan ng mga tao sa nag-iisa nilang pag-asa sa kaligtasan—ang dugo ng napakong Tagapagligtas.ADP 149.1

    Naipakita kay Wesley at sa mga kasamahan niya na ang tunay na relihiyon ay nasa puso, at saklaw ng kautusan ng Diyos ang mga iniisip at ganon din ang mga salita at mga gawa. Dahil nakumbinsi sa kahalagahan ng kabanalan ng puso, at ganon din sa pagiging tama ng panlabas na kilos, maalab nilang sinimulan ang isang bagong buhay. Sa pinakamasigasig at mapanalangining pagsisikap ay nagpunyagi silang supilin ang mga kasamaan ng katutubong puso. Namuhay sila ng isang buhay ng pagtanggi sa sarili, kagandahang-loob, at kapakumbabaan, na may matinding kahigpitan at katumpakang ginagawa ang lahat ng paraan na iniisip nilang makakatulong sa kanila upang makamit ang pinakamimithi nila—ang kabanalang makapagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Ngunit hindi nila nakamit ang layuning sinisikap nilang matamo. Walang-kabuluhan ang kanilang pagpupunyagi na palayain ang kanilang sarili sa hatol ng kasalanan o kaya’y wasakin ang kapangyarihan nito. Ganon din ang pakikipagpunyaging naranasan ni Luther sa selda niya doon sa Erfurt Ganon din ang katanungang nagpahirap sa kanyang kaluluwa—“Paano magiging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos?” (Job 9:2).ADP 149.2

    Ang apoy ng banal na katotohanan, na halos mamamatay na sa mga altar ng Protestantismo, ay muling pagniningasin mula sa sinaunang ilawan na sa loob ng maraming panahon ay naipasa ng mga Kristiyanong taga-Bohemia. Pagkatapos ng Repor-masyon, ang Protestantismo sa Bohemia ay dinurog ng mga hukbo ng Roma. Ang lahat ng ayaw itakwil ang katotohanan ay napilitang umalis. Ang iba sa kanila na nakasumpong ng kanlungan sa Saxony ay iningatan doon ang sinaunang pananampalataya. Galing sa mga lahi ng mga Kristiyanong ito ang liwanag na dumating kay Wesley at sa mga kasamahan niya.ADP 149.3

    Sina John at Charles Wesley, pagkatapos na maordenahan sa pagkaministro ay isinugo sa America para sa isang misyon. Kasakay nila sa barko ang isang grupo ng mga Moravian. Sa kanilang paglalak-bay ay nakasagupa sila ng malalakas na bagyo, at nang mukhaang makaharap ang kamatayan, nadama ni John Wesley na wala siyang katiyakan ng kapayapaan sa Diyos. Taliwas nito, ang mga Moravian ay nagpakita ng kahinahunan at pagtitiwala na bago sa kanya.ADP 149.4

    “Matagal ko nang pinagmamasdan ang matinding katapatan ng kanilang mga kilos,” sabi niya. “Nagbigay sila ng walangtigil na katibayan ukol sa kanilang kapakumbabaan, sa pamamagitan ng pagganap ng mga trabaho ng alipin para sa ibang mga pasahero, na ayaw gawin ng sinumang taga-England; mga gawaing ninanais nila gayunma’y hindi tumatanggap ng bayad, na sinasabing iyon daw ay makabubuti sa mapagmalaki nilang mga puso, at higit pa raw doon ang ginawa ng mapagmahal nilang Tagapagligtas para sa kanila. At ang bawat araw ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na ipakita ang kaamuan na hindi kayang alisin ng anumang pananakit. Kapag sila’y itinulak, sinuntok, o kaya’y pinatid, sila’y babangon uli at lalayo na lamang; ngunit walang reklamong maririnig sa kanila. Nagkaroon ngayon ng pagkakataong masubukan kung sila nga’y nakalaya na sa espiritu ng takot, at ganon din sa espiritu ng kapalaluan, galit, at paghihiganti. Sa kalagitnaan ng awiting tanda ng pagsisimula ng kanilang serbisyo, ang dagat ay lumakas, pinagpunit-punit ang pangunahing layag, tinabunan ang barko, at bumuhos sa mga palapag na para bang nilamon na kami ng matinding kalaliman. Nagsimulang magtilian nang husto ang mga galing sa England. Ang mga Moravian na German ay patuloy lang sa mahinahong pag-awit. Tinanong ko ang isa sa kanila pagkaraan, ‘Hindi ka ba natakot?’ Siya’y sumagot, ‘Nagpapasalamat ako sa Diyos at hindi naman.’ Itinanong ko, ‘Pero hindi ba natakot ang inyong mga kababaihan at mga bata?’ Siya’y malumanay na sumagot, ‘Hindi; ang aming mga kababaihan at mga bata ay hindi natatakot mamatay.’ “—Whitehead, Life of the Rev. John Wesley, pahina 10.ADP 149.5

    Pagkarating sa Savannah ay saglit na nakitira si Wesley sa mga Moravian, at malalim na napahanga ng kanilang Kristiyanong paguugali. Tungkol sa isa sa mga serbisyong panrelihiyon nila, na kapansin-pansin ang pagkakaiba sa walang-siglang seremonya ng Church of England, ay isinulat niya: “Ang malaking kasimplihan at ang kataimtiman ng kabuuang serbisyo ay halos magpalimot sa akin sa nakapagitang 17 dantaon, at aking inilalarawan sa isip ko na ako’y kasama doon sa isa sa mga pagpupulong na iyon na walang seremonya at karingalan; kundi si Pablo na tagagawa ng tolda, o kaya’y si Pedro na mangingisda ang nangunguna; ngunit may pagpapamalas ng Espiritu at kapangyarihan.”—Ibid., pahina 11, 12.ADP 150.1

    Pagbalik niya sa England, si Wesley dahil sa pagtuturo ng isang mangangaral na Moravian ay nagkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa pananampalataya ng Biblia. Siya ay nakumbinsi na dapat niyang itakwil ang lahat niyang pagtitiwala sa sarili niyang mga gawa para maligtas, at dapat na lubusang magtiwala sa “Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Sa isang pagtitipon ng samahan ng mga Moravian sa London, isang pahayag mula sa sinulat ni Luther ang binasa, na naglalarawan sa pagbabagong ginagawa ng Espiritu ng Diyos sa puso ng mananampalataya. Habang nakikinig si Wesley, ang pananampalataya ay nag-alab sa kanyang kaluluwa. “Nadama kong nagkaroon ng kakaibang init ang aking puso,” sabi niya. “Nadama kong ako’y talagang nagtiwala kay Cristo at kay Cristo lamang para sa kaligtasan: at isang katiyakan ang ibinigay sa akin, na inalis na Niya ang aking mga kasalanan, ang mga kasalanan ko talaga, at iniligtas ako mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.”—Ibid., pahina 52.ADP 150.2

    Sa loob ng mahahabang taon ng nakakapagod at malungkot na pakikipagpunyagi—mga taon ng mahigpit na pagtanggi sa sarili, pagkakasisi at kahihiyan—si Wesley ay matatag na nanghawak sa nag-iisang layunin niya na hanapin ang Diyos. Ngayo’y natagpuan na niya Siya; at natuklasan niya na ang biyaya na pinaghihirapan niyang makuha sa pamamagitan ng pananalangi’t pag-aayuno, paglilimos, at pagkakait sa sarili, ay isa palang kaloob, “hindi kailangan ng pera at walang presyo.”ADP 150.3

    At nang maging matatag sa pananampalataya ni Cristo, ang buo niyang kaluluwa ay nag-alab sa hangaring ipakalat kahit saan ang pagkaalam sa maluwalhating ebanghelyo ng walang-bayad na biyaya ng Diyos. “Nakikita ko ang buong sanlibutan bilang parokya ko,” sabi niya; “saanmang bahagi nito, sa tingin ko’y nararapat, tama at katungkulan ko, na ipahayag sa lahat ng gustong makinig ang mabuting balita ng kaligtasan.”—Ibid., pahina 74.ADP 150.4

    Ipinagpatuloy niya ang mahigpit niyang pamumuhay at pagtanggi sa sarili, hindi bilang batayan, kundi bilang resulta ng pananampalataya; hindi bilang ugat, kundi bunga ng kabanalan. Ang biyaya ng Diyos kay Cristo ay siyang saligan ng pag-asa ng mga Kristiyano, at ang biyayang ito ay mahahayag sa pagsunod. Itinalaga ni Wesley ang kanyang buhay sa pangangaral ng mga dakilang katotohanang natanggap niya—ang pag-aaring ganap sa pamamagitan ng pananampalataya sa tumutubos na dugo ni Cristo, at ang bumabagong kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa puso, na nagbubunga ng isang buhay na kaayon ng halimbawa ni Cristo.ADP 150.5

    Si Whitefield at ang magkapatid na Wesley ay inihanda sa kanilang gawain ng matagal at matitinding personal na pagkadama sa sarili nilang napapahamak na kalagayan; at upang matiis nila ang kahirapan bilang mabubuting kawal ni Cristo, sila’y pinaranas ng mahihigpit na pagsubok ng paghamak, panunuya, at paguusig, kapwa sa pamantasan at nang sila’y pumasok na sa ministeryo. Sila at ang ilan pang ibang nakiisa sa kanila ay mapanlait na tinawag na mga Methodist ng mga hindi maka-Diyos nilang kaeskuwela—isang pangalang hanggang ngayon ay itinuturing na marangal ng isa sa mga pinakamalaking denominasyon sa England at America.ADP 150.6

    Bilang mga kaanib ng Church of England sila’y may matibay na kaugnayan sa mga sistema ng pagsamba nito, ngunit ipinakita sa kanila ng Panginoon sa Kanyang Salita ang mas mataas na pamantayan. Hinimok sila ng Banal na Espiritu na ipangaral si Cristo, at Siya na ipinako sa krus. Ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay sumama sa kanilang mga paglilingkod. Libu-libo ang nakadama ng pagiging makasalanan at tunay na nahikayat. Kinailangan na ang mga tupang ito ay maingatan mula sa mga naninilang asong-gubat. Hindi inisip ni Wesley na magtayo ng isang bagong denominasyon, ngunit sila’y binuo niya sa ilalim ng tinatawag na Methodist Connection.ADP 151.1

    Nakakapagtaka at napakahirap ng mga pagsalungat na nakasagupa ng mga mangangaral na ito mula sa natatag na iglesya; ngunit sa Kanyang karunungan ay pinangibabawan pa rin ng Diyos ang mga pangyayari upang papagsimulain ang reporma sa loob mismo ng iglesya. Kung lubos itong nanggaling sa labas, hindi sana ito nakapasok kung saan ito kailangang-kailangan. Ngunit dahil ang mga mangangaral ng rebaybal ay mga ministro, at gumagawa sa loob ng nasasaklaw ng iglesya kapag may pagkakataon, ang katotohanan ay nakapasok sa mga pintuan na nanatili sanang sarado. Ang iba sa mga ministro ay nagising sa kanilang moral na kawalang-malasakit at naging masisigasig na mangangaral sa sarili nilang nasasakupan. Ang mga iglesyang pinatigas ng sobrang seremonya ay mabilis na nagkaroon ng buhay.ADP 151.2

    Noong panahon ni Wesley, gaya rin sa lahat ng panahon sa kasaysayan ng iglesya, ay ginampanan ng mga taong may iba’t ibang kaloob ang gawaing itinalaga sa kanila. Hindi sila nagkakasundo sa lahat ng bahagi ng doktrina, ngunit lahat ay kinilos ng Espiritu ng Diyos, at nagkakaisa sa nakakawiling layunin na makahikayat ng mga kaluluwa kay Cristo. Ang magkakaibang pananaw nina Whitefield at ng mga Wesley minsan ay nagbantang lumikha ng pagkakalayo ng kanilang damdamin; ngunit habang natututo sila ng kaamuan sa paaralan ni Cristo ay pinagkasundo sila ng kahinahunan at pag-ibig sa isa’t isa. Wala silang panahon para magtalo samantalang ang kamalian at kasamaan ay sumasagana kahit saan, at ang mga makasalanan ay napapahamak.ADP 151.3

    Tinahak ng mga lingkod ng Diyos ang baku-bakong daan. Ginamit ng mga makapangyarihan at may pinag-aralang tao ang kanilang impluwensya laban sa kanila. Pagkaraan ng ilang panahon, marami sa mga ministro ang nagpakita ng disididong pagtutol, at ang mga pintuan ng mga simbahan ay isinara sa dalisay na pananampalataya at sa mga nangangaral nito. Ang ginagawang pagtuligsa sa kanila ng mga ministro mula sa pulpito ay pumukaw sa mga elemento ng kadiliman, kawalang-alam, at kasamaan. Paulit-ulit na naligtasan ni John Wesley ang kamatayan sa dahil sa himala ng kaawaan ng Diyos. Nang sulsulan laban sa kanya ang galit ng mga tao at parang hindi na siya makakaligtas pa, isang anghel na nasa anyong tao ang lumapit sa kanyang tabi, ang mga tao ay napaurong, at ang lingkod ni Cristo ay ligtas na nakalampas sa lugar ng panganib.ADP 151.4

    Tungkol sa pagkakaligtas sa kanya sa nagagalit na mga tao, sa isa sa mga ganitong pangyayari, ay sinabi ni Wesley: “Marami ang nagsikap na itumba ako habang kami’y papalusong sa isang burol sa madulas na daanan patungo sa bayan; at iniisip rin na kapag ako’y natumba na ay hindi na ako makakabangon pa. Ngunit ako’y hindi nadapa, ni nadulas man lang, hanggang sa ako’y tuluyang makawala sa kanila.... Bagaman marami ang nagsikap na mahawakan ang aking kuwelyo o damit para hilahin ako pababa, hindi nila ito makapitan: isa lang ang mabilis na nakahawak sa takip ng bulsa ng aking damit, na agad na naiwan sa kanyang kamay; yung kabilang takip ng bulsang may lamang kuwartang papel ay napunit din pero kalahati lang ang natanggal.... Isang matipunong lalaki na nasa likod ko lang mismo, ang ilang beses na ako’y hinampas ng malaking patpat na yari sa kahoy na oak; na kung tinamaan lang sana niya ako nang isang beses sa aking batok ay wala na sana siyang problema pa. Ngunit ang bawat palo ay sumasablay; hindi ko alam kung paano nangyari; dahil hindi naman ako makakibo pakanan o pakaliwa.... May isa pang tao na sumugod sa akin galing sa mga nagsisiksikang tao, at nakaamba na ang kamay niya para manuntok, nang bigla na lang itong ibinaba, at hinaplos lang ang ulo ko, na sinasabi, Anlambot ng buhok niya!’... Ang pinakaunang mga tao na nakilos ang puso ay yung mga bida ng mga taong-bayan, yung mga namumuno sa magugulong mga tao sa lahat ng pagkakataon, isa pa nga sa kanila ay dating boksingero sa mga ruweda ng paglalaban....ADP 151.5

    “Napakabuti talaga ng pagkakahanda ng Diyos sa amin para sa Kanyang kalooban! Dalawang taon na ang nakakaraan, isang bato ang gumalos sa aking balikat. Pagkatapos naman ng isang taon, isang bato rin ang tumama sa pagitan ng aking mga mata. Noong nakaraang buwan ay nakatanggap ako ng isang suntok, at ngayong gabi ay dalawa, isa bago kami pumunta sa bayan, at isa nang kami’y makaalis na; ngunit ang dalawang ito’y parang bale-wala lang: sapagkat bagaman sinuntok ako nung isang tao sa aking dibdib nang buong lakas niya, at yung isa naman ay sa aking bibig anupa’t agad na umagos ang dugo dahil sa tindi ng suntok, wala akong naramdamang sakit sa dalawang suntok na ito, na para bang hinampas lamang nila ako ng dayami.”—John Wesley, Works, vol. 3, pp. 297, 298.ADP 152.1

    Ang mga Methodist noong mga unang panahon na iyon—ang mga kaanib pati na ang mga mangangaral—ay nagtiis ng panlalait at pang-uusig mula sa mga kaanib ng iglesya at ganon din sa mga taong lantarang walang-relihiyon na nagalit dahil sa maling pagkakilala sa kanila. Sila’y inihabla sa mga hukuman ng katarungan—na naturingan lamang, dahil bihira ang katarungan noong panahong iyon. Madalas na sila’y nagdaranas ng mga karahasan mula sa mga umuusig sa kanila. Ang mga tao ay nagbabahaybahay, sinisira ang mga kasangkapan at ari-arian, kinukuha ang anumang mapili nila, at marahas na pinagmamalupitan ang mga lalaki, babae at pati na ang mga bata. May mga pagkakataon na nagpapaskil pa ng mga patalastas sa publiko, na nananawagang magtipon sa nakasaad na oras at lugar yung mga gustong tumulong sa pagwasak ng mga bintana at pagnanakaw sa mga bahay ng mga Methodist Ang mga lantarang paglabag na ito kapwa sa kautusan ng tao at ng Diyos ay binabayaang mangyari nang hindi sinasaway. Isang sistematikong pag-uusig ang ipinagpatuloy laban sa mga tao na ang tanging kasalanan ay ang sikaping maibaling ang mga paa ng mga makasalanan mula sa landas ng kapahamakan tungo sa landas ng kabanalan.ADP 152.2

    Ang sabi ni John Wesley tungkol sa mga paratang laban sa kanya at sa mga kasamahan niya: “May mga nagsasabi na ang mga doktrina raw ng mga taong ito ay hindi totoo, mali, at masyadong masigasig; na bago pa lang daw ang mga ito at hindi pa naririnig hanggang noong kamakailan lang; na ito raw ay Quakerismo, panatismo, at Katolisismo. Ang buong kasinungalingang ito ay nabunot na sa ugat, dahil naipakita na sa karamihan na ang bawat sanga ng doktrinang ito ay purong doktrina ng Kasulatang ipinaliliwanag ng sarili nating iglesya. Kung gayon, ito’y hindi maaaring maging mali o kaya'y hindi totoo, kung talagang totoo ang Kasulatan.” “May ibang nagsasabing, ‘Napakahigpit naman ng kanilang doktrina; masyado nilang pinakikipot ang daan patu-ngo sa langit.’ At sa katunayan ay ito ang talaga nilang tutol, (na kung minsan ay halos ito lang talaga) at lihim na sanhi ng libulibong iba pa, na merong iba’t ibang anyo. Ngunit pinakikipot ba nila ang daan patungo sa langit nang higit kaysa sa ginawa ng ating Panginoon at ng mga apostol? Mas mahigpit pa ba ang kanilang doktrina kaysa sa Biblia? Isaalang-alang lang ninyo ang ilang malilinaw na talata: ‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, nang buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo.’ ‘Sapagkat ang bawat walang kabuluhang salita na bibigkasin ng mga tao, ay pananagutan nila sa araw ng paghuhukom.’ ‘Kung kayo’y kumakain man, o umiinom man, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.’ADP 152.3

    “Kung mas mahigpit pa rito ang kanilang doktrina, sila’y dapat na sisihin; ngunit sa inyong budhi ay alam ninyong hindi naman ganito. At sino ang makakapagpaluwag nang katiting nang hindi pinasasama ang Salita ng Diyos? Maaari bang maging tapat ang sinumang katiwala ng mga hiwaga ng Diyos kung babaguhin niya ang alinmang bahagi ng banal na Kasulatan? Hindi. Wala siyang maibabawas na anuman, wala siyang maaaring palambutin; siya’y pinipilit na ipahayag sa lahat ng tao, ‘Hindi ko maaaring ibaba ang Kasulatan sa inyong panlasa. Kayo ay dapat na umakyat dito o kaya’y mapahamak na lang magpakailanman.’ Ito ang talagang dahilan nung isa pang laganap na angal tungkol sa “pagiging maramot ng mga taong ito.’ Maramot, siya nga ba? Sa anong dahilan? Hindi ba nila pinakakain ang mga nagugutom at dinadamitan ang mga hubad? Hindi; hindi iyan ang pinaguusapan: hindi sila nagkukulang sa bagay na ito: kundi sila’y napakaramot dahil sa paghatol! Iniisip nila na walang maliligtas maliban doon sa mga nasa sariling panig nila.’ “—Ibid., vol. 3, pp. 152, 153.ADP 152.4

    Ang malaking bahagi ng espirituwal na pagbaba na lumitaw sa England bago dumating si Wesley ay resulta ng turo ng mga Antinomian. Marami ang naggigiit na inalis na raw ni Cristo ang kautusang moral, at kung gayon, ang mga Kristiyano ay wala na raw obligasyon na sundin pa ang mga ito; na ang mananampalataya ay pinalaya na raw sa “pang-aalipin ng mabubuting gawa.” Ang iba naman, bagaman tinatanggap ang habampanahong pag-iral ng kautusan, ay nagsasabing hindi na kailangan pang himukin ng mga ministro ang mga tao na sundin ang mga tuntunin nito, dahil yung mga hinirang ng Diyos sa kaligtasan ay “aakaying mamuhay sa kabanalan at kabutihan ng di-malalabanang udyok ng banal na biyaya,” samantalang yung mga nahatulan sa walanghanggang sumpa “ay walang kapangyarihang sundin ang banal na kautusan.”ADP 153.1

    Ang iba naman, na naniniwala din na “ang mga hinirang ay hindi na mahuhulog pa mula sa biyaya, ni mawawala sa kanila ang banal na pagsang-ayon,” ay humantong sa mas kakila-kilabot na kuru-kuro na “ang masasamang gawain daw na ginagawa nila ay hindi talaga masama, ni dapat ipalagay na paglabag sa banal na kautusan, at dahil dito’y wala silang pangangailangang ipahayag ang kanilang mga kasalanan o tigilan na ang mga ito sa pamamagitan ng pagsisisi.”—McClintock and Strong, Cyclopedia, art. “Antinomians.” Kung kaya’t sinabi nila na kahit daw ang isang pinakamasamang kasalanan, “na itinuturing ng buong mundo na isang napakabigat na paglabag sa banal na kautusan, ay hindi raw kasalanan sa paningin ng Diyos,” kung ang nakagawa ay isa sa mga hinirang, “dahil ang isang pangunahin at pagkakakilanlang katangian ng hinirang ay yung hindi sila nakakagawa ng anumang hindi nagugustuhan ng Diyos o kaya’y ipinagbabawal ng kautusan.”ADP 153.2

    Ang mga di kapani-paniwalang doktrinang ito ay talagang kapareho rin ng mga itinuturo ng mga kilalang tagapagturo at mga teologo nang bandang huli—na walang banal na kautusang di-nagbabago bilang pamantayan ng katuwiran, kundi ang pamantayang iyan ng moralidad ay itinuturo na ng lipunan mismo, at laging maaaring magbago. Lahat ng ideyang ito ay dulot ng iisang punong-espiritu—ni Satanas na kahit doon pa man sa mga walang-kasalanang naninirahan sa langit ay sinimulan na ang kanyang pagsisikap na gibain ang mga matuwid na pagbabawal ng kautusan ng Diyos.ADP 153.3

    Ang doktrina tungkol sa banal na kautusan, na walang-pagbabagong nagtatakda sa karakter ng mga tao, ang dahilan upang sadyang itakwil ng marami ang kautusan ng Diyos. Matatag na nilabanan ni Wesley ang mga pagkakamali ng mga tagapagturong Antinomian, at ipinakita na ang doktrinang ito na nauwi sa Antinomianismo ay salungat sa Kasulatan. “Nagpakita ang biyaya ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng tao” (Tito 2:11). “Ito’y mabuti at katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos na ating Tagapagligtas; na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas at makarating sa pagkakilala ng katotohanan. Sapagkat may isang Diyos at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus; na ibinigay ang Kanyang sarili na pantubos sa lahat” (1 Timoteo 2:3-6). Ang Espiritu ng Diyos ay malayang ipinagkaloob upang mapanghawakan ng bawat tao ang paraan ng kaligtasan. Kaya’t si Cristo, “ang tunay na Ilaw” ay “tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan” (Juan 1:9). Ang mga tao ay hindi ng nagtatamo ng kaligtasan dahilan sa sarili nilang matigas na pagtanggi sa kaloob na buhay.ADP 153.4

    Bilang tugon sa sinasabi nila na winalang-bisa na raw ang mga alituntunin ng Sampung Utos kasama ng kautusan ukol sa mga seremonya noong mamatay si Cristo, si Wesley ay nagsabi: “Ang kautusang moral, na nakapaloob sa Sampung Utos at ipinatupad ng mga propeta ay hindi Niya inalis. Hindi layunin ng Kanyang pagparito ang ipawalang-bisa ang alinmang bahagi nito. Ito’y kautusang hindi maaaring sirain, na ‘nakatayong matatag bilang tapat na saksi doon sa langit.’... Ito’y mula pa noong pasimula ng sanlibutan, na ‘nakasulat hindi sa mga tapyas ng bato,’ kundi sa puso ng lahat ng anak ng tao, nang sila’y likhain ng mga kamay ng Manlalalang. At kahit na ang mga titik na noo’y sinulat ng mga daliri ng Diyos ay lubha nang sinira ngayon ng kasalanan, ang mga ito’y hindi pa rin lubusang mapapawi, hangga’t tayo’y may pagkaalam sa mabuti at masama. Ang lahat ng bahagi ng kautusang ito ay dapat manatiling umiiral sa lahat ng sangkatauhan, at sa lahat ng panahon; at hindi nakasalalay sa panahon o sa lugar, o anumang ibang pangyayari na maaaring magbago, kundi sa likas ng Diyos, at sa likas ng tao, at sa hindi magbabago nilang kaugnayan sa isa’t isa.ADP 153.5

    ” ‘Pumarito Ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin.’... Walang-duda na ang ibig Niyang sabihin sa bahaging ito (na kaayon din ng lahat ng sinundan at ng mga kasunod) ay—pumarito Ako upang ito’y pagtibayin sa kabuuan nito, sa kabila ng lahat ng pagpapaimbabaw ng mga tao: pumarito Ako upang ipakita nang buo at malinaw ang anumang madilim o malabo na nandoon: pumarito Ako upang ipahayag ang tunay at buong kahulugan ng bawat bahagi nito; upang ipakita ang haba at luwang, ang buong saklaw ng bawat kautusang nakapaloob dito, at ang taas at lalim, ang hindi matarok na kalinisan at kabanalan nito sa lahat ng sangay nito.”—Wesley, sermon 25.ADP 154.1

    Inihayag ni Wesley ang ganap na pagkakasundo ng kautusan at ng ebanghelyo. “Kung gayon, ay may maiisip na pinakamalapit na kaugnayan sa pagitan ng kautusan at ng ebanghelyo. Sa isang banda, ang kautusan ay laging nagbibigay-daan at nagtuturo sa atin sa ebanghelyo; sa kabila naman, ang ebanghelyo ay laging umaakay sa atin sa isang mas tumpak na pagtupad sa kautusan. Ipinag-uutos sa atin ng kautusan, halimbawa, na ibigin ang Diyos, ibigin ang ating kapwa, maging maamo, mapagpakumbaba, o banal. Nadarama natin na wala tayong kakayahan sa mga bagay na ito; opo, na ‘sa tao, ito’y hindi maaaring mangyari:’ ngunit nakikita natin ang pangako ng Diyos na bibigyan Niya tayo ng pag-ibig na iyon, at gagawin tayong mapagpakumbaba, maamo, at banal: pinanghahawakan natin ang ebanghelyong ito, ang mabubuting balitang ito; ito’y tinutupad sa atin ayon sa ating pananampalataya, at ‘ang makatuwirang itinakda ng kautusan ay matupad sa atin’ sa pamamagitan ng pananampalatayang nakay Cristo Jesus....ADP 154.2

    “Sa mga nangungunang kaaway ng ebanghelyo ni Cristo,” sabi ni Wesley, “ay may mga lantaran at malinaw na ‘humahatol sa kautusan’ mismo, at ‘nagsasalita ng masama sa kautusan;’ na nagtuturo sa mga tao na labagin (buwagin, tanggalin, kalasin ang obligasyon) hindi lamang sa isa, sa pinakamaliit man o sa pinakamalaki, kundi sa buong kautusan na kaagad.... Ang lubhang nakapagtataka sa lahat ng pangyayari na kasama ng matinding pagkalinlang na ito, ay talagang naniniwala yung mga sugapa sa gawaing ito, na pinararangalan nila si Cristo sa pamamagitan ng pagpapabagsak sa Kanyang kautusan, at binibigyan nila ng labis na pagpapahalaga ang Kanyang tungkulin habang winawasak nila ang Kanyang doktrina! Oo, pinararangalan nila Siya gaya ni Judas nang sabihin niya, “Mabuhay ka Panginoon, at kanyang hinagkan Siya.’ At marapat din namang masasabi Niya sa bawat isa sa kanila, ‘Ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?’ Wala nang iba kundi pagkakanulo sa Kanya sa pamamagitan ng isang halik, ang gawing paksa ang Kanyang dugo, at pagkatapos ay kukunin ang Kanyang korona; ang walaing-halaga ang alinmang bahagi ng Kanyang kautusan sa pagkukunwaring isinusulong ang Kanyang ebanghelyo. Ang responsibilidad na ito ay hindi talaga matatakasan ng sinuman, na nangangaral ng pananampalataya sa ganong paraan, na tuwiran o di-tuwirang nagsasaisantabi sa anumang sangay ng pagsunod: na ipinangangaral si Cristo upang ipawalangsaysay, o parupukin sa anumang paraan, ang pinakamaliit sa mga kautusan ng Diyos”—Ibid.ADP 154.3

    Sa mga naggigiit na “ang pangangaral raw ng ebanghelyo ang tumutugon sa lahat ng layunin ng kautusan,” ay sumagot si Wesley: “Ito’y lubusan naming pinasisinungalingan. Hindi nito tinutugunan ang pinakaunang layunin ng kautusan, at ito ay ang pagpapadama sa tao ng pagiging makasalanan niya, ang paggising doon sa mga natutulog pa rin sa bingit ng impiyerno.” Sinasabi ni apostol Pablo na “sa pamamagitan kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan;” “at hangga’t hindi nadadama ng tao ang pagiging makasalanan niya, ay hindi rin niya tunay na madarama ang pangangailangan niya sa tumutubos na dugo ni Cristo.... ‘Ang mga walang sakit,’ gaya ng napansin ng ating Panginoon mismo, ‘ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.’ Katawa-tawa kung gayon, na alukin ng manggagamot yung mga walang sakit, o kaya’y iniisip na sila’y walang sakit. Dapat mo muna silang mapaniwala na sila’y may sakit; kung hindi ay hindi ka rin nila pasasalamatan sa iyong paglilingkod. Katawa-tawa din naman ang ialok si Cristo sa mga taong ang puso ay buo, na ang puso ay hindi pa nadudurog.”— Ibid., sermon 35.ADP 154.4

    Kaya samantalang ipinangangaral ang biyaya ng Diyos, si Wesley, tulad ng kanyang Panginoon, ay nagsikap na “dakilain ang kautusan at gawing marangal.” May katapatan niyang ginampanan ang gawaing ibinigay sa kanya ng Diyos, at maluwalhati ang mga naging bunga na pinahintulutang makita niya. Sa pagtatapos ng kanyang mahabang buhay na mahigit 80 taon—na higit sa 50 taon nito’y ginugol sa paglilingkod na naglilibot—ang bilang ng mga tapat na tagasunod niya ay higit na sa kalahating milyong kaluluwa. Ngunit ang napakaraming tao na sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod ay naiahon mula sa pagpapahamak at pagpapasama ng kasalanan tungo sa isang mas mataas at malinis na pamumuhay, at ang bilang nung mga taong sa pamamagitan ng kanyang turo ay nagtamo ng mas malalim at mas mayamang karanasan, ay hindi malalaman hanggang sa ang buong sambahayan ng mga natubos ay magkatipon sa kaharian ng Diyos. Ang kanyang buhay ay nagbibigay sa bawat Kris-tiyano ng isang liksyong walang-katumbas ang kahalagahan. Nawa’y makita sa mga iglesya ngayon ang pananampalataya at kaamuan, ang walang-pagod na sigasig, ang pagsasakripisyo sa sarili, at ang pagtatalaga ng lingkod na ito ni Cristo!ADP 155.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents